Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Deuteronomio 23

Mga Hindi Kabilang sa Sambayanan ng Diyos

23 “Ang isang lalaking kinapon o naputulan ng ari ay hindi maaaring ibilang sa sambayanan ni Yahweh.

“Sinumang anak sa labas ay hindi maaaring ibilang sa sambayanan ni Yahweh, hanggang sa ikasampung salin ng kanyang lahi.

“Ang(A) isang Ammonita o Moabita ay hindi maaaring ibilang sa sambayanan ni Yahweh, hanggang sa ikasampung salin ng kanilang lahi, sapagkat(B) hindi nila kayo binigyan ng pagkain at inumin nang kayo'y naglalakbay mula sa Egipto. Bukod dito, inupahan pa nila si Balaam na anak ni Beor na taga-Petor sa Mesopotamia para sumpain kayo. Gayunman,(C) hindi siya dininig ng Diyos ninyong si Yahweh. Sa halip, pinagpala niya kayo sapagkat mahal kayo ni Yahweh. Kailanma'y huwag ninyo silang tutulungan upang sila'y maging mapayapa o masagana.

“Huwag ninyong kasusuklaman ang mga Edomita sapagkat sila'y mga kapatid ninyo; gayundin ang mga Egipcio sapagkat kayo'y nanirahan sa kanilang lupain. Maaaring ibilang sa sambayanan ni Yahweh ang ikatlong salin ng kanilang lahi.

Mga Tuntunin tungkol sa Kalinisan sa Loob ng Kampo

“Sa panahon ng digmaan, umiwas kayo sa anumang maaaring magparumi sa inyo sa loob ng inyong kampo.

10 “Kapag nilabasan ng sariling binhi ang isang lalaki habang natutulog, lalabas siya ng kampo at hindi muna babalik. 11 Maliligo siya sa dapit-hapon. Paglubog ng araw, saka lamang siya babalik sa kampo.

12 “Maglalaan kayo ng isang lugar sa labas ng kampo na gagawin ninyong palikuran. 13 Magdala rin kayo ng kahoy bukod pa sa inyong mga sandata. Gagamitin ninyo itong panghukay at pangtabon kapag kayo'y dudumi. 14 Naglilibot ang Diyos ninyong si Yahweh sa inyong kampo upang iligtas kayo sa mga kaaway at sila'y ipalupig sa inyo. Kaya't kailangang manatiling malinis sa paningin ng Diyos ang inyong kampo; baka pabayaan niya kayo kapag nakita niyang marumi ang kampo.

Iba't ibang Tuntunin

15 “Ang isang aliping tumakas at lumipat sa inyo ay huwag ninyong ibabalik sa dati niyang amo. 16 Mananatili siya sa inyo at hayaan siyang tumira kung saan niya gusto sa loob ng inyong bayan; huwag ninyo siyang aapihin.

17 “Sinumang(D) Israelita, babae man o lalaki ay hindi maaaring magbenta ng panandaliang-aliw bilang pagsamba. 18 Ang salaping kinita sa ganitong mahalay na paraan ay hindi maaaring ipagkaloob sa bahay ng Diyos ninyong si Yahweh bilang pagtupad sa isang panata. Kasuklam-suklam kay Yahweh ang pagbebenta ng panandaliang-aliw bilang pagsamba.

19 “Huwag(E) kayong magpapautang nang may tubo sa inyong kapwa Israelita, maging pera, pagkain o anumang maaaring patubuan. 20 Maaari ninyong patubuan ang mga dayuhan ngunit hindi ang inyong kapwa Israelita upang pagpalain kayo ni Yahweh sa inyong mga gawain pagdating ninyo sa lupaing ibibigay niya sa inyo.

21 “Huwag(F) ninyong kakaligtaang tuparin ang panata ninyo kay Yahweh. Tiyak na sisingilin niya kayo kapag hindi ninyo tinupad iyon. 22 Hindi kasalanan kung hindi kayo gagawa ng panata. 23 Ngunit kailangang tuparin ang anumang kusang-loob na pangako ninyo kay Yahweh.

24 “Kapag kayo'y pumasok sa ubasan ng inyong kapwa, maaari kayong kumain ng bunga niyon hanggang gusto ninyo, huwag lamang kayong mag-uuwi. 25 Kung mapadaan naman kayo sa triguhan ng inyong kapwa, maaari kayong pumitas ng mga uhay sa pamamagitan ng mga kamay ngunit huwag kayong gagamit ng karit.

