M’Cheyne Bible Reading Plan
22 “Kapag nakita ninyong nakawala ang baka o tupa ng inyong kapwa, huwag ninyo itong pababayaan, sa halip dalhin ito sa may-ari. 2 Pero kung malayo ang tinitirhan ng may-ari o hindi ninyo alam kung kanino ito, iuwi muna ninyo ito. Kapag hinanap ito ng may-ari, saka ninyo ito ibigay sa kanya. 3 Ganito rin ang gagawin ninyo sa asno o kasuotan o anumang bagay na nawala sa inyong kapwa. Huwag ninyo itong babalewalain.
4 “Kung makita mo na ang asno o ang baka ng iyong kapwa ay nabuwal sa daan, huwag mo itong pabayaan. Tulungan mo ang may-ari para itayo ito.
5 “Hindi dapat magsuot ng kasuotang panlalaki ang mga babae, o ang mga lalaki ng kasuotang pambabae, dahil kinasusuklaman ng Panginoon na inyong Dios ang gumagawa nito.
6 “Kung may makita kayong mga pugad ng ibon sa tabi ng daan, sa punongkahoy, o sa lupa, at ang inahin ay nakaupo sa mga itlog o sa kanyang mga inakay, huwag ninyong kukunin ang inahing kasama ng mga itlog o mga inakay. 7 Maaari ninyong kunin ang mga itlog o mga inakay, pero kailangang pakawalan ninyo ang inahin, para maging mabuti ang inyong kalagayan at mabuhay kayo nang matagal.
8 “Kung magpapatayo kayo ng bahay, lagyan ninyo ng rehas ang palibot ng inyong patag na bubong para wala kayong pananagutan kung may mahulog mula sa bubong ninyo at mamatay.
9 “Huwag kayong magtatanim ng ibang binhi sa ubasan. Kung gagawin ninyo ito, magiging pag-aari na ng templo ang bungang itinanim ninyo at pati na rin ang bunga ng inyong ubasan.
10 “Huwag ninyong pagpaparisin ang baka at ang asno sa pag-aararo. 11 Huwag kayong magsusuot ng damit na ginawa sa dalawang klase ng tela.
12 “Lagyan ninyo ng palawit ang apat na gilid ng balabal na damit ninyo.
Ang Kautusan tungkol sa Dangal ng Babae
13 “Kung napangasawa ng isang lalaki ang isang babae, at pagkatapos nilang magsiping ay inayawan ng lalaki ang kanyang asawa 14 at pinagbintangan niya ito. At sinabi niya, ‘Natuklasan kong hindi na birhen ang aking asawa nang sumiping ako sa kanya.’ 15 Pupunta ang magulang ng babae sa mga tagapamahala doon sa may pintuan ng bayan. Magdadala sila ng ebidensya na birhen ang anak nila. 16 At sasabihin ng ama ng babae sa mga tagapamahala, ‘Ipinakasal ko ang anak ko sa taong ito at ngayoʼy nagagalit siya sa anak ko. 17 Pinagbibintangan niya ang anak ko na hindi na siya birhen nang mapangasawa niya. Pero heto ang ebidensya na birhen ang aking anak.’ At ipapakita ng magulang sa mga tagapamahala ang sapin ng mag-asawa na may dugo. 18 Pagkatapos nito, huhulihin ng mga tagapamahala ang lalaki at parurusahan. 19 Pagmumultahin siya ng 100 pirasong pilak at ibibigay ito sa ama ng babae, dahil ipinahiya niya ang isang birheng Israelita. At dapat ay huwag niyang hihiwalayan ang babae habang nabubuhay siya.
20 “Pero kung totoo ang bintang at walang makitang ebidensya na birhen ang babae, 21 dadalhin ang babaeng iyon sa harap ng bahay ng kanyang ama at doon babatuhin siya ng mga lalaki ng bayan hanggang sa mamatay. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa. Nakakahiya ang bagay na ginawa niya sa Israel sa pamamagitan ng pakikiapid habang nasa poder pa siya ng kanyang ama.
