M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang mga Hari na Natalo sa Silangan ng Jordan
12 1-2 Sinakop na ng mga Israelita ang mga lupain sa silangan ng Ilog Jordan, mula sa Lambak ng Arnon hanggang sa Bundok ng Hermon, kasama na rito ang lupain sa silangan ng Lambak ng Jordan.[a] Ito ang mga hari sa mga lugar na natalo ng mga Israelita:
Si Sihon na Amoreo na nakatira sa Heshbon. Sakop ng kaharian niya ang kalahati ng Gilead. Ito ay mula sa Aroer sa tabi ng Lambak ng Arnon, at mula sa gitna nito hanggang sa Lambak ng Jabok, na siyang hangganan ng lupain ng mga Ammonita. 3 Sakop din niya ang silangan ng Lambak ng Jordan, mula sa Lawa ng Galilea hanggang sa Bet Jeshimot, sa silangan ng Dagat na Patay[b] at hanggang sa timog sa ibaba ng libis ng Pisga.
4 Ang ikalawa ay si Haring Og ng Bashan. Isa siya sa mga naiwan na Refaimeo. Nakatira siya sa Ashtarot at sa Edrei. 5 Ang sakop ng kaharian niya ay ang Bundok ng Hermon, Saleca, ang buong Bashan hanggang sa hangganan ng Geshur at Maaca, at ang kalahati ng Gilead, hanggang sa hangganan ng Heshbon, na ang hari ay si Sihon. 6 Tinalo sila ni Moises, na lingkod ng Panginoon, at ng mga Israelita. Ibinigay ni Moises ang lupain ng mga ito sa lahi ni Reuben, Gad at sa kalahating lahi ni Manase bilang mana nila.
Ang mga Hari na Natalo sa Kanluran ng Jordan
7-8 Sinakop din ni Josue at ng mga Israelita ang mga lupain sa kanluran ng Jordan, mula sa Baal Gad sa Lambak ng Lebanon hanggang sa Bundok ng Halak na paahon sa Seir. Ibinigay ni Josue ang mga lupaing ito sa mga Israelita bilang mana nila. Hinati niya ito ayon sa bawat lahi nila. Ang mga lupaing ito ay ang mga kabundukan, mga kaburulan sa kanluran,[c] ang Lambak ng Jordan, ang mga libis, ang disyerto sa timog, at ang Negev. Tinirhan ito dati ng mga Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hiveo, at mga Jebuseo. Ito ang mga hari ng mga lugar na iyon na tinalo ni Josue at ng mga Israelita:
9 ang hari ng Jerico
ang hari ng Ai (malapit sa Betel)
10 ang hari ng Jerusalem
ang hari ng Hebron
11 ang hari ng Jarmut
ang hari ng Lakish
12 ang hari ng Eglon
ang hari ng Gezer
13 ang hari ng Debir
ang hari ng Geder,
14 ang hari ng Horma
ang hari ng Arad
15 ang hari ng Libna
ang hari ng Adulam
16 ang hari ng Makeda
ang hari ng Betel
17 ang hari ng Tapua
ang hari ng Hefer
18 ang hari ng Afek
ang hari ng Lasharon
19 ang hari ng Madon
ang hari ng Hazor
20 ang hari ng Shimron Meron
ang hari ng Acshaf
21 ang hari ng Taanac
ang hari ng Megido
22 ang hari ng Kedesh
ang hari ng Jokneam (sa Carmel)
23 ang hari ng Dor (sa Nafat Dor)
ang hari ng Goyim (sa Gilgal)
24 ang hari ng Tirza.
Ang mga haring ito ay 31 lahat.
Ang Lupaing Sasakupin
13 Napakatanda na ni Josue. Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Matanda ka na at marami pang lupain ang kailangang sakupin. 2 Ito pa ang mga naiwan: ang lahat ng lupain ng mga Filisteo at Geshureo 3 na bahagi ng teritoryo ng mga Cananeo. Ito ay mula sa ilog ng Shihor sa silangan ng Egipto, hanggang sa hilagang hangganan ng Ekron kasama ang limang bayan ng mga Filisteo: Gaza, Ashdod, Ashkelon, Gat at Ekron, at ang lupain ng mga Aveo 4 sa timog; ang lahat ng lupain ng mga Cananeo mula sa Meara, na dating nasasakupan ng mga Sidoneo, hanggang sa Afek na nasa hangganan ng lupain ng mga Amoreo; 5 ang lupain ng mga Gebaleo, at ang buong Lebanon sa silangan, mula sa Baal Gad sa ibaba ng Bundok ng Hermon hanggang sa Lebo Hamat; 6 at pati ang mga kabundukan mula sa Lebanon hanggang sa Misrefot Maim, na bahagi ng nasasakupan ng mga Sidoneo.
