Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Genesis 18-19

Ipinangako kay Abraham ang Isang Anak

18 Ang Panginoon ay nagpakita kay Abraham[a] sa may punong ensina ni Mamre habang siya'y nakaupo nang kainitan ang araw sa pintuan ng tolda.

Itinaas(A) niya ang kanyang paningin at nakita ang tatlong lalaki na nakatayo na malapit sa kanya. Nang sila'y kanyang makita, tumakbo siya upang sila'y salubungin mula sa pintuan ng tolda, at yumuko siya sa lupa.

At sinabi, “Panginoon ko, kung ako'y nakatagpo ng biyaya sa inyong paningin ay hinihiling ko sa inyo na huwag mong lampasan ang iyong lingkod.

Hayaan mong dalhan ko kayo rito ng kaunting tubig, at maghugas kayo ng inyong mga paa, at magpahinga kayo sa lilim ng kahoy.

Kukuha ako ng kaunting tinapay upang makapagpalakas sa inyo, at pagkatapos ay magpatuloy na kayo, yamang kayo'y pumarito sa inyong lingkod.” Kaya't sinabi nila, “Gawin mo ang ayon sa iyong sinabi.”

Si Abraham ay nagmadaling pumunta sa tolda ni Sara, at sinabi, “Dali! Maghanda ka ng tatlong takal ng mainam na harina, masahin mo at gawing mga tinapay.”

At tumakbo si Abraham sa bakahan at kumuha ng isang bata at malusog na baka, at ibinigay sa alipin na nagmamadaling inihanda ito.

Kinuha niya ang mantekilya, gatas, at ang bakang inihanda niya, at inihain sa harapan nila. Siya'y tumayo sa tabi nila sa lilim ng punungkahoy samantalang sila'y kumakain.

At sinabi nila sa kanya, “Nasaan si Sara na iyong asawa?” At sinabi niya “Naroon siya sa tolda.”

10 At(B) sinabi ng isa, “Ako ay tiyak na babalik sa iyo sa tamang panahon, at si Sara na iyong asawa ay magkakaanak ng isang lalaki.” Si Sara noon ay nakikinig sa may pintuan ng tolda na nasa likuran niya.

11 Sina Abraham at Sara ay kapwa matanda na at lipas na sa panahon. Si Sara ay hindi na dinadatnan ng tulad ng likas sa mga babae.

12 Nagtawa(C) si Sara sa kanyang sarili, na sinasabi, “Pagkatapos na ako'y tumanda at matanda na rin ang asawa ko, magkakaroon pa ba ako ng kasiyahan?”

13 At sinabi ng Panginoon kay Abraham, “Bakit tumawa si Sara, na sinasabi, ‘Tunay kayang ako'y manganganak, kahit matanda na ako?’”

14 “Mayroon(D) bang anumang bagay na napakahirap sa Panginoon? Sa takdang panahon ay babalik ako sa iyo, sa tamang panahon, at si Sara ay magkakaanak ng isang lalaki.”

15 Subalit nagkaila si Sara, na sinasabi, “Hindi ako tumawa,” sapagkat siya'y natakot. Ngunit sinabi ng Panginoon, “Hindi. Ikaw ay talagang tumawa.”

Nakiusap si Abraham para sa Sodoma

16 Tumindig mula roon ang mga lalaki at tumingin sa dakong Sodoma; at sinamahan sila ni Abraham upang ihatid sila sa daan.

17 At sinabi ng Panginoon, “Ililihim ko ba kay Abraham ang aking gagawin;

18 yamang si Abraham ay magiging isang dakila at makapangyarihang bansa, at ang lahat ng bansa sa lupa ay pagpapalain sa pamamagitan niya?

19 Hindi, sapagkat siya'y aking pinili upang kanyang tagubilinan ang kanyang mga anak at sambahayan pagkamatay niya, na maingatan ang daan ng Panginoon sa pamamagitan ng paggawa ng kabanalan at kahatulan; upang maibigay ng Panginoon kay Abraham ang ipinangako niya sa kanya.”

20 Sinabi ng Panginoon, “Ang sigaw laban sa Sodoma at Gomorra ay malakas, at sapagkat ang kasalanan nila ay napakalubha,

21 at bababa ako ngayon at titingnan ko kung ginawa nga nila ang ayon sa sigaw na dumating sa akin; at kung hindi ay aking malalaman.”

22 At ang mga lalaki ay lumayo mula roon at nagtungo sa Sodoma samantalang si Abraham ay nanatiling nakatayo sa harapan ng Panginoon.

