M’Cheyne Bible Reading Plan
Sinalakay ni Jonatan ang mga Filisteo
14 Isang araw, sinabi ni Jonatan sa binata na tagapagdala ng kanyang armas, “Halika, pumunta tayo sa kampo ng mga Filisteo.” Pero hindi niya ito sinabi sa kanyang ama.
2 Si Saul naman noon ay nasa ilalim ng punong pomegranata sa Migron, na nasa labas ng Gibea, at kasama ang 600 niyang tauhan sa di-kalayuan. 3 Naroon din ang paring si Ahia na nakasuot ng espesyal na damit[a] ng pari. Si Ahia ay anak ni Ahitub na kapatid ni Icabod. Si Ahitub ay anak ni Finehas na anak naman ni Eli na pari na naglingkod noon sa Shilo. Walang nakakaalam na umalis si Jonatan.
4 May bangin sa magkabilang gilid ng dinadaanan ni Jonatan papunta sa kampo ng mga Filisteo; ang isaʼy tinatawag na Bozez at ang isaʼy tinatawag na Sene. 5 Ang isaʼy nasa gawing hilaga at nakaharap sa Micmash, at ang isaʼy nasa gawing timog at nakaharap sa Gibea.
6 Sinabi ni Jonatan sa tagapagdala niya ng armas, “Puntahan natin ang kampo ng mga taong iyon na hindi kumikilala sa Dios.[b] Baka sakaling tulungan tayo ng Panginoon, dahil walang makakapigil kung loloobin niyang magtagumpay tayo, kahit marami o kakaunti tayo.” 7 Sinabi ng tagapagdala niya ng armas, “Gawin nʼyo po ang anumang iniisip ninyo. Kasama nʼyo ako kahit ano ang mangyari.”
8 Sinabi ni Jonatan, “Tayo na, pupuntahan natin sila at magpapakita tayo sa kanila. 9 Kung sasabihin nilang sila ang lalapit sa atin para makipaglaban, hindi na tayo aakyat pa sa kanila, hihintayin na lang natin sila. 10 Pero kung sasabihin nilang tayo ang lumapit, aakyat tayo dahil iyon ang tanda na ipapatalo sila sa atin ng Panginoon.”
11 Nang magpakita silang dalawa roon sa mga Filisteo, sumigaw ang mga Filisteo, “Tingnan ninyo ang mga Hebreo![c] Naglalabasan na sila mula sa pinagtataguan nila.” 12 At sinigawan nila sina Jonatan at ang tagapagdala niya ng armas, “Lumapit kayo rito, nang maturuan namin kayo ng leksyon.” Sinabi ni Jonatan sa tagapagdala niya ng armas, “Halika, sumunod ka sa akin dahil tutulungan tayo ng Panginoon na talunin sila ng Israel.”
13 Kaya gumapang si Jonatan paakyat, kasunod ang tagapagdala niya ng armas. Pinatay ni Jonatan ang mga Filisteo at ganoon din ang ginawa ng tagapagdala niya ng armas. 14 Sa unang pagsalakay na ito, napatay nila ang 20 Filisteo at nagkalat ang mga bangkay ng mga ito sa kalahating ektaryang lupa roon. 15 Natakot nang matindi ang mga Filisteong nasa kampo, nasa bukid, at pati na ang mga sundalo nilang sasalakay. At lumindol, kaya lalo pang tumindi ang takot nila.[d]
16 Doon sa Gibea, sa lupain ng Benjamin, nakita ng mga tagapagbantay ni Saul ang mga sundalong Filisteo na nagtatakbuhan papunta sa ibaʼt ibang direksyon. 17 Sinabi ni Saul sa mga tauhan niya, “Tipunin ninyo ang mga sundalo at tingnan kung sino ang nawawala.” At nalaman nila na wala si Jonatan at ang tagapagdala niya ng armas.
