M’Cheyne Bible Reading Plan
Mga Bunga ng Pagsuway kay Yahweh
9 “Pakinggan ninyo, O Israel: Ngayong araw na ito, tatawid kayo ng Jordan upang sakupin ang mga bansang makapangyarihan kaysa inyo at ang mga lunsod na napapaligiran ng matataas na pader. 2 Malalaki at matataas ang mga tagaroon, mga higante. Hindi kaila sa inyo ang kasabihang: ‘Walang makakalupig sa angkan ng higante.’ 3 Subalit pakatatandaan ninyo na ang Diyos ninyong si Yahweh ang nangunguna sa inyo tulad ng isang malakas na apoy. Sila'y kanyang gagapiin upang madali ninyo silang maitataboy gaya ng sinabi ni Yahweh.
4 “Kung sila'y maitaboy na ni Yahweh alang-alang sa inyo, huwag ninyong iisipin na sila'y itinaboy dahil sa kayo'y matuwid. Ang totoo'y itinaboy sila ni Yahweh dahil sa kanilang kasamaan 5 at hindi dahil sa kayo'y matuwid kaya mapapasa-inyo ang lupaing iyon. Itataboy sila ni Yahweh dahil sa kanilang kasamaan, at bilang pagtupad pa rin sa pangako niya sa mga ninuno ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob.
Naghimagsik ang Israel nang Sila'y nasa Sinai
6 “Kaya nga't pakatatandaan ninyo na ibinibigay ni Yahweh ang lupaing ito hindi dahil sa kayo'y matuwid; ang totoo'y lahi kayo ng matitigas ang ulo. 7 Huwag ninyong kalilimutan kung bakit nagalit sa inyo si Yahweh nang kayo'y nasa ilang. Mula nang umalis kayo sa Egipto hanggang ngayon, wala na kayong ginawa kundi magreklamo. 8 Noong kayo'y nasa Sinai,[a] ginalit ninyo nang labis si Yahweh at pupuksain na sana niya kayo noon. 9 Nang(A) ako'y umakyat sa bundok at ibigay niya sa akin ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng kanyang kasunduan sa inyo, nanatili ako roon sa loob ng apatnapung araw at gabi. Hindi ako kumain ni uminom. 10 Ibinigay niya sa akin ang dalawang tapyas ng batong sinulatan niya ng lahat ng kanyang sinabi sa inyo mula sa naglalagablab na apoy nang kayo'y nagkakatipon sa may paanan ng bundok. 11 Pagkalipas ng apatnapung araw at gabing pananatili ko sa bundok, ibinigay niya sa akin ang nasabing mga tapyas ng bato.
12 “Sinabi ni Yahweh sa akin, ‘Tumayo ka at puntahan mo agad ang mga taong pinangunahan mo sa paglabas sa Egipto. Sila'y nagpapakasama na. Lumihis sila sa daang itinuro ko sa kanila. Gumawa sila ng imahen at iyon ang sinasamba nila.’
13 “Sinabi pa sa akin ni Yahweh, ‘Talagang matigas ang ulo ng mga taong ito. 14 Hayaan mo akong lipulin sila para mabura na ang alaala nila dito sa lupa, at sa iyo na magmumula ang isang bagong bansa na mas malaki at makapangyarihan kaysa kanila.’
15 “Kaya bumabâ ako mula sa nagliliyab na bundok, dala ang dalawang tapyas ng bato na kinasusulatan ng kasunduan. 16 Nakita ko ang pagkakasalang ginawa ninyo laban kay Yahweh. Gumawa kayo ng guyang ginto, at lumihis sa daang itinuro niya sa inyo. 17 Dahil dito, ibinagsak ko sa lupa ang dalawang tapyas ng batong dala ko, at nagkadurug-durog iyon sa harapan ninyo. 18 Pagkatapos, nagpatirapa ako sa harapan ni Yahweh, at sa loob ng apatnapung araw at gabi hindi ako kumain ni uminom dahil sa mga kasalanan ninyo na labis na ikinagalit ni Yahweh. 19 Natakot(B) ako na baka sa tindi ng galit niya'y puksain kayo. Mabuti na lamang at pinakinggan niya ako. 20 Galit na galit din siya kay Aaron, at ibig na rin niya itong patayin, kaya nanalangin ako para sa kanya. 21 Pagkatapos, kinuha ko ang guyang ginawa ninyo. Sinunog ko ito at dinurog na parang alabok saka ko ibinuhos sa batis na nagmumula sa bundok.
