M’Cheyne Bible Reading Plan
Itinakwil ng Panginoon si Saul Bilang Hari
15 Sinabi ni Samuel kay Saul, “Isinugo ako noon ng Panginoon para pahiran ka ng langis at ipakita sa mga mamamayan ng Israel na ikaw ang pinili niyang hari. Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon. 2 ‘Ako ang Makapangyarihang Panginoon. Parurusahan ko ang mga Amalekita dahil sa pagsalakay nila sa mga Israelita nang inilabas ko sila sa Egipto. 3 Salakayin ninyo ang mga Amalekita. Lipulin ninyo nang lubusan ang lahat ng naroroon. Patayin ninyo silang lahat, mga lalaki, babae, bata at mga sanggol, pati na rin ang kanilang mga baka, tupa, kamelyo at mga asno.’ ”
4 Kaya tinipon ni Saul ang mga sundalo sa Telaim. May 200,000 sundalo ang nagtipon, bukod pa ang 10,000 mula sa Juda. 5 Pinangunahan sila ni Saul papunta sa lungsod ng Amalek at naghintay sa natuyong ilog para sumalakay. 6 Nagpasabi siya sa mga Keneo, “Lumayo kayo sa mga Amalekita para hindi kayo mamatay kasama nila. Naging mabuti kayo sa lahat ng mga Israelita nang lumabas sila sa Egipto.” Kaya lumayo ang mga Keneo sa mga Amalekita. 7 Sinalakay nina Saul ang mga Amalekita mula sa Havila hanggang sa Shur, sa gawing silangan ng Egipto. 8 Nilipol nila nang lubusan ang lahat ng Amalekita, pero si Agag na kanilang hari ay hindi nila pinatay kundi binihag lang. 9 Hindi rin nila pinatay ang pinakamainam na tupa at baka pati ang mga anak nito. Ang lahat ng maiinam ay hindi nila nilipol, pero ang hindi mapapakinabangan ay nilipol nila nang lubusan.
10 Sinabi ng Panginoon kay Samuel, 11 “Nalungkot ako na ginawa kong hari si Saul. Sapagkat tinalikuran niya ako at hindi sinunod ang utos ko.” Nang marinig ito ni Samuel, labis siyang nabagabag, at nanalangin siya sa Panginoon nang buong magdamag.
12 Kinabukasan, maagang bumangon si Samuel at lumakad para makipagkita kay Saul. Pero may nagsabi sa kanya, “Pumunta si Saul sa Carmel para magpatayo roon ng monumento para sa kanyang karangalan, at pagkatapos ay pumunta siya sa Gilgal.”
13 Pinuntahan ni Samuel si Saul at nang magkita sila, binati siya ni Saul, “Pagpalain ka sana ng Panginoon! Sinunod ko ang mga utos ng Panginoon.” 14 Pero sinabi ni Samuel, “Kung totoong sinunod mo ang utos ng Panginoon, bakit may naririnig akong ingay ng mga tupa at unga ng mga baka?” 15 Sumagot si Saul, “Ang mga iyon ay ang pinakamagandang tupa at mga baka, dala ng mga sundalo galing sa mga Amalekita. Hindi nila pinatay dahil iaalay nila sa Panginoon na iyong Dios, pero maliban sa mga iyon, pinatay naming lahat.” 16 Sinabi ni Samuel, “Tumigil ka! Pakinggan mo ang sinabi ng Panginoon sa akin kagabi.” “Ano iyon?” Tanong ni Saul. 17 Sinabi ni Samuel, “Kahit na maliit ang tingin mo sa sarili noong una, pinili ka pa rin ng Panginoon na maging hari ng buong lahi ng Israel. 18 Inutusan ka niyang ubusin ang lahat ng makasalanang Amalekita at labanan sila hanggang sa maubos silang lahat. 19 Pero bakit hindi ka sumunod sa Panginoon? Bakit dali-dali ninyong sinamsam ang mga ari-arian nila? Bakit mo ginawa ang masamang bagay na ito sa Panginoon?”
