Old/New Testament
Naghiwalay sina Abram at Lot
13 Umahon sa Negeb mula sa Ehipto si Abram, ang kanyang asawa, dala ang lahat ng kanyang pag-aari, at si Lot.
2 At si Abram ay napakayaman sa hayop, pilak, at ginto.
3 Nagpatuloy si Abram ng kanyang paglalakbay mula sa Negeb hanggang sa Bethel, hanggang sa dakong kinaroroonan ng kanyang tolda sa pagitan ng Bethel at ng Ai;
4 sa lugar ng dambana na kanyang ginawa roon nang una; at doon ay tinawag ni Abram ang pangalan ng Panginoon.
5 Si Lot na sumama kay Abram ay mayroon ding mga tupa, baka, at mga tolda.
6 Hindi makayanan ng lupain na sila'y manirahang magkasama sapagkat napakarami ng kanilang pag-aari.
Paghiwalay kay Lot
7 At nagkaroon ng pagtatalo ang mga pastol ng hayop ni Abram at ang mga pastol ng hayop ni Lot. Ang Cananeo at ang Perezeo ay naninirahan noon sa lupain.
8 Sinabi ni Abram kay Lot, “Huwag na tayong magkaroon ng pagtatalo, maging ang ating mga pastol, sapagkat tayo'y magkapatid.
9 Di ba nasa harapan mo ang buong lupain? Humiwalay ka sa akin. Kapag kinuha mo ang nasa kaliwa, ako ay pupunta sa kanan; o kapag kinuha mo ang nasa kanan, ako ay pupunta sa kaliwa.”
10 Inilibot(A) ni Lot ang kanyang paningin, at natanaw niya ang buong libis ng Jordan na pawang natutubigang mabuti gaya ng halamanan ng Panginoon, gaya ng lupain ng Ehipto, sa gawi ng Zoar; ito ay bago winasak ng Panginoon ang Sodoma at Gomorra.
11 Kaya't pinili ni Lot para sa kanya ang buong libis ng Jordan; at si Lot ay naglakbay sa silangan at sila'y kapwa naghiwalay.
12 Nanirahan si Abram sa lupain ng Canaan, at si Lot ay nanirahan sa mga bayan ng libis, at inilipat ang kanyang tolda hanggang sa Sodoma.
13 Ang mga tao nga sa Sodoma ay napakasama at makasalanan sa harap ng Panginoon.
Nagtungo si Abram sa Hebron
14 Sinabi ng Panginoon kay Abram pagkatapos na humiwalay si Lot sa kanya, “Itaas mo ngayon ang iyong paningin, at tumanaw ka mula sa dakong iyong kinalalagyan, sa dakong hilaga, timog, silangan, at sa kanluran;
15 sapagkat(B) ang buong lupaing natatanaw mo ay ibibigay ko sa iyo, at sa iyong binhi magpakailanman.
16 Gagawin kong parang alabok ng lupa ang iyong binhi, at kung mabibilang ng sinuman ang alabok ng lupa, ang iyong binhi ay mabibilang din.
17 Tumindig ka! Lakarin mo ang lupain, ang kanyang haba at luwang sapagkat ibibigay ko ito sa iyo.”
18 At inilipat ni Abram ang kanyang tolda, at humayo at nanirahan sa gitna ng mga punong ensina ni Mamre na nasa Hebron, at siya'y nagtayo roon ng dambana sa Panginoon.
Iniligtas ni Abram si Lot
14 Nang mga araw ni Amrafel, hari ng Shinar, ni Arioc na hari ng Elasar, ni Kedorlaomer na hari ng Elam, at ni Tidal na hari ng mga Goiim,
2 ang mga ito ay nakipagdigma laban kay Bera na hari ng Sodoma, kay Birsha na hari ng Gomorra, kay Shinab na hari ng Adma, kay Shemeber na hari ng Zeboyin, at ng hari sa Bela na si Zoar.
