M’Cheyne Bible Reading Plan
Mahalin ang Panginoon na inyong Dios
6 “Ito ang mga utos, katuruan at tuntunin na iniutos ng Panginoon na inyong Dios sa akin na ituro sa inyo. Sundin ninyo ito sa lupaing inyong aariin doon sa kabila ng Jordan, 2 para kayo at ang mga anak at mga apo ninyo ay gumalang sa Panginoon na inyong Dios habang nabubuhay kayo. Kung susundin ninyo ang lahat ng utos niya at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo, mabubuhay kayo nang matagal. 3 Makinig kayo, O mamamayan ng Israel, at sundin ninyo ang kanyang mga utos para maging mabuti ang inyong kalagayan at upang lalo pa kayong dumami sa maganda at masaganang lupain,[a] ayon sa ipinangako ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno.
4 “Makinig kayo, O mga mamamayan ng Israel: Ang Panginoon na ating Dios ay iisang Panginoon lang.[b] 5 Mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buo ninyong lakas. 6 Huwag ninyong kalilimutan ang mga utos na ito na ibinigay ko sa inyo ngayon. 7 Ituro ninyo ito sa inyong mga anak. Pag-usapan ninyo ito kapag kayoʼy nasa inyong mga bahay at kapag naglalakad, kapag nakahiga, at kapag babangon kayo. 8 Itali ninyo ito sa inyong mga braso o ilagay sa inyong mga noo bilang paalala sa inyo. 9 Isulat ninyo ito sa mga hamba ng inyong bahay at sa bukana ng pintuan ng inyong mga lungsod.
10 “Dadalhin kayo ng Panginoon na inyong Dios doon sa lupain na ipinangako niya sa inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob. Malaki ang lupaing ito at may maunlad na mga lungsod na hindi kayo ang nagtayo. 11 May mga bahay din ito na puno ng mabubuting bagay na hindi kayo ang naghirap, may mga balon na hindi kayo ang naghukay, at mga ubasan at mga puno ng olibo na hindi kayo ang nagtanim. At kung makakain na kayo at mabusog, 12 siguraduhin ninyo na hindi ninyo makakalimutan ang Panginoon na naglabas sa inyo sa Egipto kung saan kayo inalipin.
13 “Igalang ninyo ang Panginoon na inyong Dios; siya lang ang inyong paglingkuran at mangako kayo sa pangalan lang niya. 14 Huwag kayong susunod sa ibang mga dios, ang mga dios ng mga mamamayan sa inyong paligid; 15 dahil ang Panginoon na inyong Dios na kasama nʼyo ay ayaw na may sinasamba kayong iba. Kung sasamba kayo sa ibang dios, ipadarama ng Panginoon ang kanyang galit sa inyo at lilipulin niya kayo sa mundo. 16 Huwag ninyong susubukin ang Panginoon na inyong Dios kagaya ng ginawa ninyo sa Masa. 17 Sundin ninyo ang kanyang mga utos, mga katuruan at mga tuntunin na ibinigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. 18 Gawin ninyo ang tama at mabuti sa paningin ng Panginoon para maging mabuti ang inyong kalagayan at maangkin ninyo ang magandang lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno. 19 Itataboy niya sa inyong harapan ang lahat ng inyong mga kaaway ayon sa kanyang sinabi.
20 “Sa darating na panahon, kung magtanong ang inyong mga anak, ‘Ano po ba ang ibig sabihin ng mga katuruan, tuntunin at kautusan na iniutos ng Panginoon na ating Dios?’ 21 Sabihin ninyo sa kanila, ‘Mga alipin kami noon ng hari[c] ng Egipto, pero inilabas kami roon ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 22 Nakita namin ang mga dakilang himala at mga kamangha-manghang bagay na ginawa niya sa pagpaparusa sa mga mamamayan ng Egipto, kasama ng Faraon at ng buong sambahayan niya. 23 At inilabas niya kami sa Egipto para dalhin sa lupain na kanyang ipinangako sa ating mga ninuno. 24 Inutusan kami ng Panginoon na sundin namin ang lahat ng mga tuntuning ito at gumalang sa kanya na ating Dios, para lagi kaming maging maunlad at mabuhay nang matagal gaya ng nangyayari ngayon. 25 At kung susundin lang nating mabuti ang lahat ng mga utos na ito ng Panginoon na ating Dios, gaya ng iniutos sa atin, magiging matuwid tayo sa kanyang paningin.’
