Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 29

Ang Pagbago ng Kasunduan

29 Ito ang mga tuntunin ng pagsunod sa kasunduang ipinagawa ng Panginoon kay Moises sa mga Israelita sa Moab, maliban pa sa kasunduan na ginawa niya sa kanila sa Horeb.

Ipinatawag ni Moises ang lahat ng Israelita at sinabi sa kanila, “Nakita ninyo ang lahat ng ginawa ng Panginoon sa Faraon at sa lahat ng opisyal niya at sa buong bansa nito. Nakita ninyo noon ang matinding pagsubok[a], ang mga himala at ang mga kamangha-manghang gawa. Pero hanggang ngayon, hindi pa ito ipinauunawa ng Panginoon sa inyo. Sa loob ng 40 taon na pinangunahan ko kayo sa ilang, hindi naluma ang mga damit at sandalyas ninyo. Wala kayong pagkain doon o katas ng ubas o ng iba pang inumin, pero binigyan kayo ng Panginoon ng mga kailangan ninyo para malaman ninyong siya ang Panginoon na inyong Dios.

“Pagdating natin sa lugar na ito, nakipaglaban sa atin si Haring Sihon ng Heshbon at si Haring Og ng Bashan, pero tinalo natin sila. Inagaw natin ang lupain nila at ibinigay ito sa mga lahi nina Reuben, Gad at sa kalahating lahi ni Manase bilang mana nila.

“Kaya sundin ninyong mabuti ang mga ipinatutupad ng kasunduang ito, para maging matagumpay kayo sa lahat ng ginagawa ninyo. 10 Sa araw na ito, nakatayo kayo sa harap ng presensya ng Panginoon na inyong Dios: ang mga pinuno ng mga angkan ninyo, ang mga tagapamahala, ang mga opisyal at lahat ng kalalakihan ng Israel, 11 ang mga asawaʼt mga anak ninyo, at ang mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo na inyong tagasibak at taga-igib. 12 Nakatayo kayo rito ngayon para gawin ang kasunduan sa Panginoon na inyong Dios. Sinusumpaan ng Panginoon ang kasunduang ito ngayon. 13 Gusto niyang mapatunayan sa inyo sa araw na ito na kayo ang mamamayan niya at siya ang Dios ninyo ayon sa ipinangako niya sa inyo at sa inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob. 14-15 Pero hindi lang kayo na nakatayo ngayon dito sa presensya ng Panginoon na inyong Dios ang saklaw ng kasunduang ito, kundi pati ang lahat ng inyong lahi na ipapanganak pa lang.

16 “Nalalaman ninyo kung paano tayo nanirahan sa Egipto noon at kung paano tayo naglakbay sa lupain ng iba pang mga bansa papunta sa lugar na ito. 17 Nakita ninyo ang kanilang kasuklam-suklam na mga dios-diosan na ginawa mula sa kahoy, bato, pilak at ginto. 18 Siguraduhin ninyong wala ni isa sa inyo, babae o lalaki, sambahayan o angkan, na tatalikod sa Panginoon na ating Dios at sasamba sa mga dios ng mga bansang iyon para wala ni isa sa inyo ang maging katulad ng ugat na tumutubong mapait at nakakalason. 19 Ang sinumang nakarinig ng mga babala ng sumpang ito ay huwag mag-iisip na hindi siya masasaktan kahit na magpatuloy siya sa kanyang gusto. Pagbagsak ang idudulot nito sa inyong lahat. 20 Hindi siya patatawarin ng Panginoon. Maglalagablab ang galit ng Panginoon sa kanya tulad ng apoy, at mangyayari sa kanya ang lahat ng sumpa na nakasulat sa aklat na ito, at buburahin ng Panginoon ang kanyang pangalan sa mundo. 21 Ibubukod siya ng Panginoon sa lahat ng lahi ng Israel, at pahihirapan siya ayon sa mga sumpa ng kasunduan na nakasulat dito sa Aklat ng Kautusan.