20 Sumagot si Saul, “Pero sinunod ko ang Panginoon. Ginawa ko ang iniutos niya sa akin. Binihag ko si Agag, ang hari ng mga Amalekita, at nilipol ko nang lubusan ang mga tao sa nasasakupan niya. 21 Pagkatapos, kinuha ng mga sundalo ko ang pinakamagandang tupa, baka at mga bagay-bagay na nasamsam sa digmaan, na nakatalagang wasakin nang lubos. Dinala nila ang mga ito rito sa Gilgal para ihandog sa Panginoon na iyong Dios.” 22 Pero sumagot si Samuel, “Mas nalulugod ba ang Panginoon sa mga handog ninyo kaysa sa pagsunod sa kanya? Ang pagsunod sa Panginoon ay mas mabuti kaysa sa mga handog. Ang pakikinig sa kanya ay mas mabuti kaysa sa paghahandog ng mga taba ng tupa. 23 Ang pagsuway sa Panginoon ay kasinsama ng pangkukulam at ang katigasan ng uloʼy kasinsama ng pagsamba sa mga dios-diosan. Dahil sa pagsuway mo sa salita ng Panginoon, inayawan ka rin niya bilang hari.”
24 Sinabi ni Saul kay Samuel, “Nagkasala ako; hindi ko sinunod ang mga turo mo at ang utos ng Panginoon. Natakot ako sa mga tao, kaya sinunod ko ang gusto nilang mangyari. 25 Nagmamakaawa ako sa iyo na patawarin mo ako sa mga kasalanan ko at samahan mo ako sa pagsamba sa Panginoon.” 26 Pero sinabi ni Samuel, “Hindi ako sasama sa iyo. Dahil sa pagsuway mo sa Panginoon, ayaw na niya sa iyo bilang hari ng Israel.”
27 Nang patalikod na si Samuel para umalis, hinawakan ni Saul ang laylayan ng damit niya at napunit ito. 28 Sinabi ni Samuel sa kanya, “Inalis na sa iyo ngayon ng Panginoon ang kaharian ng Israel at ibinigay ito sa iba – sa isang tao na mas mabuti kaysa sa iyo. 29 Ang Dios ng Israel ay hindi nagsisinungaling at hindi tulad ng tao na pabago-bago ng isip.” 30 Sumagot si Saul, “Nagkasala ako! Nakikiusap ako, parangalan mo ako sa harap ng mga tagapamahala ng aking mga mamamayan at ng buong Israel sa pamamagitan ng pagsama sa akin sa pagsamba sa Panginoon na iyong Dios.” 31 Kaya sumama si Samuel kay Saul at sumamba si Saul sa Panginoon.
32 Sinabi ni Samuel, “Dalhin mo sa akin si Agag na hari ng mga Amalekita.” Tiwalang-tiwala na lumapit kay Samuel si Agag. Iniisip niya na hindi na siya papatayin.[a] 33 Pero sinabi ni Samuel, “Kung paanong maraming ina ang nawalan ng anak dahil sa pagpatay mo, ngayon, mawawalan din ng anak ang iyong ina.” At pinagtataga ni Samuel si Agag sa presensya ng Panginoon sa Gilgal. 34 Pagkatapos, bumalik si Samuel sa Rama, at si Saul ay umuwi sa Gibea. 35 Mula noon, hindi na nagpakita si Samuel kay Saul hanggang sa mamatay si Samuel. Pero nagdalamhati siya para kay Saul. Nalungkot[b] ang Panginoon na ginawa niyang hari ng Israel si Saul.
Tungkulin sa mga Pinuno ng Bayan
13 Magpasakop kayong lahat sa mga namumuno sa pamahalaan. Sapagkat ang lahat ng pamahalaan ay nagmula sa Dios, at siya ang naglagay sa mga namumuno sa kanilang pwesto. 2 Kaya ang mga lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa itinalaga ng Dios, at dahil dito parurusahan niya sila. 3 Ang mga namumuno ay hindi dapat katakutan ng mga gumagawa ng mabuti. Ang dapat matakot sa kanila ay ang mga gumagawa ng masama. Kaya kung nais mo na wala kang ikatakot sa mga namumuno, gawin mo ang mabuti at pupurihin ka pa nila. 4 Sapagkat ang mga namumuno sa bayan ay mga lingkod ng Dios para sa ating ikabubuti. Pero kung gagawa ka ng masama, dapat kang matakot dahil may kapangyarihan silang parusahan ka. Silaʼy mga lingkod ng Dios na nagpaparusa sa mga gumagawa ng masama. 5 Kaya magpasakop kayo sa pamahalaan, hindi lang para maiwasan ang parusa kundi dahil ito ang nararapat gawin.
