Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Deuteronomio 24

Tungkol sa Paghihiwalay at Pag-aasawang Muli

24 “Kung(A) mag-asawa ang isang lalaki ngunit dumating ang panahon na ayaw na niya sa babae dahil may natuklasan siya ritong hindi kaaya-aya, at gumawa siya ng kasulatan ng paghihiwalay, ibinigay ito sa babae, at pinalayas ito sa kanyang pamamahay; kung ang babaing hiniwalayan ay mag-asawa sa iba at hiniwalayang muli matapos bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay (o kaya'y namatay ang ikalawang asawa), at paalisin rin ito sa kanyang pamamahay, ang babae ay hindi na maaaring pakasalan pa ng kanyang unang asawa; ang babae ay ituturing nang marumi. Magiging kasuklam-suklam kay Yahweh kung papakisamahan pa nito ang babae. Hindi ninyo dapat dungisan ang lupaing ibibigay niya sa inyo.

Iba't Ibang Tuntunin

“Ang lalaking bagong kasal ay hindi maaaring maglingkod sa hukbo o anumang gawaing-bayan sa loob ng isang taon; hahayaan muna siyang lumigaya sa piling ng kanyang asawa.

“Huwag ninyong kukuning sangla ang gilingan na ginagamit ng isang tao para sa kanyang pagkain, sapagkat para na rin ninyong kinuha ang kanyang ikinabubuhay.

“Sinumang(B) dumukot sa kapwa niya Israelita, upang alipinin o ipagbili ay dapat patayin. Sa ganitong paraan ninyo aalisin ang kasamaang tulad nito.

“Tungkol(C) sa mga sakit sa balat na parang ketong, sundin ninyong mabuti ang sasabihin sa inyo ng mga paring Levita, sapagkat iyon ang tagubilin ko sa kanila. Alalahanin(D) ninyo ang ginawa ni Yahweh na inyong Diyos kay Miriam nang kayo'y naglalakbay mula sa Egipto.

10 “Kung(E) kayo'y magpapautang sa inyong kapatid, huwag kayong papasok sa bahay niya para kunin ang kanyang sangla; 11 maghintay kayo sa labas upang doon tanggapin ang sangla na kusang ibibigay ng nangutang. 12 Kung balabal ang sangla ng isang mahirap na nangutang sa inyo, huwag ninyong palilipasin ang gabi na nasa inyo ang sangla. 13 Dapat maibalik iyon sa kanya paglubog ng araw, sapagkat iyon lamang ang gagamitin niya sa pagtulog. Sa gayon, tatanaw siya ng utang na loob sa inyo at kalulugdan kayo ng Diyos ninyong si Yahweh.

14 “Huwag(F) ninyong ipagkakait ang kaukulang bayad sa inyong mahihirap at nangangailangang manggagawa, maging siya ma'y kapwa Israelita o dayuhan na nakikipamayan sa inyo. 15 Bago lumubog ang araw, ibigay na ninyo sa kanya ang sweldo niya para sa maghapon sapagkat iyon lamang ang inaasahan niya sa buhay. Kapag hindi ninyo ibinigay agad, at dumaing siya kay Yahweh, iyon ay pananagutan ninyo.

16 “Hindi(G) dapat parusahan ng kamatayan ang mga magulang dahil sa krimeng nagawa ng anak ni ang anak dahil sa krimeng nagawa ng magulang; ang mismong may sala lamang ang siyang dapat patayin.

17 “Huwag(H) ninyong pagkakaitan ng katarungan ang mga dayuhan o ang mga ulila. Huwag din ninyong kukuning sangla ang balabal ng babaing balo. 18 Iniuutos ko ito sa inyo sapagkat dapat ninyong alalahaning naging alipin din kayo sa Egipto at iniligtas kayo roon ng Diyos ninyong si Yahweh.