“Sa paglusob ninyo, ako mismo ang magtataboy sa mga nakatira sa mga lugar na ito. Tiyakin mong mahahati-hati ang mga lupaing ito sa mga Israelita bilang mana nila, ayon sa iniutos ko sa iyo. 7 Isama mo ito sa paghahatiang lupain ng siyam na lahi at sa kalahating lahi ni Manase.”
8 Ang lahi ni Reuben, Gad at ang kalahating lahi ni Manase ay binigyan na ni Moises na lingkod ng Dios ng bahagi nila sa silangan ng Jordan. 9 Ang lupa nila ay mula sa Aroer sa tabi ng Lambak ng Arnon (kasama na ang bayan sa gitna nito) papunta sa buong talampas ng Medeba hanggang sa Dibon. 10 Umabot ito sa lahat ng bayan na pinamahalaan ni Sihon na Amoreo na naghari sa Heshbon, hanggang sa hangganan ng mga Ammonita. 11 Nakasama rin ang Gilead at ang mga lupaing tinirhan ng mga Geshureo at mga Maacateo at ang buong lugar na tinatawag na Bundok ng Hermon, at ang buong Bashan hanggang Saleca. 12 Nakasama rin ang kaharian ni Og na naghari sa Ashtarot at sa Edrei. Si Og ay isa sa mga naiwang Refaimeo. Silaʼy tinalo ni Moises at itinaboy sa kanilang mga lupain. 13 Pero hindi naitaboy[d] ng mga Israelita ang mga Geshureo at mga Maacateo, kaya nakatira pa rin sila kasama ng mga Israelita hanggang ngayon.
14 Hindi binigyan ni Moises ang lahi ni Levi ng lupain bilang mana. Ang matatanggap nila ay ang bahagi ng mga handog sa pamamagitan ng apoy[e] na para sa Panginoon, ang Dios ng Israel, ayon sa sinabi niya kay Moises.
15 Ito ang bahagi ng lupain na ibinigay ni Moises sa lahi ni Reuben, na hinati ayon sa bawat pamilya: 16 Ang nasasakupan nila ay mula sa Aroer na nasa tabi ng Lambak ng Arnon (kasama na ang bayan sa gitna nito) hanggang sa buong talampas ng Medeba. 17 Nakasama rin ang Heshbon at ang lahat ng bayan nito sa talampas: ang Dibon, Bamot Baal, Bet Baal Meon, 18 Jahaz, Kedemot, Mefaat, 19 Kiriataim, Sibma, Zeret Shahar (na nasa burol sa gitna ng lambak), 20 Bet Peor, ang libis ng Pisga, Bet Jeshimot, 21 at ang lahat ng bayan sa buong talampas at ang lahat ng lugar na sakop ng hari ng Amoreo na si Haring Sihon ng Heshbon. Tinalo siya ni Moises pati ang mga pinuno ng Midian na sina Evi, Rekem, Zur, Hur at Reba. Lahat sila ay naghari sa mga lupain nila sa ilalim ng pamamahala ni Haring Sihon. 22 Kasama sa mga pinatay ng mga Israelita si Balaam na manghuhula na anak ni Beor. 23 Ang Ilog ng Jordan ay ang hangganan ng lahi ni Reuben. Ito nga ang mga bayan at baryo na ibinigay sa lahi ni Reuben na hinati sa bawat sambahayan. 24 Ito naman ang bahagi ng lupain na ibinigay ni Moises sa lahi ni Gad, na hinati ayon sa bawat sambahayan: 25 Ang Jazer at ang lahat ng bayan ng Gilead, at ang kalahati ng lupain ng mga Ammonita hanggang sa Aroer malapit sa Rabba. 26 Nakasama rin ang mga lupain mula sa Heshbon hanggang sa Ramat Mizpa at Betomin, at mula sa Mahanaim hanggang sa hangganan ng Lo Debar. 27 Ang lupaing natanggap nila sa Lambak ng Jordan[f] ay ang Bet Haram, Bet Nimra, Sucot, Zafon at ang nalalabi sa kaharian ni Haring Sihon ng Heshbon. Ang hangganan sa kanluran ay ang Ilog ng Jordan hanggang sa Lawa ng Galilea. 28 Ito ang mga bayan at baryo na ibinigay sa lahi ni Gad na hinati ayon sa bawat sambahayan.
