Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Josue 18-19

Ang Pagkakahati-hati ng Iba pang Lupain

18 Nang matapos nilang sakupin ang lupain, nagtipon ang buong mamamayan ng Israelita sa Shilo, at nagtayo ng Toldang Tipanan. May pito pang lahi ng mga Israelita na hindi pa napapartihan ng lupa. Kaya sinabi ni Josue sa mga Israelita, “Kailan nʼyo pa ba sasakupin ang natirang lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon, ang Dios ng mga ninuno nʼyo? Pumili kayo ng tatlong tao sa bawat lahi. Papupuntahin ko sila para suriin ang natirang lupain. Pagkatapos, babalik sila sa akin na may dalang mapa na ginawa nila na nagpapakita kung papaano hahatiin ang lupaing iyon. Dapat hatiin ang lupain sa pitong bahagi, hindi kasali ang lupain ng lahi ni Juda sa timog at ang lupain ng lahi ni Jose sa hilaga. Pagkatapos madala ang mapa sa akin, magpapalabunutan agad ako sa presensya ng Panginoon na ating Dios, kung kaninong lahi mapupunta ang bawat bahagi ng lupain. Pero ang mga Levita ay hindi papartihan ng lupa, dahil ang bahagi nila ay ang paglilingkod sa Panginoon bilang mga pari. Ang mga lahi nina Gad, Reuben, at ang kalahating lahi ni Manase ay nakatanggap na ng mga bahagi nilang lupain sa silangan ng Jordan, na ibinigay sa kanila ni Moises na lingkod ng Panginoon.”

Nang papaalis na ang mga napiling tao, sinabi ni Josue sa kanila, “Suriin nʼyo ang buong lupain at gawan nʼyo ito ng mapa. Pagkatapos, bumalik kayo rito sa akin sa Shilo, dahil magpapalabunutan agad ako sa presensya ng Panginoon kung kaninong lahi mapupunta ang bawat bahagi ng lupain.” Kaya lumakad ang mga tao para suriin ang buong lupain. Pagkatapos, ginawan nila ito ng mapa, na ang lupaʼy nahati sa pitong bahagi, at inilista nila ang mga bayan at baryo na sakop ng bawat bahagi. Pagkatapos, bumalik sila kay Josue sa Shilo. 10 At pagkatapos magpalabunutan sa presensya ng Panginoon, binigyan ni Josue ng bahagi ang mga lahi ng Israel na walang lupain.

Ang Lupaing Ibinigay sa Lahi ni Benjamin

11 Ang unang bahagi ng lupain ay napunta sa lahi ni Benjamin. Nasa pagitan ito ng mga lupaing ibinigay noon sa lahi ni Juda at sa mga lahi ni Jose. 12 Ang hangganan nito sa hilaga ay nagsisimula sa Ilog ng Jordan papunta sa hilagang libis ng Jerico. Pagkatapos, paahon ito sa kanluran sa mga kabundukan hanggang sa disyerto ng Bet Aven. 13 Mula roon, papunta ito sa libis na nasa bandang timog ng Luz (na siyang Betel). Pagkatapos, pababa ito sa Atarot Adar, sa bundok sa timog ng Mababang Bet Horon. 14 Mula roon, papunta ito sa kanluran ng bundok na nakaharap sa Bet Horon at papunta sa timog. Nagtapos ito sa Kiriat Baal (na siyang Kiriat Jearim), isang bayan ng lahi ni Juda. Ito ang hangganan sa kanluran.

