Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Deuteronomio 17

17 “Huwag kayong maghahandog ng baka o tupang may kapintasan o kapansanan sapagkat kasuklam-suklam iyon kay Yahweh na inyong Diyos.

“Sinuman sa inyo ang matuklasang gumagawa ng masama laban kay Yahweh na inyong Diyos at sumisira sa ating kasunduan kay Yahweh, naglilingkod(A) at sumasamba sa mga diyus-diyosan, sa araw, sa buwan o sa mga bituin 4-5 ay siyasatin ninyong mabuti. Kapag ang sumbong o ang bintang na iyon ay napatunayan, ang nagkasala ay dadalhin sa pintuang bayan, at babatuhin hanggang mamatay. Ang(B) hatol na kamatayan ay igagawad kung may dalawa o tatlong saksi na nagpapatotoo; hindi sapat ang patotoo ng isang saksi. Ang(C) mga saksi ang unang babato sa nagkasala, saka ang taong-bayan. Sa ganitong paraan ay aalisin ninyo sa inyong sambayanan ang kasamaang tulad nito.

“Kung sa lugar ninyo ay may mabigat na usapin at hindi ninyo kayang lutasin, tulad ng patayan, pang-aapi o pananakit, pumunta kayo sa lugar na pinili ni Yahweh. Iharap ninyo ito sa mga paring Levita o hukom na nanunungkulan sa panahong iyon, at sila ang hahatol. 10 Tanggapin ninyo ang anumang ihatol nila sa inyo at sunding lahat ang kanilang tagubilin. 11 Kung ano ang sabihin nila, siya ninyong gawin; huwag kayong lalabag sa anumang pasya nila. 12 Papatayin ang sinumang hindi susunod sa katuruan ng pari o sa hatol ng hukom. Sa ganitong paraan ninyo aalisin ang kasamaan sa inyong sambayanan. 13 Kapag ito'y nabalitaan ng lahat, matatakot silang gumawa ng gayunding kasamaan.

Ang Paglalagay ng Hari

14 “Kapag(D) kayo'y naroon na at naninirahan nang maayos sa lupaing ibibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh, makakaisip kayong magkaroon ng hari, tulad ng mga bansa sa paligid ninyo. 15 Maaari kayong maglagay ng hari, ngunit ang ilalagay ninyo ay iyong pinili ni Yahweh at mula sa inyong lahi. Huwag ninyong gagawing hari ang sinumang dayuhan. 16 Ang(E) gagawin ninyong hari ay hindi dapat magparami ng kabayo para sa kanyang sarili; hindi rin niya maaaring iutos sa iba na magbalik sa Egipto para ikuha siya ng maraming kabayo, sapagkat ipinag-utos ni Yahweh, na huwag nang bumalik pa roon. 17 Hindi(F) siya dapat mag-asawa ng marami at baka siya makalimot kay Yahweh; ni hindi siya dapat magpayaman sa panahon ng paghahari. 18 Kapag siya'y nakaupo na sa trono, gagawa siya ng isang kopya ng mga kautusang ito na nasa pag-iingat ng mga paring Levita. 19 Ito ay para sa kanya at babasahin niya araw-araw upang magkaroon siya ng takot kay Yahweh na kanyang Diyos at upang buong puso niyang masunod ang mga kautusan at mga tuntunin ni Yahweh, 20 upang hindi siya magmalaki sa kanyang mga kababayan, at upang hindi siya lilihis sa mga tuntuning ito. Kung magkagayon, siya at ang kanyang mga anak ay maghahari nang matagal sa Israel.

