Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Genesis 49-50

Mga Huling Salita ni Jacob

49 Pagkatapos ay tinawag ni Jacob ang kanyang mga anak, at sinabi, “Magtipun-tipon kayo at sasabihin ko sa inyo ang mangyayari sa inyo sa mga araw na darating.

Magtipun-tipon kayo at makinig, kayong mga anak ni Jacob;
    at inyong pakinggan si Israel na inyong ama.

Ruben, ikaw ang aking panganay,
    ang aking kalakasan, ang siyang pasimula ng aking kapangyarihan,
    ang pinakamataas sa karangalan at kalakasan, at siyang kasakdalan ng kapangyarihan.
Kagaya ng kumukulong tubig, ikaw ay hindi mangingibabaw;
    sapagkat, sumampa ka sa higaan ng iyong ama:
    pagkatapos ay dinumihan mo ito—sumampa sa aking tulugan.

Si Simeon at si Levi ay magkapatid;
    ang kanilang mga sandata ay mga kasangkapan ng karahasan.
Huwag nawang pumasok ang aking kaluluwa sa kanilang payo;
    huwag isama ang aking espiritu sa kanilang kapisanan;
Sapagkat sa kanilang galit ay pumatay sila ng tao,
    at sa kanilang sariling kalooban ay nilumpo nila ang baka.
Sumpain ang kanilang galit, sapagkat ito ay mabangis;
    at ang kanilang poot, sapagkat ito ay malupit.
Hahatiin ko sila sa Jacob,
    at ikakalat ko sila sa Israel.

Juda, pupurihin ka ng iyong mga kapatid;
    ang iyong kamay ay malagay sa leeg ng iyong mga kaaway;
    ang mga anak ng iyong ama nawa ay yumukod sa harapan mo.
Si(A) Juda'y isang anak ng leon.
    Aking anak, ikaw ay umahon mula sa pagkahuli,
siya'y yumuko, siya'y lumugmok na parang leon;
    at gaya ng isang babaing leon, sinong makakagising sa kanya?
10 Ang setro ay hindi mahihiwalay kay Juda,
    ni ang tungkod ng pagkapuno sa pagitan ng kanyang mga paa,
hanggang sa ang Shilo ay dumating;[a]
    at ang pagtalima ng mga bayan sa kanya.
11 Itinali ang kanyang batang asno sa puno ng ubas,
    at ang guya ng kanyang asno sa piling puno ng ubas;
nilabhan niya ang kanyang suot sa alak,
    at ang kanyang damit sa dugo ng ubas.
12 Ang kanyang mga mata ay namumula sa alak,
    at ang kanyang mga ngipin ay namumuti sa gatas.

13 Si Zebulon ay tatahan sa dalampasigan,
    at siya'y magiging kanlungan ng mga sasakyang-dagat;
    at ang kanyang hangganan ay magiging hanggang Sidon.

14 Si Isacar ay isang malakas na asno,
    na nahihiga sa gitna ng mga kawan ng mga tupa;
15 at nakakita siya ng dakong pagpapahingahan, na ito ay mabuti,
    at ang lupain ay maganda;
at kanyang iniyuko ang kanyang balikat upang pasanin,
    at naging aliping sapilitang pinagagawa.

16 Si Dan ay hahatol sa kanyang bayan,
    bilang isa sa mga lipi ni Israel.
17 Si Dan ay magiging ahas sa daan,
    isang ulupong sa landas,
na nangangagat ng mga sakong ng kabayo,
    kaya't nahuhulog sa likuran ang sakay niyon.

