M’Cheyne Bible Reading Plan
Sinaway ni Samuel si Saul
13 Si Saul ay 30[a] taong gulang nang maging hari ng Israel, at naghari siya rito sa loob ng 42[b] taon.
2 Pumili si Saul ng 3,000 lalaki sa Israel para makipaglaban sa mga Filisteo. Ang mga hindi napili ay pinauwi niya. Isinama niya ang 2,000 sa Micmash at sa kaburulan ng Betel at ang 1,000 naman ay pinasama niya sa anak niyang si Jonatan sa Gibea na sakop ng mga taga-Benjamin.
3 Sinalakay ni Jonatan ang kampo ng mga Filisteo sa Geba at nabalitaan ito ng iba pang Filisteo. Kaya iniutos ni Saul na patunugin ang trumpeta sa buong Israel bilang paghahanda ng mga Hebreo[c] sa digmaan. 4 Nabalitaan ng mga Israelita na galit na galit ang mga Filisteo sa kanila dahil sinalakay ni Saul ang kampo. Kaya nagtipon ang mga Israelita sa Gilgal kasama ni Saul.
5 Nagtipon ang mga Filisteo para makipagdigma sa mga Israelita. Mayroon silang 3,000[d] karwahe, 6,000 mangangabayo at mga sundalo na kasindami ng buhangin sa tabing-dagat. Nagtipon sila at nagkampo sa Micmash, sa silangan ng Bet Aven. 6 Nang makita ng mga Israelita na nanganganib ang sitwasyon nila, nagtago sila sa mga kweba, talahiban, mga batuhan, hukay at mga imbakan ng tubig. 7 Ang iba sa kanilaʼy tumawid sa Ilog ng Jordan papuntang Gad at Gilead. Naiwan si Saul sa Gilgal, at nanginginig sa takot ang mga kasama niya.
8 Naghintay si Saul kay Samuel sa Gilgal ng pitong araw ayon sa sinabi ni Samuel sa kanya, pero hindi dumating si Samuel. Nang makita ni Saul na unti-unting nag-aalisan ang mga kasama niya, sinabi niya, 9 “Dalhin ninyo sa akin ang handog na sinusunog at ang handog para sa mabuting relasyon.”[e] At inialay ni Saul ang mga handog na sinusunog. 10 Nang patapos na siya, dumating si Samuel. Sinalubong niya ito upang batiin, pero nagtanong si Samuel, 11 “Ano ang ginawa mo?” Sumagot si Saul, “Nakita ko na unti-unting nag-aalisan ang mga kasama ko, at hindi ka dumating sa oras na sinabi mo, at nagtitipon na ang mga Filisteo sa Micmash. 12 Inisip ko na baka salakayin kami ng mga Filisteo rito sa Gilgal at hindi pa nakakapaghandog sa Panginoon para humingi ng tulong sa kanya. Kaya napilitan akong mag-alay ng handog na sinusunog.”
13 Sinabi ni Samuel, “Kahangalan ang ginawa mo! Hindi mo sinunod ang utos na ibinigay sa iyo ng Panginoon na iyong Dios. Kung sumunod ka lang sana, ang sambahayan mo ang maghahari sa Israel habang panahon. 14 Pero hindi na ito mangyayari dahil nakakita na ang Panginoon ng taong susunod sa kagustuhan niya, at ginawa na siyang pinuno para sa kanyang mga mamamayan, dahil hindi ka sumunod sa utos ng Panginoon.”
15 Pagkatapos, umalis si Samuel sa Gilgal at pumunta sa Gibea, na sakop ng Benjamin. Binilang ni Saul ang mga natira niyang tauhan – 600 lahat.
Walang Armas ang mga Israelita
16 Nagkampo si Saul, ang anak niyang si Jonatan, at ang mga natitira pa niyang tauhan sa Geba, na sakop ng Benjamin, habang ang mga Filisteo naman ay nagkakampo sa Micmash. 17 Nagtatlong grupo ang mga Filisteo sa kanilang pagsalakay. Ang isang grupoʼy pumunta sa Ofra, sa lupain ng Shual. 18 Ang isang grupoʼy sa Bet Horon, at ang isaʼy pumunta sa hangganan kung saan matatanaw ang Lambak ng Zeboim na papunta sa disyerto.
