Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Genesis 20-22

Sina Abraham at Abimelec

20 At mula roon ay naglakbay si Abraham sa lupain ng timog, at nanirahan sa pagitan ng Kadesh at Shur. Samantalang naninirahan bilang isang dayuhan sa Gerar,

sinabi(A) ni Abraham tungkol kay Sara na kanyang asawa, “Siya'y aking kapatid;” at si Abimelec na hari sa Gerar ay nagpasugo at kinuha si Sara.

Subalit pumunta ang Diyos kay Abimelec sa panaginip sa gabi at sinabi sa kanya, “Ikaw ay malapit nang mamatay dahil sa ang babaing kinuha mo'y asawa ng isang lalaki.”

Ngunit si Abimelec ay hindi pa nakakasiping sa kanya. At sinabi niya, “Panginoon, papatayin mo ba pati ang isang bayang walang sala?

Hindi ba siya rin ang nagsabi sa akin, ‘Siya'y aking kapatid.’ at si Sara man ay nagsabi, ‘Siya'y aking kapatid?’ Sa katapatan ng aking puso at kawalang-sala ng aking mga kamay ay ginawa ko ito.”

Sinabi sa kanya ng Diyos sa panaginip, “Oo, nalalaman ko na sa katapatan ng iyong puso ay ginawa mo ito, at hinadlangan din naman kita na magkasala ng laban sa akin kaya't hindi ko ipinahintulot na galawin mo siya.

Ngayon nga'y isauli mo ang asawa ng lalaking ito; sapagkat siya'y isang propeta, at ikaw ay ipapanalangin niya at mabubuhay ka. Ngunit kapag hindi mo siya isinauli, tandaan mong tiyak na mamamatay ka, ikaw at ang lahat ng iyo.”

Kinaumagahan, si Abimelec ay bumangon nang maaga at tinawag ang lahat niyang mga lingkod. Sinabi niya sa kanila ang lahat ng bagay na ito, at ang mga tao'y takot na takot.

Tinawag ni Abimelec si Abraham, at sa kanya'y sinabi, “Anong ginawa mo sa amin at paano ako nagkasala laban sa iyo, upang dalhan mo ako at ang aking kaharian ng isang malaking kasalanan? Ginawa mo sa akin ang mga gawang di nararapat gawin.”

10 At sinabi ni Abimelec kay Abraham, “Ano ba ang iniisip mo at ginawa mo ang bagay na ito?”

11 Sumagot si Abraham, “Sapagkat inisip ko na tunay na walang pagkatakot sa Diyos sa lugar na ito at papatayin nila ako dahil sa aking asawa.

12 At saka, talagang siya'y kapatid ko, anak ng aking ama, subalit hindi anak ng aking ina; at siya'y naging asawa ko.

13 Nang paalisin ako ng Diyos sa bahay ng aking ama ay sinabi ko sa kanya, ‘Ito ang kabutihan na maipapakita mo sa akin: sa lahat ng lugar na ating pupuntahan ay sabihin mo tungkol sa akin, Siya'y aking kapatid.’”

14 Si Abimelec ay kumuha ng mga tupa at baka, mga aliping lalaki at babae, at ibinigay ang mga ito kay Abraham, at isinauli sa kanya si Sara na kanyang asawa.

15 At sinabi ni Abimelec, “Ang lupain ko ay nasa harapan mo; manirahan ka kung saan mo gusto.”

16 Sinabi niya kay Sara, “Tingnan mo, nagbigay ako ng isang libong pirasong pilak sa iyong kapatid. Ito'y magpapawalang-sala sa iyo sa paningin ng lahat ng kasama mo; ikaw ay ganap na napawalang-sala.”

17 At nanalangin si Abraham sa Diyos; at pinagaling ng Diyos si Abimelec, ang kanyang asawa, at ang kanyang mga aliping babae, na anupa't nagkaanak sila.

18 Sapagkat sinarhan ng Panginoon ang lahat ng bahay-bata sa sambahayan ni Abimelec, dahil kay Sara na asawa ni Abraham.

Ipinanganak si Isaac

21 Dinalaw ng Panginoon si Sara ayon sa sinabi niya, at ginawa ng Panginoon kay Sara ang ayon sa kanyang pangako.

Si(B) Sara ay naglihi at nagkaanak ng isang lalaki kay Abraham sa kanyang katandaan, sa takdang panahong sinabi ng Diyos sa kanya.

