Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Hukom 20

Naghanda ang Israel sa Pakikipaglaban

20 Ang lahat ng Israelita mula Dan hanggang sa Beersheba at mula sa Gilead ay nagtipon sa Mizpa, sa presensya ng Panginoon. Naroon din ang pinuno ng bawat lahi ng Israel nang magtipon ang mga mamamayan ng Dios. May 400,000 silang lahat na sundalong armado ng espada. Nabalitaan ng mga taga-Benjamin na ang ibang mga lahi ng Israel ay nagtipon sa Mizpa.

At ngayon nagtatanong ang mga Israelita, “Paano nangyari ang kasamaang ito?” Sinabi ng Levita na asawa ng babaeng pinatay, “Dumaan kami ng asawa ko sa Gibea na sakop ng Benjamin para doon magpalipas ng gabi. Kinagabihan, pinaligiran ng ilang lalaking taga-Gibea ang bahay na tinutuluyan namin. Papatayin sana nila ako, pero ginahasa nila ang asawa ko hanggang sa namatay ito. Kaya dinala ko pauwi ang bangkay niya at pinagputol-putol at ipinadala sa 12 lahi ng Israel, dahil napakasama at kahiya-hiya ang ginawa ng mga taong ito sa Israel. Lahat tayong mga Israelita, ano ngayon ang gagawin natin?” Nagkaisa ang mga tao na nagsabi, “Wala ni isa man sa atin ang uuwi. Ito ang gagawin natin. Magpalabunutan tayo kung sino sa atin ang lulusob sa Gibea. 10 Ang ikasampung bahagi ng lahat ng lalaki sa bawat lahi ang mag-aasikaso sa pagkain ng mga sundalo. Ang natitira ang maghihiganti sa mga taga-Gibea dahil sa napakasamang ginawa nila sa Israel.” 11 Kaya nagkaisa ang mga lalaki ng Israel sa paglusob sa Gibea.

12 Nagsugo ang Israel ng mga mensahero sa mga lahi ni Benjamin at sinabi, “Ano itong kasamaang nangyari sa inyo? 13 Ngayon, isuko nʼyo sa amin ang masasamang taga-Gibea na gumawa nito, at papatayin namin sila, at nang mawala ang kasamaang ito sa Israel.” Pero hindi pinansin ng mga taga-Benjamin ang mga kapwa nila Israelita. 14 Sa halip, lumabas sila sa mga bayan nila at nagtipon sa Gibea para makipaglaban sa mga kapwa nila Israelita. 15 Nang araw na iyon, nakapagtipon ang mga taga-Benjamin ng 26,000 na sundalo hindi pa kasama rito ang 700 piling sundalo na taga-Gibea. 16 Kabilang sa mga piling sundalo na taga-Gibea ang 700 tao na ito na puro kaliwete at kayang-kayang patamaan ng tirador kahit hibla ng buhok. 17 Ang mga Israelita naman, maliban sa angkan ni Benjamin, ay nakapagtipon ng 400,000 sundalong mahuhusay sa pakikipaglaban.

18 Bago makipaglaban, pumunta muna ang mga Israelita sa Betel at nagtanong sa Dios kung aling lahi ang unang lulusob sa mga taga-Benjamin. At ayon sa Panginoon, ang lahi ni Juda. 19 Kaya nang sumunod na araw, maagang nagkampo ang mga Israelita malapit sa Gibea. 20 At pumunta sila sa Gibea. Pagdating doon, pumwesto na ang mga Israelita para makipaglaban sa lahi ni Benjamin. 21 Naglabasan ang mga taga-Benjamin sa Gibea para lusubin sila. At sa araw na iyon, 22,000 Israelita ang napatay ng mga taga-Benjamin.

22-23 Umahon muli ang mga Israelita sa Betel at umiyak doon hanggang gabi. Tinanong nila ang Panginoon, “Muli po ba kaming makikipaglaban sa mga kadugo naming taga-Benjamin?” Sumagot ang Panginoon, “Oo, muli kayong makipaglaban.”

