M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Unang Mensahe ni Balaam
23 Sinabi ni Balaam kay Balak, “Pagawan mo ako rito ng pitong altar, at ipaghanda mo ako ng pitong toro at pitong matandang lalaking tupa.” 2 Sinunod ni Balak ang sinabi ni Balaam, at silang dalawa ang naghandog ng toro at ng lalaking tupa sa bawat altar. 3 Pagkatapos, sinabi ni Balaam kay Balak, “Dito ka lang sa tabi ng iyong handog dahil aalis ako. Baka makipagkita ang Panginoon sa akin. Sasabihin ko na lang sa iyo kung ano ang sasabihin niya sa akin.” Kaya umakyat siya sa itaas ng burol.
4 Nakipagkita ang Panginoon sa kanya at sinabi ni Balaam, “Nagpagawa po ako ng pitong altar, at sa bawat altar ay naghandog ako ng isang batang toro at tupa.”
5 Binigyan ng Panginoon si Balaam ng mensahe at sinabi, “Bumalik ka kay Balak at sabihin sa kanya ang mensaheng ito.” 6 Kaya bumalik si Balaam, at nakita niya si Balak na nakatayo sa tabi ng kanyang mga handog, kasama ng lahat ng pinuno ng Moab. 7 Pagkatapos, sinabi ni Balaam,
“Ipinatawag mo ako, Haring Balak ng Moab, mula sa Aram, sa kabundukan sa silangan. Sinabi mo sa akin, ‘Dali, sumpain mo ang mga lahi ni Jacob para sa akin. Sumpain sila na mga mamamayan ng Israel.’ 8 Paano ko susumpain ang mga taong hindi isinusumpa ng Dios? Paano ko susumpain ang mga taong hindi isinusumpa ng Panginoon? 9 Mula sa itaas ng bundok, nakita ko sila. Nabubuhay sila nang sila lang, na nakabukod sa ibang mga bansa. 10 Sino ba ang may kayang bumilang sa kanilang dami na tulad ng buhangin sa tabing-dagat? Mamatay sana ako na tulad ng matuwid na mga mamamayan ng Dios.”
11 Sinabi ni Balak kay Balaam, “Ano itong ginawa mo sa akin? Dinala kita rito para sumpain ang aking mga kaaway pero ang ginawa mo, binasbasan mo pa sila!” 12 Sumagot si Balaam, “Kailangang sabihin ko ang sinabi ng Panginoon sa akin.”
Ang Ikalawang Mensahe ni Balaam
13 Pagkatapos, sinabi ni Balak sa kanya, “Sumama ka sa akin sa isa pang lugar na kung saan makikita mo ang iba pang mga mamamayan ng Israel, pero hindi ang lahat. At doon, sumpain mo sila.” 14 Kaya dinala ni Balak si Balaam sa isang bukid sa Zofim, sa ibabaw ng bundok ng Pisga, at doon nagpatayo sila ng pitong altar at naghandog ng pitong baka at pitong lalaking tupa, isa sa bawat altar.
15 Sinabi ni Balaam kay Balak, “Dito ka lang sa tabi ng iyong handog habang nakikipagkita ako sa Panginoon diyan sa unahan.”
16 Nakipagkita ang Panginoon kay Balaam at binigyan niya siya ng mensahe. At sinabi niya, “Bumalik ka kay Balak at sabihin mo sa kanya ang mensaheng ito.”
17 Kaya nagbalik si Balaam kay Balak, at nakita niya siya na nakatayo sa tabi ng kanyang handog, kasama ng mga pinuno ng Moab. Nagtanong si Balak kay Balaam, “Ano ang sinabi ng Panginoon sa iyo?”