19 Nang mga panahong iyon, walang panday sa buong Israel. Hindi sila pinayagan ng mga Filisteo dahil sinabi nila, “Baka gumawa ng mga espada at sibat ang mga Hebreo.” 20 Kaya kinakailangan pa ng mga Israelitang pumunta sa mga Filisteo kung maghahasa sila ng kanilang talim ng araro, piko, palakol at karit. 21 At mahal ang singil sa kanila. Ang bayad sa pagpapahasa ng araro at piko ay dalawang pirasong pilak at sa pagpapahasa ng palakol at talim ng pantaboy sa hayop ay isang pirasong pilak. 22 Kaya nang araw ng digmaan, wala ni isang sundalo sa Israel ang may espada at sibat maliban kina Saul at Jonatan. 23 Samantala, nagpadala ang mga Filisteo ng mga sundalo para bantayan ang daanan papuntang Micmash.
Ang Awa ng Dios sa Israel
11 Ang tanong ko ngayon, itinakwil na ba ng Dios ang mga taong pinili niya? Aba, hindi! Ako mismo ay isang Israelita, mula sa lahi ni Abraham at kabilang sa lahi ni Benjamin. 2 Hindi itinakwil ng Dios ang kanyang mga mamamayan na sa simula paʼy pinili na niya. Hindi nʼyo ba natatandaan ang sinasabi sa Kasulatan nang ireklamo ni Propeta Elias sa Dios ang mga Israelita? 3 Ang sabi ni Elias, “Panginoon, pinatay po nila ang inyong mga propeta at winasak ang inyong mga altar. Ako na lang po ang natitira at gusto pa nila akong patayin.” 4 Pero ano ang isinagot sa kanya ng Dios? “Nagtira ako ng 7,000 Israelitang hindi sumasamba sa dios-diosang si Baal.” 5 Ganyan din ngayon, may mga natitira pang mga Israelita na tapat sa Dios, na pinili niya dahil sa kanyang biyaya. 6 Ngayon, kung ang pagkapili sa kanila ay dahil sa kanyang biyaya, hindi na ito nakasalalay sa kanilang mabubuting gawa. Sapagkat kung nakasalalay sa mabubuting gawa, hindi na ito biyaya.
7 Ngayon, masasabi natin na hindi nakamtan ng mga Israelita ang kanilang ninanais na maituring silang matuwid ng Dios. Ang mga pinili ng Dios ang siyang nagkamit nito, pero ang karamihan ay pinatigas ang ulo. 8 Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan, “Ginawa silang manhid ng Dios at hanggang ngayon ay para silang mga bulag o bingi sa katotohanan.” 9 Sinabi rin ni David tungkol sa kanila: “Ang kanilang mga handog[a] sana ang magdala sa kanila ng kapahamakan, kasiraan, at kaparusahan. 10 Mabulag sana sila at magkandakuba sa bigat ng kanilang mga papasanin.”
11 Natisod ang mga Judio dahil hindi sila sumampalataya kay Cristo. Ibig bang sabihin, tuluyan na silang mapapahamak? Hindi! Pero dahil sa paglabag nila, nabigyan ng pagkakataon ang mga hindi Judio na maligtas. At dahil dito, maiinggit ang mga Judio. 12 Ngayon, kung ang paglabag at pagkabigong ito ng mga Judio ay nagdulot ng malaking pagpapala sa mga hindi Judio sa buong mundo, gaano pa kaya kalaki ang pagpapalang maidudulot kung makumpleto na ang buong bilang ng mga Judio na sasampalataya kay Cristo.
Ang Kaligtasan ng mga Hindi Judio
13 Ngayon, ito naman ang sasabihin ko sa inyong mga hindi Judio: Ginawa akong apostol ng Dios para sa inyo, at ikinararangal ko ang tungkuling ito. 14 Baka sakaling sa pamamagitan nito ay magawa kong inggitin ang mga kapwa ko Judio para sumampalataya ang ilan sa kanila at maligtas. 15 Kung ang pagtakwil ng Dios sa mga Judio ang naging daan para makalapit sa kanya ang ibang mga tao sa mundo, hindi baʼt lalo pang malaking kabutihan ang maidudulot kung ang mga Judio ay muling tanggapin ng Dios? Sila ay para na ring muling binuhay.
