Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Deuteronomio 28:20-68

20 “Padadalhan niya kayo ng kahirapan, kaguluhan, at kabiguan sa lahat ng inyong gagawin hanggang sa kayo'y malipol. Gagawin niya ito dahil sa pagtalikod ninyo sa kanya. 21 Hindi niya kayo aalisan ng salot hanggang sa maubos kayo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. 22 Lilipulin kayo ni Yahweh sa pamamagitan ng sakit na pagkatuyo, nag-aapoy na lagnat, pamamaga ng katawan, at sakit sa balat; padadalhan din niya kayo ng matinding init at tagtuyot. Hindi kayo titigilan ng mga ito hanggang hindi kayo nalilipol. 23 Ipagkakait sa inyo ang ulan at dahil dito, magiging parang bakal ang lupa dahil sa pagkatigang. 24 Pauulanan kayo ni Yahweh ng alikabok sa halip na tubig hanggang sa kayo'y lubusang mapuksa.

25 “Hahayaan niyang matalo kayo ng inyong mga kaaway. Lalaban kayo sa kanila ngunit magkakanya-kanya kayo ng takbo. Dahil dito, kikilabutan ang lahat ng bansa sa inyong sinapit. 26 Kakainin ng mga ibon at mga hayop ang inyong mga bangkay ngunit walang mag-aabalang bumugaw sa mga ito. 27 Pahihirapan kayo ng mga pigsa, gaya ng ginawa ni Yahweh sa mga Egipcio. Tatadtarin niya kayo ng galis, buni at pangangati ng balat na hindi mapapagaling. 28 Dahil sa mga gagawin ni Yahweh sa inyo ay masisiraan kayo ng bait, bubulagin niya kayo at lilituhin. 29 Parang bulag kayong mangangapa sa katanghaliang-tapat, at maliligaw kayo sa inyong mga lakad. Anuman ang inyong gawin ay hindi kayo magtatagumpay. Patuloy kayong gigipitin at sasamsaman ng ari-arian ngunit walang sasaklolo sa inyo.

30 “Makikipagkasundo kayong pakasal sa isang babae ngunit iba ang mapapangasawa niya. Magtatayo kayo ng bahay ngunit iba ang titira. Magtatanim kayo ng ubas ngunit iba ang makikinabang. 31 Kakatayin ang sarili ninyong baka sa harapan ninyo ngunit hindi ninyo matitikman. Aagawin sa inyo ang inyong asno at hindi na ibabalik. Ang mga tupa ninyo'y sasamsamin ng kaaway at hindi na ninyo mababawi. 32 Ang inyong mga anak ay kitang-kita ninyong ibibigay sa ibang tao, ngunit wala kayong magagawa. 33 Isang bansang hindi ninyo kilala ang makikinabang sa ani ng inyong lupain at sa bunga ng inyong pagpapagod. Pahihirapan nila kayo at patuloy na aapihin 34 hanggang sa masiraan kayo ng bait dahil sa inyong paghihirap. 35 Pahihirapan kayo ni Yahweh sa pamamagitan ng bukol sa tuhod at binti. Hindi ninyo ito mapapagaling, sa halip ay kakalat mula sa ulo hanggang paa.

36 “Kayo at ang inyong hari ay ipapabihag ni Yahweh sa isang bansang hindi ninyo kilala ni ng inyong mga ninuno. Maglilingkod kayo sa kanilang diyos na yari sa kahoy at bato. 37 Sa mga bansang pagtatapunan sa inyo ni Yahweh ay magiging katatawanan kayo at pag-uusapan. Magtataka ang mga tao roon sa inyong kinahinatnan.

38 “Maghahasik kayo ng marami ngunit kaunti lamang ang maaani sapagkat sisirain ng mga balang. 39 Magtatanim kayo ng ubas at masinop ninyo itong aalagaan ngunit hindi kayo makakatikim ng bunga o katas nito sapagkat sisirain ng uod. 40 Magkakaroon nga kayo ng maraming punong olibo sa inyong lupain ngunit hindi kayo makakakuha ng langis sapagkat malalagas ang mga bunga nito. 41 Magkakaanak kayo ngunit mawawala sa inyo sapagkat mabibihag ng mga kaaway. 42 Uubusin ng mga kulisap ang inyong mga punongkahoy at pananim.

43 “Uunlad ang kabuhayan ng mga dayuhang kasama ninyo ngunit ang kabuhayan ninyo'y patuloy na babagsak. 44 Sila ang magpapautang sa inyo at wala kayong maipapautang sa kanila. Sila ang mamumuno sa inyo at kayo'y tagasunod nila.

