Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 31

Si Josue ang Pumalit kay Moises(A)

31 Nagpatuloy si Moises sa pakikipag-usap sa lahat ng Israelita. Sinabi niya, “Akoʼy 120 taong gulang na at hindi ko na kayo kayang pamunuan. At sinabi rin ng Panginoon sa akin na hindi ako makakatawid sa Jordan. Ang Panginoon na inyong Dios mismo ang mangunguna sa inyo sa pagtawid. Wawasakin niya ang mga bayan doon, at aangkinin ninyo ang mga lupain nila. Pangungunahan kayo ni Josue sa pagtawid ayon sa sinabi ng Panginoon. Wawasakin ng Panginoon ang mga bayang ito gaya ng ginawa niya kina Sihon at Og, na mga hari ng mga Amoreo, at sa kanilang lupain. Ibibigay sila ng Panginoon sa inyo, at kailangang gawin ninyo sa kanila ang iniutos ko sa inyo. Magpakatatag kayo at magpakatapang. Huwag kayong matatakot sa kanila dahil ang Panginoon na inyong Dios ay kasama ninyo; hindi niya kayo iiwan o pababayaan man.”

Pagkatapos, ipinatawag ni Moises si Josue, at sa harap ng lahat ng Israelita ay sinabi sa kanya, “Magpakatatag ka at magpakatapang, dahil ikaw ang mangunguna sa mga taong ito sa pagpunta at pagsakop sa lupaing ipinangako ng Panginoon sa kanilang mga ninuno na ibibigay sa kanila. Tutulungan mo silang angkinin ang lupain. Pangungunahan ka ng Panginoon at sasamahan ka niya; hindi ka niya iiwan o pababayaan man. Kaya huwag kang matakot ni panghinaan ng loob.”

Ang Pagbasa ng Kautusan

Isinulat ni Moises ang mga utos na ito at ibinigay sa mga paring lahi ni Levi, na siyang mga tagabuhat ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, at sa lahat ng tagapamahala ng Israel. 10 Pagkatapos, inutusan sila ni Moises, “Sa katapusan ng bawat pitong taon na siyang taon ng pagkakansela ng mga utang, habang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol, 11 babasahin ninyo ang mga utos na ito sa lahat ng mga Israelita kung magtitipon sila sa presensya ng Panginoon na inyong Dios sa lugar na pipiliin niya. 12 Tipunin ang mga tao – mga lalaki, babae, bata at mga dayuhang naninirahan sa bayan nʼyo – upang makapakinig sila at matutong gumalang sa Panginoon na inyong Dios at sumunod nang mabuti sa lahat ng ipinatutupad ng mga utos na ito. 13 Gawin ninyo ito para ang inyong mga anak na hindi pa nakakaalam ng mga utos na ito ay makarinig din nito at matutong gumalang sa Panginoon na inyong Dios habang nabubuhay kayo sa lupaing aangkinin ninyo sa kabila ng Jordan.”

Itinakda ang Pagrerebelde ng mga Israelita

14 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Malapit ka nang mamatay, kaya ipatawag mo si Josue at pumunta kayo sa Toldang Tipanan, dahil tuturuan ko siya roon ng gagawin niya.” Kaya pumunta sina Moises at Josue sa Toldang Tipanan.

15 Nagpakita ang Panginoon sa pamamagitan ng ulap na parang haligi roon sa may pintuan ng Tolda. 16 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Malapit ka nang mamatay at makasama ng mga ninuno mo. Kung wala ka na, ang mga taong ito ay sasamba sa ibang mga dios na sinasamba ng mga tao sa lupaing pupuntahan nila. Itatakwil nila ako at susuwayin ang kasunduang ginawa ko sa kanila. 17 Sa araw na iyon, magagalit ako sa kanila at itatakwil ko sila. Tatalikuran ko sila at silaʼy malilipol. Maraming kapahamakan at kahirapan ang darating sa kanila, at sa panahong iyon, magtatanong sila, ‘Dumating ba sa atin ang mga kapahamakang ito dahil hindi tayo sinasamahan ng Panginoon?’ 18 Tatalikuran ko sila sa panahong iyon dahil sa lahat ng kasamaang ginawa nila at pagsamba sa ibang mga dios.