18 Sinabi ni Saul kay Ahia, “Dalhin dito ang Kahon ng Dios.”[e] (Nang panahong iyon, ang Kahon ng Kasunduan ay nasa mga Israelita.)[f] 19 Habang nakikipag-usap si Saul sa pari, lalo pang lumakas ang sigawan at kaguluhan sa kampo ng mga Filisteo kaya sinabi ni Saul kay Ahia, “Hayaan mo na. Itigil mo na iyan.” 20 Agad na tinipon ni Saul ang mga tauhan niya at sumugod sa digmaan. Nakita nila ang mga Filisteo na nagkakagulo at sila-sila ang nagpapatayan. 21 Pati na ang mga Hebreong dating kakampi ng mga Filisteo ay pumunta sa kampo ng mga Israelita at kumampi kina Saul at Jonatan. 22 Nang makita ng lahat ng mga Israelitang nagtatago sa kaburulan ng Efraim na nagsisitakas ang mga Filisteo, sumama na rin sila sa paghabol. 23 Nang araw na iyon, iniligtas ng Panginoon ang mga Israelita at umabot pa ang digmaan hanggang sa Bet Aven.
Ang Sumpa ni Saul
24 Nang araw na iyon, nanghina ang mga Israelita sa gutom dahil pinanumpa sila ni Saul, na sinabi, “Sumpain ang sinumang kakain ng pagkain bago gumabi, hanggaʼt hindi pa ako nakakapaghiganti sa aking mga kalaban.” Kaya walang kumain kahit isa sa kanila. 25 Pumunta ang lahat ng sundalo sa kagubatan, kung saan may mga pulot na tumutulo sa lupa. 26 Hindi nila ito tinikman man lang dahil natatakot sila sa sumpa.
27 Pero hindi narinig ni Jonatan na pinanumpa ng kanyang ama ang mga tao, kaya isinawsaw niya ang dulo ng isang patpat sa pulot at kinain ito. Pagkakain niya, bumuti ang pakiramdam niya. 28 Nakita siya ng isa sa mga tauhan at sinabi sa kanya, “Pinanumpa ng inyong ama ang buong hukbo na huwag kumain ngayong araw na ito kaya hinang-hina na kami.” 29 Sinabi ni Jonatan, “Hindi tama ang ginagawa niya sa bayan natin. Tingnan mo kung paano bumuti ang pakiramdam ko nang tumikim ako ng kaunting pulot. 30 Ano pa kaya kung pinayagan silang kumain ng mga masasamsam natin sa ating mga kalaban, siguro mas marami pa tayong napatay na mga Filisteo.”
31 Nang araw na iyon, matapos talunin ng mga Israelita ang mga Filisteo mula sa Micmash hanggang sa Ayalon, napagod at nagutom sila nang husto. 32 Kaya, nagmamadali silang humuli ng mga tupa at baka na kanilang nasamsam, at doon mismo ay kinatay nila ang mga ito at kinain nang hindi inalisan ng dugo. 33 May nagsabi kay Saul, “Tingnan nʼyo, nagkakasala sa Panginoon ang mga tauhan ninyo dahil kumain sila ng karneng may dugo pa.” Sinabi ni Saul, “Isang malaking pagtataksil ito! Humanap kayo ng isang malaking bato at pagulungin nʼyo rito. 34 At puntahan nʼyo ang mga tauhan ko at sabihan silang dalhin dito ang mga baka at tupa. Dito nila katayin at kainin ang mga ito. Sabihin nʼyo rin sa kanila na huwag silang magkasala sa Panginoon dahil sa pagkain ng karneng may dugo pa.” Kaya nang gabing iyon, dinala ng mga tauhan ni Saul ang kanilang mga baka at tupa sa kanya at doon kinatay. 35 Gumawa naman si Saul ng altar para sa Panginoon. Ito ang unang altar na ginawa niya.
