Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Hukom 21

Mga Asawa para sa mga taga-Benjamin

21 Doon sa Mizpa, nangako ang mga Israelita na hindi na nila papayagang mag-asawa ang mga anak nilang babae ng mga taga-Benjamin. Pagkatapos, pumunta ang mga Israelita sa Betel at umiyak nang malakas sa presensya ng Dios hanggang gabi. Sinabi nila, “O Panginoon, Dios ng Israel, bakit po ba nangyari ito? Ngayon, nabawasan na ng isang lahi ang Israel!”

Kinaumagahan, gumawa sila ng altar at nag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon. Pagkatapos, nagtanong sila, “May lahi ba ng Israel na hindi dumalo nang nagtipon tayo sa presensya ng Panginoon sa Mizpa?” Nang panahong iyon naipangako nila sa presensya ng Panginoon, na ang sinumang hindi dadalo roon ay papatayin.

Nalungkot ang mga Israelita sa mga kadugo nilang lahi ni Benjamin. Sinabi nila, “Nabawasan ng isang lahi ang Israel. Saan pa tayo makakakita ng mapapangasawa ng mga natirang lahi ni Benjamin? Nangako kasi tayo na hindi natin papayagang mapangasawa nila ang mga anak nating babae.”

Nang nagtanong sila kung may lahi ng Israel na hindi nakasama nang nagtipon sila sa presensya ng Panginoon sa Mizpa, nalaman nilang hindi dumalo ang mga taga-Jabes Gilead. Dahil nang binilang ang mga tao, wala ni isa mang mga taga-Jabes Gilead ang nandoon. 10-11 Kaya pumili ang mga mamamayan ng 12,000 matatapang na sundalo, at pinapunta sa Jabes Gilead para lipulin ang mga taga-roon, bata man o matanda, lalaki o babae, maliban lang sa mga dalaga. 12 At doon, nakakita sila ng 400 dalagang birhen at dinala nila ito sa kampo nila sa Shilo na sakop ng Canaan.

13 Pagkatapos, nagsugo ang buong sambayanan ng Israel ng mga mensahero sa mga lahi ni Benjamin na nagtatago sa Bato ng Rimon. Sinabi sa kanila ng mga mensahero na handa nang makipagkasundo sa kanila ang mga kapwa nila Israelita. 14 Kaya umuwi ang mga lahi ni Benjamin at ibinigay sa kanila ng mga Israelita ang mga dalagang taga-Jabes Gilead. Pero kulang pa ang mga dalaga para sa kanila.

15 Nalungkot ang mga Israelita sa nangyari sa mga lahi ni Benjamin dahil binawasan ng Panginoon ng isang lahi ang Israel. 16 Kaya nag-usap-usap ang mga tagapamahala sa mga mamamayan ng Israel. Sinabi nila, “Wala nang natirang babae na lahi ni Benjamin. Ano ba ang gagawin natin para makapag-asawa ang natira nilang mga lalaki? 17 Kailangang magpatuloy ang lahi nila para hindi mawala ang lahi ni Benjamin. 18 Pero hindi natin mapapayagang mapangasawa nila ang mga anak nating babae dahil nakapangako na tayo na ang gagawa nito ay susumpain.”

19 Pagkatapos, naalala nila na malapit na pala ang taunang pista para sa Panginoon na ginaganap sa Shilo. (Ang Shilo ay nasa hilaga ng Betel, sa timog ng Lebona, at sa silangan ng daang mula sa Betel papunta sa Shekem.) 20 Sinabi nila sa mga lahi ni Benjamin, “Magtago kayo sa mga ubasan, 21 at bantayan nʼyo ang mga dalagang taga-Shilo. Kapag dumaan sila roon para sumayaw sa pista, lumabas kayo sa taniman at kumuha ng mapapangasawa ninyo at dalhin sa inyong lugar. 22 Kung magrereklamo sa amin ang kanilang mga ama o mga kapatid na lalaki, ito ang sasabihin namin sa kanila, ‘Nakikiusap kami na pabayaan nʼyo na lang sila dahil kulang ang mga dalagang nakuha natin noong lusubin natin ang Jabes Gilead. Wala kayong pananagutan dahil hindi naman kayo pumayag na mapangasawa ng mga lahi ni Benjamin ang mga anak ninyong babae.’ ”

23 Kaya ginawa ito ng mga taga-Benjamin. Nagsikuha sila ng mga dalagang sumasayaw, at dinala pauwi bilang asawa. Pagdating nila sa kanilang lupain, ipinatayo nilang muli ang mga bayan nila at doon sila tumira. 24 Umuwi rin ang iba pang mga Israelita sa sarili nilang lupain at sa sarili nilang angkan at pamilya.