45 “Kapag hindi kayo nakinig sa Diyos ninyong si Yahweh at hindi sumunod sa kanyang mga utos at mga tuntuning ibinigay sa inyo, magaganap sa inyo ang lahat ng mga sumpang ito hanggang kayo'y lubusang mapuksa. 46 Ang mga ito'y magsisilbing patotoo ng hatol ng Diyos sa inyo at sa inyong magiging lahi magpakailanman. 47 Hindi ninyo pinaglingkuran nang buong kasiyahan at kagalakan si Yahweh sa panahon ng inyong kasaganaan. 48 Kaya, ipapasakop niya kayo sa inyong mga kaaway. Sila ang paglilingkuran ninyo sa panahon ng kagutuman, kauhawan, kahubaran at kakulangan sa lahat ng bagay. Pahihirapan kayo ni Yahweh hanggang kayo ay malipol. 49 Ipapalusob kayo ni Yahweh sa isang bansang mula pa sa kabilang panig ng daigdig. Hindi ninyo alam ang kanilang wika. Simbilis ng agila na sasalakayin nila kayo. 50 Matitigas ang kalooban ng mga taong iyon, at walang awa sa matanda man o bata. 51 Uubusin nila ang inyong mga hayop, pati ang ani ng inyong lupain. Wala silang ititira sa inyong ani, inumin, langis, baka o kawan, hanggang sa kayo'y malipol. 52 Kukubkubin nila ang inyong mga bayan sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh hanggang sa gumuho ang nagtataasang pader na sa akala ninyo'y magliligtas sa inyo.

53 “Kapag kinubkob kayo ng inyong mga kaaway, sa tindi ng inyong gutom ay kakainin ninyo pati ang inyong mga anak na ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh. 54 Magiging maramot pati ang pinakamabait na tao. Hindi niya bibigyan ng pagkain pati kanyang kapatid, asawa o ang nalalabi niyang anak. 55 Sinuman sa kanila'y hindi niya bibigyan ng kinakain niyang karne ng kanyang anak sa takot na mawalan siya ng makakain. Ganyan ang aabutin ninyo sa panahon ng pagkubkob sa inyo ng inyong mga kaaway. 56 Maging ang pinakamabait at pinakamaselang babae sa Israel na dati'y hindi tumutuntong ng lupa ay magiging maramot pati sa asawa't mga anak. 57 Maging(A) ang kasisilang na sanggol at ang mga anak na kanyang isinilang ay ipagdadamot niya. Lihim niya itong kakainin at pagkaubos ay ang sanggol ang isusunod niya. Ganyan nga ang aabutin ninyo sa panahon ng pagsalakay sa inyo ng inyong mga kaaway.

58 “Kapag hindi ninyo sinunod ang lahat ng utos sa aklat na ito at hindi ninyo iginalang ang kahanga-hanga at kakila-kilabot na pangalan ni Yahweh, 59 kayo at hanggang sa inyong kaapu-apuhan ay padadalhan niya ng matinding kahirapan at mga salot na walang katapusan. 60 Ipadaranas niya sa inyo ang mga kinatatakutan ninyong sakit na ipinadala niya sa Egipto. Hindi na kayo gagaling sa mga sakit na ito. 61 Padadalhan din niya kayo ng iba pang karamdamang hindi nabanggit sa aklat na ito ng kautusan hanggang sa kayo'y mapuksa. 62 At kahit dumami pa kayo na sindami ng bituin sa langit, kaunti lamang ang matitira sa inyo sapagkat hindi kayo nakinig sa Diyos ninyong si Yahweh. 63 Kung gaano kalaki ang kanyang kasiyahan sa pagpapala at pagpapaunlad sa inyo, gayon din kalaki ang kasiyahan niya sa pagwasak at pagpuksa sa inyo. Bubunutin niya pati ang pinakaugat ng inyong lahi sa lupaing ibibigay niya sa inyo.

64 “Sa gagawin sa inyo ni Yahweh ay magkakawatak-watak kayo sa lahat ng sulok ng daigdig at kayo'y sasamba sa mga diyos na yari sa kahoy at bato, sa mga diyus-diyosang kailanma'y hindi ninyo nakilala ni ng inyong mga ninuno. 65 Hindi kayo mapapanatag doon. Lagi kayong mag-aalala. Mamumuhay kayo sa kabiguan at matinding kalungkutan. 66 Laging manganganib ang inyong buhay. Araw at gabi'y paghaharian kayo ng takot at walang katiyakan ang buhay. 67 Dahil sa malaking takot na likha ng inyong nakikita, kung araw ay sasabihin ninyong sana'y gumabi na, at kung gabi naman sana'y mag-umaga na. 68 Ibabalik kayo ni Yahweh sa Egipto, sakay ng mga barko, kahit naipangako niyang hindi na kayo pababalikin doon. Ipagbibili ninyo ang mga sarili ninyo upang maging alipin ng inyong mga kaaway ngunit walang bibili sa inyo.”

