Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Exodo 9-11

Ang Pagkakapeste ng mga Baka

Pagkatapos ay sinabi ng Panginoon kay Moises, “Puntahan mo ang Faraon at sabihin mo sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng mga Hebreo: Payagan mong umalis ang aking bayan upang sila'y makasamba sa akin.

Sapagkat kung tatanggihan mong paalisin sila, at sila'y pipigilin mo pa,

ang kamay ng Panginoon ay magbibigay ng matinding salot sa iyong hayop na nasa parang, sa mga kabayo, mga asno, mga kamelyo, mga baka, at sa mga kawan.

Ngunit gagawa ang Panginoon ng pagkakaiba sa mga hayop ng Israel at sa mga hayop ng Ehipto, upang walang mamatay sa lahat ng nauukol sa mga anak ni Israel.’”

Ang Panginoon ay nagtakda ng panahon na sinasabi, “Bukas ay gagawin ng Panginoon ang bagay na ito sa lupain.”

Kinabukasan ay ginawa ng Panginoon ang bagay na iyon. Ang lahat ng hayop sa Ehipto ay namatay ngunit sa hayop ng mga anak ni Israel ay walang namatay kahit isa.

Ang Faraon ay nagsugo, at walang namatay kahit isa sa kawan ng mga Israelita. Ngunit ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at hindi niya pinayagang umalis ang taong-bayan.

Ang Salot na Pigsa

Sinabi ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, “Dumakot kayo ng isang dakot na abo sa hurno, at isaboy ito ni Moises sa himpapawid sa paningin ni Faraon.

Ito'y magiging pinong alabok sa buong lupain ng Ehipto, at magiging pigsang susugat sa tao, at sa hayop sa buong lupain ng Ehipto.”

10 Kaya't(A) sila'y kumuha ng abo sa hurno, at tumayo sa harap ni Faraon. Isinaboy ito ni Moises sa himpapawid at naging pigsang sumusugat sa tao at sa hayop.

11 Ang mga salamangkero ay hindi makatayo sa harap ni Moises dahil sa mga pigsa; sapagkat nagkapigsa ang mga salamangkero at ang lahat ng mga Ehipcio.

12 Ngunit pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon at hindi niya dininig sila gaya ng sinabi ng Panginoon kay Moises.

13 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumangon kang maaga sa kinaumagahan, at tumayo ka sa harap ng Faraon. Sabihin mo sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng mga Hebreo: Payagan mong umalis ang aking bayan upang sila'y makasamba sa akin.

14 Sapagkat ngayo'y ibubuhos ko na ang lahat ng aking salot sa iyo, sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan upang iyong malaman na walang tulad ko sa buong daigdig.

15 Sapagkat ngayo'y maaari ko nang iunat ang aking kamay upang dalhan ka ng salot at ang iyong bayan, at nawala ka na sana sa lupa.

16 Subalit(B) dahil sa layuning ito ay binuhay kita, upang maipakita sa iyo ang aking kapangyarihan, at ang aking pangalan ay mahayag sa buong daigdig.

17 Nagmamalaki ka pa ba laban sa aking bayan, at ayaw mo silang paalisin?

18 Bukas, sa ganitong oras, ay magpapabagsak ako ng mabibigat na yelong ulan na kailanma'y hindi pa nangyari sa Ehipto mula nang araw na itatag ito hanggang ngayon.

19 Ngayon nga'y magsugo ka, ipasilong mo ang iyong mga hayop at lahat ng iyong pag-aari sa parang; bawat tao at hayop na maabutan sa parang at hindi maisilong ay babagsakan ng yelong ulan at mamamatay.’”

20 Ang bawat natakot sa salita ng Panginoon sa mga lingkod ni Faraon ay nagpauwi ng kanyang mga alipin at ng kanyang hayop sa mga bahay;

21 ngunit ang nagwalang bahala sa salita ng Panginoon ay pinabayaan ang kanyang mga alipin at ang kanyang kawan sa parang.

Ang Mabibigat na Yelong Ulan

22 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay paharap sa langit upang magkaroon ng yelong ulan sa buong lupain ng Ehipto na babagsak sa mga tao, sa mga hayop, at sa bawat mga halaman sa parang sa buong lupain ng Ehipto.”

23 Kaya't iniunat ni Moises ang kanyang tungkod paharap sa langit, at ang Panginoon ay nagpadala ng kulog at yelong ulan, at may apoy na bumagsak sa lupa. At ang Panginoon ay nagpaulan ng yelo sa lupain ng Ehipto.

24 Sa(C) gayo'y nagkaroon ng yelong ulan at ng apoy na sumisiklab sa gitna ng yelong ulan, at ang gayong napakabigat na yelong ulan ay di nangyari kailanman sa buong lupain ng Ehipto mula nang maging bansa ito.