18 Aking hinintay ang iyong pagliligtas, O Panginoon.

19 Si Gad ay sasalakayin ng isang pulutong ng mandarambong,
    ngunit siya ang sasalakay sa kanilang mga sakong.

20 Mula kay Aser, ang kanyang tinapay ay tataba,
    at siya ay magbibigay ng pagkaing-hari.

21 Si Neftali ay isang babaing usa na pinakawalan,
    na nagbibigay ng isang magandang pananalita.

22 Si Jose ay isang mabungang supling,
    isang mabungang supling sa tabi ng bukal;
    ang kanyang mga sanga'y gumagapang sa ibabaw ng pader.
23 Ginigipit siya ng mga bihasa sa pana,
    at namamana, at naghihintay na tambangan siya.
24 Ngunit ang kanyang busog ay nananatili sa kalakasan,
    at ang mga kamay ng kanyang bisig ay pinalakas
ng mga kamay ng Makapangyarihan ni Jacob
    (sa pangalan ng Pastol, ang Bato ng Israel),
25 sa pamamagitan ng Diyos ng iyong ama, na tutulong sa inyo,
    ng Makapangyarihan sa lahat na magpapala sa inyo,
    pagpapala ng langit mula sa itaas,
mga pagpapala ng mga kalaliman na nalalagay sa ibaba,
    mga pagpapala ng mga dibdib at ng bahay-bata.
26 Ang mga pagpapala ng iyong ama
    ay higit na malakas kaysa pagpapala ng walang hanggang kabundukan,
    sa kasaganaan ng mga burol na walang hanggan;
nawa ang mga iyon ay mapasaulo ni Jose,
    at para sa kilay niya na ibinukod mula sa mga kapatid.

27 Si Benjamin ay isang lobong mabangis;
    sa umaga'y nilalamon niya ang nasila,
    at sa gabi ay paghahatian niya ang samsam.”

28 Ang lahat ng ito ang labindalawang lipi ng Israel. At ito ang sinalita ng kanilang ama sa kanila, at sila'y binasbasan niya, ang bawat isa ayon sa basbas sa kanya.

Ang Pagkamatay at Paglilibing kay Jacob

29 Pagkatapos ay iniutos niya sa kanila, “Ako'y malapit nang makasama sa aking bayan. Ilibing ninyo ako sa tabi ng aking mga magulang, sa yungib na nasa parang ni Efron na Heteo,

30 sa(B) yungib na nasa parang ng Macpela, na nasa tapat ng Mamre, sa lupain ng Canaan, ang parang na binili ni Abraham kay Efron na Heteo, upang maging libingan.

31 Doon(C) nila inilibing si Abraham at si Sara na kanyang asawa; at doon nila inilibing si Isaac at si Rebecca na kanyang asawa; at doon ko inilibing si Lea,

32 sa parang at sa yungib na nandoon na binili mula sa mga anak ni Het.”

33 Pagkatapos(D) na si Jacob ay makapagbilin sa kanyang mga anak, itinikom niya ang kanyang mga paa sa higaan, siya'y nalagutan ng hininga at naging kasama ng kanyang bayan.

50 Yumakap si Jose sa kanyang ama, umiyak sa harapan niya, at hinalikan niya.

Iniutos ni Jose sa kanyang mga manggagamot na naglilingkod sa kanya na embalsamuhin ang kanyang ama, at inembalsamo ng mga manggagamot si Israel.

Gumugol sila ng apatnapung araw na siyang kailangan upang matupad ang pag-iimbalsamo. At ang mga Ehipcio ay tumangis para sa kanya ng pitumpung araw.

Nang makaraan na ang mga araw ng kanyang pagtangis, si Jose ay nagsalita sa sambahayan ng Faraon, “Kung ngayo'y nakatagpo ako ng biyaya sa inyong paningin ay sabihin ninyo sa pandinig ni Faraon:

Pinanumpa(E) ako ng aking ama, na sinasabi, ‘Ako'y malapit nang mamatay; ililibing mo ako doon sa libingan na aking hinukay para sa akin sa lupain ng Canaan.’ Kaya't ngayon ay nakikiusap ako na pahintulutan ninyo akong umalis, at ilibing ko ang aking ama, at muli akong babalik.”

Sinabi ng Faraon, “Umalis ka, at ilibing mo ang iyong ama, ayon sa kanyang ipinasumpa sa iyo.”

Kaya't umalis si Jose upang ilibing ang kanyang ama. Kasama niyang umalis ang lahat ng lingkod ng Faraon, ang mga matatandang pinuno[b] sa kanyang sambahayan, ang lahat ng matatandang pinuno sa lupain ng Ehipto;

ang buong sambahayan ni Jose, ang kanyang mga kapatid, at ang sambahayan ng kanyang ama. Tanging ang kanilang mga anak lamang, mga kawan, at bakahan, ang iniwan nila sa lupain ng Goshen.

Umahong kasama niya ang mga karwahe at mga nangangabayo. Iyon ay isang napakalaking pangkat.

10 Sila'y nakarating hanggang sa giikan sa Atad na nasa kabilang ibayo ng Jordan; at doo'y tumangis sila nang malakas at napakatindi. Kanyang ipinagluksa ang kanyang ama sa loob ng pitong araw.