Mga Awit 119:25-48

Ang Pagsunod sa Kautusan ni Yahweh

(Daleth)

25 Ako'y gapi't lupasay na sa bunton ng alikabok,
    sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos.
26 Ang aking mga gawang kamalia'y pinatawad mo,
    ang tuntunin mo at aral, sa lingkod mo'y ituro.
27 Tulungang maunawaan, iyong mga kautusan,
    iyong kahanga-hangang gawa, lubos kong pag-aaralan.
28 Damdam ko ba sa sarili, naghahari'y pawang lungkot;
    sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos.
29 Sa landas na di matuwid, huwag mo akong hahayaan,
    pagkat ikaw ang mabuti, ituro ang iyong aral.
30 Ang pasya ko sa sarili, ako'y maging masunurin,
    sa batas mo, ang pansin ko ay doon ko ibabaling.
31 Itong mga tuntunin mo, O Yahweh, ay sinunod ko;
    huwag nawang hahayaang mapahiya ang lingkod mo.
32 Ang lahat mong mga utos, ay malugod kong susundin,
    dahilan sa pang-unawang ibibigay mo sa akin.

Panalangin Upang Makaunawa

(He)

33 Ituro mo, O Yahweh, layunin ng kautusan,
    at iyon ang susundin ko habang ako'y nabubuhay.
34 Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod,
    buong pusong iingatan at susundin ko nang lubos.
35 Sa pagsunod sa utos mo, ako'y iyong pangunahan,
    pagkat dito nakakamtan ang ligayang inaasam.
36 Itulot mong hangarin ko na sundin ang iyong utos,
    higit pa sa paghahangad na yumaman akong lubos.
37 Ilayo mo ang pansin ko sa bagay na walang saysay;
    at ayon sa pangako mo'y pagpalain akong tunay.
38 Tuparin mo ang pangakong ginawa sa iyong lingkod,
    ang pangako sa lahat ng sa iyo ay natatakot.
39 Iligtas mo ang lingkod mo sa sinumang mapang-uyam,
    sa mabuting tuntunin mo, humahanga akong tunay!
40 Ang lahat ng tuntunin mo, ang hangad ko'y aking sundin,
    pagkat ikaw ay matuwid, kaya ako'y pagpalain.

Pagtitiwala sa Kautusan ni Yahweh

(Vav)

41 Sa akin ay ipadama ang dakilang pag-ibig mo,
    ayon sa pangako, Yahweh, iligtas mo ako;
42 upang yaong nanlalait sa akin ay masagot ko,
    yamang ako'y may tiwala sa lahat ng salita mo.
43 Tulungan mong ihayag ang mga katotohanan,
    pagkat ako'y may tiwala sa tapat mong kahatulan.
44 Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan,
    susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.
45 Ako nama'y mamumuhay nang payapa at malaya,
    yamang ako sa utos mo'y sumusunod namang kusa.
46 At maging sa mga hari, ang utos mo'y babanggitin,
    hindi ako mahihiya na ito ay aking gawin.
47 Sa pagsunod sa utos mo nalulugod akong labis,
    di masukat ang galak ko, pagkat aking iniibig.
48 Mahal ko ang iyong utos, ito'y aking ginagalang,
    sa aral mo at tuntunin ako'y magbubulay-bulay.

Isaias 55

Ang Habag ng Diyos

55 Sinabi(A) ni Yahweh,

“Narito ang tubig, kayong mga nauuhaw.
Ang mga walang salapi ay lumapit din dito,
    bumili kayo ng pagkain at ito'y kainin ninyo!
Bumili kayo ng alak at gatas
    kahit walang salaping pambayad.
Bakit(B) gumugugol kayo ng salapi sa mga bagay na hindi nakakabusog?
    Bakit ninyo inuubos ang perang kinita sa mga bagay na sa inyo ay hindi nagbibigay kasiyahan?
Makinig kayong mabuti sa akin at sundin ang utos ko,
    at matitikman ninyo ang pinakamasasarap na pagkain.
Makinig(C) kayo at lumapit sa akin.
    Sundin ninyo ako at magkakaroon kayo ng buhay!
Isang walang hanggang kasunduan ang gagawin natin;
    pagtitibayin ko ang aking walang hanggang pag-ibig kay David.
Masdan ninyo! Ginawa ko siyang saksi sa mga bansa,
    pinuno at tagapagmana sa mga bayan.
Iyong tatawagin ang mga bansang hindi mo kilala,
    mga bansang hindi ka kilala'y sa iyo pupunta.
Darating sila alang-alang sa iyong Diyos na si Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel,
    sapagkat pinaparangalan ka niya.”