29 Ito naman ang bahagi ng lupain na ibinigay ni Moises sa kalahating lahi ni Manase, na hinati ayon sa bawat sambahayan: 30 Mula sa Mahanaim hanggang sa buong Bashan, ang buong kaharian ni Haring Og ng Bashan at ang 60 bayan ng Jair na sakop ng Bashan. 31 Nakasama rin ang kalahati ng Gilead, at ang Ashtarot at Edrei, ang mga lungsod sa Bashan kung saan naghari si Og. Ito ang lupain na ibinigay sa kalahating angkan ni Makir na anak ni Manase, ayon sa bawat pamilya.
32 Ito ang ginawang paghahati-hati ni Moises sa mga lupain sa silangan ng Jerico at Jordan nang nandoon siya sa kapatagan ng Moab. 33 Pero sa lahi ni Levi, hindi niya sila binigyan ng lupain bilang mana dahil ang mamanahin nila ay ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ayon sa ipinangako sa kanila.
Awit ng Pagpupuri
145 Ako ay magpupuri sa inyo, aking Dios at Hari.
Pupurihin ko kayo magpakailanman.
2 Pupurihin ko kayo araw-araw,
at itoʼy gagawin ko magpakailanman.
3 Panginoon, kayoʼy makapangyarihan at karapat-dapat na purihin.
Ang inyong kadakilaan ay hindi kayang unawain.
4 Ang bawat salinlahi ay magsasabi sa susunod na salinlahi ng tungkol sa inyong makapangyarihang gawa.
5 Pagbubulay-bulayan ko ang inyong kadakilaan at kapangyarihan, at ang inyong kahanga-hangang mga gawa.
6 Ipamamalita ng mga tao ang inyong kapangyarihan at kahanga-hangang mga gawa,
at ipamamalita ko rin ang inyong kadakilaan.
7 Ipamamalita nila ang katanyagan ng inyong kabutihan,
at aawit sila nang may kagalakan tungkol sa inyong katuwiran.
8 Panginoon, kayoʼy mahabagin at matulungin;
hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal.
9 Panginoon, mabuti kayo sa lahat;
nagmamalasakit kayo sa lahat ng inyong nilikha.
10 Pasasalamatan kayo, Panginoon, ng lahat ng inyong nilikha;
pupurihin kayo ng inyong mga tapat na mamamayan.
11 Ipamamalita nila ang inyong kapangyarihan at ang kadakilaan ng inyong paghahari,
12 upang malaman ng lahat ang inyong dakilang mga gawa at ang kadakilaan ng inyong paghahari.
13 Ang inyong paghahari ay magpakailanman.
Panginoon, tapat kayo sa inyong mga pangako,
at mapagmahal kayo sa lahat ng inyong nilikha.
14 Tinutulungan nʼyo ang mga dumaranas ng kahirapan,
at pinalalakas ang mga nanghihina.
15 Ang lahat ng nilalang na may buhay ay umaasa sa inyo,
at binibigyan nʼyo sila ng pagkain sa panahong kailangan nila.
16 Sapat ang inyong ibinibigay at silaʼy lubos na nasisiyahan.
17 Panginoon, matuwid kayo sa lahat ng inyong pamamaraan,
at matapat sa lahat ng inyong ginagawa.
18 Kayoʼy malapit sa lahat ng tapat na tumatawag sa inyo.
19 Ibinibigay nʼyo ang nais ng mga taong may takot sa inyo;
pinapakinggan nʼyo ang kanilang mga daing at inililigtas nʼyo sila.
20 Binabantayan nʼyo ang mga umiibig sa inyo,
ngunit ang masasama ay lilipulin ninyo.
21 Pupurihin ko kayo, Panginoon!
Ang lahat ng nilikha ay magpupuri sa inyo magpakailanman.