Mga Awit 104

Awit ng Pagpuri sa Diyos na Manlilikha

104 Papurihan mo si Yahweh, O aking kaluluwa!
    Ikaw, Yahweh na aking Diyos, kay dakila mong talaga!
Karangala't kamahalan, lubos na nadaramtan ka.
O Diyos, kayo po ay puspos ng maningning na liwanag,
    kalangita'y parang tolda, na kamay mo ang nagladlad.
Ang ginawa mong tahanan ay ang tubig sa itaas,
    ang karo mong sinasakyan ay ang papawiring-ulap,
    sa pakpak ng mga hangin ay doon ka lumalakad.
Tagahatid(A) ng balita ay hangin ding sumisimoy,
    at kidlat na matatalim ang lingkod mong tumutulong.
Ikaw na rin ang nagtayo ng saligan nitong lupa,
    matatag na ginawa mo't hindi ito mauuga.
Ang ibabaw ng saliga'y ginawa mong karagatan,
    at tubig din ang bumalot sa lahat ng kabundukan.
Ngunit noong magalit ka, itong tubig ay tumakas,
    nang marinig ang sigaw mo, tumilapon agad-agad.
Bumuhos sa kabundukan, umagos sa kapatagan,
    natipon sa isang dako't naging isang karagatan,
matapos, ang ginawa mo'y naglagay ka ng hangganan,
    upang itong kalupaa'y di na muling laganapan.

10 Lumilikha ka ng ilog na patungong kapatagan,
    sa gilid ng mga burol, umaagos na marahan.
11 Kaya kahit na sa ilang ang hayop na naroon,
    maging hayop na mailap may tubig na naiinom.
12 Sa naroong kakahuya'y umaawit na masaya,
    mga ibo'y nagpupugad sa malabay nilang sanga.

13 Magmula sa kalangitan, mga bundok ay nadilig,
    ibinuhos ang pagpapala't lumaganap sa daigdig.
14 Tumubo ang mga damong pagkain ng mga baka,
    nagkaroon ng halamang masaganang namumunga;
anupa't ang mga tao'y may pagkaing nakukuha.
15     Mayroong ubas na inumin kaya tao'y masasaya,
    may langis pa ng olibong nagdudulot ng ligaya,
    at tinapay na pagkaing pampalakas sa tuwina.

16 Ang mga kahoy ni Yahweh, masaganang nadidilig,
    mga sedar ng Lebanon, kayo mismo ang nagtanim.
17 Sa malagong mga puno at malabay nitong sanga,
    mga ibo'y nagpupugad, doon sila tumitira.
18 Yaong mga kambing-gubat nagkalat sa kabundukan,
    sa bitak ng mga bato ang kuneho nananahan.

19 Ang buwan ay nababatid sa buwan ding iyong likha,
    araw nama'y lumulubog sa oras na itinakda.
20 Lumikha ka nitong dilim, at gabi ang itinawag,
    kung gumabi gumigising ang hayop na maiilap.
21 Umuungal itong leon, samantalang humahanap
    ng kanyang makakain na sa Diyos din nagbubuhat.
22 Kung sumapit ang umaga, dala nito kanyang huli,
    pumupunta sa tagua't doon siya nangungubli;
23 samantalang itong tao humahayo sa gawain,
    sa paggawang walang tigil inaabot na ng dilim.

24 Sa daigdig, ikaw, Yahweh, kay rami ng iyong likha!
    Pagkat ikaw ay marunong kaya ito ay nagawa,
    sa dami ng nilikha mo'y nakalatan itong lupa.
25 Nariyan ang mga lawa't malawak na karagatan,
    malalaki't maliliit na isda ay di mabilang.
26 Iba't(B) ibang mga bapor ang dito ay naglalakbay,
    samantalang ang Leviatang[a] nilikha mo'y kaagapay.

27 Lahat sila'y umaasa, sa iyo ay nag-aabang,
    umaasa sa pagkain na kanilang kailangan.
28 Ang anumang kaloob mo ay kanilang tinatanggap,
    mayro'n silang kasiyahan pagkat bukás ang iyong palad.
29 Kapag ika'y lumalayo labis silang nangangamba,
    takot silang mamatay kung lagutin mo ang hininga;
    mauuwi sa alabok, pagkat doon sila mula.
30 Taglay mo ang katangiang buhay nila ay ibalik,
    bagumbuhay ay dulot mo sa nilikha sa daigdig.

