M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang mga Kautusan tungkol sa Digmaan
20 “Kung kayoʼy makikipagdigma, at makita ninyo na mas marami ang mga kabayo, karwahe at sundalo ng inyong kalaban, huwag kayong matatakot, dahil kasama ninyo ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto. 2 Bago kayo pumunta sa digmaan, dapat lumapit muna ang pari sa harapan ng mga sundalo at sabihin, 3 ‘Makinig kayo, O mamamayan ng Israel! Sa araw na ito ay makikipagdigma kayo sa inyong mga kaaway. Lakasan ninyo ang inyong loob at huwag kayong matakot. 4 Sapagkat ang Panginoon na inyong Dios ang sasama sa inyo! Makikipaglaban siya para sa inyo laban sa mga kaaway ninyo at pagtatagumpayin niya kayo!’
5 “Pagkatapos, ganito dapat ang sasabihin ng mga opisyal sa mga sundalo: ‘Sinuman sa inyo ang may bagong bahay na hindi pa naitatalaga, umuwi siya, dahil baka mapatay siya sa labanan, at ibang tao ang magtalaga ng bahay niya. 6 Kung mayroon sa inyong nakapagtanim ng ubas at hindi pa niya napapakinabangan ang bunga nito, umuwi rin siya dahil baka mapatay siya sa labanan at ang ibang tao ang makinabang nito. 7 Kung may ikakasal sa inyo, umuwi siya dahil baka mapatay siya sa labanan at ang ibang tao ang pakasalan ng kanyang mapapangasawa.’
8 “Sasabihin pa ng mga opisyal, ‘Kung mayroon sa inyong natatakot o naduduwag, umuwi siya dahil baka maduwag din ang mga kasama niya.’ 9 Kapag natapos na ng mga opisyal ang pagsasabi nito sa mga sundalo, pipili sila ng mga pinuno para pamahalaan ang mga sundalo.
10 “Kung sasalakay kayo sa isang lungsod, bigyan nʼyo muna sila ng pagkakataong sumuko. 11 Kapag sumuko sila at buksan ang pintuan ng kanilang lungsod, gawin nʼyong alipin silang lahat at pagtrabahuhin para sa inyo. 12 Pero kung hindi sila susuko kundi makikipaglaban sila sa inyo, salakayin ninyo sila. 13 Kapag silaʼy natalo na ninyo sa tulong ng Panginoon na inyong Dios sa inyo, patayin ninyo ang lahat ng kanilang mga lalaki. 14 Ngunit maaari ninyong bihagin ang mga babae, mga bata, at ang mga hayop, at maaari ninyong samsamin ang lahat ng ari-arian na nasa lungsod. Gamitin ninyo ang mga samsam na ito na ibinigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios mula sa mga kaaway ninyo. 15 Gawin lang ninyo ito sa mga lungsod na hindi bahagi ng lupaing sasakupin ninyo. 16 Pero patayin ninyong lahat ang tao sa mga lungsod na ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana. 17 Lipulin ninyo ang lahat ng Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hiveo at Jebuseo, bilang handog sa Panginoon na inyong Dios ayon sa kanyang iniutos. 18 Sapagkat kung hindi, tuturuan nila kayo ng lahat ng kasuklam-suklam na gawa na ginagawa nila sa pagsamba nila sa kanilang mga dios, at dahil ditoʼy magkakasala kayo sa Panginoon na inyong Dios. 19 Kung matagal ang inyong pagsalakay sa isang lungsod, huwag ninyong puputulin ang mga punong namumunga. Kainin ninyo ang mga bunga nito, pero huwag nga ninyong puputulin, dahil hindi ninyo sila kalaban na inyong lilipulin. 20 Pero maaari ninyong putulin ang mga puno na walang bunga o walang bunga na maaaring kainin, at gamitin ito sa pagsakop sa lungsod hanggang sa maagaw ninyo ito.
Pagpupuri sa Kabutihan ng Dios
107 Magpasalamat kayo sa Panginoon, dahil siyaʼy mabuti;
ang pag-ibig niyaʼy magpakailanman.