Ang Pamamagitan ni Abraham

23 Lumapit si Abraham at nagsabi, “Ang mga banal ba ay iyong lilipuling kasama ng mga masama?

24 Halimbawang may limampung banal sa loob ng bayan; lilipulin mo ba at di mo patatawarin ang lugar na iyon alang-alang sa limampung banal na nasa loob noon?

25 Malayong gagawa ka ng ganito, na ang banal ay iyong pataying kasama ng masama, anupa't ang banal ay makatulad sa masama! Malayong mangyari iyan! Di ba gagawa ng matuwid ang Hukom ng buong mundo?”

26 At sinabi ng Panginoon, “Kung makatagpo ako sa Sodoma ng limampung banal sa loob ng bayan, patatawarin ko ang buong lugar na iyon alang-alang sa kanila.”

27 Sumagot si Abraham, at nagsabi, “Mangangahas akong magsalita sa Panginoon, akong alabok at abo lamang.

28 Kung sakaling magkukulang ng lima sa limampung banal, lilipulin mo ba ang buong bayan dahil sa limang kulang?” At sinabi niya, “Hindi ko lilipulin kung makatagpo ako roon ng apatnapu't lima.”

29 At siya'y muling nagsalita sa kanya, at nagsabi, “Halimbawang may matatagpuang apatnapu.” At sinabi niya, “Hindi ko gagawin alang-alang sa apatnapu.”

30 Pagkatapos ay sinabi niya, “O huwag sanang magalit ang Panginoon, at ako'y magsasalita. Kung sakaling may matatagpuan doong tatlumpu.” At sinabi niya, “Hindi ko gagawin kung makakatagpo ako roon ng tatlumpu.”

31 At kanyang sinabi, “Ako'y mangangahas magsalita sa Panginoon. Kung sakaling may matatagpuan doong dalawampu.” At sinabi niya, “Hindi ko lilipulin alang-alang sa dalawampu.”

32 Pagkatapos ay sinabi niya, “O huwag magalit ang Panginoon at magsasalita na lamang akong minsan; kung sakaling may matatagpuan doong sampu.” At sinabi niya, “Hindi ko lilipulin alang-alang sa sampu.”

33 At umalis ang Panginoon pagkatapos na makipag-usap kay Abraham at si Abraham ay nagbalik sa kanyang lugar.

Ang Pagiging Makasalanan ng Sodoma

19 Dumating ang dalawang anghel sa Sodoma nang nagtatakipsilim na. Si Lot ay nakaupo sa pintuang-bayan ng Sodoma. Sila'y nakita ni Lot at tumindig upang salubungin sila; at iniyukod ang kanyang mukha sa lupa.

At sinabi, “Ngayon mga panginoon ko, hinihiling ko sa inyo na kayo'y bumalik at tumuloy sa bahay ng inyong lingkod, at magpalipas ng gabi, at maghugas ng inyong mga paa, at sa madaling araw ay magsibangon kayo at magpatuloy ng inyong paglakad.” Kanilang sinabi, “Hindi, sa lansangan kami magpapalipas ng buong magdamag.”

Ngunit kanyang pinilit nang husto kaya't sila'y nagsipasok sa kanyang bahay. Sila'y kanyang ipinaghanda, ipinagluto ng mga tinapay na walang pampaalsa, at sila ay kumain.

Subalit bago sila nagsihiga, ang mga lalaki ng lunsod, ang mga lalaki sa Sodoma, maging mga bata at matanda, lahat ng mga tao hanggang sa pinakahuling tao, ay pumalibot sa bahay.

Kanilang(E) tinawagan si Lot at sinabi, “Saan naroon ang mga lalaking dumating sa iyo nang gabing ito? Ilabas mo sila sa amin upang makilala namin sila.”

Lumabas si Lot sa pintuan upang humarap sa kanila, at isinara ang pinto sa likuran niya.

At sinabi niya, “Mga kapatid ko, nakikiusap ako na huwag kayong gumawa ng ganyang kasamaan.

Narito, may dalawa akong anak na babae na hindi pa nasipingan ng lalaki. Sila'y aking ilalabas sa inyo, at gawin ninyo sa kanila ang ayon sa inyong nais, huwag lamang ninyong gawan ng anuman ang mga lalaking ito, sapagkat sila'y nasa ilalim ng aking bubungan.”

At sinabi nila, “Manatili ka diyan!” At sinabi pa nila, “Ang taong ito'y naparito bilang dayuhan, at ibig niyang maging hukom! Ngayon, gagawan ka namin ng higit na masama kaysa kanila.” At kanilang ipinagtulakan ang lalaking si Lot, at nagsilapit upang sirain ang pintuan.

