Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Hukom 4

Si Debora at si Barak

Pagkamatay ni Ehud, muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon. Kaya hinayaan ng Panginoon na sakupin sila ni Haring Jabin ng Hazor, na isang hari ng mga Cananeo. Ang kumander ng mga sundalo ni Jabin ay si Sisera na nakatira sa Haroshet Hagoyim. May 900 karwaheng yari sa bakal si Jabin, at labis niyang pinagmalupitan ang mga Israelita sa loob ng 20 taon. Kaya muling humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon.

Nang panahong iyon, ang pinuno ng Israel ay si Debora, na isang propeta ng Dios at asawa ni Lapidot. Kapag gustong ayusin ng mga Israelita ang kanilang mga di-pagkakaunawaan, pumupunta sila kay Debora na nasa ilalim ng puno ng palma na pag-aari nito, sa pagitan ng Rama at Betel sa kabundukan ng Efraim.

Isang araw, ipinatawag ni Debora si Barak na anak ni Abinoam na taga-Kedesh na sakop ng lahi ni Naftali. Pagdating ni Barak, sinabi ni Debora sa kanya, “Inuutusan ka ng Panginoon, ang Dios ng Israel, na kumuha ng 10,000 lalaki sa lahi ni Naftali at Zebulun, at dalhin sila sa Bundok ng Tabor. Lilinlangin ko si Sisera, ang kumander ng mga sundalo ni Jabin, na pumunta sa Lambak ng Kishon, kasama ang kanyang mga sundalo at mga karwahe. At doon pagtatagumpayin ko kayo laban sa kanila.”

Sinabi ni Barak kay Debora, “Pupunta ako kung sasama ka, pero kung hindi ka sasama, hindi ako pupunta.” Sumagot si Debora, “Sige, sasama ako sa iyo, pero hindi mapupunta sa iyo ang karangalan dahil ipapatalo ng Panginoon si Sisera sa isang babae.” Kaya sumama si Debora kay Barak at pumunta sila sa Kedesh. 10 Doon, ipinatawag ni Barak ang mga lahi ni Naftali at ni Zebulun, at 10,000 tao ang sumama sa kanya. Sumama rin sa kanya si Debora.

11 Nang panahong iyon, si Heber na Keneo ay nagtayo ng tolda niya malapit sa puno ng terebinto sa Zaananim malapit sa Kedesh. Humiwalay siya sa ibang mga Keneo na mula sa angkan ni Hobab na bayaw[a] ni Moises.

12 Ngayon, may nakapagsabi kay Sisera na papunta si Barak sa Bundok ng Tabor. 13 Kaya tinipon ni Sisera ang 900 karwahe niyang yari sa bakal at ang lahat ng sundalo niya. At umalis sila mula sa Haroshet Hagoyim papunta sa Lambak ng Kishon.

14 Sinabi ni Debora kay Barak, “Humanda ka! Ito na ang araw na pagtatagumpayin ka ng Panginoon laban kay Sisera. Pangungunahan ka ng Panginoon.” Kaya bumaba si Barak sa Bundok ng Tabor kasama ng 10,000 niyang sundalo. 15 Nang lumusob na sina Barak, nilito ng Panginoon si Sisera at ang lahat ng mangangarwahe at sundalo niya. Pagkatapos, tumalon si Sisera sa karwahe niya at tumakas. 16 Hinabol nila Barak ang mga sundalo at ang mga mangangarwahe ni Sisera hanggang sa Haroshet Hagoyim at nilipol ang mga ito. Wala ni isang natira sa kanila.

17 Si Sisera naman ay tumakas papunta sa tolda ni Jael na asawa ni Heber, dahil magkaibigan si Haring Jabin ng Hazor at ang pamilya ni Heber na Keneo. 18 Sinalubong ni Jael si Sisera at sinabi, “Tuloy po kayo sa aking tolda at huwag kayong matakot.” Kaya pumasok si Sisera sa tolda, at tinakluban siya ni Jael ng kumot[b] para itago. 19 Sinabi ni Sisera kay Jael, “Pahingi ng tubig. Uhaw na uhaw na ako.” Kaya binuksan ni Jael ang balat na sisidlan ng gatas at pinainom si Sisera, at pagkatapos ay itinago siyang muli. 20 Sinabi ni Sisera, “Tumayo ka sa pintuan ng tolda. Kapag may dumating at magtanong kung may ibang tao rito sabihin mong wala.”