18 Sinabi ni Balaam, “Dali, Balak na anak ni Zipor, at pakinggan mo ako. 19 Ang Dios ay hindi tao na magsisinungaling, o magbabago ng kanyang isip. Nagsasabi ba siya ng hindi niya ginagawa? Nangangako ba siya ng hindi niya tinutupad? 20 Inutusan niya akong magbasbas, at kapag nabasbasan na niya, hindi ko na ito mababawi pa. 21 Wala akong nakitang kapahamakan o kaguluhan na dadating sa Israel. Kasama nila ang Panginoon na kanilang Dios; kinikilala nila siya na kanilang hari. 22 Inilabas sila ng Dios sa Egipto; tulad siya ng isang malakas na toro para sa kanila. 23 Walang manghuhula o mangkukulam na makakasakit sa kanila. Kaya sasabihin ng mga tao tungkol sa Israel, ‘Tunay na kamangha-mangha ang ginawa ng Dios sa Israel. 24 Tulad ng isang leong handang sumalakay ang mamamayang ito at hindi nagpapahinga hanggang sa malamon niya ang kanyang biktima at mainom ang dugo nito.’ ”
25 Pagkatapos, sinabi ni Balak kay Balaam, “Kung hindi mo sila susumpain, huwag mo silang pagpapalain!” 26 Sumagot si Balaam, “Hindi baʼt sinabihan na kita na kailangang gawin ko kung ano ang sasabihin ng Panginoon sa akin?”
Ang Ikatlong Mensahe ni Balaam
27 Muling sinabi ni Balak kay Balaam, “Halika, dadalhin kita sa ibang lugar. Baka roon, pumayag na ang Dios na sumpain mo ang Israel para sa akin.” 28 Kaya dinala ni Balak si Balaam sa ibabaw ng Bundok ng Peor, kung saan nakikita ang disyerto sa ibaba. 29 Sinabi ni Balaam, “Pagawan mo ako rito ng pitong altar at maghanda ka ng pitong toro at pitong lalaking tupa para sa akin.” 30 Kaya ginawa ni Balak ang sinabi ni Balaam, at naghandog siya ng isang baka at isang tupa sa bawat altar.
Ang Parusa sa Masasamang Tao
64 O Dios, pakinggan nʼyo ang daing ko!
Ingatan nʼyo ang buhay ko mula sa banta ng aking mga kaaway.
2 Ingatan nʼyo ako sa kasamaang pinaplano nila.
3 Naghahanda sila ng matatalim na salita,
na gaya ng espada at palasong nakakasugat.
4 Nagsasalita sila ng masakit sa likod ng mga taong matuwid
na parang namamana nang patago.
Bigla nila itong ginagawa nang walang katakot-takot.
5 Hinihikayat nila ang isaʼt isa na gumawa ng kasamaan
at pinag-uusapan nila kung saan maglalagay ng bitag.
Sinasabi nila, “Walang makakakita nito.”
6 Nagpaplano sila ng masama at sinasabi, “Napakaganda ng plano natin!”
Talagang napakatuso ng isip at puso ng tao!
7 Ngunit papanain sila ng Dios at bigla na lang silang masusugatan.
8 Mapapahamak sila dahil sa masasama nilang sinabi,
kukutyain sila ng mga makakakita sa kanila.
9 At lahat ng tao ay matatakot.
Pag-iisipan nila ang mga ginawa ng Dios at ipahahayag ito sa iba.
10 Magagalak at manganganlong sa Panginoon ang lahat ng matuwid.
At magpupuri sa kanya ang mga gumagawa ng tama.
Pagpupuri at Pagpapasalamat
65 O Dios, marapat ka naming purihin sa Zion!
Ang mga ipinangako namin sa inyo ay aming tutuparin.
2 Sa inyo lalapit ang lahat ng tao,
dahil dinidinig nʼyo ang mga panalangin.
3 Napakarami ng aming kasalanan,
ngunit pinapatawad nʼyo pa rin ang mga ito.
4 Mapalad ang taong pinili nʼyo at inanyayahang manirahan sa inyong templo.
Lubos kaming magagalak sa mga kabutihang nasa inyong tahanan,
ang inyong banal na templo.
