Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 23

Ang mga Taong Itiniwalag sa Kapulungan ng Israel

23 “Walang taong kinapon o pinutulan ng ari ang makakasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon.

“Ang anak sa labas ay hindi makakasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon pati na ang kanyang angkan hanggang sa ikasampung salinlahi. Walang Amoreo o Moabita o sinuman sa kanilang lahi hanggang sa ikasampung salinlahi ang makakasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon. Sapagkat hindi nila kayo binigyan ng pagkain o tubig nang naglalakbay kayo mula sa Egipto, at sinulsulan pa nila si Balaam na anak ni Beor na taga-Petor sa Mesopotamia para sumpain kayo. Ngunit hindi nakinig ang Panginoon na inyong Dios kay Balaam. Sa halip, ginawa niyang basbas ang sumpa sa inyo, dahil minamahal kayo ng Panginoon na inyong Dios. Habang buhay kayo, huwag kayong tutulong sa mga Amoreo o Moabita sa anumang paraan.

“Huwag ninyong kamumuhian ang mga Edomita, dahil kadugo nʼyo sila. Huwag din ninyong kamumuhian ang mga Egipcio dahil tumira kayo dati sa kanilang lupain bilang mga dayuhan. Ang kanilang mga angkan sa ikatlong salinlahi ay maaaring makasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon.

Iba pang mga Tuntunin

“Kapag makikipaglaban kayo sa inyong mga kaaway, umiwas kayo sa anumang bagay na makakadungis sa inyo. 10 Kung may isa sa inyo na nilabasan ng binhi sa kanyang pagtulog sa gabi, kailangang lumabas siya sa kampo at doon muna siya manatili.

11 “Pagdating ng hapon, maliligo siya, at paglubog ng araw, maaari na siyang makabalik sa kampo. 12 Pumili kayo ng lugar sa labas ng kampo na gagawin ninyong palikuran. 13 Kailangang may panghukay ang bawat isa sa inyo, para huhukay kayo kapag nadudumi kayo, at tatabunan ito kapag tapos na kayo. 14 Sapagkat ang Panginoon na inyong Dios ay naglilibot sa inyong kampo para iligtas kayo at ibigay sa inyo ang mga kaaway ninyo. Kaya kailangang malinis ang inyong kampo para wala siyang makitang hindi maganda sa inyo, at para hindi niya kayo pabayaan.

15 “Kung tumakas ang isang alipin sa kanyang amo at tumakbo sa inyo, huwag ninyo siyang piliting bumalik sa kanyang amo. 16 Patirahin ninyo siya sa inyong lugar, kahit saang bayan niya gusto. Huwag ninyo siyang aapihin.

17 “Dapat walang Israelita, lalaki man o babae, na magbebenta ng kanyang katawan bilang pagsamba sa mga dios-diosan sa templo. 18 Huwag ninyong dadalhin sa bahay ng Panginoon na inyong Dios ang pera na natanggap ninyo sa pamamaraang ito bilang bayad sa inyong pangako sa Panginoon na inyong Dios, dahil kasuklam-suklam ito sa kanya.

19 “Kung magpapautang kayo sa kapwa ninyo Israelita, huwag ninyo itong tutubuan, pera man ito o pagkain o anumang bagay na maaaring patubuan. 20 Maaari kayong magpautang nang may patubo sa mga dayuhan, pero hindi sa mga kapwa ninyo Israelita. Gawin ninyo ito para pagpalain kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng ginagawa ninyo roon sa lupain na titirhan at aangkinin ninyo.

21 “Kung gagawa kayo ng panata sa Panginoon na inyong Dios, huwag ninyong patatagalin ang pagtupad nito, dahil siguradong sisingilin kayo ng Panginoon na inyong Dios, at magkakasala kayo sa hindi pagtupad nito. 22 Hindi ito kasalanan kung hindi kayo gumawa ng panata sa Panginoon. 23 Pero anumang ipanata ninyo sa Panginoon na inyong Dios ay dapat ninyong tuparin.

24 “Kung pupunta kayo sa ubasan ng inyong kapwa, maaari kayong kumain hanggang gusto ninyo, pero huwag kayong kukuha at maglalagay sa inyong lalagyan para dalhin. 25 Kung mapapadaan kayo sa taniman ng trigo ng inyong kapwa, maaari kayong makaputol ng mga uhay, pero huwag ninyo itong gagamitan ng karit na panggapas.