19 “Kung(I) sa pagliligpit ng ani ay may maiwan kayong mga uhay, huwag na ninyong babalikan iyon; hayaan na ninyong mapulot iyon ng mga dayuhan, ulila at mga biyuda. Sa ganoon, pagpapalain kayo ni Yahweh sa lahat ninyong gawain. 20 Kapag napitasan na ninyong minsan ang inyong mga olibo, huwag na ninyong babalikan ang natira; hayaan na ninyo iyon sa mga dayuhan, ulila at mga biyuda. 21 Kapag naani na ninyo ang inyong ubas, huwag na ninyong babalikan ang natira; hayaan na ninyo iyon sa mga dayuhan, ulila at mga biyuda. 22 Alalahanin ninyong kayo'y naging alipin din sa Egipto. Iyan ang dahilan kaya iniuutos ko ito sa inyo.

Mga Awit 114-115

Awit ng Paggunita sa Exodo

114 Ang(A) bayang Israel
sa bansang Egipto'y kanyang
inilabas,
nang ang lahing ito
sa bansang dayuhan lahat ay lumikas.
Magmula na noon
ang lupaing Juda'y naging dakong banal,
at bansang Israel
ginawa ng Diyos na sariling bayan.

Ang(B) Dagat ng Tambo,
nang ito'y makita, nagbigay ng daan,
magkabilang panig
ng Ilog ng Jordan ay tumigil naman.
Maging mga bundok,
katulad ng tupa, ay pawang nanginig,
pati mga burol,
nanginig na parang tupang maliliit.

Ano ang nangyari,
at ikaw, O dagat, nagbigay ng daan?
Ikaw, Ilog Jordan,
bakit ang tubig mo ay tumigil naman?
Kayong mga bundok,
bakit parang kambing na nagsisilundag?
Kayong mga burol,
maliit na tupa'y inyo namang katulad?

Ikaw, O daigdig,
sa harap ni Yahweh, ngayon ay manginig,
dapat kang matakot
sapagkat darating ang Diyos ni Jacob,
sa(C) malaking bato
nagpabukal siya ng saganang tubig,
at magmula roon
ang tubig na ito ay nagiging batis.

Awit para sa Iisa at Tunay na Diyos

115 Tanging sa iyo lamang, Yahweh, ang dakilang karangalan,
    hindi namin maaangkin, pagkat ito'y iyo lamang;
    walang kupas iyong pag-ibig, natatanging katapatan.

Ganito ang laging tanong sa amin ng mga bansa:
    “Nasaan ba ang inyong Diyos?” ang palaging winiwika.
Ang Diyos nami'y nasa langit, naroroon ang Diyos namin,
    at ang kanyang ginagawa ay kung ano ang ibigin.
Ginawa(D) sa ginto't pilak ang kanilang mga diyos,
    sa kanila'y mga kamay nitong tao ang nag-ayos.
Totoo nga at may bibig, ngunit hindi makapagsalita,
    at hindi rin makakita, mga matang pinasadya;
di rin naman makarinig ang kanilang mga tainga,
    ni hindi rin makaamoy ang ginawang ilong nila.
Totoo nga na may kamay ngunit walang pakiramdam,
    mga paa'y mayroon din ngunit hindi maihakbang,
    ni wala kang naririnig kahit munting tinig man lang.
Ang gumawa sa kanila at pati ang nagtiwala,
    lahat sila ay katulad ng gayong diyos na ginawa.
Ikaw, bayan ng Israel, kay Yahweh lang magtiwala,
    siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
10 Kayong mga pari, kay Yahweh ay magtiwala,
    siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
11 Kay Yahweh ay magtiwala, kayong may takot sa kanya,
    siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.

12 Ang Diyos ay magpapala, hindi tayo lilimutin,
    pagpapala'y matatamo nitong bayan ng Israel;
    pati mga pari'y may pagpapalang kakamtin.
13 Sa(E) lahat ng mayro'ng takot kay Yahweh, lahat mapagpapala,
    kung magpala'y pantay-pantay, sa hamak man o dakila.