Ang Kautusan tungkol sa Pakikiapid
22 “Kung nakiapid ang isang lalaki sa isang babaeng may asawa, dapat na patayin silang dalawa. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.
23 “Kung ang isang lalaki ay nakiapid sa isang dalagang malapit nang ikasal, at nangyari ito sa isang bayan, 24 dadalhin silang dalawa sa pintuan ng bayan at babatuhin hanggang sa mamatay. Papatayin ang babae dahil kahit na naroon siya sa bayan, hindi siya sumigaw para humingi ng tulong. Papatayin din ang lalaki dahil nakiapid siya sa babaeng ikakasal na. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.
25 “Ngunit kung ang babaeng ikakasal na ay pinagsamantalahan ng lalaki sa labas ng bayan, ang lalaki lang ang papatayin. 26 Huwag ninyong sasaktan ang babae; hindi siya nagkasala at hindi siya dapat parusahan ng kamatayan. Ang kasong ito ay katulad ng kaso ng tao na sumalakay sa kanyang kapwa at pinatay ito. 27 Dahil sa labas ng bayan pinagsamantalahan ang babae, kahit na sumigaw siya para humingi ng tulong, walang makakarinig sa kanya para tumulong.
28 “Kung nahuli ang isang lalaki na pinagsamantalahan ang isang dalaga na walang nobyo, 29 magbabayad ang lalaki ng 50 pirasong pilak sa ama ng babae. Dapat niyang pakasalan ang babae dahil kinuha niya ang kanyang pagkababae, at hindi niya ito dapat hiwalayan habang siyaʼy nabubuhay.
30 “Hindi dapat makiapid ang anak sa asawa ng kanyang ama, dahil kahiya-hiya ito sa kanyang ama.
Ang Panginoon at ang Kanyang Hinirang na Hari
110 Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,[a]
“Maupo ka sa kanan ko hanggang mapasuko ko sa iyo ang mga kaaway mo.”
2 Palalawakin ng Panginoon ang iyong kaharian mula sa Zion,
at paghaharian mo ang iyong mga kaaway.
3 Sa panahon ng iyong pakikidigma sa mga kaaway, kusang-loob na tutulong sa iyo ang iyong mga tao.
Ang mga kabataang iyong nasasakupan ay pupunta sa iyo doon sa banal na burol katulad ng hamog tuwing umaga.
4 Ang Panginoon ay sumumpa at hindi magbabago ang pasya niya,
na ikaw ay pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melkizedek.
5 Ang Panginoon ay kasama mo.
Parurusahan niya ang maraming hari sa oras ng kanyang galit.
6 Parurusahan niya ang mga bansa,
at marami ang kanyang papatayin.
Lilipulin niya ang mga namumuno sa buong mundo.
7 Mahal na Hari, kayo ay iinom sa sapa na nasa tabi ng daan,
kaya muli kayong lalakas at magtatagumpay.
Pagpupuri sa Dios
111 Purihin ang Panginoon!
Buong puso kong pasasalamatan ang Panginoon sa pagtitipon ng mga matuwid.
2 Napakadakila ng mga gawa ng Panginoon;
iniisip ito ng lahat ng nagagalak sa kanyang mga gawa.
3 Ang lahat ng kanyang mga gawa ay nagpapakita ng kanyang kapangyarihan at karangalan.
At ang kanyang katuwiran ay nagpapatuloy magpakailanman.
4 Ipinaaalala niya ang kanyang mga kahanga-hangang gawa.
Siya ay mapagbiyaya at mahabagin.
5 Binibigyan niya ng pagkain ang mga may takot sa kanya,
at ang kanyang kasunduan sa kanila ay hindi niya kinakalimutan.
6 Ipinakita niya sa kanyang mga mamamayan ang kapangyarihan ng kanyang mga gawa,
sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga lupain ng ibang mga bansa.
7 Tapat at matuwid ang lahat niyang ginagawa,
at mapagkakatiwalaan ang lahat niyang mga utos.
8 Ang kanyang mga utos ay mananatili magpakailanman,
at itoʼy ibinigay niya nang buong katapatan at ayon sa katuwiran.
