M’Cheyne Bible Reading Plan
32 “Pakinggan mo, langit, ang aking sasabihin,
unawain mo, lupa, ang aking bibigkasin.
2 Pumatak nawang gaya ng ulan ang aking ituturo,
ang salita ko nawa'y tulad ng hamog na namumuo;
upang halama'y diligan at damo'y tumubo.
3 Sapagkat si Yahweh ay aking pupurihin,
ang kanyang pangalan ay inyong dakilain.
4 “Si Yahweh ang inyong batong tanggulan,
mga gawa niya'y walang kapintasan,
mga pasya niya'y pawang makatarungan;
siya'y Diyos na tapat at makatuwiran.
5 Datapwat ang Israel sa kanya ay nagtaksil,
di na karapat-dapat na mga anak ang turing,
dahil sa pagkakasala nila at ugaling suwail.
6 O mga mangmang at hangal na tao,
ganyan ba susuklian ang kabutihan sa inyo ni Yahweh na inyong ama at sa inyo'y lumikha,
at nagtaguyod na kayo'y maging isang bansa?
7 “Alalahanin ninyo ang mga lumipas na panahon, ang mga salinlahi ng mga nagdaang taon;
tanungin ninyo ang inyong ama at kanilang sasabihin,
pati ang matatanda at kanilang sasaysayin.
8 Nang(A) ipamahagi ng Kataas-taasang Diyos ang ipapamanang lupain,
nang ang mga bansa'y kanyang hati-hatiin,
mga hangganan nito'y kanyang itinakda ayon sa dami ng mga anak niya.
9 Pagkat ang lahi ni Jacob ay kanyang pinili,
sila ang kanyang tagapagmanang lahi.
10 “Sa isang disyerto sila'y kanyang natagpuan,
sa isang lupang tigang at walang naninirahan.
Doon sila'y kanyang pinatnubayan,
binantayan at doo'y inalagaan.
11 Isang inahing agila, ang kanyang katulad,
sila'y mga inakay na tinuruan niyang lumipad;
upang ang Israel ay hindi bumagsak,
sinasalo niya ng malalapad niyang pakpak.
12 Si Yahweh lamang ang sa kanila'y pumatnubay,
walang diyos na banyaga ang sa kanila'y dumamay.
13 “Kanyang pinagtagumpay sila sa kaburulan,
sila'y kumain ng mga ani sa kabukiran.
Nakakuha sila ng pulot sa mga batuhan,
nakahukay rin ng langis sa lupang tigang.
14 Kanilang mga baka't kambing ay sagana sa gatas;
pinakamainam ang kanilang kawan, trigo, at katas ng ubas.
15 “Si Jacob na irog, tumaba't lumaki—katawa'y bumilog;
ang Diyos na lumalang kanyang tinalikuran,
at itinakwil ang batong tanggulan ng kanyang kaligtasan.
16 Pinanibugho nila si Yahweh dahil sa mga diyus-diyosan.
Poot niya'y pinag-alab sa pagsambang kasuklam-suklam.
17 Naghain(B) sila ng handog sa mga demonyo,
sa mga diyus-diyosang hindi nila alam kung ano;
ngayon lamang dumating mga diyos na bago,
na hindi sinamba ng kanilang mga lolo.
18 Iniwan ninyo ang batong tanggulan na sa inyo'y nagdalang-tao,
kinalimutan ninyo ang Diyos na tunay na sa inyo ay nagbigay-buhay.
19 “Nang makita ni Yahweh ang ginawa nilang ito, napuspos siya ng galit,
poot niya'y nag-alimpuyo laban sa mga anak na inari niyang totoo.
20 ‘Kaya't ako'y lalayo,’ ang sabi niya,
‘Kanilang mga dalangin di na diringgin pa,
tingnan ko lang ang kanilang sasapitin—
isang lahing suwail, mga anak na taksil.
21 Pinanibugho(C) nila ako sa mga diyos na hindi totoo,
sa pagsamba sa kanila'y ginalit nila ako,
kaya't bayang hangal kahit hindi akin ay siyang gagamitin,
upang aking bayan galitin at panibughuin.
22 Galit ko'y bubuga ng nag-aalab na poot,
maglalagablab hanggang sa kalaliman ng daigdig ng mga patay.
Lupa't bunga nito apoy ang tutupok,
sa mga saligan ng bundok siya ang susunog.’
23 “‘Tatambakan ko sila ng labis na paghihirap,
pauulanan ko sila ng aking mga sibat.