3 Silang lahat ay nagsama-sama sa libis ng Siddim na siyang Dagat na Patay.
4 Labindalawang taon silang naglingkod kay Kedorlaomer, at sa ikalabintatlong taon ay naghimagsik.
5 Sa ikalabing-apat na taon ay dumating si Kedorlaomer at ang mga haring kasama niya, at nilupig ang mga Refaim sa Astarot-carnaim, ang mga Zuzita sa Ham, ang mga Emita sa Save-Kiryataim,
6 at ang mga Horeo sa kanilang kabundukan ng Seir hanggang Elparan na nasa tabi ng ilang.
7 Pagkatapos, sila'y bumalik at tumungo sa Enmispat (na siyang Kadesh), at kanilang nilupig ang buong lupain ng mga Amalekita at pati ng mga Amoreo na nakatira sa Hazazon-tamar.
8 At lumabas ang mga hari ng Sodoma, Gomorra, Adma, Zeboyin, Bela na si Zoar; at sila'y sumama sa pakikidigma sa libis ng Siddim
9 laban kay Kedorlaomer na hari ng Elam, kay Tidal na hari ng mga Goiim, kay Amrafel na hari ng Shinar, at kay Arioc na hari ng Elasar; apat na hari laban sa lima.
10 Ang libis ng Siddim ay punô ng hukay ng betun, at nang tumakas ang mga hari ng Sodoma at ng Gomorra, ang ilan ay nahulog doon, at ang natira ay tumakas sa kabundukan.
11 At kanilang sinamsam ang lahat ng pag-aari at pagkain ng Sodoma at Gomorra, at saka umalis.
12 Dinala nila si Lot na anak ng kapatid ni Abram, na nakatira sa Sodoma, at ang kanyang mga pag-aari at sila'y umalis.
13 At dumating ang isang nakatakas at ibinalita kay Abram na Hebreo na naninirahan sa mga puno ng ensina ni Mamre na Amoreo, kapatid nina Escol at Aner. Ang mga ito ay mga kakampi ni Abram.
14 Nang marinig ni Abram na nabihag ang kanyang kamag-anak, pinangunahan niya ang kanyang tatlong daan at labingwalong mga sanay na tauhan na ipinanganak sa kanyang bahay, at kanilang hinabol sila hanggang sa Dan.
15 Kinagabihan, sila'y nagpangkat-pangkat laban sa kaaway, siya at ang kanyang mga alipin, at sila'y kanilang ginapi at hinabol sila hanggang sa Hoba na nasa hilaga ng Damasco.
16 At iniuwi niya ang lahat ng pag-aari, gayundin si Lot na kanyang kamag-anak at ang kanyang mga pag-aari, at ang mga kababaihan at ang taong-bayan.
Binasbasan ni Melquizedek si Abram
17 Siya'y sinalubong ng hari ng Sodoma pagkatapos na siya'y bumalik mula sa pagkatalo ni Kedorlaomer, at sa mga haring kasama niya sa libis ng Shave (na siyang libis ng hari).
18 At(C) si Melquizedek, hari ng Salem na pari ng Kataas-taasang Diyos,[a] ay naglabas ng tinapay at alak.
19 Siya'y kanyang binasbasan na sinabi, “Pagpalain si Abram ng Kataas-taasang Diyos, na lumikha ng langit at ng lupa;
20 at purihin ang Kataas-taasang Diyos, na nagbigay ng iyong mga kaaway sa iyong kamay.” At binigyan siya ni Abram ng ikasampung bahagi ng lahat.
21 Sinabi ng hari ng Sodoma kay Abram, “Ibigay mo sa akin ang mga tao at kunin mo ang mga ari-arian para sa iyong sarili.”
22 Sinabi ni Abram sa hari ng Sodoma, “Ako'y sumumpa sa Panginoong Diyos na Kataas-taasan, na lumikha ng langit at ng lupa,
23 na hindi ako kukuha kahit isang sinulid, o isang panali ng sandalyas, o ng anumang para sa iyo, baka iyong sabihin, ‘Pinayaman ko si Abram.’