22 “Sa mga susunod na henerasyon, ang inyong mga lahi at ang mga dayuhang galing sa malayong lugar ay makakakita ng mga kalamidad at mga karamdamang ipapadala ng Panginoon sa inyo. 23 Ang buong lupain ninyo ay magiging katulad ng disyerto na natabunan ng asupre at asin. Walang magtatanim sa lupaing ito dahil hindi tutubo ang mga pananim. Magiging katulad ito ng pagkawasak ng Sodom at Gomora, Adma at Zeboyim na ibinagsak ng Panginoon dahil sa matindi niyang galit. 24 Pagkatapos, magtatanong ang mga bansa, ‘Bakit ginawa ito ng Panginoon sa kanyang bansa? Bakit napakatindi ng kanyang galit?’

25 “At sasagutin sila nang ganito, ‘Dahil sinuway ng mga taong ito ang kasunduang ginawa sa kanila ng Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, nang inilabas niya sila sa Egipto. 26 Sumamba sila at naglingkod sa ibang mga dios na hindi nila nakikilala, na ipinagbawal ng Panginoon na sambahin nila. 27 Kaya nagalit nang matindi ang Panginoon sa kanilang bansa at ipinalasap niya sa kanila ang lahat ng sumpa na nakasulat sa aklat na ito. 28 Sa matinding galit ng Panginoon, pinalayas niya sila sa kanilang bansa at ipinabihag sa ibang mga bansa kung saan sila naninirahan ngayon.’ 29 May mga lihim na bagay na ang Panginoon lang ang nakakaalam, pero ipinahayag niya sa atin ang kanyang kasunduan, at dapat natin itong sundin maging ng ating lahi magpakailanman.

Salmo 119:49-72

49 Alalahanin nʼyo ang inyong ipinangako sa akin na inyong lingkod,
    dahil ito ang nagbibigay sa akin ng pag-asa.
50 Ang inyong mga pangako ang siyang nagpapalakas,
    at umaaliw sa akin sa kahirapang aking dinaranas.
51 Palagi akong hinahamak ng mga hambog,
    ngunit hindi ako humihiwalay sa inyong kautusan.
52 Panginoon, inaalala ko ang inyong katarungang ibinigay noong una,
    at itoʼy nagbibigay sa akin ng kaaliwan.
53 Akoʼy galit na galit sa masasamang tao,
    na ayaw sumunod sa inyong kautusan.
54 Umaawit ako tungkol sa inyong mga tuntunin kahit saan man ako nanunuluyan.
55 Panginoon, sa gabi ay inaalala ko kayo at iniisip ko kung paano ko masusunod ang inyong kautusan.
56 Ito ang aking kagalakan: ang sumunod sa inyong mga tuntunin.

57 Kayo lang Panginoon, ang tangi kong kailangan.
    Akoʼy nangangakong susundin ang inyong mga salita.
58 Buong puso akong nakikiusap sa inyo na ako ay inyong kahabagan ayon sa inyong pangako.
59 Pinag-isipan ko kung paano ako namuhay,
    at napagpasyahan kong sumunod sa inyong mga turo.
60 Agad kong sinunod ang inyong mga utos.
61 Kahit iginagapos ako ng masasama, hindi ko kinakalimutan ang inyong kautusan.
62 Kahit hatinggabi ay gumigising ako upang kayoʼy pasalamatan sa inyong matuwid na mga utos.
63 Akoʼy kaibigan ng lahat ng may takot sa inyo at sumusunod sa inyong mga tuntunin.
64 Panginoon, minamahal nʼyo ang lahat ng tao sa buong mundo.
    Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.

