M’Cheyne Bible Reading Plan
Pumunta si David sa Nob
21 Pumunta si David sa Nob at tumuloy kay Ahimelec na siyang pari sa Nob. Nanginig sa takot si Ahimelec nang makita si David. Nagtanong siya, “Bakit nag-iisa ka lang?” 2 Sumagot si David, “May iniutos sa akin ang hari, at pinagbilinan niya ako na huwag ipagsasabi kahit kanino ang pakay ko rito. Ang mga tauhan ko namaʼy sinabihan ko na magkita-kita na lang kami sa isang lugar. 3 May pagkain ka ba rito? Bigyan mo ako ng limang tinapay o kahit anong mayroon ka.” 4 Sumagot ang pari, “Wala na akong ordinaryong tinapay. Pero mayroon ako ritong tinapay na inihandog. Maaari ko itong ibigay sa iyo at sa mga tauhan mo kung hindi sila sumiping sa kahit sinong babae nitong mga huling araw.” 5 Sumagot si David, “Hindi kami sumisiping sa mga babae kapag may misyon kami. Kahit na ordinaryong misyon lang ang gagawin namin, kailangang malinis[a] kami. Ano pa kaya ngayon na mahalaga ang misyong ito.” 6 At dahil nga walang ordinaryong tinapay, ibinigay sa kanya ng pari ang tinapay na inihandog sa presensya ng Dios. Itoʼy kinuha mula sa banal na mesa at pinalitan ng bagong tinapay nang araw ding iyon.
7 Nang araw na iyon, naroon ang alipin ni Saul na si Doeg na taga-Edom. Siya ang punong tagapangalaga ng mga hayop ni Saul. Naroon siya dahil may tinutupad siyang panata sa Panginoon.
8 Tinanong ni David si Ahimelec, “Mayroon ka bang espada o sibat dito? Hindi ako nakapagdala ng aking espada o kahit anumang armas dahil madalian ang utos ng hari.” 9 Sumagot ang pari, “Narito ang espada ng Filisteong si Goliat na pinatay mo sa Lambak ng Elah. Nakabalot ito sa tela at nasa likod ng espesyal na damit[b] ng mga pari. Kunin mo kung gusto mo, wala nang iba pang espada rito kundi iyon lang.” Sinabi ni David, “Ibigay mo iyon sa akin. Wala ng ibang kapareho iyon.”
10 Nang araw na iyon, tumakas si David kay Saul, at pumunta kay Haring Akish ng Gat. 11 Sinabi ng mga opisyal ng hari sa kanya, “Hindi baʼt ito si David ang naghahari sa lugar nila? Hindi baʼt siya ang pinararangalan ng mga kababaihan habang sumasayaw sila at umaawit ng,
‘Libu-libo ang napatay ni Saul,
tig-sasampung libo naman ang kay David?’ ”
12 Inisip ni David ang sinabi nila, at natakot siya sa maaaring gawin sa kanya ni Haring Akish ng Gat. 13 Kaya nagkunwari siyang baliw, pinagkakalmot niya ang mga dingding ng lungsod at pinatulo ang laway niya sa kanyang balbas. 14 Sinabi ni Akish sa kanyang mga opisyal, “Tingnan nʼyo! Baliw ang taong ito! Bakit ninyo siya dinala sa akin? 15 Marami na ang baliw na gaya niya rito. Bakit nʼyo pa dinala sa pamamahay ko ang taong iyan para umasal nang ganyan sa aking harapan?”
Si David sa Adulam at Mizpa
22 Umalis si David sa Gat, at tumakas papunta sa kweba ng Adulam. Nang mabalitaan ito ng mga kapatid at kapamilya ni David, pinuntahan nila ito para samahan siya. 2 Sumama na rin kay David ang mga taong nababahala, lubog sa utang, at hindi kontento sa buhay. Umabot sa 400 ang kanilang bilang at si David ang naging pinuno nila. 3 Mula rito, pumunta si David sa Mizpa na sakop ng Moab at sinabi niya sa hari ng Moab, “Nakikiusap ako na payagan ninyo na dito muna manirahan ang aking mga magulang hanggaʼt hindi ko pa natitiyak kung ano ang kalooban ng Dios sa akin.” 4 Pumayag ang hari, kaya iniwan niya ang kanyang mga magulang sa hari ng Moab habang nandoon siya sa matatag na kublihan.
