M’Cheyne Bible Reading Plan
Mga Tuntunin tungkol sa Pakikidigma
20 “Kung kayo'y makikipagdigma, huwag kayong matatakot kahit na mas malaki ang hukbong kalaban ninyo at mas marami ang kanilang kabayo at karwahe, sapagkat kasama ninyo si Yahweh, ang Diyos na naglabas sa inyo sa Egipto. 2 Bago kayo makipaglaban, tatayo ang isang pari sa unahan ng hukbo at sasabihin niya 3 ang ganito: ‘Pakinggan mo, Israel! Sa araw na ito ay makikipagdigma ka. Lakasan mo ang iyong loob at huwag kang matakot 4 sapagkat kasama mo ang Diyos mong si Yahweh; siya ang makikipaglaban para sa iyo at pagtatagumpayin ka niya.’ 5 Ganito naman ang sasabihin ng mga pinunong kawal: ‘Sinuman ang may bagong bahay subalit hindi pa ito naitatalaga ay maaari nang umuwi; baka siya'y mamatay sa labanan at iba pa ang tumira sa bahay niya. 6 Sinuman ang may bagong ubasan subalit hindi pa nakakatikim ng bunga niyon ay maaari nang umuwi; baka siya'y mamatay sa labanan at iba pa ang makinabang sa kanyang ubasan. 7 Sinuman sa inyo ang nakatakdang ikasal subalit hindi pa nagsasama ay maaari nang umuwi; baka siya'y mamatay sa labanan at iba pa ang magpakasal sa kanyang minamahal. 8 Sinuman sa inyo ang natatakot o naduduwag ay maaari nang umuwi; baka maduwag ding kagaya niya ang iba.’ 9 Matapos itong sabihin ng mga pinunong kawal, maglalagay sila ng mga mangunguna sa bawat pangkat.
10 “Bago ninyo salakayin ang isang lunsod, alamin muna ninyo kung gusto nilang sumuko. 11 Kapag binuksan nila ang pintuan ng kanilang lunsod at sumuko sa inyo, magiging alipin ninyo sila at magtatrabaho para sa inyo. 12 Kung ayaw nilang sumuko at sa halip ay gustong lumaban, kubkubin ninyo sila. 13 Kapag sila'y nalupig na ninyo sa tulong ng Diyos ninyong si Yahweh, patayin ninyo ang lahat ng kalalakihan roon. 14 Bihagin ninyo ang mga babae at ang mga bata, at samsamin ang mga hayop at lahat ng maaari ninyong makuha. Para sa inyo ang mga iyon, at maaari ninyong kunin sapagkat ipinagkaloob sa inyo ni Yahweh. 15 Ganyan ang gagawin ninyo sa mga lunsod na malayo sa inyo. 16 Ngunit sa mga lunsod sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh ay wala kayong ititirang buháy. 17 Lipulin ninyo ang mga Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hivita at Jebuseo, tulad ng utos sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. 18 Kailangang gawin ninyo ito upang hindi nila kayo maakit sa kasuklam-suklam nilang pagsamba sa kanilang mga diyus-diyosan. Sa ganito'y makakaiwas kayo sa paggawa ng isang bagay na kasuklam-suklam kay Yahweh.
19 “Kapag kinubkob ninyo ang isang lunsod, huwag ninyong putulin ang mga punongkahoy doon kahit matagal na ninyong kinukubkob ang lugar na iyon. Ang mga puno ay hindi ninyo kaaway, bagkus makakapagbigay pa ito sa inyo ng pagkain, kaya huwag ninyo itong puputulin. 20 Ang mga puno na hindi makakain ang bunga ang siya ninyong puputulin kung kailangan ninyo sa pagkubkob.
IKALIMANG AKLAT
Awit ng Pagpapasalamat sa Kabutihan ng Diyos
107 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
2 Lahat ng niligtas,
tinubos ni Yahweh, bayaang magpuri,
mga tinulungan,
upang sa problema, sila ay magwagi.
3 Sa sariling bayan,
sila ay tinipo't pinagsama-sama,
silanga't kanluran
timog at hilaga, ay doon kinuha.
4 Mayro'ng naglumagak
sa ilang na dako, at doon nanahan,
sapagkat sa lunsod
ay wala nang lugar silang matirahan.