Mga Awit 112-113

Mapalad ang Mabuting Tao

112 Purihin si Yahweh!

Mapapalad ang tao na kay Yahweh ay gumagalang,
    at taos-pusong sumusunod sa kanyang kautusan.
Ang kanyang lipi'y magiging dakila,
    pati mga angkan ay may pagpapala.
Magiging sagana sa kanyang tahanan,
    pagpapala niya'y walang katapusan.

Ang taong matuwid, may bait at habag,
    kahit sa madilim taglay ay liwanag.
Ang mapagpautang nagiging mapalad,
    kung sa hanapbuhay siya'y laging tapat.
Hindi mabibigo ang taong matuwid,
    di malilimutan kahit isang saglit.

Masamang balita'y hindi nagigitla,
    matatag ang puso't kay Yahweh'y tiwala.
Wala siyang takot, hindi nangangamba,
    alam na babagsak ang kaaway niya.
Nagbibigay(A) sa mga nangangailangan,
    pagiging mat'wid niya'y walang hanggan,
    buong karangalang siya'y itataas.
10 Kung makita ito ng mga masama,
    lumalayas silang mabagsik ang mukha;
    pagkat ang pag-asa'y lubos nang nawala.

Awit ng Pagpupuri kay Yahweh

113 Purihin si Yahweh!

Dapat na magpuri ang mga alipin,
    ang ngalan ni Yahweh ay dapat purihin.
Ang kanyang pangalan ay papupurihan,
    magmula ngayo't magpakailanman,
buhat sa silangan, hanggang sa kanluran,
    ang ngalan ni Yahweh, dapat papurihan.
Siya'y naghahari sa lahat ng bansa,
    lampas pa sa langit ang pagkadakila.

Sino bang katulad ng Diyos na si Yahweh,
    na sa kalangitan doon nakaluklok?
Buhat sa itaas siya'y tumutunghay,
    ang lupa at langit kanyang minamasdan.
Mula kapanglawa'y itong mahihirap,
    kanyang itinataas, kanyang nililingap.
Sa mga prinsipe ay isinasama,
    sa mga prinsipe nitong bayan niya.
Ang babaing baog pinagpapala niya,
    binibigyang anak para lumigaya.

Purihin si Yahweh!

Isaias 50

50 Sinabi(A) ni Yahweh:

“Pinalayas ko ba ang aking bayan,
    tulad ng isang lalaking pinalayas at hiniwalayan ang kanyang asawa?
    Kung gayon, nasaan ang kasulatan ng ating paghihiwalay?
Pinagtaksilan ko ba kayo para maging bihag,
    tulad ng amang nagbenta ng anak upang maging alipin?
Hindi! Nabihag kayo dahil sa inyong kasalanan,
    itinapon kayo dahil sa inyong kasamaan.
Bakit ang bayan ko'y hindi kumilos
    nang sila'y lapitan ko para iligtas?
Nang ako'y tumawag isa ma'y walang sumagot.
Bakit? Wala ba akong lakas para iligtas sila?
Kaya kong tuyuin ang dagat sa isang salita lamang.
    Magagawa kong disyerto ang ilog
    upang mamatay sa uhaw ang mga isda roon.
Ang bughaw na langit ay magagawa kong
    kasing-itim ng damit-panluksa.”

Ang Pagsunod ng Lingkod ni Yahweh

Ang Panginoong Yahweh ang nagturo sa akin ng aking sasabihin,
    para tulungan ang mahihina.
Tuwing umaga'y nananabik akong malaman
    kung ano ang ituturo niya sa akin.
Binigyan ako ng Panginoong Yahweh ng pang-unawa,
    hindi ako naghimagsik
    o tumalikod sa kanya.
Hindi(B) ako gumanti nang bugbugin nila ako,
    hindi ako kumibo nang insultuhin nila ako.
Pinabayaan ko silang bunutin ang aking balbas
    at luraan ang aking mukha.

Hindi ko pinansin ang mga pag-insultong ginawa nila sa akin,
    sapagkat ang Panginoong Yahweh ang tumutulong sa akin.
Handa akong magtiis,
    sapagkat aking nalalaman na ako'y hindi mapapahiya.
Ang(C) Diyos ay malapit,
    at siya ang magpapatunay na wala akong sala.
May mangangahas bang ako'y usigin?
    Magharap kami sa hukuman,
    at ilahad ang kanyang paratang.
Ang Panginoong Yahweh mismo ang magtatanggol sa akin.
    Sino ang makapagpapatunay na ako ay may sala?
Mawawalang lahat ang nagbibintang sa akin,
    tulad ng damit na nginatngat ng insekto.

