Old/New Testament
Si Jacob at ang Kanyang Angkan ay Pumunta sa Ehipto
46 Kaya't si Israel, dala ang lahat niyang pag-aari ay naglakbay at dumating sa Beer-seba, at doon ay nag-alay ng mga handog sa Diyos ng kanyang amang si Isaac.
2 Ang Diyos ay nagsalita kay Israel sa mga pangitain sa gabi, at sinabi, “Jacob, Jacob.” Sumagot siya, “Narito ako.”
3 Kanyang sinabi, “Ako ang Diyos, ang Diyos ng iyong ama; huwag kang matakot na pumunta sa Ehipto sapagkat doo'y gagawin kitang isang dakilang bansa.
4 Ako'y pupuntang kasama mo sa Ehipto, at muli rin kitang ibabalik; at isasara ng kamay ni Jose ang iyong mga mata.”
5 Kaya't naglakbay si Jacob mula sa Beer-seba at dinala ng mga anak ni Israel si Jacob na kanilang ama, ang kanilang mga anak, at ang kanilang mga asawa, sa mga karwahe na ipinadala ng Faraon kay Jacob.
6 Kanilang(A) dinala rin ang kanilang mga hayop, ang mga pag-aari na kanilang natamo sa lupain ng Canaan, at dumating sa Ehipto si Jacob at ang lahat ng inapong kasama niya.
7 Ang kanyang mga anak na lalaki at babae, at ang mga anak na lalaki at babae ng kanyang mga anak na kasama niya, at ang kanyang buong binhi ay dinala niya sa Ehipto.
8 Ito ang mga pangalan ng mga Israelita, si Jacob at ang kanyang mga inapo na dumating sa Ehipto: si Ruben na anak na panganay ni Jacob.
9 Ang mga anak ni Ruben: sina Hanoc, Fallu, Hesron, at Carmi.
10 Ang mga anak ni Simeon: sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jakin, Zohar, at si Shaul na anak ng isang babaing taga-Canaan.
11 Ang mga anak ni Levi: sina Gershon, Kohat, at si Merari.
12 Ang mga anak ni Juda: sina Er, Onan, Shela, Perez, at si Zera; ngunit sina Er at Onan ay namatay sa lupain ng Canaan. At ang mga anak ni Perez ay sina Hesron at Hamul.
13 Ang mga anak ni Isacar: sina Tola, Pua, Job, at si Simron.
14 Ang mga anak ni Zebulon: sina Sered, Elon, at si Jalel
15 (ito ang mga anak ni Lea, na kanyang ipinanganak kay Jacob sa Padan-aram, kabilang dito ang kanyang anak na babaing si Dina. Ang lahat ng kanyang mga anak na lalaki at babae ay tatlumpu't tatlo).
16 Ang mga anak ni Gad: sina Zifion, Hagui, Suni, Ezbon, Eri, Arodi, at si Areli.
17 Ang mga anak ni Aser: sina Imna, Isva, Isui, Beriah, at Sera na kanilang kapatid na babae; at ang mga anak ni Beriah: sina Eber at Malkiel.
18 (ito ang mga anak ni Zilpa na siyang ibinigay ni Laban kay Lea na kanyang anak na babae, at ang mga ito ay kanyang ipinanganak kay Jacob, labing-anim na katao).
19 Ang mga anak ni Raquel na asawa ni Jacob: sina Jose at Benjamin.
20 At(B) kay Jose ay ipinanganak sa lupain ng Ehipto sina Manases at Efraim, na ipinanganak sa kanya ni Asenat, na anak ni Potifera na pari sa On.
21 At ang mga anak ni Benjamin: sina Bela, Beker, Asbel, Gera, Naaman, Ehi, Ros, Muppim, Hupim, at si Ard
22 (ito ang mga anak ni Raquel na ipinanganak kay Jacob: sa kabuuan ay labing-apat na katao).
23 Ang mga anak ni Dan: si Husim.
24 Ang mga anak ni Neftali: sina Jahzeel, Guni, Jeser, at si Shilem
25 (ito ang mga anak ni Bilha, na siyang ibinigay ni Laban kay Raquel na kanyang anak, at ang mga ito ang ipinanganak niya kay Jacob: sa kabuuan ay pitong katao).