Napaligiran ang Jerusalem ng Kanyang mga Kaaway
6 “Mga lahi ni Benjamin, tumakas kayo at magtago! Umalis kayo sa Jerusalem! Patunugin nʼyo ang trumpeta sa Tekoa at hudyatan nʼyo ang Bet Hakerem, dahil darating na ang kapahamakan mula sa hilaga. 2 Wawasakin ko ang magandang lungsod ng Jerusalem.[a] 3 Papalibutan ito ng mga pinuno at ng kanilang mga sundalo.[b] Magtatayo sila ng kanilang mga tolda sa paligid nito at doon sila magkakampo. 4 Sasabihin ng mga pinuno, ‘Humanda kayo! Pagsapit ng tanghali, sasalakayin natin sila.’ Pero pagdating ng hapon, sasabihin ng pinuno, ‘Lumulubog na ang araw at medyo nagdidilim na. 5 Ngayong gabi na lang tayo sasalakay at wawasakin natin ang mga matitibay na bahagi ng lungsod na ito.’ ”
6 Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Pumutol kayo ng mga kahoy na pangwasak sa mga pader ng Jerusalem, at magtambak kayo ng lupa sa gilid ng pader at doon kayo dumaan. Nararapat nang parusahan ang lungsod na ito dahil laganap na rito ang mga pang-aapi. 7 Katulad ng bukal na patuloy ang pag-agos ng tubig, patuloy ang paggawa nito ng kasamaan. Palaging nababalitaan sa lungsod na ito ang mga karahasan at panggigiba. Palagi kong nakikita ang mga karamdaman at sugat nito. 8 Mga taga-Jerusalem, babala ito sa inyo at kung ayaw pa ninyong makinig, lalayo ako sa inyo, at magiging mapanglaw ang lupain nʼyo at wala nang maninirahan dito.”
9 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Ang mga matitirang buhay sa Israel ay ipapaubos ko sa mga kaaway, katulad ng huling pamimitas ng mga natitirang ubas. Tinitingnan nilang mabuti ang mga sanga at kukunin ang mga natitirang bunga.”
10 Nagtanong ako, “Pero Panginoon sino po ang bibigyan ko ng babala? Sino po kaya ang makikinig sa akin? Tinakpan po nila ang kanilang mga tainga para hindi sila makarinig. Kinasusuklaman po nila ang salita ng Panginoon, kaya ayaw nilang makinig. 11 Matindi rin ang galit na nararamdaman ko tulad ng sa Panginoon at hindi ko mapigilan.”
Sinabi ng Panginoon, “Ipapadama ko ang galit ko pati sa mga batang naglalaro sa lansangan, mga kabataang lalaki na nagkakatipon, mga mag-asawa at pati na sa matatanda. 12 Ibibigay sa iba ang mga bahay nila, pati ang mga bukid at mga asawa nila. Mangyayari ito kapag pinarusahan ko na ang mga nakatira sa lupaing ito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
13 “Mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila, pare-pareho silang sakim sa pera. Kahit ang mga propeta at mga pari ay mga mandaraya rin. 14 Binabalewala nila ang sugat ng aking mga mamamayan kahit malala na ito. Sinasabi rin nila na payapa ang lahat, kahit hindi naman. 15 Nahihiya ba sila sa ugali nilang kasuklam-suklam? Hindi! Wala na kasi silang kahihiyan! Ni hindi nga namumula ang kanilang mukha sa kahihiyan. Kaya mapapahamak sila katulad ng iba. Ibabagsak sila sa araw na parusahan ko sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
16 Ito pa ang sinabi ng Panginoon, “Tumayo kayo sa mga kanto at magmasid kayo nang mabuti. Magtanong kayo kung alin ang dati at mabuting daan, at doon kayo dumaan. At makakamtan ninyo ang kapayapaan. Pero sinabi ninyo, ‘Hindi kami dadaan doon.’ 17 Naglagay ako ng mga tagapagbantay at sinabi nila sa inyo, ‘Pakinggan ninyo ang tunog ng trumpeta bilang babala.’ Pero sinabi ninyo, ‘Hindi namin iyon pakikinggan.’
