Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Hukom 15

Ang Paghihiganti ni Samson sa mga Filisteo

15 Panahon ng tag-ani noon, dumalaw si Samson sa kanyang asawa na may dalang batang kambing. Sinabi ni Samson sa biyenan niyang lalaki, “Papasok po ako sa kwarto ng asawa ko.” Pero hindi pumayag ang biyenan niya. Sinabi ng kanyang biyenan, “Akala ko kinasusuklaman mo na siya, kaya ibinigay ko siya sa kaibigan[a] mo. Kung gusto mo, nandiyan ang kapatid niyang mas maganda pa sa kanya. Siya na lang ang pakasalan mo.”

Sinabi ni Samson, “Sa ginawa nʼyong ito, huwag nʼyo akong sisisihin kapag may ginawa ako sa inyo, mga Filisteo.” Kaya umalis si Samson at humuli ng 300 asong-gubat. Pinagbuhol-buhol niya ang buntot ng mga ito ng tig-dadalawa at nilagyan ng sulo. Sinindihan niya ang mga sulo at pinakawalan ang mga asong-gubat sa mga trigo ng mga Filisteo. Nasunog ang lahat ng trigo, hindi lang ang nakatali kundi pati na rin ang aanihin pa. Nasunog din ang mga ubasan at mga taniman ng olibo.

Nagtanong ang mga Filisteo kung sino ang gumawa noon, at nalaman nilang si Samson. Nalaman din nilang ginawa iyon ni Samson dahil ipinakasal ng biyenan niyang taga-Timnah ang asawa niya sa isa niyang kaibigan.[b] Kaya hinanap ng mga Filisteo ang babae at ang kanyang ama at sinunog nila.

Sinabi ni Samson sa mga Filisteo, “Dahil sa ginawa nʼyong ito, hindi ako titigil hanggaʼt hindi ako nakakapaghiganti sa inyo.” Kaya buong lakas na nilusob ni Samson ang mga Filisteo at marami ang napatay niya. Pagkatapos, tumakas siya at nagtago sa kweba, sa may bangin ng Etam.

Nagkampo ang mga Filisteo sa Juda, at nilusob nila ang bayan ng Lehi. 10 Kaya nagtanong sa kanila ang mga taga-Juda, “Bakit nilulusob nʼyo kami?” Sumagot sila, “Para dakpin si Samson at gantihan sa mga ginawa niya sa amin.” 11 Kaya ang 3,000 lalaki ng Juda ay pumunta sa kweba, sa may bangin ng Etam, at sinabi nila kay Samson, “Hindi mo ba naisip na sakop tayo ng mga Filisteo? Ngayon pati kami ay nadamay sa ginawa mo.” Sumagot si Samson, “Ginantihan ko lang sila sa ginawa nila sa akin.” 12 Sinabi nila, “Pumunta kami rito para dakpin ka at ibigay sa mga Filisteo.” Sumagot si Samson, “Payag ako, basta mangako kayo sa akin na hindi nʼyo ako papatayin.” 13 Sinabi nila, “Oo, hindi ka namin papatayin. Gagapusin ka lang namin at ibibigay sa kanila.” Kaya iginapos nila siya ng dalawang bagong lubid at dinala palabas sa kweba.

14 Pagdating nila sa Lehi, sinalubong sila ng mga Filisteo na sumisigaw sa pagtatagumpay. Pinalakas ng kapangyarihan ng Espiritu ng Panginoon si Samson, at pinagputol-putol niya ang lubid na parang sinulid lang. 15 Pagkatapos, may nakita siyang panga ng asnong kamamatay pa lang. Kinuha niya ito at ginamit sa pagpatay sa 1,000 Filisteo. 16 Sinabi ni Samson,

“Sa pamamagitan ng panga ng asno,
pinatay ko ang 1,000 tao.
Sa pamamagitan ng panga ng asno,
itinumpok ko sila.”