36 Sinabi ni Saul, “Sasalakayin natin ngayong gabi ang mga Filisteo at tatalunin natin sila hanggang sa umaga, sasamsamin natin ang mga ari-arian nila at papatayin silang lahat. Wala tayong ititirang buhay.” Sumagot ang mga tao, “Gawin nʼyo po kung ano sa tingin nʼyo ang mabuti.” Pero sinabi ng pari, “Tanungin muna natin ang Dios tungkol sa bagay na ito.” 37 Kaya nagtanong si Saul sa Dios, “Sasalakayin po ba namin ang mga Filisteo? Ipapatalo nʼyo ba sila sa amin?” Pero hindi sumagot ang Dios nang araw na iyon. 38 Kaya sinabi ni Saul sa mga pinuno ng mga mamamayan ng Israel, “Magtipon kayong lahat dito, kailangang malaman natin ang nagawa nating kasalanan sa araw na ito. 39 Isinusumpa ko sa ngalan ng buhay na Panginoon na nagligtas sa mga Israelita, mamamatay ang nagkasala kahit na siya ay ang anak kong si Jonatan.” Pero wala ni isa mang nagsalita sa mga Israelita.
40 Sinabi pa niya sa lahat ng mga Israelita, “Tumayo kayo riyan at tatayo rin kami ng anak kong si Jonatan.” Pumayag naman ang mga tao. 41 Pagkatapos, nanalangin si Saul, “Panginoon, Dios ng Israel, ipaalam nʼyo po sa amin kung sino ang nagkasala.” Sa pamamagitan ng palabunutan, sina Saul at Jonatan ang napiling nagkasala at hindi ang mga tao. 42 Sinabi ni Saul, “Magpalabunutan naman tayo ngayon para malaman kung sino sa aming dalawa ni Jonatan ang nagkasala. At si Jonatan ang nabunot.” 43 Tinanong ni Saul si Jonatan, “Ano ang ginawa mo?” Sumagot si Jonatan, “Isinawsaw ko po ang dulo ng patpat ko sa pulot at kumain ako ng kaunti. Karapat-dapat po ba akong mamatay?” 44 Sinabi ni Saul, “Oo, dapat kang mamatay. Lubos sana akong parusahan ng Dios kung hindi kita ipapatay.” 45 Pero sinabi ng mga tao kay Saul, “Si Jonatan po ang nagpanalo sa atin, at ngayon, papatayin natin siya? Hindi po maaari! Sumusumpa kami sa buhay na Panginoon na wala ni isa sa buhok niya ang mahuhulog sa lupa,[g] dahil ang Dios po ang tumulong sa kanya sa ginawa niya sa araw na ito.” At hindi nga pinatay si Jonatan dahil iniligtas siya ng mga Israelita. 46 Ipinatigil na ni Saul ang paghabol sa mga Filisteo at bumalik na ang mga Filisteo sa kanilang lugar.
47 Nang maghari si Saul sa Israel, nakipaglaban siya sa mga kalaban nila sa paligid. Ang mga kalaban niya ay ang mga Moabita, Ammonita, Edomita, hari ng mga Zobita at mga Filisteo. Natatalo niya ang sinumang makalaban niya. 48 Buong tapang siyang nakipaglaban at natalo niya ang mga Amalekita. Sa pamamagitan nito, iniligtas niya ang mga Israelita sa kamay ng mga sumasalakay sa kanila at sumamsam ng kanilang mga ari-arian.
Ang Sambahayan ni Saul
49 Ang mga anak na lalaki ni Saul ay sina Jonatan, Ishvi, at Malki Shua; si Merab naman ang kanyang panganay na babae, at si Mical ang bunsong babae. 50 Ang asawa ni Saul ay si Ahinoam na anak ni Ahimaaz. Ang pinuno ng kanyang hukbo ay ang pinsan niyang si Abner, anak ng tiyuhin niyang si Ner. 51 Ang ama ni Saul na si Kish at ang ama ni Abner na si Ner ay magkapatid, silaʼy mga anak ni Abiel.
