Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Josue 1

Ang Paghahanda sa Pag-agaw ng Canaan

Nang mamatay na si Moises na lingkod ng Panginoon, sinabi ng Panginoon sa kanang-kamay ni Moises na si Josue na anak ni Nun, “Patay na ang lingkod kong si Moises. Kaya ngayon, maghanda kayo, ikaw at ang lahat ng Israelita, sa pagtawid sa Ilog ng Jordan papunta sa lupaing ibibigay ko sa inyo. Ayon sa ipinangako ko kay Moises, ibibigay ko sa inyo ang lahat ng lupaing mararating ninyo. Ito ang magiging teritoryo nʼyo: mula sa disyerto sa timog hanggang sa kabundukan ng Lebanon sa hilaga, at mula sa malaking Ilog ng Eufrates sa silangan, hanggang sa Dagat ng Mediteraneo sa kanluran, at ang lupain ng mga Heteo.

“Walang makakatalo sa iyo habang ikaw ay nabubuhay. Sasamahan kita gaya ng pagsama ko kay Moises. Hindi kita iiwan o kayaʼy pababayaan. Magpakatatag ka at magpakatapang, dahil ikaw ang mamumuno sa mga taong ito para angkinin ang lupaing ipinangako ko sa mga ninuno nila. Bastaʼt magpakatatag ka lang at magpakatapang. Sundin mong mabuti ang lahat ng kautusan na ibinigay sa iyo ng lingkod kong si Moises. Huwag mo itong kalilimutan para magtagumpay ka sa lahat ng ginagawa mo. Huwag mong kalimutang basahin ang Aklat ng Kautusan. Pagbulay-bulayan mo ito araw at gabi para malaman mo kung paano mo matutupad nang mabuti ang lahat ng nakasulat dito. Kung gagawin mo ito, uunlad ka at magtatagumpay. Alalahanin mo palagi ang bilin ko sa iyo: Magpakatatag ka at magpakatapang. Huwag kang matakot o kayaʼy manghina, dahil ako, ang Panginoon na iyong Dios, ay sasaiyo kahit saan ka pumaroon.”

10 Kaya, inutusan ni Josue ang mga pinuno ng Israel, 11 “Libutin ninyo ang kampo at sabihin ninyo sa mga tao na maghanda sila ng mga pagkain nila dahil sa ikatlong araw mula ngayon, tatawid tayo sa Ilog ng Jordan para angkinin ang lupaing ibinigay sa atin ng Panginoon na ating Dios.”

12 At sinabi ni Josue sa mga lahi nina Reuben, Gad at sa kalahating lahi ni Manase, 13 “Alalahanin nʼyo ang sinabi sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon. Sinabi niya na bibigyan kayo ng Panginoon na inyong Dios ng lugar na matitirhan na may kapahingahan. At ito na nga ang lupaing ibinigay niya sa inyo: 14 Ang silangang bahagi ng Ilog ng Jordan. Mananatili rito ang mga asawa, mga anak at mga hayop ninyo. Pero dapat mauna ang mga sundalo sa pagtawid sa Jordan para tulungan ang mga kapatid ninyo, 15 hanggang sa masakop nila ang lupaing ibinigay sa kanila ng Panginoon na ating Dios. Pagkatapos, maaari na kayong bumalik dito sa silangang bahagi ng Jordan, para angkinin ang lupaing ito na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod niya.”

16 Sumagot sila kay Josue, “Gagawin namin ang lahat ng sinabi nʼyo, at pupunta kami kahit saan nʼyo kami ipadala. 17 Susunod kami sa inyo gaya ng pagsunod namin kay Moises. Samahan nawa kayo ng Panginoon na inyong Dios gaya ng pagsama niya kay Moises. 18 Papatayin ang sinumang lalabag sa pamumuno at utos ninyo. Kaya magpakatatag po kayo at magpakatapang!”

Salmo 120-122

Dalangin para Tulungan ng Dios

120 Sa aking paghihirap akoʼy tumawag sa Panginoon,
    at akoʼy kanyang sinagot.

Panginoon, iligtas nʼyo ako sa mga mandaraya at sinungaling.