17 Pagkatapos niyang magsalita, itinapon niya ang panga ng asno. Ang lugar na iyon ay tinawag na Ramat Lehi.[c]

18 Labis ang pagkauhaw ni Samson. Kaya tumawag siya sa Panginoon. Sinabi niya, “Pinagtagumpay nʼyo po ako, pero ngayon parang mamamatay na ako sa uhaw at mabibihag ng mga Filisteo na hindi nakakakilala sa inyo.”[d] 19 Kaya pinalabas ng Dios ang tubig sa may butas ng lupa sa Lehi. Uminom si Samson at bumalik ang kanyang lakas. Ang bukal na itoʼy tinatawag na En Hakore.[e] Naroon pa ito sa Lehi hanggang ngayon.

20 Pinamunuan ni Samson ang mga Israelita sa loob ng 20 taon. Nang panahong iyon, sakop pa rin ng mga Filisteo ang kanilang lupain.

Gawa 19

Ang Pangatlong Paglalakbay ni Pablo Bilang Misyonero

19 Habang nasa Corinto si Apolos, pumunta si Pablo sa mga bulubunduking lugar ng lalawigan hanggang sa nakarating siya sa Efeso. May nakita siyang mga tagasunod doon. Tinanong niya sila, “Natanggap nʼyo na ba ang Banal na Espiritu nang sumampalataya kayo?” Sumagot sila, “Hindi nga namin narinig na may tinatawag na Banal na Espiritu.” Nagtanong si Pablo sa kanila, “Sa anong bautismo kayo binautismuhan?” Sumagot sila, “Sa bautismo ni Juan.” Sinabi ni Pablo sa kanila, “Ang bautismo ni Juan ay para sa mga taong nagsisisi sa kanilang kasalanan. Ngunit sinabi rin ni Juan sa mga tao na dapat silang sumampalataya sa darating na kasunod niya, na walang iba kundi si Jesus.” Nang marinig nila ito, binautismuhan sila sa pangalan ng Panginoong Jesus. At nang ipinatong ni Pablo ang kanyang kamay sa kanila, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu. Nakapagsalita sila ng ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan, at may mga ipinahayag silang mensahe mula sa Dios. Labindalawang lalaki silang lahat.

Sa loob ng tatlong buwan, patuloy ang pagpunta ni Pablo sa sambahan ng mga Judio. Hindi siya natatakot magsalita sa mga tao. Nakipagdiskusyon siya at ipinaliwanag sa kanila ang tungkol sa paghahari ng Dios. Pero ang iba sa kanilaʼy matigas talaga ang ulo at ayaw maniwala, at siniraan nila sa publiko ang pamamaraan ni Jesus. Kaya umalis si Pablo sa kanilang sambahan kasama ang mga tagasunod ni Jesus, at araw-araw ay pumupunta siya sa paaralan ni Tyranus para ipagpatuloy ang pakikipagdiskusyon sa harap ng madla. 10 Sa loob ng dalawang taon, ganoon ang kanyang ginagawa, kaya ang lahat ng nakatira sa lalawigan ng Asia, Judio at hindi Judio ay nakarinig ng salita ng Dios.

11 Maraming pambihirang himala ang ginawa ng Dios sa pamamagitan ni Pablo. 12 Kahit mga panyo at mga epron na ginagamit niya ay dinadala sa mga may sakit at gumagaling sila, at lumalabas din ang masasamang espiritu. 13 May ilang mga Judio roon na gumagala at nagpapalayas ng masasamang espiritu sa mga taong sinasaniban nito. Sinubukan nilang gamitin ang pangalan ng Panginoong Jesus para palabasin ang masasamang espiritu. Sinabi nila sa masasamang espiritu, “Sa pangalan ni Jesus na ipinangangaral ni Pablo, inuutusan ko kayong lumabas!” 14 Ganito rin ang ginagawa ng pitong anak na lalaki ni Esceva. Si Esceva ay isa sa mga namamahalang pari. 15 Sinusubukan nilang palabasin ang masamang espiritu sa pangalan ni Jesus. Pero sinagot sila ng masamang espiritu, “Kilala ko si Jesus, ganoon din si Pablo, pero sino naman kayo?” 16 At nilundag sila ng taong sinaniban ng masamang espiritu at sinaktan. Wala silang magawa kaya tumakbo sila palabas ng bahay na hubad at sugatan. 17 Ang pangyayaring ito ay nabalitaan ng lahat ng Judio at mga hindi Judio na nakatira roon sa Efeso. Natakot sila, at lalo pang naparangalan ang pangalan ng Panginoong Jesus. 18 Marami sa mga sumasampalataya ang lumapit at nagtapat ng kanilang masasamang gawain. 19 At marami ring mga salamangkero ang nagdala ng kanilang aklat at sinunog nila mismo ang mga ito sa harap ng lahat. Ang halaga ng mga aklat na sinunog ay umabot ng ilang milyon. 20 Dahil sa pangyayaring ito, lalo pang lumaganap ang kapangyarihan ng salita ng Dios.