22 “Muli(C) ninyong ginalit si Yahweh nang kayo'y nasa Tabera, Masah, at Kibrot-hataava. 23 Nang(D) kayo'y pinapapunta na niya mula sa Kades-barnea upang sakupin ang lupaing ibinigay niya sa inyo, naghimagsik na naman kayo. Hindi ninyo siya pinaniwalaan ni pinakinggan man. 24 Simula nang makilala ko kayo ay lagi na lamang kayong naghihimagsik laban kay Yahweh.
25 “Nagpatirapa muli ako sa harapan ni Yahweh sa loob ng apatnapung araw at gabi sapagkat nais na niya kayong puksain. 26 Ito ang dalangin ko sa kanya: ‘Panginoong Yahweh, huwag po ninyong pupuksain ang bayang iniligtas ninyo at inilabas sa Egipto sa pamamagitan ng inyong walang kapantay na kapangyarihan. 27 Alalahanin po ninyo ang mga lingkod ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. Huwag na ninyong pansinin ang katigasan ng ulo ng sambayanang ito ni ang kanilang kasamaan o kasalanan sa inyo. 28 Kapag sila'y pinuksa ninyo, sasabihin ng mga taong ipapasakop ninyo sa kanila na ang mga Israelita'y dinala ninyo sa ilang upang puksain; hindi ninyo sila maihatid sa lupaing ipinangako ninyo, sapagkat matindi ang galit ninyo sa kanila. 29 Sila ang inyong bayang hinirang, ang bayang inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong dakilang kapangyarihan.’
Awit ng Papuri sa Diyos
Isang Awit para sa Araw ng Pamamahinga.
92 Ang magpasalamat
kay Yahweh ay mabuting bagay,
umawit na lagi
purihin ang ngalang Kataas-taasan.
2 Pag-ibig niyang wagas
ay dapat ihayag, kung bukang-liwayway,
pagsapit ng gabi
ang katapatan niya'y ihayag din naman.
3 Ito'y ipahayag
sa saliw ng alpa't tugtuging salteryo,
sa magandang himig
ng tugtuging lira'y ipahayag ito.
4 Ako'y nagagalak
sa iyong ginawa na kahanga-hanga,
sa lahat ng ito
ako'y umaawit dahilan sa tuwa.
5 O pagkadakila!
Kay dakila, Yahweh, ng iyong ginawa,
ang iyong isipan
ay sadyang mahirap naming maunawa.
6 Sa(A) kapos na isip,
ang bagay na ito ay di nalalaman,
hindi malilirip
ni mauunawa ng sinumang mangmang:
7 ang mga masama
kahit na dumami't sila ma'y umunlad,
kanilang hantungan
ay tiyak at lubos na kapahamakan;
8 sapagkat ikaw lang,
Yahweh, ang dakila't walang makatulad.
9 Nababatid naming
lilipuling lahat ang iyong kaaway,
at lahat ng taong
masama ang gawa ay mapipilan.
10 Ako'y ginawa mong
sinlakas ng torong mailap sa gubat,
ako'y pinagpala't
pawang kagalakan aking dinaranas.
11 Aking nasaksihan
yaong pagkalupig ng mga kaaway,
pati pananaghoy
ng mga masama'y aking napakinggan.
12 Tulad ng palmera,
ang taong matuwid tatatag ang buhay,
sedar ang kagaya,
kahoy sa Lebanon, lalagong malabay.
13 Mga punong natanim
sa tahanan ni Yahweh,
sa Templo ng ating Diyos
bunga nila'y darami.
14 Tuloy ang pagbunga
kahit na ang punong ito ay tumanda,
luntia't matatag,
at ang dahon nito ay laging sariwa.