Kaya pinalakas nila ang kanilang loob at muli silang pumwesto sa dating lugar noong unang araw silang lumusob. 24 At nang sumunod na araw, nilusob nila ang mga taga-Benjamin. 25 Pero lumabas muli ang mga taga-Benjamin sa Gibea at sinalubong ang mga kapwa nila Israelita. At sa pagkakataong iyon, napatay na naman nila ang 18,000 Israelita na armado lahat ng espada.

26 Kaya umahon muli ang lahat ng Israelita sa Betel at umiyak sa presensya ng Panginoon. Nag-ayuno sila hanggang gabi at nag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon. 27-28 Nang panahong iyon, ang Kahon ng Kasunduan ng Dios ay nasa Betel, at ang namamahala rito ay si Finehas na anak ni Eleazar at apo ni Aaron. Nagtanong muli ang mga Israelita sa Panginoon, “Muli po ba kaming makikipaglaban sa mga kadugo naming taga-Benjamin o hindi na po?” Sumagot ang Panginoon, “Muli kayong makipaglaban, dahil bukas ay pagtatagumpayin ko kayo laban sa kanila.”

29 Kaya pinaligiran ng mga Israelita ang Gibea. 30 Pumwesto muli sila sa lugar ding iyon. Ikatlong araw ito ng kanilang paglusob. 31 Muli silang sinalubong ng mga taga-Benjamin na lumalabas mula sa lungsod. At katulad ng nangyari sa mga nakaraang araw, may napatay silang mga Israelita. May 30 Israelita ang namatay sa bukirin at sa mga daan papunta sa Betel at sa Gibea. 32 Dahil tumakas ang mga Israelita, akala ng mga taga-Benjamin ay magtatagumpay silang muli laban sa mga Israelita. Hindi nila alam na nagpapahabol lang pala ang mga Israelita para dalhin sila papalayo ng lungsod.

33 Nang nakarating ang mga Israelita sa Baal Tamar, pumwesto sila roon habang ang mga nag-aabang sa paligid[a] ng Gibea ay nagsisilabasan. 34 10,000 silang lahat na puro piling sundalo ng Israel. Nilusob nila ang Gibea, at matindi ang labanan. Hindi alam ng mga taga-Benjamin na malapit na ang katapusan nila. 35 Pinagtagumpay ng Panginoon ang mga Israelita. At sa araw na iyon, nakapatay sila ng 25,100 taga-Benjamin na armadong lahat ng espada. 36 At napansin ng mga taga-Benjamin na natatalo na sila.

Ang Detalye nang Pagtatagumpay ng mga Israelita

Tumakas ang malaking grupo ng mga sundalo ng Israel para makalusob ang mga taong itinalaga nilang pumaligid sa bayan ng Gibea. 37 Habang humahabol ang mga taga-Benjamin, biglang nilusob ng mga taong ito ang Gibea at pinagpapatay ang lahat ng tao roon. 38 Bago sila lumusob, nag-usap muna sila na kapag nakita ng mga tumatakas na mga Israelita ang makapal na usok sa Gibea, 39 babalik sila sa pakikipaglaban. Ang mga taga-Benjamin noon ay nakapatay ng 30 Israelita, kaya inaakala nilang nagtagumpay na naman sila sa mga Israelita. 40 At nang pumaitaas na ang makapal na usok sa Gibea, lumingon ang mga taga-Benjamin, at nakita nila ang makapal na usok mula sa lungsod. 41 Kaya bumalik ang mga Israelita at nilusob nila ang mga taga-Benjamin. Natakot ang mga taga-Benjamin dahil napansin nilang malapit na ang katapusan nila. 42 Tumakas sila sa ilang, pero hinabol sila ng mga Israelitang lumalabas sa bayan. 43 Pinaligiran sila ng mga Israelita at hindi tumigil ang mga ito sa paghabol sa kanila hanggang sa silangan ng Gibea. 44 May 18,000 matatapang na sundalo ng Benjamin ang namatay. 45 Tumakas ang iba papunta sa ilang sa Bato ng Rimon, pero 5,000 ang namatay sa kanila sa daan. Patuloy silang hinabol ng mga Israelita hanggang sa Gidom at nakapatay pa ang mga Israelita ng 2,000. 46 Sa kabuuan, 25,000 matatapang na taga-Benjamin ang namatay nang araw na iyon. Mga magagaling sila na sundalo at armado ng espada. 47 Pero may 600 pa na taga-Benjamin ang nakatakas sa Bato ng Rimon, at doon sila nanatili sa loob ng apat na buwan 48 Pagkatapos, bumalik ang mga Israelita sa mga bayan ng Benjamin at pinatay nila ang mga natitirang buhay pa, pati ang mga hayop. At sinunog nila ang lahat ng bayan ng mga taga-Benjamin na madaanan nila.