18 “Kaya kayong mga bansa, makinig kayo. Masdan ninyong mabuti kung ano ang mangyayari sa kanila. 19 Buong mundo, makinig kayo! Magpapadala ako ng kapahamakan sa mga taong ito para parusahan sila sa kanilang masamang mga binabalak. Sapagkat ayaw nilang pakinggan ang mga salita ko at itinakwil nila ang mga kautusan ko. 20 Walang halaga sa akin ang inihahandog nilang insenso kahit na galing pa ito sa Sheba, o ang mga pabangong mula pa sa malayong lugar. Hindi ko tatanggapin ang kanilang mga handog na sinusunog. Hindi ako natutuwa sa mga handog nila sa akin. 21 Kaya ako, ang Panginoon, ay maglalagay ng katitisuran sa dinadaanan ng mga taong ito. At dahil dito, babagsak ang mga ama at mga batang lalaki, pati ang mga magkaibigan at magkapitbahay.”
22 Ito pa ang sinasabi ng Panginoon, “Tingnan ninyo, may mga sundalong dumarating galing sa lupain sa hilaga, isang makapangyarihang bansa na galing sa malayong lupain[c] na handang sumalakay. 23 Ang dala nilang armas ay mga pana at mga sibat. Malulupit sila at walang habag. Ang ingay nila ay parang malalakas na alon habang nakasakay sila sa kanilang mga kabayo. Darating sila para salakayin kayo, mga taga-Jerusalem.”
24 Nabalitaan namin ang tungkol sa kanila at kami ay nanlupaypay. Takot at hirap ang naramdaman namin katulad ng paghihirap ng babaeng manganganak na. 25 Huwag na kayong lalabas para pumunta sa mga bukid o lumakad sa mga daan, dahil may mga kaaway kahit saan na handang pumatay. Nakakatakot sa ating paligid. 26 Mga kababayan, magsuot kayo ng damit na panluksa[d] at gumulong kayo sa abo para ipakita ang kalungkutan ninyo. Umiyak kayo na parang namatay ang kaisa-isa ninyong anak na lalaki. Sapagkat bigla tayong sasalakayin ng kaaway.
27 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Ginawa kitang tulad ng tagasuri ng mga metal, para masuri mo ang pag-uugali ng aking mga mamamayan. 28 Silang lahat ay rebelde at matitigas ang ulo, kasintigas ng tanso at bakal. Nanlalait at nanloloko sila ng kanilang kapwa. 29 Pinapainit nang husto ang pugon para dalisayin ang pilak mula sa tinggang nakahalo rito, pero hindi rin lubusang nadalisay ang pilak. Ganyan din ang mga mamamayan ko, wala ring kabuluhan ang pagdalisay sa kanila, dahil hindi pa rin naaalis nang lubusan ang kasamaan nila. 30 Tatawagin silang, ‘Itinakwil na Pilak’ dahil itinakwil ko sila.”
Ang mga Manggagawa sa Ubasan
20 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: Isang araw, maagang lumabas ang isang may-ari ng ubasan para humanap ng mga manggagawa. 2 Nang makakita siya ng mga manggagawa, nakipagkasundo siya sa kanila na makakatanggap sila ng karampatang sahod para sa isang araw na trabaho, at pagkatapos ay pinapunta ang mga ito sa ubasan niya. 3 Nang mga alas nuwebe na ng umaga, lumabas siyang muli at may nakita siyang mga taong walang trabaho at nakatambay lang sa may pamilihan. 4 Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta kayo sa ubasan ko at magtrabaho. Babayaran ko kayo nang nararapat.’ 5 Kaya pumunta ang mga ito sa ubasan. Nang bandang tanghali, muli siyang lumabas at may nakita pang ilang mga tao. Pinagtrabaho rin niya ang mga ito. Ito rin ang ginawa niya nang mga alas tres na ng hapon. 6 Nang mag-aalas singko na ng hapon, muli na naman siyang lumabas at nakakita pa ng mga ilan na nakatambay lang. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit maghapon kayong nakatayo riyan at walang ginagawa?’ 7 Sumagot sila, ‘Dahil wala naman pong nagbigay sa amin ng trabaho.’ Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta kayo sa ubasan ko at magtrabaho.’