Kayong mga sinungaling, ano kaya ang ipaparusa ng Dios sa inyo?
Parurusahan niya kayo sa pamamagitan ng matatalim na pana ng mga kawal at nagliliyab na baga.
Nakakaawa ako dahil naninirahan akong kasama ng mga taong kasinsama ng mga taga-Meshec at mga taga-Kedar.
Matagal na rin akong naninirahang kasama ng mga walang hilig sa kapayapaan.
Ang nais koʼy kapayapaan, ngunit kapag akoʼy nagsalita tungkol sa kapayapaan, ang gusto nilaʼy digmaan.

Ang Panginoon ang Aking Tagapag-ingat

121 Tumitingin ako sa mga bundok;
    saan kaya nanggagaling ang aking saklolo?
Ang tulong para sa akin ay nanggagaling sa Panginoon,
    na gumawa ng langit at ng lupa.

Hindi niya papayagan na ikaw ay mabuwal.
    Siyang nag-iingat sa iyo ay hindi natutulog.
Pakinggan mo ito!
    Ang nag-iingat sa mga taga-Israel ay hindi umiidlip o natutulog.
Ang Panginoon ang nag-iingat sa iyo;
    siyaʼy kasama mo upang ikaw ay patnubayan.
Hindi makakasakit sa iyo ang init ng araw o ang liwanag ng buwan kung gabi.[a]
Iingatan ka ng Panginoon sa anumang kapahamakan;
    pati ang buhay moʼy kanyang iingatan.
Ang Panginoon ang mag-iingat sa iyo nasaan ka man,
    ngayon at magpakailanman.

Papuri sa Jerusalem

122 Ako ay nagalak ng sabihin nila sa akin,
    “Pumunta tayo sa templo ng Panginoon.”
At ngayoʼy narito na kami at nakatayo sa pintuan ng Jerusalem.
Ang Jerusalem ay bayan na itinayong maganda at matibay.
Dito pumupunta ang mga lahi ng Israel upang purihin ang Panginoon ng naaayon sa kanyang itinuro sa kanila.
Dito sa Jerusalem ang hukuman ng mga hari na mula sa angkan ni David.
Idalangin ninyo na maging mabuti ang kalagayan ng Jerusalem sa pamamagitan ng pagsasabi,
    “Umunlad sana ang nagmamahal sa bayan na ito.
Magkaroon sana ng kapayapaan sa loob ng Jerusalem at kaunlaran sa palasyo nito.”

Alang-alang sa aking mga kamag-anak at mga kaibigan, sasabihin ko sa Jerusalem,
    “Sumainyo ang kapayapaan.”
Alang-alang sa templo ng Panginoon na ating Dios, mananalangin ako para sa kabutihan at kaunlaran ng Jerusalem.

Isaias 61

Ililigtas ng Panginoon ang Kanyang mga Mamamayan

61 Ang Espiritu ng Panginoong Dios ay nasa akin. Sapagkat hinirang niya ako na mangaral ng magandang balita sa mga mahihirap. Sinugo niya ako para aliwin ang mga sugatang-puso, at para ibalita sa mga bihag at mga bilanggo na silaʼy malaya na. 2-3 Sinugo rin niya ako para ibalita na ngayon na ang panahon na ililigtas ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan at parurusahan ang kanilang mga kaaway. Sinugo rin niya ako para aliwin ang mga nalulungkot sa Zion, nang sa ganoon, sa halip na maglagay sila ng abo sa kanilang ulo bilang tanda ng pagdadalamhati, maglalagay sila ng langis o ng koronang bulaklak sa kanilang ulo bilang tanda ng kaligayahan. Silaʼy magiging parang matibay na puno na itinanim ng Panginoon. Kikilalanin silang mga taong matuwid sa ikakaluwalhati ng Panginoon. Muli nilang itatayo ang kanilang mga lungsod na matagal nang nagiba.