Gawa 24

Umapela si Pablo kay Felix

24 Makalipas ang limang araw, pumunta sa Cesarea si Ananias na punong pari. Kasama niya ang ilang pinuno ng mga Judio at ang abogadong si Tertulus. Humarap sila kay Gobernador Felix at sinabi nila sa kanya ang kanilang akusasyon laban kay Pablo. Pagkatawag kay Pablo, inumpisahan ni Tertulus ang pag-aakusa sa kanya. Sinabi niya, “Kagalang-galang na Gobernador, dahil sa inyong magandang pamamalakad, naging mapayapa ang aming bansa. At maraming pagbabagong naganap na nakabuti sa aming bansa. Kaya lubos ang pasasalamat namin sa inyo at hindi namin ito makakalimutan. Ngayon, hindi namin gustong maabala kayo, kaya nakikiusap po ako na kung maaariʼy pakinggan ninyo ang maikli naming salaysay. Nakita namin na ang taong itoʼy nakakaperwisyo. Nagdadala siya ng kaguluhan sa mga Judio sa buong mundo, at namumuno siya sa sekta na tinatawag na Nazareno. Kahit ang templo namin ay tinangka niyang dungisan. Kaya hinuli namin siya. [Hahatulan na sana namin siya ayon sa aming Kautusan, pero dumating ang kumander na si Lysias at sapilitan niyang kinuha sa amin si Pablo. At sinabi niya na kung sino ang may akusasyon laban kay Pablo ay kinakailangang pumunta sa inyo.] Kung iimbestigahan nʼyo ang taong ito, malalaman nʼyo ang lahat ng inaakusa namin sa kanya.” At sinang-ayunan din ng mga Judio ang lahat ng sinabi ni Tertulus.

Sinagot ni Pablo ang mga Akusasyon sa Kanya

10 Sinenyasan ng gobernador si Pablo na siya naman ang magsalita. Kaya nagsalita si Pablo, “Alam kong matagal na po kayong naging hukom sa bansang ito. Kaya ikinagagalak kong ipagtanggol ang aking sarili sa inyong harapan. 11 Kung mag-iimbestiga kayo, malalaman ninyo na 12 araw pa lang ang nakalipas nang dumating ako sa Jerusalem para sumamba. 12 Ang mga Judiong itoʼy hindi kailanman nakakita sa akin na nakikipagdiskusyon kahit kanino o kayaʼy nanggulo sa templo o sa sambahan ng mga Judio, o kahit saan sa Jerusalem. 13 Hindi nga po nila mapapatunayan sa inyo na totoo ang kanilang akusasyon sa akin. 14 Pero inaamin kong sinasamba ko ang Dios ng aming mga ninuno sa pamamaraan na ayon sa mga taong ito ay maling sekta. Pero naniniwala rin ako sa lahat ng nasusulat sa Kautusan ni Moises at sa lahat ng isinulat ng mga propeta. 15 Ang pag-asa ko sa Dios ay katulad din ng pag-asa nila, na ang lahat ng tao, mabuti man o masama, ay muli niyang bubuhayin. 16 Kaya pinagsisikapan ko na laging maging malinis ang aking konsensya sa harap ng Dios at sa mga tao.

