M’Cheyne Bible Reading Plan
Nagpadala si Josue ng mga Espiya sa Jerico
2 Pagkatapos, lihim na nagpadala si Josue ng dalawang tao mula sa kampo ng mga Israelita sa Shitim para mag-espiya sa lupain ng Canaan, lalung-lalo na sa lungsod ng Jerico. Nang makarating ang dalawang espiya sa Jerico, nakituloy sila sa bahay ni Rahab na isang babaeng bayaran.
2 Nabalitaan ng hari ng Jerico na may dumating na mga Israelita nang gabing iyon para mag-espiya sa kanila. 3 Kaya nagpadala ng mensahe ang hari kay Rahab, na sinasabi: “Palabasin mo ang mga taong nakituloy sa bahay mo, dahil nandito sila para mag-espiya sa lupain natin.”
4-6 Sinabi ni Rahab, “Totoo pong may mga taong nakituloy dito, pero hindi ko po alam kung taga saan sila. Umalis sila nang madilim na at pasara na ang pintuan ng lungsod. Hindi ko alam kung saan sila pupunta, pero kung susundan nʼyo agad sila, maaabutan nʼyo pa sila.” (Pero ang totoo, itinago ni Rahab ang dalawang espiya sa bubong ng bahay niya at tinakpan niya sila ng mga pinagputol-putol na halaman na ginagawang telang linen na pinapatuyo niya roon.)
Umalis ang mga tauhan ng hari para habulin ang dalawang espiya. 7 Paglabas nila sa lungsod, isinara agad ang pintuan nito. Sa paghabol nila nakarating sila hanggang sa tawiran ng Ilog ng Jordan.
8 Bago matulog ang dalawang espiya, umakyat si Rahab sa bubong at 9 sinabi sa kanila, “Alam kong ibinigay sa inyo ng Panginoon ang lupaing ito at labis ang pagkatakot ng mga tao rito sa inyo. 10 Nabalitaan namin kung paano pinatuyo ng Panginoon ang Dagat na Pula nang lumabas kayo sa Egipto. Nabalitaan din namin kung paano nʼyo pinatay ang dalawang hari ng mga Amoreo na sina Sihon at Og, sa silangan ng Jordan. 11 Natakot kami nang mabalitaan namin ito at naduwag ang bawat isa sa amin dahil sa inyo. Sapagkat ang Panginoon na inyong Dios ay siyang Dios sa langit at sa lupa. 12 Kaya ngayon, ipangako nʼyo sa pangalan ng Panginoon na tutulungan nʼyo ang pamilya ko gaya ng pagtulong ko sa inyo. Bigyan nʼyo ako ng patunay 13 na hindi nʼyo papatayin ang mga magulang ko, mga kapatid ko at ang buo nilang sambahayan.”
14 Sinabi ng dalawang espiya kay Rahab, “Itataya namin ang buhay namin para sa inyo! Huwag mo lang ipagsasabi ang pag-espiya namin dito, hindi ka namin gagalawin kapag ibinigay na ng Panginoon ang lupaing ito sa amin.”
15 Si Rahab ay nakatira sa bahay na nasa pader ng lungsod, kaya tinulungan niya ang dalawang espiya na makababa sa bintana gamit ang lubid. 16 Sinabi ni Rahab sa kanila, “Pumunta kayo sa kabundukan para hindi kayo makita ng mga humahabol sa inyo. Magtago kayo roon sa loob ng tatlong araw hanggang makabalik sila rito. Pagkatapos, maaari na kayong umuwi.”
17 Sinabi ng dalawang espiya kay Rahab, “Tutuparin namin ang ipinangako namin sa iyo, 18 pero kailangang gawin mo rin ito: Kapag nilusob na namin ang lupain nʼyo, itali mo ang pulang lubid na ito sa bintanang binabaan namin. Tipunin mo sa bahay mo ang mga magulang mo, mga kapatid mo at ang buo nilang sambahayan. 19 Kung may isang lalabas at pupunta sa daan, hindi na namin pananagutan kapag namatay siya. Pero may pananagutan kami kapag may namatay sa loob ng bahay mo. 20 Pero kung ipagsasabi mo ang mga ginagawa namin, hindi namin tutuparin ang ipinangako namin sa iyo.” 21 Sumagot si Rahab, “Oo, payag ako.” Pagkatapos, pinaalis sila ni Rahab, at itinali niya agad ang pulang lubid sa bintana.