10 Subalit iniunat ng mga lalaki ang kanilang kamay at binatak si Lot sa loob ng bahay at kanilang sinarhan ang pintuan.

11 At(F) binulag nila ang mga taong nasa pintuan ng bahay, maging maliit o malaki, anupa't hindi nila makita ang pintuan.

Umalis si Lot sa Sodoma

12 At sinabi ng mga lalaki kay Lot, “Mayroon ka pa ba ritong kasama? Paalisin mo sa lugar na ito ang iyong mga manugang na lalaki at mga anak na lalaki at babae, o sinuman sa mga kasamahan mo sa lunsod.

13 Sapagkat malapit na naming lipulin ang lugar na ito dahil sa napakalakas na ng sigaw laban sa bayang ito sa harap ng Panginoon; at kami ay sinugo ng Panginoon upang ito ay aming lipulin.”

14 Kaya't si Lot ay lumabas at kinausap ang kanyang mga manugang na noon ay mapapangasawa ng kanyang mga anak na babae, at sinabi, “Tumindig kayo, magsialis kayo sa lugar na ito; sapagkat gugunawin ng Panginoon ang bayan.” Subalit ang akala ng kanyang mga manugang ay nagbibiro siya.

15 Kinaumagahan, pinapagmadali ng mga anghel si Lot, na sinasabi, “Bumangon ka, isama mo ang iyong asawa at ang iyong dalawang anak na babae na narito, baka pati ikaw ay madamay sa parusa sa bayan.”

16 Subalit(G) siya'y nagtagal. Kaya't dahil sa habag sa kanya ng Panginoon, hinawakan ng mga lalaki ang kanyang kamay at ang kamay ng kanyang asawa, at ang kamay ng kanyang dalawang anak na babae; at siya'y inilabas nila at iniwan sa labas ng bayan.

17 Nang sila'y mailabas na nila, ay sinabi nila, “Tumakas ka alang-alang sa iyong buhay. Huwag kang lumingon o huminto man sa buong libis; tumakas ka hanggang sa bundok, sapagkat kung hindi, ikaw ay mamamatay.”

18 At sinabi sa kanila ni Lot, “Huwag, mga panginoon ko!

19 Ang lingkod mo ay nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, at nagpakita ka sa akin ng malaking awa sa pagliligtas ng aking buhay. Subalit hindi ko kayang tumakas sa bundok, baka ako'y abutan ng kapahamakan, at ako'y mamatay.

20 Tingnan mo, ang kasunod na lunsod ay malapit lamang upang matakasan at iyon ay maliit. Pahintulutan mo akong tumakas roon. Hindi ba iyon ay maliit lamang at ang aking buhay ay maliligtas?”

21 At sinabi niya sa kanya, “O sige, pinapayagan din kita sa bagay na ito at hindi ko na gugunawin ang lunsod na iyong binanggit.

22 Magmadali ka, tumakas ka roon; sapagkat wala akong magagawa hanggang sa dumating ka roon.” Kaya't ang pangalang itinawag sa bayang iyon ay Zoar.[b]

Ang Pagkawasak ng Sodoma at Gomorra

23 Ang araw ay sumikat na sa lupa nang dumating si Lot sa Zoar.

24 At(H) buhat sa langit ay nagpaulan ang Panginoon sa Sodoma at Gomorra ng asupre at apoy.

25 Ginunaw niya ang mga lunsod na iyon, at ang buong libis at ang lahat ng nakatira sa mga lunsod at ang tumutubo sa lupa.

26 Subalit(I) ang asawa ni Lot ay lumingon sa likuran niya, at siya ay naging haliging asin.

27 Kinaumagahan, si Abraham ay maagang nagtungo sa dakong kinatayuan niya sa harap ng Panginoon.

28 Siya'y tumingin sa dakong Sodoma at Gomorra, at sa buong lupain ng libis. At kanyang nakita na ang usok ng lupain ay tumataas na parang usok ng isang hurno.

29 At nangyari, nang gunawin ng Diyos ang mga lunsod ng libis, naalala ng Diyos si Abraham, at inilabas si Lot nang gunawin ang mga lunsod na tinirahan niya.[c]

Ang Pinagmulan ng mga Moabita at Ammonita

30 Umahon si Lot papalabas sa Zoar at tumira sa bundok kasama ang kanyang dalawang anak na babae sapagkat siya'y takot na tumira sa Zoar. Siya'y tumira sa isang yungib kasama ang kanyang dalawang anak na babae.