25 Binagsakan ng yelong ulan ang buong lupain ng Ehipto, ang lahat na nasa parang, maging tao at maging hayop, pati ang lahat ng halaman sa parang, at binali ang lahat ng punungkahoy.

26 Sa lupain lamang ng Goshen na kinaroroonan ng mga anak ni Israel hindi nagkaroon ng yelong ulan.

27 Ang Faraon ay nagsugo at ipinatawag sina Moises at Aaron at sinabi sa kanila, “Ako'y nagkasala sa pagkakataong ito; ang Panginoon ay matuwid samantalang ako at ang aking bayan ay masama.

28 Pakiusapan ninyo ang Panginoon, sapagkat nagkaroon na ng sapat na kulog at yelong ulan. Papayagan kong umalis na kayo at hindi na kayo mananatili pa.”

29 Sinabi ni Moises sa kanya, “Pagkalabas ko sa lunsod, aking iuunat ang aking mga kamay sa Panginoon; ang mga kulog ay titigil, at hindi na magkakaroon pa ng yelong ulan upang iyong malaman na ang daigdig ay sa Panginoon.

30 Ngunit tungkol sa iyo at sa iyong mga lingkod, alam ko na hindi pa kayo natatakot sa Panginoong Diyos.”

31 Ang lino at ang sebada ay nasira sapagkat ang sebada ay nag-uuhay na at ang lino ay namumulaklak na.

32 Subalit ang trigo at ang espelta ay hindi nasira sapagkat hindi pa tumutubo.

33 Kaya't si Moises ay lumabas sa lunsod mula sa Faraon, at iniunat ang kanyang mga kamay sa Panginoon. Ang mga kulog at ang yelong ulan ay tumigil at ang ulan ay hindi na bumuhos sa lupa.

34 Ngunit nang makita ng Faraon na ang ulan, ang yelong ulan at ang mga kulog ay tumigil, muli siyang nagkasala at nagmatigas ang kanyang puso, pati ang kanyang mga lingkod.

35 Ang puso ng Faraon ay nagmatigas at hindi niya pinayagang umalis ang bayan ng Israel; gaya ng sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

10 Pagkatapos ay sinabi ng Panginoon kay Moises, “Puntahan mo ang Faraon, sapagkat aking pinatigas ang puso niya at ng kanyang mga lingkod, upang aking maipakita itong aking mga tanda sa gitna nila,

at upang iyong maisalaysay sa mga pandinig ng iyong anak, at sa anak ng iyong anak, kung anong mga bagay ang ginawa ko sa Ehipto, at ang aking mga tandang ginawa sa gitna nila, upang inyong malaman na ako ang Panginoon.”

Kaya't pinuntahan nina Moises at Aaron ang Faraon at sinabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng mga Hebreo, ‘Hanggang kailan ka tatangging magpakumbaba sa harap ko? Payagan mo nang umalis ang aking bayan, upang sila'y makasamba sa akin.

Sapagkat kung tatanggihan mong paalisin ang aking bayan, bukas ay magdadala ako ng mga balang sa iyong lupain.

Kanilang tatakpan ang ibabaw ng lupain, kaya't walang makakakita ng lupa. Kanilang kakainin ang naiwan sa inyo pagkaraan ng yelong ulan at kanilang kakainin ang bawat punungkahoy mo sa parang.

Ang inyong mga bahay ay mapupuno, ang mga bahay ng lahat mong lingkod, at ang mga bahay ng mga Ehipcio, na hindi nakita ng inyong mga magulang ni ng inyong mga ninuno, mula nang araw na sila'y mapasa daigdig hanggang sa araw na ito.’” At siya'y tumalikod at nilisan ang Faraon.

Sinabi ng mga lingkod ng Faraon sa kanya, “Hanggang kailan magiging isang bitag sa atin ang taong ito? Hayaan mo nang umalis ang mga taong iyan upang sila'y makapaglingkod sa Panginoon nilang Diyos; hindi mo pa ba nauunawaan na ang Ehipto ay wasak na?”

Kaya't sina Moises at Aaron ay pinabalik sa Faraon at kanyang sinabi sa kanila, “Humayo kayo, maglingkod kayo sa Panginoon ninyong Diyos; subalit sinu-sino ang aalis?”

Sinabi ni Moises, “Kami ay aalis kasama ang aming mga bata at matatanda, kasama ang aming mga anak na lalaki at babae, mga kawan at mga baka, sapagkat kami ay kailangang magdiwang ng isang pista sa Panginoon.”

10 Kanyang sinabi sa kanila, “Sumainyo nawa ang Panginoon, kung kayo'y aking papayagan, at ang inyong maliliit na umalis! Tingnan ninyo, mayroon kayong masamang binabalak.