Ang Kaguluhan sa Efeso

21 Pagkatapos ng mga pangyayaring iyon, nagpasya si Pablo na dumaan muna sa Macedonia at sa Acaya bago pumunta sa Jerusalem. At ayon sa kanya, kailangan din niyang puntahan ang Roma pagkagaling sa Jerusalem. 22 Pinauna niya sa Macedonia ang dalawang tumutulong sa kanya sa gawain ng Dios na sina Timoteo at Erastus, at siyaʼy nagpaiwan muna sa lalawigan ng Asia. 23 Nang panahon ding iyon, nagkaroon ng malaking kaguluhan sa Efeso dahil ayaw pumayag ng iba na magturo ang mga mananampalataya tungkol sa pamamaraan ni Jesus.

24 May isang platero roon[a] na nagngangalang Demetrius. Gumagawa siya at ang kanyang mga tauhan ng maliliit na templong yari sa pilak na iginaya sa templo ni Artemis na kanilang diosa, at itoʼy pinagkakakitaan nila nang malaki. 25 Kaya ipinatawag niya ang kanyang mga manggagawa at ang iba pang mga platero. At sinabi niya sa kanila, “Mga kaibigan, alam ninyong umaasenso tayo sa ganitong klaseng hanapbuhay. 26 Nakita ninyo at narinig ang ginagawa ng taong si Pablo. Sinasabi niya na ang mga dios na ginagawa ng tao ay hindi totoong mga dios. Marami ang naniwala sa kanya rito sa Efeso at sa buong lalawigan ng Asia. 27 Kaya nanganganib ang ating hanapbuhay, dahil baka masamain ito ng mga tao. At hindi lang iyan, nanganganib din ang templo ng ating dakilang diosang si Artemis, dahil baka mawalan na ito ng saysay, at hindi na kikilalanin ng mga tao ang diosa na sinasamba hindi lang dito sa Asia kundi maging sa buong mundo.”

28 Nang marinig ito ng mga tao, galit na galit sila at nagsigawan, “Makapangyarihan si Artemis ng mga taga-Efeso!” 29 At ang kaguluhan ay kumalat sa buong lungsod. Hinuli nila ang mga kasama ni Pablo na sina Gaius at Aristarcus na mga taga-Macedonia. Pagkatapos, sama-sama silang nagtakbuhan sa lugar na pinagtitipunan ng mga tao habang kinakaladkad nila ang dalawa. 30 Nais sana ni Pablo na magsalita sa mga tao, pero pinigilan siya ng mga tagasunod ni Jesus. 31 Maging ang ilang mga opisyal ng lalawigan ng Asia na mga kaibigan ni Pablo ay nagpasabi na huwag siyang pumunta sa pinagtitipunan ng mga tao.

32 Lalo pang nagkagulo ang mga tao. Ibaʼt iba ang kanilang mga isinisigaw, dahil hindi alam ng karamihan kung bakit sila naroon. 33 May isang tao roon na ang pangalan ay Alexander. Itinulak siya ng mga Judio sa unahan para magpaliwanag na silang mga Judio ay walang kinalaman sa mga ginagawa nina Pablo. Sinenyasan niya ang mga tao na tumahimik. 34 Nang malaman ng mga tao na isa siyang Judio, sumigaw silang lahat, “Makapangyarihan si Artemis ng mga taga-Efeso!” Dalawang oras nilang isinisigaw ang ganoon.