21 Dahil sa sobrang pagod ni Sisera, nakatulog siya. Nang makita ni Jael na nakatulog si Sisera, kumuha siya ng martilyo at tulos ng tolda at dahan-dahang lumapit kay Sisera. Pagkatapos, ibinaon niya ang tulos sa sentido ni Sisera, gamit ang martilyo, hanggang sa bumaon ang tulos sa lupa, at namatay si Sisera.

22 Nang dumating si Barak na naghahanap kay Sisera, sinalubong siya ni Jael, at sinabi, “Halika, ipapakita ko sa iyo ang taong hinahanap mo.” Pagpasok ni Barak sa tolda kasama ni Jael, nakita niya roon si Sisera na nakahandusay at patay na, at may tulos na nakabaon sa kanyang ulo. 23 Nang araw na iyon, pinagtagumpay ng Dios ang mga Israelita laban kay Haring Jabin na Cananeo. 24 Patuloy nilang nilabanan si Jabin hanggang sa mapatay nila ito.

Gawa 8

1-2 Inilibing si Esteban ng mga taong may takot sa Dios, at labis nila siyang iniyakan.

Pinag-uusig ni Saulo ang mga Mananampalataya

Mula noon, nagsimula na ang matinding pag-uusig sa mga mananampalataya sa Jerusalem. Kaya nagkawatak-watak ang mga mananampalataya sa buong lalawigan ng Judea at Samaria. Ang mga apostol lang ang hindi umalis sa Jerusalem. Si Saulo na sumang-ayon sa pagpatay kay Esteban ay nagsumikap na wasakin ang iglesya. Kaya pinasok niya ang mga bahay-bahay at dinakip ang mga mananampalataya, lalaki man o babae, at dinala sa bilangguan.

Ipinangaral ang Magandang Balita sa Samaria

Ang mga mananampalatayang nangalat sa ibaʼt ibang lugar ay nangaral ng Magandang Balita. Isa sa mga mananampalataya ay si Felipe. Pumunta siya sa isang lungsod ng Samaria at nangaral sa mga tao tungkol kay Cristo. Nang marinig ng mga tao ang mga sinabi ni Felipe at makita ang mga himalang ginawa niya, nakinig sila nang mabuti sa kanya. Maraming taong may masasamang espiritu ang pinagaling niya. Sumisigaw nang malakas ang masasamang espiritu habang lumalabas sa mga tao. Marami ring paralitiko at mga pilay ang gumaling. Kaya masayang-masaya ang mga tao sa lungsod na iyon.

May tao rin doon na ang pangalan ay Simon. Matagal na niyang pinahahanga ang mga taga-Samaria sa kanyang kahusayan sa salamangka. Nagmamayabang siya na akala mo kung sino siyang dakila. 10 Ang lahat ng tao sa lungsod, mahirap man o mayaman ay nakikinig nang mabuti sa kanya. Sinabi nila, “Ang taong ito ang siyang kapangyarihan ng Dios na tinatawag na ‘Dakilang Kapangyarihan.’ ” 11 Matagal na niyang pinahahanga ang mga tao sa kanyang kahusayan sa salamangka, kaya patuloy silang naniniwala sa kanya. 12 Pero nang mangaral si Felipe sa kanila ng Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios at tungkol kay Jesu-Cristo, sumampalataya at nagpabautismo ang mga lalaki at babae. 13 Pati si Simon ay sumampalataya rin, at nang mabautismuhan na siya, sumama siya kay Felipe. Talagang napahanga siya sa mga himala at kamangha-manghang bagay na ginawa ni Felipe.