15 Ito'y patotoo
na si Yahweh ay tunay na matuwid,
siya kong sanggalang,
matatag na batong walang karumihan.
Ang Diyos ang Hari
93 Si Yahweh ay naghahari, na ang suot sa katawan
ay damit na maharlika at puspos ng kalakasan.
Matatag na itinayo ang sandigan ng daigdig,
kahit ano ang gawin pa'y hindi ito mayayanig.
2 Ang trono mo ay matatag simula pa noong una,
bago pa ang kasaysayan, ika'y likas na naro'n na.
3 Tumataas nga, O Yahweh, ang tubig ng mga ilog,
lumalakas ang lagaslas habang sila'y umaagos;
maingay na mga alon katulad ay pagkalabog.
4 Parang tubig na marami, ang buhos ay parang kulog,
malakas pa kaysa alon ng dagat na mayro'ng unos;
higit pa sa mga ito si Yahweh na dakilang Diyos.
5 Walang hanggan, O Yahweh, ang lahat ng tuntunin mo,
sadyang banal at matatag ang sambahang iyong templo.
Sumangguni si Hezekias kay Propeta Isaias(A)
37 Nang marinig ni Haring Hezekias ang kanilang ulat, sinira din niya ang kanyang kasuotan, nagsuot ng damit-panluksa, at pumasok sa Templo. 2 Tinawag niya si Eliakim, ang katiwala sa palasyo, at pinapunta ito kay Isaias, ang propetang anak ni Amoz. Pinasama rin niya ang kanyang kalihim na si Sebna at ang matatandang pari. Lahat sila'y nakadamit-panluksa. 3 Ganito ang ipinasabi niya kay Isaias: “Ang araw na ito ay araw ng paghihirap, ng pagpaparusa at kahihiyan. Para tayong isang inang dapat nang magsilang, ngunit hindi magawâ dahil nanghihina. 4 Marahil ay narinig ni Yahweh na inyong Diyos ang sinabi ng punong ministro ng Asiria na sinugo ng kanyang hari upang lapastanganin ang Diyos na buháy. Sana'y parusahan niya ang kalapastanganang iyon. Kaya, idalangin mo ang natitira pa sa bayan ng Diyos.”
5 Nang marinig ni Isaias ang ipinasabi ni Haring Hezekias, 6 sumagot siya, “Sabihin ninyo sa inyong hari na ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Huwag kayong matakot sa mga paglapastangan sa akin ng sugo ng hari ng Asiria. 7 Ito ang tandaan ninyo! Padadalhan ko siya ng isang espiritu na lilito sa kanya; at hindi siya patatahimikin ng isang balita. Dahil dito, uuwi siya agad at sa pamamagitan ng espada'y mamamatay siya sa kanyang sariling bayan.’”
Muling Nagbanta ang Asiria(B)
8 Bumalik nga sa Laquis ang punong ministro at nabalitaan niyang wala roon ang hari ng Asiria, sapagkat sinasalakay nito ang Libna. 9 Kaya doon siya tumuloy. Nabalitaan naman ng haring ito na lumabas na ang Haring Tirhaka ng Etiopia[a] upang sila'y salakayin. Kaya nagpasugo muli siya kay Haring Hezekias 10 upang sabihin dito: “Huwag kang palinlang sa pinagtitiwalaan mong Diyos na nagsasabing hindi masasakop ng hari ng Asiria ang Jerusalem. 11 Alam ninyo ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa ibang mga bansa; winasak silang lahat, kayo pa kaya! 12 Hindi nailigtas ng mga diyos ang mga bansang winasak ng aming mga magulang. Nariyan ang Gozan, Caran, at Resef; nariyan din ang mga taga-Eden na nasa Telasar. Nailigtas ba sila ng mga ito? 13 At nasaan ang hari ng Hamat, ng Arpad, ang hari ng lunsod ng Sefarvaim, ng Hena at ng Iva?”