31 Sana ang iyong karangala'y manatili kailanman,
    sa lahat ng iyong likha ang madama'y kagalakan.
32 Nanginginig ang nilikha, kapag titig mo sa daigdig,
    ang bundok na hipuin mo'y umuusok, nag-iinit.

33 Aawitan ko si Yahweh, palagi kong aawitan,
    siya'y aking pupurihin habang ako'y nabubuhay.
34 Ang awit ng aking puso sana naman ay kalugdan,
    pagkat ako'y nagagalak, nagpupuri sa Maykapal.
35 Ang lahat ng masasama sana'y alisin sa daigdig,
    ang dapat ay lipulin na upang sila ay maalis.

Si Yahweh ay purihin mo, aking kaluluwa!
Purihin si Yahweh!

Isaias 44

Si Yahweh Lamang ang Diyos

44 Sinabi ni Yahweh,
    “Ikaw Jacob, na lingkod ko, ako ay pakinggan;
    lahi ni Israel, ang pinili kong bayan!
Akong si Yahweh ang sa iyo ay lumalang;
    tinulungan na kita mula nang ikaw ay isilang.
Huwag kang matakot, ikaw na aking lingkod,
    ang bayan kong minamahal.
Aking ibubuhos ang saganang tubig sa uhaw na lupa,
    sa tuyong lupa maraming batis ang padadaluyin.
Ibubuhos ko sa iyong mga anak ang aking Espiritu,
    at ang mga liping susunod sa iyo ay pagpapalain.
Sila ay sisibol tulad ng damong sagana sa tubig,
    sila'y dadaloy tulad ng halaman sa tabi ng batis.
Bawat isa'y magsasabing, ‘Ako ay kay Yahweh.’
    Sila ay darating upang makiisa sa Israel.
Itatatak nila sa kanilang mga bisig ang pangalan ni Yahweh,
    at sasabihing sila'y kabilang sa bayan ng Diyos.”

Ang(A) sabi ni Yahweh, ang Hari at Tagapagligtas ng Israel,
    ang Makapangyarihan sa lahat:
“Ako ang simula at ang wakas;
    walang ibang diyos maliban sa akin.
Sino ang makakagawa ng mga ginawa ko?
    Sino ang makakapagsabi sa mga nangyari mula simula hanggang wakas?
Huwag kayong matakot, bayan ko!
Alam mong sa pasimula pa'y ipinahayag ko na ang mga mangyayari;
    kayo'y mga saksi sa lahat ng ito.
Mayroon pa bang diyos maliban sa akin?
Wala nang hihigit pa sa aking kapangyarihan!”

Hinamak ang Pagsamba sa Diyus-diyosan

Walang kuwentang tao ang mga gumagawa ng rebulto, at walang kabuluhan ang mga diyus-diyosang kanilang pinahahalagahan. Mga bulag at hangal ang sumasamba sa mga ito, kaya sila'y mapapahiya. 10 Walang idudulot na mabuti ang paggawa ng mga rebulto para sambahin. 11 Tandaan ninyo, ang sumasamba sa mga ito ay mapapahiya lamang. Ang mga gumagawa nito'y tao lamang, kaya't magsama-sama man sila at ako'y harapin, sila'y matatakot at mapapahiya rin.

12 Ang panday ay kumukuha ng isang pirasong bakal at inilalagay ito sa apoy. Pagkatapos ay pinupukpok niya ito sa pamamagitan ng kanyang malakas na bisig hanggang sa magkahugis. Sa paggawa nito, siya ay nauuhaw, nagugutom at napapagod.

