Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Deuteronomio 27:1-28:19

Ang Altar sa Bundok ng Ebal

27 Ganito naman ang bilin ni Moises, kasama ang matatandang namumuno sa sambayanan: “Sundin ninyong lahat ang kautusang ibinibigay ko sa inyo ngayon. Pagkatawid(A) ninyo sa ibayo ng Jordan at papasok na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, maglagay kayo ng malalaking bato, at inyong palitadahan sa ibabaw. At isusulat ninyo roon ang lahat ng mga batas na ito pagdating ninyo sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, ang lupaing ipinangako sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno. Ilagay ninyo iyon sa Bundok ng Ebal at palitadahan ninyo, tulad ng sinasabi ko ngayon. Magtayo(B) kayo roon ng altar na bato para kay Yahweh na inyong Diyos. Mga batong hindi ginamitan ng paet ang inyong gamitin. Mga batong hindi tinapyas ang gagamitin ninyo para sa altar at doon ninyo iaalay ang inyong mga handog na susunugin. Dito rin ihahain ang handog na pangkapayapaan at sa harap nito kayo magsasalu-salo sa panahon ng inyong pasasalamat sa Diyos ninyong si Yahweh. At sa ibabaw ng mga batong iyon, isusulat ninyo nang malinaw ang bawat salita ng kautusan ni Yahweh.”

Sinabi ni Moises at ng mga paring Levita, “Tumahimik kayo at makinig, bayang Israel. Mula ngayon, kayo na ang sambayanan ni Yahweh. 10 Kaya, sumunod kayo sa kanya at tuparin ang mga tuntuning ibinibigay ko sa inyo ngayon.”

Ang mga Sumpa ng Hindi Pagsunod kay Yahweh

11 Nang araw ring iyon, ganito ang itinagubilin ni Moises sa buong Israel, 12 “Pagkatawid(C) ninyo ng Jordan, ang mga lipi nina Simeon, Levi, Juda, Isacar, Jose, at Benjamin ay tatayo sa tapat ng Bundok ng Gerizim upang bigkasin ang pagpapala. 13 Ang mga lipi naman nina Ruben, Gad, Asher, Zebulun, Dan, at Neftali ay tatayo sa tapat ng Bundok ng Ebal upang bigkasin ang mga sumpa. 14 Ganito naman ang isisigaw ng mga pari:

15 “‘Sumpain(D) ang sinumang gumawa ng anumang imahen upang sambahin kahit palihim, ito ay kasuklam-suklam kay Yahweh.’

“Ang buong bayan ay sasagot ng: ‘Amen.’

16 “‘Sumpain(E) ang sinumang hindi gumagalang sa kanyang ama at ina.’

“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’

17 “‘Sumpain(F) ang sinumang gumalaw sa palatandaan ng hangganan ng lupang pag-aari ng kanyang kapwa.’

“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’

18 “‘Sumpain(G) ang sinumang magligaw sa bulag.’

“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’

19 “‘Sumpain(H) ang sinumang magkait ng katarungan sa mga dayuhan, ulila at biyuda.’

“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’

20 “‘Sumpain(I) ang sinumang nakikipagtalik sa ibang asawa ng kanyang ama, sapagkat inilalagay niya sa kahihiyan ang kanyang sariling ama.’

“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’

21 “‘Sumpain(J) ang sinumang makipagtalik sa anumang uri ng hayop.’

“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’

22 “‘Sumpain(K) ang sinumang sumiping sa kanyang kapatid na babae, kahit pa ito'y kapatid sa ama o sa ina.’

“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’

23 “‘Sumpain(L) ang sinumang sumiping sa kanyang biyenang babae.’

“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’

24 “‘Sumpain ang sinumang lihim na pumatay sa kanyang kapwa.’

“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’

25 “‘Sumpain ang sinumang nagpapabayad upang pumatay ng taong walang kasalanan.’

“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’

26 “‘Sumpain(M) ang sinumang hindi susunod sa mga utos na ito.’

“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’

Ang Pagpapala ng Pagiging Masunurin(N)

28 “Kung(O) susundin lamang ninyo si Yahweh na inyong Diyos at tutuparin ang kanyang mga utos, gagawin niya kayong pinakadakila sa lahat ng mga bansa sa balat ng lupa. Mapapasa-inyo ang lahat ng mga pagpapalang ito kung susundin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh.

“Pagpapalain niya kayo sa inyong mga bayan at sa inyong mga bukid.

“Pagpapalain niya kayo ng maraming anak, masaganang ani sa inyong lupain, at maraming alagang hayop.

“Pagpapalain niya ang imbakan ng inyong inaning butil at ang mga pagkaing nagmumula roon.