2 Sabihin ninyo ito, kayo na iniligtas niya sa kamay ng mga kaaway.
3 Dahil tinipon niya kayo mula sa silangan, kanluran, timog at hilaga.
4 May mga taong naglakbay sa ilang;
hindi nila makita ang daan papuntang lundsod na maaari nilang tirhan.
5 Silaʼy nagutom at nauhaw at halos mamatay na.
6 Sa kanilang kahirapan, tumawag sila sa Panginoon,
at iniligtas niya sila sa kagipitan.
7 At pinatnubayan niya sila papunta sa lungsod na matitirahan.
8 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
9 Dahil pinaiinom niya ang mga nauuhaw,
at pinakakain ang mga nagugutom.
10 May mga taong ibinilanggo at kinadenahan na nakaupo sa napakadilim na piitan.
11 Nabilanggo sila dahil nagrebelde sila sa mga sinabi ng Kataas-taasang Dios at hindi sumunod sa kanyang mga payo.
12 Kaya pinahirapan niya sila sa kanilang mabigat na trabaho.
Nabuwal sila ngunit walang sinumang sumaklolo.
13 Sa kanilang kagipitan, silaʼy tumawag sa Panginoon,
at silaʼy kanyang iniligtas.
14 Pinutol niya ang kanilang mga kadena
at silaʼy kinuha niya sa napakadilim na piitan.
15 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,
dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
16 Dahil giniba niya ang mga pintuang tanso
at binali ang mga rehas na bakal.
17 May mga naging hangal dahil sa kanilang likong pamumuhay,
at silaʼy naghirap dahil sa kanilang kasalanan.
18 Nawalan sila nang gana sa kahit anong pagkain at malapit nang mamatay.
19 Sa kanilang kagipitan, tumawag sila sa Panginoon,
at iniligtas niya sila.
20 Sa kanyang salita silaʼy nagsigaling
at iniligtas niya sila sa kamatayan.
21 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,
dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
22 Dapat silang mag-alay ng handog ng pasasalamat sa kanya
at ihayag ang kanyang mga ginawa nang may masayang pag-aawitan.
23 May mga taong sumakay sa mga barko at nagbiyahe sa karagatan, dahil ito ang kanilang hanapbuhay.
24 Nakita nila ang kahanga-hangang mga gawa ng Panginoon sa karagatan.
25 Sa utos ng Panginoon, ang hangin ay lumakas at lumaki ang mga alon.
26 Kaya pumapaitaas ang kanilang barko nang napakataas at pumapailalim.
At silaʼy nangatakot sa nagbabantang kapahamakan.
27 Silaʼy susuray-suray na parang mga lasing,
at hindi na alam kung ano ang gagawin.
28 Sa kanilang kagipitan, tumawag sila sa Panginoon,
at silaʼy iniligtas niya mula sa kapahamakan.
29 Pinatigil niya ang malakas na hangin at kumalma ang dagat.
30 At nang kumalma ang dagat, silaʼy nagalak,
at pinatnubayan sila ng Dios hanggang sa makarating sila sa nais nilang daungan.
31 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,
dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
32 Dapat nilang parangalan ang Dios sa kanilang pagtitipon,
at purihin siya sa pagtitipon ng mga namamahala sa kanila.
33 Nagagawa ng Panginoon ang ilog na maging ilang,
at ang mga bukal na maging tuyong lupa.
34 Nagagawa rin ng Panginoon na walang maani sa matabang lupa,
dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.
35 Nagagawa rin niya ang ilang na maging tubigan,
at sa mga tuyong lupain ay magkaroon ng mga bukal.
36 Pinapatira niya roon ang mga taong nagugutom,
at nagtatayo sila ng lungsod na kanilang tatahanan.
37 Nagsasabog sila ng binhi sa bukirin at nagtatanim ng ubas,
kaya sagana sila pagdating ng anihan.
38 Silaʼy pinagpapala ng Dios, at pinararami ang kanilang angkan.
Kahit ang kanilang mga alagang hayop ay nadadagdagan.
39 Ngunit dahil sa pang-aapi, kahirapan at pagkabagabag, silaʼy nabawasan at napahiya.
40 Isinusumpa ng Dios ang mga umaapi sa kanila,
at silaʼy ililigaw at gagala sa ilang na walang daan.