31 At sinabi ng panganay sa bunso, “Ang ating ama ay matanda na at walang lalaki sa lupa na sumiping sa atin, ayon sa kaugalian ng buong lupa.

32 Halika, painumin natin ng alak ang ating ama, at tayo'y sumiping sa kanya upang mapanatili natin ang binhi ng ating ama.”

33 At pinainom nila ng alak ang kanilang ama nang gabing iyon at pumasok ang panganay at sumiping sa kanyang ama. Hindi nalaman ng ama nang siya'y mahiga ni nang siya'y bumangon.

34 Kinabukasan, sinabi ng panganay sa bunso, “Tingnan mo, ako'y sumiping kagabi sa aking ama. Painumin din natin siya ng alak sa gabing ito. Pumasok ka at sumiping sa kanya upang mapanatili natin ang binhi ng ating ama.”

35 At pinainom din nila ng alak ang kanilang ama nang gabing iyon. Tumindig ang bunso at sumiping sa ama. Hindi nalaman ng ama nang siya'y mahiga ni nang siya'y bumangon.

36 Sa ganito'y kapwa nagdalang-tao ang mga anak ni Lot sa pamamagitan ng kanilang ama.

37 Nanganak ang panganay ng isang lalaki, at tinawag sa pangalang Moab na siyang ama ng mga Moabita hanggang sa araw na ito.

38 At ang bunso ay nanganak din ng isang lalaki, at tinawag sa pangalang Benammi na siyang ama ng mga anak ni Ammon hanggang sa araw na ito.

Mateo 6:1-18

Turo tungkol sa Paglilimos

“Mag-ingat(A) kayo na huwag ninyong gawin ang inyong kabanalan sa harap ng mga tao upang makita nila. Sapagkat kung gayon, wala kayong gantimpala mula sa inyong Ama na nasa langit.

“Kaya, kapag ikaw ay naglilimos, huwag kang magpapatunog ng trumpeta sa harapan mo, gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa mga sinagoga at sa mga lansangan, upang papurihan sila ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.

Ngunit kapag ikaw ay naglilimos, huwag mong hayaang malaman ng iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay,

upang maging lihim ang iyong paglilimos; at ang iyong Ama na nakakakita ng mga lihim ay gagantimpalaan ka.

Turo tungkol sa Pananalangin(B)

“At(C) kapag kayo ay nananalangin, huwag kayong maging tulad sa mga mapagkunwari; sapagkat ibig nilang tumayo at manalangin sa mga sinagoga at sa mga panulukan ng mga lansangan upang makita sila ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.

Ngunit kapag ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid, at pagkasara mo ng iyong pinto ay manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim, at ang iyong Ama na nakakakita ng mga lihim ay gagantimpalaan ka.[a]

“At sa pananalangin ay huwag kayong gumamit ng walang kabuluhang paulit-ulit, na tulad ng ginagawa ng mga Hentil, sapagkat inaakala nilang sila ay pakikinggan dahil sa marami nilang salita.

Huwag nga kayong tumulad sa kanila, sapagkat alam na ng inyong Ama ang mga bagay na inyong kinakailangan, bago pa kayo humingi sa kanya.

Manalangin nga kayo nang ganito: Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang pangalan mo.

10 Dumating nawa ang kaharian mo. Masunod nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin naman sa lupa.

11 Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw.[b]

12 At patawarin mo kami sa aming mga utang, gaya rin namin na nagpapatawad sa mga may utang sa amin.

13 At huwag mo kaming dalhin sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama.[c]

14 Sapagkat(D) kung pinatatawad ninyo ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, patatawarin din naman kayo ng inyong Ama na nasa langit.

15 Ngunit kung hindi ninyo pinatatawad ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama sa inyong mga kasalanan.

Turo tungkol sa Pag-aayuno

16 “At kapag kayo ay nag-aayuno, huwag kayong magmukhang mapanglaw, tulad ng mga mapagkunwari, sapagkat pinasasama nila ang kanilang mga mukha upang ipakita sa mga tao ang kanilang pag-aayuno. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.

17 Ngunit kapag nag-aayuno ka, lagyan mo ng langis ang iyong ulo, at maghilamos ka ng iyong mukha;

18 upang ang iyong pag-aayuno ay hindi makita ng mga tao, kundi ng iyong Ama na nasa lihim, at gagantimpalaan ka ng iyong Ama na nakakakita ng lihim na bagay.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001