24 Wala akong kukunin, maliban sa kinain ng mga kabataang lalaki at ang bahagi ng mga lalaking sumama sa akin—sina Aner, Escol, at Mamre. Ibigay mo sa kanila ang kanilang bahagi.”
Ang Tipan ng Diyos kay Abram
15 Pagkatapos ng mga bagay na ito, dumating ang salita ng Panginoon kay Abram sa isang pangitain, “Huwag kang matakot, Abram; ako ang iyong kalasag, ang iyong gantimpala ay magiging napakadakila.”
2 Ngunit sinabi ni Abram, “O Panginoong Diyos, anong ibibigay mo sa akin, yamang ako'y patuloy na walang anak at ang tagapagmana ng aking bahay ay si Eliezer ng Damasco?”
3 At sinabi ni Abram, “Hindi mo ako binigyan ng anak at isang alipin na ipinanganak sa aking bahay ang magiging tagapagmana ko.”
4 Ngunit ang salita ng Panginoon ay dumating sa kanya, “Hindi ang taong ito ang magiging tagapagmana mo; ang iyong sariling anak ang magiging tagapagmana mo.”
5 Siya'y(D) dinala niya sa labas at sinabi, “Tumingala ka ngayon sa langit, at iyong bilangin ang mga bituin, kung mabibilang mo.” At sinabi sa kanya, “Magiging ganyan ang iyong binhi.”
6 Sumampalataya(E) siya sa Panginoon; at ito'y ibinilang na katuwiran sa kanya.
7 At sinabi niya sa kanya, “Ako ang Panginoon na nagpaalis sa iyo sa Ur ng mga Caldeo, upang ibigay sa iyo ang lupaing ito para angkinin.”
8 Sinabi niya, “O Panginoong Diyos, paano ko malalaman na mamanahin ko iyon?”
9 At sinabi sa kanya, “Magdala ka rito ng isang dumalagang bakang tatlong taon ang gulang, isang babaing kambing na tatlong taon ang gulang, isang lalaking tupang tatlong taon ang gulang, isang inakay na batu-bato, at isang inakay na kalapati.”
10 Dinala niya ang lahat ng ito sa kanya at hinati niya sa gitna, at kanyang inihanay na magkakatapat ang isa't isa subalit hindi niya hinati ang mga ibon.
11 Nang bumaba ang mga ibong mandaragit sa mga bangkay, ang mga iyon ay binugaw ni Abram.
12 Nang(F) lulubog na ang araw, nakatulog si Abram nang mahimbing; isang makapal at nakakatakot na kadiliman ang dumating sa kanya.
13 Sinabi(G) ng Panginoon kay Abram, “Tunay na dapat mong malaman na ang iyong binhi ay magiging taga-ibang bayan sa lupaing hindi kanila, at sila'y magiging mga alipin doon, at sila'y pahihirapan sa loob ng apatnaraang taon;
14 ngunit(H) ang bansang kanilang paglilingkuran ay aking hahatulan; at pagkatapos ay aalis sila na may malaking ari-arian.
15 Subalit ikaw ay payapang tutungo sa iyong mga ninuno, at ikaw ay malilibing sa panahong lubos na ang iyong katandaan.
16 Sa ikaapat na salin ng iyong binhi, muli silang babalik rito sapagkat hindi pa nalulubos ang kasamaan ng mga Amoreo.”
17 Nang lumubog na ang araw at madilim na, isang hurnong umuusok at ang isang tanglaw na nagniningas ang dumaan sa gitna ng mga hinating hayop.
18 Nang(I) araw na iyon, ang Panginoon ay nakipagtipan kay Abram, na sinasabi, “Ibinigay ko ang lupaing ito sa iyong binhi, mula sa ilog ng Ehipto hanggang sa malaking ilog, ang Ilog Eufrates,
19 ang lupain ng mga Kineo, Kenizeo, at ng mga Cadmoneo,
20 ng mga Heteo, Perezeo, at Refaim,
21 at ng mga Amoreo, Cananeo, Gergeseo, at ng mga Jebuseo.”