Tinawag ni Abraham na Isaac ang anak na ipinanganak sa kanya ni Sara.

At(C) tinuli ni Abraham ang anak niyang si Isaac pagkaraan ng walong araw gaya ng iniutos ng Diyos sa kanya.

Si Abraham ay isandaang taong gulang nang ipanganak si Isaac na kanyang anak.

Sinabi ni Sara, “Pinatawa ako ng Diyos, sinumang makarinig ay makikitawa sa akin.”

At sinabi niya, “Sino ang magsasabi kay Abraham na si Sara ay magpapasuso ng mga anak? Ngunit ako'y nagkaanak pa sa kanya ng isang lalaki sa kanyang katandaan.”

Pinalayas sina Hagar at Ismael

Lumaki ang sanggol, at inawat sa pagsuso; at nagdaos ng malaking handaan si Abraham nang araw na ihiwalay sa pagsuso si Isaac.

Subalit nakita ni Sara ang anak ni Hagar na taga-Ehipto, na ipinanganak kay Abraham, na nakikipaglaro sa anak niyang si Isaac.

10 Kaya't(D) sinabi niya kay Abraham, “Palayasin mo ang aliping ito at ang kanyang anak, sapagkat hindi magmamana ang anak ng aliping ito na kahati ng aking anak na si Isaac.”

11 Ang bagay na ito ay naging lubhang mabigat sa kalooban ni Abraham dahil sa kanyang anak.

12 Sinabi(E) ng Diyos kay Abraham, “Huwag kang magdamdam ng dahil sa bata at dahil sa iyong aliping babae. Makinig ka sa lahat ng sasabihin sa iyo ni Sara sapagkat sa pamamagitan ni Isaac papangalanan ang iyong binhi.

13 Ang anak ng alipin ay gagawin ko ring isang bansa, sapagkat siya'y iyong binhi.”

14 Kinaumagahan, maagang bumangon si Abraham at kumuha ng tinapay at lalagyan ng tubig na yari sa balat at ibinigay kay Hagar. Ipinatong ang mga ito sa kanyang balikat at ang bata at siya ay pinaalis. Siya'y umalis at nagpagala-gala sa ilang ng Beer-seba.

15 Nang maubos ang tubig sa lalagyang-balat, kanyang inilapag ang bata sa ilalim ng isa sa mabababang puno.

16 At siya'y umalis at umupo sa tapat ng bata na ang layo ay may isang banat ng pana at sinabi niya, “Ayaw kong makita ang kamatayan ng bata.” At pag-upo niya sa tapat ng bata,[a] siya'y nagsisigaw at umiiyak.

17 Narinig ng Diyos ang tinig ng bata; at mula sa langit ay tinawag ng anghel ng Diyos si Hagar at sinabi sa kanya, “Napaano ka, Hagar? Huwag kang matakot; sapagkat narinig ng Diyos ang tinig ng bata sa kanyang kinalalagyan.

18 Tumindig ka, itayo mo ang bata at alalayan mo siya ng iyong kamay sapagkat siya'y gagawin kong isang malaking bansa.”

19 Binuksan ng Diyos ang kanyang mga mata at siya'y nakakita ng isang balon ng tubig. Pumunta siya roon at pinuno ng tubig ang lalagyang-balat at pinainom ang bata.

20 Ang Diyos ay kasama ng bata at siya'y lumaki, at nanirahan sa ilang at naging sanay sa paggamit ng pana.

21 Tumira siya sa ilang ng Paran at ikinuha siya ng kanyang ina ng asawa sa lupain ng Ehipto.

Ang Pagtatalo nina Abraham at Abimelec

22 Nang(F) panahong iyon, si Abimelec at si Ficol na kapitan ng kanyang hukbo ay nagsalita kay Abraham, “Sumasaiyo ang Diyos sa lahat mong ginagawa.

23 Ngayon nga'y isumpa mo rito sa akin alang-alang sa Diyos, na di ka magsisinungaling sa akin, sa aking anak, at sa aking tagapagmana. Ayon sa kagandahang-loob na ipinakita ko sa iyo ay gayon ang gagawin mo sa akin, at sa lupaing iyong tinitirhan.”