41 Ngunit tinulungan niya ang mga dukha sa kanilang kahirapan,
at pinarami ang kanilang sambahayan na parang kawan.
42 Nakita ito ng mga matuwid at silaʼy nagalak,
ngunit tumahimik ang masasama.
43 Ang mga bagay na itoʼy dapat ingatan sa puso ng mga taong marunong,
at dapat din nilang isipin ang dakilang pag-ibig ng Panginoon.
Ang Pagbagsak ng Babilonia
47 Sinabi ng Panginoon, “Babilonia, mauupo ka sa lupa. Mauupo ka ng walang trono. Ikaw na parang birheng pihikan at mahinhin noon pero hindi na ngayon. 2 Isa ka nang alipin ngayon, kaya kumuha ka ng batong gilingan at maggiling ka na ng trigo. Alisin mo na ang belo mo, at itaas ang damit mo para makita ang iyong hita habang tumatawid ka sa ilog. 3 Lalabas ang iyong kahubaran at mapapahiya ka. Maghihiganti ako sa iyo at hindi kita kaaawaan.” 4 Ang ating Tagapagligtas, na ang pangalan ay Panginoong Makapangyarihan ay ang Banal na Dios ng Israel.
5 Sinabi ng Panginoon, “Babilonia, maupo ka nang tahimik doon sa dilim. Hindi ka na tatawaging reyna ng mga kaharian. 6 Nagalit ako sa aking mga mamamayan at itinakwil ko sila. Kaya ibinigay ko sila sa iyong mga kamay, at hindi mo sila kinaawaan. Pati ang matatanda ay iyong pinagmalupitan. 7 Sinasabi mong ang iyong pagiging reyna ay walang katapusan. Pero hindi mo inisip ang iyong mga ginawa at kung ano ang maidudulot nito sa iyo sa huli. 8 Kaya pakinggan mo ito, ikaw na mahilig sa kalayawan at nag-aakalang ligtas. Sinasabi mo pa sa iyong sarili na ikaw ang Dios at wala nang iba pa. Inaakala mo ring hindi ka mababalo o mawawalan ng mga anak.[a] 9 Pero bigla itong mangyayari sa iyo: Mababalo ka at mawawalan ng mga anak. Talagang mangyayari ito sa iyo kahit na marami ka pang alam na mahika o panggagaway. 10 Naniniwala kang hindi ka mapapahamak sa paggawa mo ng kasamaan, dahil inaakala mong walang nakakakita sa iyo. Inililigaw ka ng iyong karunungan at kaalaman, at iyon din ang dahilan kung bakit sinasabi mong ikaw ang Dios at wala nang iba pa. 11 Kung kaya, darating sa iyo ang kapahamakan at hindi mo malalaman kung papaano mo iyon mailalayo sa pamamagitan ng iyong mahika. Darating din sa iyo ang salot na hindi mo mababayaran para tumigil. Biglang darating sa iyo ang pagkawasak na hindi mo akalaing mangyayari. 12 Sige ipagpatuloy mo ang iyong mga mahika at mga pangkukulam na iyong ginagawa mula noong bata ka pa. Baka sakaling magtagumpay ka, o baka sakaling matakot sa iyo ang mga kaaway mo. 13 Pagod ka na sa marami mong mga pakana. Magpatulong ka sa iyong mga tao na nag-aaral tungkol sa mga bituin at nanghuhula bawat buwan tungkol sa mga mangyayari sa iyo. 14 Ang totoo, para silang mga dayaming madaling nasusunog. Ni hindi nga nila maililigtas ang kanilang sarili sa apoy. At ang apoy na itoʼy hindi tulad ng pangkaraniwang init kundi talagang napakainit. 15 Ano ngayon ang magagawa ng mga taong hinihingan mo ng payo mula nang bata ka pa? Ang bawat isa sa kanilaʼy naligaw ng landas at hindi makakapagligtas sa iyo.