“Pagpapalain niya kayo sa lahat ng inyong gagawin.

“Ang mga kaaway na magtatangkang lumaban sa inyo ay matatalo ninyo sa tulong ni Yahweh. Sasalakayin nila kayo ngunit magkakanya-kanya sila sa pagtakas.

“Pagpapalain niya ang inyong mga kamalig at lahat ng inyong gawain; pagpapalain niya kayo sa lupaing ibibigay niya sa inyo.

“Tulad ng pangako ni Yahweh, kayo'y gagawin niyang isang bansang matatag at nakalaan sa kanya kung susundin ninyo siya at tutuparin ang kanyang mga tuntunin. 10 Sa ganoon makikita ng lahat ng bansa na kayo'y kanyang bayan, at matatakot sila sa inyo. 11 Pasasaganain niya kayo sa lahat ng bagay pagdating ninyo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. Pararamihin niya ang inyong anak, at mga hayop, at pasasaganain ang ani ng inyong bukirin. 12 Bubuksan niya ang langit upang ibuhos sa inyo ang ulan sa kapanahunan. Pagpapalain nga niya kayo sa lahat ng inyong gagawin. Dahil dito, hindi kayo mangungutang, sa halip, kayo pa ang magpapautang sa ibang bansa. 13 Gagawin kayo ng Diyos ninyong si Yahweh na pinuno ng mga bansa, at hindi tagasunod. Uunlad kayo at hindi mabibigo kung susundin ninyong mabuti ang kanyang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon. 14 Huwag ninyong lalabagin ang alinman sa sinasabi ko sa inyo. Huwag kayong lilihis sa kanan o sa kaliwa. Huwag kayong tatalikod kay Yahweh ni sasamba o maglilingkod sa mga diyus-diyosan.

Ang Ibubunga ng Pagsuway(P)

15 “Subalit kung hindi kayo makikinig kay Yahweh na inyong Diyos at hindi susunod sa kanyang mga utos at mga tuntuning ibinibigay ko sa inyo ngayon, mangyayari sa inyo ang mga sumpang ito:

16 “Susumpain niya kayo, ang inyong mga lunsod at ang inyong mga bukid.

17 “Susumpain niya ang imbakan ng inyong inaning butil at ang mga pagkaing nagmumula roon.

18 “Susumpain niya kayo at magkakaroon lamang kayo ng iilang anak, mahinang ani, at kaunting alagang hayop.

19 “Mabibigo kayo sa lahat ng inyong gagawin.

Mga Awit 119:1-24

Ang Kautusan ni Yahweh

(Alef)[a]

119 Mapalad ang mga taong malinis ang pamumuhay,
    kautusan ni Yahweh ang sinusunod araw-araw.
Mapalad ang sumusunod sa kanyang patakaran,
    buong pusong naghahanap sa kanyang kalooban;
ang gawain ay matuwid, namumuhay silang ganap,
    sa kanyang kalooban ay doon sila lumalakad.
Ibinigay mo nga sa amin ang iyong mga utos,
    upang buong pagsisikap na ito'y aming masunod.
Gayon ako umaasa, umaasang magiging tapat,
    susundin ang iyong utos, susundin nang buong ingat.
Kahihiyan ay hindi ko matitikman kailanpaman,
    kung ako ay susunod nang tapat sa iyong kautusan.
Ang matuwid mong tuntunin habang aking tinatarok,
    buong pusong magpupuri, pupurihin kitang lubos.
Ang lahat ng iyong utos ay sisikapin kong sundin,
    huwag mo akong iiwanan, huwag mo akong lilisanin.

Pagiging Masunurin sa Kautusan ni Yahweh

(Bet)

Paano mapapanatiling malinis ang pamumuhay ng sinumang tao, sa kanilang kabataan?
    Sa pamamagitan ng pagsunod sa banal mong kautusan.
10 Buong puso ang hangad kong sambahin ka't paglingkuran,
    huwag mo akong hahayaang sa utos mo ay sumuway.
11 Ang banal mong kautusa'y sa puso ko iingatan,
    upang hindi magkasala laban sa iyo kailanman.
12 Pupurihin kita, Yahweh, ika'y aking pupurihin;
    ang lahat ng tuntunin mo ay ituro po sa akin.
13 Ang lahat mong mga utos na sa aki'y ibinigay,
    palagi kong babanggitin, malakas kong isisigaw.
14 Nagagalak na susundin ko ang iyong kautusan,
    higit pa sa kagalakang dulot nitong kayamanan.
15 Ako'y laging mag-aaral sa lahat ng tuntunin mo,
    nang aking maunawaan, pagbubulay-bulayan ko.
16 Sa bigay mong kautusa'y lubos akong nalulugod,
    iingatan sa puso ko upang iyo'y di malimot.