5 O Dios na aming Tagapagligtas,
tinugon nʼyo ang aming mga dalangin
sa pamamagitan ng inyong kamangha-manghang pagliligtas sa amin.
Kayo ang pag-asa ng tao sa lahat ng lupain at maging ng manlalayag sa malawak na dagat.
6 Itinatag nʼyo ang mga bundok
sa pamamagitan ng inyong lakas.
Tunay ngang kayoʼy makapangyarihan.
7 Pinatatahimik nʼyo ang ingay ng mga alon,
ang hampas ng karagatan,
at ang pagkakagulo ng mga tao.
8 Dahil sa inyong mga kahanga-hangang ginawa,
namamangha sa inyo pati ang mga nakatira sa malayong lugar.
Mula sa silangan hanggang kanluran,
ang mga tao ay napapasigaw sa tuwa dahil sa inyo.
9 Inaalagaan nʼyo ang lupa at dinidiligan ng ulan.
Pinabubunga at pinatataba nʼyo ito.
Ang mga ilog, O Dios, ay patuloy nʼyong pinaaagos.
Binibigyan nʼyo ng ani ang mga tao.
Ganito ang itinakda ninyo.
10 Pinaulanan nʼyong mabuti ang lupang binungkal
hanggang sa itoʼy lumambot at mapuno na ng tubig.
Pagkatapos ay pinagpapala nʼyo ang mga pananim.
11 Pinag-aapaw nʼyo ang panahon ng anihan,
at saan ka man dumaan ay puno ng kasaganaan.
12 Kahit na ang ilang ay naging pastulan dahil sagana sa mga damo at ang mga burol ay parang mga taong puno ng kagalakan.
13 Ang mga parang ay punong-puno ng mga grupo ng tupa at kambing at pawang mga pananim[a] ang makikita sa kapatagan.
Ang lahat ng mga lugar na ito ay parang mga taong umaawit at sumisigaw sa kagalakan.
Ang Mensahe tungkol sa Babilonia
13 Ito ang mensahe tungkol sa Babilonia na ipinahayag ng Panginoon kay Isaias na anak ni Amoz:
2 Magtaas kayo ng isang bandila roon sa tuktok ng bundok na walang puno. Pagkatapos, sumigaw kayo nang malakas sa mga sundalo at senyasan ninyo sila para salakayin at pasukin ang lungsod ng mga kilala at makapangyarihang tao. 3 Inutusan ko na ang mga itinalaga kong sundalo na magpaparusa sa mga taong kinapopootan ko. Ang mga sundalo na itoʼy natutuwa at umaasang isasagawa ko ang parusang ito.
4 Pakinggan nʼyo ang ingay ng napakaraming tao sa mga bundok. Pakinggan nʼyo ang ingay ng mga kaharian at mga bansang nagtitipon. Tinitipon ng Panginoong Makapangyarihan ang mga sundalo niya para sa digmaan. 5 Nanggaling sila sa malalayong lugar. Wawasakin ng Panginoon at ng mga sundalo niya ang buong lupain.
6 Umiyak kayo, dahil malapit na ang araw ng Panginoon, ang araw ng pagwawasak ng Makapangyarihang Dios. 7 Sa araw na iyon, manlulupaypay ang lahat ng tao. Ang bawat isaʼy masisiraan ng loob, 8 at manginginig sa takot. Madadama nila ang labis na paghihirap katulad ng paghihirap ng isang babaeng nanganganak. Magtitinginan sila sa isaʼt isa at mamumula ang mga mukha nila sa hiya. 9 Makinig kayo! Darating na ang araw ng Panginoon, ang araw ng kalupitan at matinding galit. Wawasakin ang lupain hanggang sa hindi na matirhan, at ang mga makasalanang naroon ay lilipulin. 10 Hindi na magniningning ang mga bituin. Sisikat ang araw pero madilim pa rin, at ang buwan ay hindi na rin magbibigay ng liwanag.