15 Ang hangganan sa timog ay magmumula sa hangganan ng Kiriat Jearim. Mula roon, papunta ito sa kanluran sa mga bukal ng Neftoa. 16 Pababa ito sa paanan ng bundok na nakaharap sa Lambak ng Ben Hinom. Ang lambak na ito ay nasa hilaga ng Lambak ng Refaim. Mula roon, papunta ito sa Lambak ng Hinom, sa timog na ng lungsod ng mga Jebuseo, pababa sa En Rogel. 17 Paliko agad ito pahilaga papuntang En Shemesh, hanggang sa Gelilot na nakaharap sa Daang Paahon ng Adumim. Pagkatapos, pababa ito sa Bato ni Bohan na anak ni Reuben 18 at dumaraan sa hilagang libis na nakaharap sa Lambak ng Jordan[a] pababa sa Lambak mismo. 19 Pagkatapos, papunta ito sa hilagang libis ng Bet Hogla, at nagtapos ito sa hilagang daanan ng tubig ng Dagat na Patay, na siyang hangganan ng Ilog ng Jordan sa timog. Ito ang hangganan sa timog. 20 Ang Ilog ng Jordan ay ang hangganan sa silangan.

Iyon ang mga hangganan ng lupaing natanggap ng lahi ni Benjamin ayon sa bawat sambahayan.

Ang mga Lungsod na Natanggap ng Lahi ni Benjamin

21 Ito ang mga lungsod na ibinigay sa lahi ni Benjamin na hinati ayon sa bawat sambahayan:

Jerico, Bet Hogla, Emek Keziz, 22 Bet Araba, Zemaraim, Betel, 23 Avim, Para, Ofra, 24 Kefar Ammoni, Ofni at Geba – 12 bayan kasama ang mga baryo nito. 25 Dagdag pa rito ay ang Gibeon, Rama, Beerot, 26 Mizpa, Kefira, Moza, 27 Rekem, Irpeel, Tarala, 28 Zela, Haelef, Jebus (na siyang Jerusalem), Gibea at Kiriat Jearim[b] – 14 na bayan, kasama ang mga baryo nito.

Ito ang natanggap ng lahi ni Benjamin na hinati-hati ayon sa bawat sambahayan.

Ang Lupaing Ibinigay sa Lahi ni Simeon

19 Ang ikalawang pinartihan ng lupa ay ang sambahayan ng lahi ni Simeon. Ang lupain nila ay nasa gitna ng lupaing ibinigay sa lahi ni Juda. Kasama rito ang Beersheba (o Sheba),[c] Molada, Hazar Shual, Bala, Ezem, Eltolad, Betul, Horma, Ziklag, Bet Marcabot, Hazar Susa, Bet Lebaot at Sharuhen – 13 bayan kasama ang mga baryo sa paligid nito. Dagdag pa rito ang Ayin, Rimon, Eter at Ashan – 4 na bayan, kasama ang lahat ng mga baryo sa paligid nito, hanggang sa Baalat Beer (na siyang Rama) sa Negev.

Ito ang lupaing natanggap ng lahi ni Simeon na hinati-hati ayon sa bawat sambahayan. Ang ibang bahagi ng lupang ito ay galing sa parte ng lahi ni Juda dahil ang ibinigay sa kanila ay sobrang maluwang para sa kanila. Kaya natanggap ng lahi ni Simeon ang kanilang lupain sa gitna ng lupain ng lahi ni Juda.

Ang Lupaing Ibinigay sa Lahi ni Zebulun.

10 Ang ikatlong pinartihan ng lupa ay ang mga sambahayan ng lahi ni Zebulun.

Ang hangganan ng lupain nila ay nagsimula sa Sarid. 11 Mula roon, papunta ito sa kanluran: sa Marala, sa Dabeshet, at patuloy sa daluyan ng tubig sa silangan ng Jokneam. 12 Mula sa kabilang bahagi ng Sarid, papunta ito sa silangan sa hangganan ng Kislot Tabor, at patuloy sa Daberat hanggang Jafia. 13 Mula roon, papunta ito sa silangan sa Gat Hefer, sa Et Kazin, sa Rimon at paliko papuntang Nea. 14 Ang hangganan ng Zebulun sa hilaga ay dumaraan sa Hanaton at nagtatapos sa Lambak ng Ifta El: 15 Lahat ay 12 bayan, kasama ang mga baryo sa paligid nito. Kasama rin ang mga bayan ng Katat, Nahalal, Shimron, Idala at Betlehem. 16 Ito ang mga bayan at baryo na natanggap ng lahi ni Zebulun na hinati ayon sa bawat sambahayan.

