Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Hukom 14

Si Samson at ang Babae sa Timnah

14 Isang araw, pumunta si Samson sa Timnah, at may nakita siya roon na isang dalagang Filisteo. Nang umuwi siya, nagkwento siya sa mga magulang niya. Sinabi niya, “May nakita ako sa Timnah na isang babaeng Filisteo. Kunin ninyo siya dahil gusto ko siyang mapangasawa.”

Pero sumagot ang mga magulang niya, “Bakit gusto mong makapag-asawa ng mula sa mga Filisteong hindi nakakakilala sa Dios?[a] Wala ka bang mapili sa mga kamag-anak o kababayan natin?” Sumagot si Samson sa kanyang ama, “Ah basta, siya po ang gusto kong mapangasawa.” Hindi pala alam ng mga magulang ni Samson na kalooban ng Panginoon ang pasya niya. Sapagkat naghahanap ang Panginoon ng pagkakataon na makipaglaban sa mga Filisteo, dahil sakop ng mga Filisteo ang Israel nang mga panahong iyon.

Pumunta si Samson sa Timnah kasama ang mga magulang niya. Nang papunta na si Samson[b] sa mga ubasan sa Timnah, bigla siyang sinalubong ng isang batang leon na umuungal. Pinalakas siya ng Espiritu ng Panginoon, at niluray niya ang leon sa pamamagitan ng mga kamay niya na tulad lang ng pagluray sa batang kambing. Pero hindi niya ito sinabi sa mga magulang niya. At pinuntahan ni Samson ang babae at nakipagkwentuhan. Nagustuhan talaga niya ang babae.

Pagkalipas ng ilang araw, bumalik siya sa Timnah para pakasalan ang babae. Doon siya dumaan sa kinaroroonan ng pinatay niyang leon para tingnan ang bangkay nito. At nakita niya ang maraming pulot at pukyutan sa bangkay ng leon. Isinandok niya ang kanyang kamay sa pulot at kinain ito habang naglalakad. Nang makita niya ang kanyang magulang, binigyan niya sila ng pulot, at kinain din nila ito. Pero hindi niya sinabi sa kanila na kinuha niya ito sa bangkay ng leon.

10-11 Pumunta ang ama ni Samson sa bahay ng magiging manugang niya, at doon ay nagpa-piging si Samson ayon sa kaugalian nila na dapat gawin ng isang nobyo. Nang makita nila si Samson, binigyan siya ng 30 binatang lalaki para makasama niya. 12 Sinabi ni Samson sa kanila, “May bugtong ako sa inyo. Kung mahuhulaan nʼyo ito bago matapos ang pitong araw na piging, bibigyan ko kayo ng 30 telang linen at 30 mamahaling damit. 13 Pero kapag hindi nʼyo ito nahulaan, kayo ang magbibigay sa akin ng mga ito.” Sumagot sila, “Sige, sabihin mo sa amin ang bugtong mo.”

14 Sinabi ni Samson,
“Mula sa nangangain, lumabas ang pagkain,
at mula sa malakas, matamis ay lumabas.”

Lumipas ang tatlong araw pero hindi nila ito mahulaan. 15 Nang ikaapat na araw, kinausap nila ang asawa ni Samson, “Hikayatin mo ang asawa mo na ipagtapat niya sa iyo ang sagot sa bugtong para malaman namin. Kung hindi, susunugin ka namin pati ang sambahayan ng iyong ama. Inimbita nʼyo ba kami sa piging na ito para kunin ang mga pag-aari namin?”

16 Kaya pumunta ang babae kay Samson na mangiyak-ngiyak. Sinabi niya, “Hindi mo pala ako mahal. Nagpahula ka ng bugtong sa mga kababayan ko pero hindi mo sinabi sa akin ang sagot.” Sumagot si Samson, “Hindi ko nga sinabi sa mga magulang ko, sa iyo pa kaya?” 17 Mula noon, patuloy na umiyak ang babae hanggang sa ikapitong araw. Kaya sinabi na lang ni Samson sa kanya ang sagot dahil tuloy pa rin ang pangungulit niya. At ang sinabi ni Samson sa kanya ay sinabi rin niya sa kanyang kababayan. 18 Kaya bago matapos ang ikapitong araw, sinagot nila ang bugtong. Sinabi nila kay Samson,

“Wala nang mas tatamis pa sa pulot, at wala nang mas lalakas pa sa leon.”