5 Isang araw, sinabi ni propeta Gad kay David, “Umalis ka na rito sa pinagtataguan mo at pumunta ka sa Juda.” Umalis nga si David at pumunta sa kagubatan ng Heret.
Ang Pagpatay sa mga Pari ng Nob
6 Nabalitaan ni Saul na nahanap na sina David at ang kanyang mga tauhan. Nakaupo noon si Saul sa ilalim ng puno ng tamarisko, doon sa burol ng Gibea. May hawak siyang sibat at nakapalibot sa kanya ang kanyang mga opisyal. 7 Sinabi ni Saul sa kanila, “Makinig kayo, mga taga-Benjamin! Pinangakuan ba kayo ni David na bibigyan kayo ng bukid at ubasan? Pinangakuan ba niya kayong gagawin kayong kumander ng mga sundalo? 8 Iyan ba ang dahilan kung bakit nakipagsabwatan kayo sa kanya laban sa akin? Wala ni isa man sa inyo ang nagsabi sa akin na gumawa ng kasunduan kay David ang anak kong si Jonatan. Hindi man lang kayo nag-alala para sa akin, dahil hindi ninyo sinabi sa akin na inudyukan ng aking anak ang lingkod kong si David na patayin ako gaya ng plano niya ngayon.”
9 Isa sa mga nakatayo kasama ng mga opisyal ni Saul ay si Doeg na taga-Edom. Sinabi niya kay Saul, “Noong naroon po ako sa Nob, nakita ko si David na pumunta kay Ahimelec na anak ni Ahitub. 10 Tinanong ni Ahimelec sa Panginoon kung ano ang dapat gawin ni David, at binigyan pa po niya ito ng makakain at ibinigay din po ang espada ng Filisteong si Goliat.”
11 Ipinatawag ni Saul ang paring si Ahimelec na anak ni Ahitub, at ang buo niyang pamilya na mga pari sa Nob. 12 Pagdating nila ay sinabi ni Saul, “Makinig ka sa akin, anak ni Ahitub.” “Nakikinig po ako, Mahal na Hari,” sagot ni Ahimelec. 13 Sinabi ni Saul sa kanya, “Bakit ka nakipagsabwatan kay David laban sa akin? Bakit binigyan mo pa siya ng pagkain at espada? Bakit nagtanong ka pa sa Dios para sa kanya? Hindi mo ba alam na nagrerebelde siya sa akin at binabalak niya akong patayin?” 14 Sumagot si Ahimelec, “Hindi po baʼt si David ay manugang ninyo at pinakamatapat ninyong lingkod? Bukod pa roon, siya po ang kapitan ng mga guwardya ninyo at iginagalang siya sa inyong sambahayan. 15 Opo, nagtanong ako sa Dios para sa kanya, pero matagal ko na itong ginagawa sa kanya noon pa. Nakikiusap po ako, huwag ninyo akong akusahan pati na ang sambahayan ko sa bagay na ito, dahil wala akong nalalaman sa mga plano niya laban sa inyo.” 16 Pero sinabi ng hari, “Siguradong mamamatay ka, Ahimelec, kasama ang buo mong pamilya.”