52 Sa buong panahon ng paghahari ni Saul, naging matindi ang labanan sa pagitan ng mga Israelita at mga Filisteo. Kapag may nakikita si Saul na malakas at magiting na lalaki, ginagawa niya itong sundalo niya.
Pamumuhay Bilang Cristiano
12 Kaya nga mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo alang-alang sa maraming pagkakataong kinaawaan tayo ng Dios, ibigay ninyo sa kanya ang inyong mga sarili bilang mga handog na buhay, banal at kalugod-lugod sa kanya. Ito ang tunay na pagsamba sa kanya. 2 Huwag ninyong tularan ang mga pag-uugali ng mga tao sa mundong ito. Hayaan ninyong baguhin kayo ng Dios sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong mga isip, para malaman ninyo ang kalooban ng Dios – kung ano ang mabuti, ganap, at kalugod-lugod sa kanyang paningin.
3 Sa biyayang ipinagkaloob ng Dios sa akin, sinasabi ko sa inyo na huwag ninyong pahalagahan ang inyong sarili ng higit sa nararapat. Sa halip, suriin ninyong mabuti ang inyong kakayahan ayon sa pananampalatayang ibinigay ng Dios sa inyo. 4 Kung paanong ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at ang bawat bahagi ay may kanya-kanyang gawain, 5 ganoon din tayong mga mananampalataya. Kahit na marami tayo, iisang katawan lang tayo kay Cristo, at magkakaugnay tayo sa isaʼt isa. 6 Ibaʼt iba ang kakayahang ibinigay sa atin ng Dios ayon sa kanyang biyaya, kaya gamitin natin ang mga kaloob na iyan. Kung ang kaloob ng isang tao ay pagpapahayag ng salita ng Dios, kailangang ipahayag niya ito ayon sa kanyang pananampalataya. 7 Kung ang kaloob niya ay paglilingkod sa kapwa, maglingkod siya. Kung pagtuturo, magturo siya; 8 kung pagpapayo, magpayo siya nang mabuti; kung pagbibigay, magbigay siya nang maluwag; kung pamumuno, mamuno siya nang buong sikap; at kung pagtulong sa nangangailangan, tumulong siya nang may kagalakan.
9 Magmahalan kayo nang tapat. Iwasan ninyo ang masama at laging gawin ang mabuti. 10 Magmahalan kayo bilang magkakapatid kay Cristo at maging magalang sa isaʼt isa. 11 Huwag kayong maging tamad kundi magpakasipag at buong pusong maglingkod sa Panginoon. 12 At dahil may pag-asa kayo sa buhay, magalak kayo. Magtiis kayo sa mga paghihirap at laging manalangin. 13 Tulungan ninyo ang mga pinabanal[a] ng Dios na nangangailangan, at patuluyin ninyo sa inyong mga tahanan ang walang matutuluyan. 14 Idalangin ninyo sa Dios na pagpalain ang mga taong umuusig sa inyo. Pagpalain ninyo sila sa halip na sumpain. 15 Makigalak kayo sa mga nagagalak, at makiramay kayo sa mga naghihinagpis. 16 Mamuhay kayo nang mapayapa sa isaʼt isa.[b] Huwag kayong magmataas, sa halip ay makipagkaibigan kayo sa mga taong mababa ang kalagayan. Huwag kayong magmarunong.
17 Huwag ninyong gantihan ng masama ang mga gumagawa sa inyo ng masama. Gawin ninyo ang mabuti sa paningin ng lahat. 18 Hanggaʼt maaari, mamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng tao. 19 Mga minamahal, huwag kayong maghihiganti. Ipaubaya ninyo iyan sa Dios. Sapagkat sinabi ng Panginoon sa Kasulatan, “Ako ang maghihiganti; ako ang magpaparusa.”[c] 20 Kaya, “Kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo. Kung siyaʼy nauuhaw, painumin mo. Dahil kapag ginawa mo ang mga ito, mapapahiya siya sa kanyang sarili.”[d] 21 Huwag kayong patatalo sa masama kundi talunin ninyo ang masama sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti.