14 Sana kayo'y paramihin, kayo at ang inyong angkan,
    anak ninyo ay dumami, lumaki ang inyong bilang.
15 Pagpalain sana kayo, pagpalain kayong lubos,
    pagpalain ng lumikha ng langit at sansinukob.

16 Si Yahweh ang may-ari ng buong sangkalangitan,
    samantalang ang daigdig, sa tao niya ibinigay.
17 Di na siya mapupuri niyong mga taong patay,
    niyong mga nahihimlay sa malamig na libingan.
18 Tayo ngayong nabubuhay ang dapat magpasalamat,
    siya'y dapat na purihin, mula ngayon, hanggang wakas.

Purihin si Yahweh!

Isaias 51

Mga Salita ng Kaaliwan para sa Jerusalem

51 Ang sabi ni Yahweh,

“Dinggin ninyo ako, kayo, na naghahanap ng kaligtasan, at humihingi ng tulong.
Pagmasdan ninyo ang batong malaki na inyong pinagmulan,
    tingnan ninyo ang pinaghuhukayan ng bato na inyong pinanggalingan.
Inyong alalahanin ang ninuno ninyong si Abraham,
    at ang asawa niyang si Sara na sa lahi ninyo'y nagluwal.
Nang aking tawagin si Abraham, siya'y walang anak.
    Ngunit pinagpala ko siya
    at pinarami ang kanyang lahi.

Aking aaliwin ang Jerusalem;
    at ang lahat ng nakatira sa gumuhong lunsod.
Mula sa pagiging tila disyerto, gagawin ko itong tulad ng Halamanan
    ng Eden.
Maghahari roon ang kagalakan at pagpupuri,
    ang awitan at pasasalamat para sa akin.

“Pakinggan ninyo ako aking bayan,
    ihahayag ko ang kautusan at katarungan
    na magsisilbing tanglaw para sa lahat.
Ang pagliligtas ko ay agad na darating,
    hindi na magtatagal at ako'y magtatagumpay.
Ako'y maghahari sa lahat ng bansa.
    Ang malalayong bansa ay naghihintay sa akin,
    at ang pagliligtas ko ang kanilang inaasahan.
Sa dakong itaas, sa kalangitan kayo ay tumingin,
    sa dakong ibaba, dito sa daigdig ay magmasid din.
Katulad ng usok, itong kalangita'y pawang maglalaho,
    at itong daigdig mawawasak namang parang kasuotan.
Ang mga naroon, lahat ng nilikha ay parang langaw na mamamatay.
Ngunit ang pagliligtas ko ay walang hanggan,
    ang tagumpay ay walang katapusan.

“Ang nakakaalam tungkol sa matuwid, sa aki'y makinig,
    kayong lingkod ko na tagapag-ingat ng aking kautusan.
Hindi kayo dapat matakot sa puna ng tao,
    o manlupaypay man kung laitin kayo.
Katulad ng damit ang mga taong iyan ay masisira,
    sila'y tulad ng tela na kakainin ng uod;
ngunit walang hanggan at para sa lahat ng salinlahi
    ang aking tagumpay at pagliligtas.”

Gumising ka, O Yahweh, at tulungan po ninyo kami!
Gamitin mo ang iyong kapangyarihan at iligtas mo po kami,
    tulad noong una.
Hindi ba't kayo ang pumuksa kay Rahab, na dambuhala ng karagatan?
10 Kayo rin po ang nagpatuyo sa dagat
    at gumawa ng daan sa gitna ng tubig,
    kaya nakatawid nang maayos ang bayang iyong iniligtas.
11 Ang mga tinubos ninyo'y babalik sa Jerusalem,
    magsisigawan sa galak, umaawit sa tuwa.
Ang mamamalas sa kanilang mukha ay walang hanggang galak,
    at sa puso nila ang lungkot at hapis ay mawawalang lahat.