65 Panginoon, maging mabuti kayo sa akin na inyong lingkod, ayon sa inyong pangako.
66 Bigyan nʼyo ako ng kaalaman at karunungan,
    dahil nagtitiwala ako sa inyong mga utos.
67 Nang akoʼy hindi nʼyo pa pinarurusahan, akoʼy lumayo sa inyo,
    ngunit ngayoʼy sinusunod ko na ang inyong mga salita.
68 Napakabuti nʼyo at mabuti ang inyong mga ginagawa.
    Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
69 Kahit na akoʼy sinisiraan ng mga taong mapagmataas, buong puso ko pa ring tinutupad ang inyong mga tuntunin.
70 Hindi sila nakakaunawa ng inyong kautusan,
    ngunit akoʼy sumusunod sa inyong mga utos nang may kagalakan.
71 Mabuti na pinarusahan nʼyo ako,
    dahil sa pamamagitan nito natutunan ko ang inyong mga turo.

72 Para sa akin, ang kautusang ibinigay nʼyo ay higit na mahalaga kaysa sa maraming kayamanan.

Isaias 56

Ang Pagpapala sa Lahat ng Bansa

56 Ito ang sinasabi ng Panginoon: “Pairalin ninyo ang katarungan at katuwiran dahil malapit ko na kayong iligtas. Mapalad ang mga taong gumagawa nito at ang mga sumusunod sa aking mga ipinapagawa sa Araw ng Pamamahinga. Mapalad din ang taong hindi gumagawa ng masama.”

Huwag isipin ng mga dayuhang nag-alay ng kanilang sarili sa Panginoon na hindi sila isasama ng Panginoon sa kanyang mga mamamayan. Huwag ding isipin ng mga taong nagpakapon na dahil hindi na sila magkakaanak,[a] ay hindi sila maaaring isama sa mga mamamayan ng Dios. Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon, “Pagpapalain ko ang mga taong nagpakapon na sumusunod sa mga ipinapagawa ko sa Araw ng Pamamahinga at gumagawa ng mga bagay na nakakalugod sa akin, at tumutupad sa aking kasunduan. Papayagan ko silang makapasok sa aking templo at pararangalan ko sila ng higit pa sa karangalang ibibigay sa kanila kung silaʼy nagkaanak. At hindi sila makakalimutan ng mga tao magpakailanman.

“Pagpapalain ko rin ang mga dayuhang nag-alay ng sarili nila sa akin para paglingkuran ako, mahalin, sambahin, at sundin ang aking ipinapagawa sa Araw ng Pamamahinga at tumutupad sa aking kasunduan. Dadalhin ko sila sa aking banal na bundok at aaliwin doon sa aking templong dalanginan. Tatanggapin ko sa aking altar ang kanilang mga handog na sinusunog at iba pang mga handog, dahil ang templo koʼy tatawaging templong dalanginan ng mga tao mula sa lahat ng bansa.” Sinabi pa ng Panginoong Dios na nagtipon sa mga Israelitang nabihag, “Titipunin ko pa ang iba, maliban doon sa mga natipon ko na.”

Lumapit kayo, kayong lahat ng bansa na parang mababangis na hayop, at lipulin ninyo ang mga mamamayan ng Israel. 10 Sapagkat ang mga pinuno ng Israel na dapat sanaʼy mga tagapagbantay ng bansang ito ay parang mga bulag at mga walang nalalaman. Para silang mga asong tagapagbantay na hindi tumatahol. Ang gusto nilaʼy mahiga, matulog, at managinip. 11 Para silang mga asong matatakaw na walang kabusugan. Ang mga tagapag-alaga ng Israel ay walang pang-unawa. Ang bawat isa sa kanilaʼy gumagawa ng kahit anong gusto nilang gawin, at ang pansariling kapakanan lang ang kanilang pinagkakaabalahan. 12 Sinabi pa nila, “Halikayo, kumuha tayo ng inumin at maglasing! At mas marami pa bukas kaysa ngayon.”