Ang Kasunduan ng Dios kay David
89 Panginoon, aawitin ko ang tungkol sa inyong tapat na pag-ibig magpakailanman.
Ihahayag ko sa lahat ng salinlahi ang inyong katapatan.
2 Ipapahayag ko na matatag ang inyong walang hanggang pag-ibig, at mananatili gaya ng kalangitan.
3 At inyong sinabi, “Gumawa ako ng kasunduan sa aking lingkod na si David na aking pinili upang maging hari.
Ito ang ipinangako ko sa kanya:
4 Ang bawat hari ng Israel ay manggagaling sa iyong lahi;
ang iyong kaharian ay magpapatuloy magpakailanman.”
5 Panginoon, pupurihin ng mga nilalang sa langit ang inyong katapatan at mga kahanga-hangang gawa.
6 Walang sinuman doon sa langit ang katulad nʼyo, Panginoon.
Sino sa mga naroon[a] ang katulad nʼyo, Panginoon?
7 Iginagalang kayo sa pagtitipon ng mga banal sa langit.
Higit kayong kahanga-hanga, at silang lahat na nakapalibot sa inyoʼy may malaking takot sa inyo.
8 O Panginoong Dios na Makapangyarihan, wala kayong katulad;
makapangyarihan kayo Panginoon at tapat sa lahat ng inyong ginagawa.
9 Nasa ilalim ng kapangyarihan nʼyo ang nagngangalit na dagat,
pinatatahimik nʼyo ang mga malalaking alon.
10 Dinurog nʼyo ang dragon na si Rahab, at namatay ito.
Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihaʼy ipinangalat nʼyo ang inyong mga kaaway.
11 Sa inyo ang langit at ang lupa, ang mundo at ang lahat ng naritoʼy kayo ang lumikha.
12 Nilikha nʼyo ang hilaga at ang timog.
Ang mga bundok ng Tabor at Hermon ay parang mga taong umaawit sa inyo nang may kagalakan.
13 Ang lakas nʼyo ay walang kapantay, at ang inyong kanang kamay ay nakataas at napakamakapangyarihan!
14 Katuwiran at katarungan ang pundasyon ng inyong paghahari
na pinangungunahan ng tapat na pag-ibig at katotohanan.
15 Panginoon, mapalad ang mga taong nakaranas na sumigaw dahil sa kagalakan para sa inyo.
Namumuhay sila sa liwanag na nagmumula sa inyo.
16 Dahil sa inyo palagi silang masaya.
At ang inyong pagiging makatuwiran ay pinupuri nila.
17 Pinupuri namin kayo dahil kayo ang aming dakilang kalakasan,
at dahil sa inyong kabutihan kami ay magtatagumpay.
18 Panginoon, Banal na Dios ng Israel,
ikaw ang naghirang sa hari na sa amin ay nagtatanggol.
19 Noon, nagsalita kayo sa inyong mga tapat na lingkod sa pamamagitan ng pangitain.
Sinabi nʼyo, “May hinubog akong isang mandirigma.
Pinili ko siya mula sa mga karaniwang tao,
at ginawang hari.
20 Si David na aking lingkod ang pinili kong hari sa pamamagitan ng pagpahid sa kanya ng banal na langis.
21 Ang kapangyarihan ko ang makakasama niya, at magpapalakas sa kanya.
22 Hindi siya malilinlang ng kanyang mga kaaway.
Hindi magtatagumpay laban sa kanya ang masasama.
23 Dudurugin ko sa kanyang harapan ang kanyang mga kaaway,
at lilipulin ang mga may galit sa kanya.
24 Mamahalin ko siya at dadamayan.
At sa pamamagitan ng aking kapangyarihan
ay magtatagumpay siya.
25 Paghahariin ko siya mula sa Dagat ng Mediteraneo hanggang sa Ilog ng Eufrates.[b]
26 Sasabihin niya sa akin, ‘Kayo ang aking Ama at Dios;
kayo ang bato na aking kanlungan at kaligtasan.’
27 Ituturing ko siyang panganay kong anak,
ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng hari.
28 Ang pag-ibig ko sa kanyaʼy magpakailanman at ang kasunduan ko sa kanyaʼy mananatili.
29 Ang bawat hari ng Israel ay magmumula sa kanyang angkan;
ang kanyang paghahari ay magiging matatag tulad ng kalangitan at mananatili magpakailanman.