9 Tinubos niya ang kanyang mga mamamayan,
at gumawa siya ng kasunduan na pangwalang hanggan.
Banal siya at kahanga-hanga.
10 Ang pagkatakot sa Panginoon ang pinagmumulan ng karunungan.
Lahat ng sumusunod sa kanyang mga utos ay may mabuting pang-unawa.
Purihin siya magpakailanman.
Ang mga Gawain ng Lingkod ng Dios
49 Makinig kayo sa akin, kayong mga naninirahan sa malalayong lugar:[a] Hindi pa man ako isinilang, tinawag na ako ng Panginoon para maglingkod sa kanya. 2 Ginawa niyang kasintalim ng espada ang mga salita ko. Iningatan niya ako sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Ginawa niya akong parang makinang na pana na handa nang itudla. 3 Sinabi niya sa akin, “Israel, ikaw ay lingkod ko. Sa pamamagitan mo, pararangalan ako ng mga tao.” 4 Pero sinabi ko, “Ang paghihirap koʼy walang kabuluhan; sinayang ko ang lakas ko sa walang kabuluhan.” Pero ipinaubaya ko ito sa Panginoon na aking Dios. Siya ang magbibigay ng gantimpala sa aking mga gawa.
5 Ang Panginoon ang pumili sa akin na maging lingkod niya, para pabalikin sa kanya at tipunin ang mga Israelita. Pinarangalan ako ng Panginoon na aking Dios at binigyan ng lakas. 6 Sinabi niya, “Ikaw na lingkod ko, marami pang mga gawain ang ipapagawa ko sa iyo, maliban sa pagpapabalik sa mga Israelita na aking kinakalinga. Gagawin pa kitang[b] ilaw ng mga bansa para maligtas ang buong mundo.”[c]
7 Ang Panginoon, ang Tagapagligtas at Banal na Dios ng Israel ay nagsabi sa taong hinahamak at kinasusuklaman ng mga bansa at ng lingkod ng mga pinuno, “Makikita ng mga hari kung sino kang talaga at tatayo sila para magbigay galang sa iyo. Ang mga pinuno ay yuyuko sa iyo. Mangyayari ito dahil sa akin, ang Panginoong tapat, ang Banal na Dios ng Israel. Ako ang pumili sa iyo.”
Muling Itatayo ang Jerusalem
8 Ito ang sinabi ng Panginoon, “Sa tamang panahon[d] ay tutugunin kita, sa araw ng pagliligtas ay tutulungan kita. Iingatan kita, at sa pamamagitan mo gagawa ako ng kasunduan sa mga tao. Muli mong itatayo ang lupain ng Israel na nawasak, at muli mo itong ibibigay sa aking mga mamamayan. 9 Sasabihin mo sa mga Israelitang binihag at piniit sa kadiliman, ‘Lumabas kayo! Malaya na kayo!’
“Matutulad sila sa mga tupang nanginginain sa tabi ng mga daan at mga burol. 10 Hindi sila magugutom o mauuhaw. Hindi sila maiinitan ng matinding init ng araw o ng mainit na hangin sa ilang. Sapagkat akong nagmamalasakit sa kanila ay magpapatnubay sa kanila sa mga bukal. 11 Gagawin kong daanan ang aking mga bundok na kanilang dadaanan. Ang mga lugar na matataas ay magiging pangunahing daan. 12 Darating ang aking mga mamamayan mula sa malayo. Manggagaling ang iba sa hilaga, ang iba namaʼy sa kanluran, at ang ibaʼy galing pa sa Sinim.”[e]
13 Umawit ka sa tuwa, O langit. At magalak ka, O mundo! Umawit kayo, kayong mga bundok. Sapagkat kaaawaan at aaliwin ng Panginoon ang kanyang mga mamamayang nahihirapan. 14 Pero sinabi ng mga taga-Jerusalem,[f] “Pinabayaan na kami ng Panginoon; nakalimutan na niya kami.”