Dagdag na Parusa sa Babilonia
51 Ito pa ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Babilonia: “Hahamunin ko ang manlilipol para salakayin ang Babilonia at ang mga mamamayan nito.[a] 2 Magpapadala ako ng mga dayuhan para salakayin at wasakin ang Babilonia na tulad sa ipa na tinatangay ng hangin. Lulusubin nila ang Babilonia sa lahat ng dako sa araw ng kapahamakan nito. 3 Hindi na magkakaroon ng pagkakataon ang mga tagapana ng Babilonia na magamit ang mga pana o mga baluti nila. Wala silang ititirang kabataang lalaki. Lubusan nilang lilipulin ang mga sundalo ng Babilonia. 4 Hahandusay ang mga sugatan nilang bangkay sa mga daan. 5 Sapagkat ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ang Banal na Dios ng Israel, ay hindi itinakwil ang Israel at Juda kahit na puno ng kasamaan ang lupain nila.
6 “Tumakas kayo mula sa Babilonia! Iligtas ninyo ang inyong buhay! Hindi kayo dapat mamatay dahil sa kasalanan ng Babilonia. Panahon na para gantihan ko siya ayon sa nararapat sa mga ginawa niya. 7 Para siyang tasang ginto sa kamay ko na puno ng alak. Pinainom niya ang mga bansa sa buong daigdig, at silaʼy nalasing at naging baliw. 8 Biglang mawawasak ang Babilonia! Ipagluksa nʼyo siya! Gamutin nʼyo ang mga sugat niya at baka sakaling gumaling siya.”
9 Sinabi ng mga Israelitang naninirahan doon, “Sinikap naming gamutin ang Babilonia pero hindi na siya magamot. Hayaan na lang natin siya at umuwi na tayo sa mga lugar natin. Sapagkat hanggang langit na ang mga kasalanan niya kaya parurusahan na siya ng Panginoon. 10 Ipinaghiganti tayo ng Panginoon. Halikayo, pumunta tayo sa Jerusalem[b] at sabihin natin doon ang ginawa ng Panginoon na ating Dios.”
11 Maghihiganti ang Panginoon sa Babilonia dahil sa paggiba nito sa templo niya. Hinikayat ng Panginoon ang mga hari ng Media para wasakin ang Babilonia dahil ito ang layunin niya. Sinabi niya, “Hasain nʼyo ang mga pana ninyo at ihanda ang mga pananggalang ninyo. 12 Itaas nʼyo ang watawat na sagisag ng pagsalakay sa Babilonia. Dagdagan nʼyo ang mga bantay; ipwesto ang mga bantay. Palibutan nʼyo ang lungsod! Panahon na para gawin ng Panginoon ang plano niya laban sa mga taga-Babilonia.”
13 O Babilonia, sagana ka sa tubig at sagana ka rin sa kayamanan. Pero dumating na ang wakas mo, ang araw ng kapahamakan mo. 14 Sumumpa ang Panginoong Makapangyarihan sa sarili niya na sinasabi, “Ipapasalakay ko kayo sa napakaraming kaaway na kasindami ng balang, at sisigaw sila ng tagumpay laban sa inyo.”
Ang Pagpupuri sa Dios
15 Nilikha ng Dios ang langit at ang lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan at karunungan niya. 16 Sa utos niyaʼy lumalabas ang mga ulap at mga kidlat sa kalangitan, at bumubuhos ang malakas na ulan. Pinapalabas niya ang hangin mula sa pinanggagalingan nito.