Kagalakan sa Kautusan ni Yahweh

(Gimmel)

17 Itong iyong abang lingkod, O Yahweh, nawa'y pagpalain,
    upang ako ay mabuhay at ang utos mo ang sundin.
18 Buksan mo ang paningin ko pagkat nananabik masdan,
    kabutihang idudulot sa akin ng iyong aral.
19 Ang buhay ko sa daigdig ay pansamantala lamang,
    kaya huwag mong ikukubli sa akin ang kautusan.
20 Ang puso ko'y nasasabik, at ang laging hinahangad,
    ang lahat ng tuntunin mo ay mabatid oras-oras.
21 Ang mga mapagmataas, iyong pinaparusahan;
    at iyong isinusumpa ang sa utos mo ay laban.
22 Sa ganitong mga tao'y ilayo mo akong ganap,
    yamang ang iyong kautusan ay siya kong tinutupad.
23 Kahit ako ay usigi't labanan ng pamunuan,
    itong iyong abang lingkod sa utos mo'y mag-aaral.
24 Ang buo mong kautusan sa akin ay umaaliw,
    siyang gurong nagpapayo sa lahat kong suliranin.

Isaias 54

Ang Pag-ibig ni Yahweh sa Israel

54 “Umawit(A) ka Jerusalem, ang babaing hindi magkaanak!
Sumigaw ka sa galak, ikaw na hindi pa nakakaranas manganak.
Magiging mas marami ang iyong mga anak
    kaysa sa kanya na may asawa, sabi ni Yahweh.”
Gumawa ka ng mas malaking tolda,
    palaparin mo ang kurtina niyon.
Huwag mong lagyan ng hangganan ang dakong iyon,
    pahabain mo ang mga tali.
Ibaon mo ng malalim ang mga pantulos.
Sapagkat kakalat kayo sa buong daigdig,
    aangkinin ng inyong lahi ang ibang mga bansa;
    at pananahanan nila ang mga lunsod doon, na iniwanan.

Huwag kang matakot o panghinaan man ng loob,
    sapagkat hindi ka na mapapahiya.
Malilimot mo na ang kahihiyang dinanas mo noong iyong kabataan;
    hindi mo na maaalala ang matinding kalungkutan ng pagiging isang biyuda.
Sapagkat ang Lumalang sa iyo ay ang asawa mo,
    ang pangalan niya'y Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
Ang tagapagligtas mo ay ang Banal na Diyos ng Israel,
    kung tawagin siya'y Diyos ng buong sanlibutan.

Israel, ang katulad mo'y asawang iniwan at ngayo'y nagdurusa,
    isang babaing maagang nag-asawa at pagkatapos ay itinakwil.
Ngunit pinababalik ka ngayon ni Yahweh at sa iyo'y sinasabi,
“Sandaling panahon kitang iniwanan;
    ngunit dahil sa tapat kong pag-ibig, muli kitang kakalingain.
Sa tindi ng aking galit, sandali akong lumayo sa iyo,
    ngunit ipadarama ko sa iyo ang aking kahabagan sa pamamagitan ng pag-ibig na wagas.”
Iyan ang sabi ni Yahweh na magliligtas sa iyo.

“Noong(B) panahon ni Noe, ako ay sumumpang
    hindi na mauulit na ang mundong ito'y gunawin sa tubig.
Aking ipinapangako ngayon, hindi na ako magagalit sa iyo,
    at hindi na kita paparusahan muli.
10 Maguguho(C) ang mga bundok at ang mga burol ay mayayanig,
    ngunit ang wagas na pag-ibig ko'y hindi maglalaho,
    at mananatili ang kapayapaang aking ipinangako.”
Iyan ang sinasabi ni Yahweh, na nagmamahal sa iyo.

Ang Jerusalem sa Panahong Darating

11 Sinabi(D) (E) ni Yahweh,
“O Jerusalem, nagdurusang lunsod
    na walang umaliw sa kapighatian.
Muling itatayo ang mga pundasyon mo, ang gagamitin ko'y mamahaling bato.
12 Rubi ang gagamitin sa iyong mga tore,
    batong maningning ang iyong pintuan
    at sa mga pader ay mga hiyas na makinang.
13 Ako(F) mismo ang magtuturo sa iyong mga anak.
    Sila'y magiging payapa at uunlad ang buhay.
14 Patatatagin ka ng katuwiran,
    magiging ligtas ka sa mga mananakop,
    at wala kang katatakutang anuman.
15 Kung may sumalakay sa iyo,
    hindi ito mula sa akin;
ngunit mabibigo ang sinumang sa iyo ay lumaban.
16 Ako ang lumikha ng mga panday,
    na nagpapaapoy sa baga at gumagawa ng mga sandata.
Ako rin ang lumikha sa mga mandirigma,
    na gumagamit sa mga sandata upang pumatay.
17 Ngunit mula ngayon, wala nang sandatang gagamitin laban sa iyo,
    at masasagot mo ang anumang ibibintang sa iyo.
Ang mga lingkod ko'y aking ipagtatanggol,
    at sila'y bibigyan ng pagtatagumpay.”
Ito ang sinabi ni Yahweh.