6 Iyan din ang dahilan kung bakit tayo nagbabayad ng buwis. Sapagkat ang mga namumuno ay lingkod ng Dios at inilalaan nila ang kanilang buong panahon sa pagtupad ng kanilang tungkulin. 7 Kaya ibigay ninyo ang nararapat ibigay. Bayaran ninyo ang inyong mga buwis, igalang ang dapat igalang, at parangalan ang dapat parangalan.
Tungkulin sa Isaʼt Isa
8 Huwag kayong mananatiling may utang kaninuman, maliban sa utang ng pagmamahalan. Sapagkat ang nagmamahal sa kapwa ay tumutupad sa Kautusan. 9 Ang mga kautusang, “Huwag kang mangangalunya, huwag kang papatay, huwag kang magnanakaw, huwag kang mag-iimbot,” at ang iba pang mga utos ay napapaloob sa iisang utos: “Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili.” 10 Ang taong nagmamahal ay hindi gumagawa ng masama sa kanyang kapwa. Kaya kung nagmamahalan tayo, tinutupad natin ang buong Kautusan.
11 Dapat ninyong gawin ito dahil alam ninyong panahon na para gumising kayo. Sapagkat mas malapit na ngayon ang oras ng ating kaligtasan kaysa noong una, nang tayoʼy sumampalataya kay Jesu-Cristo. 12 Mag-uumaga na, kaya iwanan na natin ang mga gawain ng kadiliman at isuot na ang kabutihan bilang panlaban nating mga nasa liwanag. 13 Mamuhay tayo nang marangal dahil tayo ay nasa liwanag na. Huwag nating gawin ang paglalasing, magugulong kasiyahan, sekswal na imoralidad, kalaswaan, ang pag-aaway, at inggitan. 14 Sa halip, paghariin ninyo sa inyong buhay ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag ninyong pagbigyan ang inyong makamundong pagnanasa.
Ang Pagkawasak ng Jerusalem
52 Si Zedekia ay 21 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 11 taon. Ang ina niya ay si Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna. 2 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ni Haring Jehoyakim. 3 Sa galit ng Panginoon, pinalayas niya sa harapan niya ang mga taga-Jerusalem at taga-Juda.
At ngayon, nagrebelde si Zedekia sa hari ng Babilonia. 4 Kaya noong ikasiyam na taon ng paghahari niya, nang ikasampung araw ng ikasampung buwan, sumalakay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ang kanyang buong hukbo sa Jerusalem. Nagkampo sila sa labas ng lungsod at nagtambak ng lupa sa tabi ng pader para roon sila dumaan sa pagpasok nila sa lungsod. 5 Pinalibutan nila ang lungsod hanggang ika-11 taon ng paghahari ni Zedekia.
6 Noong ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan ng taon ding iyon, matindi na ang taggutom sa lungsod at wala nang makain ang mga tao. 7 Winasak na ng mga taga-Babilonia ang isang bahagi ng pader ng lungsod, kaya naisip ni Zedekia na tumakas kasama ang kanyang buong hukbo. Pero dahil sa napalibutan na sila ng mga taga-Babilonia, naghintay sila hanggang sa gumabi. Doon sila dumaan sa pintuan na nasa pagitan ng dalawang pader malapit sa halamanan ng hari. Tumakas sila patungo sa Lambak ng Jordan.[a] 8 Pero hinabol sila ng mga sundalo ng Babilonia at inabutan sila sa kapatagan ng Jerico. Humiwalay kay Zedekia ang lahat ng sundalo niya 9 at siyaʼy nahuli. Dinala siya sa hari ng Babilonia sa Ribla, sa lupain ng Hamat, at doon siya hinatulan. 10 Pagkatapos, doon sa Ribla sa harap mismo ni Zedekia, pinatay ng hari ng Babilonia ang anak na lalaki ni Zedekia, at ang lahat ng pinuno ng Juda. 11 At ipinadukit ng hari ang mga mata ni Zedekia, ikinadena siya at dinala sa Babilonia. Doon siya ikinulong hanggang sa siyaʼy mamatay.