16 Maihahambing natin ang mga Judio sa isang tinapay. Kung inihandog sa Dios ang bahagi ng tinapay, ganoon na rin ang buong tinapay. At kung inihandog sa Dios ang ugat ng isang puno, ganoon na rin ang mga sanga nito. 17 Ang mga Judio ay tulad sa isang puno ng olibo na pinutol ang ilang mga sanga. At kayong mga hindi Judio ay tulad sa mga sanga ng ligaw na olibo na ikinabit bilang kapalit sa pinutol na mga sanga. Kaya nakabahagi kayo sa mga pagpapala ng Dios para sa mga Judio. 18 Pero huwag kayong magmalaki na mas mabuti kayo sa mga sangang pinutol. Alalahanin ninyong mga sanga lang kayo; hindi kayo ang bumubuhay sa ugat kundi ang ugat ang bumubuhay sa inyo.
19 Maaaring sabihin ninyo, “Pinutol sila para maikabit kami.” 20 Totoo iyan. Pinutol sila dahil hindi sila sumampalataya kay Cristo, at kayo naman ay ikinabit dahil sumampalataya kayo. Kaya huwag kayong magmataas, sa halip ay magkaroon kayo ng takot. 21 Sapagkat kung nagawang putulin ng Dios ang mga likas na sanga, magagawa rin niya kayong putulin. 22 Ditoʼy makikita natin ang kabutihan at kabagsikan ng Dios. Mabagsik siya sa mga nagkakasala, pero mabuti siya sa inyo kung mananatili kayo sa kanyang kabutihan. Pero kung hindi, kayo man ay puputulin din. 23 At kung hindi na magmamatigas ang mga Judio kundi sasampalataya, ikakabit din silang muli sa puno, dahil kaya itong gawin ng Dios. 24 Sapagkat kung kayong mga sanga ng olibong ligaw ay naidugtong niya sa olibong inalagaan kahit na hindi ito kadalasang ginagawa, mas madaling idugtong muli ng Dios ang mga sangang pinutol mula sa dating puno.
Ang Dios ay Maawain sa Lahat
25 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang isang katotohanan na ngayon ko lang ihahayag sa inyo, para hindi maging mataas ang tingin nʼyo sa inyong sarili. Ang pagmamatigas ng mga Judio ay hindi panghabang panahon. Itoʼy hanggang makumpleto lang ang kabuuang bilang ng mga hindi Judio na sasampalataya kay Cristo. 26 Pagkatapos niyan, maliligtas ang buong Israel,[b] gaya ng sinasabi sa Kasulatan,
“Magmumula sa Zion ang Tagapagligtas;
aalisin niya ang kasamaan sa lahi ni Jacob.
27 Gagawin ko ang kasunduang ito sa kanila sa araw na aalisin ko ang kanilang kasalanan.”
28 Dahil tinanggihan ng mga Judio ang Magandang Balita, naging kaaway sila ng Dios para kayong mga hindi Judio ay mabigyan ng pagkakataong maligtas. Pero kung ang pagpili ng Dios ang pag-uusapan, mahal pa rin sila ng Dios dahil sa kanilang mga ninuno. 29 Sapagkat ang Dios ay hindi nagbabago ng isip sa kanyang pagpili at pagpapala. 30 Dati, kayong mga hindi Judio ay suwail sa Dios, pero kinaawaan niya kayo dahil sa pagsuway ng mga Judio. 31 Ganoon din naman, kaaawaan niya ang mga Judio sa kabila ng pagkasuwail nila, tulad ng ginawa niya sa inyo. 32 Sapagkat hinayaan ng Dios na ang lahat ng tao ay maging alipin ng kasalanan para maipakita sa kanila ang kanyang awa.
Papuri sa Dios
33 Napakadakila ng kabutihan ng Dios! Napakalalim ng kanyang karunungan at kaalaman! Hindi natin kayang unawain ang kanyang mga pasya at pamamaraan! 34 Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan:
“Sino kaya ang makakaunawa sa kaisipan ng Panginoon?
Sino kaya ang makakapagpayo sa kanya?[c]
35 Sino kaya ang makakapagbigay ng anuman sa kanya
para tumanaw siya ng utang na loob?”[d]
36 Sapagkat ang lahat ng bagay ay nanggaling sa kanya, at nilikha ang mga ito sa pamamagitan niya at para sa kanya. Purihin ang Dios magpakailanman! Amen.