Hanapin mo si Yahweh habang siya'y matatagpuan,
    manalangin ka sa kanya habang siya'y malapit pa.
Dapat nang talikuran ang mga gawain ng taong masama,
    at dapat magbago ng pag-iisip ang taong liko.
Sila'y dapat manumbalik, at lumapit kay Yahweh upang kahabagan;
    at mula sa Diyos, makakamit nila ang kapatawaran.
Ang sabi ni Yahweh,
“Ang aking kaisipa'y hindi ninyo kaisipan,
    ang inyong kaparaanan ay hindi ko kaparaanan.
Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa lupa,
    ang aking kaparaanan ay higit kaysa inyong kaparaanan,
    at ang aking kaisipan ay hindi maaabot ng inyong kaisipan.

10 “Ang(D) ulan at yelo na bumabagsak mula sa langit ay hindi na nagbabalik,
    kundi dinidilig nito ang lupa,
kaya lumalago ang mga halaman at namumunga
    at nagbibigay ng butil na panghasik, at tinapay upang maging pagkain.
11 Gayundin naman ang mga salita na lumalabas sa aking bibig,
    ang mga ito'y hindi babalik sa akin na walang katuturan.
Tutuparin nito ang aking mga balak, at gagawin nito ang aking ninanais.

12 “May galak na lilisanin ninyo ang Babilonia,
    mapayapa kayong aakayin palabas ng lunsod.
Aawit sa tuwa ang mga bundok at mga burol,
    sisigaw sa galak ang mga punongkahoy.
13 Sa halip na mga tinik, kahoy na mayabong ang siyang tutubo;
    sa halip na dawag, mga kakahuyan ay muling darami at magsisilago.
Ang lahat ng ito'y parangal kay Yahweh,
    walang hanggang tanda sa lahat ng kanyang mga ginawa.”

Mateo 3

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)

Nang mga panahong iyon, dumating si Juan na Tagapagbautismo sa ilang ng Judea at nagsimulang mangaral. Ganito(B) ang kanyang sinasabi, “Magsisi kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit!” Si(C) Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin niya,

“Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang:
    ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon,
    gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!’”

Gawa(D) sa balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan at sa balat naman ng hayop ang kanyang sinturon. Ang kanya namang pagkain ay balang at pulot-pukyutan. Dinarayo siya ng mga tao mula sa Jerusalem, sa buong Judea at sa magkabilang panig ng Ilog Jordan. Ipinapahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binautismuhan niya sa Ilog Jordan.

Nang(E) makita niyang lumalapit din sa kanya ang maraming Pariseo at mga Saduseo upang magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Lahi ng mga ulupong! Akala ba ninyo'y makakatakas kayo sa parusa ng Diyos? Patunayan muna ninyo sa inyong mga buhay na kayo'y talagang nagsisisi, at(F) huwag ninyong akalain na makakaiwas kayo sa parusa ng Diyos dahil sinasabi ninyong ama ninyo si Abraham. Sinasabi ko sa inyo na kahit sa mga batong ito ay makakalikha ang Diyos ng mga anak ni Abraham. 10 Ngayon(G) pa lamang ay nakaamba na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy; ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.

11 “Binabautismuhan ko kayo sa tubig bilang patunay ng inyong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Ngunit ang darating na kasunod ko ay magbabautismo sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Higit siyang makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat magdala ng kanyang sandalyas. 12 Hawak(H) na niya ang kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya sa kamalig ang trigo ngunit ang ipa ay susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman.”

Binautismuhan si Jesus(I)

13 Dumating si Jesus sa Ilog Jordan mula sa Galilea upang magpabautismo kay Juan. 14 Ngunit tinangka ni Juan na pigilan siya at sinabi, “Ako po ang dapat magpabautismo sa inyo! Bakit kayo nagpapabautismo sa akin?” 15 Subalit sumagot si Jesus, “Hayaan mong ito ang mangyari ngayon, sapagkat ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Diyos.” Kaya't pumayag din si Juan. 16 Nang mabautismuhan si Jesus, kaagad siyang umahon sa tubig. Nabuksan ang langit at nakita ni Jesus ang Espiritu ng Diyos na bumababang parang isang kalapati at dumapo sa kanya. 17 At(J) isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan!”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.