14 Kinuha ni Hezekias ang sulat na dala ng mga sugo, at pagkatapos basahin ay pumasok sa Templo. Isinangguni niya ito kay Yahweh, 15 at siya'y nanalangin. 16 “O(C) Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, Diyos ng Israel, lumikha ng langit at lupa. Ang inyong trono'y nasa ibabaw ng mga kerubin. Kayo lamang ang Diyos ng lahat ng kaharian sa lupa. 17 Masdan ninyo ang aming kalagayan, at lingapin ninyo kami. Narito ang liham ni Senaquerib na lumalapastangan sa inyo, ang buháy na Diyos. 18 Tunay nga, O Yahweh, na winasak ng mga hari ng Asiria ang lahat ng bansa. 19 Sinunog nila ang diyos ng mga ito, sapagkat ang diyos nila'y hindi tunay; mga bato at kahoy lamang na gawa ng mga tao. 20 Kaya iligtas mo kami Yahweh, O aming Diyos, sa kamay ni Senaquerib upang malaman ng lahat ng kaharian sa lupa na ikaw lamang, ang tunay na si Yahweh.”
Ang Mensahe ni Isaias kay Haring Hezekias
21 Pagkatapos, tumanggap si Hezekias ng sulat mula kay Isaias na ganito ang sinasabi: “Dininig ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang dalangin mo laban kay Senaquerib, 22 at ito ang kanyang tugon:
Kinamumuhian ka ng mga taga-Zion,
Senaquerib, pinagtatawanan ka at kinukutya ng Jerusalem.
23 “Sino sa akala mo ang iyong iniinsulto at hinahamak?
Nilapastangan mo ako,
ang Banal na Diyos ng Israel!
24 Nilait mo ang Panginoon sa pamamagitan ng iyong mga lingkod,
ang sabi mo: Sa dami ng aking karwahe,
naakyat ko ang ituktok ng mga bundok,
naabot ko rin ang kasuluk-sulukan ng Lebanon.
Pinutol ko ang nagtataasang puno ng sedar,
at ang mga piling puno ng sipres;
naabot kong lahat
ang pinakamataas na lugar at pusod ng gubat.
25 Humukay ako ng maraming balon,
at uminom ako ng tubig ng mga iyon.
Ang mga ilog at batis sa Egipto,
matapakan ko lamang ay agad natutuyo.
26 “Dapat mong malaman na noon pang una
ang bagay na ito ay matagal ko nang binalak,
at ngayo'y pawang natutupad.
Itinakda kong ikaw ang magwawasak
ng matitibay na lunsod.
27 Mga mamamaya'y nawalan ng lakas,
nanginig sa takot at napahiya.
Sila'y tulad ng halaman sa gitna ng parang,
mga murang daho'y nalanta sa araw;
katulad ay damo sa bubong ng bahay,
hindi pa pinuputol ay tuyo na sa tangkay.
28 “Lahat ng iyong gawin ay nalalaman ko,
hindi lingid sa akin anumang balak mo.
29 Dahil sa galit mo't paglaban sa akin
at paghahambog mong hindi nalilihim,
kaya ang ilong mo'y kakawitin ko
at ang bibig mo'y lalagyan ng kandado,
at ibabalik kita sa pinanggalingan mo.
30 “Ito ang magiging palatandaan ninyo: Sa taóng ito, ang kakainin ninyo'y bunga ng halamang dati nang nakatanim. Sa susunod na taon, ang kakainin ninyo'y ang ani sa tutubong supling ng halamang iyon. Ngunit sa ikatlong taon, magtatanim na kayo ng panibago, at ang kakainin ninyo'y ang ibubunga nito. 31 Ang mga nalabi sa Juda ay parang halamang muling mag-uugat at mamumunga, 32 sapagkat may malalabi mula sa Jerusalem, at may maliligtas mula sa Bundok ng Zion. Mangyayari ito dahil kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
33 “Kaya ito ang pasya ni Yahweh tungkol sa hari ng Asiria: Hindi siya makakalapit sa lunsod na ito; ni isang palaso ay hindi niya magagamit laban dito. Hindi siya makakalapit na may sandata o makakapagtayo ng tanggulan upang ito'y kubkubin. 34 Saan man siya magdaan papunta dito, doon rin siya daraang pabalik. Hindi na siya makakapasok sa lunsod na ito. Sapagkat ganito ang sinasabi ni Yahweh. 35 ‘Ipagtatanggol ko at ililigtas ang lunsod na ito alang-alang sa akin at sa lingkod kong si David.’”