35 Nang bandang huli, napatahimik din sila ng namumuno sa lungsod. Sinabi niya sa kanila, “Mga kababayang taga-Efeso, alam ng lahat ng tao na tayong mga taga-Efeso ang siyang tagapag-ingat ng templo ni Artemis na makapangyarihan at ng sagradong bato na nahulog mula sa langit. 36 Hindi ito maikakaila ninuman. Kaya huminahon kayo, at huwag kayong pabigla-bigla. 37 Dinala ninyo rito ang mga taong ito kahit hindi naman nila ninakawan ang ating templo o nilapastangan ang ating diosa. 38 Kung si Demetrius at ang kanyang mga kasamang platero ay may reklamo laban kaninuman, may mga korte at mga hukom tayo. Dapat doon nila dalhin ang kanilang mga reklamo. 39 Pero kung may iba pa kayong reklamo, iyan ay kinakailangang ayusin sa opisyal na pagtitipon ng taong-bayan. 40 Sa ginagawa nating ito, nanganganib tayong maakusahan ng mga opisyal ng Roma ng panggugulo. Wala tayong maibibigay na dahilan kung bakit natin ginagawa ito.” 41 Pagkatapos niyang magsalita, pinauwi niya ang mga tao.

Jeremias 28

Si Jeremias at si Propeta Hanania

28 Noong taon ding iyon, nang ikalimang buwan ng ikaapat na taon ng paghahari ni Zedekia sa Juda, may sinabi sa akin si Propeta Hanania na anak ni Azur na taga-Gibeon doon sa templo ng Panginoon, sa harap ng mga pari at mga taong naroroon. Sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Wawakasan ko na ang kapangyarihan ng hari ng Babilonia. Sa loob ng dalawang taon, ibabalik ko na rito ang lahat ng kagamitan ng templo ko na kinuha ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia. Pababalikin ko rin dito si Haring Jehoyakin ng Juda na anak ni Jehoyakim at ang lahat ng taga-Juda na binihag sa Babilonia, dahil wawakasan ko na ang kapangyarihan ng hari ng Babilonia. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”

Pagkatapos, sumagot si Propeta Jeremias kay Propeta Hanania roon sa harap ng mga pari at mga tao sa templo ng Panginoon. Sinabi niya, “Amen! Gawin sana iyon ng Panginoon! Sanaʼy gawin ng Panginoon ang sinabi mong dadalhin niya pabalik dito ang mga kagamitan ng templo at ang lahat ng bihag sa Babilonia. Pero pakinggan mo itong sasabihin ko sa iyo at sa lahat ng nakikinig dito. Ang mga propetang nauna sa atin ay nagsabi noon na darating ang digmaan, gutom, at sakit sa maraming bansa at mga tanyag na kaharian. Pero ang propetang magsasabi ng kapayapaan ay dapat mapatunayan. Kung mangyayari ang sinasabi niyang kapayapaan, kikilalanin siyang tunay na propeta ng Panginoon.”

10 Pagkatapos, kinuha ni Propeta Hanania ang pamatok sa leeg ni Jeremias at kanyang binali. 11 At sinabi niya sa mga taong naroroon, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Ang mga bansang sinakop ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ay parang nilagyan niya ng pamatok. Pero sisirain ko ang pamatok na iyon sa loob ng dalawang taon.” Pagkatapos, umalis si Jeremias.

12 Hindi nagtagal, pagkatapos baliin ni Propeta Hanania ang pamatok sa leeg ni Jeremias, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 13 “Puntahan mo si Hanania at sabihin mo na ito ang sinasabi ko: Binali mo ang pamatok na kahoy pero papalitan ko iyan ng pamatok na bakal. 14 Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsasabing: Ipapapasan ko ang pamatok na bakal sa lahat ng bansa, para maglingkod sila kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Pati ang mababangis na hayop ay ipapasakop ko sa pamamahala niya.”

15 Pagkatapos, sinabi ni Propeta Jeremias kay Propeta Hanania, “Hanania, makinig ka! Hindi ka sinugo ng Panginoon, pero pinapaniwala mo ang bansang ito sa kasinungalingan mo. 16 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon, ‘Mawawala ka sa daigdig na ito. Mamamatay ka sa taon ding ito dahil tinuruan mo ang mga tao na magrebelde sa akin.’ ”

17 Kaya noong ikapitong buwan ng taon ding iyon, namatay si Propeta Hanania.

Marcos 14

Ang Planong Pagpatay kay Jesus(A)

14 Dalawang araw na lang noon bago sumapit ang Pista ng Paglampas ng Anghel[a] at Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ang mga namamahalang pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan ay naghahanap ng pagkakataon upang lihim nilang madakip at maipapatay si Jesus. Sinabi nila, “Huwag nating gawin sa pista dahil baka magkagulo ang mga tao.”