15 Pero sumagot ang Panginoon, “Makakalimutan ba ng isang ina ang kanyang anak? Hindi ba niya pagmamalasakitan ang isinilang niyang sanggol? Maaaring makalimot ang isang ina, pero ako, hindi makalilimot sa inyo!
16 “O Jerusalem, hinding-hindi kita malilimutan. Isinulat ko ang pangalan mo sa aking mga palad. Palagi kong iniisip na maitayong muli ang iyong mga pader. 17 Malapit nang dumating ang muling magtatayo sa iyo,[g] at ang mga nagwasak sa iyo ay paaalisin na. 18 Tingnan mo ang iyong paligid; nagtitipon na ang iyong mga mamamayan para umuwi sa iyo. At bilang Dios na buhay, sumusumpa akong ipagmamalaki mo sila katulad ng pagmamalaki ng nobyang ikakasal sa mga alahas na kanyang suot-suot. 19 Nawasak ka at pinabayaang giba, pero ngayon ay titirhan ka na ng iyong mga mamamayan. Hindi na sila halos magkakasya sa iyo. At ang mga nagwasak sa iyo ay lalayo na. 20 Sasabihin ng mga anak ninyong ipinanganak sa panahon ng inyong pagdadalamhati,[h] ‘Ang lugar na itoʼy napakaliit para sa amin. Kailangan namin ng mas malaking lugar.’ 21 At sasabihin mo sa iyong sarili, ‘Sino ang nanganak ng mga ito para sa akin? Namatay ang karamihan ng aking mga mamamayan,[i] at dahil doon akoʼy nagluksa. Ang iba sa kanila ay binihag at dinala sa ibang bansa, at nag-iisa na lamang ako. Kaya saan galing ang mga ito? Sino ang nag-alaga sa kanila?’ ”
22 Ito ang sinabi ng Panginoong Dios: “Sesenyasan ko ang mga bansa at ibabalik nila sa iyo ang iyong mga mamamayan na parang mga sanggol na kanilang kinalinga.[j] 23 Maglilingkod sa iyo ang mga hari at mga reyna. Sila ang mag-aalaga sa iyo. Luluhod sila sa iyo bilang paggalang, at magpapasakop sa iyo.[k] Sa ganoon malalaman mong ako ang Panginoon, at ang mga nagtitiwala sa akin ay hindi mabibigo.”
24 Mababawi mo pa ba ang mga sinamsam ng mga sundalong malulupit?[l] Maililigtas pa ba ang mga binihag nila?
25 Pero ito ang sagot ng Panginoon, “Oo, maililigtas mo pa ang mga binihag ng mga sundalong malulupit at mababawi mo pa ang mga sinamsam nila. Sapagkat lalabanan ko ang mga lumalaban sa iyo at ililigtas ko ang iyong mga mamamayan.[m] 26 Ipapakain ko sa mga umaapi sa iyo ang sarili nilang katawan, at magiging parang mga lasing sila sa sarili nilang dugo. Dahil dito, malalaman ng lahat na ako, ang Panginoon, ang iyong Tagapagligtas at Tagapagpalaya, ay ang Makapangyarihang Dios ni Jacob.”
19 Pagkatapos, nakarinig ako ng parang napakaraming tao sa langit na nagsisigawan, “Purihin ang Panginoon! Purihin ang Dios nating makapangyarihan, dahil siya ang nagligtas sa atin! 2 Matuwid at tama ang kanyang paghatol. Hinatulan niya ang sikat na babaeng bayaran na nagpasama sa mga tao sa mundo dahil sa kanyang imoralidad. Pinarusahan siya ng Dios dahil pinatay niya ang mga lingkod ng Dios.” 3 Sinabi nilang muli, “Purihin ang Panginoon! Ang usok ng nasusunog na lungsod ay papailanlang magpakailanman!” 4 Lumuhod ang 24 na namumuno at ang apat na buhay na nilalang at sumamba sa Dios na nakaupo sa kanyang trono. Sinabi nila, “Amen! Purihin ang Panginoon!”