11 Hindi, hindi kailanman! Maaaring umalis ang inyong mga kalalakihan at sumamba sa Panginoon, sapagkat iyan ang inyong hinihingi.” At sila'y ipinagtabuyan mula sa harap ng Faraon.

Ang Salot ng mga Balang

12 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay sa lupain ng Ehipto, upang dumating dito ang mga balang at kainin ang lahat ng halaman sa lupain, maging ang lahat ng iniwan ng yelong ulan.”

13 Kaya't iniunat ni Moises ang kanyang tungkod sa lupain ng Ehipto, at ang Panginoon ay nagpahihip ng hanging amihan sa lupain ng buong araw na iyon at ng buong gabi; at nang mag-umaga ay dinala ng hanging amihan ang mga balang.

14 Ang(D) mga balang ay lumapag sa buong lupain ng Ehipto at dumagsa sa lahat ng hangganan ng Ehipto; totoong napakakapal ng mga balang na hindi nangyari noon at hindi na mangyayari pa.

15 Sapagkat tinakpan ng mga iyon ang ibabaw ng buong lupain, kaya't ang lupain ay nagdilim. Kinain nila ang lahat ng halaman sa lupain at ang lahat na bunga ng mga punungkahoy na iniwan ng yelong ulan at walang natirang anumang sariwang bagay, maging sa punungkahoy o sa halaman sa parang, sa buong lupain ng Ehipto.

16 Pagkatapos ay nagmamadaling ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron at kanyang sinabi, “Ako'y nagkasala laban sa Panginoon ninyong Diyos at laban sa inyo.

17 Ipatawad mo ang aking kasalanan, ngayon na lamang at hilingin ninyo sa Panginoon ninyong Diyos, ilayo man lamang sa akin ang nakakamatay na bagay na ito.”

18 Kaya't iniwan niya ang Faraon at nakiusap sa Panginoon.

19 Pinabalik ng Panginoon ang isang napakalakas na hanging habagat na siyang tumangay sa mga balang, at itinaboy ang mga ito sa Dagat na Pula; walang natira kahit isang balang sa buong nasasakupan ng Ehipto.

20 Subalit pinatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon at hindi niya pinayagang umalis ang mga anak ni Israel.

Ang Salot na Kadiliman

21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay paharap sa langit, upang magdilim sa lupain ng Ehipto ng isang kadilimang mararamdaman.”

22 Kaya't(E) iniunat ni Moises ang kanyang kamay paharap sa langit, at nagkaroon ng makapal na kadiliman sa buong lupain ng Ehipto ng tatlong araw.

23 Sila'y hindi magkakitaan, at walang tumindig na sinuman sa kinaroroonan niya sa loob ng tatlong araw; ngunit lahat ng mga anak ni Israel ay may liwanag sa kanilang tirahan.

24 Ipinatawag ng Faraon si Moises at sinabi, “Humayo kayo, maglingkod kayo sa Panginoon; iwan lamang ninyo ang inyong mga kawan at ang inyong mga baka. Isama na rin ninyo ang inyong mga anak.”

25 Ngunit sinabi ni Moises, “Dapat ding magbigay ka sa aming kamay ng mga alay at mga handog na sinusunog upang aming maihandog sa Panginoon naming Diyos.

26 Ang aming hayop ay isasama rin namin; wala kahit isang paa na maiiwan, sapagkat kailangang pumili kami ng ilan sa mga iyon para sa pagsamba sa Panginoon naming Diyos. Hindi namin nalalaman kung ano ang aming gagamitin sa pagsamba sa Panginoon, hanggang sa kami ay dumating doon.”

27 Subalit pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon at hindi niya pinayagang umalis sila.

28 Sinabi ng Faraon sa kanya, “Umalis ka sa harap ko! Tiyakin mong huwag nang makitang muli ang aking mukha, sapagkat sa araw na iyong makita ang aking mukha ay mamamatay ka.”

29 Sinabi ni Moises, “Gaya ng sinabi mo! Hindi ko na muling makikita ang iyong mukha.”

Ibinabala ang Huling Salot

11 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “May isa pa akong salot na dadalhin sa Faraon at sa Ehipto. Pagkatapos nito ay papahintulutan niya kayong umalis dito. Kapag pumayag na siyang kayo'y umalis, kayo'y itataboy niyang papalayo.

Magsalita ka ngayon sa pandinig ng bayan at humingi ang bawat lalaki sa kanyang kapwa, at bawat babae sa kanyang kapwa ng mga alahas na pilak, at ng mga alahas na ginto.”

Binigyan ng Panginoon ang bayan ng biyaya sa paningin ng mga Ehipcio. Bukod dito, ang lalaking si Moises ay naging dakila sa lupain ng Ehipto, sa paningin ng mga lingkod ng Faraon, at sa paningin ng mga tao.