Binuhusan ng Pabango si Jesus(B)

Nang si Jesus ay nasa Betania, habang kumakain siya sa bahay ni Simon na dating may malubhang sakit sa balat, dumating ang isang babae. May dala siyang mamahaling pabango na nasa isang sisidlang yari sa batong alabastro. Ang pabangong ito ay puro at mula sa tanim na “nardo.” Binasag niya ang leeg ng sisidlan at saka ibinuhos ang pabango sa ulo ni Jesus. Nagalit ang ilang tao na naroon. Sinabi nila, “Bakit niya sinasayang ang pabango? Maipagbibili sana iyan sa halagang katumbas ng isang taong sweldo, at maibibigay ang pera sa mga mahihirap.” At pinagalitan nila ang babae. Pero sinabi ni Jesus, “Pabayaan ninyo siya! Bakit nʼyo siya ginugulo? Mabuti itong ginawa niya sa akin. Ang mga mahihirap ay lagi ninyong makakasama at maaari kayong tumulong sa kanila kahit anong oras, pero ako ay hindi nʼyo laging makakasama. Ginawa ng babaeng ito ang makakaya niya para sa akin. Binuhusan niya ng pabango ang katawan ko bilang paghahanda sa aking libing. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kahit saan man ipapangaral ang Magandang Balita sa buong mundo, ipapahayag din ang ginawa niyang ito sa akin bilang pag-alaala sa kanya.”

Nakipagkasundo si Judas sa mga Kaaway ni Jesus(C)

10 Si Judas Iscariote na isa sa 12 tagasunod ay pumunta sa mga namamahalang pari upang ipagkanulo si Jesus. 11 Natuwa sila nang malaman nila ang pakay ni Judas, at nangako silang bibigyan siya ng pera. Kaya mula noon, humanap si Judas ng pagkakataon upang maibigay si Jesus sa kanila.

Ang Huling Hapunan ni Jesus Kasama ang mga Tagasunod Niya(D)

12 Dumating ang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ito ang araw na inihahandog ang tupa na kinakain sa Pista ng Paglampas ng Anghel. Kaya tinanong si Jesus ng mga tagasunod niya, “Saan nʼyo po kami gustong maghanda ng hapunan para sa Pista ng Paglampas ng Anghel?” 13-14 Inutusan niya ang dalawa sa mga tagasunod niya, “Pumunta kayo sa lungsod ng Jerusalem, at doon ay may masasalubong kayong isang lalaking may pasan na isang bangang tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na papasukan niya, at sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinapatanong po ng Guro kung saan ang kwartong kakainan niya ng hapunan na kasama ang mga tagasunod niya upang ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel.’ 15 Ituturo niya sa inyo ang isang malaking kwarto sa itaas, kumpleto na ng kagamitan at nakahanda na. Doon kayo maghanda ng hapunan natin.” 16 Umalis ang dalawa niyang tagasunod. At nang dumating sila sa lungsod, nakita nila ang lahat ayon sa sinabi ni Jesus sa kanila. At inihanda nila roon ang hapunan para sa pista.

17 Kinagabihan, dumating si Jesus at ang 12 tagasunod. 18 Habang kumakain na sila sa mesa, sinabi ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang isa sa inyo na kasalo ko sa pagkain ay magtatraydor sa akin.” 19 Nalungkot sila nang marinig ito, at isa-isa silang nagtanong sa kanya, “Hindi ako iyon, di po ba?” 20 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Isa siya sa inyong 12 na kasabay kong nagsasawsaw ng tinapay sa mangkok. 21 Ako na Anak ng Tao ay papatayin ayon sa sinasabi ng Kasulatan, ngunit nakakaawa ang taong magtatraydor sa akin. Mabuti pang hindi na siya ipinanganak.”