25 Nang panahong iyon, walang hari sa Israel, kaya ang bawat isa ay gumagawa ng kahit anong gusto nilang gawin.

Gawa 25

Umapela si Pablo kay Festus

25 Dumating si Festus sa lalawigan ng Judea bilang gobernador, at pagkaraan ng tatlong araw, pumunta siya sa Jerusalem mula Cesarea. Doon sinabi sa kanya ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio ang kanilang akusasyon laban kay Pablo. At hiniling nila kay Festus na bigyan sila ng pabor, na ipadala niya si Pablo sa Jerusalem. (Pero balak pala nilang tambangan si Pablo sa daan at patayin). Sumagot si Festus, “Doon na lang si Pablo sa bilangguan sa Cesarea. Hindi ako magtatagal dito dahil babalik ako roon. Kaya pasamahin ninyo sa akin ang inyong mga pinuno at doon ninyo siya akusahan kung may masama siyang nagawa.”

Mahigit isang linggo ang pananatili ni Festus sa Jerusalem, pagkatapos, bumalik siya sa Cesarea. Kinabukasan, umupo siya sa hukuman at nag-utos na papasukin si Pablo. Pagpasok ni Pablo, pinaligiran agad siya ng mga Judiong galing sa Jerusalem, at marami silang mabibigat na akusasyon laban sa kanya na hindi naman nila talaga napatunayan. Ipinagtanggol ni Pablo ang kanyang sarili. Sinabi niya, “Wala akong nagawang kasalanan laban sa Kautusan ng mga Judio, sa templo, o kayaʼy sa Emperador ng Roma.” Dahil nais ni Festus na magustuhan siya ng mga Judio, tinanong niya si Pablo, “Gusto mo bang pumunta sa Jerusalem at doon ko lilitisin ang kaso mo?” 10 Sumagot si Pablo, “Dito po ako nakatayo sa korte ng Emperador, at dito nʼyo ako dapat hatulan. Wala akong ginawang kasalanan sa mga Judio at alam naman ninyo iyan. 11 Kung totoong lumabag ako sa kautusan at dapat akong parusahan ng kamatayan, tatanggapin ko ang hatol sa akin. Pero kung walang katotohanan ang kanilang akusasyon sa akin, hindi ako dapat ipagkatiwala sa kanila. Kaya aapela na lang ako sa Emperador ng Roma!” 12 Nakipag-usap agad si Festus sa mga miyembro ng kanyang korte, at pagkatapos ay sinabi niya kay Pablo, “Dahil gusto mong lumapit sa Emperador, ipapadala kita sa kanya.”

Pinaharap si Pablo kay Haring Agripa

13 Makaraan ang ilang araw, dumating sa Cesarea si Haring Agripa[a] at ang kanyang kapatid na si Bernice dahil nais nilang dalawin si Gobernador Festus. 14 Nanatili sila roon ng ilang araw, at sinabi ni Festus sa hari ang kaso ni Pablo. Sinabi niya, “May bilanggong iniwan dito ang dating gobernador na si Felix. 15 Pagpunta ko sa Jerusalem, inakusahan ang taong ito ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio. Hiniling nila sa akin na parusahan ko siya. 16 Sinabi ko sa kanila na hindi ugali ng mga Romano na parusahan ang kahit sino na hindi humaharap sa mga nag-aakusa sa kanya, at hindi pa nabibigyan ng pagkakataon na masagot ang mga akusasyon laban sa kanya. 17 Kaya sumama sila sa akin pabalik dito sa Cesarea. Hindi na ako nag-aksaya ng panahon, kaya kinabukasan, umupo ako sa hukuman at ipinatawag ko ang taong ito. 18 Akala koʼy may mabigat talaga silang akusasyon laban sa kanya, pero nang magkaharap-harap na sila, wala naman pala. 19 Ang mga bagay na pinagtatalunan nila ay tungkol lang sa relihiyon nila at sa isang taong ang pangalan ay Jesus. Patay na ang taong ito, pero ayon kay Pablo ay buhay siya. 20 Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin sa kasong ito, kaya tinanong ko si Pablo kung gusto niyang pumunta sa Jerusalem at doon mismo lilitisin ang kaso. 21 Pero sinabi ni Pablo na lalapit na lang siya sa Emperador para ang Emperador na mismo ang magpasya. Kaya nag-utos ako na bantayan siya hanggang maipadala ko siya sa Emperador.” 22 Sinabi ni Agripa kay Festus, “Gusto kong mapakinggan ang taong ito.” Sinabi ni Festus, “Sige, bukas mapapakinggan mo siya.”