17 Mga hangal at mangmang ang bawat tao na sumasamba sa mga dios-diosan. Mapapahiya lang ang mga platerong gumawa ng mga dios-diosan nila, dahil hindi naman totoong dios ang mga ito. Wala silang buhay, 18 wala silang kabuluhan at dapat kamuhian. Darating ang araw na wawasakin ang lahat ng ito. 19 Pero ang Dios ni Jacob[c] ay hindi katulad ng mga iyon. Siya ang lumikha ng lahat ng bagay pati na ang Israel, ang mga taong hinirang niya – Panginoong Makapangyarihan ang pangalan niya.
Ang Martilyo ng Panginoon
20 Sinabi ng Panginoon, “Ikaw[d] ang panghampas ko, ang panghampas ko sa digmaan. Sa pamamagitan mo, wawasakin ko ang mga bansa at kaharian, 21 ang mga kabayo, karwahe at ang mga nakasakay dito. 22 Sa pamamagitan mo, lilipulin ko ang mga lalaki at babae, matatanda at bata, at ang mga binata at dalaga. 23 Lilipulin ko rin sa pamamagitan mo ang mga kawan at mga pastol, ang mga magbubukid at mga baka, ang mga pinuno at iba pang mga namamahala.
24 “Mga mamamayan ko, ipapakita ko sa inyo ang paghihiganti ko sa Babilonia at sa mga mamamayan nito dahil sa lahat ng kasamaang ginawa nila sa Jerusalem. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
25 “Kalaban kita, O Babilonia, ikaw na tinaguriang Bundok na Mapangwasak! Winasak mo ang buong mundo. Gagamitin ko ang kapangyarihan ko para wasakin at sunugin ka. 26 Walang anumang batong makukuha sa iyo para gamitin sa pagtatayo ng bahay. Magiging malungkot ang kalagayan mo magpakailanman. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
27 “Itaas ang watawat na tanda ng pagsalakay! Patunugin ang trumpeta sa mga bansa! Ihanda sila para salakayin ang Babilonia. Utusang sumalakay ang mga sundalo ng Ararat, Mini at Ashkenaz. Pumili kayo ng pinuno para salakayin ang Babilonia. Magpadala kayo ng mga kabayong kasindami ng mga balang. 28 Paghandain mo ang mga hari ng Media, pati ang mga pinuno at mga tagapamahala nila, at ang lahat ng bansa na nasasakupan nila para salakayin ang Babilonia.
29 “Parang taong nanginginig at namimilipit sa sakit ang Babilonia, dahil isasagawa ng Panginoon ang kanyang plano laban dito, na wala nang maninirahan at magiging mapanglaw na ang lugar na ito. 30 Titigil ang mga sundalo ng Babilonia sa pakikipaglaban at mananatili na lang sila sa kanilang kampo. Manghihina sila na parang mahihinang babae. Masusunog ang mga bahay sa Babilonia at masisira ang mga pintuan. 31 Sunud-sunod na darating ang mga tagapagbalita para sabihin sa hari ng Babilonia na ang buong lungsod ay nasakop na. 32 Naagaw ang mga tawiran sa mga ilog. Sinunog ang mga kampo at natatakot ang mga sundalo.”
33 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Ang Babilonia ay tulad ng trigo na malapit nang anihin at giikin.”
34-35 Sinabi ng mga taga-Jerusalem, “Si Haring Nebucadnezar ng Babilonia ay parang dragon na lumulon sa amin. Binusog niya ang tiyan niya ng mga kayamanan namin. Iniwan niya ang lungsod namin na walang itinira, parang banga na walang laman. Itinaboy niya kami at hindi namin alam kung ano ang gagawin namin. Gawin din sana sa Babilonia ang ginawa niya sa amin at sa mga anak namin. Pagbayaran sana ng mga mamamayan ng Babilonia ang mga pagpatay nila.”