24 Padadalhan ko sila ng nakakalunos na salot,
matinding lagnat at gutom ang aking idudulot.
Mababangis na hayop aking pasasalakayin,
makamandag na ahas sila'y tutuklawin.
25 Sa mga lansanga'y magkakaroon ng mga patayan,
sindak at takot naman sa mga tahanan;
binata't dalaga'y kapwa pupuksain,
maging pasusuhing sanggol at matatandang ubanin.
26 Naisip ko na sana'y sila ang lipulin,
sa alaala ng madla sila ay pawiin.
27 Subalit ayaw kong mangyari na ang mga kaaway ay pahambog na magsabi:
Kami ang lumupig sa kanila,
ngunit akong si Yahweh ang talagang sa kanila'y nagparusa.’
28 “Sila'y isang bansang salat sa katuwiran,
isang bayang wala ni pang-unawa man.
29 Kung sila'y matalino, naunawaan sana nila nangyaring pagkatalo.
Kung bakit sila nagapi, sasabihin nila ito:
30 Paano matutugis ng isa ang sanlibo?
O ang sampung libo ng dalawa katao?
Sila'y pinabayaan ng kanilang batong tanggulan
na sa kanila'y nagtakwil at nang-iwan.
31 Tunay ngang tanggulan nila'y hindi tulad ng sa atin;
maging ating mga kaaway ito rin ang sasabihin.
32 Sila ay sanga ng ubasan ng Sodoma, mga nagmula sa taniman ng Gomorra;
mga ubas nila'y tunay na lason at mapakla.
33 Ang alak na dito'y kinakatas,
ay gaya ng mabagsik na kamandag ng ahas.
34 “Hindi ba't iniingatan ko ito sa aking kaban,
natatakpang mahigpit sa aking taguan?
35 Akin(D) ang paghihiganti, ako ang magpaparusa;
kanilang pagbagsak ay nalalapit na.
Araw ng kapahamakan sa kanila'y darating,
lubos na pagkawasak ay malapit ng sapitin.
36 Bibigyan(E) ng katarungan ni Yahweh ang kanyang bayan,
mga lingkod niyang hirang kanyang kahahabagan.
Kapag nakita niyang sila'y nanghihina,
at lakas nila'y unti-unting nawawala.
37 Pagkatapos itatanong ng Diyos sa kanyang bayan,
‘Nasaan ngayon ang inyong mga diyos,
tanggulang inyong pinagkatiwalaan?
38 Sinong umubos sa taba ng inyong handog,
at sino ang uminom ng alak ninyong kaloob?
Bakit hindi ninyo sila tawagin at tulong ay hingin?
Hindi ba nila kayo kayang sagipin?
39 “‘Alamin ninyong ako ang Diyos—Oo, ako lamang.
Maliban sa akin ay wala nang iba pa.
Ako'y pumapatay at nagbibigay-buhay,
ako'y sumusugat at nagpapagaling din naman.
Wala nang makakapigil, anuman ang aking gawin.
40 Isinusumpa ko ito sa harap ng kalangitan, habang ako'y nabubuhay,
Diyos na walang hanggan.
41 Hahasain ko ang aking tabak na makinang
upang igawad ang aking katarungan.
Mga kaaway ko'y aking paghihigantihan,
at sisingilin ko ang sa aki'y nasusuklam.
42 Sa aking mga palaso dugo nila'y dadanak,
laman nila'y lalamunin nitong aking tabak;
hindi ko igagalang sinumang lumaban,
tiyak na mamamatay bilanggo ma't sugatan!’
43 “Mga(F) bansa, bayan ni Yahweh'y inyong papurihan,
mga pumapatay sa kanila'y kanyang pinaparusahan.
Ang kanilang mga kaaway kanyang ginagantihan,
at pinapatawad ang kasalanan ng kanyang bayan.”[a]
44 Ito nga ang inawit nina Moises at Josue sa harapan ng mga Israelita. 45 Pagkatapos bigkasin ni Moises ang lahat ng ito sa harap ng buong bayan ng Israel, 46 sinabi niya, “Itanim ninyo sa isip ang mga salitang narinig ninyo sa akin ngayon. Ituro ninyo sa inyong mga anak, upang masunod nilang mabuti ang buong kautusan. 47 Mahalaga ang mga salitang ito sapagkat dito nakasalalay ang inyong buhay. Kung susundin ninyong mabuti, mabubuhay kayo nang matagal sa lupaing sasakupin ninyo sa kabila ng Jordan.”
