Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Bilang 8

Ang Paglalagay ng mga Ilaw

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron na kung ilalagay na niya ang pitong ilaw, kailangan na maliwanagan ng ilaw ang lugar sa harapan ng lalagyan nito.”

Kaya ginawa ito ni Aaron; inilagay niya ang mga ilaw na ang sinag nito ay nagliliwanag sa harapan, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises. Ang buong lalagyan ng ilaw, mula sa ilalim hanggang sa itaas ay ginawa mula sa ginto ayon sa disenyo na ipinakita ng Panginoon kay Moises.

Ang Pagtatalaga ng mga Levita

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ibukod ang mga Levita sa ibang mga Israelita, at linisin sila.[a] Ganito ang gagawin mong paglilinis sa kanila: wisikan mo sila ng tubig na ginagamit sa paglilinis, ahitan ang buo nilang katawan, at palabhan ang kanilang mga damit. Pagkatapos nito ay ituturing na silang malinis. Pagkatapos, pagdalhin mo sila ng batang toro at ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis bilang handog na pagpaparangal sa Panginoon. Pagdalhin mo rin sila ng isa pang batang toro bilang handog sa paglilinis.

“Pagkatapos, tipunin mo ang buong mamamayan ng Israel at italaga ang mga Levita sa harap ng Toldang Tipanan. 10 Dalhin mo ang mga Levita sa aking presensya at ipapatong ng mga Israelita ang kanilang mga kamay sa mga ulo nito. 11 Si Aaron ang magtatalaga sa kanila sa aking presensya bilang espesyal na handog[b] mula sa mga Israelita, para makapaglingkod sila sa akin.

12 “Pagkatapos, ipapatong ng mga Levita ang mga kamay nila sa ulo ng dalawang toro na handog para sa akin. Ang isa ay bilang handog sa paglilinis at ang isa naman ay bilang handog na sinusunog, para mapatawad sila sa kanilang mga kasalanan. 13 At patatayuin sila sa harapan ni Aaron at ng mga anak niyang lalaki, at itatalaga sila bilang espesyal na handog sa akin. 14 Sa pamamagitan nito, ibubukod mo ang mga Levita sa ibang mga Israelita, at magiging akin sila.

15 “Pagkatapos na malinisan mo ang mga Levita at maitalaga sila sa akin bilang espesyal na handog, makapaglilingkod na sila sa Toldang Tipanan. 16 Sila ang mga Israelita na ibinukod para lang sa akin kapalit ng lahat ng panganay na lalaki ng mga Israelita. 17 Dahil ang bawat panganay sa Israel ay akin, tao man o hayop. Nang pinagpapatay ko ang lahat ng panganay ng mga Egipcio, ibinukod ko para sa akin ang lahat ng panganay na lalaki ng Israel. 18 At kinuha ko ang mga Levita kapalit ng lahat ng panganay na lalaki ng Israel. 19 Sa lahat ng mga Israelita, ang mga Levita ang pinili ko na tumulong kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki. Maglilingkod sila sa Toldang Tipanan para sa mga Israelita, at gagawa sila ng mga seremonya para sa kapatawaran ng kasalanan ng mga Israelita, para walang panganib na dumating sa kanila kapag lumapit sila sa Toldang Tipanan.”

20 Kaya itinalaga nila Moises, Aaron at ng buong mamamayan ng Israel ang mga Levita ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises. 21 Naglinis ang mga Levita ng kanilang sarili at nilabhan nila ang kanilang mga damit. Pagkatapos, itinalaga sila ni Aaron sa presensya ng Panginoon bilang espesyal na handog, at gumawa si Aaron ng seremonya para sa kapatawaran ng mga kasalanan nila, at para maituring silang malinis. 22 Pagkatapos noon, naglingkod na ang mga Levita sa Toldang Tipanan sa ilalim ng pamamahala ni Aaron at ng mga anak niya. Kaya ginawa nila sa mga Levita ang iniutos ng Panginoon kay Moises.

23 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 24 “Para sa mga Levita ang mga tuntuning ito: Magsisimula ang mga Levita sa paglilingkod sa Toldang Tipanan sa edad na 25, 25 at titigil sila sa paglilingkod sa edad na 50. At kapag magreretiro na sila, 26 maaari silang makatulong sa kapwa nila Levita sa pamamagitan ng paglilingkod bilang tagapagbantay sa Tolda, pero hindi na sila gagawa ng mga gawain sa Tolda. Ganito ang paraan kung paano mo ibibigay ang mga tungkulin sa mga Levita.”

Salmo 44

Dalangin para Iligtas ng Dios

44 O Dios, narinig namin mula sa aming mga ninuno
    ang tungkol sa mga ginawa nʼyo sa kanila noong kanilang kapanahunan.
Matagal nang panahon ang lumipas.
Ang mga bansang hindi naniniwala sa inyo
    ay pinalayas nʼyo sa kanilang mga lupain at pinarusahan,
    samantalang ang aming mga ninuno ay itinanim nʼyo roon at pinalago.
Nasakop nila ang lupain,
    hindi dahil sa kanilang mga armas.
    Nagtagumpay sila hindi dahil sa kanilang lakas,
    kundi sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan, pagpapala at kakayahan,
    dahil mahal nʼyo sila.