Ang Lupaing Ibinigay sa Lahi ni Isacar

17 Ang ikaapat na pinartihan ng lupa ay ang mga sambahayan ng lahi ni Isacar. 18 Ito ang mga lungsod na sakop nila: Jezreel, Kesulot, Shunem, 19 Hafaraim, Shion, Anaharat, 20 Rabit, Kishion, Ebez, 21 Remet, En Ganim, En Hada at Bet Pazez. 22 Ang hangganan ng lupain ay umaabot sa Tabor, Shahazuma at sa Bet Shemesh at nagtatapos sa Ilog ng Jordan – 16 na bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito. 23 Ito ang mga bayan at baryo na natanggap ng lahi ni Isacar na hinati ayon sa bawat sambahayan.

Ang Lupaing Ibinigay sa Lahi ni Asher

24 Ang ikalimang pinartihan ng lupa ay ang mga sambahayan ng lahi ni Asher. 25 Ito ang mga bayan na sakop nila:

Helkat, Hali, Beten, Acshaf, 26 Alamelec, Amad at Mishal. Ang hangganan nitong lupain sa kanluran ay umaabot sa Carmel at Shihor Libnat, 27 paliko ito pasilangan papuntang Bet Dagon at umaabot sa Zebulun at sa Lambak ng Ifta El. Pagkatapos, papunta ito sa hilaga papuntang Bet Emek at Niel. Papunta pa ito sa hilaga hanggang Cabul, 28 Ebron,[d] Rehob, Hammon, Kana at hanggang sa Malaking Sidon. 29 Pagkatapos, liliko ito patungong Rama at sa napapaderang bayan ng Tyre, at papuntang Hosa, at nagtatapos sa Dagat ng Mediteraneo. Ang iba pang mga bayan na sakop nila ay ang Mehebel, Aczib, 30 Uma, Afek at Rehob – 22 bayan lahat, kasama ang mga bayan sa paligid nito. 31 Ito ang mga bayan at baryo na natanggap ng lahi ni Asher na hinati ayon sa bawat sambahayan.

Ang Lupaing Ibinigay sa Lahi ni Naftali

32 Ang ikaanim na pinartihan ng lupa ay ang mga sambahayan ng lahi ni Naftali.

33 Ang hangganan ng lupain nila ay nagsimula sa Helef at sa puno ng terebinto sa Zaananim papuntang Adami Nekeb at Jabneel hanggang sa Lakum, at nagtapos sa Ilog ng Jordan.

34 Mula roon, paliko ito sa kanluran papuntang Aznot Tabor, pagkatapos sa Hukok, hanggang sa hangganan ng Zebulun sa timog, sa hangganan ng Asher sa kanluran at sa Ilog ng Jordan[e] sa silangan. 35 Ang mga napapaderang lungsod na sakop ng lupaing ito ay ang: Zidim, Zer, Hamat, Rakat, Kineret, 36 Adama, Rama, Hazor, 37 Kedesh, Edrei, En Hazor, 38 Iron, Migdal El, Horem, Bet Anat at Bet Shemesh – 19 na bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito. 39 Iyon ang mga bayan at baryo na natanggap ng lahi ni Naftali na hinati ayon sa bawat sambahayan.