22 Nang makaalis na ang dalawang espiya, pumunta sila sa kabundukan. Doon sila nagtago sa loob ng tatlong araw habang hinahanap sila ng mga tauhan ng hari sa mga daanan. Hindi sila nakita, kaya umuwi na lang ang mga tauhan ng hari. 23 Bumaba ng kabundukan ang dalawang espiya, at tumawid sa ilog at bumalik kay Josue. Ikinuwento nila kay Josue ang lahat ng nangyari. 24 Sinabi nila, “Totoong ibinibigay ng Panginoon ang buong lupain sa atin. Ang mga tao roon ay takot na takot sa atin.”
Dalangin para Kahabagan
123 Panginoon, dumadalangin ako sa inyo,
sa inyo na nakaupo sa inyong trono sa langit.
2 Kung paanong ang alipin ay naghihintay sa ibibigay ng kanyang amo,
naghihintay din kami Panginoon naming Dios, na tulungan nʼyo at kahabagan.
3 Maawa kayo sa amin Panginoon, dahil labis na ang panghahamak sa amin.
4 Sobra na ang pangungutya sa amin ng mga taong hambog at walang magawa.
Ang Dios ang Tagapagligtas ng Kanyang mga Mamamayan
124 “Kung ang Panginoon ay hindi pumanig sa atin, ano kaya ang nangyari?”
Sumagot kayo mga taga-Israel!
2 “Kung ang Panginoon ay hindi pumanig sa atin noong sinalakay tayo ng ating mga kaaway,
3 maaaring pinatay na nila tayo, dahil sa matinding galit nila sa atin.
4-5 Maaaring para tayong tinangay ng baha at nalunod dahil sa malakas na agos ng tubig.”
6 Purihin ang Panginoon,
dahil hindi niya pinayagang lapain tayo ng ating mga kaaway,
na parang mababangis na hayop.
7 Nakatakas tayo katulad ng ibong nakawala sa nasirang bitag.
8 Ang tulong natin ay nagmula sa Panginoon,
na gumawa ng langit at ng lupa.
Ang Kaligtasan ng mga Mamamayan ng Dios
125 Ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay tulad ng Bundok ng Zion na hindi natitinag,
sa halip ay nananatili magpakailanman.
2 Kung paanong ang mga bundok ay nakapaligid sa lungsod ng Jerusalem,
ang Panginoon ay nasa paligid din ng kanyang mga mamamayan magpakailanman.
3 Ang masama ay hindi mananatiling namamahala sa lupaing para sa mga matuwid,
dahil baka makagawa rin ng masama ang mga matuwid.
4 Panginoon, gawan nʼyo ng mabuti ang mga taong mabuti na namumuhay nang matuwid.
5 Ngunit parusahan nʼyo kasama ng masasama ang inyong mamamayan na sumusunod sa hindi wastong pamumuhay.
Mapasaiyo nawa Israel ang kapayapaan.
62 Dahil sa mahal ko ang Jerusalem, hindi ako tatahimik hanggaʼt hindi dumarating ang kanyang tagumpay at katuwiran na parang nagbubukang-liwayway; at hanggang sa mapasakanya ang kanyang kaligtasan na parang nagniningas na sulo. 2 O Jerusalem, makikita ng mga bansa at ng kanilang mga hari ang iyong tagumpay, katuwiran, at ang iyong kapangyarihan. Bibigyan ka ng Panginoon ng bagong pangalan. 3 Ikaw ay magiging parang koronang maganda sa kamay ng Panginoon na iyong Dios. 4 Hindi ka na tatawaging, “Itinakwil” o “Pinabayaan”. Ikaw ay tatawaging, “Kaligayahan ng Dios” o “Ikinasal sa Dios”, dahil nalulugod sa iyo ang Dios at para bang ikaw ay ikakasal sa kanya. 5 Siya na lumikha sa iyo[a] ay magpapakasal sa iyo na parang isang binata na ikakasal sa isang birhen. At kung papaanong ang nobyo ay nagagalak sa kanyang nobya, ang iyong Dios ay nagagalak din sa iyo. 6 Jerusalem, naglagay ako ng mga tagapagbantay sa iyong mga pader. Hindi sila titigil araw-gabi sa pagbibigay ng babala sa mga mamamayan mo.
