M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pagkakaibigan ni David at Jonatan
18 Matapos makipag-usap ni David kay Saul, nakilala niya ang anak nitong si Jonatan. Naging matalik silang magkaibigan at mahal na mahal ni Jonatan si David gaya ng pagmamahal niya sa kanyang sarili. 2 Mula noon, hindi na pinauwi ni Saul si David sa kanilang bahay. 3 Sumumpa si Jonatan kay David na magiging magkaibigan sila sa habang panahon dahil mahal niya si David gaya ng kanyang sarili. 4 At bilang patunay ng kanyang pangako, hinubad niya ang kanyang balabal at ibinigay kay David, kasama ang kanyang pamigkis, espada, pana at sinturon.
5 Napagtagumpayan ni David ang lahat ng ipinagawa sa kanya ni Saul, kaya siyaʼy ginawa nitong pinuno ng buong hukbo. Nagustuhan ito ng mga mamamayan pati na rin ng mga opisyal ni Saul.
Nainggit si Saul kay David
6 Nang pauwi na ang mga Israelita matapos mapatay ni David si Goliat, sinalubong si Saul ng mga babaeng mula sa lahat ng bayan ng Israel. Sumasayaw sila at umaawit na may tamburin at alpa. 7 Ganito ang kanilang awit:
“Libu-libo ang napatay ni Saul, kay David naman ay tig-sasampung libo.” 8 Nagalit si Saul nang mapakinggan niya ang awit nila. Naisip niya, “Sinasabi nilang tig-sasampung libo ang napatay ni David, pero ang sa akin ay libu-libo lang. Kulang na lang ay siya ang kilalanin nilang hari.” 9 Mula noon, binantayan na niyang mabuti si David dahil nagseselos siya rito.
10-11 Kinabukasan, pinasukan si Saul ng masamang espiritu na ipinadala ng Dios, at umasta siya na parang baliw sa loob ng kanilang bahay. Tumutugtog si David ng alpa gaya ng ginagawa niya bawat araw. May hawak noon na sibat si Saul, at dalawang beses niyang sinibat si David. Ang balak niyaʼy itusok si David sa dingding, pero nakailag si David at nakatakas. 12 Natatakot si Saul kay David dahil sinasamahan ito ng Panginoon samantalang siya namaʼy pinabayaan na ng Panginoon. 13 Kaya para malayo sa kanya si David, ginawa niya itong kumander ng 1,000 sundalo, at pinamunuan ito ni David nang buong lakas sa digmaan.
14 Nagtagumpay si David sa lahat ng ginagawa niya dahil kasama niya ang Panginoon. 15 Nang malaman ni Saul kung gaano katagumpay si David, lalo pa siyang natakot. 16 Pero lalo namang napamahal ang buong Israel at Juda kay David, dahil pinamumunuan niya sila sa mga labanan.
17 Isang araw, sinabi ni Saul kay David, “Handa akong ibigay sa iyo ang panganay kong anak na si Merab bilang asawa mo, pero kailangan mo munang patunayan sa akin na isa kang matapang na mandirigma sa pamamagitan ng pakikipaglaban para sa Panginoon.” At sinabi ni Saul sa sarili niya, “Sa pamamagitan nito ay mapapatay si David ng mga Filisteo at hindi na kailangang ako pa ang pumatay sa kanya.”
18 Pero sinabi ni David kay Saul, “Sino po ba ako at ang aking pamilya para maging manugang ng hari?”
19 Nang dumating ang araw na ikakasal na si Merab kay David, ipinakasal na lang ni Saul si Merab kay Adriel na taga-Mehola.
20 Samantala, ang isa pang anak na babae ni Saul na si Mical ay nagkagusto kay David. Nang malaman ito ni Saul, natuwa siya. 21 Sinabi ni Saul sa kanyang sarili, “Ipakakasal ko si Mical kay David, at gagawin ko siyang pain para mapatay ng mga Filisteo si David.” Kaya sinabi niya kay David, “May pagkakataon ka pa para maging manugang ko.”