Ang Mensahe Tungkol sa Babilonia
50 Ito ang sinabi ng Panginoon kay Jeremias tungkol sa Babilonia at sa mga mamamayan nito:
2 “Ipahayag sa mga bansa ang balita nang walang inililihim! At itaas ang watawat na tanda ng pagkawasak ng Babilonia! Madudurog at mapapahiya ang mga dios-diosan niya pati na ang dios-diosang si Bel at Marduk. 3 Sapagkat sasalakayin ang Babilonia ng isang bansa mula sa hilaga, at magiging mapanglaw ang lugar na ito. Wala nang maninirahan dito dahil tatakas ang mga mamamayan niya pati ang mga hayop.
4 “Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing sa panahong iyon, ang mga mamamayan ng Israel at Juda ay iiyak na lalapit sa akin, ang Panginoon na kanilang Dios. 5 Magtatanong sila ng daan papuntang Jerusalem[a] at pupunta sila roon. Gagawa sila ng walang hanggang kasunduan sa akin at hindi na nila ito kakalimutan.
6 “Ang mga mamamayan ko ay parang mga tupang naliligaw. Pinabayaan sila ng mga pastol nila roon sa kabundukan at kaburulan at hindi na nila alam ang daan pauwi. 7 Sinasakmal sila ng mga nakakakita sa kanila. Sinasabi ng mga kaaway nila, ‘Nagkasala sila sa Panginoon na siyang tunay nilang kapahingahan at pag-asa ng mga ninuno nila kaya wala tayong kasalanan sa ating pagsalakay sa kanila.’
8 “Tumakas kayo mula sa Babilonia! Iwanan na ninyo ang bansang iyan! Mauna na kayong tumakas katulad ng mga kambing na nangunguna sa mga kawan! 9 Sapagkat ipapasalakay ko ang Babilonia sa alyansa ng mga makapangyarihang bansa mula sa hilaga. Sasalakayin nila ang Babilonia at masasakop nila ito. Bihasa ang mga tagapana nila at walang mintis ang kanilang pagpana. 10 Sasamsamin nila ang mga ari-arian ng Babilonia at talagang magsasawa sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
11 “Mga taga-Babilonia, sinamsam nʼyo ang pag-aari ng mga mamamayan ko. Tuwang-tuwa kayo at masaya na parang dumalagang baka sa pastulan o kabayong humahalinghing. 12 Pero ilalagay ko sa kahihiyan ang inyong bansa.[b] Magiging pinakaaba ito sa lahat ng bansa, at magiging isa itong mapanglaw at disyerto. 13 Dahil sa aking poot, wala nang maninirahan sa Babilonia at magiging mapanglaw ito. Masisindak at mangingilabot ang lahat ng dadaan dito dahil sa lahat ng nangyari sa bansang ito.
14 “Kayong mga tagapana, humanay na kayo sa pwesto nʼyo sa palibot ng Babilonia. Panain nʼyo siya dahil nagkasala siya sa Panginoon. 15 Sumigaw kayo laban sa kanya sa lahat ng dako! Tingnan nʼyo! Sumuko na ang Babilonia! Nawawasak na ang mga tore niya at gumuho na ang mga pader niya. Ang Panginoon ang naghiganti sa kanya. Kaya paghigantihan ninyo siya at gawin ninyo sa kanya ang ginawa niya sa iba. 16 Paalisin ninyo sa Babilonia ang mga nagtatanim at nag-aani. Iligtas ninyo ang mga bihag sa espada ng mga kaaway at patakasin ninyo sila at pauwiin sa sarili nilang lupain.
17 “Ang mga Israelita ay parang mga tupang nagkalat na hinahabol ng mga leon. Una, sinakmal sila ng hari ng Asiria, pagkatapos ang pinakahuling ngumatngat ng mga buto nila ay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia.