36 Kaya sinabi ng Panginoon, “Mga taga-Jerusalem, ipagtatanggol ko kayo at maghihiganti ako para sa inyo. Patutuyuin ko ang dagat at ang mga bukal sa Babilonia. 37 Wawasakin ko ang bansang ito! Magiging katawa-tawa at kasumpa-sumpa ang bansang ito, at wala nang maninirahan dito maliban sa mga asong-gubat.[e] 38 Ang mga taga-Babilonia ay aatungal na parang leon. 39 At dahil gutom sila, ipaghahanda ko sila ng piging. Lalasingin ko sila, pasasayahin at patutulugin nang mahimbing habang panahon, at hindi na magigising. 40 Dadalhin ko sila para katayin na parang mga tupa at mga kambing. 41 Papaanong bumagsak ang Babilonia?[f] Ang bansang hinahangaan ng buong mundo! Nakakatakot tingnan ang nangyari sa kanya! 42 Matatabunan ng malalakas na alon ang Babilonia. 43 Magiging malungkot ang mga bayan niya na parang disyerto na walang nakatira o dumadaan man lang. 44 Parurusahan ko si Bel na dios-diosan ng Babilonia. Ipapasuka ko sa kanya ang mga nilamon niya.[g] Hindi na siya dadagsain ng mga bansa para sambahin. Bumagsak na ang mga pader ng Babilonia.
45 “Mga hinirang ko, lumayo na kayo sa Babilonia! Iligtas ninyo ang inyong buhay bago ko ibuhos ang galit ko. 46 Pero huwag kayong matatakot o manlulupaypay kung dumating na ang balita tungkol sa digmaan. Sapagkat ang balita tungkol sa digmaan ng mga hari ay darating sa bawat taon. 47 Darating ang panahon na parurusahan ko ang mga dios-diosan ng Babilonia. Mapapahiya ang buong Babilonia, at bubulagta ang lahat ng bangkay ng mamamayan niya. 48 At kapag nangyari iyon, sisigaw sa kagalakan ang langit at ang lupa, at ang lahat ng nandito dahil sa pagkawasak ng Babilonia. Sapagkat sasalakayin ito ng mga mangwawasak mula sa hilaga. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
49 “Kinakailangang wasakin ang Babilonia dahil sa pagpatay niya sa mga Israelita at sa iba pang mga tao sa buong mundo.
Ang Mensahe ng Panginoon sa mga Israelita na nasa Babilonia
50 “Kayong mga natitirang buhay, tumakas na kayo mula sa Babilonia at huwag kayong tumigil! Alalahanin nʼyo ang Panginoon at ang Jerusalem kahit na nasa malalayo kayong lugar. 51 Sinasabi ninyo, ‘Nahihiya kami. Kinukutya kami at inilalagay sa kahihiyan dahil ang templo ng Panginoon ay dinungisan ng mga dayuhan.’ 52 Pero darating ang araw na parurusahan ko ang mga dios-diosan ng Babilonia. At ang mga daing ng mga sugatang taga-Babilonia ay maririnig sa buong lupain nila. 53 Kahit na umabot pa sa langit ang mga pader ng Babilonia at kahit tibayan pa nila ito nang husto, magpapadala pa rin ako ng wawasak dito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 54 Mapapakinggan ang mga iyakan sa buong Babilonia dahil sa pagkawasak nito. 55 Wawasakin ko ang Babilonia at magiging tahimik ito. Sasalakay sa kanya ang mga kaaway na parang umuugong na alon. Maririnig ang sigawan nila sa kanilang pagsalakay. 56 Darating ang mga wawasak ng Babilonia at bibihagin ang mga kawal niya, at mababali ang mga pana nila. Sapagkat ako, ang Panginoon, ang Dios na nagpaparusa sa masasama. At parurusahan ko ang Babilonia ayon sa nararapat sa kanya. 57 Lalasingin ko ang kanyang mga tagapamahala, marurunong, mga pinuno, mga punong sundalo at ang buong hukbo niya. Mahihimbing sila at hindi na magigising habang panahon. Ako, ang Hari na nagsasabi nito. Panginoong Makapangyarihan ang pangalan ko.”