Salmo 112-113

Mapalad ang Taong may Takot sa Panginoon

112 Purihin ang Panginoon!
    Mapalad ang taong may takot sa Panginoon at malugod na sumusunod sa kanyang mga utos.
Ang mga anak niya ay magiging matagumpay,
    dahil ang angkan ng mga namumuhay nang matuwid ay pagpapalain.
Yayaman ang kanyang sambahayan,
    at ang kanyang kabutihan ay maaalala magpakailanman.
Kahit sa kadiliman, taglay pa rin ang liwanag ng taong namumuhay nang matuwid,
    at puno ng kabutihan, kahabagan at katuwiran.
Pagpapalain ang taong mapagbigay at nagpapahiram,
    at hindi nandaraya sa kanyang hanapbuhay.
Tiyak na magiging matatag ang kanyang kalagayan
    at hindi siya makakalimutan magpakailanman.
Hindi siya matatakot sa masamang balita,
    dahil matatag siya at buong pusong nagtitiwala sa Panginoon.
Hindi siya matatakot o maguguluhan,
    dahil alam niyang sa bandang huliʼy makikita niyang matatalo ang kanyang mga kalaban.
Nagbibigay siya sa mga dukha,
    at ang kanyang kabutihan ay maaalala magpakailanman.
    Ang kanyang kakayahan ay lalo pang dadagdagan ng Dios upang siyaʼy maparangalan.
10 Makikita ito ng mga taong masama at magngangalit ang kanilang mga ngipin sa galit, at parang matutunaw sila dahil sa kahihiyan.
    Hindi magtatagumpay ang naisin ng taong masama.

Pagpupuri sa Kabutihan ng Dios

113 Purihin nʼyo ang Panginoon!
    Kayong mga lingkod ng Panginoon, purihin nʼyo siya!
Purihin nʼyo ang Panginoon,
    ngayon at magpakailanman.
Mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw,
    ang pangalan ng Panginoon ay dapat papurihan.

Maghahari ang Panginoon sa lahat ng bansa,
    ang kanyang kaluwalhatian ay hindi mapapantayan.
Walang katulad ang Panginoon na ating Dios,
    na nakaupo sa kanyang trono sa itaas.
Yumuyuko siya upang tingnan ang kalangitan at ang sanlibutan.
Tinutulungan niya ang mga dukha at nangangailangan sa kanilang kagipitan.
At silaʼy pinararangalang kasama ng mararangal na tao
    mula sa kanyang mga mamamayan.
Pinaliligaya niya ang baog na babae sa tahanan nito,
    sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng mga anak.

    Purihin ninyo ang Panginoon!

Isaias 50

50 Sinabi ng Panginoon sa kanyang mga mamamayan, “Ang Jerusalem[a] baʼy itinakwil ko gaya ng lalaking humiwalay sa kanyang asawa? Patunayan ninyo![b] Ipinabihag ko na ba kayo tulad ng isang taong ipinagbili bilang alipin ang kanyang mga anak sa pinagkakautangan niya, para ipambayad sa utang? Hindi! Kayo ay ipinagbili dahil sa inyong mga kasalanan. Itinakwil ang Jerusalem dahil sa inyong mga pagsuway. Bakit hindi ninyo ako pinansin noong dumating ako? Bakit hindi kayo sumagot noong tinawag ko kayo? Hindi ko ba kayo kayang iligtas? Kaya ko ngang patuyuin ang dagat sa isang salita lang. At kaya kong gawing disyerto ang ilog para mamatay ang mga isda roon. At kaya ko ring padilimin na kasing-itim ng damit na panluksa[c] ang langit.”

Ang Masunuring Lingkod ng Dios

Tinuruan ako ng Panginoong Dios kung ano ang sasabihin ko para mapalakas ang mga nanlulupaypay. Ginigising niya ako tuwing umaga para pakinggan ang mga itinuturo niya sa akin. Nagsalita sa akin ang Panginoong Dios at akoʼy nakinig. Hindi ako sumuway o tumakas man sa kanya. Iniumang ko ang aking likod sa mga bumugbog sa akin, at ang aking mukha sa mga bumunot ng aking balbas. Pinabayaan ko silang hiyain ako at duraan ang aking mukha. Pero hindi ako nakadama ng hiya, dahil tinulungan ako ng Panginoong Dios. Kaya nagmatigas ako na parang batong buhay dahil alam kong hindi ako mapapahiya. Malapit sa akin ang Dios na nagsasabing wala akong kasalanan. Sino ang maghahabla sa akin? Lumabas siya at harapin ako! Makinig kayo! Ang Panginoong Dios ang tutulong sa akin. Sino ang makapagsasabing nagkasala ako? Matutulad sila sa damit na mabubulok at ngangatngatin ng mga kulisap. 10 Sino sa inyo ang may takot sa Panginoon at sumusunod sa mga itinuturo ng kanyang lingkod? Kinakailangang magtiwala siya sa Panginoon niyang Dios kahit sa daang madilim at walang liwanag. 11 Pero mag-ingat kayo, kayong mga nagbabalak na ipahamak ang iba, kayo rin ang mapapahamak sa sarili ninyong mga pakana! Mismong ang Panginoon ang magpaparusa sa inyo, at kayoʼy mamamatay sa matinding parusa.