17 “Pagkalipas ng ilang taon na wala po ako sa Jerusalem, bumalik ako roon para magdala ng tulong para sa aking mahihirap na kababayan, at para maghandog sa templo. 18 At nadatnan nila ako roon sa templo na naghahandog matapos kong gawin ang seremonya ng paglilinis. Kakaunti lang ang mga tao sa templo nang oras na iyon, at walang kaguluhan. 19 Pero may mga Judio roon na galing sa lalawigan ng Asia. Sila sana ang dapat humarap sa inyo kung talagang may akusasyon sila laban sa akin. 20 At dahil wala sila rito, ang mga tao na lang na naririto ang magsalita kung anong kasalanan ang nakita nila sa akin nang imbestigahan ako sa kanilang Korte. 21 Sapagkat wala akong ibang sinabi sa harapan nila kundi ito: ‘Inaakusahan ninyo ako ngayon dahil naniniwala ako na muling bubuhayin ang mga patay.’ ”

22 Dahil sa marami nang nalalaman noon si Felix tungkol sa pamamaraan ni Jesus, pinatigil niya ang paglilitis. Sinabi niya, “Hahatulan ko lang ang kasong ito kung dumating na rito si kumander Lysias.” 23 Pagkatapos, inutusan niya ang kapitan na bantayan si Pablo pero huwag higpitan, at payagan ang kanyang mga kaibigan na tumulong sa mga pangangailangan niya.

Humarap si Pablo kina Felix at Drusila

24 Pagkaraan ng ilang araw, bumalik si Felix at dinala niya ang kanyang asawang si Drusila na isang Judio. Ipinatawag niya si Pablo at nakinig siya sa mga pahayag ni Pablo tungkol sa pananampalataya kay Cristo Jesus. 25 Pero nang magpaliwanag si Pablo tungkol sa matuwid na pamumuhay, sa pagpipigil sa sarili, at tungkol sa darating na Araw ng Paghuhukom, natakot si Felix at sinabi niya kay Pablo, “Tama na muna iyan! Ipapatawag na lang kitang muli kung sakaling may pagkakataon ako.” 26 Palagi niyang ipinapatawag si Pablo at nakikipag-usap dito, dahil hinihintay niyang suhulan siya ni Pablo. 27 Pagkalipas ng dalawang taon, pinalitan si Felix ni Porcius Festus bilang gobernador. At dahil sa nais ni Felix na magustuhan siya ng mga Judio, pinabayaan niya si Pablo sa bilangguan.

Jeremias 34

Ang Babala kay Zedekia

34 1-2 Sinalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ang Jerusalem at ang mga bayan sa palibot nito. Kasama niyang lumusob ang lahat ng sundalo niya pati ang mga sundalo na galing sa mga kaharian na nasasakupan niya. Sa panahong iyon, sinabi kay Jeremias ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel,

“Pumunta ka kay Haring Zedekia ng Juda at sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoon, ang nagsasabi, ‘Ibibigay ko sa hari ng Babilonia ang lungsod na ito at susunugin niya ito.’ Hindi ka makakatakas sa mga kamay niya. Huhulihin ka at ibibigay sa hari ng Babilonia. Haharap ka sa kanya para hatulan at dadalhin kang bihag sa Babilonia. Pero Haring Zedekia, pakinggan mo ang pangako ko sa iyo: Hindi ka mamamatay sa digmaan, kundi payapa kang mamamatay. Ang mga mamamayan moʼy magsusunog ng mga insenso para parangalan ka, katulad ng ginawa nila sa paglilibing ng mga ninuno mo na mga naunang hari. Ipagluluksa ka nila at sasabihin nila, ‘Patay na ang aming hari!’ Dahil ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Pagkatapos, pumunta si Jeremias sa Jerusalem, at sinabi ang lahat ng ito kay Haring Zedekia.[a] Sumasalakay na ng panahong iyon ang hukbo ng hari ng Babilonia sa Jerusalem, sa Lakish at sa Azeka. Ito na lang ang mga lungsod ng Juda na may mga pader.