Mga mamamayan ng Dios, maglilingkod sa inyo ang mga dayuhan. Aalagaan nila ang inyong mga hayop, at magtatrabaho sila sa inyong mga bukid at mga ubasan. Tatawagin kayong mga pari ng Panginoon, mga lingkod ng ating Dios. Makikinabang kayo sa kayamanan ng mga bansa at magagalak kayo na ang mga itoʼy naging inyo. Sa halip na kahihiyan, dodoble ang matatanggap ninyong pagpapala sa inyong lupain at talagang masisiyahan kayo sa matatanggap ninyo. Magiging maligaya kayo magpakailanman.

“Sapagkat ako, ang Panginoon, ay nagagalak sa katarungan. Galit ako sa mga pagnanakaw at sa iba pang kasamaan. Sa aking katapatan, gagantimpalaan ko ang mga mamamayan ko at gagawa ako ng walang hanggang kasunduan sa kanila. Ang lahi nilaʼy magiging tanyag sa mga bansa. Ang lahat ng makakakita sa kanila ay magsasabing mga tao silang aking pinagpala.”

10 Nalulugod ako sa Panginoon kong Dios, dahil para niya akong binihisan ng kaligtasan at tagumpay. Para akong lalaking ikakasal na may suot na katulad ng magandang damit ng pari, o babae sa kasal na may mga alahas. 11 Sapagkat kung papaanong tiyak na sa lupa tumutubo ang mga binhi, ang tagumpay at katuwiran naman ay tiyak na manggagaling sa Panginoong Dios, at pupurihin siya ng mga bansa.

Mateo 9

Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko(A)

Sumakay sina Jesus sa bangka at tumawid sa kabila ng lawa. Pagdating nila roon, umuwi si Jesus sa sarili niyang bayan. Doon ay may mga taong nagdala sa kanya ng isang paralitikong nakaratay sa higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, lakasan mo ang loob mo. Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” Nang marinig ito ng ilang tagapagturo ng Kautusan na naroon, sinabi nila sa kanilang sarili, “Nilalapastangan ng taong ito ang Dios.” Pero alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya sinabi niya, “Bakit kayo nag-iisip ng masama? Alin ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? Ngayon, papatunayan ko sa inyo sa pamamagitan ng pagpapagaling sa taong ito na akong Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at umuwi ka!” Tumayo nga ang paralitiko at umuwi. Namangha ang mga tao nang makita nila ito, at pinapurihan nila ang Dios na nagbigay sa mga tao ng ganoong kapangyarihan.

Tinawag ni Jesus si Mateo(B)

Nang umalis na roon si Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo, na nakaupo sa lugar na pinagbabayaran ng buwis. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman si Mateo at sumunod kay Jesus.

10 Habang kumakain si Jesus at ang mga tagasunod niya sa bahay ni Mateo, nagdatingan ang maraming maniningil ng buwis at ang iba pang mga itinuturing na makasalanan at kumaing kasama nila. 11 Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang mga tagasunod ni Jesus, “Bakit ang guro ninyo ay kumakaing kasama ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang mga makasalanan?” 12 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Hindi ang mga walang sakit ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga may sakit. 13 Umalis na kayo at pag-isipan nʼyo kung ano ang kahulugan ng sinasabing ito ng Kasulatan: ‘Hindi ang handog ninyo ang hinahangad ko kundi ang maging maawain kayo.’[a] Sapagkat naparito ako hindi upang tawagin ang mga taong matuwid sa kanilang sariling paningin, kundi ang mga makasalanan.”

Ang Tanong tungkol sa Pag-aayuno(C)

14 May ilang mga tagasunod ni Juan na Tagapagbautismo ang pumunta kay Jesus at nagtanong, “Kami at ang mga Pariseo ay madalas mag-ayuno. Bakit hindi nag-aayuno ang mga tagasunod ninyo?” 15 Sumagot si Jesus, “Maaari bang magdalamhati ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Siyempre, hindi! Ngunit darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal, at saka sila mag-aayuno.”