Pahayag 20

Ang 1,000 Taon

20 Pagkatapos nito, may nakita akong anghel na bumababa mula sa langit. May hawak siyang susi ng kailaliman, at may malaki siyang kadena. Dinakip niya ang dragon – ang ahas noong unang panahon na tinatawag na diyablo o Satanas – at saka iginapos ng kadena sa loob ng 1,000 taon. Inihulog siya ng anghel sa kailaliman, saka isinara at sinusian, at tinatakan pa ang pintuan nito upang walang mangahas na magbukas. Ikinulong siya upang hindi makapandaya ng mga tao sa ibaʼt ibang bansa sa loob ng 1,000 taon. Pero pagkatapos ng 1,000 taon, pakakawalan siya sa loob ng maikling panahon.

Pagkatapos, may nakita akong mga trono, at ang mga nakaupo roon ay binigyan ng karapatang humatol. Nakita ko rin ang kaluluwa ng mga taong pinugutan ng ulo dahil sa pangangaral nila tungkol kay Jesus at dahil sa pagpapahayag nila ng salita ng Dios. Ang mga ito ay hindi sumamba sa halimaw o sa imahen nito, at hindi tumanggap ng tatak nito sa noo o kanang kamay nila. Binuhay sila at binigyan ng karapatang maghari na kasama ni Cristo sa loob ng 1,000 taon. Ito ang unang pagkabuhay ng mga patay. (Ang ibang mga patay ay saka lang bubuhayin pagkatapos ng 1,000 taon.) Mapalad at banal ang mga kabilang sa unang pagkabuhay ng mga patay. Walang kapangyarihan sa kanila ang ikalawang kamatayan. Magiging mga pari sila ng Dios at ni Cristo, at maghaharing kasama niya sa loob ng 1,000 taon.

Ang Pagkatalo ni Satanas

Pagkatapos ng 1,000 taon, pakakawalan si Satanas mula sa kanyang bilangguan. Lalabas siya at dadayain ang mga bansa sa buong mundo, na tatawaging Gog at Magog. Titipunin sila ni Satanas at isasama sa pakikipagdigma sa mga mananampalataya. At ang matitipon niyang mga sundalo ay kasindami ng buhangin sa tabing-dagat na hindi kayang bilangin. Kakalat sila sa buong mundo, at paliligiran nila ang kampo ng mga banal at ang pinakamamahal na lungsod. Pero pauulanan sila ng Dios ng apoy mula sa langit at mamamatay silang lahat. 10 At si Satanas na dumaya sa kanila ay itatapon sa lawang apoy at asupre, na siya ring pinagtapunan ng halimaw at ng huwad at sinungaling na propeta. Magkakasama silang parurusahan at pahihirapan araw-gabi, magpakailanman.

Ang Huling Paghatol

11 Pagkatapos, nakita ko ang malaki at puting trono at ang nakaupo roon. Ang langit at ang lupa ay biglang naglaho at hindi na nakita. 12 At nakita ko ang mga namatay, tanyag at hindi, na nakatayo sa harap ng trono. Binuksan ang mga aklat, pati na ang aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan. At ang bawat isa sa kanila ay hinatulan ayon sa ginawa nila na nakasulat sa mga aklat na iyon. 13 Kahit sa dagat sila namatay o sa lupa, naglabasan sila mula sa lugar ng mga patay. At hinatulan ang lahat ayon sa mga ginawa nila. 14-15 At ang sinumang hindi nakasulat ang pangalan sa aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan ay itinapon sa lawang apoy. Pagkatapos, itinapon din doon ang kamatayan at ang Hades.[a] Ang parusang ito sa lawang apoy ay ang ikalawang kamatayan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®