12 Sinabi ni Yahweh,
“Ako ang nagbibigay ng iyong lakas.
    Bakit ka matatakot sa kapwa mo tao?
    Mamamatay rin silang tulad ng damo.
13 Bakit mo nilimot si Yahweh na lumikha sa iyo—
    siya na naglatag ng kalangitan
    at naglagay ng pundasyon sa mundo?
Bakit lagi kang takot sa nang-aalipin?
    Dahil ba sa galit sila sa iyo,
    at gusto kang puksain?
Ang galit nila'y huwag mong pansinin.
14 Hindi na magtatagal at ang mga bihag ay palalayain,
    mabubuhay sila nang matagal
    at hindi magkukulang sa pagkain.
15 Ako nga si Yahweh, ang Diyos na sa iyo'y lumalang.
    Aking hinahalo ang pusod ng dagat
    kaya umiingay ang mga alon.
Ang pangalan ko'y Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
16 Itinuro ko na sa iyo ang aking salita, upang ito'y maipahayag mo;
    at iingatan ka ng aking mga kamay.
Ako ang naglatag nitong kalangitan,
    pati mga pundasyon ng buong daigdig, ako rin ang naglagay;
    sabi ko sa Jerusalem, ‘Ikaw ang aking bayan.’”

Ang Katapusan ng Paghihirap ng Jerusalem

17 Gumising(A) ka Jerusalem!
    Ikaw ay magbangon,
ikaw na umiinom sa kopa ng Diyos na napopoot.
Inubos mo hanggang sa masaid ang laman niyon.
    Kaya ikaw ay susuray-suray ngayon.
18 Sa mga anak mo,
    wala kahit isang sa iyo'y umaalalay, matapos palakihin,
    at wala man lang humahawak sa iyong mga kamay.
19 Dalawang sakuna ang dumating sa iyo;
    winasak ng digmaan ang iyong lupain
    at nagkagutom ang mga tao.
    Wala isa mang umaliw sa iyo.
20 Lupaypay na nakahandusay sa lansangan ang mga tao.
    Tulad nila'y usang nahuli sa bitag ng mangangaso;
    nadarama nila ang tindi ng poot ni Yahweh, ang galit ng inyong Diyos.

21 Kaya ako'y inyong dinggin, kayong lupasay sa matinding hirap,
    at wari'y lasing gayong hindi uminom ng alak,
22 ganito ang sabi ni Yahweh, na inyong Diyos at Tagapagtanggol,
“Aalisin ko na ang kopa ng aking poot sa inyong mga kamay,
    at magmula ngayon hindi ka na iinom ng alak na iyan.
23 Aking ililipat ang inuming ito sa inyong mga kaaway,
    na nagpahandusay sa inyo sa mga lansangan
    at pagkatapos kayo'y tinapakan.”

Pahayag 21

Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa

21 Pagkatapos(A) nito, nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa. Wala na ang dating langit at lupa, wala na rin ang dagat. At(B) nakita ko ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos, gaya ng isang babaing ikakasal. Siya'y nakabihis at nakahanda sa pagsalubong sa kanyang mapapangasawa. Narinig(C) ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, “Tingnan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Maninirahan siyang kasama nila, at sila'y magiging bayan niya. Diyos mismo ang makakapiling nila at siya ang magiging Diyos nila. At(D) papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.”

Pagkatapos ay sinabi ng nakaupo sa trono, “Pagmasdan ninyo, ginagawa kong bago ang lahat ng bagay!” At sinabi niya sa akin, “Isulat mo, sapagkat maaasahan at totoo ang mga salitang ito.” Sinabi(E) rin niya sa akin, “Naganap na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas. Ang sinumang nauuhaw ay bibigyan ko ng tubig na walang bayad mula sa bukal na nagbibigay-buhay. Ito(F) ang makakamtan ng magtatagumpay: ako'y magiging Diyos niya at siya nama'y magiging anak ko. Subalit para naman sa mga duwag, mga taksil, mga gumagawa ng mga kasuklam-suklam na bagay, mga mamamatay-tao, mga nakikiapid, mga mangkukulam, mga sumasamba sa diyus-diyosan, at sa lahat ng mga sinungaling—ang magiging bahagi nila'y sa lawa ng nagliliyab na apoy at asupre. Ito ang pangalawang kamatayan.”