14 Nang marinig ng mga apostol sa Jerusalem na ang mga taga-Samaria ay sumampalataya rin sa salita ng Dios, ipinadala nila roon sina Pedro at Juan. 15 Pagdating nila sa Samaria, ipinanalangin nila ang mga mananampalataya roon na sanaʼy matanggap nila ang Banal na Espiritu. 16 Sapagkat kahit nabautismuhan na sila sa pangalan ng Panginoong Jesus, hindi pa nila natatanggap ang Banal na Espiritu. 17 Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang mga kamay sa kanila, at natanggap nila ang Banal na Espiritu. 18 Nakita ni Simon na sa pagpatong ng kamay ng mga apostol sa mga mananampalataya ay natanggap nila ang Banal na Espiritu. Kaya inalok niya ng pera sina Pedro at Juan at sinabi 19 “Bigyan ninyo ako ng ganyang kapangyarihan, para ang sinumang patungan ko ng kamay ay makatanggap din ng Banal na Espiritu.” 20 Pero sumagot si Pedro sa kanya, “Mawala ka sana at ang iyong pera! Sapagkat inaakala mong mabibili ng pera ang kaloob ng Dios. 21 Wala kang bahagi sa gawain namin, dahil marumi ang puso mo sa paningin ng Dios. 22 Kaya pagsisihan mo ang masama mong balak at manalangin ka sa Panginoon na patawarin ka sa iyong maruming pag-iisip. 23 Sapagkat nakikita kong inggit na inggit ka at alipin ng kasalanan.” 24 Sinabi ni Simon, “Kung maaari, manalangin din kayo sa Panginoon para sa akin upang hindi mangyari sa akin ang parusa na sinasabi ninyo.”

25 Pagkatapos magpatotoo nina Pedro at Juan at mangaral ng mensahe ng Panginoon, bumalik sila sa Jerusalem. At nangaral din sila ng Magandang Balita sa mga baryo na dinaanan nila sa lalawigan ng Samaria.

Si Felipe at ang Opisyal na Taga-Etiopia

26 May isang anghel ng Panginoon na nagsabi kay Felipe, “Pumunta ka agad sa timog, at sundan mo ang daan na mula sa Jerusalem papuntang Gaza.” (Ang daang iyon ay bihira na lang daanan.) 27 Kaya umalis si Felipe, at doon ay nakita niya ang taong taga-Etiopia. Pauwi na ito galing sa Jerusalem kung saan siya sumamba sa Dios. Mataas ang kanyang tungkulin dahil siya ang pinagkakatiwalaan ng kayamanan ng Candace. (Ang Candace ay reyna ng Etiopia.) 28 Nakasakay siya sa kanyang karwahe[a] at nagbabasa ng aklat ni Propeta Isaias. 29 Sinabi ng Banal na Espiritu kay Felipe, “Puntahan mo at makisabay ka sa kanyang karwahe.” 30 Kaya tumakbo si Felipe at inabutan niya ang karwahe. Narinig niyang nagbabasa ang opisyal ng aklat ni Propeta Isaias. Tinanong siya ni Felipe kung nauunawaan niya ang kanyang binabasa. 31 Sumagot ang opisyal, “Hindi nga eh! Paano ko mauunawaan kung wala namang magpapaliwanag sa akin?” Inanyayahan niya si Felipe na sumakay sa kanyang karwahe at tumabi sa kanya. 32 Ito ang bahagi ng Kasulatan na kanyang binabasa:

    “Hindi siya nagreklamo.
    Katulad siya ng tupa na dinadala sa katayan,
    o kayaʼy isang munting tupa na walang imik habang ginugupitan.
33 Hinamak siya at hinatulan nang hindi tama.
    Walang makapagsasabi tungkol sa kanyang mga lahi,
    dahil pinaikli ang kanyang buhay dito sa lupa.”