17 Inutusan ni Saul ang mga guwardya sa kanyang tabi, “Patayin ninyo ang mga paring ito ng Panginoon dahil nakipagsabwatan sila kay David. Alam nilang tumakas si David mula sa akin pero hindi nila sinabi sa akin.” Pero hindi ginalaw ng mga opisyal ng hari ang mga pari ng Panginoon. 18 Kaya si Doeg na lang ang inutusan ng hari na pumatay sa mga pari, at pinatay naman sila ni Doeg. Nang araw na iyon 85 pari[c] ang pinatay ni Doeg. 19 Ipinapatay din ni Saul ang lahat ng nakatira sa Nob, ang bayan ng mga pari: ang mga lalaki, babae, kabataan, sanggol, baka, asno, at mga tupa. 20 Pero nakatakas si Abiatar na anak ni Ahimelec, at sumama kay David. 21 Sinabi niya kay David na ipinapatay ni Saul ang mga pari ng Panginoon. 22 Sinabi ni David kay Abiatar, “Nang makita ko noon si Doeg nang pumunta ako kay Ahimelec, alam ko nang magsusumbong siya kay Saul. Kaya pananagutan ko ang pagkamatay ng buong sambahayan mo. 23 Sumama ka na lang sa akin, dahil iisa lang ang gustong pumatay sa iyo at sa akin. Huwag kang matakot. Hindi ka mapapahamak kapag kasama mo ako.”
Mga Lingkod ng Dios
3 Mga kapatid, hindi ko kayo makausap noon bilang mga taong ginagabayan ng Espiritu ng Dios, kundi bilang mga taong makamundo at sanggol pa sa pananampalataya kay Cristo. 2 Ang mga ipinangaral ko sa inyoʼy mga simpleng aral lamang dahil sa hindi pa ninyo kayang unawain ang malalalim na pangaral. At kahit ngayon, hindi pa ninyo ito kayang unawain, 3 dahil makamundo pa rin kayo. Nag-iinggitan kayo at nag-aaway-away. Hindi baʼt patunay ito na makamundo pa rin kayo at namumuhay ayon sa laman? 4 Kapag sinasabi ninyong “Kay Pablo ako,” o “Kay Apolos ako,” hindi baʼt para kayong mga taong makamundo na nagkakampi-kampihan?
5 Bakit, sino ba si Apolos? At sino nga ba naman akong si Pablo? Kami ay mga lingkod lamang ng Dios na ginamit niya upang sumampalataya kayo. At ang bawat isa sa amin ay gumagawa lamang ng gawaing ibinigay sa amin ng Panginoon. 6 Ako ang nagtanim, at si Apolos ang nagdilig. Ngunit ang Dios ang siyang nagpatubo. 7 Hindi ang nagtanim at ang nagdilig ang mahalaga, kundi ang Dios na siyang nagpapatubo nito. 8 Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay parehong mga lingkod lamang. Ang bawat isa sa kanilaʼy tatanggap ng gantimpala ayon sa kanilang ginawa. 9 Kami ni Apolos ay nagtutulungan bilang mga manggagawa ng Dios, at kayoʼy katulad ng bukirin na ipinasasaka sa amin ng Dios.
Maihahalintulad din kayo sa isang gusali na kanyang itinatayo. 10 At ako naman, bilang dalubhasang tagapagtayo ang siyang naglagay ng pundasyon ayon sa kakayahang ibinigay sa akin ng Dios. Pagkatapos, iba namang manggagawa ang nagpapatuloy sa pagtatayo ng gusali. Ngunit kailangang maging maingat ang bawat nagtatayo 11 dahil wala nang pundasyong maaari pang ilagay maliban sa nailagay na, at itoʼy walang iba kundi si Jesu-Cristo.
12 May magtatayo sa pundasyong ito na gagamit ng mabuting klase ng mga materyales gaya ng ginto, pilak at mamahaling bato. Mayroon namang gagamit lamang ng kahoy, tuyong damo at dayami. 13 Ngunit sa Araw ng Paghuhukom, makikita ang kalidad ng itinayo ng bawat isa dahil susubukin ito sa apoy. 14 Kung ang itinayo ay hindi masusunog, tatanggap ng gantimpala ang nagtayo. 15 Ngunit kung ito namaʼy masunog, wala siyang tatanggaping gantimpala. Ganoon pa man, maliligtas siya, ngunit tulad lamang ng isang taong nakaligtas sa sunog na walang nailigtas na kagamitan.
16 Hindi nʼyo ba alam na kayoʼy templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay naninirahan sa inyo? 17 Ang sinumang wawasak sa templo ng Dios ay parurusahan niya, dahil banal ang templo ng Dios. At ang templong iyon ay walang iba kundi kayo.