Ang Bagong Jerusalem

Ang isa sa pitong anghel na may dalang pitong mangkok na punô ng pitong huling salot ay lumapit sa akin. Sabi niya, “Halika, at ipapakita ko sa iyo ang babaing mapapangasawa ng Kordero.” 10 Napasailalim(G) ako sa kapangyarihan ng Espiritu, at ako'y dinala ng anghel sa ibabaw ng isang napakataas na bundok. Ipinakita niya sa akin ang Jerusalem, ang Banal na Lungsod, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos. 11 Nagliliwanag ito dahil sa kaluwalhatian ng Diyos; kumikislap na parang batong hiyas, gaya ng jasper, at sinlinaw ng kristal. 12 Ang(H) pader nito'y makapal, mataas at may labindalawang (12) pinto, at sa bawat pinto ay may isang anghel. Nakasulat sa mga pinto ang mga pangalan ng labindalawang (12) lipi ng Israel, isang pangalan bawat pinto. 13 May tatlong pinto ang bawat panig: tatlo sa silangan, tatlo sa timog, tatlo sa hilaga, at tatlo sa kanluran. 14 Ang pader ng lungsod ay may labindalawang (12) pundasyon at nakasulat sa mga ito ang mga pangalan ng labindalawang (12) apostol ng Kordero.

15 Ang(I) anghel na nagsalita sa akin ay may hawak na gintong panukat upang sukatin ang lungsod, gayundin ang mga pinto at ang pader nito. 16 Parisukat ang ayos ng lungsod, kung ano ang haba, ganoon din ang luwang. Sinukat ng anghel ang lungsod, at ang lumabas na sukat ng lungsod ay dalawang libo apatnaraang (2,400) kilometro ang haba at ang luwang, gayundin ang taas. 17 Sinukat din niya ang pader at animnapu't limang (65) metro naman ang taas nito, ayon sa panukat na dala ng anghel. 18 Batong(J)(K) jasper ang pader, at ang lungsod ay lantay na gintong kumikinang na parang kristal. 19 Ang saligan ng pader ay punô ng lahat ng uri ng mamahaling bato. Jasper ang una, safiro ang ikalawa, kalsedonia ang ikatlo, esmeralda ang ikaapat, 20 onise ang ikalima, kornalina ang ikaanim, krisolito ang ikapito, berilo ang ikawalo, topaz ang ikasiyam, krisopraso ang ikasampu, hasinto ang ikalabing-isa, at amatista ang ikalabindalawa. 21 Perlas ang labindalawang (12) pinto, bawat pinto ay yari sa iisang perlas. Purong ginto ang lansangan ng lungsod at kumikinang na parang kristal.

22 Wala akong nakitang templo sa lungsod sapagkat ang nagsisilbing templo roon ay ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero. 23 Hindi(L) na kailangan ang araw o ang buwan upang bigyang liwanag ang lungsod, sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagbibigay ng liwanag doon at ang Kordero ang siyang ilawan. 24 Sa(M) liwanag nito'y lalakad ang lahat ng tao, at dadalhin doon ng mga hari sa lupa ang kanilang kayamanan. 25 Hindi isasara ang mga pinto ng lungsod sa buong maghapon, at hindi na sasapit doon ang gabi. 26 Dadalhin sa lungsod ang yaman at dangal ng mga bansa, 27 ngunit(N) hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi, ni ang mga gumagawa ng kasuklam-suklam, ni ang mga sinungaling. Ang mga tao lamang na ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay na iniingatan ng Kordero ang makakapasok sa lungsod.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.