Ang Babaeng Bayaran
17 Pagkatapos, lumapit sa akin ang isa sa pitong anghel na may sisidlan at sinabi, “Halika, ipapakita ko sa iyo ang pagpaparusa sa sikat na babaeng bayaran. Ang babaeng ito ay ang malaking lungsod na itinayo malapit sa maraming tubig. 2 Nakipagrelasyon sa kanya ang mga hari sa buong mundo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga itinuro niya, at ang mga tao naman sa mundo ay parang nalasing sa mga itinuro niyang kasamaan.”
3 Pagkatapos, napuspos ako ng Banal na Espiritu at dinala ng anghel sa ilang. Nakita ko roon ang isang babaeng nakasakay sa pulang halimaw. Ang halimaw na iyon ay may pitong ulo at sampung sungay. At sa buong katawan ay nakasulat ang mga pangalang lumalapastangan sa Dios. 4 Kulay ube at pula ang damit ng babae, at may mga alahas siyang ginto, mamahaling bato, at perlas. May hawak siyang gintong tasa na puno ng kasamaan at karumihan niya dahil sa kanyang sekswal na imoralidad. 5 Nakasulat sa noo niya ang pangalang ito na may lihim na kahulugan: “Ang sikat na lungsod ng Babilonia, ang ina ng lahat ng babaeng bayaran[a] at ng lahat ng kasamaan sa buong mundo.” 6 At nakita kong lasing ang babaeng iyon sa dugo ng mga pinabanal[b] ng Dios na ipinapatay niya dahil sa pagsunod nila kay Jesus.
Namangha ako nang makita ko siya. 7 Pero sinabi sa akin ng anghel, “Huwag kang mamangha. Sasabihin ko sa iyo ang lihim na kahulugan ng babae at ng halimaw na sinasakyan niya, na may pitong ulo at sampung sungay. 8 Ang halimaw na nakita mo ay buhay noon, pero patay na ngayon. Pero muli siyang lalabas mula sa kailaliman, at agad namang mapupunta sa walang hanggang kapahamakan. Makikita siya ng mga taong hindi nakasulat ang mga pangalan sa aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan. Bago pa man likhain ang mundo, ang pangalan nila ay hindi na nakasulat sa aklat na ito. At kapag nakita nila ang halimaw, mamamangha sila dahil buhay siya noon, at namatay na, ngunit nabuhay na naman.
9 “Kailangan dito ang talino upang maintindihan ang kahulugan ng mga ito. Ang pitong ulo ay ang pitong bundok na inuupuan ng babae. Nangangahulugan din ito ng pitong hari. 10 Lima sa pitong iyon ay patay na, ang isa ay naghahari pa ngayon, at ang isa ay hindi pa dumarating. Kapag dumating na siya, sandali lang ang paghahari niya. 11 Ang halimaw na buhay noon, pero patay na ngayon, ang siyang ikawalong hari. Kabilang din siya sa naunang pitong hari, at hahantong din siya sa kapahamakan.
12 “Ang sampung sungay na nakita mo ay ang sampung hari na hindi pa naghahari. Bibigyan sila ng kapangyarihang maghari kasama ang halimaw sa loob lang ng maikling panahon.[c] 13 Iisa ang layunin ng sampung haring iyon. At ipapailalim nila ang kapangyarihan at pamamahala nila sa halimaw.[d] 14 Lalabanan nila ang Tupa ngunit matatalo sila, dahil siya ang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari. Kasama ng Tupa ang mga tapat na tagasunod niya na kanyang tinawag at pinili.”
15 Sinabi rin sa akin ng anghel, “Ang tubig na nakita mo na inuupuan ng babaeng bayaran ay ang mga tao sa ibaʼt ibang lahi, bansa at wika. 16 Ang sampung sungay at ang halimaw na nakita mo ay mapopoot sa babaeng bayaran. Kukunin nila ang mga ari-arian niya pati na ang suot niyang damit at walang maiiwan sa kanya. Kakainin nila ang kanyang laman at susunugin ang matitira. 17 Niloob ng Dios na maisakatuparan ng sampung hari ang kanyang layunin. Kaya mapagkakasunduan nila na ipailalim sa halimaw ang kapangyarihan at pamamahala nila hanggang sa matupad ang sinabi ng Dios.
18 “Ang babaeng nakita mo ay ang sikat na lungsod na naghahari sa mga hari sa mundo.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®