18 Huwag ninyong dayain ang inyong sarili. Kung mayroon man sa inyong nag-aakala na siyaʼy marunong ayon sa karunungan ng mundo, kinakailangang tigilan na niya ang ganyang pag-iisip upang maging marunong siya sa paningin ng Dios. 19 Sapagkat ang karunungan ng mundo ay kamangmangan lamang sa paningin ng Dios. Ayon nga sa Kasulatan, “Hinuhuli ng Dios ang marurunong sa kanilang katusuhan,”[a] 20 at “Alam ng Dios na ang mga pangangatwiran ng marurunong ay walang kabuluhan.” 21 Kaya huwag ninyong ipagmalaki ang sinuman. Sapagkat lahat ay ibinigay ng Dios sa inyo para sa ikabubuti ninyo. 22 Ako, si Apolos, at si Pedro[b], kaming lahat ay inyo. Maging ang mundo, ang buhay at kamatayan, ang kasalukuyan at hinaharap, lahat ng itoʼy sa inyo. 23 At kayo naman ay kay Cristo, at si Cristo naman ay sa Dios.
Unang Pangitain ni Ezekiel
1 1-3 Ako si Ezekiel, isang pari at anak ni Buzi. Isa rin ako sa mga bihag na dinala sa Babilonia. Nakatira ako noon sa pampang ng Ilog ng Kebar kasama ang iba pang mga bihag nang biglang bumukas ang langit. Pinuspos ako ng kapangyarihan ng Panginoon at ipinakita niya sa akin ang mga pangitain. Nangyari ito noong ikalimang araw ng ikaapat na buwan nang ika-30 taon. Ikalimang taon ito nang pagkakabihag ni Haring Jehoyakin.
4 Habang nakatingin ako, may nakita akong bagyong paparating mula sa hilaga. Kumikidlat mula sa makapal na ulap kaya nagliliwanag ang paligid. Parang kumikinang na tanso ang kidlat sa gitna ng ulap. 5 Sa gitna ng ulap, may nakita akong apat na buhay na nilalang, parang mga tao, 6-8 pero bawat isa sa kanila ay may apat na mukha at apat na pakpak. Tuwid ang kanilang mga binti at ang mga paa nila ay parang paa ng baka, kumikinang ito na parang tanso. May mga kamay silang katulad ng kamay ng tao na nasa ilalim ng kanilang mga pakpak. 9 Magkakadikit ang mga pakpak nila. Lumilipad sila nang sabay-sabay sa kahit saang direksyon nang hindi bumabaling.
10 Sa harap ay mukha silang tao, sa kanan ay mukhang leon, sa kaliwa ay mukhang toro at sa likod ay mukhang agila. 11 Ang dalawa sa mga pakpak nila ay nakabuka pataas at magkadikit ang mga dulo, at ang dalawa pa nilang pakpak ay tumatakip sa katawan nila. 12 Lumilipad sila nang sabay-sabay sa kahit saang direksyon nang hindi bumabaling. At kung saan sila dalhin ng Espiritu, doon sila pumupunta. 13 Parang nagniningas na baga o mga sulo ang itsura nila. Sa pagitan nilaʼy may apoy na nagliliwanag at mula rin ditoʼy may kidlat na lumalabas 14 Ang mga buhay na nilalang na itoʼy nagpaparooʼt parito na kasimbilis ng kidlat.
15 Habang nakatingin ako sa apat na buhay na nilalang, nakita kong ang bawat isa sa kanila ay may gulong sa ilalim.[a] Ang apat na gulong ay nakasayad sa lupa. 16 Ganito ang anyo ng mga gulong: Kumikislap ang mga ito na parang mamahaling batong krisolito at magkakapareho ang kanilang anyo. Ang bawat gulong ay may isa pang gulong sa loob na nakakrus. 17 Kaya nakakapunta ang mga gulong na ito at ang mga buhay na nilalang kahit saang direksyon nang hindi na kailangang bumaling pa. 18 Ang gilid ng mga gulong ay malapad at nakakatakot dahil puno ng mga mata.