19 “Kaya isulat mo ang awit na ito at ituro sa mga Israelita. Ipaawit mo ito sa kanila para maging saksi ito laban sa kanila. 20 Dadalhin ko sila sa maganda at masaganang lupain[a] na ipinangako kong ibibigay sa kanilang mga ninuno. Doon, mabubuhay sila nang masagana; kakain sila ng lahat ng pagkaing gusto nila, at mabubusog sila. Pero tatalikuran nila ako at sasamba sa ibang mga dios. Susuwayin nila ang aking kasunduan. 21 Kung dumating na sa kanila ang maraming kapahamakan at mga kahirapan, ang awit na ito ang magiging saksi laban sa kanila, sapagkat hindi ito malilimutan ng kanilang mga lahi. Nalalaman ko kung ano ang pinaplano nilang gawin kahit na hindi ko pa sila nadadala sa lupaing ipinangako ko sa kanila.” 22 Sa araw na iyon, isinulat ni Moises ang awit at itinuro sa mga Israelita.

23 Itinalaga ng Panginoon si Josue na anak ni Nun. Sabi niya, “Magpakatatag ka at magpakatapang, dahil ikaw ang magdadala sa mga Israelita sa lupain na ipinangako ko sa kanila, at sasamahan kita.”

24 Pagkatapos na maisulat ni Moises ang lahat ng utos sa aklat, 25 inutusan niya ang mga Levita, na siyang mga tagabuhat ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. Sinabi niya, 26 “Kunin ninyo ang Aklat ng Kautusan na ito at ilagay sa tabi ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na inyong Dios. Mananatili ito roon bilang saksi laban sa mga mamamayan ng Israel. 27 Sapagkat nalalaman ko kung gaano kayo kasuwail kung gaano katigas ang inyong ulo. Kahit nga ngayong kasama ninyo ako, nagrerebelde na kayo sa Panginoon, ano pa kaya kung patay na ako! 28 Tipunin ninyo sa harapan ko ang lahat ng tagapamahala ng inyong angkan at ang lahat ng opisyal para sabihin ko sa kanila ang mga bagay na ito. At tatawagin ko ang langit at ang lupa bilang saksi laban sa kanila. 29 Sapagkat nalalaman ko na kung patay na ako, siguradong gagawa kayo ng kasamaan at itatakwil ninyo ang lahat ng iniuutos ko sa inyo. Sa bandang huli, darating sa inyo ang lahat ng kapahamakan dahil gagawa kayo ng masama sa paningin ng Panginoon at gagalitin ninyo siya sa pamamagitan ng mga gagawin ninyo.”

Ang Awit ni Moises

30 Ito ang kabuuan ng awit na ipinarinig ni Moises sa mga Israelita:

Salmo 119:97-120

97 Iniibig ko ang inyong kautusan.
    Palagi ko itong pinagbubulay-bulayan.
98 Ang mga utos nʼyo ay nasa puso ko,
    kaya mas marunong ako kaysa sa aking mga kaaway.
99 Mas marami ang aking naunawaan kaysa sa aking mga guro,
    dahil ang lagi kong pinagbubulay-bulayan ay ang inyong mga turo.
100 Higit pa ang aking pang-unawa kaysa sa matatanda,
    dahil sinusunod ko ang inyong mga tuntunin.
101 Iniiwasan ko ang masamang pag-uugali,
    upang masunod ko ang inyong mga salita.
102 Hindi ako lumihis sa inyong mga utos,
    dahil kayo ang nagtuturo sa akin.
103 Kay tamis ng inyong mga salita, mas matamis pa ito kaysa sa pulot.
104 Sa pamamagitan ng inyong mga tuntunin,
    lumalawak ang aking pang-unawa,
    kaya kinamumuhian ko ang lahat ng gawaing masama.