Huling Hapunan ni Jesus(E)

22 Habang kumakain sila, kumuha ng tinapay si Jesus. Nagpasalamat siya sa Dios at pagkatapos ay hinati-hati niya ito at ibinigay sa mga tagasunod niya at sinabi, “Kunin ninyo at kainin; ito ang aking katawan.” 23 Pagkatapos, kumuha siya ng inumin,[b] nagpasalamat sa Dios, at ibinigay sa kanila. At uminom silang lahat. 24 Sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking dugo na ibubuhos para sa maraming tao. Ito ang katibayan ng bagong kasunduan ng Dios sa mga tao. 25 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi na ako muling iinom ng inuming mula sa ubas hanggang sa araw ng paghahari ng Dios. At sa araw na iyon, iinom ako ng bagong klase ng inumin.” 26 Umawit sila ng papuri sa Dios at pagkatapos ay pumunta sila sa Bundok ng mga Olibo.

Sinabi ni Jesus na Ikakaila Siya ni Pedro(F)

27 Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Iiwan ninyo akong lahat, dahil sinabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol at magsisipangalat ang mga tupa.’[c] 28 Ngunit pagkatapos na ako ay muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” 29 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Kahit iwanan po kayo ng lahat, hindi ko kayo iiwan.” 30 Sinagot siya ni Jesus, “Sinasabi ko sa iyo ang totoo, bago tumilaok ang manok nang pangalawang beses ngayong gabi, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” 31 Pero iginiit pa rin ni Pedro, “Hinding-hindi ko kayo ikakaila, kahit na patayin pa akong kasama ninyo.” At ganoon din ang sinabi ng iba pa niyang kasamahan.

Nanalangin si Jesus sa Getsemane(G)

32 Pagkatapos, pumunta sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemane. Pagdating nila roon, sinabi ni Jesus sa kanila, “Maupo kayo rito habang nananalangin ako.” 33 Isinama niya sina Pedro, Santiago, at Juan sa di-kalayuan. Balisang-balisa at nababahala si Jesus. 34 Sinabi niya sa kanila, “Para akong mamamatay sa labis na kalungkutan. Dito lang kayo at magpuyat.” 35 Lumayo siya nang kaunti, lumuhod sa lupa at nanalangin na kung maaari ay huwag na niyang danasin ang paghihirap na kanyang haharapin. 36 Sinabi niya, “Ama, magagawa nʼyo ang lahat ng bagay. Kung maaari, ilayo nʼyo sa akin ang mga paghihirap na darating.[d] Ngunit hindi ang kalooban ko ang masunod kundi ang kalooban ninyo.”

37 Binalikan ni Jesus ang tatlo niyang tagasunod at dinatnan silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Simon, natutulog ka ba? Hindi ka ba makapagpuyat kahit isang oras lang?” 38 At sinabi niya sa kanila, “Magpuyat kayo at manalangin para hindi kayo madaig ng tukso. Ang espiritu ay handang sumunod, ngunit mahina ang laman.”[e]

39 Muling lumayo si Jesus at nanalangin. Ganoon pa rin ang kanyang dalangin. 40 Pagkatapos, muli niyang binalikan ang mga tagasunod niya at nadatnan na naman niya silang natutulog, dahil antok na antok na sila. At nang gisingin sila ni Jesus, nahiya sila at hindi nila alam kung ano ang sasabihin nila kay Jesus. 41 Sa ikatlong pagbalik ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tama na iyan! Dumating na ang oras na ako na Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga makasalanan. 42 Tayo na! Narito na ang nagtatraydor sa akin.”

Ang Pagdakip kay Jesus(H)

43 Nagsasalita pa si Jesus nang biglang dumating si Judas na isa sa 12 tagasunod. Marami siyang kasama na armado ng mga espada at pamalo. Isinugo sila ng mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng mga Judio. 44 Ganito ang palatandaan na ibinigay ng traydor na si Judas sa mga huhuli kay Jesus: “Ang babatiin ko sa pamamagitan ng isang halik ang siyang pakay ninyo. Dakpin ninyo siya at dalhin, at bantayang mabuti.”

45 Kaya nang dumating si Judas, agad siyang lumapit kay Jesus at bumati, “Guro!” sabay halik sa kanya. 46 At dinakip agad ng mga tao si Jesus. 47 Bumunot ng espada ang isa sa mga tagasunod ni Jesus at tinaga ang alipin ng punong pari, at naputol ang tainga nito. 48 Sinabi ni Jesus sa mga humuli sa kanya, “Isa ba akong tulisan? Bakit kailangan pa ninyong magdala ng mga espada at mga pamalo para dakpin ako? 49 Araw-araw ay nasa templo ako at nagtuturo, at naroon din kayo. Bakit hindi ninyo ako dinakip? Ngunit kailangang mangyari ito upang matupad ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa akin.” 50 Iniwan siya noon din ng mga tagasunod niya at nagsitakas sila.