13 Ang karpintero naman ay kumukuha ng isang pirasong kahoy. Ginuguhitan niya ito ng anyong tao, saka inuukit hanggang sa mayari ang isang magandang imahen. Pagkatapos, ilalagay niya ito sa kanyang bahay. 14 Pumipili siya at pumuputol ng isang matigas na kahoy sa gubat tulad ng sedar, ensina at sipres. Maaari din siyang magtanim ng laurel at ito ay hintaying lumaki habang dinidilig ng ulan. 15 Ang(B) kaputol na kahoy nito ay ginagawang panggatong at ang kaputol naman ay ginagawang diyus-diyosan. Ang isang piraso ay iginagatong para magbigay ng init sa kanya at para igatong sa pagluluto. Ang isang piraso ay ginagawang rebulto para sambahin. 16 Ang ibang piraso ng kahoy ay ginagawang panggatong. Dito siya nag-iihaw ng karne at nasisiyahan siyang kumain nito. Kung nadarama niya ang init ng apoy ay nasasabi niya ang ganito: “Salamat at hindi na ako giniginaw!” 17 Ang natirang kahoy ay ginagawa nga niyang diyos na kanyang niluluhuran at sinasamba. Dumadalangin siya sa rebulto, “Iligtas mo ako sapagkat ikaw ang aking diyos!”

18 Ang mga taong gayon ay mga mangmang at hindi inuunawa ang kanilang ginagawa. Tinakpan nila ang kanilang mga mata at sinarhan ang isipan sa katotohanan. 19 Hindi na nila naisip na ang kaputol ng ginawa nilang rebulto ay ginamit na panggatong sa pagluluto ng tinapay at karneng kanilang kinain. Hindi man lamang nila itinanong sa kanilang sarili kung hindi kaya karumal-dumal ang sumamba sa isang pirasong kahoy.

20 Ang mga gumagawa nito'y parang kumakain ng abo.[a] Lubusan na siyang nailigaw ng kanyang maling paniniwala at mahirap nang ituwid. At hindi siya papayag na ang rebultong hawak niya ay hindi mga diyos.

Si Yahweh, ang Manlilikha at Tagapagligtas

21 Sinabi ni Yahweh,
“Tandaan mo Israel, ikaw ay aking lingkod.
Nilalang kita upang maglingkod sa akin.
    Hindi kita kakalimutan.
22 Ang pagkakasala mo'y pinawi ko na, naglahong ulap ang katulad;
    Ika'y manumbalik dahil tinubos na kita at pinalaya.
23 Magdiwang kayo, kalangitan!
    Gayundin kayo, kalaliman ng lupa!
Umawit kayo, mga bundok at kagubatan,
sapagkat nahayag ang karangalan ni Yahweh
    nang iligtas niya ang bansang Israel.

24 “Akong si Yahweh, na iyong Tagapagligtas, ang lumikha sa iyo:
Ako ang lumikha ng lahat ng bagay.
    Ako lamang mag-isa ang nagladlad nitong kalangitan,
    at nag-iisa ring lumikha ng sanlibutan.
25 Aking(C) binibigo ang mga sinungaling na propeta
    at ang mga manghuhula;
ang mga marurunong ay ginagawang mangmang,
    at ang dunong nila'y ginawang kahangalan.
26 Ngunit ang pahayag ng mga lingkod ko'y pawang nagaganap,
    at ang mga payo ng aking mga sugo ay natutupad;
ako ang maysabing darami ang tao sa Jerusalem,
    muling itatayo ang mga gumuhong lunsod sa Juda.
27 Isang utos ko lamang, natutuyo ang karagatan.
28 Ang(D) sabi ko kay Ciro, ‘Ikaw ang gagawin kong tagapamahala.
    Susundin mo ang lahat ng ipapagawa ko sa iyo.
    Ang Jerusalem ay muli mong ipatatayo,
    gayundin ang mga pundasyon ng Templo.’”

Pahayag 14

Ang Awit ng mga Tinubos

14 Tumingin(A) ako, at nakita ko ang Kordero na nakatayo sa Bundok ng Zion, kasama ang isandaan at apatnapu't apat na libong tao (144,000). Nakasulat sa kanilang noo ang pangalan ng Kordero at ang pangalan ng kanyang Ama. At narinig ko mula sa langit ang isang tinig na sinlakas ng rumaragasang tubig at dagundong ng kulog. Ang tinig na narinig ko'y parang tugtugan ng mga manunugtog ng alpa. Sila'y umaawit ng isang bagong awit sa harap ng trono, at sa harap ng apat na nilalang na buháy at sa harap ng matatandang pinuno. Walang matututong umawit sa awit na iyon kundi ang isandaan at apatnapu't apat na libong (144,000) tinubos mula sa daigdig. Ito ang mga lalaking nanatiling walang dungis at hindi nakipagtalik sa mga babae. Nanatili silang mga birhen. Sumusunod sila sa Kordero saanman siya magpunta. Sila'y tinubos mula sa buong sangkatauhan bilang mga unang handog sa Diyos at sa Kordero. Hindi(B) sila nagsinungaling kailanman at wala silang anumang kapintasan.