18 “Kaya ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsasabi, ‘Parurusahan ko si Haring Nebucadnezar at ang Babilonia katulad ng pagpaparusa ko sa hari ng Asiria. 19 Pero pababalikin ko ang mga Israelita sa bansa nila. Magiging parang mga tupa silang nanginginain sa kabundukan ng Carmel at sa kapatagan ng Bashan, at sa kaburulan ng Efraim at Gilead, at mabubusog sila. 20 Sa mga araw na iyon, wala nang makikitang mga kasalanan at pagsuway sa mga natitirang mga mamamayan ng Israel at Juda dahil patatawarin ko na sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
Ang Parusa ng Panginoon sa Babilonia
21 Sinabi pa ng Panginoon, “Salakayin nʼyo ang Merataim at ang Pekod. Patayin ninyo sila at lipulin nang lubusan bilang handog para sa akin. Gawin ninyo ang lahat ng iniuutos ko sa inyo. 22 Iparinig nʼyo ang sigawan ng labanan at ingay ng puspusang pangwawasak. 23 Ang Babilonia ay parang martilyong dumurog ng mga bansa, pero ngayon siya na ang nadurog. Nakita ng mga bansa kung paano nawasak ang Babilonia!
24 “O Babilonia, nahuli ka sa bitag na inilagay ko para sa iyo. Nahuli ka dahil lumaban ka sa akin. 25 Binuksan ko ang aking taguan ng mga armas at inilabas ko ang mga sandata dahil sa aking galit. Sapagkat ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan ay may gagawin sa iyo, O Babilonia.
26 “Mga kalaban ng Babilonia, na nasa malayong lugar, salakayin nʼyo na ang Babilonia! Buksan nʼyo ang mga bodega niya. Ipunin nʼyo ang mga nasamsam nʼyo katulad ng trigo. Lipulin nʼyong lubos ang mga taga-Babilonia at huwag kayong magtitira kahit isa. 27 Patayin ninyo ang lahat ng kanilang mga kawal na tulad sa batang toro. Patayin ninyo silang lahat. Nakakaawa sila dahil dumating na ang panahon na dapat silang parusahan.
28 “Pakinggan nʼyo ang mga taong nakatakas sa Babilonia habang isinasalaysay nila sa Jerusalem kung paano naghiganti ang Panginoon na ating Dios dahil sa ginawa ng mga taga-Babilonia sa templo natin.
29 “Ipatawag nʼyo ang mga tagapana para sumalakay sa Babilonia! Palibutan nʼyo para walang makatakas. Paghigantihan nʼyo siya sa ginawa niya; gawin nʼyo sa kanya ang ginawa niya sa iba dahil kinalaban niya ang Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel. 30 Sa mga araw na iyon, mamamatay sa mga lansangan ang mga kabataan niyang lalaki pati ang lahat niyang kawal.
31 “Ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ay nagsasabing kalaban kita, Babiloniang mapagmataas! Dumating na ang araw na parurusahan kita. 32 Ikaw na palalo ay mawawasak at walang tutulong sa iyo para ibangon ka. Susunugin ko ang mga bayan mo at ang lahat ng nasa paligid nito.”
33 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Inaapi ang mga mamamayan ng Israel at Juda. Binihag sila at binantayang mabuti para hindi sila makauwi sa bayan nila. 34 Pero ako ang kanilang Manunubos, Panginoong Makapangyarihan ang pangalan ko. Ipagtatanggol ko sila at bibigyan ng kapayapaan, pero guguluhin ko ang mga mamamayan ng Babilonia.
35 “Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing ang espada ng kapahamakan ay tatama sa mga taga-Babilonia pati sa mga pinuno at matatalinong tao niya. 36 Tatama rin ito sa kanyang mga bulaang propeta at magiging mga mangmang sila. Tatama rin ito sa mga sundalo niya at matatakot sila! 37 Tatama ito sa kanyang mga kabayo, karwahe, at sa lahat ng kumakampi sa kanya. At manghihina sila na parang babae! Tatama rin ito sa mga kayamanan niya at sasamsamin itong lahat. 38 Matutuyo ang lahat ng pinagkukunan niya ng tubig! Sapagkat ang Babilonia ay lugar na punong-puno ng napakaraming dios-diosan – mga dios-diosang nagliligaw sa mga tao.
39 “At ang Babilonia ay titirhan na lang ng mga hayop sa gubat, mababangis na hayop, mga asong-gubat, at mga kuwago. At hindi na titirhan ng tao ang Babilonia magpakailanman. 40 Kung paanong winasak ng Dios ang Sodom at Gomora, at ang mga bayan sa palibot nito, ganoon din ang mangyayari sa Babilonia. Wala nang maninirahan doon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
41 “Tingnan ninyo! May mga sundalong dumarating mula sa hilaga. Isang makapangyarihang bansa mula sa malayong lupain na lalaban sa Babilonia. 42 Ang dala nilang mga sandata ay mga pana at mga sibat. Malulupit sila at walang habag. Ang ingay nilaʼy parang malalakas na alon habang nakasakay sila sa kanilang mga kabayo. Darating sila na handang-handa para salakayin kayong mga taga-Babilonia. 43 Nabalitaan ito ng hari ng Babilonia at nanlupaypay siya. Nakaramdam siya ng takot at sakit katulad ng babaeng manganganak na.