105 Ang salita nʼyo ay katulad ng ilaw na nagbibigay-liwanag sa aking dadaanan.
106 Tutuparin ko ang aking ipinangako na susundin ang inyong matuwid na mga utos.
107 Hirap na hirap na po ako Panginoon;
    panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong pangako.
108 Tanggapin nʼyo Panginoon ang taos-puso kong pagpupuri sa inyo,
    at ituro nʼyo sa akin ang inyong mga utos.
109 Kahit na akoʼy palaging nasa bingit ng kamatayan,
    hindi ko kinakalimutan ang inyong mga kautusan.
110 Ang masasama ay naglagay ng patibong para sa akin,
    ngunit hindi ako humihiwalay sa inyong mga tuntunin.
111 Ang inyong mga turo ang aking mana na walang hanggan,
    dahil itoʼy nagbibigay sa akin ng kagalakan.
112 Aking napagpasyahan na susundin ko ang inyong mga tuntunin hanggang sa katapusan.

113 Kinamumuhian ko ang mga taong hindi tapat sa inyo,
    ngunit iniibig ko ang inyong mga kautusan.
114 Kayo ang aking kanlungan at pananggalang;
    akoʼy umaasa sa inyong mga salita.
115 Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama,
    upang masunod ko ang mga utos ng aking Dios.
116 Panginoon, bigyan nʼyo ako ng kalakasan ayon sa inyong pangako
    upang ako ay patuloy na mabuhay;
    at huwag nʼyong hayaan na mabigo ako sa pag-asa ko sa inyo.
117 Tulungan nʼyo ako upang ako ay maligtas;
    at nang lagi kong maituon sa inyong mga tuntunin ang aking isipan.
118 Itinakwil nʼyo ang lahat ng lumayo sa inyong mga tuntunin.
    Sa totoo lang, ang kanilang panloloko ay walang kabuluhan.
119 Itinuturing nʼyo na parang basura ang lahat ng masasama rito sa mundo,
    kaya iniibig ko ang inyong mga turo.
120 Nanginginig ako sa takot sa inyo;
    sa hatol na inyong gagawin ay natatakot ako.

Isaias 58

Ang Totoong Pag-aayuno

58 Sinabi ng Panginoon, “Sumigaw kayo nang malakas na kasinglakas ng trumpeta! Huwag ninyong pigilan! Sabihin ninyo sa aking mga mamamayan na lahi ni Jacob ang kanilang mga kasalanan at mga pagsuway. Dumudulog sila sa akin araw-araw, at tila gusto nilang malaman ang aking mga pamamaraan. Kung titingnan, para bang isa silang bansang matuwid at hindi sumusuway sa mga utos ko. Ipinapakita nila na parang gustong-gusto nilang lumapit sa akin at humingi ng matuwid na hatol. Sinasabi pa nila sa akin, ‘Nag-ayuno kami, pero hindi nʼyo man lamang pinansin. Nagpenitensya kami, pero binalewala ninyo.’

“Ang totoo, habang nag-aayuno kayo, ang sarili ninyong kapakanan ang inyong iniisip. Inaapi ninyo ang inyong mga manggagawa. Nag-aayuno nga kayo, pero nag-aaway-away naman kayo, nagtatalo, at nagsusuntukan pa. Huwag ninyong iisipin na ang ginagawa ninyong pag-aayuno ngayon ay makakatulong para dinggin ko ang inyong dalangin. Kapag nag-aayuno kayo, nagpepenitensya kayo. Yumuyuko kayo na parang mga damong kugon. Nagsusuot kayo ng damit na panluksa[a] at humihiga sa abo. Iyan ba ang tinatawag ninyong ayuno? Akala ba ninyoʼy nakakalugod iyon sa akin? Ang ayunong makapagpapalugod sa akin ay ang ayunong may kasamang matuwid na pag-uugali. Tigilan ninyo ang paggawa ng kasamaan, pairalin nʼyo na ang katarungan, palayain ninyo ang mga inaalipin at ang inaapi ay inyong tulungan. Bigyan ninyo ng pagkain ang mga nagugutom, patirahin ninyo sa inyong tahanan ang mga walang tahanan, bigyan ninyo ng damit ang mga walang damit, at tulungan ninyo ang inyong mga kaanak. Kapag ginawa nʼyo ito, darating sa inyo ang kaligtasan[b] na parang bukang-liwayway, at pagagalingin ko kayo agad. Ako na inyong Dios na matuwid ang mangunguna sa inyo at ipagtatanggol ko kayo sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. At kung dumulog kayo sa akin para humingi ng tulong, kayoʼy aking sasagutin.