58 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Wawasakin ang makakapal na pader ng Babilonia at susunugin ang matataas niyang pintuan. Magiging walang kabuluhan ang lahat ng pinaghirapan ng mga mamamayan niya dahil ang lahat ng iyon ay masusunog lang.”
Ang Mensahe ni Jeremias para sa Babilonia
59 Ito ang sinabi ni Jeremias kay Seraya na isa sa mga nakakataas na tagapamahala ni Haring Zedekia. Si Seraya ay anak ni Neria at apo ni Maseya. Sinabi ni Jeremias ang mensaheng ito noong pumunta si Seraya sa Babilonia kasama ni Haring Zedekia. Ikaapat na taon noon ng paghahari ni Zedekia sa Juda. 60 Isinulat ni Jeremias sa nakarolyong sulatan ang lahat ng kapahamakang darating at mangyayari sa Babilonia. 61 Ito ang sinabi ni Jeremias kay Seraya, “Kapag dumating ka sa Babilonia, basahin mo nang malakas sa mga tao ang nakasulat sa kasulatang ito. 62 Pagkatapos ay manalangin ka, ‘O Panginoon, sinabi nʼyo po na wawasakin nʼyo ang lugar na ito para walang manirahan dito, maging tao man o hayop, at itoʼy magiging mapanglaw magpakailanman.’ 63 Pagkabasa mo nito, talian mo ito ng bato at ihagis sa Ilog ng Eufrates. 64 At sabihin mo, ‘Ganyan ang mangyayari sa Babilonia, lulubog ito at hindi na lilitaw pa dahil sa mga kapahamakang ipararanas ng Panginoon sa kanya. Mamamatay ang mga mamamayan niya.’ ”
Ito ang katapusan ng mensahe ni Jeremias.
Dalangin ng Pagpapasalamat
30 Panginoon, pupurihin ko kayo,
dahil iniligtas nʼyo ako.
Hindi nʼyo pinayagang insultuhin ako ng aking mga kaaway.
2 Panginoon kong Dios, humingi ako ng tulong sa inyo,
at pinagaling nʼyo ako.
3 Iniligtas nʼyo ako sa kamatayan.
Hindi nʼyo niloob na akoʼy mamatay.
4 Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon,
kayong mga tapat sa kanya.
Papurihan ninyo ang kanyang banal na pangalan.
5 Dahil ang kanyang galit ay hindi nagtatagal,
ngunit ang kanyang kabutihan ay magpakailanman.
Maaaring sa gabi ay may pagluha,
pero pagsapit ng umaga ay may ligaya.
6 Sa panahon ng aking kaginhawahan ay sinabi ko,
“Wala akong pangangambahan.”
7 Itoʼy dahil sa kabutihan nʼyo, Panginoon.
Pinatatag nʼyo ako tulad ng isang bundok.
Ngunit nang lumayo kayo sa akin, ako ay nanlumo.
8 Tumawag ako sa inyo, Panginoon, at nanalangin ng ganito:
9 “Ano ang mapapala mo kung akoʼy mamatay?
Makakapagpuri pa ba ang mga patay?
Maipapahayag pa ba nila ang inyong katapatan?
10 Panginoon, pakinggan nʼyo ako at kahabagan.
Tulungan nʼyo ako, Panginoon!”
11 Ang aking kalungkutan ay pinalitan nʼyo ng sayaw ng kagalakan.
Hinubad nʼyo sa akin ang damit na panluksa,
at binihisan nʼyo ako ng damit ng kagalakan,
12 para hindi ako tumahimik, sa halip ay umawit ng papuri sa inyo.
Panginoon kong Dios, kayo ay aking pasasalamatan magpakailanman.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®