22 Kinasabwat din ni Saul ang kanyang mga lingkod na makipag-usap nang lihim kay David at sabihin sa kanya, “Talagang gusto ka ng hari pati na rin ng kanyang mga lingkod. Kaya pumayag ka nang maging manugang niya.” 23 Nang sinabi nila ito kay David, sumagot siya, “Hindi ko makakayang magbayad sa hari para mapangasawa ko ang kanyang anak. Mahirap lang ako at galing sa isang hindi kilalang pamilya.”
24 Nang ibalita nila ito kay Saul, 25 sinabi ni Saul, “Sabihin ninyo kay David na ang hinihingi ko lang na bayad sa pagpapakasal sa aking anak ay 100 balat ng pinagtulian ng mga Filisteo bilang paghihiganti sa aking mga kalaban.” Pero ang plano ni Saul ay mahulog si David sa kamay ng mga Filisteo.
26 Nang sabihin ito ng mga lingkod ni Saul kay David, natuwa siya dahil gusto niyang maging manugang ng hari. Kaya bago pa sumapit ang itinakdang araw, 27 sinalakay ni David at ng mga tauhan niya ang mga Filisteo at napatay nila ang 200 sa mga ito. Pagkatapos, kinuha nila ang mga balat ng pinagtulian ng mga Filisteo at dinala ang lahat ng ito sa hari. Kaya ibinigay ni Saul si Mical kay David para maging asawa niya.
28 Nang malaman ni Saul na pinapatnubayan ng Panginoon si David at nakita niya kung gaano kamahal ni Mical si David, 29 lalo pa siyang natakot kay David. At itinuring niyang kaaway si David habang nabubuhay siya. 30 Nagpatuloy ang labanan sa pagitan ng mga Israelita at mga Filisteo. Bawat labanan, mas nagiging matagumpay si David kaysa sa lahat ng opisyal ng hari. Kaya lalong nakilala ang pangalan ni David sa buong bayan.
Mga Pangangamusta
16 Ngayon, nais kong ipakilala sa inyo ang kapatid nating si Febe. Naglilingkod siya sa iglesya sa Cencrea. 2 Tanggapin ninyo siya bilang kapatid sa Panginoon gaya ng nararapat gawin ng mga pinabanal[a] ng Dios. Tulungan ninyo siya sa anumang kakailanganin niya dahil marami siyang natulungan at isa na ako roon.
3 Ikumusta ninyo ako kina Priscila at Aquila. Silaʼy kapwa ko manggagawa kay Cristo Jesus. 4 Itinaya nila ang kanilang buhay alang-alang sa akin. Malaki ang utang na loob ko sa kanila, at hindi lang ako kundi pati na rin ang lahat ng iglesyang hindi Judio. 5 Ikumusta rin ninyo ako sa mga mananampalatayang[b] nagtitipon sa kanilang tahanan.
Ipaabot din ninyo ang pangangamusta ko sa minamahal kong kaibigan na si Epenetus. Siya ang unang sumampalataya kay Cristo Jesus sa probinsya ng Asia. 6 Ikumusta nʼyo rin ako kay Maria, na nagsikap nang husto para sa inyo. 7 Kumusta rin kina Andronicus at Junias, mga kapwa kong Judio at nakasama ko sa bilangguan. Nauna silang naging Cristiano kaysa sa akin, at kilalang-kilala sila ng mga apostol.
8 Ikumusta nʼyo rin ako sa minamahal kong kaibigan sa Panginoon na si Ampliatus. 9 Kumusta rin kay Urbanus na kapwa ko manggagawa kay Cristo, at ganoon din sa minamahal kong kaibigan na si Stakis. 10 Kumusta rin kay Apeles na isang subok at tapat na lingkod ni Cristo. Kumusta rin sa pamilya ni Aristobulus, 11 sa kapwa ko Judio na si Herodion, at sa mga kapatid sa Panginoon sa pamilya ni Narcisus.
12 Ikumusta nʼyo rin ako kina Trifena at Trifosa, na masisipag na manggagawa ng Panginoon. Kumusta rin sa minamahal kong kaibigan na si Persis. Malaki ang naitulong niya sa gawain ng Panginoon. 13 Kumusta rin kay Rufus, na isang mahusay na lingkod ng Panginoon. Kumusta rin sa kanyang ina, na para ko na ring ina.