11 Sinabi ng Panginoon, “Parurusahan ko ang mundo dahil sa kasamaan nito. Parurusahan ko ang mga makasalanan dahil sa kanilang kasalanan. Wawakasan ko ang kahambugan ng mayayabang. Patitigilin ko ang pagmamataas ng mga taong malupit. 12 Kaunti lang ang matitirang tao, kaya mas mahirap silang hanapin kaysa sa dalisay na gintong galing sa Ofir. 13 Yayanigin ko ang langit at ang lupa. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan ay gagawin ito sa araw na ipapakita ko ang matindi kong galit.”
14 Ang mga dayuhan sa Babilonia ay tatakas at babalik sa sarili nilang bayan na parang mga usang hinahabol. Uuwi sila na parang mga tupang walang nagbabantay. 15 Ang bawat mahuli ay sasaksakin hanggang sa mamatay. 16 Ang kanilang mga sanggol ay luluray-lurayin sa kanilang harapan. Sasamsamin ang mga ari-arian nila sa kanilang mga bahay at gagahasain ang kanilang mga asawa.
17 Makinig kayo! Ipapalusob ko ang Babilonia sa mga taga-Media na hindi nagpapahalaga sa pilak at ginto. 18 Papatayin ng mga taga-Media ang mga kabataang lalaki sa pamamagitan ng pana. Pati ang mga bata ay hindi nila kaaawaan. 19 Ang Babilonia ay kahariang pinakamaganda sa lahat ng kaharian. Ipinagmamalaki ito ng kanyang mga mamamayan.[a] Pero wawasakin ko ito katulad ng Sodom at Gomora. 20 At hindi na ito titirhan magpakailanman. Walang Arabong magtatayo roon ng kanyang tolda. At wala ring pastol na mag-aalaga roon ng kanyang mga tupa. 21 Magiging tirahan na lang ito ng mga hayop sa gubat. Titirhan ng mga kuwago at ng iba pang mababangis na hayop ang kanilang mga bahay, at lulukso-lukso roon ang mga kambing na maiilap. 22 Aalulong doon sa mga tore nila at mga palasyo ang mga asong-gubat.[b] Nalalapit na ang wakas ng Babilonia; hindi na ito magtatagal.
1 Mula kay Pedro na apostol ni Jesu-Cristo.
Mahal kong mga pinili ng Dios na nangalat at naninirahan bilang mga dayuhan sa Pontus, Galacia, Capadosia, Asia at Bitinia:
2 Pinili na kayo ng Dios Ama noon pa para maging mga anak niya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, para sundin nʼyo si Jesu-Cristo at upang linisin kayo sa mga kasalanan nʼyo sa pamamagitan ng kanyang dugo.
Sumainyo nawa ang higit pang biyaya at kapayapaan.
May Inihanda ang Dios para sa Atin
3-4 Purihin natin ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Dahil sa dakila niyang awa sa atin, ipinanganak tayong muli sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Ito ang nagbibigay sa atin ng malaking pag-asa na may nakahandang mana ang Dios para sa atin. Ang manang itoʼy nasa langit, walang kapintasan, hindi nasisira, at hindi kumukupas. 5 At sa pamamagitan ng pananampalataya nʼyo, iniingatan kayo ng kapangyarihan ng Dios habang naghihintay kayo ng kaligtasang nakalaang ihayag sa huling panahon.
