M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pangunahing Utos
6 “Ito nga ang Kautusan at mga tuntuning ibinigay niya sa akin, na siya ninyong susundin sa lupaing inyong sasakupin. 2 Ang mga ito'y ibinigay sa inyo ni Yahweh at sa inyong mga anak at sa mga susunod na salinlahi upang magkaroon kayo ng takot sa kanya. Kung ito'y susundin ninyo, hahaba ang inyong buhay. 3 Kaya nga, pakinggan ninyo ito at sunding mabuti. Kung magkagayo'y sasagana kayo, at darami ang inyong lahi pagdating ninyo sa lupaing ipinangako ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno, sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay.
4 “Pakinggan(A) mo, O Israel: Si Yahweh na ating Diyos ang tanging Yahweh.[a] 5 Ibigin(B) mo si Yahweh na iyong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas. 6 Ang(C) mga utos niya'y itanim ninyo sa inyong puso. 7 Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; pag-aralan ninyo ito sa inyong tahanan, sa inyong paglalakbay, sa inyong pagtulog sa gabi, at sa inyong pagbangon sa umaga. 8 Ipulupot ninyo ito sa inyong mga kamay bilang tanda, itali sa inyong noo, 9 isulat sa mga hamba ng pintuan ng inyong bahay at mga tarangkahan.
Babala Laban sa Pagsuway
10 “Malapit(D) na kayong dalhin ni Yahweh sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Maninirahan kayo sa malalaki at magagandang lunsod na hindi kayo ang nagtatag. 11 Titira kayo sa mga tahanang sagana sa lahat ng bagay ngunit hindi ninyo pinaghirapan. Iinom kayo ng tubig na galing sa mga balong hindi ninyo hinukay. Mamimitas kayo sa mga ubasan at sa mga olibong hindi ninyo itinanim. Kung kayo'y naroon na at masagana na sa lahat ng bagay, 12 huwag na huwag ninyong kalilimutan si Yahweh na naglabas sa inyo sa Egipto, sa bayan ng pagkaalipin. 13 Magkaroon(E) kayo ng takot kay Yahweh, paglingkuran ninyo siya at sa kanyang pangalan kayo manumpa. 14 Huwag kayong maglilingkod sa diyus-diyosan ng mga bayang pupuntahan ninyo 15 sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ay mapanibughuing Diyos; kapag sumamba kayo sa diyus-diyosan magagalit siya sa inyo at lilipulin niya kayong lahat.
16 “Huwag(F) ninyong susubukin si Yahweh na inyong Diyos, tulad ng ginawa ninyo sa Masah. 17 Sundin ninyong mabuti ang kanyang mga utos at mga tuntunin. 18 Gawin ninyo kung ano ang tama at mabuti sa paningin ni Yahweh, at mamumuhay kayong matiwasay. Masasakop ninyo ang lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno; 19 mapapalayas ninyo ang inyong mga kaaway, tulad ng pangako niya sa inyo.
20 “Kapag dumating ang araw na itanong ng inyong mga anak kung bakit kayo binigyan ni Yahweh ng kautusan at mga tuntunin, 21 ganito ang sabihin ninyo: ‘Noong araw, inalipin kami ng Faraon sa Egipto. Pinalaya kami roon ni Yahweh sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 22 Nasaksihan namin ang maraming kababalaghang ginawa niya laban sa Faraon at sa mga Egipcio. 23 Inilabas niya kami sa Egipto upang dalhin sa lupaing ipinangako niya sa ating mga ninuno. 24 Ibinigay niya sa amin ang kautusan at mga tuntuning ito upang magtaglay kami ng takot sa kanya. Sa ganoon, sasagana tayo at iingatan niyang tulad ng ginagawa niya sa atin ngayon. 25 Kalulugdan tayo ng Diyos nating si Yahweh kung susundin natin nang buong katapatan ang lahat ng ipinag-uutos niya sa atin.’
Panalangin sa Panahong Nagkakagulo ang Bansa
Isang(A) Maskil[a] E ni Etan, na mula sa angkan ni Ezra.
89 Pag-ibig mo, Yahweh, na di nagmamaliw, ang sa tuwi-t'wina'y aking aawitin;
ang katapatan mo'y laging sasambitin.
2 Ang iyong pag-ibig walang katapusan,
sintatag ng langit ang iyong katapatan.
3 Sabi mo, O Yahweh, isang kasunduan ang iyong ginawa kay David mong hirang
at ito ang iyong pangakong iniwan:
4 “Isa(B) sa lahi mo'y laging maghahari,
ang kaharian mo ay mamamalagi.” (Selah)[b]
5 Nagpupuri silang nilikha sa langit, ang iyong ginawa'y siyang binabanggit
ang katapatan mo, Yahweh, ay inaawit.
6 O Yahweh, Makapangyarihan sa lahat, sino'ng kaparis mo doon sa itaas?
Mga nilalang doon sa kalangitan, kay Yahweh ba sila ay maipapantay?
7 Sa pagtitipon man ng lahat ng hinirang,
may banal na takot sa iyo at paggalang.