24 At sinabi ni Abraham, “Sumusumpa ako.”

25 Nang sumbatan ni Abraham si Abimelec dahil sa isang balon ng tubig na sinamsam sa kanya ng mga tauhan ni Abimelec,

26 ay sinabi ni Abimelec, “Hindi ko alam kung sinong gumawa ng bagay na ito. Hindi mo naman sinabi sa akin, at hindi ko naman nabalitaan kundi ngayon.”

27 Kaya't kumuha si Abraham ng mga tupa at baka at ibinigay kay Abimelec; at silang dalawa ay gumawa ng isang tipan.

28 Nagbukod si Abraham ng pitong babaing kordero sa kawan.

29 At sinabi ni Abimelec kay Abraham, “Ano itong pitong babaing kordero na iyong ibinukod?”

30 Sinabi niya, “Itong pitong babaing kordero ay iyong kukunin sa akin upang ikaw ay maging saksi ko na hinukay ko ang balong ito.”

31 Kaya't tinawag niya ang lugar na iyon bilang Beer-seba; sapagkat doon sila kapwa sumumpa.

32 Pagkatapos nilang gumawa ng isang tipan sa Beer-seba, tumindig si Abimelec at si Ficol na kapitan ng kanyang hukbo at bumalik sa lupain ng mga Filisteo.

33 Nagtanim si Abraham ng isang punungkahoy ng tamarisko sa Beer-seba, at doon ay tinawag niya ang pangalan ng Panginoon, ang Walang Hanggang Diyos.

34 At si Abraham ay tumira ng maraming araw bilang isang dayuhan sa lupain ng mga Filisteo.

Iniutos ng Diyos na Ihandog ni Abraham si Isaac

22 Pagkatapos(G) ng mga bagay na ito, sinubok ng Diyos si Abraham, at sinabi sa kanya, “Abraham,” at sinabi niya, “Narito ako.”

At(H) kanyang sinabi, “Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak na si Isaac, na iyong minamahal at pumunta ka sa lupain ng Moria. Ialay mo siya bilang handog na susunugin sa itaas ng isa sa mga bundok na aking sasabihin sa iyo.”

Si Abraham ay maagang bumangon at inihanda ang kanyang asno. Isinama niya ang dalawa sa kanyang mga batang tauhan at si Isaac na kanyang anak. Nagsibak siya ng kahoy para sa handog na susunugin; at siya'y naghanda at pumunta sa lugar na sinabi sa kanya ng Diyos.

Nang ikatlong araw ay tumingin si Abraham at kanyang natanaw ang lugar na iyon sa malayo.

Sinabi ni Abraham sa kanyang mga batang tauhan, “Maghintay kayo rito at ng asno, at ako at ang bata ay pupunta roon upang kami ay sumamba. Babalikan namin kayo.”

At kinuha ni Abraham ang kahoy ng handog na susunugin, at ipinasan kay Isaac na kanyang anak. Dinala niya sa kanyang kamay ang apoy at ang patalim at sila'y umalis na magkasama.

Nagsalita si Isaac kay Abraham na kanyang ama, “Ama ko.” At kanyang sinabi, “Narito ako, anak.” Sinabi niya, “Narito ang apoy at ang kahoy, ngunit nasaan ang korderong handog na susunugin?”

Kaya't sinabi ni Abraham, “Anak ko, ang Diyos ang magkakaloob ng korderong handog na susunugin.” At sila'y umalis na magkasama.

At(I) sila'y dumating sa lugar na sinabi sa kanya ng Diyos. Nagtayo roon si Abraham ng isang dambana, inayos ang kahoy, at tinalian si Isaac na kanyang anak at inilagay sa ibabaw ng kahoy na nasa ibabaw ng dambana.

10 Iniunat ni Abraham ang kanyang kamay at hinawakan ang patalim upang patayin ang kanyang anak.

11 Ngunit tinawag siya ng anghel ng Panginoon mula sa langit, at sinabi, “Abraham, Abraham.” At kanyang sinabi, “Narito ako.”

12 At sa kanya'y sinabi, “Huwag mong sasaktan ang bata, o gawan man siya ng anuman, sapagkat ngayon ay nalalaman ko na ikaw ay may takot sa Diyos, at hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak.”