26 Lahat ng taong sumama kay Jacob sa Ehipto, na kanyang sariling mga anak, bukod pa ang mga asawa ng mga anak ni Jacob, sa kabuuan ay animnapu't anim na katao.
27 Ang(C) mga anak ni Jose na ipinanganak sa kanya sa Ehipto ay dalawa; ang lahat ng tao sa sambahayan ni Jacob na pumunta sa Ehipto ay pitumpu.
28 At isinugo ni Israel si Juda kay Jose upang ituro ang daan patungo sa Goshen; at sila'y dumating sa lupain ng Goshen.
29 Inihanda ni Jose ang kanyang karwahe at umahon upang salubungin si Israel na kanyang ama sa Goshen. Siya'y humarap sa kanya, yumakap sa kanya, at umiyak nang matagal sa kanyang leeg.
30 Sinabi ni Israel kay Jose, “Ngayo'y hayaan na akong mamatay pagkatapos na makita kong[a] ikaw ay buháy pa.”
31 Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid at sa sambahayan ng kanyang ama, “Ako'y aahon at sasabihin ko sa Faraon, ‘Ang aking mga kapatid, at ang sambahayan ng aking ama na nasa lupain ng Canaan ay pumarito sa akin;
32 ang mga lalaki ay mga pastol ng kawan sapagkat sila'y naging tagapag-alaga ng hayop, at kanilang dinala ang kanilang mga kawan, mga bakahan, at ang lahat nilang ari-arian.’
33 At kapag tinawag kayo ng Faraon, at sasabihin, ‘Ano ang inyong hanapbuhay?’
34 ay inyong sasabihin, ‘Ang iyong mga lingkod ay naging tagapag-alaga ng hayop mula sa aming pagkabata hanggang sa ngayon, kami at ang aming mga ninuno,’ upang kayo'y patirahin sa lupain ng Goshen, sapagkat bawat pastol ay kasuklamsuklam sa mga Ehipcio.”
Iniharap si Jacob sa Faraon
47 Kaya't pumunta si Jose sa Faraon at sinabi, “Ang aking ama, ang aking mga kapatid, ang kanilang mga kawan, mga bakahan, at ang lahat nilang pag-aari, ay dumating na mula sa lupain ng Canaan. Sila ngayon ay nasa lupain ng Goshen.”
2 Kumuha siya ng limang kalalakihan mula sa kanyang mga kapatid at kanyang iniharap sila sa Faraon.
3 Sinabi ng Faraon sa kanyang mga kapatid, “Ano ang inyong hanapbuhay?” At kanilang sinabi sa Faraon, “Ang iyong mga lingkod ay mga pastol, gaya ng aming mga ninuno.”
4 Kanilang sinabi sa Faraon, “Pumarito kami upang manirahan bilang dayuhan sa lupain. Walang pastulan para sa mga kawan na pag-aari ng iyong mga lingkod sapagkat ang taggutom ay matindi sa lupain ng Canaan. Ngayon ay pahintulutan mo na ang iyong mga lingkod ay manirahan sa lupain ng Goshen.”
5 Pagkatapos ay sinabi ng Faraon kay Jose, “Ang iyong ama at ang iyong mga kapatid ay pumarito sa iyo.
6 Ang lupain ng Ehipto ay nasa harapan mo; patirahin mo ang iyong ama at ang iyong mga kapatid sa pinakamabuti sa lupain, patirahin mo sila sa lupain ng Goshen at kung may alam ka sa kanilang may kakayahan, gawin mo silang mga tagapamahala ng aking mga hayop.”
7 Kaya't isinama ni Jose si Jacob na kanyang ama at pinatayo niya sa harapan ng Faraon, at binasbasan ni Jacob ang Faraon.
8 Sinabi ng Faraon kay Jacob, “Gaanong karami na ang mga araw ng mga taon ng iyong buhay?”
9 Sinabi ni Jacob sa Faraon, “Ang mga taon ng aking paninirahan sa lupa ay isandaan at tatlumpung taon; kakaunti at masasama ang naging mga taon ng aking buhay. Hindi iyon maihahambing sa mga taon ng buhay ng aking mga ninuno sa panahon ng kanilang mahabang pamumuhay.”