Ipinatanaw kay Moises ang Canaan
48 Nang(G) araw ring iyon, sinabi ni Yahweh kay Moises, 49 “Umakyat ka sa Abarim, sa Bundok ng Nebo na sakop ng Moab, sa tapat ng Jerico, at tanawin mo ang Canaan, ang lupaing ibibigay ko sa mga Israelita. 50 Doon ka mamamatay sa bundok na iyon tulad ng nangyari kay Aaron sa Bundok ng Hor, 51 sapagkat sinuway ninyo ako sa harapan ng bayang Israel noong sila'y nasa tabi ng tubig sa Meriba-kades sa ilang ng Zin. Hindi ninyo pinakita sa mga Israelita na ako ay banal. 52 Matatanaw mo ang lupaing ibibigay ko sa bayang Israel ngunit hindi mo ito mararating.”
Ang Pagsunod sa Kautusan ni Yahweh
(Ayin)
121 Ang matuwid at mabuti ay siya kong ginampanan,
sa kamay ng kaaway ko, huwag mo akong pabayaan.
122 Aming Diyos, mangako kang iingatan ang iyong lingkod,
at hindi mo babayaang guluhin ng mga hambog.
123 Malamlam na ang mata ko, sa tagal ng paghihintay,
sa pangako mo sa aking tatanggapi'y kaligtasan.
124 Sang-ayon sa pag-ibig mo, gayon ang gawing pagtingin,
ang lahat ng tuntunin mo ay ituro na sa akin.
125 Bigyan mo ng pang-unawa itong iyong
abang lingkod,
upang aking maunawa ang aral mo't mga utos.
126 Panahon na, O Yahweh, upang ikaw ay kumilos,
nilalabag na ng tao ang bigay mong mga utos.
127 Mahal ko ang iyong utos nang higit pa kaysa ginto,
kaysa gintong dinalisay, utos mo'y isinapuso.
128 Kaya iyang tuntunin mo ang siya kong sinusunod,
pagkat ako'y namumuhi sa anumang gawang buktot.
Paghahangad na Sundin ang Kautusan ni Yahweh
(Pe)
129 Lubos akong humahanga sa bigay mong mga turo;
lahat aking iingata't susundin nang buong puso.
130 Ang liwanag ng turo mo'y nagsisilbing isang tanglaw,
nagbibigay dunong ito sa wala pang karanasan.
131 Halos humihingal ako dahilan sa kasabikan,
na matamo yaong aking minimithing kautusan.
132 Ako'y iyong kahabagan, ngayon ako ay lingapin,
at sa mga taong tapat, itulad mo ang pagtingin.
133 Sang-ayon sa pangako mo, huwag mo akong hahayaang
mahulog sa gawang mali at ugaling mahahalay.
134 Sa sinumang naghahangad na ako ay alipinin,
iligtas mo ang lingkod mo't ang utos mo ang susundin.
135 Sa buhay ko'y tumanglaw ka at ako ay pagpalain,
at ang iyong mga utos ay ituro mo sa akin.
136 Parang agos na ng batis ang daloy ng aking luha,
dahilan sa mga taong sa utos mo'y sumisira.
Ang Katarungan ng Kautusan ni Yahweh
(Tsade)
137 Matuwid ka, O Yahweh, matapat ka nga at banal,
matapat ang tuntunin mo sa bigay mong kautusan.
138 Yaong mga tuntunin mong iniukol mo sa amin,
sa lahat ay naaangkop, at matapat ang layunin.
139 Nag-aapoy ang galit ko, sa puso ko'y nag-aalab,
pagkat yaong kaaway ko sa utos mo'y yumuyurak.
140 Ang pangako mo sa amin ay subok na't walang mintis,
kaya naman ang lingkod mo'y labis itong iniibig.
141 Kung ako ma'y walang saysay at kanilang itinakwil,
gayon pa man, ang utos mo'y hindi pa rin lilimutin.
142 Ang taglay mong katapatan, kailanma'y di kukupas,
katuruan mo'y totoo at ito ay walang wakas.
143 Ang buhay ko'y nalilipos ng hirap at suliranin,
ngunit ang iyong kautusan ang sa aki'y umaaliw.
144 Ang lahat ng tuntunin mo'y matuwid at walang hanggan,
bigyan ako ng unawa at ako ay mabubuhay.
Hinatulan ang Pang-aapi at Walang Katarungan
59 Tingnan ninyo, si Yahweh ay may kakayahan upang iligtas ka;
siya'y hindi bingi upang hindi marinig ang inyong hinaing.