Kayong mga nananalangin sa Panginoon, huwag kayong titigil sa inyong pananalangin. 7 Huwag ninyong titigilan ang Panginoon hanggang sa itayo niyang muli ang Jerusalem at gawing lugar na kapuri-puri sa buong mundo. 8 Nangako ang Panginoon na gagawin niya ito sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Sinabi niya, “Hindi ko na ipapakain ang inyong mga trigo sa inyong mga dayuhang kaaway. Hindi na rin nila maiinom ang mga bagong katas ng ubas na inyong pinaghirapan. 9 Kayo mismong nag-aani ng trigo ang kakain nito, at pupurihin ninyo ako. Kayo mismong namimitas ng ubas ang iinom ng katas nito roon sa aking templo.”
10 Mga taga-Jerusalem, lumabas kayo sa pintuan ng inyong lungsod, at ihanda ninyo ang daraanan ng iba pa ninyong mga kababayan. Linisin ninyo ang kanilang daraanan. Alisin ninyo ang mga bato, at magtayo kayo ng bandila na nagpapahiwatig sa mga tao na pinauuwi na ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan. 11 Makinig kayo! Nagpadala ng mensahe ang Panginoon sa buong mundo,[b] na nagsasabi, “Sabihin ninyo sa lahat ng taga-Israel na ang kanilang Tagapagligtas ay dumating na, at may dalang gantimpala. 12 Tatawagin silang ‘Banal’[c] at ‘Iniligtas ng Panginoon.’ At ang Jerusalem naman ay tatawaging, ‘Lungsod na Pinananabikan’ at ‘Lungsod na hindi na Pinabayaan.’ ”
Ang Labindalawang Apostol(A)
10 Tinawag ni Jesus ang kanyang 12 tagasunod[a] at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng anumang sakit at karamdaman. 2 Ito ang mga pangalan ng 12 apostol: si Simon (na kung tawagin ay Pedro), na siyang nangunguna sa kanila, si Andres na kanyang kapatid, si Santiago at si Juan na mga anak ni Zebedee, 3 si Felipe, si Bartolome, si Tomas, si Mateo na maniningil ng buwis, si Santiago na anak ni Alfeus, si Tadeus, 4 si Simon na makabayan,[b] at si Judas Iscariote na siyang nagtraydor kay Jesus nang bandang huli.
Sinugo ni Jesus ang Labindalawang Apostol(B)
5 Sinugo ni Jesus ang 12 tagasunod niya at pinagbilinan, “Huwag kayong pumunta sa mga lugar ng mga hindi Judio o sa alin mang bayan ng mga Samaritano. 6 Sa halip, puntahan ninyo ang mga Israelita na parang mga nawawalang tupa. 7 Ipahayag ninyo sa kanila na malapit na[c] ang paghahari ng Dios. 8 Pagalingin nʼyo ang mga may sakit, buhayin ang mga patay, pagalingin ang mga may malubhang sakit sa balat para maituring silang malinis, at palayasin ang masasamang espiritu. Tinanggap ninyo ang kapangyarihang ito nang walang bayad, kaya ipamahagi rin ninyo nang walang bayad. 9 Huwag kayong magbaon ng pera,[d] 10 o kayaʼy magdala ng bag, damit na pambihis, sandalyas o tungkod. Sapagkat ang manggagawa ay dapat lang na suportahan sa mga pangangailangan niya.
11 “Sa alin mang bayan o nayon na inyong pupuntahan, humanap kayo ng taong malugod kayong tatanggapin sa kanyang bahay,[e] at makituloy kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo. 12 Sa pagpasok ninyo sa tahanang iyon, pagpalain ninyo ang lahat ng nakatira roon. 13 Kung talagang tinatanggap nila kayo, pagpalain ninyo sila. Ngunit kung hindi, huwag nʼyo silang pagpalain. 14 Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang tahanan o bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang babala laban sa kanila. 15 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin nila kaysa sa mga taga-Sodom at Gomora.”