Pagpapalaya ng mga Alipin

May sinabi pa ang Panginoon kay Jeremias nang panahong gumawa ng kasunduan si Haring Zedekia sa lahat ng taga-Jerusalem na palalayain niya ang mga alipin. Nag-utos si Zedekia na ang sinumang may mga aliping Hebreo, maging babae o lalaki ay kinakailangan nilang palayain. Walang kapwa Judio na mananatiling alipin. 10 At ang lahat ng mamamayan, pati ang mga namumuno ay pumayag sa kasunduang ito, at pinalaya nila ang mga alipin nila – lalaki man o babae. 11 Pero sa bandang huli, nagbago ang isip nila at inalipin nila ulit ang mga aliping pinalaya nila.

12-13 Kaya sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, kay Jeremias, “Gumawa ako ng kasunduan sa mga ninuno nʼyo noong pinalaya ko sila sa lupain ng Egipto, sa lugar kung saan sila inalipin. Sinabi ko sa kanila, 14 ‘Sa tuwing darating ang ikapitong taon, kailangang palayain ninyo ang kapwa ninyo Hebreo na ipinagbili sa inyo bilang alipin. Kailangan ninyo silang palayain pagkatapos nilang maglingkod sa inyo ng anim na taon.’ Pero hindi ako sinunod ng mga ninuno ninyo. 15 Noong nakalipas na mga araw, nagsisi kayo at ginawa nʼyo ang matuwid sa paningin ko. Pumayag kayong lahat na palayain ang mga kababayan nʼyo na inyong inalipin. Gumawa pa kayo ng kasunduan sa akin tungkol dito doon mismo sa templo kung saan nʼyo pinararangalan ang pangalan ko. 16 Pero nagbago ang inyong mga isip at inilagay ninyo ako sa kahihiyan. Inalipin ulit ninyo ang mga alipin na inyong pinalaya, pinilit uli ninyo silang maging alipin.

17 “Kaya ako, ang Panginoon ay nagsasabing dahil hindi ninyo ako sinunod at hindi ninyo pinalaya ang inyong mga alipin na mga kababayan ninyo, bibigyan ko kayo ng kalayaan – ang kalayaan na mamatay sa digmaan, sa gutom at sa sakit. Kayoʼy gagawin kong kasuklam-suklam sa paningin ng lahat ng kaharian sa daigdig. 18-19 Ang mga pinuno ng Juda at Jerusalem, at ang mga namamahala sa palasyo, pati ang mga pari at ang mga mamamayan ay nakipagkasundo sa akin, at pinatunayan ito sa pamamagitan ng paghati ng guya,[b] at ang bawat isaʼy dumaan sa pagitan nito. Pero hindi nila tinupad ang nakasaad doon sa kasunduan kaya gagawin ko sa kanila ang ginawa nila sa guyang pinatay at hinati. 20 Ibibigay ko sila sa mga kaaway nila na nagnanais pumatay sa kanila. At magiging pagkain ng mga ibon at mababangis na hayop ang mga bangkay nila.

21 “Ibibigay ko si Haring Zedekia ng Juda at ang mga pinuno niya sa mga kaaway nila na mga sundalo ng hari ng Babilonia na gustong pumatay sa kanila. Bagamaʼt tumigil na sila sa pagsalakay sa inyo, 22 uutusan ko sila na muli kayong salakayin, sakupin at sunugin. Gagawin kong mapanglaw ang mga bayan ng Juda at wala nang maninirahan dito.”