Ang Lupaing Ibinigay sa Angkan ni Dan

40 Ang ikapitong pinartihan ng lupa ay ang mga sambahayan ng lahi ni Dan. 41 Ito ang mga bayan na sakop nila: Zora, Estaol, Ir Shemesh, 42 Shaalabin, Ayalon, Itla, 43 Elon, Timnah, Ekron, 44 Elteke, Gibeton, Baalat, 45 Jehud, Bene Berak, Gat Rimon, 46 Me Jarkon at Rakon, pati rin ang lupain na nakaharap sa Jopa. 47 Nahirapan ang mga lahi ni Dan sa pag-agaw ng lupain nila, kaya nilusob nila ang Leshem[f] at pinatay ang mga naninirahan dito. Naagaw nila ito at doon sila tumira. Pinalitan nila ang pangalan nito ng Dan ayon sa pangalan ng ninuno nilang si Dan.

48 Ito ang mga bayan at baryo na natanggap ng lahi ni Dan na hinati ayon sa bawat sambahayan.

Ang Lupaing Ibinigay kay Josue

49 Pagkatapos hatiin ng mga Israelita ang lupain nila, binigyan nila si Josue na anak ni Nun ng bahagi niya. 50 Ayon sa iniutos ng Panginoon, ibinigay nila sa kanya ang bayan na hinihiling niya – ang Timnat Sera sa kabundukan ng Efraim. Ipinatayo niyang muli ang bayan at doon tumira. 51 Ang naghati-hati ng lupain ay sina Eleazar na pari, Josue na anak ni Nun at ang mga pinuno ng bawat lahi ng Israel. Ginawa nila ito sa pamamagitan ng palabunutan sa presensya ng Panginoon, sa pintuan ng Toldang Tipanan doon sa Shilo. Kaya natapos na ang paghahati ng lupain.

Salmo 149-150

Awit ng Pagpupuri

149 Purihin ang Panginoon!
    Umawit kayo ng bagong awit sa Panginoon.
    Purihin nʼyo siya sa pagtitipon ng kanyang tapat na mga mamamayan.
Magalak ang mga taga-Israel sa kanilang Manlilikha.
    Magalak ang mga taga-Zion sa kanilang Hari.
Magpuri sila sa kanya sa pamamagitan ng pagsasayaw;
    at tumugtog sila ng tamburin at alpa sa pagpupuri sa kanya.
Dahil ang Panginoon ay nalulugod sa kanyang mga mamamayan;
    pinararangalan niya ang mga mapagpakumbaba sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng tagumpay.

Magalak ang mga tapat sa Dios dahil sa kanilang tagumpay;
    umawit sila sa tuwa kahit sa kanilang mga higaan.
Sumigaw sila ng pagpupuri sa Dios habang hawak ang matalim na espada,
para maghiganti at magparusa sa mamamayan ng mga bansa,
para ikadena ang kanilang mga hari at mga pinuno,
at parusahan sila ayon sa utos ng Dios.
    Itoʼy para sa kapurihan ng mga tapat na mamamayan ng Dios.

    Purihin ang Panginoon!

Purihin ang Panginoon

150 Purihin ang Panginoon!
    Purihin ninyo ang Dios sa kanyang templo.
    Purihin nʼyo siya sa langit, ang kanyang matibay na tirahan.
Purihin nʼyo siya dahil sa kanyang dakilang mga ginagawa.
    Purihin nʼyo siya dahil sa kanyang kapangyarihang walang kapantay.
Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng pagpapatunog ng mga trumpeta!
    Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga alpa at lira!
Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga tamburin at mga sayaw.
    Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga instrumentong may kwerdas at mga plauta.
Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga matutunog na mga pompyang.
Ang lahat ng may buhay ay magpuri sa Panginoon.

    Purihin ninyo ang Panginoon!

Jeremias 9

“Kung balon sana ng tubig ang aking ulo, at ang aking mga mata ay bukal ng luha, iiyak ako araw at gabi para sa mga kababayan kong pinatay. Kung mayroon lang sana akong matitirhan sa ilang para makalayo ako sa mga kababayan ko, dahil silang lahat ay nagtaksil na parang mga babaeng nangangalunya.”