19 Kasama ng apat na buhay na nilalang ang mga gulong kahit saan sila pumunta, at kapag umaangat sila, umaangat din ang mga gulong. 20 Ang espiritu ng apat na buhay na nilalang ay nasa gulong. Kaya saan man pumunta ang espiritu, doon din pumupunta ang apat na buhay na nilalang at ang mga gulong. 21 Kapag lumakad ang mga buhay na nilalang, kasama rin ang mga gulong. Kapag tumigil sila, tumitigil din ang mga ito. At kapag lumipad sila, lumilipad din ang mga gulong dahil ang espiritu nila ay nasa gulong.
22 Sa itaas ng ulo ng mga buhay na nilalang ay may nakatabon na tila kristal na nakakasilaw at kahanga-hangang tingnan. 23 Sa ilalim nito, ang dalawang pakpak ng bawat buhay na nilalang ay nakabuka, at nagpapang-abot ang dulo ng mga pakpak ng bawat isa. Ang dalawang pakpak naman nila ay tumatakip sa kanilang katawan. 24 Kapag lumipad sila, ang pagaspas ng mga pakpak nila ay parang ugong ng rumaragasang tubig o kayaʼy parang tinig ng makapangyarihang Dios o ingay ng napakaraming hukbo. At kapag tumigil sila, ibinababa nila ang kanilang pakpak.
25 Habang nakababa ang mga pakpak nila, may tinig na nagmumula sa itaas nila. 26 Sa ibabaw nila ay may tila tronong gawa sa mga batong safiro at may parang tao sa tronong iyon. 27 Mula baywang pataas para siyang nagniningning na metal, at mula sa kanyang baywang pababa para siyang apoy na nagliliyab at napapalibutan ng nakasisilaw na liwanag. 28 Ang liwanag na iyon sa paligid niya ay parang bahaghari pagkatapos ng ulan.
Ganoon ang makapangyarihang presensya ng Panginoon. At nang makita ko iyon, lumuhod ako at narinig kong may tinig na nagsasalita sa akin.
Ang Kahihinatnan ng Masama at Mabuting Tao
37 Huwag kang mainis o mainggit man sa masasama,
2 dahil tulad ng damo, silaʼy madaling matutuyo,
at tulad ng sariwang halaman, silaʼy malalanta.
3 Magtiwala ka sa Panginoon at gumawa ng mabuti.
Sa gayon ay mananahan ka nang ligtas sa lupaing ito.
4 Sa Panginoon mo hanapin ang kaligayahan,
at ibibigay niya sa iyo ang ninanais mo.
5 Ipagkatiwala mo sa Panginoon ang lahat ng iyong ginagawa;
magtiwala ka sa kanya at tutulungan ka niya.
6 Ihahayag niya nang malinaw na ikaw ay matuwid at makatarungan,
kasingliwanag ng sinag ng araw sa katanghaliang tapat.
7 Pumanatag ka sa piling ng Panginoon,
at matiyagang maghintay sa gagawin niya.
Huwag mong kaiinggitan ang masasama na gumiginhawa,
kahit pa magtagumpay ang masasamang plano nila.
8 Huwag kang magagalit. Pigilan mo ang iyong poot.
Ni huwag kang mababalisa, dahil ito sa iyo ay makakasama.
9 Ang masama ay ipagtatabuyan,
ngunit ang nagtitiwala sa Panginoon ay mananatili sa lupaing ito.
10 Hindi magtatagal at mawawala ang masasama.
At kahit hanapin mo man sila ay hindi mo na makikita.
11 Ngunit ang mga mapagpakumbaba ay patuloy na mananahan sa lupain ng Israel nang mapayapa at masagana.
12 Ang mga masama ay nagpaplano ng hindi mabuti laban sa mga matuwid,
at galit na galit sila.
13 Ngunit tinatawanan lamang ng Panginoon ang mga masama,
dahil alam niyang malapit na ang oras ng paghahatol.