O Dios, kayo ang aking Hari na nagbigay ng tagumpay sa amin na lahi ni Jacob.
Sa pamamagitan nʼyo pinatumbaʼt tinapak-tapakan namin ang aming mga kaaway.
Hindi ako nagtitiwala sa aking espada at pana upang akoʼy magtagumpay,
dahil kayo ang nagpapatagumpay sa amin.
    Hinihiya nʼyo ang mga kumakalaban sa amin.
O Dios, kayo ang lagi naming ipinagmamalaki,
    at pupurihin namin kayo magpakailanman.

Ngunit ngayoʼy itinakwil nʼyo na kami at inilagay sa kahihiyan.
    Ang mga sundalo namin ay hindi nʼyo na sinasamahan.
10 Pinaatras nʼyo kami sa aming mga kaaway,
    at ang aming mga ari-arian ay kanilang sinamsam.
11 Pinabayaan nʼyong kami ay lapain na parang mga tupa.
    Pinangalat nʼyo kami sa mga bansa.
12 Kami na inyong mga mamamayan ay ipinagbili nʼyo sa kaunting halaga.
    Parang wala kaming kwenta sa inyo.
13 Ginawa nʼyo kaming kahiya-hiya;
    iniinsulto at pinagtatawanan kami ng aming mga kalapit na bansa.
14 Ginawa nʼyo kaming katawa-tawa sa mga bansa,
    at pailing-iling pa sila habang nang-iinsulto.
15 Akoʼy palaging inilalagay sa kahihiyan.
    Wala na akong mukhang maihaharap pa,
16 dahil sa pangungutya at insulto sa akin ng aking mga kaaway na gumaganti sa akin.

17 Ang lahat ng ito ay nangyari sa amin
    kahit na kami ay hindi nakalimot sa inyo,
    o lumabag man sa inyong kasunduan.
18 Hindi kami tumalikod sa inyo,
    at hindi kami lumihis sa inyong pamamaraan.
19 Ngunit kami ay inilugmok nʼyo at pinabayaan sa dakong madilim na tinitirhan ng mga asong-gubat.[a]
20 O Dios, kung kayo ay nakalimutan namin,
    at sa ibang dios, kami ay nanalangin,
21 hindi baʼt iyon ay malalaman nʼyo rin?
    Dahil alam nʼyo kahit ang mga lihim sa isip ng tao.
22 Ngunit dahil sa aming pananampalataya sa inyo,
    kami ay palaging nasa panganib ang aming buhay.
    Para kaming mga tupang kakatayin.

23 Sige na po, Panginoon! Kumilos na kayo!
    Huwag nʼyo kaming itakwil magpakailanman.
24 Bakit nʼyo kami binabalewala?
    Bakit hindi nʼyo pinapansin ang aming pagdurusa at ang pang-aapi sa amin?
25 Nagsibagsak na kami sa lupa at hindi na makabangon.
26 Sige na po, tulungan nʼyo na kami.
    Iligtas nʼyo na kami dahil sa inyong pagmamahal sa amin.

Awit ng mga Awit 6

Mga Babae ng Jerusalem

O babaeng pinakamaganda, nasaan na ang iyong mahal? Saan siya nagpunta upang matulungan ka naming hanapin siya?

Babae

Ang aking mahal ay nagpunta sa hardin niyang puno ng halamang ginagawang pabango, upang magpastol doon at kumuha ng mga liryo. Akoʼy sa aking mahal, at ang mahal ko naman ay sa akin lang. Nagpapastol siya sa gitna ng mga liryo.

Lalaki

O napakaganda mo, irog ko. Kasingganda ka ng lungsod ng Tirza at kabigha-bighani gaya ng Jerusalem. Kamangha-mangha ka gaya ng mga kawal na may dalang mga bandila. Huwag mo akong titigan dahil hindi ko ito matagalan. Ang buhok moʼy parang kawan ng kambing na pababa sa Bundok ng Gilead. Ang mga ngipin moʼy kasimputi ng tupang bagong paligo. Buong-buo at maganda ang pagkakahanay nito. Mamula-mula ang noo mong natatakpan ng belo, tulad ng bunga ng pomegranata.

Kahit na akoʼy may 60 asawang reyna, 80 asawang alipin, at hindi mabilang na mga dalaga, nag-iisa lang ang aking sinisinta. Tunay na maganda at walang kapintasan. Ang tanging anak na babae ng kanyang ina at pinakapaborito pa. Ang mga babaeng nakakakita sa kanya ay hindi mapigilang purihin siya. Kahit na ang mga asawang reyna at asawang alipin ay humahanga sa kanya. 10 Ang sabi nila, “Sino ba ito na kapag tiningnan ay parang bukang-liwayway ang kagandahan? Kasingganda siya ng buwan, nakakasilaw na parang araw at nakakamangha tulad ng mga bituin.”[a]

11 Pumunta ako sa taniman ng almendro para tingnan ang mga bagong tanim na sumibol sa may lambak, at para tingnan na rin kung umuusbong na ang mga ubas at kung ang mga pomegranata ay namumulaklak na. 12 Hindi ko namalayan, ako palaʼy nandoon na sa maharlikang higaan kasama ang aking mahal.