Handaan sa Kasal ng Tupa
5 Pagkatapos, may narinig akong nagsalita mula sa trono, “Purihin ninyo ang ating Dios, kayong lahat na naglilingkod sa kanya nang may takot, dakila man o hindi.” 6 Pagkatapos, muling may narinig ako, parang ingay ng napakaraming tao na parang lagaslas ng talon o dagundong ng malakas na kulog. Ito ang sinasabi, “Purihin ang Panginoon! Sapagkat naghahari na ang Panginoon na ating Dios na makapangyarihan sa lahat! 7 Magalak tayo at magsaya, at purihin natin siya. Sapagkat dumating na ang oras ng kasal ng Tupa, at nakahanda na ang kanyang nobya. 8 Pinagsuot siya ng damit na malinis, makinang, at puting-puti.” Ang ibig sabihin ng puting damit ay ang mabubuting gawa ng mga pinabanal[a] ng Dios.
9 At sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: Mapalad ang mga inimbitahan sa handaan sa kasal ng Tupa.” At sinabi pa niya, “Totoo ang mga sinasabing ito ng Dios.” 10 Lumuhod ako sa paanan niya upang sumamba sa kanya. Pero sinabi niya sa akin, “Huwag! Huwag mo akong sambahin. Sapagkat alipin din ako ng Dios, tulad mo at ng mga kapatid mong nagpapahayag ng katotohanang itinuro ni Jesus.[b] Ang Dios ang sambahin mo!” (Sapagkat ang mga katotohanang itinuro ni Jesus ay siyang buod ng mga sinabi at isinulat ng mga propeta.)
Ang Nakasakay sa Puting Kabayo
11 Pagkatapos, nakita kong nabuksan ang langit, at may puting kabayo na nakatayo roon. Ang nakasakay ay tinatawag na Tapat at Totoo. Sapagkat matuwid siyang humatol at makipagdigma. 12 Parang nagniningas na apoy ang mga mata niya at marami ang mga korona niya sa ulo. May nakasulat na pangalan sa kanya, na siya lang ang nakakaalam kung ano ang kahulugan. 13 Ang suot niyang damit ay inilubog sa dugo. At ang tawag sa kanya ay “Salita ng Dios.” 14 Sinusundan siya ng mga sundalo mula sa langit. Nakasakay din sila sa mga puting kabayo, at ang mga damit nila ay malinis at puting-puti. 15 Mula sa bibig niya ay lumalabas ang matalas na espada na gagamitin niyang panlupig sa mga bansa. At pamamahalaan niya sila sa pamamagitan ng kamay na bakal. Ipapakita niya sa kanila ang matinding galit ng Dios na makapangyarihan sa lahat. 16 Sa damit at sa hita niya ay may nakasulat: “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”
17 Pagkatapos, nakita ko ang isang anghel na nakatayo sa araw. Sumigaw siya sa mga ibong lumilipad sa himpapawid, “Halikayo! Magtipon kayo para sa malaking handaan ng Dios! 18 Halikayo! Kainin ninyo ang laman ng mga hari, mga heneral, mga kawal, mga nakasakay sa kabayo, pati na ang laman ng kanilang mga kabayo. Kainin ninyo ang laman ng lahat ng tao, alipin man o hindi, hamak man o dakila.”
19 Pagkatapos, nakita ko ang halimaw at ang mga hari sa mundo kasama ang kanilang mga kawal. Nagtipon sila upang labanan ang nakasakay sa puting kabayo at ang kanyang mga sundalo mula sa langit. 20 Ngunit dinakip ang halimaw. Dinakip din ang huwad at sinungaling na propeta na gumagawa ng mga himala para sa halimaw. Ang mga himalang ito ang ginamit niya upang dayain ang mga taong may tatak ng halimaw at sumasamba sa imahen nito. Silang dalawa ay itinapon nang buhay sa lawang apoy na may nagliliyab na asupre. 21 Pinatay ang mga sundalo nila sa pamamagitan ng espadang lumabas sa bibig ng nakasakay sa puting kabayo. At ang mga ibon ay nagsawa sa kakakain ng kanilang bangkay.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®