Mateo 2

Ang Pagdalaw kay Jesus

Panahon ng paghahari ni Herodes[a] sa Judea nang ipanganak si Jesus sa Bethlehem. May mga pantas[b] mula pa sa silangan na dumating sa Jerusalem. Nagtanung-tanong sila, “Nasaan ang ipinanganak na hari ng mga Judio? Nakita namin sa silangan ang kanyang bituin, kaya't naparito kami upang siya'y sambahin.”

Nang mabalitaan ito ni Haring Herodes, siya'y naligalig, gayundin ang buong Jerusalem. Kaya't tinipon niya ang lahat ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan at sila'y tinanong, “Saan ba isisilang ang Cristo?” Tumugon sila, “Sa Bethlehem po, sapagkat ganito ang isinulat ng propeta:

‘At(A) Ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Juda,
    ay hindi pinakahamak sa mga pangunahing bayan ng Juda.
Sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno
    na mamamahala sa aking bayang Israel.’”

Nang mabatid ito, palihim na ipinatawag ni Herodes ang mga pantas at inusisa kung kailan lumitaw ang bituin. Pagkatapos, sila ay pinapunta niya sa Bethlehem na ganito ang bilin, “Hanapin ninyong mabuti ang sanggol. Kapag natagpuan ninyo siya, ipagbigay-alam agad ninyo sa akin upang ako man ay pumunta roon at sumamba rin sa kanya.” Pagkarinig sa bilin ng hari, sila'y nagpatuloy sa paghahanap. Ang bituin na nanguna sa kanila mula pa sa silangan ay tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng bata. 10 Ganoon na lamang ang kanilang kagalakan nang makita ang bituin. 11 Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ni Maria na kanyang ina. Nagpatirapa sila at sinamba ang bata. Inihandog din nila sa kanya ang mga dala nilang ginto, insenso at mira.

12 Nang papauwi na ang mga pantas, nakatanggap sila ng babala sa pamamagitan ng panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes, kaya't nag-iba na sila ng daan pauwi.

Ang Pagtakas Papunta sa Egipto

13 Pagkaalis ng mga pantas, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, “Bumangon ka't dalhin mo agad sa Egipto ang iyong mag-ina. At huwag kayong aalis doon hangga't hindi ko sinasabi sapagkat hahanapin ni Herodes ang bata upang patayin.” 14 Bumangon nga si Jose at nang gabi ring iyon, dinala niya sa Egipto ang kanyang mag-ina. 15 Doon(B) sila nanirahan hanggang sa mamatay si Herodes. Sa gayon, natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Egipto.”

Ipinapatay ang Maliliit na Batang Lalaki

16 Galit na galit si Herodes nang malaman niyang nilinlang siya ng mga pantas. Kaya't ipinapatay niya ang lahat ng batang lalaki sa Bethlehem at sa palibot nito mula sa gulang na dalawang taon pababa, batay sa panahong sinabi sa kanya ng mga pantas.

17 Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias:

18 “Narinig(C) sa Rama ang isang tinig,
    tinig ng pananangis at ng malakas na panaghoy.
Tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak.
    Ayaw niyang paaliw sapagkat patay na sila.”

Ang Pagbalik mula sa Egipto

19 Pagkamatay ni Herodes, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon habang siya'y nasa Egipto. 20 Sinabi sa kanya ng anghel, “Bumangon ka. Dalhin mo na sa Israel ang iyong mag-ina sapagkat patay na ang mga nagtatangka sa buhay ng bata.” 21 Kaya't bumangon nga si Jose at dinala sa Israel ang kanyang mag-ina.

22 Ngunit nang mabalitaan niyang naghahari sa Judea si Arquelao na anak ni Herodes, natakot siyang pumunta roon. At dahil binigyan siya ng babala sa kanyang panaginip, sila ay tumuloy sa Galilea, 23 at(D) doon nanirahan sa bayan ng Nazaret. Sa gayon, natupad ang sinabi ng mga propeta: “Siya'y tatawaging Nazareno.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.