Mga Babae ng Jerusalem

13 Bumalik ka, dalagang taga-Shulam, bumalik ka para makita ka namin.[b]

Lalaki

Bakit gusto ninyong makita ang dalaga ng Shulam na sumasayaw sa gitna ng mga manonood?

Hebreo 6

Kaya bilang matatagal nang sumasampalataya, dapat na nating iwan ang mga panimulang aralin tungkol kay Cristo, at magpatuloy sa mga malalalim na aralin. Huwag na tayong magpabalik-balik pa sa mga aral tungkol sa pagsisisi at pagtalikod sa mga bagay na walang kabuluhan, at tungkol sa pananampalataya sa Dios, mga aral tungkol sa bautismo, pagpapatong ng kamay sa ulo, muling pagkabuhay ng mga patay, at paghahatol ng Dios sa magiging kalagayan ng tao magpakailanman. Sa halip, kung loloobin ng Dios, magpatuloy tayo sa malalalim na aralin, 4-6 upang hindi natin siya talikuran. Sapagkat kung tatalikuran ng isang tao ang Dios, hindi na siya mapagsisisi at mapapanumbalik pa sa Dios. Naliwanagan na ang pag-iisip niya, nakatikim na ng mga biyaya mula sa langit, tumanggap ng Banal na Espiritu, nakatikim na ng kabutihang dulot ng salita ng Dios, at nakadama na ng kapangyarihang ihahayag sa huling araw. Pagkatapos, kung tumalikod pa rin siya sa Dios, hindi na siya mapagsisisi at mapapanumbalik sa Dios dahil para na rin niyang ipinakong muli sa krus at dinala sa kahihiyan ang Anak ng Dios.

Tulad tayo ng lupang pinagpapala ng Dios, na matapos tumanggap ng masaganang ulan ay tinutubuan ng mga halamang pakikinabangan ng magsasaka. Ngunit kung matitinik na mga halaman lang ang tumutubo roon, wala itong pakinabang. Nanganganib itong sumpain na lang ng Dios, at sa bandang huli ay susunugin.

Mga minamahal, kahit na ganito ang sinasabi namin, nakakatiyak kaming nasa mabuti kayong kalagayan tungkol sa kaligtasan ninyo. 10 Makatarungan ang Dios, at hindi niya magagawang kalimutan ang inyong mabubuting gawa at ang pagmamahal na ipinakita ninyo sa kanya at patuloy na ipinapakita sa pamamagitan ng pagtulong sa mga kapwa pinabanal[a] ng Dios. 11 Nais naming patuloy na maging masigasig ang bawat isa sa inyo sa pag-asa nʼyo sa Dios hanggang sa wakas, para makamtan ninyo ang inaasahan ninyo. 12 Huwag kayong maging tamad, sa halip, tularan nʼyo ang mga tao na tumatanggap ng mga ipinangako ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya nila at pagtitiis.

Tiyak ang Pangako ng Dios

13 Tingnan nʼyo ang karanasan ni Abraham: Nang mangako ang Dios kay Abraham, hindi siya gumamit ng ibang pangalan para patunayan ang pangako niya, kundi ginamit niya ang sarili niyang pangalan dahil wala nang makahihigit pa sa kanya. 14 Sinabi niya, “Talagang pagpapalain kita at pararamihin ko ang lahi mo.”[b] 15 At pagkatapos ng matiyagang paghihintay, natanggap ni Abraham ang mga ipinangako sa kanya. 16 Nanunumpa ang mga tao sa pangalan ng Dios na mas nakahihigit sa kanila para paniwalaan sila at wala ng pag-usapan pa. 17 Ganito rin ang ginawa ng Dios noon sa mga taong pinangakuan niya. Ipinakita niya sa kanila sa pamamagitan ng panunumpa na tutuparin niya ang pangako niya. 18 At ang dalawang bagay na ito – ang pangako niya at panunumpa – ay hindi mababago, dahil hindi magagawang magsinungaling ng Dios. Kaya tayong mga nagpakalinga sa kanya ay may matibay na pag-asang pinanghahawakan na gagawin niya ang ipinangako niya sa atin. 19 Ang pag-asang ito ay matibay tulad ng angkla, at ito ay nagbibigay kapanatagan sa buhay natin, dahil umaabot ito sa Pinakabanal na Lugar, 20 kung saan nauna nang pumasok si Jesus para sa atin. Siya ang punong pari natin magpakailanman, katulad ng pagkapari ni Melkizedek.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®