Sinabi ng Panginoon, “Lagi silang handang magsinungaling na parang pana na handa nang itudla. Kasinungalingan ang namamayani sa lupaing ito at hindi ang katotohanan. Malala na ang paggawa nila ng kasalanan at hindi nila ako kinikilala.

“Mag-ingat kayo sa kapwa nʼyo at huwag kayong magtiwala sa mga kamag-anak nʼyo, dahil ang bawat isa ay mandaraya at naninira ng kapwa. Dinadaya ng bawat isa ang kapwa niya at wala ni isa ang nagsasalita ng katotohanan. Sanay na sa pagsisinungaling ang mga dila nila at pinapagod nila ang sarili nila sa paggawa ng kasalanan. Puro na lang pandaraya ang ginagawa nila, at dahil sa pandaraya ay ayaw na nila akong kilalanin. Kaya ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabing dadalisayin ko sila na parang metal at susubukin ko sila. Ano pa ang maaari kong gawin sa kanila? Ang kanilang mga dila ay parang panang nakakamatay. Puro na lang pandaraya ang kanilang sinasabi. Nakikipag-usap sila nang mabuti sa kapwa nila pero sa puso nilaʼy masama ang binabalak nila. Hindi baʼt nararapat ko silang parusahan? Hindi ba dapat na paghigantihan ko ang bansang katulad nito? Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

10 Sinabi ni Jeremias: Iiyak ako ng malakas para sa mga kabundukan at mananaghoy ako para sa mga pastulan. Dahil malungkot na ito at wala nang dumadaan. Hindi na marinig ang unga ng mga baka, at nag-alisan na ang mga ibon at mga hayop. 11 Dahil sinabi ng Panginoon, “Wawasakin ko ang Jerusalem, at magiging tirahan ito ng mga asong-gubat.[a] Gagawin kong parang ilang ang mga bayan ng Juda at wala nang titira rito.”

12 Nagtanong ako sa Panginoon, “Sino pong marunong na tao ang makakaunawa sa mga pangyayaring ito? Kanino nʼyo po ipinaliwanag ang tungkol dito para maipaliwanag ito sa mga tao? Bakit po nawasak ang lupaing ito at naging parang ilang na hindi na dinadaanan?”

13 Sumagot ang Panginoon, “Nangyari ito dahil hindi nila sinunod ang mga utos na ibinigay ko sa kanila. Hindi sila sumunod sa akin o sa mga utos ko. 14 Sa halip, sinunod nila ang kapasyahan ng matigas nilang mga puso. Sumamba sila kay Baal, gaya ng itinuro sa kanila ng mga ninuno nila. 15 Kaya ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsabing pakakainin ko ang mga taong ito ng mapait na pagkain at paiinumin ng tubig na may lason. 16 Ipapangalat ko sila sa mga bansang hindi nila kilala maging ng mga ninuno nila. Magpapadala ako ng hukbong sasalakay sa kanila para lubusan silang malipol.”

17 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Isipin nʼyo kung ano ang mga nangyayari! Tawagin nʼyo ang mga babaeng tagaiyak, lalo na ang mga sanay sa pag-iyak. 18 Pagmadaliin silang pumunta para iyakan ang mga mamamayan ko hanggang sa dumaloy ang kanilang luha.[b] 19 Pakinggan ang mga pag-iyak sa Jerusalem.[c] Sinasabi ng mga tao, ‘Nawasak tayo! Nakakahiya ang nangyaring ito sa atin! Kailangang iwan na natin ang ating lupain dahil nawasak na ang ating mga tahanan!’ ”