6 Dahil dito, dapat kayong magalak sa kabila ng ibaʼt ibang pagsubok, dahil ang mga pagsubok na itoʼy panandalian lang, at dapat ninyong maranasan, 7 para masubukan kung talagang tunay ang pananampalataya ninyo. Katulad ng ginto, sinusubok ito sa apoy para malaman kung tunay o hindi. Pero mas mahalaga ang pananampalataya natin kaysa sa ginto na nawawala. Kaya kapag napatunayang tunay ang pananampalataya nʼyo, papupurihan kayoʼt pararangalan pagdating ni Jesu-Cristo. 8 Kahit hindi nʼyo siya nakita ay mahal nʼyo siya, at kahit hindi nʼyo pa siya nakikita hanggang ngayon, sumasampalataya pa rin kayo sa kanya. At nag-uumapaw ang inyong kagalakan na hindi kayang ipahayag ng bibig, 9 dahil tinatanggap nʼyo ang bunga ng pananampalataya nʼyo, na walang iba kundi ang inyong kaligtasan. 10 Ang kaligtasang itoʼy pinagsikapang saliksikin ng mga propeta noon. Sila ang nagpahayag tungkol sa kaloob na ito ng Dios sa atin. 11 Ipinahayag na sa kanila ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila, na maghihirap siya bago parangalan. Kaya patuloy sa pagsasaliksik ang mga propeta noon kung kailan at kung papaano ito mangyayari. 12 Ipinahayag din sa kanila na ang mga bagay na ipinaalam nila ay hindi para sa ikabubuti nila kundi para sa atin.[a] At ngayon, napakinggan nʼyo na sa mga nangangaral ng Magandang Balita ang mga ipinahayag nila. Nagsalita sila sa inyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritung sinugo sa kanila mula sa langit. Kahit ang mga anghel noon ay nagnais na maunawaan ang Magandang Balitang ito na ipinangaral sa inyo.
Sundin Ninyo ang Dios
13 Kaya lagi kayong maging handa na gawin ang kalooban ng Dios. Magpakatatag kayo at lubos na umasa na matatanggap nʼyo ang mga pagpapalang ibibigay sa inyo kapag dumating na si Jesu-Cristo. 14 Bilang masunuring mga anak ng Dios, huwag kayong padadala sa masasamang hilig ninyo noong hindi pa kayo nakakakilala sa Dios. 15 Banal ang Dios na tumawag sa inyo, kaya dapat magpakabanal din kayo sa lahat ng ginagawa ninyo. 16 Sapagkat sinasabi ng Dios sa Kasulatan, “Magpakabanal kayo dahil banal ako.”[b]
17 Walang pinapaboran ang Dios. Hinahatulan niya ang mga tao ayon sa gawa ng bawat isa. Kaya kung tinatawag nʼyo siyang Ama kapag nananalangin kayo sa kanya, igalang nʼyo siya habang naninirahan pa kayo sa mundong ito. 18 Alam naman ninyo kung ano ang ipinangtubos sa inyo mula sa walang kabuluhang pamumuhay na minana nʼyo sa mga ninuno ninyo. Ang ipinangtubos sa inyoʼy hindi ang mga bagay na nawawala katulad ng ginto o pilak, 19 kundi ang mahalagang dugo ni Cristo. Katulad siya ng isang tupa na walang dungis o kapintasan na inihandog sa Dios. 20 Bago pa likhain ang mundo, pinili na ng Dios si Cristo para maging Tagapagligtas natin. At ipinahayag siya ng Dios nitong mga huling araw alang-alang sa inyo. 21 Sa pamamagitan niya, sumasampalataya kayo sa Dios na muling bumuhay at nagparangal sa kanya. Kaya ang pananalig nʼyo ay sa Dios, at umaasa kayo sa kanya na muli niya rin kayong bubuhayin at pararangalan.
22 At dahil sumusunod na kayo sa katotohanan, malinis na kayo sa mga kasalanan ninyo, at ngayon ay nagkaroon na kayo ng tapat na pagmamahal sa mga kapatid nʼyo kay Cristo. Magmahalan kayo ng taos-puso, 23 dahil ipinanganak na kayong muli. At ang kapanganakang itoʼy hindi sa pamamagitan ng mga magulang ninyong namamatay, kundi sa pamamagitan ng buhay at walang hanggang salita ng Dios. 24 Ayon sa Kasulatan,
“Ang lahat ng tao ay parang damo,
ang kanilang katanyagan ay parang bulaklak nito.
Ang damo ay nalalanta at ang bulaklak nito ay nalalaglag,
25 ngunit ang salita ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.”[c]
At ang salitang ito ay ang Magandang Balitang ipinangaral sa inyo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®