2 Ang masasama ninyong gawa ang dahilan ng pagkawalay ninyo sa Diyos.
Nagkasala kayo kaya hindi ninyo siya makita,
at hindi niya kayo marinig.
3 Natigmak sa dugo ang inyong mga kamay,
ang inyong mga daliri'y sanhi ng katiwalian.
Ang inyong mga labi ay puno ng kasinungalingan;
ang sinasabi ng inyong mga dila ay pawang kasamaan.
4 Hindi makatarungan ang inyong pagsasakdal sa hukuman;
hindi rin matapat ang hatol ng inyong mga hukom.
Ang inyong batayan ay hindi tamang pangangatuwiran,
at ang pananalita ninyo'y pawang kasinungalingan.
Ang iniisip ninyo'y pawang kaguluhan
na nagiging sanhi ng maraming kasamaan.
5 Mga itlog ng ahas ang kanilang pinipisa,
mga sapot ng gagamba ang kanilang hinahabi.
Sinumang kumakain ng itlog na ito'y mamamatay;
bawat napipisa ay isang ulupong ang lumilitaw.
6 Hindi magagawang damit ang mga sapot,
hindi nito matatakpan ang kanilang mga katawan.
Ang mga ginagawa nila'y kasamaan,
pawang karahasan ang gawa ng kanilang mga kamay.
7 Mabilis(A) ang kanilang paa sa paggawa ng masama,
nagmamadali sila sa pagpatay ng mga walang sala;
pawang kasamaan ang kanilang iniisip.
Bakas ng pagkawasak ang kanilang iniiwan sa kanilang malalawak na lansangan.
8 Hindi nila alam ang landas patungo sa kapayapaan,
wala silang patnubay ng katarungan;
liku-likong landas ang kanilang ginagawa;
ang nagdaraan doo'y walang kapayapaan.
Inamin ng mga Tao ang Kanilang Kasalanan
9 Dahil dito, ang katarungan ay malayo sa amin,
hindi namin alam kung ano ang katuwiran.
Alam na namin ngayon kung bakit hindi kami iniligtas ng Diyos, sa mga nagpahirap sa amin.
Umasa kaming liwanag ay darating, ngunit kadiliman ang aming kinasadlakan.
10 Tulad nami'y bulag na nangangapa sa paglakad,
nadarapa kami tulad ng mga walang paningin.
Sa katanghaliang-tapat, kami'y natatalisod na para bang gabi na,
parang kami'y nasa dilim tulad ng mga patay.
11 Umuungal tayong lahat na gaya ng mga oso;
dumaraing tayo at nagdadalamhati tulad ng mga kalapati.
Ang hinihintay nating katarungan ay hindi dumarating.
Nais nating maligtas sa kaapihan at kahirapan ngunit ang kaligtasan ay malayo.
12 Yahweh, maraming beses kaming naghimagsik laban sa iyo;
inuusig kami ng aming mga kasalanan.
Alam naming kami'y naging makasalanan.
Nalalaman namin ang aming mga pagkakasala.
13 Naghimagsik kami sa iyo, O Yahweh, at itinakwil ka namin
at hindi na sumunod sa iyo.
Ang sinasabi namin ay pawang pang-aapi at pagtataksil;
ang inuusal ng aming mga bibig ay mga kasinungalingan, na katha ng aming mga isip.
14 Itinakwil namin ang katarungan
at lumayo kami sa katuwiran.
Ang katotohanan ay nahandusay sa mga liwasang-bayan,
at hindi makapanaig ang katapatan.
15 Hindi matagpuan ang katotohanan,
kaya nanganganib ang buhay ng mga tao, na ayaw gumawa ng kasamaan.
Humanda si Yahweh para Iligtas ang Kanyang Bayan
Nang makita ni Yahweh na wala nang katarungan,
siya ay nalungkot.
16 Nakita(B) niya na wala kahit isang magmalasakit sa mga api.
Dahil dito'y gagamitin niya ang kanyang kapangyarihan
upang sila'y iligtas, at siya'y magtatagumpay.
17 Ang(C) suot niya sa dibdib ay baluti ng katuwiran,
at sa kanyang ulo naman ang helmet ng kaligtasan.
Paghihiganti ang kanyang kasuotan,
at poot naman ang kanyang balabal.
18 Paparusahan niya ang mga kaaway ayon sa kanilang ginawa,
kahit ang nasa malalayong lugar ay kanyang gagantihan.