10 Kayong lahat na may paggalang kay Yahweh,
    at sumusunod sa utos ng kanyang lingkod,
maaaring ang landas ninyo ay maging madilim,
    gayunma'y magtiwala kayo at umasa
    sa kapangyarihan ng Diyos na si Yahweh.
11 Kayo namang nagbabalak magpahamak sa iba
    ang siyang magdurusa sa inyong binabalak.
Kahabag-habag ang sasapitin ninyo
    sapagkat si Yahweh ang gagawa nito.

Pahayag 20

Ang Sanlibong Taon

20 Pagkatapos nito'y nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit, hawak ang isang malaking kadena at ang susi ng napakalalim na hukay. Sinunggaban(A) niya ang dragon, ang matandang ahas na walang iba kundi ang Diyablo o Satanas, at ginapos ito sa loob ng sanlibong (1,000) taon. Ito'y inihagis ng anghel sa napakalalim na hukay, saka isinara at tinatakan ang pinto nito upang hindi siya makapandaya pa sa mga bansa hangga't hindi natatapos ang sanlibong (1,000) taon. Pagkatapos nito'y palalayain siya sa loob ng maikling panahon.

At(B) nakakita ako ng mga trono, at ang mga nakaupo doon ay binigyan ng karapatang humatol. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga taong pinugutan dahil sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus at sa pagpapahayag ng salita ng Diyos. Hindi sila sumamba sa halimaw ni sa larawan nito, ni tumanggap man ng tatak ng halimaw sa kanilang noo o kamay. Sila'y nabuhay at nagharing kasama ni Cristo sa loob ng sanlibong (1,000) taon. Ito ang unang pagbuhay sa mga patay. Ang iba pang mga patay ay hindi nabuhay hanggang hindi natatapos ang sanlibong (1,000) taon. Pinagpala at ibinukod para sa Diyos ang nakasama sa unang pagkabuhay ng mga patay. Walang kapangyarihan sa kanila ang pangalawang kamatayan, sa halip, sila'y magiging mga pari ng Diyos at ni Cristo, at maghahari silang kasama niya sa loob ng sanlibong (1,000) taon.

Ang Pagkatalo ni Satanas

Pagkatapos ng sanlibong (1,000) taon ay palalayain si Satanas mula sa kanyang pagkabilanggo. Lalabas(C) siya at dadayain ang mga bansa mula sa apat na sulok ng daigdig, ang Gog at Magog. Titipunin niya ang mga ito upang isama sa pakikipagdigma. Ang hukbong ito ay sindami ng buhangin sa tabing-dagat. Kumalat sila sa buong daigdig at pinaligiran ang kampo ng mga hinirang ng Diyos at ang pinakamamahal na lungsod. Ngunit umulan ng apoy mula sa langit at tinupok ang mga kampon ni Satanas. 10 At ang Diyablong nandaya sa kanila ay itinapon sa lawa ng apoy at asupre na pinagtapunan din sa halimaw at sa huwad na propeta. Pahihirapan sila doon araw at gabi, magpakailanman.

Ang Paghuhukom

11 Pagkatapos(D) nito'y nakita ko ang isang malaking tronong puti at ang nakaupo doon. Naglaho ang lupa't langit sa kanyang harapan, at hindi na nakita pang muli. 12 Nakita kong nakatayo sa harap ng trono ang mga namatay, maging dakila at hamak, at binuksan ang mga aklat. Binuksan ang isa pang aklat, ang aklat ng buhay. Hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang ginawa, batay sa nakasulat sa mga aklat. 13 Iniluwa ng dagat ang mga patay na naroroon. Iniluwa din ng Kamatayan at Daigdig ng mga Patay[a] ang mga patay na nasa kanila. Hinatulan ang lahat ayon sa kanilang mga ginawa. 14 Pagkatapos ay itinapon din sa lawa ng apoy ang Kamatayan at ang Daigdig ng mga Patay.[b] Ang lawa ng apoy ang pangalawang kamatayan. 15 Ang sinumang hindi nakasulat ang pangalan sa aklat ng buhay ay itinapon sa lawa ng apoy.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.