30 Ngunit kung ang mga anak niya ay tumalikod sa aking kautusan at hindi mamuhay ayon sa aking pamamaraan,
31 at kung labagin nila ang aking mga tuntunin at kautusan,
32 parurusahan ko sila sa kanilang mga kasalanan.
33 Ngunit mamahalin ko pa rin at dadamayan si David.
34 Hindi ko sisirain ang aking kasunduan sa kanya,
at hindi ko babawiin ang aking ipinangako sa kanya.
35 Nangako na ako kay David ayon sa aking kabanalan at hindi ako maaaring magsinungaling.
36 Ang bawat hari ng Israel ay magmumula sa kanyang lahi magpakailanman gaya ng araw,
37 at magpapatuloy ito magpakailanman
katulad ng buwan na itinuturing na tapat na saksi sa kalangitan.”
38 Ngunit, Panginoon, nagalit kayo sa inyong piniling hari;
itinakwil nʼyo siya at iniwanan.
39 Binawi nʼyo ang kasunduan sa inyong lingkod at kinuha sa kanya ang kapangyarihan bilang hari.
40 Winasak ninyo ang mga pader ng kanyang lungsod at ginuho ang mga pinagtataguan nila.
41 Kaya lahat ng dumadaan sa kanyang kaharian ay nananamantala,
pinagsasamsam ang mga kagamitan sa lungsod.
Pinagtatawanan siya ng mga katabing bansa.
42 Pinagtagumpay nʼyo ang kanyang mga kaaway at pinasaya silang lahat.
43 Winalang kabuluhan ninyo ang kanyang mga sandata at ipinatalo siya sa labanan.
44 Winakasan nʼyo ang kanyang katanyagan pati na ang kanyang kapangyarihan bilang hari.
45 At dahil ditoʼy, nagmukha siyang matanda sa bata niyang edad.
Inilagay nʼyo siya sa kahihiyan.
46 Panginoon, hanggang kailan nʼyo kami pagtataguan?
Wala na ba itong katapusan?
Hanggang kailan mag-aapoy ang inyong galit sa amin?
47 Alalahanin nʼyo kung gaano kaiksi ang buhay ng tao.
Alalahanin nʼyong nilikha nʼyo ang tao na may kamatayan.
48 Sinong tao ang hindi mamamatay?
Maiiwasan ba ng tao ang kamatayan?
49 Panginoon, nasaan na ang dati ninyong pag-ibig?
Ang pag-ibig na ipinangako nʼyo kay David ayon sa inyong katapatan sa kanya?
50 Alalahanin nʼyo, Panginoon, kung paanong hiniya ng maraming bansa ang iyong lingkod[c] at ito ay aking tiniis.
51 Ang mga kaaway nʼyo, Panginoon, ang siyang kumukutya sa pinili nʼyong hari, saan man siya magpunta.
52 Purihin ang Panginoon magpakailanman!
Amen! Amen!
Parurusahan ng Dios ang Kanyang mga Kaaway
34 Kayong mga bansa, lumapit kayo at makinig nang mabuti. Makinig ang buong mundo at ang lahat ng nasa kanya. 2 Sapagkat galit ang Panginoon sa lahat ng bansa; galit siya sa kanilang mga kawal. Ganap niyang lilipulin ang mga ito. Papatayin niya silang lahat. 3 Hindi ililibing ang kanilang mga bangkay kaya aalingasaw ito, at ang mga bundok ay mamumula dahil sa kanilang dugo. 4 Matutunaw ang lahat ng bagay sa langit, at ang langit ay mawawala na parang kasulatan na nairolyo. Mahuhulog ang mga bituin na parang mga dahon ng ubas o ng igos na nalalanta at nalalagas. 5 Pagkatapos gamitin ng Panginoon ang kanyang espada sa langit, tatama naman ito sa Edom para parusahan at lipulin. 6 Ang espada ng Panginoon ay mapupuno ng dugo at taba, na parang ginamit sa pagkatay ng mga kambing at tupang ihahandog, sapagkat papatayin ng Panginoon ang mga taga-Bozra bilang handog. Marami ang kanyang papatayin sa iba pang mga lungsod ng Edom. 7 Papatayin din na parang mga toro ang kanilang mga makapangyarihang mamamayan. Ang kanilang lupain ay mapupuno ng dugo at taba. 8 Sapagkat ang Panginoon ay may itinakdang araw upang maghiganti sa kanyang mga kaaway para tulungan ang Zion. 9 Ang mga sapa at ang lupa sa Edom ay masisira.