10 At binasbasan ni Jacob ang Faraon at umalis sa harapan ng Faraon.
11 Pinatira ni Jose ang kanyang ama at ang kanyang mga kapatid, at sila'y binigyan ng lugar sa lupain ng Ehipto, sa pinakamabuti sa lupain, sa lupain ng Rameses, gaya ng iniutos ng Faraon.
12 Binigyan ni Jose ng pagkain ang kanyang ama, ang kanyang mga kapatid, at ang buong sambahayan ng kanyang ama, ayon sa bilang ng kanilang mga anak.
Ang Taggutom at ang Bunga Noon
13 Noon ay walang pagkain sa buong lupain sapagkat matindi ang taggutom, at ang lupain ng Ehipto at ang lupain ng Canaan ay nanghina dahil sa taggutom.
14 Kaya't tinipon ni Jose ang lahat ng salapi na natagpuan sa lupain ng Ehipto at Canaan, kapalit ng trigong kanilang binibili at ipinasok ni Jose ang salapi sa bahay ng Faraon.
15 Nang ang salapi ay maubos nang lahat sa lupain ng Ehipto at Canaan, pumunta kay Jose ang lahat ng mga Ehipcio, at nagsabi, “Bigyan mo kami ng pagkain, bakit kami mamamatay sa iyong harapan? Sapagkat ang aming salapi ay naubos na.”
16 Sinabi ni Jose, “Ibigay ninyo ang inyong mga hayop; at bibigyan ko kayo kapalit ng inyong mga hayop, kung naubos na ang salapi.”
17 Kaya't dinala nila ang kanilang mga hayop kay Jose, at binigyan sila ni Jose ng pagkain kapalit ng mga kabayo, mga kawan, mga bakahan, at mga asno. Nang taong iyon, sila'y kanyang binigyan ng pagkain kapalit ng lahat nilang mga hayop.
18 Nang matapos ang taong iyon ay muli silang pumunta sa kanya nang ikalawang taon. Sinabi nila sa kanya, “Hindi namin maililihim sa aming panginoon na ang pilak at mga kawan ng hayop ay naubos na at ang mga kawan ng hayop ay sa aking panginoon na. Wala nang naiiwan sa paningin ng aking panginoon kundi ang aming katawan at ang aming mga lupain.
19 Dapat ba kaming mamatay sa inyong harapan, kami at ang aming lupain? Bilhin mo kami at ang aming mga lupain kapalit ng pagkain, at kami at ang aming lupain ay magiging mga alipin sa Faraon. Bigyan mo kami ng binhi, upang kami ay mabuhay at huwag mamatay, upang ang lupain ay huwag maging walang laman.”
20 Kaya't binili ni Jose ang buong lupain ng Ehipto para sa Faraon. Ipinagbili ng bawat isa sa mga Ehipcio ang kanyang bukid, sapagkat matindi para sa kanila ang taggutom. Kaya't ang lupain ay naging sa Faraon.
21 At tungkol sa mga tao, kanyang ginawa silang mga alipin mula sa isang dulo ng hangganan ng Ehipto hanggang sa kabilang dulo.
22 Tanging ang lupa lamang ng mga pari ang hindi niya binili, sapagkat ang Faraon ay nagtakda ng bahagi para sa mga pari at karaniwang kumakain sila mula sa bahagi na ibinibigay sa kanila ng Faraon. Dahil dito, hindi nila ipinagbili ang kanilang lupa.
23 Nang magkagayo'y sinabi ni Jose sa bayan, “Ngayo'y binili ko kayo sa araw na ito at ang inyong mga lupa para sa Faraon. Narito ang binhi para sa inyo; hasikan ninyo ang lupa.
24 Sa panahon ng inyong pag-aani ay ibibigay ninyo ang ikalimang bahagi sa Faraon, at ang apat na bahagi ay para sa inyo, para sa binhi sa bukid at bilang pagkain ninyo, ng inyong mga kasambahay, at ng inyong mga anak.”