Salmo 5-6

Panalangin para Ingatan ng Panginoon

O Panginoon, pakinggan nʼyo po ang aking mga hinaing at iyak.
Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong, O Dios ko at aking Hari,
dahil sa inyo lamang ako lumalapit.
Sa umaga, O Panginoon naririnig nʼyo ang aking panalangin, habang sinasabi ko sa inyo ang aking mga kahilingan at hinihintay ko ang inyong kasagutan.
Kayo ay Dios na hindi natutuwa sa kasamaan,
    at hindi nʼyo tinatanggap ang taong namumuhay sa kasalanan.
Ang mga mapagmataas ay hindi makalalapit sa inyong harapan,
    at ang mga gumagawa ng kasamaan ay inyong kinasusuklaman.
Lilipulin nʼyo ang mga sinungaling.
    Kinasusuklaman nʼyo ang mga mamamatay-tao at mga mandaraya.
Ngunit dahil sa dakila nʼyong pag-ibig sa akin,
    makakapasok ako sa banal nʼyong templo.
    At doon akoʼy sasamba nang may paggalang sa inyo.

O Panginoon, dahil napakarami ng aking mga kaaway,
    gabayan nʼyo ako tungo sa inyong matuwid na daan.
    Gawin nʼyong madali para sa akin ang pagsunod ko sa inyong kagustuhan.
Hindi maaasahan ang sinasabi ng aking mga kaaway,
    laging hangad nilaʼy kapahamakan ng iba.
    Ang kanilang pananalita ay mapanganib katulad ng bukas na libingan,
    at ang kanilang sinasabi ay puro panloloko.
10 O Dios, parusahan nʼyo po ang aking mga kaaway.
    Mapahamak sana sila sa sarili nilang masamang plano.
    Itakwil nʼyo sila dahil sa kanilang mga kasalanan,
    dahil silaʼy sumuway sa inyo.
11 Ngunit magalak nawa ang lahat ng nanganganlong sa inyo;
    magsiawit nawa sila sa kagalakan.
    Ingatan nʼyo silang mga nagmamahal sa inyo, upang sa inyo magmula ang kanilang kagalakan.
12 Pinagpapala nʼyo Panginoon ang mga matuwid.
    Ang pag-ibig nʼyo ay parang kalasag na nag-iingat sa kanila.

Panalangin para Tulungan ng Dios

O Panginoon, huwag nʼyo akong parusahan kahit na kayo ay nagagalit sa akin.
Maawa po kayo sa akin at akoʼy pagalingin,
    dahil akoʼy nanghihina na.
O Panginoon, akoʼy labis na nababagabag.
    Kailan nʼyo po ako pagagalingin?
Dinggin nʼyo ako Panginoon at akoʼy palayain.
    Iligtas nʼyo ako sa kamatayan alang-alang sa pag-ibig nʼyo sa akin.
Dahil kung akoʼy patay na ay hindi na kita maaalala,
    sa lugar ng mga patay ay hindi na rin ako makakapagpuri pa.
Akoʼy pagod na sa sobrang pagdaing.
    Gabi-gabiʼy basa ng luha ang aking unan, dahil sa labis na pag-iyak.
Ang aking mga mataʼy namumugto na sa kaiiyak,
    dahil sa ginagawa ng lahat kong mga kaaway.

Lumayo kayo sa akin, kayong gumagawa ng kasamaan,
    dahil narinig ng Panginoon ang aking pag-iyak.
Narinig niya ang paghingi ko ng tulong,
    at sasagutin niya ang aking dalangin.
10 Mapapahiya at matatakot ang lahat ng aking kaaway,
    kaya bigla silang tatakas dahil sa sobrang kahihiyan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®