11 Nang makita ng mga Cananeo na nakatira sa lupaing iyon ang pagtangis sa giikan sa Atad, ay kanilang sinabi, “Ito'y isang napakalaking panaghoy para sa Ehipcio,” kaya't ang pangalang itinawag dito ay Abel-mizraim,[c] ito ay nasa kabilang ibayo ng Jordan.

12 Ginawa sa kanya ng kanyang mga anak ang ayon sa iniutos sa kanila.

13 Dinala(F) siya ng kanyang mga anak sa lupain ng Canaan, at inilibing siya sa yungib ng Macpela sa parang na binili ni Abraham upang maging libingan, mula kay Efron na Heteo, sa tapat ng Mamre.

14 Pagkatapos niyang mailibing ang kanyang ama, bumalik si Jose sa Ehipto, kasama ang kanyang mga kapatid at ang lahat ng umalis na kasama niya sa paglilibing sa kanyang ama.

Ang Kabutihang Loob ni Jose sa Kanyang mga Kapatid

15 Nang makita ng mga kapatid ni Jose na ang kanilang ama'y patay na, ay kanilang sinabi, “Baka si Jose ay may galit sa atin, at tayo'y tiyak na gantihan sa lahat ng kasamaang ginawa natin sa kanya.”

16 Kaya't ipinasabi nila kay Jose, “Iniutos ng iyong ama bago namatay, na sinasabi,

17 ‘Ganito ang inyong sasabihin kay Jose: Hinihiling ko na ipatawad mo ang pagkakasala ng iyong mga kapatid, at ang kanilang pagkakamali sapagkat sila'y gumawa ng kasamaan sa iyo.’ Hinihiling namin na ipatawad mo ang pagkakasala ng mga lingkod ng Diyos ng iyong ama.” Si Jose ay umiyak nang sila ay magsalita sa kanya.

18 Ang kanyang mga kapatid ay lumapit at nagpatirapa sa harapan niya at kanilang sinabi, “Narito, kami ay iyong mga alipin.”

19 Subalit sinabi ni Jose sa kanila, “Huwag kayong matakot. Sapagkat ako ba ay nasa lugar ng Diyos?

20 Kayo, kayo'y nagnasa ng masama laban sa akin, ngunit inilagay ng Diyos para sa kabutihan, upang mangyari ang gaya sa araw na ito, upang mapanatiling buháy ang napakaraming tao.

21 Kaya't huwag kayo ngayong matakot; pakakainin ko kayo at ang inyong mga anak.” Kanya silang inaliw at nagsalitang may kabaitan sa kanila.

Ang Kamatayan ni Jose

22 Si Jose ay nanirahan sa Ehipto, siya at ang sambahayan ng kanyang ama; at si Jose ay nabuhay ng isandaan at sampung taon.

23 Nakita ni Jose ang mga anak ni Efraim hanggang sa ikatlong salinlahi; gayundin ang mga anak ni Makir na anak ni Manases ay ipinanganak sa mga tuhod ni Jose.

24 At sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, “Ako'y malapit nang mamatay; ngunit kayo'y tiyak na dadalawin ng Diyos, at dadalhin kayo mula sa lupaing ito hanggang sa lupain na kanyang ipinangako kina Abraham, Isaac at Jacob.”

25 Pagkatapos(G) ay pinanumpa ni Jose ang mga anak ni Israel, na sinasabi, “Kapag dinalaw kayo ng Diyos, dadalhin ninyo ang aking mga buto mula rito.”

26 Kaya't namatay si Jose sa gulang na isandaan at sampung taon; at kanilang inembalsamo siya, at siya'y inilagay sa isang kabaong sa Ehipto.

Mateo 13:31-58

Ang Talinghaga tungkol sa Binhi ng Mustasa(A)

31 Nagbigay siya sa kanila ng isa pang talinghaga, na sinasabi, “Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang butil ng binhi ng mustasa na kinuha ng isang tao, at inihasik sa kanyang bukid.

32 Iyon ang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi, ngunit nang tumubo ay siyang pinakamalaki sa mga halaman at nagiging punungkahoy, anupa't ang mga ibon sa himpapawid ay dumarating at nagpupugad sa kanyang mga sanga.

Ang Talinghaga ng Pampaalsa(B)

33 Nagsalaysay siya sa kanila ng isa pang talinghaga: “Ang kaharian ng langit ay tulad sa pampaalsa na kinuha ng isang babae, at inihalo[a] sa tatlong takal na harina, hanggang sa ang lahat ay malagyan ng pampaalsa.”