14 Ikumusta rin ninyo ako kina Asyncritus, Flegon, Hermes, Patrobas, Hermas at sa mga kapatid na kasama nila. 15 Kumusta rin kina Filologus, Julia, Nereus at sa kapatid niyang babae na si Olimpas, at sa lahat ng pinabanal ng Dios na kasama nila.
16 Magbatian kayo bilang mga magkakapatid kay Cristo.[c] Kinukumusta kayo ng lahat ng iglesya ni Cristo rito.
17 Mga kapatid, mag-ingat kayo sa mga taong lumilikha ng pagkakahati-hati at gumugulo sa pananampalataya ninyo. Nangangaral sila laban sa mga aral na natanggap ninyo sa amin. Kaya iwasan ninyo sila. 18 Ang mga taong ganyan ay hindi naglilingkod sa Panginoong Jesu-Cristo, kundi sa sarili nilang hangarin[d] sila sumusunod. Dinadaya nila ang mga kulang sa kaalaman sa pamamagitan ng mahuhusay at magaganda nilang pananalita. 19 Balitang-balita sa lahat ang inyong katapatan sa pagsunod sa Panginoon, at nagagalak ako dahil diyan. Pero gusto kong maging matalino kayo sa mga bagay na mabuti, at walang alam sa paggawa ng kasamaan. 20 Ang Dios ang nagbibigay ng kapayapaan, at malapit na niyang puksain ang kapangyarihan ni Satanas sa pamamagitan ninyo. Pagpalain kayo ng Panginoong Jesus.
21 Kinukumusta kayo ni Timoteo na kapwa ko manggagawa sa Panginoon, at nina Lucius, Jason at Sosipater na mga kapwa ko Judio.
22 (Kinukumusta ko rin kayo. Ako si Tertius na nasa Panginoon din na siyang sumulat ng liham na ito ni Pablo.)
23 Kinukumusta rin kayo ni Gaius. Akong si Pablo ay nakikituloy dito sa bahay niya, at dito rin nagtitipon ang mga mananampalataya[e] sa lugar na ito. Kinukumusta rin kayo ni Erastus na tresurero ng lungsod at ng ating kapatid na si Quartus. [24 Pagpalain kayong lahat ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.]
Papuri sa Dios
25 Purihin natin ang Dios na siyang makakapagpatibay sa pananampalataya ninyo ayon sa Magandang Balita na ipinangaral ko sa inyo. Ang Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo ay inilihim nang matagal na panahon, 26 pero ipinahayag na ngayon sa pamamagitan ng mga isinulat ng mga propeta. Itoʼy ayon sa utos ng walang kamatayang Dios, para ang lahat ng tao ay sumampalataya at sumunod sa kanya.
27 Purihin natin ang Dios na tanging nakakaalam ng lahat. Purihin natin siya magpakailanman sa pamamagitan ni Jesu-Cristo! Amen.
3 Isa ako sa mga nakaranas ng parusa ng Panginoon dahil sa kanyang galit. 2 Pinalayas niya ako at pinalakad sa dilim sa halip na sa liwanag. 3 Paulit-ulit niya akong pinarusahan araw at gabi. 4 Pinahina ang aking katawan at binali ang aking mga buto. 5 Sinalakay niya ako at ibinilanggo sa paghihirap at pagdurusa. 6 Inilagay sa kadiliman na parang isang tao na matagal nang patay. 7 Kinadena niya ako at ikinulong upang hindi makatakas. 8 Kahit na humingi ako ng tulong, hindi niya ako pinakinggan. 9 Hinarangan niya ng pader ang aking landas, at pinaliku-liko ang aking dadaanan. 10 Para siyang oso o leon na nag-aabang upang salakayin ako. 11 Kinaladkad ako palayo sa daan at pagkatapos ay nilapa at iniwan. 12 Iniumang niya ang kanyang pana at itinutok sa akin. 13 Pinana niya ako at tumagos ito sa puso ko. 14 Naging katawa-tawa ako sa aking mga kalahi. Buong araw nila akong inaawitan ng pangungutya. 15 Pinuno niya ako ng labis na kapaitan. 16 Nabungi ang mga ngipin ko dahil pinakain niya ako ng graba, at saka tinapak-tapakan niya ako sa lupa. 17 Inalis niya ako sa maganda kong kalagayan at hindi ko na naranasan ang kasaganaan.