Sumagot si Samson,

“Kung hindi nʼyo pinilit ang asawa[c] ko,
hindi nʼyo sana nalaman ang sagot.”

19 Pinalakas ng Espiritu ng Panginoon si Samson. Pumunta siya sa Ashkelon at doon pinatay niya ang 30 tao at kinuha ang mga ari-arian at mga damit ng mga ito. Pagkatapos, ibinigay niya ang mga damit sa mga tao na nakasagot ng bugtong niya. Kaya umuwi siya sa magulang niya na galit na galit dahil sa nangyari. 20 Ang asawa ni Samson ay ibinigay sa pangunahing abay sa kanilang kasal.

Gawa 18

Ang Pagpunta ni Pablo sa Corinto

18 Pagkatapos noon, umalis si Pablo sa Athens at pumunta sa Corinto. Nakilala niya roon si Aquila na isang Judio na taga-Pontus, at ang asawa nitong si Priscila. Kararating lang nila galing sa Italia, dahil may utos si Emperador Claudius na ang lahat ng Judio ay dapat umalis sa Roma. Dinalaw ni Pablo ang mag-asawang ito sa kanilang bahay. Pareho silang manggagawa ng tolda, kaya nakitira na siya sa kanila at nagtrabahong kasama nila. Tuwing Araw ng Pamamahinga pumupunta si Pablo sa sambahan ng mga Judio para makipagdiskusyon, dahil gusto niyang sumampalataya ang mga Judio at mga Griego kay Cristo.

Nang dumating sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, ginamit ni Pablo ang buong panahon niya sa pangangaral ng salita ng Dios. Pinatunayan niya sa mga Judio na si Jesus ang Cristo. Pero kinontra nila si Pablo at pinagsabihan ng masama. Kaya ipinagpag ni Pablo ang alikabok sa kanyang damit bilang babala laban sa kanila. Sinabi niya, “Kasalanan na ninyo kung parurusahan kayo ng Dios. Wala na akong pananagutan sa inyo. Simula ngayon, sa mga hindi Judio na ako mangangaral.” Kaya iniwan niya ang mga Judio at doon siya nakituloy sa bahay ni Titius Justus. Ang taong ito ay hindi Judio, pero sumasamba sa Dios. Ang bahay niya ay nasa tabi mismo ng sambahan ng mga Judio. Si Crispus na namumuno sa sambahan ng mga Judio at ang kanyang pamilya ay sumampalataya rin sa Panginoong Jesus; at marami pang mga taga-Corinto na nakinig kay Pablo ang sumampalataya at nagpabautismo.

Isang gabi, nagpakita ang Panginoon kay Pablo sa pamamagitan ng pangitain at sinabi, “Huwag kang matakot. Ipagpatuloy mo ang pangangaral at huwag kang titigil, 10 dahil kasama mo ako. Marami akong tagasunod sa lungsod na ito, kaya walang mangangahas na manakit sa iyo.” 11 Kaya nanatili si Pablo sa Corinto sa loob ng isaʼt kalahating taon, at itinuro niya sa mga tao ang salita ng Dios.

12 Pero nang si Galio na ang gobernador ng Acaya, nagkaisa ang mga Judio laban kay Pablo. Hinuli nila siya at dinala kay Galio para akusahan. 13 Sinabi nila, “Hinihikayat ng lalaking ito ang mga tao na sumamba sa Dios sa paraan na labag sa ating kautusan.” 14 Magsasalita na sana si Pablo, pero nagsalita si Galio sa mga Judio, “Kung ang kasong ito na dinala ninyo sa akin ay tungkol sa isang krimen o mabigat na kasalanan, makikinig ako sa inyo. 15 Pero tungkol lang ito sa mga salita, mga pangalan, at sa inyong Kautusan. Kayo na ang bahala riyan. Ayaw kong humatol sa ganyang mga bagay.” 16 At pinalabas niya sila sa korte. 17 Pagkatapos, hinuli ng mga Griego si Sostenes na namumuno sa sambahan ng mga Judio at ginulpi nila roon mismo sa labas ng korte, pero hindi ito pinansin ni Galio.