34 Sinabi ng opisyal kay Felipe, “Sabihin mo sa akin kung sino ang tinutukoy ng propeta, ang sarili ba niya o ibang tao?” 35 Kaya simula sa bahaging iyon ng Kasulatan, ipinaliwanag sa kanya ni Felipe ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. 36 Habang nagpapatuloy sila sa paglalakbay, nakarating sila sa lugar na may tubig. Sinabi ng opisyal kay Felipe, “May tubig dito. May dahilan pa ba para hindi ako mabautismuhan?” [37 Sumagot si Felipe sa kanya, “Maaari ka nang bautismuhan kung sumasampalataya ka nang buong puso.” Sumagot ang opisyal, “Oo, sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ang Anak ng Dios.”] 38 Pinahinto ng opisyal ang karwahe at lumusong silang dalawa sa tubig at binautismuhan siya ni Felipe. 39 Pagkaahon nila sa tubig, bigla na lang kinuha si Felipe ng Espiritu ng Panginoon. Hindi na siya nakita ng opisyal, pero masaya siyang nagpatuloy sa kanyang paglalakbay. 40 Namalayan na lang ni Felipe na siyaʼy nasa lugar na ng Azotus.[b] Nangaral siya ng Magandang Balita sa mga bayan na dinadaanan niya hanggang makarating siya sa Cesarea.

Jeremias 17

Ang Kasalanan at Kaparusahan ng Juda

17 Sinabi ng Panginoon, “Mga taga-Juda, nakaukit sa matigas ninyong mga puso ang mga kasalanan nʼyo na parang mga salitang nakaukit sa bato o sa sungay na nasa sulok ng mga altar ninyo. Kahit ang mga anak ninyoʼy sumasamba sa mga altar nʼyo at sa mga posteng simbolo ng diosang si Ashera sa ilalim ng mayayabong na puno at sa itaas ng mga bundok. Kaya ipapasamsam ko sa mga kaaway nʼyo ang mga kayamanan at ari-arian nʼyo, pati ang mga sambahan nʼyo sa matataas na lugar, dahil sa mga kasalanang ginawa ninyo sa buong bansa. Mawawala sa inyo ang lupaing ibinigay ko. Ipapaalipin ko kayo sa mga kaaway nʼyo sa lupaing hindi nʼyo alam, dahil ginalit nʼyo ako na parang nagniningas na apoy na hindi mamamatay magpakailanman.”

Sinabi pa ng Panginoon, “Isusumpa ko ang taong lumalayo sa akin at nagtitiwala lamang sa tao. Matutulad siya sa isang maliit na punongkahoy sa ilang na walang magandang kinabukasan. Maninirahan siya sa tigang at maalat na lupain na walang ibang nakatira. Pero mapalad ang taong nagtitiwala at lubos na umaasa lamang sa akin. Matutulad siya sa punongkahoy na itinanim sa tabi ng ilog na ang mga ugat ay umaabot sa tubig. Ang punongkahoy na itoʼy hindi manganganib, dumating man ang tag-init o mahabang tag-araw. Palaging sariwa ang mga dahon nito at walang tigil ang pamumunga.

“Ang puso ng tao ay mandaraya higit sa lahat, at lubos na masama. Sino ang nakakaalam kung gaano ito kasama? 10 Pero ako, ang Panginoon, alam ko ang puso at isip ng tao. Gagantihan ko ang bawat isa ayon sa pag-uugali at mga gawa niya. 11 Ang taong yumaman sa masamang paraan ay parang ibon na nililimliman ang hindi niya itlog. Sa bandang huli, sa kalagitnaan ng buhay niya, mawawala ang kayamanan niya at lalabas na siyaʼy hangal.”

12 O Panginoon, ang templo nʼyo po ang inyong magandang trono mula pa noon. 13 Kayo po Panginoon, ang pag-asa ng Israel. Mapapahiya ang lahat ng magtatakwil sa inyo. Malilibing po sila sa ilalim ng lupa, dahil itinakwil po nila kayo, kayo na bukal na nagbibigay ng buhay.

14 Panginoon, pagalingin nʼyo po ako at gagaling ako; iligtas nʼyo po ako at maliligtas ako. At kayo lang ang tangi kong pupurihin. 15 Sinabi po sa akin ng mga tao, “Nasaan na ang mga sinabi ng Panginoon? Bakit hindi pa rin ito nangyayari hanggang ngayon?” 16 O Panginoon, hindi po ako naging pabaya sa gawain ko bilang tagapagbantay ng mga mamamayan ninyo. Hindi ko po hinangad na ipahamak nʼyo sila. Alam po ninyo ang mga sinabi ko. 17 Huwag nʼyo po akong takutin, dahil kayo ang kanlungan ko sa panahon ng kapahamakan. 18 Takutin at hiyain nʼyo po ang mga umuusig sa akin. Pero huwag nʼyo itong gawin sa akin. Padalhan nʼyo po sila ng kapahamakan para malipol sila nang lubusan.