25 Kanilang sinabi, “Iniligtas mo ang aming buhay; kung gugustuhin ng aking panginoon, kami ay magiging mga alipin ng Faraon.”
26 Kaya't ginawang kautusan ni Jose sa lupain ng Ehipto hanggang sa araw na ito na ang ikalimang bahagi ay para kay Faraon. Tanging ang lupa ng mga pari ang hindi naging kay Faraon.
Huling Pakiusap ni Jacob
27 Kaya't si Israel ay nanirahan sa lupain ng Ehipto, sa lupain ng Goshen; at sila'y nagkaroon ng mga pag-aari roon, at sumagana at naging napakarami.
28 Si Jacob ay nanirahan sa lupain ng Ehipto ng labimpitong taon; kaya't ang mga araw ni Jacob, ang mga taon ng kanyang buhay, ay isandaan at apatnapu't pitong taon.
29 Nang(D) ang araw ng kamatayan ni Israel ay malapit na, tinawag niya ang kanyang anak na si Jose, at sinabi sa kanya, “Kung ako ngayon ay makakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, hinihiling ko na ilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng aking hita, at mangako kang maging tapat at tunay sa akin. Huwag mo akong ililibing sa Ehipto.
30 Kapag ako'y humimlay na kasama ng aking mga ninuno, ilabas mo ako mula sa Ehipto, at ilibing mo ako sa kanilang libingan.” At sinabi ni Jose, “Aking gagawin ang ayon sa iyong sinabi.”
31 Kanyang sinabi, “Sumumpa ka sa akin;” at sumumpa siya sa kanya. At yumuko si Israel sa ulunan ng kanyang higaan.
Binasbasan ni Jacob sina Efraim at Manases
48 Pagkatapos ng mga bagay na ito, sinabi kay Jose, “Ang iyong ama ay may sakit.” Kaya't isinama niya ang kanyang dalawang anak, sina Manases at Efraim.
2 Nang sabihin kay Jacob, “Narito, pinuntahan ka ng anak mong si Jose;” siya[b] ay nagpalakas at umupo sa higaan.
3 Sinabi(E) ni Jacob kay Jose, “Ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat ay nagpakita sa akin sa Luz sa lupain ng Canaan, at binasbasan ako,
4 at sinabi sa akin, ‘Palalaguin at pararamihin kita, at gagawin kitang isang kapisanan ng mga bayan; at ibibigay ko ang lupaing ito sa iyong binhi pagkamatay mo, bilang isang pag-aari magpakailanman.’
5 Kaya't akin na ngayon ang dalawa mong anak na ipinanganak sa iyo sa lupain ng Ehipto bago ako pumarito sa iyo: sina Efraim at Manases, gaya nina Ruben at Simeon.
6 Ang iyong mga anak na ipinanganak pagkaraan nila ay magiging iyo; sila'y tatawagin sa kanilang mana ayon sa pangalan ng kanilang mga kapatid.
7 Sapagkat(F) nang ako'y dumating mula sa Padan, si Raquel ay namatay sa lupain ng Canaan sa daan, nang malapit nang makarating sa Efrata; at inilibing ko siya roon sa daan ng Efrata” (na siya ring Bethlehem).
8 Nang nakita ni Israel ang mga anak ni Jose, ay sinabi niya, “Sinu-sino ang mga ito?”
9 Sinabi ni Jose sa kanyang ama, “Sila'y aking mga anak, na ibinigay ng Diyos sa akin dito.” Kanyang sinabi, “Dalhin mo sila sa akin, at sila'y aking babasbasan.”
10 Ang mga mata nga ni Israel ay malabo na dahil sa katandaan, at hindi na siya makakita. Kanyang hinagkan sila, at niyakap.
11 Sinabi ni Israel kay Jose, “Hindi ko akalaing makikita ko pa ang iyong mukha, at ngayon ay ipinakita rin sa akin ng Diyos ang iyong binhi.”