“Kung titigilan na ninyo ang pang-aapi, ang pambibintang ng kasinungalingan, ang pagsasalita ng masama, 10 at kung gagawin ninyo ang pagpapakain sa mga nagugutom, ang pagbibigay ng pangangailangan ng mga dukha, darating sa inyo ang kaligtasan na magbibigay-liwanag sa madilim ninyong kalagayan na parang tanghaling-tapat. 11 Palagi ko kayong papatnubayan at bubusugin, kahit na mahirap ang kalagayan[c] ninyo. Palalakasin ko kayo, at kayoʼy magiging parang halamanang sagana sa tubig at parang bukal na hindi nawawalan ng tubig. 12 Muling itatayo ng inyong mga lahi ang mga lungsod ninyong matagal nang wasak at aayusin nila ang dating mga pundasyon. Makikilala kayo na mga taong tagaayos ng kanilang mga gibang pader at mga bahay.

13 “Alalahanin ninyo ang Araw ng Pamamahinga. Huwag ninyong iisipin ang pansarili ninyong kapakanan sa natatanging araw na iyon. Ipagdiwang ninyo ang Araw ng Pamamahinga, at parangalan nʼyo ito sa pamamagitan ng pagpipigil sa mga sarili ninyong kagustuhan at kaligayahan, at pagtigil sa pagsasalita nang walang kabuluhan. 14 Kapag ginawa ninyo ito, magiging maligaya kayo sa inyong paglilingkod sa akin. Pararangalan ko kayo sa buong mundo. Pasasaganain ko ang ani ng lupaing inyong minana sa inyong ninunong si Jacob.” Mangyayari nga ito dahil sinabi ng Panginoon.

Mateo 6

Ang Turo tungkol sa Pagbibigay

“Mag-ingat kayo at baka ang paggawa ninyo ng mabuti ay pakitang-tao lang. Sapagkat kung ganyan ang ginagawa ninyo, wala kayong matatanggap na gantimpala mula sa inyong Amang nasa langit.

“Kaya kapag nagbibigay kayo ng tulong, huwag na ninyo itong ipamalita gaya ng ginagawa ng mga pakitang-tao roon sa mga sambahan at sa mga daan upang purihin sila ng mga tao. Ang totoo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Sa halip, kung magbibigay kayo ng tulong, huwag na ninyo itong ipaalam kahit sa pinakamatalik nʼyong kaibigan, upang maging lihim ang pagbibigay ninyo. At ang inyong Amang nakakakita sa ginagawa ninyo nang lihim ang siyang magbibigay ng gantimpala sa inyo.”

Ang Turo tungkol sa Pananalangin(A)

“Kapag nananalangin kayo, huwag kayong tutulad sa ginagawa ng mga pakitang-tao. Mahilig silang manalangin nang nakatayo sa mga sambahan at sa mga kanto ng lansangan para makita ng mga tao. Ang totoo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Sa halip, kung mananalangin kayo, pumasok kayo sa inyong kwarto at isara ang pinto. At saka kayo manalangin sa inyong Ama na hindi nakikita. At ang inyong Ama na nakakakita sa ginagawa ninyo nang lihim ang magbibigay ng gantimpala sa inyo.

“At kapag nananalangin kayo, huwag kayong gumamit ng maraming salita na wala namang kabuluhan, tulad ng ginagawa ng mga taong hindi kumikilala sa Dios. Akala nila ay sasagutin sila ng Dios kung mahaba ang kanilang panalangin. Huwag nʼyo silang gayahin, dahil alam na ng inyong Ama kung ano ang kailangan ninyo bago pa man ninyo ito hingin sa kanya. Kaya manalangin kayo ng katulad nito:

    ‘Ama naming nasa langit,
    sambahin nawa kayo ng mga tao.[a]
10 Nawaʼy magsimula na ang inyong paghahari,
    at masunod ang inyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit.
11 Bigyan nʼyo po kami ng aming pagkain sa araw-araw.
12 Patawarin nʼyo kami sa aming mga kasalanan,
    tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkasala sa amin.
13 At huwag nʼyo kaming hayaang matukso
    kundi iligtas nʼyo po kami kay Satanas.[b]
    [Sapagkat kayo ang Hari, ang Makapangyarihan at Dakilang Dios magpakailanman!]’