14 Binunot na ng masasama ang kanilang mga espada,
at nakaumang na ang kanilang mga pana
upang patayin ang mga dukha na namumuhay nang matuwid.
15 Ngunit sila rin ang masasaksak ng kanilang sariling espada
at mababali ang kanilang mga pana.
16 Ang kaunting tinatangkilik ng matuwid ay mas mabuti
kaysa sa kayamanan ng masama.
17 Dahil tutulungan ng Panginoon ang matuwid,
ngunit mawawalan ng kakayahan ang taong masama.
18 Araw-araw, inaalagaan ng Panginoon ang mga taong matuwid.
At tatanggap sila ng gantimpalang pangwalang hanggan.
19 Sa panahon ng kahirapan hindi sila malalagay sa kahihiyan.
Kahit na taggutom, magkakaroon pa rin sila ng kasaganaan.
20 Ngunit ang mga taong masamaʼy mamamatay.
Ang mga kaaway ng Panginoon ay mamamatay tulad ng bulaklak.
Silaʼy maglalaho na gaya ng usok.
21 Ang taong masama ay nangungutang pero hindi nagbabayad,
ngunit ang taong matuwid ay naaawa at nagbibigay ng sagana.
22 Ang mga pinagpapala ng Panginoon ay patuloy na titira sa lupain ng Israel.
Ngunit silang mga isinumpa niya ay palalayasin.
23 Ginagabayan ng Panginoon ang bawat hakbang ng taong matuwid na ang buhay ay nakakalugod sa kanya.
24 Matisod man siyaʼy hindi siya mabubuwal,
dahil hinahawakan siya ng Panginoon.
25 Akoʼy naging bata at ngayoʼy matanda na,
ngunit hindi ko pa nakita kahit kailan na ang matuwid ay pinabayaan ng Panginoon
o ang kanya mang mga anak ay namalimos ng pagkain.
26 Ang matuwid ay palaging nagbibigay at nagpapahiram,
at ang kanilang mga anak ay nagiging pagpapala sa iba.
27 Iwasan ang masama at gawin ang mabuti;
nang sa gayon ay manahan ka sa lupain magpakailanman.
28 Dahil ang nais ng Panginoon ay katarungan,
at ang mga taong tapat sa kanya ay hindi niya pinapabayaan.
Silaʼy iingatan niya magpakailanman.
Ngunit ang lahi ng mga taong masama ay mawawala.
29 Ang mga matuwid ay mananahan magpakailanman sa lupain ng Israel na sa kanilaʼy ipinamana.
30 Ang taong matuwid ay nagsasalita ng tama, at may karunungan.
31 Ang Kautusan ng Dios ay iniingatan niya sa kanyang puso,
at hindi niya ito sinusuway.
32 Ang mga taong masamaʼy laging nagbabantay
upang salakayin at patayin ang taong may matuwid na pamumuhay.
33 Ngunit hindi pababayaan ng Panginoon ang taong matuwid
sa kamay ng kanyang mga kaaway,
o parurusahan man kapag siyaʼy hinatulan.
34 Magtiwala ka sa Panginoon at sundin mo ang kanyang pamamaraan.
Pararangalan ka niya at patitirahin sa lupain ng Israel,
at makikita mong itataboy niya ang mga taong masama.
35 Nakita ko ang masamang tao na nang-aapi.
Gusto niyang kilalanin siyang mataas kaysa sa iba,
katulad ng mataas na punongkahoy ng Lebanon.
36 Nang siyaʼy aking balikan, siyaʼy wala na;
hinanap ko siya ngunit hindi ko na nakita dahil siyaʼy patay na.
37 Tingnan mo ang taong totoo at matuwid.
May magandang kinabukasan at may tahimik na pamumuhay.
38 Ngunit lilipulin ang lahat ng masama,
at ang kinabukasan nila ay mawawala.
39 Ang kaligtasan ng mga matuwid ay mula sa Panginoon.
Siya ang nag-iingat sa kanila sa panahon ng kaguluhan.
40 Tinutulungan sila ng Panginoon at inililigtas sa mga taong masama,
dahil silaʼy humihingi ng kanyang kalinga.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®