20 Ngayon, kayong mga babae, pakinggan ninyo ang sinasabi ng Panginoon. Pakinggan ninyo itong mabuti. Turuan ninyo ang inyong mga anak na babae at ang inyong kapwa na umiyak at managhoy. 21 Dumating ang kamatayan sa ating mga sambahayan at sa matitibay na bahagi ng ating lungsod. Pinatay ang mga bata na naglalaro sa mga lansangan at ang mga kabataang lalaki na nagkakatipon sa mga plasa. 22 At sinabi ng Panginoon, “Kakalat ang mga bangkay na parang mga dumi sa kabukiran, at parang mga butil na naiwan ng mga nag-aani, at wala nang kukuha sa mga ito. 23 Hindi dapat ipagmalaki ng marunong ang karunungan niya, o ng malakas ang kalakasan niya, o ng mayaman ang kayamanan niya. 24 Kung gusto ng sinuman na magmalaki, dapat lang niyang ipagmalaki na kilala niya ako at nauunawaan niyang ako ang Panginoong mapagmahal na gumagawa ng tama at matuwid dito sa mundo, dahil iyon ang kinalulugdan ko. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

25 “Darating ang araw na parurusahan ko ang lahat ng tinuli, na ang kanilang pamumuhay ay hindi nabago – 26 ang mga taga-Egipto, Juda, Edom, Ammon, Moab, at ang lahat ng nakatira sa malalayong ilang.[d] Ang totoo, lahat ng bansang ito pati na ang mga mamamayan ng Israel ay parang hindi rin mga tinuli.”

Mateo 23

Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan at sa mga Pariseo(A)

23 Pagkatapos, nagsalita si Jesus sa mga tao at sa mga tagasunod niya. Sinabi niya, “Ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. Kaya dapat ninyong pakinggan at sundin ang lahat ng itinuturo nila sa inyo. Pero huwag ninyong gayahin ang mga ginagawa nila dahil hindi nila ginagawa ang mga itinuturo nila. Ipinapatupad nila sa inyo ang mahihirap nilang kautusan, pero sila mismo ay hindi sumusunod sa mga ito. Ang lahat ng ginagawa nila ay pakitang-tao lang. At upang ipakita na napakarelihiyoso nila, nilalakihan nila ang kanilang mga pilakterya[a] at hinahabaan ang laylayan[b] ng kanilang mga damit. Mahilig silang umupo sa mga upuang pandangal sa mga handaan at mga sambahan. At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa mga mataong lugar at tawaging ‘Guro.’ Ngunit huwag kayong magpatawag na ‘Guro,’ dahil lahat kayoʼy magkakapatid at iisa lang ang inyong Guro. At huwag ninyong tawaging ‘Ama’ ang sinuman dito sa lupa, dahil iisa lang ang inyong Ama, ang Amang nasa langit. 10 Huwag din kayong magpatawag na ‘Amo,’ dahil iisa lang ang inyong amo, walang iba kundi ang Cristo. 11 Ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo. 12 Ang nagpapakataas ng kanyang sarili ay ibababa ng Dios, at ang nagpapakababa ay itataas ng Dios.”

Tinuligsa ni Jesus ang mga Tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo(B)

13 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Hinahadlangan ninyo ang mga tao na mapabilang sa kaharian ng Dios. Kayo mismo ay ayaw mapabilang at pinipigilan pa ninyo ang mga gustong mapabilang! 14 [Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari. Dinadaya ninyo ang mga biyuda para makuha ang kanilang mga ari-arian, at pinagtatakpan ninyo ang inyong mga ginagawa sa pamamagitan ng mahabang pagdarasal. Dahil dito, tatanggap kayo ng mas mabigat na parusa!] 15 Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nilalakbay ninyo ang dagat at lupa, mahikayat lang ang isang tao sa inyong pananampalataya. At kapag may nahikayat na kayo, ginagawa ninyo siyang mas masahol pa sa inyo at mas karapat-dapat pang parusahan sa impyerno! 16 Kaawa-awa kayong mga bulag na tagaakay! Itinuturo ninyo na kung manunumpa ang isang tao sa templo, hindi niya ito kailangang tuparin. Ngunit kung manunumpa siya sa gintong nasa templo, dapat niya itong tuparin. 17 Mga bulag! Mga hangal! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto o ang templo na nagpapabanal sa ginto? 18 Itinuturo rin ninyo na kung manunumpa ang isang tao sa altar, hindi niya ito kailangang tuparin. Ngunit kung manunumpa siya sa handog na nasa altar, dapat niya itong tuparin. 19 Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang altar na nagpapabanal sa handog? 20 Kaya nga, kapag nanumpa ang isang tao sa altar, nanunumpa rin siya pati sa handog na nasa altar. 21 Kapag nanumpa siya sa templo, nanunumpa rin siya pati sa Dios na naninirahan doon. 22 At kapag nanumpa siya sa langit, nanunumpa rin siya pati sa trono ng Dios at sa Dios mismo na nakaupo roon.