51 May isang binata roon na sumunod kay Jesus na nakabalabal lang ng telang linen. Dinakip din siya ng mga sundalo, 52 pero nakawala siya at tumakas nang hubad, dahil nahawakan nila ang kanyang balabal.

Dinala si Jesus sa Korte ng mga Judio(I)

53 Dinala nila si Jesus sa bahay ng punong pari. Nagtipon doon ang lahat ng namamahalang pari, mga pinuno ng mga Judio at ang mga tagapagturo ng Kautusan. 54 Sumunod din doon si Pedro, pero malayu-layo siya kay Jesus. Pumasok siya sa bakuran ng bahay ng punong pari at nakiupo sa mga guwardya na nagpapainit sa tabi ng apoy. 55 Doon sa loob, ang mga namamahalang pari at ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio ay nagsisikap na makakuha ng mga ebidensya laban kay Jesus upang mahatulan siya ng kamatayan. Pero wala silang makuha. 56 Marami ang sumasaksi ng kasinungalingan laban kay Jesus, pero magkakasalungat naman ang mga sinasabi nila.

57 May ilang sumasaksi ng kasinungalingang ito laban kay Jesus. Sinabi nila, 58 “Narinig po naming sinabi niya, ‘Gigibain ko ang templong ito na gawa ng tao, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng ibang templo na hindi gawa ng tao!’ ” 59 Pero hindi rin magkakatugma ang sinasabi nila.

60 Tumayo sa gitna ang punong pari at tinanong si Jesus, “Wala ka bang maisasagot sa mga paratang na ito laban sa iyo?” 61 Hindi sumagot si Jesus. Kaya tinanong siyang muli ng punong pari, “Ikaw ba ang Cristo na Anak ng Kapuri-puring Dios?” 62 Sumagot si Jesus, “Ako nga, at ako na Anak ng Tao ay makikita ninyong nakaupo sa kanan ng makapangyarihang Dios. At makikita rin ninyo ako sa mga ulap na paparating dito sa mundo.” 63 Nang marinig ito ng punong pari, pinunit niya ang kanyang damit sa galit at sinabi, “Hindi na natin kailangan ng mga saksi! 64 Narinig ninyo ang paglapastangan niya sa Dios. Ano ngayon ang hatol ninyo?” At hinatulan nila si Jesus ng kamatayan.

65 Dinuraan siya ng ilang naroon. Piniringan din siya at sinuntok, at tinanong, “Sige nga, hulaan mo kung sino ang sumuntok sa iyo?” Pagkatapos, kinuha siya ng mga guwardya at pinagbubugbog.

Ipinagkaila ni Pedro na Kilala Niya si Jesus(J)

66 Nang si Pedro ay nasa loob pa ng bakuran, dumaan ang isang babaeng utusan ng punong pari. 67 Nang makita niya si Pedro na nagpapainit malapit sa apoy, tinitigan niya ito at sinabi, “Kasama ka rin ni Jesus na taga-Nazaret, hindi ba?” 68 Pero itinanggi ito ni Pedro, “Hindi ko alam ang sinasabi mo.” Pagkatapos, umalis siya roon at pumunta sa may labasan, at noon din ay tumilaok ang manok. 69 Nakita na naman siya roon ng babaeng utusan, kaya sinabi ng babae sa mga taong naroon, “Ang taong iyan ay isa rin sa mga kasamahan ni Jesus.” 70 Pero muling itinanggi ito ni Pedro. Maya-maya, sinabi ng mga taong naroon, “Isa ka nga sa mga kasamahan niya, dahil taga-Galilea ka rin!” 71 Pero sumumpa si Pedro, “Kahit mamatay man ako, hindi ko talaga kilala ang taong sinasabi ninyo.” 72 Noon din ay muling tumilaok ang manok, at naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok ng dalawang beses, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” At humagulgol siya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®