Ang Paggamit ni Jesus sa mga Talinghaga(C)

34 Ang lahat ng mga bagay na ito'y sinabi ni Jesus sa maraming tao sa pamamagitan ng mga talinghaga, at wala siyang sinabi sa kanila na hindi sa pamamagitan ng talinghaga.

35 Ito(D) ay upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta,[b]

“Bubuksan ko ang aking bibig sa pagsasalita ng mga talinghaga;
isasalaysay ko ang mga natatagong bagay mula pa nang itatag ang sanlibutan.”[c]

Ang Kahulugan ng Talinghaga ng mga Damo sa Triguhan

36 Pagkatapos ay iniwan ni Jesus[d] ang napakaraming tao at pumasok sa bahay. Lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad, na nagsasabi, “Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga ng mga damo sa bukid.”

37 Sumagot siya at sinabi, “Ang naghahasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng Tao.

38 Ang bukid ay ang sanlibutan. Ang mabuting binhi naman ay ang mga anak ng kaharian, subalit ang mga damo ay ang mga anak ng masama.

39 Ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diyablo. Ang anihan ay ang katapusan ng sanlibutan; at ang mga manggagapas ay ang mga anghel.

40 Kaya't kung paanong tinitipon ang mga damo upang sunugin sa apoy, gayundin ang mangyayari sa katapusan ng sanlibutan.

41 Susuguin ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel, at titipunin nila sa labas ng kanyang kaharian ang lahat ng mga sanhi ng pagkakasala at ang mga gumagawa ng kasamaan;

42 at itatapon nila ang mga ito sa pugon ng apoy. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.

43 Kung magkagayo'y magliliwanag ang mga matuwid na tulad ng araw sa kaharian ng kanilang Ama. Ang mga may pandinig ay makinig!

Ang Nakatagong Kayamanan

44 “Ang kaharian ng langit ay tulad sa nakatagong kayamanan sa isang bukid; na natagpuan ng isang tao, at tinabunan niya ito. Sa kanyang kagalakan ay umalis siya at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang bukid na iyon.

Ang Mamahaling Perlas

45 “Gayundin naman, ang kaharian ng langit ay tulad ng isang mangangalakal na naghahanap ng magagandang perlas;

46 at nang makatagpo ng isang mamahaling perlas ay umalis at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili iyon.

Ang Lambat

47 “Gayundin naman, ang kaharian ng langit ay tulad sa isang lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng iba't ibang uri ng isda.

48 Nang ito ay mapuno, hinila nila ito sa pampang. Umupo sila at tinipon sa mga sisidlan ang mabubuti, ngunit itinapon ang masasama.

49 Gayon ang mangyayari sa katapusan ng sanlibutan. Lalabas ang mga anghel at kanilang ihihiwalay ang masasama sa matutuwid,

50 at itatapon sila sa pugon ng apoy. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.

Kayamanang Bago at Luma

51 “Naunawaan ba ninyo ang lahat ng mga bagay na ito?” Sinabi nila sa kanya, “Oo.”

52 At sinabi niya sa kanila, “Kaya't ang bawat eskriba na sinanay para sa kaharian ng langit ay tulad sa isang puno ng sambahayan na naglalabas mula sa kanyang kayamanan ng mga bagay na bago at luma.”

Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(E)

53 Nang matapos na ni Jesus ang mga talinghagang ito, iniwan niya ang pook na iyon.

54 Dumating siya sa sarili niyang bayan at kanyang tinuruan sila sa kanilang sinagoga, anupa't sila'y namangha, at nagsabi, “Saan kumuha ang taong ito ng ganitong karunungan at ng ganitong mga gawang makapangyarihan?”

55 Hindi ba ito ang anak ng karpintero? Hindi ba ang kanyang ina ay tinatawag na Maria? At ang kanyang mga kapatid ay sina Santiago, Jose, Simon, at Judas?

56 Hindi ba't kasama natin ang lahat ng kanyang mga kapatid na babae? Saan kinuha ng taong ito ang lahat ng mga bagay na ito?”

57 At(F) natisod sila sa kanya. Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang isang propeta ay di nawawalan ng karangalan, maliban sa kanyang sariling bayan at sambahayan.”

58 At hindi siya gumawa roon ng maraming gawang makapangyarihan dahil sa kawalan nila ng pananampalataya.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001