Ang Araw ng Pamamahinga

19 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Pumunta ka sa mga pintuan ng Jerusalem. Tumayo ka muna sa pintuan na dinadaanan ng mga hari ng Juda at pagkatapos, sa iba pang mga pintuan. 20 At sabihin mo sa mga tao, ‘Pakinggan nʼyo ang mensahe ng Panginoon, kayong mga hari at mga taga-Juda, pati kayong mga nakatira sa Jerusalem na dumadaan sa mga pintuang ito. 21 Ito ang sinasabi ng Panginoon: Kung pinahahalagahan ninyo ang inyong sarili, huwag kayong magtatrabaho o magdadala ng anumang mga paninda sa mga pintuan ng Jerusalem sa Araw ng Pamamahinga. 22 Totoo yan, huwag kayong magtatrabaho o magdadala ng mga paninda mula sa mga bahay nʼyo sa araw na ito. Ituring nʼyo itong natatanging araw. Iniutos ko ito sa mga ninuno nʼyo, 23 pero hindi sila nakinig sa akin. Matitigas ang ulo nila! Ayaw nilang tanggapin ang mga pagtuturo ko sa kanila. 24 Pero kung susunod lang kayo sa akin na hindi kayo magtatrabaho o magdadala ng mga paninda sa pintuan ng Jerusalem sa Araw ng Pamamahinga, at ituturing nʼyo itong banal na araw 25 ay pagpapalain ko kayo. Palaging magkakaroon ng haring maghahari rito sa Jerusalem na mula sa angkan ni David. Sila at ang mga tagapamahala nila ay paparada na nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo papasok sa pintuan ng lungsod kasama ng mga taga-Juda at taga-Jerusalem. At ang lungsod na ito ng Jerusalem ay mananatiling lungsod magpakailanman. 26 At darating ang mga tao na sasamba sa templo ng Panginoon mula sa mga lugar sa paligid ng Jerusalem, sa mga bayan ng Juda, at Benjamin, at mula sa mga kaburulan sa kanluran, sa mga kabundukan, at sa Negev. Magdadala sila ng mga handog na sinusunog, at iba pang mga handog, gaya ng handog na pagpaparangal sa Panginoon, handog ng pasasalamat, at mga insenso. 27 Pero kung hindi kayo susunod sa akin, at hindi nʼyo ituturing na banal ang Araw ng Pamamahinga at magdadala kayo ng mga paninda sa mga pintuan ng Jerusalem sa araw na iyon, susunugin ko ang mga pintuan ng Jerusalem pati ang matitibay na bahagi ng lungsod na ito, at walang makakapatay ng sunog na iyon!’ ”

Marcos 3

Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(A)

Muling pumasok si Jesus sa sambahan ng mga Judio. May isang lalaki roon na paralisado ang isang kamay. Araw ng Pamamahinga noon, kaya binantayang mabuti ng mga Pariseo si Jesus kung pagagalingin niya ang lalaking iyon, upang may maiparatang sila laban sa kanya. Sinabi ni Jesus sa lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito sa harapan.” Pagkatapos, tinanong niya ang mga Pariseo, “Alin ba ang ipinapahintulot ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga: ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?” Pero hindi sila sumagot. Galit silang tiningnan ni Jesus, pero nalungkot din siya sa katigasan ng kanilang mga puso. Bumaling siya sa lalaki at sinabi, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at gumaling ito. Agad na umalis ang mga Pariseo at nakipagpulong sa mga tauhan ni Haring Herodes. Pinag-usapan nila kung paano nila ipapapatay si Jesus.