Ang Tatlong Anghel

Nakita ko rin ang isa pang anghel na lumilipad sa himpapawid, dala ang walang hanggang Magandang Balita upang ipahayag sa mga tao sa lupa, sa lahat ng bansa, lipi, wika, at bayan. Sinabi niya nang malakas, “Matakot kayo sa Diyos at luwalhatiin ninyo siya! Sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghatol. Sambahin ninyo ang Diyos na lumikha ng langit, lupa, dagat, at mga bukal ng tubig!”

Sumunod(C) naman ang ikalawang anghel na nagsasabi, “Bumagsak na! Bumagsak na ang makapangyarihang Babilonia, na nagpainom sa lahat ng mga bansa ng alak ng kanyang kahalayan!”

At sumunod sa dalawa ang ikatlong anghel na sumisigaw, “Sinumang sumasamba sa halimaw at sa larawan nito, at nagpatatak sa kanyang noo o sa kamay, 10 ay(D) paiinumin ng Diyos ng purong alak ng kanyang poot na ibinuhos sa kopa ng kanyang galit. Pahihirapan sila sa apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel at sa harapan ng Kordero. 11 Ang(E) usok mula sa apoy na nagpapahirap sa kanila ay patuloy na tataas magpakailanman. Araw at gabi ay maghihirap nang walang pahinga ang mga sumamba sa halimaw at sa kanyang larawan, at ang mga natatakan ng kanyang pangalan.”

12 Ito'y panawagan na magpakatatag ang mga hinirang ng Diyos, ang mga sumusunod sa mga utos ng Diyos at nananatiling tapat kay Jesus.

13 At narinig ko mula sa langit ang isang tinig, na nagsasabi, “Isulat mo: Mula ngayon, pinagpala ang mga namamatay na naglilingkod sa Panginoon!” At sinabi ng Espiritu, “Totoo nga silang pinagpala! Magpapahinga na sila sa kanilang mga pagpapagal; sapagkat sinusundan sila ng kanilang mga gawa.”

Ang Pag-aani

14 Tumingin(F) uli ako, at nakita ko ang isang puting ulap, at nakaupo rito ang isang kamukha ng anak ng tao, may suot na koronang ginto at may hawak na isang matalim na karit. 15 Isa(G) pang anghel ang lumabas mula sa templo at nagsalita nang malakas sa nakaupo sa ulap, “Gamitin mo na ang iyong karit, gumapas ka na sapagkat panahon na; hinog na ang aanihin sa lupa!” 16 Ginamit nga ng nakaupo sa ulap ang kanyang karit, at ginapas niya ang anihín sa lupa.

17 At isa pang anghel ang nakita kong lumabas mula sa templo sa langit; may hawak din itong matalim na karit. 18 Lumabas naman mula sa dambana ang isa pang anghel. Siya ang namamahala sa apoy sa dambana. Sinabi niya sa anghel na may matalim na karit, “Gamitin mo na ang iyong karit, at anihin mo ang mga ubas sa lahat ng ubasan sa lupa, sapagkat hinog na ang mga ito!” 19 Kaya't ginamit ng anghel ang kanyang karit, inani ang mga ubas, at inihagis sa pisaan ng matinding poot ng Diyos. 20 Pinisa(H) sa labas ng lungsod ang mga ubas at mula sa pisaan ay bumaha ng dugo. Ang lawak ng baha ay umabot hanggang tatlong daang (300) kilometro, at limang talampakan ang lalim.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.