12 Noong ikasampung araw ng ikalimang buwan, nang ika-19 na taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia, pumunta sa Jerusalem si Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya ng hari sa Babilonia. 13 Sinunog niya ang templo ng Panginoon, ang palasyo, ang lahat ng bahay sa Jerusalem, at ang lahat ng mahahalagang gusali. 14 Sa pamamahala niya, giniba ng mga sundalo ng Babilonia ang mga pader na nakapalibot sa Jerusalem. 15 At dinala niyang bihag ang mga natitirang tao sa lungsod, pati na ang ilang pinakadukhang mga tao at ang mga taong kumampi sa hari ng Babilonia. 16 Pero iniwan din niya ang ilan sa pinakadukhang mga tao para alagaan ang mga ubasan at mga bukirin.
17 Sinira ng mga taga-Babilonia ang mga sumusunod na kagamitan sa templo ng Panginoon: ang haliging tanso, mga karitong ginagamit sa pag-igib, at ang malaking lalagyan ng tubig na tanso na tinatawag nilang Dagat. At dinala nila sa Babilonia ang lahat ng tanso. 18 Kinuha rin nila ang mga kawali, mga pala, mga pamputol sa mitsa ng ilaw, mga mangkok at ang iba pang tanso na ginagamit sa templo. 19 Kinuha ni Nebuzaradan ang mga planggana, mga lalagyan ng baga, mga mangkok, mga palayok, mga lalagyan ng ilaw, mga tasa at mga mangkok na ginagamit sa pag-aalay ng handog na inumin, at iba pang kagamitang gawa sa ginto at pilak. 20 Hindi kayang timbangin ang mga tanso na mula sa dalawang haligi, sa lalagyan ng tubig na tinatawag nilang Dagat, sa 12 torong tanso na patungan nito at mga karitong ginagamit sa pag-igib ng tubig. Ang mga gamit na itoʼy ipinagawa noon ni Solomon para sa templo ng Panginoon. 21 Ang taas ng bawat haligi ay 27 talampakan at ang kabuuang bilog ay 18 talampakan, may butas ito sa gitna, at ang kapal ng tanso ay apat na pulgada. 22 Ang bawat haligi ay may parang ulo sa itaas, na nasa pitoʼt kalahating talampakan ang taas. Pinaikutan ito ng mga mala-kadenang dugtong-dugtong at napapalibutan ito ng palamuting tanso, na hugis prutas na pomegranata. 23 Sa gilid ng bawat haligi ay may 96 na palamuti na kahugis ng prutas ng pomegranata na nakapaikot sa kadenang magkakakabit sa parang ulo ng haligi.
24 Binihag din ni Nebuzaradan sina Seraya na punong pari, Zefanias na pangalawang punong pari at ang tatlong tagapagbantay ng pinto ng templo. 25 Ito pa ang mga nakita niya at dinalang bihag mula sa lungsod: ang opisyal ng mga sundalo ng Juda, ang pitong tagapamahala ng hari, ang kumander na kumukuha at nagsasanay ng mga taong magiging sundalo at ang 60 pang mamamayan doon. 26 Silang lahat ay dinala ni Nebuzaradan sa hari ng Babilonia na nasa Ribla, 27 na sakop ng Hamat. At doon sila ipinapatay ng hari.
Kaya ang mga mamamayan ng Juda ay binihag at dinala papalayo sa lupain nila. 28-30 Ito ang bilang ng mga taong binihag ni Haring Nebucadnezar:
Noong ikapitong taon ng paghahari niya, 3,023.
Noong ika-18 taon ng paghahari niya, 832.
Noong ika-23 taon ng paghahari niya, 745. Si Nebuzaradan ang bumihag sa kanila. May kabuuang bilang na 4,600 ang binihag.
Pinakawalan si Jehoyakin
31 Noong ika-37 taon ng pagkabihag ni Haring Jehoyakin ng Juda, naging hari ng Babilonia si Evil Merodac. Pinalaya niya si Jehoyakin nang ika-25 araw ng ika-12 buwan nang taon na iyon. 32 Mabait siya kay Haring Jehoyakin at pinarangalan niya ito ng higit kaysa sa ibang mga hari na bihag din doon sa Babilonia. 33 Kaya hindi na nagsuot si Haring Jehoyakin ng damit na para sa mga bilanggo, at mula noon ay kumakain na siya kasama ng hari. 34 At bawat araw, binibigyan siya ng hari ng Babilonia ng kanyang mga pangangailangan hanggang sa siya ay namatay.