12 Sila'y inalis ni Jose mula sa kanyang mga tuhod, at iniyuko ang kanyang mukha sa lupa.
13 Kapwa sila dinala ni Jose, si Efraim sa kanyang kanang kamay patungo sa kaliwang panig ni Israel, at si Manases sa kanyang kaliwang kamay patungo sa kanang panig ni Israel, at kanyang inilapit sila sa kanya.
14 Iniunat ni Israel ang kanyang kanang kamay at ipinatong sa ulo ni Efraim, na siyang bunso, at ang kanyang kaliwang kamay sa ulo ni Manases, na pinagkrus ang kanyang mga kamay; sapagkat si Manases ang panganay.
15 Kanyang binasbasan si Jose, at sinabi, “Ang Diyos na sa harapan niya ay lumakad ang aking mga ninuno na sina Abraham at Isaac, ang Diyos na naging pastol ko simula nang ako'y ipanganak hanggang sa araw na ito,
16 ang anghel na tumubos sa akin sa bawat kasamaan, nawa'y pagpalain niya ang mga batang ito; at tawagin nawa sila sa aking pangalan, at sa pangalan ng aking mga magulang na sina Abraham at Isaac, at nawa'y dumami sila sa ibabaw ng lupa.”
17 Nang makita ni Jose na ipinatong ng kanyang ama ang kanyang kanang kamay sa ulo ni Efraim, ito ay naging masama sa kanyang paningin. Kaya't hinawakan niya ang kamay ng kanyang ama upang ilipat mula sa ulo ni Efraim tungo sa ulo ni Manases.
18 At sinabi ni Jose sa kanyang ama, “Hindi ganyan, ama ko. Yamang ang isang ito ang panganay, ipatong mo ang iyong kanang kamay sa kanyang ulo.”
19 Subalit tumanggi ang kanyang ama, “Nalalaman ko, anak ko, nalalaman ko. Siya man ay magiging isang bayan, at siya man ay magiging dakila. Subalit ang kanyang kapatid na mas bata ay magiging higit na dakila kaysa kanya, at ang kanyang binhi ay magiging napakaraming mga bansa.”
20 Kaya't(G) kanyang binasbasan sila nang araw na iyon, na sinasabi, “Sa pamamagitan mo ang Israel ay magpapala, na magsasabi, ‘Gawin ka nawa ng Diyos na gaya ni Efraim at gaya ni Manases.’”
21 At sinabi ni Israel kay Jose, “Ako'y malapit nang mamatay, ngunit ang Diyos ay lagi ninyong kasama, at ibabalik kayong muli sa lupain ng inyong mga ninuno.
22 Bukod dito'y binigyan kita ng isang libis ng bundok na higit kaysa iyong mga kapatid, na kinuha ko sa pamamagitan ng aking tabak at busog sa kamay ng mga Amoreo.”
Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(A)
13 Nang araw ding iyon ay lumabas si Jesus sa bahay at umupo sa tabi ng dagat.
2 Nagtipun-tipon(B) sa palibot niya ang napakaraming tao, kaya't sumakay siya sa isang bangka at umupo roon samantalang ang lahat ng tao ay nakatayo sa baybayin.
3 At nagsalita siya sa kanila ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga, na sinasabi: “Makinig kayo! Isang manghahasik ang humayo upang maghasik.
4 Habang siya'y naghahasik, may mga binhing nahulog sa tabing daan; at dumating ang mga ibon at kinain nila ang mga ito.
5 Ang iba nama'y nahulog sa batuhan na doo'y kakaunti lamang ang lupa; at kaagad silang sumibol yamang hindi malalim ang lupa.
6 Kaya't pagsikat ng araw, ang mga iyon ay natuyo at dahil sa walang ugat ang mga iyon ay tuluyang nalanta.
7 Ang iba ay nahulog sa mga tinikan. Lumaki ang mga tinik at sinakal ang mga iyon.
8 Ang iba ay nahulog sa mabuting lupa, at namunga. Ang iba ay tig-iisang daan, ang iba ay animnapu, ang iba ay tatlumpu.
9 Ang mga may pandinig ay makinig.”
Ang Layunin ng mga Talinghaga(C)
10 Lumapit ang mga alagad, at sinabi nila sa kanya, “Bakit ka nagsasalita sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga?”