Nagsalita si Pablo kay Agripa

23 Kinabukasan, dumating sa korte sina Agripa at Bernice na may buong parangal. Maraming opisyal ng mga sundalo at mga kilalang tao sa lungsod ang sumama sa kanila. Pagkatapos, nag-utos si Festus na dalhin doon si Pablo. Nang nasa loob na si Pablo, 24 sinabi ni Festus, “Haring Agripa at kayong lahat na naririto ngayon, narito ang taong pinaakusahan sa akin ng mga Judio rito sa Cesarea at sa Jerusalem. Isinisigaw nila na ang taong ito ay dapat patayin. 25 Pero ayon sa pag-iimbestiga ko, wala akong nakitang dahilan para parusahan siya ng kamatayan. At dahil nais niyang lumapit sa Emperador, nagpasya akong ipadala siya sa Emperador. 26 Pero wala akong maisulat na dahilan sa Emperador kung bakit ipinadala ko siya roon. Kaya ipinapaharap ko siya sa inyo, at lalung-lalo na sa inyo Haring Agripa, para pagkatapos ng pag-iimbestiga natin sa kanya, mayroon na akong maisusulat. 27 Sapagkat hindi ko maaaring ipadala sa Emperador ang isang bilanggo nang walang malinaw na akusasyon laban sa kanya.”

Jeremias 35

Ang mga Recabita

35 Noong si Jehoyakim na anak ni Josia ang hari sa Juda, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, “Pumunta ka sa sambahayan ng mga Recabita at sabihin mo sa kanilang pumunta sila sa isa sa mga silid ng templo at painumin mo sila ng alak.”

Kaya pinuntahan ko si Jaazania (anak siya ng isa ring nagngangalang Jeremias na anak ni Habazinia) at ang lahat ng kapatid at anak niya. Sila ang buong sambahayan ng mga Recabita. Dinala ko sila sa templo ng Panginoon, doon sa silid ng mga anak na lalaki ni Hanan na anak ni Igdalia na lingkod ng Dios. Ang silid na ito ay nasa tapat ng silid ng mga pinuno at nasa itaas ng silid ni Maaseya na anak ni Shalum, na guwardya ng pintuan ng templo. Pagkatapos, naglagay ako ng mga lalagyang puno ng alak at mga tasa sa harap ng mga Recabita, at sinabi kong magsiinom sila.

Pero sumagot sila, “Hindi kami umiinom ng alak. Iniutos sa amin ng ninuno naming si Jonadab na anak ng pinuno naming si Recab na kami at ang angkan namin ay hindi iinom ng alak. Iniutos din niya sa amin, ‘Huwag kayong magtatayo ng mga bahay o magsasaka o magtatanim ng mga ubas o magmamay-ari ng mga bagay na ito. Kinakailangang tumira lang kayo sa mga tolda. At kung susundin ninyo ito, hahaba ang buhay ninyo kahit saang lupain kayo tumira.’ Sinunod namin ang mga iniutos sa amin ng aming ninunong si Jonadab. Kami at ang mga asawaʼt mga anak namin ay hindi uminom ng alak, hindi rin kami nagtayo ng mga bahay, at hindi rin kami nagkaroon ng mga ubasan, o ng mga bukid. 10 Tumira kami sa mga tolda at sinunod namin ang lahat ng itinuro sa amin ni Jonadab na ninuno namin. 11 Pero nang sumalakay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia sa bansang ito, natakot kami sa mga sundalo ng Babilonia at ng Aram,[a] kaya nagpasya kaming tumakas at pumunta sa Jerusalem. Ito ang dahilan kaya nakatira kami dito sa Jerusalem.”

12-13 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, kay Jeremias, “Pumunta ka sa mga mamamayan ng Juda at Jerusalem, at sabihin ito: Bakit ayaw ninyong makinig sa mga itinuturo ko at ayaw ninyong sundin ang mga salita ko? 14 Si Jonadab na anak ni Recab ay nag-utos sa mga angkan niya na hindi sila iinom ng alak, at sinunod nila ito. Hanggang ngayon hindi sila umiinom ng alak dahil sinusunod nila ang utos ng kanilang ninuno. Pero hindi kayo sumunod sa akin kahit ilang beses na akong nagsabi sa inyo 15 sa pamamagitan ng mga lingkod kong propeta. Sinabi nila sa inyo, ‘Talikuran na ninyo ang inyong masasamang ugali, baguhin na ninyo ang inyong pamumuhay, at huwag na kayong sumamba sa mga dios-diosan, para patuloy kayong manirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo.’ Pero hindi kayo naniwala o sumunod sa akin. 16 Sumunod sa utos ni Jonadab ang mga angkan niyang anak ni Recab. Pero kayoʼy hindi sumunod sa akin. 17 Kaya ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ay nagsasabi: ‘Makinig kayo! Kayong mga taga-Juda at taga-Jerusalem. Pasasapitin ko sa inyo ang kapahamakang sinabi ko laban sa inyo. Nakipag-usap ako sa inyo pero hindi kayo nakinig, tumawag ako sa inyo pero hindi kayo sumagot.’ ”