Ang Pagkamatay ni Senaquerib
36 Nang gabing iyon, pinatay ng anghel ni Yahweh ang may 185,000 kawal na taga-Asiria sa loob mismo ng kanilang kampo. Kinaumagahan, naghambalang sa kampo nila ang mga bangkay. 37 Dahil dito, umuwi na si Senaquerib at doon na tumira sa Nineve. 38 Minsan, samantalang sumasamba siya sa templo ng diyus-diyosan niyang si Nisroc, pinatay siya ng dalawa niyang anak na sina Adramelec at Sarezer sa pamamagitan ng espada. Pagkatapos, tumakas sila at nagtago sa bundok ng Ararat. Humalili kay Senaquerib ang anak niyang si Esarhadon.
Ang 144,000 na Tinatakan sa Israel
7 Pagkatapos(A) nito, may nakita akong apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng daigdig. Pinipigil nila ang apat na hangin upang huwag umihip sa lupa, sa dagat o sa alinmang punongkahoy. 2 At nakita kong umaakyat sa gawing silangan ang isa pang anghel, taglay ang pantatak ng Diyos na buháy. Sumigaw siya sa apat na anghel na binigyan ng kapangyarihang maminsala sa lupa at sa dagat, 3 “Huwag(B) muna ninyong pinsalain ang lupa, ang dagat o ang mga punongkahoy hangga't hindi pa namin nalalagyan ng tatak sa noo ang mga lingkod ng ating Diyos.” 4 At narinig ko ang bilang ng mga tinatakan, isandaan at apatnapu't apat na libo (144,000) buhat sa labindalawang (12) lipi ng Israel. 5-8 Tig-labindalawang libo (12,000) mula sa bawat lipi ng Israel: Juda, Ruben, Gad, Asher, Neftali, Manases, Simeon, Levi, Isacar, Zebulun, Jose, at Benjamin.
Ang mga Nagtagumpay Mula sa Lahat ng Bansa
9 Pagkatapos nito'y nakita ko ang napakaraming tao na di kayang bilangin ninuman! Sila'y mula sa bawat bansa, lipi, bayan, at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Kordero, nakadamit ng puti at may hawak na mga palaspas. 10 Isinisigaw nila, “Ang kaligtasan ay nagmumula sa ating Diyos na nakaluklok sa trono, at sa Kordero!” 11 Tumayo ang lahat ng anghel sa palibot ng trono, ng matatandang pinuno, at ng apat na nilalang na buháy. Sila'y nagpatirapa sa harap ng trono at sumamba sa Diyos 12 na nagsasabi, “Amen! Sa ating Diyos ang papuri, kaluwalhatian, karunungan, pasasalamat, karangalan, kapangyarihan, at kalakasan magpakailanman! Amen.”
13 Tinanong ako ng isa sa matatandang pinuno, “Sino ang mga taong nakadamit ng puti, at saan sila nanggaling?”
14 “Ginoo,(C) kayo po ang nakakaalam,” ang sagot ko.
At sinabi niya sa akin, “Sila ang mga nanggaling sa matinding kapighatian. Nilinis nila at pinaputi ang kanilang damit sa dugo ng Kordero. 15 Iyan ang dahilan kung bakit sila ay nasa harap ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya sa templo araw at gabi. At ang nakaupo sa trono ang siyang kukupkop sa kanila. 16 Hindi(D) na sila magugutom ni mauuhaw man; hindi na rin sila mabibilad sa araw ni mapapaso ng anumang matinding init, 17 sapagkat(E) ang Korderong nasa gitna ng trono ang magiging pastol nila. Siya ang gagabay sa kanila sa mga bukal ng tubig na nagbibigay-buhay, at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.