14 Kung pinapatawad ninyo ang mga taong nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit. 15 Ngunit kung hindi ninyo sila pinapatawad, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.”

Ang Turo tungkol sa Pag-aayuno

16 “Kapag nag-aayuno kayo, huwag ninyong tularan ang mga pakitang-tao. Sapagkat sinasadya nilang hindi mag-ayos ng sarili para ipakita sa mga tao na nag-aayuno sila. Ang totoo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 17 Sa halip, kung mag-aayuno kayo, maghilamos at mag-ayos kayo ng sarili, 18 upang hindi malaman ng mga tao na nag-aayuno kayo, maliban sa inyong Ama na hindi nakikita. At ang inyong Ama na nakakakita sa ginagawa ninyo nang lihim ang magbibigay ng gantimpala sa inyo.”

Ang Kayamanan sa Langit(B)

19 “Huwag kayong mag-ipon ng kayamanan para sa inyong sarili rito sa mundo, dahil dito ay may mga insekto at kalawang na sisira sa inyong kayamanan, at may mga magnanakaw na kukuha nito. 20 Sa halip, mag-ipon kayo ng kayamanan sa langit, kung saan walang insekto at kalawang na naninira, at walang nakakapasok na magnanakaw. 21 Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan, naroon din ang inyong puso.”

Ang Ilaw ng Katawan(C)

22 “Ang mata ang nagsisilbing ilaw ng katawan. Kung malinaw ang iyong mata, maliliwanagan ang buo mong katawan. 23 Ngunit kung malabo ang iyong mata, madidiliman ang buo mong katawan. Kaya kung ang nagsisilbing ilaw mo ay walang ibinibigay na liwanag, napakadilim ng kalagayan mo.”

Sino ang Dapat Nating Paglingkuran, Ang Dios o ang Kayamanan?(D)

24 “Walang taong makapaglilingkod nang sabay sa dalawang amo. Sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o kayaʼy magiging tapat siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Ganoon din naman, hindi kayo makapaglilingkod nang sabay sa Dios at sa kayamanan.”

25 “Kaya sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mag-alala tungkol sa inyong buhay – kung ano ang inyong kakainin, iinumin o susuotin. Dahil kung binigyan kayo ng Dios ng buhay, siguradong bibigyan din niya kayo ng pagkain at isusuot. 26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid. Hindi sila nagtatanim, o nag-aani, o nag-iipon ng pagkain sa bodega, ngunit pinapakain sila ng inyong Amang nasa langit. Hindi baʼt mas mahalaga kayo kaysa sa mga ibon? 27 Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang saglit sa pamamagitan ng pag-aalala?

28 “At bakit kayo nag-aalala tungkol sa pananamit? Tingnan ninyo ang mga bulaklak na tumutubo sa parang. Hindi sila nagtatrabaho o naghahabi. 29 Ngunit sasabihin ko sa inyo: kahit si Solomon ay hindi nakapagsuot ng damit na kasingganda ng mga bulaklak na ito sa kabila ng kanyang karangyaan. 30 Kung dinadamitan ng Dios nang ganito ang mga damo sa parang, na buhay ngayon pero kinabukasan ay malalanta at susunugin, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya! 31 Kaya huwag kayong mag-alala kung ano ang inyong kakainin, iinumin, o susuotin. 32 Ang mga bagay na ito ang pinapahalagahan ng mga taong hindi kumikilala sa Dios. Ngunit alam ng inyong Amang nasa langit na kailangan ninyo ang mga bagay na ito. 33 Kaya unahin ninyo ang mapabilang sa kaharian ng Dios at ang pagsunod sa kanyang kalooban, at ibibigay niya ang lahat ng pangangailangan ninyo. 34 Kaya huwag na kayong mag-alala tungkol sa kinabukasan, dahil ang bukas ay may sarili nang alalahanin. Sapat na ang mga alalahaning dumarating sa bawat araw.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®