11 Sumagot siya at sinabi sa kanila, “Sapagkat sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga hiwaga ng kaharian ng langit, ngunit hindi ipinagkaloob sa kanila.
12 Sapagkat(D) sinumang mayroon ay lalong bibigyan, at magkakaroon siya ng kasaganaan; ngunit sinumang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin.
13 Dahil dito ay nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga, sapagkat sa kanilang pagtingin ay hindi sila nakakakita, at sa kanilang pakikinig ay hindi sila nakakarinig, at hindi sila nakakaunawa.
14 Natutupad(E) nga sa kanila ang propesiya ni Isaias, na nagsasabi:
‘Sa pakikinig kayo'y makakarinig, ngunit kailanma'y hindi makakaunawa,
at sa pagtingin kayo'y titingin, ngunit kailanma'y hindi makakabatid.
15 Sapagkat naging manhid na ang puso ng bayang ito,
at mahirap nang makarinig ang kanilang mga tainga,
at ipinikit nila ang kanilang mga mata;
baka ang kanilang mga mata'y makakita,
at makarinig ang kanilang mga tainga,
at makaunawa ang puso nila,
at manumbalik sa akin, at sila'y aking pagalingin.’
16 Ngunit(F) mapapalad ang inyong mga mata, sapagkat ang mga ito'y nakakakita; at ang inyong mga tainga, sapagkat ang mga ito'y nakakarinig.
17 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga taong matuwid ang naghangad na makita ang inyong nakikita, ngunit hindi nila nakita; at marinig ang inyong naririnig, ngunit hindi nila ito narinig.
Paliwanag sa Talinghaga tungkol sa Manghahasik(G)
18 “Pakinggan ninyo ang talinghaga ng manghahasik.
19 Kung ang sinuman ay nakikinig ng salita ng kaharian, at hindi niya ito inuunawa, darating ang masama at aagawin ang naihasik sa kanyang puso. Ito ang naihasik sa tabing daan.
20 Ang napahasik sa mga batuhan ay iyong nakikinig ng salita, at agad niyang tinatanggap ito na may kagalakan.
21 Gayunma'y hindi siya nagkaugat kundi sandali lamang tumatagal; at kapag dumating ang kapighatian o pag-uusig dahil sa salita ay kaagad siyang natitisod.
22 Ang napahasik sa mga tinikan ay iyong nakikinig ng salita; ngunit ang kabalisahan ng sanlibutan at ang daya ng mga kayamanan ay sumasakal sa salita at iyon ay nagiging walang bunga.
23 Ang napahasik naman sa mabuting lupa, ay iyong nakikinig ng salita at inuunawa ito, na siyang talagang namumunga. Ang isa ay isandaan, ang iba ay animnapu, at ang iba ay tatlumpu.”
Ang Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan
24 Nagbigay siya sa kanila ng isa pang talinghaga, na sinasabi, “Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid.
25 Ngunit samantalang natutulog ang mga tao, dumating ang kaaway at naghasik ng mga damo sa triguhan, at umalis.
26 Kaya't nang sumibol ang mga halaman at namunga ay lumitaw rin ang damo.
27 At ang mga alipin ng puno ng sambahayan ay dumating at sinabi sa kanya, ‘Panginoon, hindi ba't mabuting binhi ang inihasik mo sa iyong bukid? Saan kaya nanggaling ang mga damo?’
28 Sinabi niya sa kanila, ‘Isang kaaway ang gumawa nito.’ At sinabi sa kanya ng mga alipin, ‘Ibig mo bang kami'y pumaroon at tipunin ang mga iyon?’
29 Ngunit sinabi niya, ‘Huwag; baka sa pagtitipon ninyo ng mga damo ay inyong mabunot pati ang trigo.
30 Hayaan ninyong magkasama silang tumubo hanggang sa anihan, at sa panahon ng pag-aani ay sasabihin ko sa mga manggagapas, Tipunin muna ninyo ang mga damo at pagbigkisin ninyo upang sunugin; ngunit tipunin ninyo ang trigo sa aking kamalig.’”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001