23 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Ibinibigay nga ninyo kahit ang ikapu[c] ng inyong mga pampalasa,[d] ngunit hindi naman ninyo sinusunod ang mga mas mahalagang utos tungkol sa pagiging makatarungan, mahabagin, at pagiging tapat. Dapat ngang magbigay kayo ng inyong mga ikapu, pero huwag naman ninyong kaligtaang gawin ang mga mas mahalagang utos. 24 Mga bulag na tagaakay! Sinasala ninyo ang maliliit na insekto sa inyong inumin, pero lumululon naman kayo ng kamelyo!

25 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan ayon sa inyong seremonya, ngunit ang loob ng puso ninyoʼy puno naman ng kasakiman at katakawan.[e] 26 Mga bulag na Pariseo! Linisin muna ninyo ang loob ng tasa at baso, at magiging malinis din ang labas nito.[f] 27 Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Katulad kayo ng mga libingang pininturahan ng puti at magandang tingnan sa labas, pero ang nasa loob ay puro kalansay at iba pang maruruming bagay. 28 Ganyang-ganyan kayo, dahil kung masdan kayo ng mga taoʼy parang tama ang ginagawa ninyo, pero sa loob ninyoʼy puno kayo ng pagkukunwari at kasalanan.”

Sinabi ni Jesus ang Kanilang Kaparusahan(C)

29 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Ipinapaayos ninyo ang mga libingan ng mga propeta at ng mga taong matuwid, at pinagaganda ninyo ang mga ito. 30 At sinasabi ninyo na kung buhay sana kayo sa panahon ng inyong mga ninuno, hindi ninyo papatayin ang mga propeta tulad ng ginawa nila. 31 Kung ganoon, inaamin nga ninyo na lahi kayo ng mga taong pumatay sa mga propeta! 32 Sige, tapusin nʼyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno! 33 Mga ahas! Lahi kayo ng mga ulupong! Hindi nʼyo matatakasan ang kaparusahan sa impyerno! 34 Kaya makinig kayo! Magpapadala ako sa inyo ng mga propeta, marurunong na tao at mga guro. Papatayin ninyo ang ilan sa kanila, at ang ibaʼy ipapako sa krus. Ang ibaʼy hahagupitin ninyo sa inyong sambahan, at uusigin ninyo sila saang lugar man sila pumunta. 35 Dahil dito, mananagot kayo sa pagpatay sa lahat ng taong matuwid mula kay Abel hanggang kay Zacarias na anak ni Berekia, na pinatay ninyo sa pagitan ng templo at ng altar. 36 Talagang kayong mga nabubuhay sa panahong ito ang mananagot sa lahat ng mga kasalanang ito.”

37 “Kayong mga taga-Jerusalem, binabato ninyo at pinapatay ang mga propeta na sinugo ng Dios sa inyo. Maraming beses ko na kayong gustong tipunin at alagaan gaya ng isang inahing manok na nagtitipon at nagkakanlong ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, pero ayaw ninyo. 38 Kaya bahala na kayo sa sarili ninyo. 39 Sapagkat hindi nʼyo na ako makikita hanggang sa dumating ang panahon na sabihin ninyo, ‘Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’ ”[g]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®