Ang Pagbalik ni Pablo sa Antioc na Sakop ng Syria

18 Nanatili pa si Pablo nang ilang araw sa Corinto. Pagkatapos, nagpaalam siya sa mga kapatid at pumunta sa Cencrea kasama ang mag-asawang Priscila at Aquila. Nagpagupit siya roon ng buhok dahil natupad na niya ang isa niyang panata sa Dios. Mula sa Cencrea bumiyahe sila papuntang Syria. 19-21 Dumaan sila sa Efeso at pumasok si Pablo sa sambahan ng mga Judio at nakipagdiskusyon sa kanila. Kinausap nila si Pablo na manatili muna roon sa kanila, pero ayaw ni Pablo. Bago siya umalis, sinabi niya sa kanila, “Kung loloobin ng Dios, babalik ako rito.” Iniwan ni Pablo ang mag-asawang Priscila at Aquila sa Efeso at bumiyahe siya papuntang Syria.

22 Pagdating niya sa Cesarea, pumunta siya sa Jerusalem at dinalaw ang iglesya, at saka tumuloy sa Antioc. 23 Hindi siya nagtagal doon, umalis siya at inikot niya ang mga lugar na sakop ng Galacia at Frigia at pinalakas niya ang pananampalataya ng mga tagasunod ni Jesus doon.

Ang Pagtuturo ni Apolos sa Efeso

24 Samantala, dumating sa Efeso ang isang Judiong taga-Alexandria. Ang kanyang pangalan ay Apolos. Mahusay siyang magsalita at maraming nalalaman sa Kasulatan. 25 Naturuan na siya tungkol sa pamamaraan ng Panginoon. Masipag siyang mangaral at tama ang kanyang itinuturo tungkol kay Jesus. Pero ang bautismong alam niya ay ang bautismo lang na itinuro ni Juan. 26 Hindi siya natatakot magsalita sa sambahan ng mga Judio. Nang marinig nina Priscila at Aquila ang kanyang itinuturo, inimbitahan nila siya sa kanilang bahay at ipinaliwanag nila nang mabuti sa kanya ang pamamaraan ng Dios. 27 At nang magpasya si Apolos na pumunta sa Acaya, tinulungan siya ng mga mananampalataya sa Efeso. Sumulat sila sa mga tagasunod ni Jesus sa Acaya na tanggapin nila si Apolos. Pagdating niya roon, malaki ang naitulong niya sa mga naging mananampalataya dahil sa biyaya ng Dios. 28 At tinalo niya nang husto ang mga Judio sa kanilang mga diskusyon sa harap ng madla, at pinatunayan sa kanila mula sa Kasulatan na si Jesus ang Cristo.

Jeremias 27

Naglagay ng Pamatok sa Leeg si Jeremias

27 1-2 Noong pasimula ng paghahari ni Zedekia na anak ni Haring Josia ng Juda, sinabi sa akin ng Panginoon, “Jeremias, gumawa ka ng pamatok at lagyan mo ng tali at ilagay mo sa batok mo. Pagkatapos, sabihin mo ito sa mga hari ng Edom, Moab, Ammon, Tyre at Sidon sa pamamagitan ng mga sugo nila na nasa Jerusalem para makipagkita kay Haring Zedekia ng Juda. Sabihin mo sa kanila ang mensaheng ito para sa kanilang mga hari: Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Sa pamamagitan ng kapangyarihan ko nilikha ko ang mundo, ang mga tao at mga hayop, at nasa sa akin kung sino ang gusto kong gawing tagapamahala nito. Kaya ngayon, ibibigay ko ang mga bansa nʼyo sa lingkod kong si Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Pati ang mababangis na hayop ay ipapasakop ko sa pamamahala niya. Ang lahat ng bansa ay maglilingkod sa kanya, sa anak, at sa apo niya hanggang sa panahong bumagsak ang kaharian ng Babilonia. At ang Babilonia naman ang maglilingkod sa maraming bansa at sa mga makapangyarihang hari.