5 Wala nang makain
kaya't sila'y nagutom, nauhaw na lubha,
ang katawan nila
ay naging lupaypay, labis na nanghina.
6 Nang sila'y magipit,
kay Yahweh, sila ay tumawag,
at dininig naman
sa gipit na lagay, sila'y iniligtas.
7 Inialis sila
sa lugar na iyon at pinatnubayan,
tuwirang dinala
sa payapang lunsod at doon tumahan.
8 Kaya dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
9 Mga nauuhaw
ay pinapainom upang masiyahan,
mga nagugutom
ay pawang binubusog sa mabuting bagay.
10 Sa dakong madilim,
may mga nakaupo na puspos ng lungkot,
bilanggo sa dusa,
at sa kahirapan sila'y nagagapos.
11 Ang dahilan nito—
sila'y naghimagsik, lumaban sa Diyos;
mga pagpapayo ng Kataas-taasan ay hindi sinunod.
12 Nahirapan sila,
pagkat sa gawain sila'y hinagupit;
sa natamong hirap,
nang sila'y bumagsak ay walang lumapit.
13 Sa gitna ng hirap,
kay Yahweh sila ay tumawag;
at dininig naman
yaong kahilingan na sila'y iligtas.
14 Sa dakong madilim,
sila ay hinango sa gitna ng lungkot,
at ang tanikala
sa kamay at paa ay kanyang nilagot.
15 Kaya dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
16 Winawasak niya,
maging mga pinto na yari sa tanso,
ang rehas na bakal
ay nababaluktot kung kanyang mahipo.
17 May nangagkasakit,
dahil sa kanilang likong pamumuhay;
dahil sa pagsuway,
ang dinanas nila'y mga kahirapan.
18 Anumang pagkain
na makita nila'y di na magustuhan,
anupa't sa anyo,
di na magluluwat ang kanilang buhay.
19 Sa ganoong lagay,
sila ay tumawag kay Yahweh,
tinulungan sila
at sa kahirapan, sila ay tinubos.
20 Sa salita lamang
na kanyang pahatid sila ay gumaling,
at naligtas sila
sa kapahamakang sana ay darating.
21 Kaya't dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
22 Dapat ding dumulog,
na dala ang handog ng pasasalamat,
lahat ng ginawa
niya'y ibalita, umawit sa galak!
23 Mayroong naglayag
na lulan ng barko sa hangad maglakbay,
ang tanging layunin
kaya naglalayag, upang mangalakal.
24 Nasaksihan nila
ang kapangyarihan ni Yahweh,
ang kahanga-hangang
ginawa ni Yahweh na hindi maarok.
25 Nang siya'y mag-utos,
nagngalit ang dagat, hangin ay lumakas,
lumaki ang alon
na kung pagmamasdan, ay pagkatataas.
26 Ang sasakyan nila
halos ay ipukol mula sa ibaba,
kapag naitaas
ang sasakyang ito'y babagsak na bigla;
dahil sa panganib,
ang pag-asa nila ay halos mawala.
27 Ang kanilang anyo'y
parang mga lasing na pahapay-hapay,
dati nilang sigla't
mga katangia'y di pakinabangan.
28 Nang nababagabag,
kay Yahweh sila ay tumawag,
dininig nga sila
at sa kahirapan, sila'y iniligtas.
29 Ang bagyong malakas,
pinayapa niya't kanyang pinatigil,
pati mga alon,
na naglalakihan ay tumahimik din.
30 Nang tumahimik na,
sila ay natuwa, naghari ang galak,
at natamo nila
ang kanilang pakay sa ibayong dagat.
31 Kaya't dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
32 Itong Panginoon
ay dapat itanghal sa gitna ng madla,
dapat na purihin
sa kalipunan man ng mga matanda.
33 Nagagawa niyang
tuyuin ang ilog na tulad ng ilang,
maging mga batis
ay nagagawa ring parang lupang tigang.
34 Ang(B) lupang mataba,
kung kanyang ibigi'y nawawalang saysay,
dahilan sa sama
ng mga nilikhang doo'y nananahan.
35 Kahit naman ilang,
nagagawa niyang matabang lupain,
nagiging batisang
sagana sa tubig ang tuyong lupain.
36 Sa lupaing iyon,
ang mga nagugutom doon dinadala,
ipinagtatayo
ng kanilang lunsod at doon titira.