[a] Ang buong bansa ay masusunog at hindi na mapapakinabangan. 10 At hindi ito mapapatay araw at gabi. Ang usok nitoʼy papailanlang magpakailanman. Wala nang titira o dadaan man lang sa Edom kahit kailan. 11 Magiging tirahan ito ng mga kuwago at mga uwak. Nasa plano na ng Panginoon na ipadanas sa lupaing ito ang kaguluhan at kapahamakan. 12 At tatawagin itong, “Walang Kwentang Kaharian.” Mawawala ang lahat ng pinuno nito. 13 Tutubo ang matitinik na mga halaman sa mga napapaderang lungsod at matitibay na bahagi nito. Maninirahan doon ang mga kuwago at mga asong-gubat. 14 Magsasama-sama roon ang mga asong-gubat kasama ng iba pang hayop sa gubat. Tatawagin ng mga maiilap na kambing ang mga kasamahan nila roon. At ang mga malignong lumalabas kapag gabi ay pupunta roon para magpahinga. 15 Ang mga kuwago ay magpupugad doon, mangingitlog, mamimisa, at iingatan nila ang kanilang mga inakay sa ilalim ng kanilang mga pakpak. Ang mga uwak ay pares-pares na magtitipon roon.
16 Tingnan ninyo ang aklat ng Panginoon at basahin. Wala ni isa man sa mga sinabi ko ang hindi matutupad. Walang mawawala ni isa man sa mga hayop na iyon, at wala ni isa man sa mga ito ang walang kapares, sapagkat iyan ang ipinasya ng Panginoon, at siya mismo[b] ang magtitipon sa kanila. 17 Siya ang magbibigay sa mga hayop ng lupa na kanilang titirhan. Mapapasakanila ito magpakailanman, at doon sila titira magpakailanman.
Ang Pagsamba sa Langit
4 Pagkatapos nito, nakita kong nabuksan ang pinto sa langit. At narinig kong muli ang tinig na parang trumpeta. Sinabi niya, “Umakyat ka rito at ipapakita ko sa iyo ang mga mangyayari sa hinaharap.” 2 Bigla na lang akong napuspos ng Banal na Espiritu. At nakita ko roon sa langit ang isang trono na may nakaupo 3 na nagniningning tulad ng mamahaling mga batong jasper at kornalina. At nakapaikot sa trono ang bahagharing kakulay ng batong esmeralda. 4 Nakapaligid sa trono ang 24 pang trono kung saan nakaupo ang 24 na namumuno na nakaputi at may mga koronang ginto. 5 Mula sa tronoʼy kumikidlat, kumukulog at may umuugong. Sa harap ng tronoʼy may pitong nakasinding ilawan. Ito ang pitong Espiritu ng Dios.[a] 6 Sa harap ng trono ay mayroon ding parang dagat na salamin na kasinglinaw ng kristal.
Nakapaligid sa trono ang apat na buhay na nilalang na punong-puno ng mga mata sa harap at likod. 7 Ang unang nilalang ay parang leon, ang pangalawa ay parang guya,[b] ang pangatlo ay may mukha na parang tao, at ang pang-apat ay parang agilang lumilipad. 8 Tig-aanim ang mga pakpak nila at punong-puno ng mata ang buong katawan. Araw-gabi ay wala silang tigil sa pagsasabi ng:
“Banal! Banal! Banal ang Panginoong Dios nating makapangyarihan sa lahat.
Siya ang Dios noon, ngayon, at sa hinaharap.”
9 Habang nagbibigay sila ng parangal, papuri at pasasalamat sa nakaupo sa trono na nabubuhay magpakailanman, 10 lumuluhod at sumasamba sa kanya ang 24 na namumuno. Iniaalay nila ang mga korona nila sa harap ng trono, at sinasabi,
11 “Karapat-dapat po kayo Panginoon naming Dios na tumanggap ng parangal, papuri at kapangyarihan,
dahil kayo ang lumikha sa lahat ng bagay.
At ginawa ninyo ang mga ito ayon sa inyong kagustuhan.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®