18 Nawala na ang karangalan ko at lahat ng pag-asa sa Panginoon. 19 Napakasakit isipin ang mga paghihirap at pagdurusa ko. 20 At kung palagi ko itong iisipin, manghihina ako. 21 Pero nanunumbalik ang pag-asa ko kapag naaalala ko na 22 ang pag-ibig at awa ng Panginoon ay walang katapusan. Iyan ang dahilan kung bakit hindi tayo lubusang nalipol. 23 Araw-araw ay ipinapakita niya ang kanyang habag. Dakila ang katapatan ng Panginoon! 24 Kaya sinabi ko sa aking sarili, “Ang Panginoon ang lahat para sa akin, kaya sa kanya ako nagtitiwala.” 25 Mabuti ang Panginoon sa mga nagtitiwalaʼt umaasa sa kanya. 26 Mabuting matiyagang maghintay sa pagliligtas ng Panginoon. 27 Mabuti para sa isang tao na kahit bata pa ay matuto nang sumunod. 28 Kapag tinuturuan tayo ng Panginoon, tumahimik tayo at pag-isipan itong mabuti. 29 Magpakumbaba tayo sa harap ng Panginoon at huwag mawalan ng pag-asa. 30 Kapag sinampal ka sa isang pisngi, ibigay mo pa ang kabila. At tanggapin mo rin ang pangungutya ng iyong mga kaaway. 31 Dahil hindi tayo itatakwil ng Panginoon magpakailanman. 32 Pero kahit nagpaparusa siya, ipinapakita pa rin niya ang kanyang habag at ang napakalakiʼt walang hanggan niyang pag-ibig sa atin. 33 Dahil hindi siya natutuwa na tayoʼy saktan o pahirapan.
34 Ayaw ng Panginoon na apihin ang mga bilanggo, 35 o balewalain ang karapatan ng tao. 36 Ayaw din ng Kataas-taasang Dios na ipagkait ang katarungan sa sinumang tao. Nakikita niya ang lahat ng ito.
37 Walang anumang bagay na nangyayari na hindi pinahihintulutan ng Panginoon. 38 Ang Kataas-taasang Dios ang nagpapasya kung ang isang bagay na mabuti o masama ay mangyayari. 39 Kaya bakit tayo magrereklamo kung pinarurusahan tayo dahil sa ating kasalanan? 40 Ang dapat ay siyasatin natin ang ating pamumuhay at magbalik-loob sa Panginoon. 41 Buksan natin ang ating mga puso at itaas ang ating mga kamay sa Dios na nasa langit at sabihin: 42 “Panginoon, nagkasala po kami at naghimagsik sa inyo, at hindi nʼyo kami pinatawad. 43 Nagalit kayo sa amin at inusig kami at walang awang pinatay. 44 Tinakpan nʼyo ng mga ulap ang inyong sarili para hindi nʼyo marinig ang aming mga dalangin. 45 Ginawa nʼyo kaming parang basura sa paningin ng ibaʼt ibang bansa. 46 Kinutya kami ng lahat ng aming mga kaaway. 47 Dumanas kami ng matinding takot, panganib, pagkasira at kapahamakan.”
48 Napaluha ako dahil sa kapahamakang sinapit ng aking mga kalahi.
49 Patuloy akong iiyak 50 hanggang sa tumunghay ang Panginoon mula sa langit. 51 Labis akong nasaktan sa sinapit ng mga kababaihan ng aking lungsod.
52 Hinahabol ako ng aking mga kaaway na parang isang ibon, kahit na wala naman akong nagawang kasalanan sa kanila. 53 Sinubukan nila akong patayin sa pamamagitan ng pambabato at paghulog sa balon. 54 Halos malunod na ako at ang akala koʼy mamamatay na ako.