Mga Pag-uusig na Darating(C)
16 “Tandaan ninyo, tulad kayo ng mga tupang sinugo ko sa mga lobo, kaya maging matalino kayo gaya ng mga ahas, at kasing-amo ng mga kalapati. 17 Mag-ingat kayo sa mga tao, dahil dadakpin nila kayo at dadalhin sa hukuman, at hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sambahan. 18 Iimbestigahan kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Magiging pagkakataon ninyo iyon para magpatotoo sa kanila at sa mga hindi Judio ng tungkol sa akin. 19 At kapag dinala kayo sa hukuman, huwag kayong mag-alala kung ano ang sasabihin ninyo o kung paano kayo sasagot, dahil ibibigay ng Dios sa inyo sa sandaling iyon ang sasabihin ninyo. 20 Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama. Siya ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.”
21 “Sa panahong iyon, may mga taong ipagkakanulo ang kanilang kapatid para patayin. Ganoon din ang mga ama sa kanilang mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga magulang. 22 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ay maliligtas 23 Kapag inuusig kayo sa isang bayan, pumunta kayo sa ibang bayan. Dahil ang totoo, hindi pa man ninyo nalilibot ang lahat ng bayan ng Israel, ako na Anak ng Tao ay babalik na.
24 “Walang mag-aaral na mas higit sa kanyang guro, at walang aliping mas higit sa kanyang amo. 25 Sapat na sa isang mag-aaral na maging katulad ng kanyang guro, at sa alipin na maging katulad ng kanyang amo. Kung akong pinuno ninyo ay tinatawag nilang Satanas,[f] gaano pa kaya kasama ang itatawag nila sa inyong mga tagasunod ko?”
Ang Dapat Katakutan(D)
26 “Kaya huwag kayong matakot sa mga tao. Sapagkat walang natatagong hindi malalantad, at walang lihim na hindi mabubunyag. 27 Ang mga bagay na sa inyo ko lang sinasabi ay sabihin ninyo sa lahat,[g] at ang mga ibinubulong ko sa inyo ay ipamalita ninyo sa mga tao. 28 Huwag kayong matakot sa mga gustong pumatay sa inyo. Ang katawan lang ninyo ang kaya nilang patayin, pero hindi ang inyong kaluluwa. Sa halip, matakot kayo sa Dios, na siyang may kakayahang puksain ang katawan at kaluluwa ninyo sa impyerno. 29 Hindi baʼt napakamura ng halaga ng dalawang maya? Pero wala ni isa man sa kanila ang nahuhulog sa lupa nang hindi ayon sa kagustuhan ng inyong Ama. 30 Mas lalo na kayo, maging ang bilang ng inyong mga buhok ay alam niya. 31 Kaya huwag kayong matakot, dahil mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.”
Ang Pagkilala kay Cristo(E)
32 “Ang sinumang kumikilala sa akin bilang Panginoon sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko rin sa harap ng aking Amang nasa langit. 33 Ngunit ang hindi kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Amang nasa langit.”
Ang Pagkakahati-hati ng Sambahayan Dahil kay Cristo(F)
34 “Huwag ninyong isipin na naparito ako sa lupa upang magkaroon nang maayos na relasyon ang mga tao. Naparito ako upang magkaroon sila ng hidwaan.[h] 35 Dahil sa akin, kokontrahin ng anak na lalaki ang kanyang ama, at kokontrahin ng anak na babae ang kanyang ina. Ganoon din ang gagawin ng manugang na babae sa kanyang biyenang babae. 36 Ang magiging kaaway ng isang tao ay ang sarili niyang sambahayan.[i]
37 “Ang nagmamahal sa kanyang mga magulang ng higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At ang nagmamahal sa kanyang anak ng higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 38 Ang sinumang ayaw sumunod sa akin dahil natatakot siyang mamatay para sa akin[j] ay hindi karapat-dapat sa akin. 39 Ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”
Mga Gantimpala(G)
40 “Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. 41 Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa kanyang pagkapropeta ay makakatanggap ng gantimpalang naaayon para sa isang propeta. At ang tumatanggap sa matuwid na tao dahil sa kanyang pagkamatuwid ay makakatanggap ng gantimpalang naaayon para sa matuwid na tao. 42 At ang sinumang magbibigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa pinakahamak kong tagasunod ay tiyak na makakatanggap ng gantimpala.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®