Sinundan ng Maraming Tao si Jesus sa Tabi ng Lawa

Pumunta si Jesus at ang mga tagasunod niya sa tabi ng lawa ng Galilea. Sinundan siya ng napakaraming tao na galing sa Galilea, Judea, Jerusalem, Idumea, sa kabila ng Ilog ng Jordan, at sa palibot ng Tyre at Sidon. Dinayo siya ng mga tao dahil nabalitaan nila ang mga ginagawa niya. Dahil sa dami ng tao, nagpahanda ng isang bangka si Jesus sa mga tagasunod niya, para may masakyan siya kung sakaling magsiksikan sa kanya ang mga tao. 10 Maraming pinagaling si Jesus, kaya dinumog siya ng lahat ng may sakit para mahawakan man lang siya. 11 Kapag nakikita siya ng mga taong sinasaniban ng masamang espiritu, lumuluhod sila sa harap niya at sumisigaw: “Ikaw ang Anak ng Dios!” 12 Pero mahigpit niya silang pinagbawalan na sabihin sa iba kung sino siya.

Pumili si Jesus ng Labindalawang Apostol(B)

13 Pagkatapos, umakyat si Jesus sa bundok at tinawag niya ang mga taong nais niyang piliin. At lumapit sila sa kanya. 14 Pumili siya ng 12 [na tinawag niyang mga apostol] upang makasama niya at suguing mangaral. 15 Binigyan niya sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu. 16 [Ito ang 12 apostol na kanyang pinili:] si Simon na tinawag niyang Pedro, 17 sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedee (tinawag niya silang Boanerges na ang ibig sabihin ay mga anak ng kulog), 18 si Andres, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Santiago na anak ni Alfeus, si Tadeus, si Simon na makabayan[a] 19 at si Judas Iscariote na siyang nagtraydor kay Jesus nang bandang huli.

Si Jesus at si Satanas(C)

20 Pag-uwi ni Jesus sa bahay na tinutuluyan niya, muling dumating ang napakaraming tao kaya siya at ang mga tagasunod niya ay hindi man lang nagkaroon ng panahon para kumain. 21 Nang mabalitaan ng pamilya ni Jesus ang mga ginagawa niya, siyaʼy sinundo nila, dahil sinasabi ng mga tao na nasisiraan na siya ng bait.

22 May dumating namang mga tagapagturo ng Kautusan galing sa Jerusalem, at sinabi nila, “Sinasaniban siya ni Satanas[b] na pinuno ng masasamang espiritu. At ito ang nagbibigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu.” 23 Kaya tinawag ni Jesus ang mga tao at nagsalita siya sa kanila sa pamamagitan ng paghahalintulad, “Magagawa ba ni Satanas na palayasin ang mga kampon niya? 24 Kung ang mga mamamayan ng isang kaharian ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, babagsak ang kahariang iyon. 25 Ganoon din ang mangyayari sa isang tahanang ang nakatira ay nag-aaway-away. 26 Kaya kung si Satanas at ang mga kampon niya ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, babagsak din siya at hindi na makakabangon pa.

27 “Hindi maaaring pasukin ng magnanakaw ang bahay ng malakas na tao kung hindi niya muna ito gagapusin. Ngunit kapag naigapos na niya, maaari na niyang nakawan ang bahay nito.[c]

28 “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, lahat ng kasalanan, at anumang paglalapastangan sa Dios ay maaaring mapatawad. 29 Ngunit ang sinumang lumapastangan sa Banal na Espiritu ay hindi talaga mapapatawad. Ang ganitong kasalanan ay hindi mapapatawad magpakailanman.” 30 Sinabi iyon ni Jesus dahil sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na siya ay may masamang espiritu.

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(D)

31 Samantala, dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus. Nakatayo sila sa labas at ipinatawag nila siya. 32 Maraming tao ang nakaupo sa paligid niya. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid, at ipinapatawag kayo.” 33 Sumagot si Jesus, “Sino ang aking ina at mga kapatid?” 34 Tiningnan niya ang mga taong nakapalibot sa kanya at sinabi, “Ang mga ito ang aking ina at mga kapatid! 35 Ang sinumang sumusunod sa kalooban ng Dios ang siya kong ina at mga kapatid.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®