8 “Nang magtatakip-silim na, sinabi ng may-ari sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo na ang mga manggagawa at bigyan ng sahod. Unahin mo ang mga huling nagtrabaho, hanggang sa mga unang nagtrabaho.’ 9 Dumating ang mga nagsimula nang alas singko ng hapon, at tumanggap sila ng sahod para sa isang araw na trabaho. 10 Nang dumating na ang mga naunang nagtrabaho, inakala nilang tatanggap sila ng higit kaysa sa mga huling nagtrabaho. Pero tumanggap din sila ng ganoon ding halaga. 11 Pagkatanggap nila ng sahod, nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. 12 Sinabi nila, ‘Ang mga huling dumating ay isang oras lang nagtrabaho, samantalang kami ay nagtrabaho ng buong araw at nagtiis ng init, pero pareho lang ang sahod namin!’ 13 Sinagot ng may-ari ang isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi baʼt nagkasundo tayo na bibigyan kita ng sahod para sa isang araw na trabaho? 14 Kaya tanggapin mo na ang sahod mo, at umuwi ka na. Desisyon ko na bigyan ng parehong sahod ang mga huling nagtrabaho. 15 Hindi baʼt may karapatan akong gawin ang gusto ko sa pera ko? O naiinggit lang kayo dahil mabuti ako sa kanila?’ ” 16 Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Ganyan din ang mangyayari sa huling araw. May mga hamak ngayon na magiging dakila, at may mga dakila ngayon na magiging hamak.”
Ang Ikatlong Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)
17 Habang naglalakad sina Jesus papuntang Jerusalem, inihiwalay niya ang 12 tagasunod sa mga tao. Sinabi niya sa kanila, 18 “Pupunta na tayo sa Jerusalem, at ako na Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Hahatulan nila ako ng kamatayan 19 at ibibigay sa mga hindi Judio para insultuhin, hagupitin at ipako sa krus. Ngunit mabubuhay akong muli sa ikatlong araw.”
Ang Kahilingan ng Ina nina Santiago at Juan(B)
20 Lumapit kay Jesus ang asawa ni Zebedee, kasama ang dalawang anak niyang lalaki. Lumuhod siya kay Jesus dahil may gusto siyang hilingin. 21 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang gusto mo?” Sumagot siya, “Kung maaari po sana, kapag naghahari na kayo, paupuin nʼyo ang dalawa kong anak sa tabi nʼyo; isa sa kanan at isa sa kaliwa.” 22 Pero sinagot sila ni Jesus, “Hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Kaya ba ninyong tiisin ang mga pagdurusang titiisin ko?”[a] Sumagot sila, “Opo, kaya namin.” 23 Sinabi ni Jesus, “Maaaring kaya nga ninyong tiisin. Ngunit hindi ako ang pumipili kung sino ang uupo sa kanan o sa kaliwa ko. Ang mga lugar na iyon ay para lang sa mga pinaglaanan ng aking Ama.”
24 Nang malaman ng sampung tagasunod kung ano ang hiningi ng magkapatid, nagalit sila sa kanila. 25 Kaya tinawag silang lahat ni Jesus at sinabi, “Alam ninyong ang mga pinuno ng mga bansa ay may kapangyarihan sa mga taong nasasakupan nila, at kahit anong gustuhin nila ay nasusunod. 26 Ngunit hindi dapat ganyan ang umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na gustong maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo. 27 At ang sinuman sa inyo na gustong maging pinuno ay dapat maging alipin ninyo. 28 Maging ako na Anak ng Tao ay naparito sa mundo, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at magbigay ng aking buhay para maligtas ang maraming tao.”
Pinagaling ni Jesus ang Dalawang Bulag(C)
29 Nang papaalis na sa Jerico si Jesus at ang mga tagasunod niya, sinundan sila ng napakaraming tao. 30 Samantala, may dalawang bulag doon na nakaupo sa tabi ng daan. Nang marinig nilang dumaraan si Jesus, sumigaw sila, “Panginoon, Anak ni David,[b] maawa po kayo sa amin!” 31 Pero sinaway sila ng mga tao at pinagsabihang manahimik. Ngunit lalo pa nilang nilakasan ang kanilang pagsigaw, “Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa amin!” 32 Tumigil si Jesus, tinawag sila, at tinanong, “Ano ang gusto ninyong gawin ko sa inyo?” 33 Sumagot sila, “Panginoon, gusto po naming makakita.” 34 Naawa si Jesus sa kanila, kaya hinipo niya ang kanilang mga mata. Agad silang nakakita at sumunod kay Jesus.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®