Ang Sermon sa Bundok
5 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok, at pagkaupo niya ay lumapit sa kanya ang mga alagad niya.
2 At binuka niya ang kanyang bibig at tinuruan sila, na sinasabi:
Ang Mapapalad(A)
3 “Mapapalad ang mga dukha sa espiritu, sapagkat kanila ang kaharian ng langit.
4 “Mapapalad(B) ang mga nahahapis, sapagkat sila ay aaliwin.
5 “Mapapalad(C) ang mga mapagpakumbaba, sapagkat mamanahin nila ang lupa.
6 “Mapapalad(D) ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila ay bubusugin.
7 “Mapapalad ang mga mahabagin, sapagkat sila'y kahahabagan.
8 “Mapapalad(E) ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos.
9 “Mapapalad ang mga mapagpayapa, sapagkat sila ay tatawaging mga anak ng Diyos.
10 “Mapapalad(F) ang mga inuusig dahil sa katuwiran, sapagkat kanila ang kaharian ng langit.
11 “Mapapalad(G) kayo kapag kayo ay nilalait, inuusig, at pinagsasabihan ng sari-saring kasamaan na pawang kasinungalingan dahil sa akin.
12 “Magalak(H) kayo at magsaya, sapagkat malaki ang gantimpala ninyo sa langit, sapagkat gayundin nila inusig ang mga propeta na nauna sa inyo.
Asin at Ilaw(I)
13 “Kayo(J) ang asin ng lupa; ngunit kung ang asin ay tumabang, paano maibabalik ang alat nito? Wala na itong kabuluhan, maliban sa itapon sa labas at tapakan ng mga tao.
14 “Kayo(K) ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol ay hindi maitatago.
15 Hindi(L) nila sinisindihan ang isang ilawan at inilalagay sa ilalim ng isang takalan, kundi sa talagang patungan at nagbibigay ng liwanag sa lahat ng nasa bahay.
16 Paliwanagin(M) ninyo nang gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit.
Ang Kautusan at mga Propeta
17 “Huwag ninyong isiping pumarito ako upang sirain ang kautusan o ang mga propeta; pumarito ako hindi upang sirain, kundi upang tuparin ang mga ito.
18 Sapagkat(N) katotohanang sinasabi ko sa inyo, hanggang sa mawala ang langit at lupa, ang isang tuldok o isang kudlit ay hindi mawawala sa kautusan, hanggang sa matupad ang lahat ng mga bagay.
19 Kaya't sinumang sumuway sa isa sa pinakamaliit sa mga utos na ito, at magturo nang gayon sa mga tao ay tatawaging pinakamaliit sa kaharian ng langit; ngunit ang sinumang tumupad at magturo ng mga ito ay tatawaging dakila sa kaharian ng langit.
20 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, malibang humigit ang inyong katuwiran sa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo, ay hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit.
Turo tungkol sa Galit
21 “Narinig(O) ninyo na sinabi sa mga tao noong unang panahon, ‘Huwag kang papatay; at ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.’
22 Ngunit sinasabi ko sa inyo, na ang bawat napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman at ang sinumang magsabi sa kanyang kapatid, ‘Raca,’[a] ay mananagot sa Sanhedrin; at ang sinumang magsabi, ‘Ulol ka,’ ay magdurusa sa nag-aapoy na impiyerno.[b]
23 Kaya't kung maghahandog ka ng iyong kaloob sa dambana, at doon ay naalala mo na ang iyong kapatid ay mayroong anumang laban sa iyo,
24 iwan mo roon sa harap ng dambana ang kaloob mo, at humayo ka; makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid, at saka ka magbalik at maghandog ng iyong kaloob.
25 Makipagkasundo ka agad sa nagsakdal sa iyo, habang kasama mo pa siya sa daan; baka ibigay ka ng nagsakdal sa iyo sa hukom, at ibigay ka naman ng hukom sa tanod, at ipasok ka sa bilangguan.
26 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, hindi ka makakalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang kusing.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001