19 Kaya katatakutan siya ng mga taga-kanluran,
at dadakilain sa dakong silangan;
darating si Yahweh, tulad ng malakas na agos ng tubig,
gaya ng ihip ng malakas na hangin.
20 Sinabi(D) ni Yahweh sa kanyang bayan,
“Pupunta ako sa Zion upang tubusin
ang mga taong mula sa lahi ni Jacob na magsisisi sa kanilang kasalanan.
21 Ito ang aking kasunduan sa inyo,” sabi ni Yahweh.
“Ibinigay ko na ang aking kapangyarihan at mga katuruan upang sumainyo magpakailanman. Mula ngayon ay susundin ninyo ako at tuturuan ang inyong mga anak at salinlahi na sumunod sa akin sa buong panahong darating.”
Paghatol sa Kapwa(A)
7 “Huwag kayong humatol, nang kayo'y di hatulan. 2 Sapagkat(B) hahatulan kayo ng Diyos ayon sa paghatol ninyo sa iba, at susukatin kayo ayon sa panukat na ginagamit ninyo sa iba. 3 Bakit mo pinapansin ang puwing sa mata ng iyong kapatid ngunit hindi mo pinapansin ang trosong nasa iyong mata? 4 Paano mong masasabi sa iyong kapatid, ‘Halika't aalisin ko ang puwing mo,’ gayong troso ang nasa mata mo? 5 Mapagkunwari! Alisin mo muna ang trosong nasa iyong mata at sa gayon, makakakita kang mabuti at maaalis mo ang puwing ng iyong kapatid.
6 “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang banal na bagay, baka pagkatapos ay kayo pa ang balingan at sakmalin nila. Huwag ninyong ihagis sa baboy ang inyong mga perlas sapagkat yuyurakan lamang nila ang mga iyon.”
Humingi, Humanap, Kumatok(C)
7 “Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. 8 Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan. 9 Bibigyan ba ninyo ng bato ang inyong anak kapag siya'y humihingi ng tinapay? 10 Bibigyan ba ninyo siya ng ahas kapag siya'y humihingi ng isda? 11 Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit? Bibigyan niya ng mabubuting bagay ang sinumang humihingi sa kanya!
12 “Gawin(D) ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo. Ito ang buod ng Kautusan at ng mga isinulat ng mga propeta.”
Ang Makipot na Pintuan(E)
13 “Pumasok(F) kayo sa makipot na pintuan. Sapagkat maluwang ang pintuan at malapad ang daang papunta sa kapahamakan, at ito ang dinaraanan ng marami. 14 Ngunit makipot ang pintuan at makitid ang daang papunta sa buhay, at kakaunti ang nakakatagpo niyon.”
Sa Gawa Makikilala(G)
15 “Mag-ingat kayo sa mga huwad na propeta. Lumalapit sila sa inyo na parang tupa, ngunit ang totoo'y mababangis na asong-gubat. 16 Makikilala(H) ninyo sila sa kanilang mga gawa. Mapipitas ba ang ubas sa puno ng dawag, o ang igos sa matitinik na halaman? 17 Mabuti ang bunga ng mabuting puno, subalit masama ang bunga ng masamang puno. 18 Hindi maaaring mamunga ng masama ang mabuting puno at hindi maaaring mamunga ng mabuti ang masamang puno. 19 Ang(I) bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy. 20 Kaya't(J) makikilala ninyo ang mga huwad na propeta sa pamamagitan ng kanilang mga gawa.”
Hindi Ko Kayo Kilala(K)
21 “Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang mga taong sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit. 22 Sa Araw ng Paghuhukom marami ang magsasabi sa akin, ‘Panginoon, hindi po ba't sa iyong pangalan ay nangaral kami, nagpalayas ng mga demonyo at gumawa ng mga himala?’ 23 Ngunit(L) sasabihin ko sa kanila, ‘Hindi ko kayo kilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan.’”
Sa Bato o sa Buhanginan?(M)
24 “Kaya't ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay maitutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay na ang pundasyon ay bato. 25 Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo iyon sa bato. 26 Ang bawat nakikinig ng aking salita ngunit hindi naman nagsasagawa ng mga ito ay maitutulad naman sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan. 27 Umulan nang malakas, bumaha at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Ito ay bumagsak at lubusang nawasak.”
Ang Kapangyarihan ni Jesus
28 Namangha(N) kay Jesus ang mga tao nang kanilang marinig ang kanyang pagtuturo 29 sapagkat nagturo siya nang may kapangyarihan, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.