55 Doon sa ilalim ng balon, tumawag ako sa inyo Panginoon. 56 Pinakinggan nʼyo ang pagmamakaawa ko at paghingi ng tulong. 57 Dumating kayo nang akoʼy tumawag at sinabi nʼyong huwag akong matakot. 58 Tinulungan nʼyo ako sa problema ko Panginoon, at iniligtas nʼyo ang buhay ko. 59 Panginoon, nakita nʼyo ang kasamaang ginawa sa akin ng aking mga kaaway, kaya bigyan nʼyo ako ng katarungan. 60 Alam nʼyo kung paano nila ako pinaghigantihan at ang lahat ng binabalak nila laban sa akin. 61 Napakinggan nʼyo, O Panginoon, ang mga pangungutya nila at alam nʼyo ang lahat ng binabalak nila laban sa akin. 62 Buong araw nilang pinag-uusapan ang pinaplano nilang masama laban sa akin. 63 Masdan nʼyo, nakaupo man sila o nakatayo, kinukutya nila ako sa pamamagitan ng pag-awit. 64 Panginoon, parusahan nʼyo sila ayon sa kanilang ginagawa. 65 Patigasin nʼyo ang mga puso nila at sumpain nʼyo sila. 66 Sa galit nʼyo Panginoon, habulin nʼyo sila at lipulin nang mawala na sila sa mundong ito.
Ang Kabutihan ng Dios
34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng oras.
Ang aking bibig ay hindi titigil sa pagpupuri sa kanya.
2 Ipagmamalaki ko ang gawa ng Panginoon;
maririnig ito ng mga api at silaʼy magagalak.
3 Halikayo! Ipahayag natin ang kadakilaan ng Panginoon,
at itaas natin ang kanyang pangalan.
4 Akoʼy nanalangin sa Panginoon at akoʼy kanyang sinagot.
Pinalaya niya ako sa lahat ng aking takot.
5 Ang mga umaasa sa kanya ay nagniningning ang mata sa kaligayahan,
at walang bahid ng hiya sa kanilang mukha.
6 Noong wala na akong pag-asa, tumawag ako sa Panginoon.
Akoʼy kanyang pinakinggan at iniligtas sa lahat ng mga dinaranas kong kahirapan.
7 Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay sa mga may takot sa Dios,
at ipinagtatanggol niya sila.
8 Subukan ninyo at inyong makikita,
kung gaano kabuti ang Panginoon.
Napakapalad ng taong naghahanap ng kaligtasan[a] sa kanya!
9 Kayong mga hinirang ng Panginoon,
matakot kayo sa kanya,
dahil ang may takot sa kanya ay hindi kukulangin sa lahat ng pangangailangan.
10 Kahit mga leon ay kukulangin sa pagkain at magugutom,
ngunit hindi kukulangin ng mabubuting bagay ang mga nagtitiwala sa Panginoon.
11 Lumapit kayo, kayong gustong matuto sa akin.
Pakinggan ninyo ako at tuturuan ko kayo ng pagkatakot sa Panginoon.
12 Kung nais ninyo ng masaya at mahabang buhay,
13 iwasan ninyo ang masamang pananalita at pagsisinungaling.
14 Lumayo kayo sa masama at gawin ninyo ang mabuti.
Pagsikapan ninyong kamtin ang kapayapaan.
15 Iniingatan ng Panginoon ang mga matuwid,
at pinakikinggan niya ang kanilang mga karaingan.
16 Ngunit kinakalaban ng Panginoon ang mga gumagawa ng masama.
Silaʼy kanyang nililipol hanggang sa hindi na sila maalala ng mga tao sa mundo.
17 Tinutugon ng Panginoon ang panalangin ng mga matuwid,
at inililigtas sila sa lahat ng mga suliranin.
18 Malapit ang Panginoon sa mga may bagbag na puso,
at tinutulungan niya ang mga nawawalan ng pag-asa.
19 Marami ang paghihirap ng mga matuwid,
ngunit inililigtas sila ng Panginoon sa lahat ng ito.
20 Silaʼy iniingatan ng Panginoon,
at kahit isang buto nilaʼy hindi mababali.
21 Ang masamang tao ay papatayin ng kanyang kasamaan.
At silang nagagalit sa taong matuwid ay parurusahan ng Dios.
22 Ngunit ililigtas ng Panginoon ang kanyang mga lingkod,
at hindi parurusahan ang isa man sa mga naghahanap ng kaligtasan sa kanya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®