18 Pagkatapos, sinabi ni Jeremias sa mga Recabita ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Talagang sinusunod nʼyo ang lahat ng iniutos sa inyo ng ninuno nʼyong si Jonadab, 19 kaya nangako akong si Jonadab na anak ni Recab ay hindi mawawalan ng angkan na maglilingkod sa akin. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ang nagsasabi nito.”

Salmo 7-8

Palaging Tama ang Ginagawa ng Dios

Panginoon kong Dios, nanganganlong ako sa inyo.
    Iligtas nʼyo ako sa mga umuusig sa akin.
Baka patayin nila ako,
    katulad ng pagluray ng leon sa kanyang mga biktima,
    kung walang magliligtas sa akin.
Panginoon kong Dios, kung talagang ginawa ko ang mga kasalanang ito –
kung ginantihan ko nga ng masama ang ginawang mabuti ng aking kaibigan,
    o kung sinamsam ko ang mga ari-arian ng aking mga kaaway nang walang dahilan,
hayaan nʼyong usigin ako ng aking mga kaaway at talunin.
    Hayaan nʼyong tapakan nila ako hanggang sa mamatay, at pabayaan sa lupa ang aking bangkay.

Sige na po, O Panginoon kong Dios,
    ipakita nʼyo ang inyong galit sa aking mga kaaway,
    dahil nais nʼyo rin ang katarungan.
Tipunin nʼyo ang lahat ng bansa sa palibot nʼyo,
    at pamahalaan nʼyo sila mula sa langit.
Kayo Panginoon ang humahatol sa lahat ng tao.
    Patunayan nʼyo sa kanila na mali ang kanilang mga paratang laban sa akin,
    dahil alam nʼyo na akoʼy matuwid,
    at namumuhay nang wasto.
Pigilan nʼyo ang kasamaang ginagawa ng mga tao,
    at pagpalain nʼyo ang mga matuwid,
    dahil kayo ay Dios na matuwid,
    at sinisiyasat nʼyo ang aming mga pusoʼt isipan.
10 Kayo, O Dios, ang nag-iingat sa akin.
    Inililigtas nʼyo ang mga namumuhay nang matuwid.
11 Kayo ang matuwid na hukom, at sa araw-araw ay ipinapakita nʼyo ang inyong galit sa masasama.
12-13 Kung ayaw nilang magsisi sa kanilang mga kasalanan,
    ikaw namaʼy nakahandang silaʼy parusahan.
    Katulad nʼyo ay isang sundalong nakahanda na ang mga nakamamatay na sandata.
    Nahasa na niya ang kanyang espada,
    at nakaumang na ang palasong nagbabaga.

14 Mapag-isip sila ng gulo at kasamaan,
    kaya nakakapanloko sila ng kapwa.
15-16 Pero sila mismo ang mapapahamak sa kanilang binabalak na panggugulo at karahasan.
    Ang katulad nila ay humuhukay ng bitag para mahulog ang iba,
    pero sila rin ang mahuhulog sa hinukay nila.

17 Pinasasalamatan ko kayo Panginoon, dahil matuwid kayo.
    Aawitan ko kayo ng mga papuri, Kataas-taasang Dios.

Ang Kadakilaan ng Dios ay Makikita sa Buong Sanlibutan

O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo,
    at ipinakita nʼyo ang inyong kaluwalhatian hanggang sa kalangitan.
Kahit mga bata at sanggol ay nagpupuri sa inyo,
    kaya napapahiya at tumatahimik ang inyong mga kaaway.

Kapag tumitingala ako sa langit na inyong nilikha,
    at aking pinagmamasdan ang buwan at mga bituin sa kanilang kinalalagyan,
akoʼy nagtatanong, ano ba ang tao upang inyong alalahanin?
    Sino nga ba siya upang inyong kalingain?
Ginawa nʼyo kaming mababa ng kaunti sa mga anghel.
    Ngunit pinarangalan nʼyo kami na parang mga hari.
Ipinamahala nʼyo sa amin ang inyong mga nilalang,
    at ipinasailalim sa amin ang lahat ng bagay:
mga tupa, mga baka at lahat ng mga mababangis na hayop,
ang mga ibon sa himpapawid, mga isda sa dagat at lahat ng naroroon.
O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®