37 Sila'y nagbubukid,
nagtatanim sila ng mga ubasan,
umaani sila
ng saganang bunga, sa lupang tinamnan.
38 Sila'y pinagpala't
lalong pinarami ang kanilang angkan,
at dumarami rin
pati mga baka sa kanilang kawan.
39 Kapag pinahiya
ang bayan ng Diyos at nalupig sila,
ang bansang sumakop
na nagpapahirap at nagpaparusa,
40 sila'y susumbatan
nitong Panginoo't ang kanyang gagawin,
ikakalat sila sa hindi kilalang malayong lupain.
41 Ngunit itataas
ang nangagdurusa't laging inaapi,
parang mga kawan,
yaong sambahayan nila ay darami.
42 Nakikita ito
ng mga matuwid kaya nagagalak,
titikom ang bibig
ng mga masama at taong pahamak.
43 Kayong matalino,
ang bagay na ito'y inyong unawain,
pag-ibig ni Yahweh
na di kumukupas ay inyong tanggapin.
Hahatulan ang Babilonia
47 Sinabi(A) ni Yahweh sa Babilonia,
“Bumabâ ka sa iyong trono, at maupo ka sa alabok ng lupa.
Dati'y para kang birhen, isang lunsod na hindi malupig.
Ngunit hindi ka na ganoon ngayon,
isa ka nang alipin!
2 Hawakan mo ang batong gilingan at ikaw ay gumiling ng harina.
Alisin mo na ang iyong belo, at hubarin ang magarang kasuotan;
itaas mo ang iyong saya sa pagtawid sa batisan.
3 Malalantad sa mga tao ang hubad mong katawan,
mabubunyag ang kahiya-hiya mong kalagayan.
Walang makakapigil sa aking gagawin.
Ako'y maghihiganti.”
4 Ang Diyos ang siyang nagligtas sa amin, siya ang Banal na Diyos ng Israel.
Ang pangalan niya ay Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat.
5 Sinabi ni Yahweh sa Babilonia,
“Maupo ka na lang at manahimik doon sa dilim,
sapagkat ikaw ay hindi na tatawaging reyna ng mga kaharian.
6 Nang ako'y magalit sa mga lingkod ko,
sila'y aking itinakwil;
aking pinabayaan na masakop mo at maging alipin.
Pinarusahan mo silang walang awa,
pati matatanda'y pinagmalupitan mo.
7 Sapagkat akala mo'y mananatili kang reyna habang panahon.
Hindi mo na naisip na magwawakas ito pagdating ng araw.
8 “Pakinggan(B) mo ito, ikaw na mahilig sa kalayawan,
at nag-aakalang ikaw ay matiwasay.
Ang palagay mo sa sarili'y kasindakila ka ng Diyos,
at ang paniwala mo'y wala kang katulad;
inakala mong hindi ka mabibiyuda,
at hindi mo mararanasan ang mamatayan ng anak.
9 Ngunit isang araw, sa loob lamang ng isang saglit,
anumang salamangka o mahika ang iyong gawin,
mangyayari ang dalawang bagay na ito:
Mawawala ang iyong asawa at ang iyong mga anak!
10 “Panatag ka sa paggawa ng kasamaan;
sapagkat iniisip mong walang nakakakita sa iyo.
Iniligaw ka ng iyong karunungan at kaalaman,
ang palagay mo sa sarili'y ikaw ang Diyos,
wala nang hihigit pa sa iyo.
11 Ngunit darating sa iyo ang kapahamakan,
at walang makakahadlang kahit ang nalalaman mo sa salamangka;
darating sa iyo ang sumpa, at hindi mo ito maiiwasan.
Biglang darating sa iyo ang pagkawasak,
na hindi mo akalaing mangyayari.
12 “Itago mo na lang ang salamangkang alam mo mula pa sa iyong kabataan,
baka sakaling magamit mo pa iyan bilang panakot sa iyong kaaway.
13 Wala kang magagawa sa kabila ng maraming payo sa iyo;
patulong ka man sa inaasahan mong mga astrologo,
sa mga taong humuhula ng mangyayari bukas, batay sa kalagayan ng kalangitan at mga bituin.
14 “Sila'y parang dayaming masusunog,
kahit ang sarili nila'y hindi maililigtas sa init ng apoy;
sapagkat ito'y hindi karaniwang init
na pampaalis ng ginaw.