Mateo 4

Ang Pagtukso kay Jesus(A)

Pagkatapos nito, dinala ng Banal na Espiritu si Jesus sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. Doon ay nag-ayuno si Jesus ng 40 araw at 40 gabi, kaya nagutom siya. Dumating ang Manunukso at sinabi sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, gawin mong tinapay ang mga batong ito.” Pero sumagot si Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Hindi lang sa pagkain nabubuhay ang tao kundi sa bawat salita ng Dios.’ ”[a]

Dinala naman siya ng diyablo sa Jerusalem, ang banal na lungsod, doon sa pinakamataas na bahagi ng templo. At sinabi niya kay Jesus, “Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, tumalon ka. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, ‘Uutusan ng Dios ang kanyang mga anghel na ingatan ka. At aalalayan ka nila upang hindi tumama ang iyong mga paa sa bato.’ ”[b] Pero sinagot siya ni Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Huwag mong subukin ang Panginoon mong Dios.’ ”[c]

Pagkatapos, dinala pa siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok, at ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa mundo at ang kayamanan at kadakilaan ng mga ito. At sinabi ng diyablo kay Jesus, “Ang lahat ng iyan ay ibibigay ko sa iyo, kung luluhod ka at sasamba sa akin.” 10 Pero sinagot siya ni Jesus, “Lumayas ka, Satanas! Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Dios at siya lamang ang iyong paglingkuran.’ ”[d]

11 Pagkatapos nito, iniwan na siya ng diyablo. Dumating naman ang mga anghel ng Dios at naglingkod sa kanya.

Sinimulan ni Jesus ang Kanyang Gawain(B)

12 Nang mabalitaan ni Jesus na nakulong si Juan, bumalik siya sa Galilea. 13 Pero hindi na siya nanirahan sa Nazaret kundi sa Capernaum, isang bayan sa tabi ng lawa ng Galilea at sakop ng Zabulon at Naftali. 14 Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ni Propeta Isaias:

15 “Ang lupain ng Zabulon at Naftali ay daanan patungo sa lawa[e] at nasa kabila ng Ilog ng Jordan.
    Ang mga lugar na itoʼy sakop ng Galilea at tinitirhan ng mga hindi Judio.
16 Nabubuhay sa kadiliman ang mga tao roon, ngunit makakakita sila ng matinding liwanag.
    Kahit nasa kadiliman sila at natatakot mamatay, maliliwanagan sila.”[f]

17 Simula noon, nangaral na si Jesus. At ito ang kanyang mensahe: “Pagsisihan na ninyo ang inyong mga kasalanan, dahil malapit na[g] ang paghahari ng Dios.”

Tinawag ni Jesus ang Apat na Mangingisda(C)

18 Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na mangingisdang sina Simon (na tinatawag na Pedro) at Andres na naghahagis ng lambat. 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng mga tao.”[h] 20 Iniwan nila agad ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.

21 At habang patuloy sa paglalakad si Jesus, nakita niya ang magkapatid na sina Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedee. Nakaupo sila sa bangka kasama ng kanilang ama at nag-aayos ng lambat. Tinawag din ni Jesus ang magkapatid. 22 Iniwan nila agad ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Jesus.

Nangaral at Nagpagaling ng mga May Sakit si Jesus(D)

23 Nilibot ni Jesus ang buong Galilea. Nangaral siya sa mga sambahan ng mga Judio at ipinangaral niya ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios. Pinagaling din niya ang ibaʼt ibang uri ng sakit at karamdaman ng mga tao. 24 Naging tanyag siya sa buong Syria, at dinala sa kanya ng mga tao ang lahat ng may sakit, mga naghihirap dahil sa matinding karamdaman, mga sinaniban ng masamang espiritu, mga may epilepsya at mga paralitiko. Pinagaling niya silang lahat. 25 Sinundan siya ng napakaraming tao na galing sa Galilea, Decapolis, Jerusalem, at iba pang mga bayan sa Judea, at maging sa kabila ng Ilog ng Jordan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®