44 “Bigla kong sasalakayin ang Babilonia katulad ng leon na galing sa kagubatan malapit sa Ilog ng Jordan, sasalakay patungo sa pastulan ng maraming tupa. Magsisitakas sila, at pipili ako ng taong mamamahala sa Babilonia. Sino ang maitutulad sa akin? Sino ang mangangahas na kalabanin ako? Sino ang pinunong makakalaban sa akin? 45 Kaya pakinggan mo ang balak kong gawin laban sa Babilonia. Kahit ang mga anak nilaʼy bibihagin at ang mga bahay nilaʼy gigibain. 46 Sa pagbagsak ng Babilonia, yayanig ang lupa at maririnig sa ibang bansa ang iyakan nila.”
Panalangin ng Paghingi ng Tulong
28 Tumatawag ako sa inyo, Panginoon, ang aking Bato na kanlungan.
Dinggin nʼyo ang aking dalangin!
Dahil kung hindi, matutulad ako sa mga patay na nasa libingan.
2 Pakinggan nʼyo ang aking pagsusumamo!
Humingi ako sa inyo ng tulong,
habang itinataas ang aking mga kamay sa harap ng inyong banal na templo.
3 Huwag nʼyo akong parusahan kasama ng masasama.
Nagkukunwari silang mga kaibigan,
pero ang plano palaʼy pawang kasamaan.
4 Gantihan nʼyo sila ayon sa kanilang mga gawa.
Parusahan nʼyo sila ayon sa masama nilang gawa.
5 Binalewala nila ang inyong mga gawa.
Gaya ng lumang gusali,
gibain nʼyo sila at huwag nang itayong muli.
6 Purihin kayo, Panginoon,
dahil pinakinggan nʼyo ang aking pagsusumamo.
7 Kayo ang nagpapalakas at nag-iingat sa akin.
Nagtitiwala ako sa inyo nang buong puso.
Tinutulungan nʼyo ako,
kaya nagagalak ako at umaawit ng pasasalamat.
8 Kayo, Panginoon, ang kalakasan ng inyong mga mamamayan.
Iniingatan nʼyo ang inyong haring hinirang.
9 Iligtas nʼyo po at pagpalain ang mga mamamayang pag-aari ninyo.
Katulad ng isang pastol, bantayan nʼyo sila,
at kalungin magpakailanman.
Ang Makapangyarihang Tinig ng Panginoon
29 Purihin ang Panginoon, kayong mga anak ng makapangyarihang Dios.[a]
Purihin siya sa kanyang kadakilaan at kapangyarihan.
2 Papurihan ang Panginoon ng mga papuring nararapat sa kanyang pangalan.
Sambahin ninyo siya sa kanyang banal na presensya.
3 Ang tinig ng Panginoong Dios na makapangyarihan ay dumadagundong
na parang kulog sa ibabaw ng malalakas na alon ng karagatan.
4 Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan at kagalang-galang.
5 Ang tinig ng Panginoon ay makakabali
at makakapagpira-piraso ng pinakamatibay na mga puno ng sedro sa Lebanon.
6 Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang mga bundok sa Lebanon
at ang bundok ng Hermon[b], na parang bisirong baka na tumatalon-talon.
7 Ang tinig ng Panginoon ang nagpapakidlat.
8 Ang tinig din ng Panginoon ang nagpapayanig sa Disyerto ng Kadesh.
9 Sa tinig ng Panginoon, napapagalaw ang mga puno ng ensina,[c]
at nalalagas ang mga dahon sa kagubatan.
At ang lahat ng nasa templo ay sumisigaw,
“Ang Dios ay makapangyarihan!”
10 Ang Panginoon ang may kapangyarihan sa mga baha.
Maghahari siya magpakailanman.
11 Ang Panginoon ang nagbibigay ng kalakasan sa kanyang mga mamamayan,
at pinagpapala niya sila ng mabuting kalagayan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®