Sinabi ni Moises, “Ganito ang sinasabi ng Panginoon: Sa hatinggabi ay lalabas ako sa gitna ng Ehipto.

Lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto ay mamamatay, mula sa panganay ng Faraon na nakaupo sa kanyang trono, hanggang sa panganay ng aliping babaing nasa likuran ng gilingan, at ang lahat ng mga panganay ng mga hayop.

Magkakaroon ng malakas na panaghoy sa buong lupain ng Ehipto, na hindi pa nagkaroon ng tulad nito at hindi na muling magkakaroon pa.

Subalit sa bayan ng Israel, maging tao o hayop ay walang uungol kahit aso, upang inyong malaman na naglalagay ang Panginoon ng pagkakaiba sa mga Ehipcio at sa Israel.

Ang lahat ng mga lingkod mong ito ay dudulog at yuyukod sa akin, na sinasabi, ‘Umalis ka at ang buong bayan na sumusunod sa iyo.’ Pagkatapos niyon ay aalis ako.” At siya'y umalis sa harap ng Faraon na may matinding galit.

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Hindi kayo papakinggan ng Faraon, upang ang aking mga kababalaghan ay dumami sa lupain ng Ehipto.”

10 Ginawa nina Moises at Aaron ang lahat ng mga kababalaghang ito sa harap ng Faraon; ngunit pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon, at hindi niya pinahintulutan ang mga anak ni Israel na lumabas sa kanyang lupain.

Mateo 15:21-39

Ang Pananalig ng Babaing Cananea(A)

21 Umalis doon si Jesus at pumunta sa nasasakupan ng Tiro at Sidon.

22 May isang babaing Cananea na mula sa lupaing iyon ang lumabas at nagsimulang sumigaw, “Mahabag ka sa akin, O Panginoon, Anak ni David; ang anak kong babae ay pinahihirapan ng isang demonyo.”

23 Ngunit hindi siya sumagot sa kanya kahit isang salita. Lumapit ang kanyang mga alagad at nakiusap sa kanya, na nagsasabi, “Paalisin mo siya, sapagkat nagsisisigaw siya at sumusunod sa hulihan natin.”

24 Ngunit sumagot siya at sinabi, “Ako'y hindi sinugo maliban sa mga nawawalang tupa ng sambahayan ni Israel.”

25 Ngunit lumapit siya at lumuhod sa kanya, na nagsasabi, “Panginoon, tulungan mo ako.”

26 Siya'y sumagot at sinabi, “Hindi mabuti na kunin ang tinapay ng mga anak at itapon ito sa mga aso.”

27 Ngunit sinabi niya, “Oo, Panginoon. Subalit maging ang mga aso ay kumakain ng mga mumo na nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga panginoon.”

28 Nang magkagayo'y sumagot si Jesus at sinabi sa kanya, “O babae, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari sa iyo ang sinasabi mo.” At gumaling ang kanyang anak sa oras ding iyon.

Maraming Pinagaling si Jesus

29 Umalis si Jesus doon at dumaan sa baybayin ng Dagat ng Galilea. Umakyat siya sa bundok at naupo roon.

30 Lumapit sa kanya ang napakaraming tao na dala ang mga pilay, mga lumpo, mga bulag, mga pipi, at marami pang iba. Inilagay nila ang mga ito sa kanyang paanan at sila'y pinagaling niya.

31 Kaya't namangha ang maraming tao nang makita nilang nagsasalita ang mga pipi, gumaling ang mga lumpo, lumalakad ang mga pilay, at nakakita ang mga bulag, at niluwalhati nila ang Diyos ng Israel.

Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(B)

32 Pagkatapos ay tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad, at sinabi, “Nahahabag ako sa napakaraming taong ito, sapagkat tatlong araw na silang sumasama sa akin at wala silang makain; at hindi ko nais na paalisin silang gutom, baka himatayin sila sa daan.”

33 At sinabi sa kanya ng mga alagad, “Saan tayo kukuha sa ilang na lugar ng sapat na tinapay upang mapakain ang ganito karaming tao?”

34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ilang tinapay mayroon kayo?” Sinabi nila, “Pito, at ilang maliliit na isda.”

35 Iniutos niya sa mga tao na umupo sa lupa.

36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda; nang siya'y makapagpasalamat, pinagputul-putol niya ito at ibinigay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga tao.

37 Kumain silang lahat at nabusog. Kinuha nila ang natira sa mga pinagputul-putol at napuno pa ang pitong kaing.

38 Ang mga kumain ay apat na libong lalaki, bukod pa sa mga babae at sa mga bata.

39 Pinaalis na niya ang maraming mga tao. Sumakay siya sa isang bangka at nagtungo sa nasasakupan ng Magdala.[a]

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001