16 Sinabi pa ni Jesus, “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit, dahil kapag nilabhan uurong[b] ang bagong tela at lalo pang lalaki ang punit. 17 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, dahil puputok ang sisidlan at matatapon ang alak, at ang sisidlan ay hindi na mapapakinabangan pa. Sa halip, inilalagay ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat, at pareho silang magtatagal.”

Ang Anak ng Pinuno at ang Babaeng Dinudugo(D)

18 Habang sinasabi niya ang mga ito, dumating ang isang namumuno ng sambahan ng mga Judio. Lumuhod ito sa kanyang harapan at sinabi, “Kamamatay lang po ng anak kong babae, pero kung pupuntahan nʼyo siya at ipapatong ang inyong kamay sa kanya, mabubuhay siyang muli.” 19 Kaya tumayo si Jesus at sumama sa kanya, pati na rin ang mga tagasunod niya. 20 Habang naglalakad sila, lumapit sa likuran ni Jesus ang isang babae na 12 taon nang dinudugo, at hinipo niya ang laylayan[c] ng damit ni Jesus. 21 Sapagkat sinabi ng babae sa kanyang sarili, “Mahipo ko lang ang damit niya ay gagaling na ako.” 22 Lumingon si Jesus at pagkakita sa babae ay sinabi, “Anak, lakasan mo ang loob mo. Pinagaling[d] ka ng iyong pananampalataya.” At gumaling nga ang babae nang sandaling iyon.

23 Nang dumating na si Jesus sa bahay ng pinuno, nakita niya ang mga manunugtog ng plauta sa libing at ang maraming taong nagkakaingay. 24 Sinabi niya, “Magsilabas kayo! Hindi patay ang bata; natutulog lang siya.” Pinagtawanan nila si Jesus. 25 Nang mapalabas na ang mga tao, pumasok si Jesus at hinawakan sa kamay ang bata, at bumangon ito. 26 Kumalat ang balitang ito sa buong lugar na iyon.

Pinagaling ni Jesus ang Dalawang Bulag

27 Pagkaalis ni Jesus sa lugar na iyon, sumunod sa kanya ang dalawang bulag na sumisigaw, “Anak ni David,[e] maawa po kayo sa amin!” 28 Pagdating ni Jesus sa bahay na kanyang tutuluyan, lumapit sa kanya ang mga bulag na lalaki. Tinanong sila ni Jesus, “Naniniwala ba kayo na kaya ko kayong pagalingin?” Sumagot sila, “Opo, Panginoon.” 29 At hinipo ni Jesus ang mga mata nila, at sinabi, “Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong pananampalataya.” 30 At nakakita nga ang dalawa. Mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag nila itong sasabihin kaninuman. 31 Pero umalis ang dalawa at ibinalita nila sa buong lugar na iyon ang ginawa sa kanila ni Jesus.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Pipi

32 Habang paalis na sina Jesus, dinala sa kanya ang isang lalaking pipi na sinasaniban ng masamang espiritu. 33 Pinalayas ni Jesus ang masamang espiritu, at nakapagsalita ang pipi. Namangha ang mga tao at sinabi, “Kailanman ay hindi pa nangyari ang ganito sa buong Israel.” 34 Pero sinabi ng mga Pariseo, “Ang pinuno ng masasamang espiritu ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu.”

Naawa si Jesus sa mga Tao

35 Nilibot ni Jesus ang mga bayan at nayon, at nangaral siya sa mga sambahan ng mga Judio. Ipinahayag niya ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios, at pinagaling niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman. 36 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, naawa siya sa kanila, dahil napakarami ng kanilang mga problema pero wala man lang tumutulong sa kanila. Para silang mga tupang walang pastol. 37 Kaya sinabi niya sa mga tagasunod niya, “Marami ang aanihin, pero kakaunti ang tagapag-ani. 38 Kaya idalangin ninyo sa Panginoon, na siyang may-ari ng anihin, na magpadala siya ng mga tagapag-ani.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®