“ ‘Pero kung may bansa o kahariang ayaw maglingkod o magpasakop kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia, ako ang magpaparusa sa bansa o kahariang iyon sa pamamagitan ng digmaan, gutom, at sakit hanggang sa maipasakop ko sila kay Nebucadnezar. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. Kaya huwag kayong maniniwala sa inyong mga propeta, mga manghuhula, mga nagpapaliwanag tungkol sa mga panaginip, mga mangkukulam o mga espiritistang nagsasabing hindi kayo sasakupin ng hari ng Babilonia. 10 Kasinungalingan ang sinasabi nila sa inyo. At kung maniniwala kayo sa kanila, paaalisin ko kayo sa lupain ninyo. Palalayasin at lilipulin ko kayo. 11 Pero ang mga bansang magpapasakop at maglilingkod sa hari ng Babilonia ay mananatili sa sarili nilang bayan. Dito sila maninirahan at bubungkalin nila ang kanilang sariling lupain. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”

12 Ito rin ang sinabi ko kay Haring Zedekia ng Juda. Sinabi ko, “Magpasakop kayo sa hari ng Babilonia. Maglingkod kayo sa kanya at sa mga mamamayan niya at mabubuhay kayo. 13 Sapagkat kung hindi, mamamatay kayo at ang mga mamamayan nʼyo sa digmaan, gutom at sakit gaya ng sinabi ng Panginoon na mangyayari sa mga bansang hindi maglilingkod sa hari ng Babilonia. 14 Huwag kayong maniwala sa sinasabi ng mga propeta na hindi kayo sasakupin ng hari ng Babilonia, dahil kasinungalingan ang sinasabi nila sa inyo. 15 Ito ang sinasabi ng Panginoon, ‘Hindi ko sinugo ang mga propetang iyan. Nagsasalita sila ng kasinungalingan sa pangalan ko. Kaya kung maniniwala kayo sa kanila, palalayasin ko kayo at lilipulin pati ang mga propetang iyan.’ ”

16 Pagkatapos, sinabi ko sa mga pari at sa lahat ng tao, “Sinabi ng Panginoon na huwag kayong maniniwala sa mga propetang nagsasabing malapit nang ibalik ang mga kagamitan ng templo mula sa Babilonia. Kasinungalingan iyan. 17 Huwag kayong maniniwala sa kanila; maglingkod kayo sa hari ng Babilonia at nang mabuhay kayo, kinakailangan pa bang mawasak ang lungsod na ito? 18 Kung talagang mga propeta sila at galing sa Panginoon ang sinasabi nila, manalangin sila sa Panginoong Makapangyarihan na ang mga kagamitang naiwan sa templo, sa palasyo ng hari ng Juda at sa Jerusalem ay huwag nang dalhin sa Babilonia. 19 Sapagkat sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan na ang mga tansong haligi ng templo, ang lalagyan ng tubig na tinatawag na Dagat, mga karwahe, at ang iba pang mga kagamitan sa lungsod na ito ay dadalhin sa Babilonia. 20 Ang mga nasabing kagamitan ay hindi dinala ni Haring Nebucadnezar sa Babilonia noong binihag niya si Haring Jehoyakin na anak ni Haring Jehoyakim ng Juda, kasama ng mga tagapamahala ng Juda at Jerusalem. 21-22 Pero ngayon, ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Dadalhin sa Babilonia ang mga kagamitang ito at mananatili roon hanggang sa dumating ang araw na kukunin ko ito at ibabalik sa Jerusalem.’ ”

Marcos 13

Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)

13 Nang paalis na sina Jesus sa templo, sinabi ng isa sa mga tagasunod niya, “Guro, tingnan nʼyo po ang templo. Kay laki ng mga ginamit na bato at napakaganda ng pagkakagawa.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ang templong ito na nakikita ninyo ngayon, na gawa sa malalaking bato, ay siguradong magigiba at walang maiiwang magkapatong na bato!”

Mga Paghihirap at Pag-uusig na Darating(B)

Habang nakaupo si Jesus sa isang lugar sa Bundok ng mga Olibo na nakaharap sa templo, tinanong siya nang sarilinan nina Pedro, Santiago, Juan at Andres, “Sabihin ninyo sa amin kung kailan mangyayari ang sinabi ninyo? At ano ang mga palatandaan kung malapit nang mangyari ang lahat ng ito?”

Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo at huwag palilinlang kaninuman. Sapagkat marami ang darating at magsasabi na sila ang Cristo,[a] at marami ang ililigaw nila. Kapag nakarinig kayo ng mga digmaan malapit sa inyo, at nakabalitang may digmaan din sa malayo, huwag kayong matakot. Kinakailangang mangyari ang mga iyan, ngunit hindi pa ito ang katapusan. Sapagkat magdidigmaan ang mga bansa at mga kaharian. Lilindol sa ibaʼt ibang lugar at magkakaroon ng taggutom. Ang mga itoʼy pasimula pa lang ng mga paghihirap na darating.