Dalangin ng Pagtitiwala
31 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.
Huwag nʼyong hayaang mapahiya ako.
Iligtas nʼyo ako dahil matuwid kayo.
2 Pakinggan nʼyo ako at agad na iligtas.
Kayo ang aking batong kanlungan,
at pader na tanggulan para sa aking kaligtasan.
3 Dahil kayo ang bato na matibay na kong kanlungan,
pangunahan nʼyo ako at patnubayan nang kayo ay aking maparangalan.
4 Ilayo nʼyo ako sa bitag ng aking mga kaaway,
dahil kayo ang aking matibay na tanggulan.
5 Ipinauubaya ko sa inyo ang aking sarili.
Iligtas nʼyo ako, Panginoon,
dahil kayo ang Dios na maaasahan.
6 Panginoon, namumuhi ako sa mga sumasamba sa mga dios-diosan na walang kabuluhan,
dahil sa inyo ako nagtitiwala.
7 Akoʼy magagalak sa inyong pag-ibig,
dahil nakita nʼyo ang aking pagdurusa,
at nalalaman nʼyo ang tinitiis kong kahirapan.
8 Hindi nʼyo ako ibinigay sa aking mga kaaway,
sa halip iniligtas nʼyo ako sa kapahamakan.
9 Panginoon, kahabagan nʼyo po ako,
dahil akoʼy labis nang nahihirapan.
Namumugto na ang aking mga mata sa pag-iyak,
at nanghihina na ako.
10 Ang buhay koʼy punong-puno ng kasawian;
umiikli ang buhay ko dahil sa pag-iyak at kalungkutan.
Nanghihina na ako sa kapighatiang aking nararanasan,
at parang nadudurog na ang aking mga buto.
11 Kinukutya ako ng aking mga kaaway,
at hinahamak ng aking mga kapitbahay.
Iniiwasan na ako ng mga dati kong kaibigan;
kapag nakikita nila ako sa daan, akoʼy kanilang nilalayuan.
12 Para akong patay na kanilang kinalimutan,
at parang basag na sisidlan na wala nang halaga.
13 Marami akong naririnig na banta laban sa akin.
Natatakot akong pumunta kahit saan,
dahil plano nilang patayin ako.
14 Ngunit ako ay nagtitiwala sa inyo, Panginoon.
Sinasabi kong,
“Kayo ang aking Dios!”
15 Ang aking kinabukasan ay nasa inyong mga kamay.
Iligtas nʼyo po ako sa aking mga kaaway na umuusig sa akin.
16 Ipadama nʼyo ang inyong kabutihan sa akin na inyong lingkod.
Sa inyong pagmamahal, iligtas nʼyo ako.
17 Panginoon, huwag nʼyong payagang akoʼy mapahiya,
dahil sa inyo ako tumatawag.
Ang masasama sana ang mapahiya
at manahimik doon sa libingan.
18 Patahimikin nʼyo silang mga sinungaling,
pati ang mga mayayabang at mapagmataas
na binabalewala at hinahamak ang mga matuwid.
19 O kay dakila ng inyong kabutihan;
sa mga may takot sa inyo, pagpapalaʼy inyong inilaan.
Nakikita ng karamihan ang mga ginawa nʼyong kabutihan sa mga taong kayo ang kanlungan.
20 Itinago nʼyo sila sa ilalim ng inyong pagkalinga.
At doon ay ligtas sila sa mga masamang balak at pang-iinsulto ng iba.
21 Purihin ang Panginoon,
dahil kahanga-hanga ang pag-ibig niyang ipinakita sa akin
noong akoʼy naipit sa isang sinasalakay na bayan.
22 Doon akoʼy natakot at nasabi ko,
“Binalewala na ako ng Panginoon.”
Ngunit narinig niya pala ang aking kahilingan, at akoʼy kanyang tinulungan.
23 O, kayong tapat niyang mga mamamayan,
mahalin ninyo ang Panginoon.
Iniingatan niya ang mga tapat sa kanya,
ngunit lubos ang kanyang parusa sa mga mapagmataas.
24 Magpakatatag kayo at lakasan ninyo ang inyong loob,
kayong mga umaasa sa Panginoon.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®