15 Walang maitutulong sa iyo ang mga astrologo
na hinihingan mo ng payo sa buong buhay mo.
Sapagkat ikaw ay iiwan na nila,
walang matitira upang iligtas ka.”
Ang Reyna ng Kahalayan
17 Pagkatapos,(A) ang isa sa pitong anghel na may dalang pitong mangkok ay lumapit sa akin at sinabi niya, “Halika, ipapakita ko sa iyo kung paano paparusahan ang reyna ng kahalayan na nakaupo sa ibabaw ng maraming tubig. 2 Ang(B) mga hari sa lupa ay nakiapid sa babaing ito, at ang lahat ng tao sa sanlibutan ay nilasing niya sa alak ng kanyang kahalayan.”
3 At(C) napasailalim ako ng kapangyarihan ng Espiritu, at inihatid ako ng anghel sa dakong ilang. Nakita ko roon ang isang babaing nakasakay sa isang pulang halimaw. Ang halimaw ay may pitong ulo at sampung sungay. Nakasulat sa buong katawan nito ang mga pangalang lumalait sa Diyos. 4 Ang(D)(E) damit ng babae ay kulay ube at pula. Ang kanyang mga alahas ay ginto, mahahalagang bato at perlas. Hawak niya ang isang gintong kopa na puno ng kanyang kasumpa-sumpang mga gawa at kahiya-hiyang kahalayan. 5 Nakasulat sa kanyang noo ang isang pangalang may lihim na kahulugan, “Ang tanyag na Babilonia, ang ina ng mga nangangalunya at ng lahat ng kahalayan sa lupa.” 6 At nakita ko ang babae na lasing sa dugo ng mga hinirang ng Diyos at sa dugo ng mga martir na pinatay dahil kay Jesus.
Nanggilalas ako nang makita ko siya. 7 “Bakit ka nanggilalas?” tanong sa akin ng anghel. “Sasabihin ko sa iyo ang lihim na kahulugan ng babae at ng sinasakyan niyang halimaw na may pitong ulo at sampung sungay. 8 Ang halimaw na nakita mo ay buháy noong una ngunit patay na ngayon; muli itong lilitaw buhat sa napakalalim na hukay at tuluyang mapapahamak. Ang mga taong nabubuhay sa lupa, na ang pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay mula pa nang likhain ang sanlibutan, ay manggigilalas kapag nakita nila ang halimaw, sapagkat pinatay na siya ngunit muling lilitaw.
9 “Kailangan dito ang pang-unawa at karunungan: ang pitong ulo ay ang pitong burol na kinauupuan ng babae. Ang mga ito rin ay pitong hari: 10 bumagsak na ang lima sa kanila, naghahari pa ang isa, at ang huli ay hindi pa dumarating. Pagdating niya, sandali lamang siyang maghahari. 11 At ang halimaw na buháy noong una ngunit ngayo'y wala na ay isa sa pitong hari at siyang magiging ikawalo. Siya ay patungo sa kapahamakan.
12 “Ang(F) sampung sungay na nakita mo ay sampung haring hindi pa naghahari, ngunit bibigyan sila ng kapangyarihang maghari kasama ng halimaw sa loob ng isang oras. 13 Iisa ang layunin ng sampung ito, at ipapailalim nila sa halimaw ang kanilang kapangyarihan at karapatan. 14 Makikidigma sila laban sa Kordero ngunit tatalunin sila ng Kordero, sapagkat siya ang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari. Kasama niya sa tagumpay ang kanyang mga tinawag, pinili, at tapat na tagasunod.”
15 Sinabi rin sa akin ng anghel, “Ang nakita mong mga tubig na kinauupuan ng babae ay mga lahi, mga bansa, at mga wika. 16 Ang sampung sungay na nakita mo at ang halimaw ay mapopoot sa reyna ng kahalayan. Aagawin nila ang lahat ng ari-arian nito at iiwan siyang hubad. Kakainin nila ang kanyang laman at susunugin siya. 17 Inilagay ng Diyos sa kanilang puso na isagawa ang kanyang layunin nang sila'y magkaisa at ipailalim nila sa halimaw ang kanilang kapangyarihang maghari hanggang sa maganap ang mga salita ng Diyos. 18 Ang babaing nakita mo ay ang tanyag na lungsod na may kapangyarihan sa mga hari sa lupa.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.