“Mag-ingat kayo dahil dadakpin kayo at dadalhin sa hukuman, at hahagupitin kayo sa sambahan ng mga Judio. Iimbestigahan kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Magiging pagkakataon nʼyo ito upang magpatotoo sa kanila tungkol sa akin. 10 Dapat munang maipangaral ang Magandang Balita sa lahat ng bansa, bago dumating ang katapusan. 11 Kapag dinakip kayo at iniharap sa hukuman, huwag kayong mag-alala kung ano ang sasabihin ninyo. Bastaʼt sabihin ninyo ang ipinapasabi ng Banal na Espiritu sa oras na iyon. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ninyo. 12 Sa panahong iyon, may mga taong ipagkakanulo ang kanilang kapatid para patayin. Ganoon din ang mga ama sa kanilang mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga magulang. 13 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ay maliligtas.”

Ang Kasuklam-suklam na Darating(C)

14 “Makikita ninyo ang kasuklam-suklam na darating na magiging dahilan ng pag-iwan sa templo, at nakatayo ito sa lugar na hindi dapat kalagyan nito.” (Kayong mga bumabasa, unawain ninyo itong mabuti!) “Kapag nangyari na ito, ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan. 15 Ang nasa labas ng bahay[b] ay huwag nang pumasok para kumuha ng anuman. 16 Ang nasa bukid ay huwag nang umuwi para kumuha ng damit. 17 Kawawa ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil mahihirapan silang tumakas. 18 Idalangin ninyong huwag itong mangyari sa panahon ng taglamig. 19 Sapagkat sa panahong iyon, makakaranas ang mga tao ng mga paghihirap na hindi pa nararanasan mula nang likhain ng Dios ang mundo hanggang ngayon, at wala nang mangyayari pang ganoon kahit kailan. 20 Kung hindi paiikliin[c] ng Panginoon ang panahong iyon, walang matitirang buhay. Ngunit alang-alang sa kanyang mga pinili, paiikliin niya ang panahong iyon.

21 “Kapag may nagsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. 22 Sapagkat lilitaw ang mga di tunay na Cristo at mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga himala at kababalaghan upang malinlang, kung maaari, pati ang mga pinili ng Dios. 23 Kaya mag-ingat kayo! Binabalaan ko na kayo habang hindi pa nangyayari ang mga ito.”

Ang Pagbabalik ni Jesus sa Mundo(D)

24 “Pagkatapos ng mga araw na iyon ng matinding kahirapan, magdidilim ang araw, hindi na magliliwanag ang buwan, 25 at mahuhulog ang mga bituin mula sa langit. Ang mga bagay[d] sa kalawakan ay mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas. 26 At makikita nila ako na Anak ng Tao na dumarating mula sa mga ulap na taglay ang dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian. 27 Ipapadala ko ang aking mga anghel sa lahat ng lugar sa mundo upang tipunin ang aking mga pinili.”

Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(E)

28 “Unawain ninyo ang aral na ito mula sa puno ng igos: Kapag nagkakadahon na ang mga sanga nito, alam ninyong malapit na ang tag-init. 29 Ganoon din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga sinasabi kong ito sa inyo, malalaman ninyong malapit na akong dumating. 30 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, matutupad ang lahat ng ito bago mawala ang henerasyong ito.

31 “Ang langit at ang lupa ay maglalaho, ngunit ang mga salita ko ay mananatili magpakailanman.”[e]

Walang Taong Nakakaalam Kung Kailan Babalik si Jesus(F)

32 “Tungkol sa araw o oras ng aking pagbabalik, walang nakakaalam nito, kahit ang mga anghel sa langit o ako mismo na Anak ng Dios. Ang Ama lang ang nakakaalam nito. 33 Kaya mag-ingat kayo at laging magbantay, dahil hindi ninyo alam kung kailan ako darating. 34 Maaari natin itong ihambing sa isang taong papunta sa malayong lugar. Bago siya umalis ng bahay ay binigyan niya ng kanya-kanyang gawain ang bawat alipin at saka binilinan ang guwardya sa pintuan na maging handa sa kanyang pagdating. 35 Kaya maging handa kayo, dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang may-ari ng bahay; maaaring sa hapon o sa hatinggabi, sa madaling-araw o sa umaga. 36 Baka bigla siyang dumating at datnan kayong natutulog. 37 Kaya ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko rin sa lahat: Maging handa kayo!”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®