13 Kaya't tumingin si Abraham, at nakita niya ang isang tupang lalaki sa likuran niya na ang mga sungay ay sumabit sa mga tinik. Lumapit si Abraham at kinuha ang tupa, at siyang inialay na handog na susunugin kapalit ng kanyang anak.

14 Kaya't tinawag ni Abraham ang lugar na iyon Yahweh-yireh.[b] Kaya't sinasabi hanggang sa araw na ito: “Sa bundok ng Panginoon ito ay ipagkakaloob.”

15 Mula sa langit ay muling tinawag ng anghel ng Panginoon si Abraham.

16 At(J) sinabi niya, “Sumumpa ako sa aking sarili,” wika ng Panginoon, “sapagkat ginawa mo ito at hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak;

17 tunay(K) na pagpapalain kita, at pararamihin ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit at mga buhangin sa baybayin ng dagat; at makakamit ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kanyang mga kaaway.

18 At(L) sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng bansa sa lupa, sapagkat sinunod mo ang aking tinig.”

19 Kaya't bumalik si Abraham sa kanyang mga batang tauhan, at sila'y tumayo at sama-samang nagtungo sa Beer-seba; at nanirahan si Abraham sa Beer-seba.

Ang Lahi ni Nahor

20 Pagkatapos ng mga bagay na ito, ibinalita kay Abraham, “Si Milca ay nagkaroon din ng mga anak kay Nahor na iyong kapatid.

21 Si Uz ang kanyang panganay, si Buz na kanyang kapatid, at si Kemuel na ama ni Aram;

22 Si Chesed, Hazo, Pildas, Jidlaf, at si Betuel.”

23 Si Betuel ang naging ama ni Rebecca. Ang walong ito ay naging anak ni Milca kay Nahor na kapatid ni Abraham.

24 Gayundin, ipinanganak ng kanyang asawang-lingkod na si Reuma sina Teba, Gaham, Taas, at Maaca.

Mateo 6:19-34

Ang Kayamanan sa Langit(A)

19 “Huwag(B) kayong magtipon ng mga kayamanan para sa inyong sarili sa lupa, na dito ay naninira ang bukbok at ang kalawang[a] at ang mga magnanakaw ay nakakapasok at nakakapagnakaw;

20 kundi magtipon kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, na doon ang bukbok at ang kalawang ay hindi makapaninira at ang mga magnanakaw ay hindi rin makakapasok ni makakapagnakaw.

21 Sapagkat kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din naman ang iyong puso.

Ang Ilawan ng Katawan(C)

22 “Ang mata ang ilawan ng katawan: Kung tapat ang iyong mata, ang buong katawan mo'y mapupuno ng liwanag.

23 Ngunit kung masama ang iyong mata, ang iyong buong katawan ay magiging kadiliman. Kaya't kung ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman, anong laki ng kadiliman!

Diyos o Kayamanan(D)

24 “Walang makapaglilingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa; o magiging tapat siya sa isa, at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa kayamanan.[b]

Tungkol sa Pagkabalisa(E)

25 “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin, o kung ano ang inyong iinumin; kahit sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. Hindi ba higit ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa damit?

26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid: hindi sila naghahasik, o gumagapas, o nag-iimbak man sa mga kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba higit na mahalaga kayo kaysa kanila?

27 Sino sa inyo na dahil sa pagkabalisa ay mapapahaba ang kanyang buhay?[c]

28 At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Pansinin ninyo ang mga liryo sa parang, kung paano silang lumalaki; hindi sila gumagawa o humahabi man.

29 Gayunma'y(F) sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapagdamit nang tulad sa isa sa mga ito.

30 At kung gayon binibihisan ng Diyos ang damo sa parang, na ngayon ay buháy, at sa kinabukasan ay itinatapon sa kalan, hindi ba lalo niya kayong bibihisan, O kayong maliliit ang pananampalataya?

31 Kaya huwag kayong mabalisa, na magsasabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’

32 Sapagkat hinahanap ng mga Hentil ang lahat ng mga bagay na ito; at batid ng inyong Ama sa langit na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.

33 Ngunit hanapin muna ninyo ang kanyang kaharian[d] at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.

34 “Kaya't huwag ninyong alalahanin ang bukas, sapagkat ang bukas ang mag-aalala sa kanyang sarili. Sapat na para ngayon ang kabalisahan sa araw na ito.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001