8 O Yahweh na Makapangyarihang Diyos, O Yahweh, mayroon pa kayang katulad kang lubos?
Sa kapangyarihan ay tunay na puspos, kadakilaan mo'y sadyang lubus-lubos.
9 Sumusunod sa iyo dagat mang mabangis,
alon mang malaki'y napapatahimik.
10 Iyang dambuhalang kung tawagi'y Rahab ay iyong dinurog sa taglay mong lakas,
lahat mong kaaway ay iyong winasak, kapangyarihan mo'y ubod nang lakas.
11 Sa iyo ang langit, sa iyo ang lupa,
ang buong daigdig ikaw ang maylikha, lahat nang naroo'y sa iyo nagmula.
12 Timog at hilaga, ikaw ang naglagay;
Bundok Hermo't Tabor ay nag-aawitan, nagpupuri sila sa iyong pangalan.
13 Ang taglay mong lakas at kapangyarihan,
ay walang kaparis, di matatawaran!
14 Ang kaharian mo ay makatarungan,
saligang matuwid ang pinagtayuan;
wagas na pag-ibig at ang katapatan,
ang pamamahala mong ginagampanan.
15 Mapalad ang taong sa iyo'y sumasamba, sa pagsamba nila'y inaawitan ka
at sa pag-ibig mo'y namumuhay sila.
16 Sa buong maghapon, ika'y pinupuri,
ang katarungan mo'y siyang sinasabi.
17 Ang tagumpay namin ay iyong kaloob,
dahilan sa iyong kagandahang-loob.
18 Sapagkat si Yahweh ang aming sanggalang,
ang aming hari ay siya ang humirang, Banal ng Israel, siya'y aming sandigan.
Ang Pangako ng Diyos kay David
19 Noon pa mang una, sa mga lingkod mo, ika'y nagsalita,
sa pangitaing ipinakita'y ito ang badya:
“Aking pinutungan ang isang dakila,
na aking pinili sa gitna ng madla.
20 Ang(C) piniling lingkod na ito'y si David,
aking binuhusan ng banal na langis.
21 Kaya't palagi ko siyang gagabayan,
at siya'y bibigyan ko ng kalakasan.
22 Di siya malulupig ng kanyang kaaway,
ang mga masama'y di magtatagumpay.
23 Aking dudurugin sa kanyang harapan,
silang namumuhi na mga kaaway.
24 Ang katapatan ko't pag-ibig na wagas, ay iuukol ko't aking igagawad,
at magtatagumpay siya oras-oras.
25 Mga kaharia'y kanyang masasakop,
dagat na malawak at malaking ilog.
26 Ako'y tatawaging Ama niya't Diyos,
tagapagsanggalang niya't manunubos.
27 Gagawin(D) ko siyang panganay at hari,
pinakamataas sa lahat ng hari!
28 Ang aking pangako sa kanya'y iiral
at mananatili sa aming kasunduan.
29 Laging maghahari ang isa niyang angkan,
sintatag ng langit yaong kaharian.
30 “Kung ang mga anak niya ay susuway,
at ang aking utos ay di igagalang,
31 kung ang aking aral ay di papakinggan
at ang kautusa'y hindi iingatan,
32 kung gayon, daranas sila ng parusa dahil kasamaan ang ginawa nila,
sila'y hahampasin sa ginawang sala.
33 Ngunit ang pangako't pag-ibig kay David,
ay di magbabago, hindi mapapatid.
34 Ang tipan sa kanya'y di ko sisirain,
ni isang pangako'y di ko babawiin.
35 “Sa aking kabanalan, ipinangako ko,
kay David ay hindi magsisinungaling.
36 Lahi't trono niya'y hindi magwawakas,
hanggang mayro'ng araw tayong sumisikat;
37 katulad ng buwan na hindi lilipas,
matatag na tanda doon sa itaas.” (Selah)[c]
Hinagpis sa Pagkatalo ng Hari
38 Subalit ngayon, siyang iyong hirang,
ay itinakwil mo at kinagalitan;
39 binawi mo pati yaong iyong tipan,
ang kanyang korona ay iyong dinumhan.
40 Ang tanggulan niya ay iyong winasak,
mga muog niya'y iyong ibinagsak.
41 Lahat ng magdaa'y nagsasamantala,
ang ari-arian niya'y kinukuha;
bansa sa paligid, pawang nagtatawa.
42 Iyong itinaas ang kanyang kaaway,
tuwang-tuwa sila't pinapagtagumpay.
43 Ang sandata niya'y nawalan ng saysay,
binigo mo siya sa kanyang paglaban.
44 Yaong kanyang trono at ang setrong hawak,
inalis sa kanya't iyong ibinagsak.
45 Sa iyong ginawa'y nagmukhang matanda,
sa kanyang sinapit siya'y napahiya. (Selah)[d]
Panalangin Upang Iligtas ng Diyos
46 Hanggang kailan pa ba, mukha'y itatago?
Wala na bang wakas, tindi ng galit mo?
47 Alam mo, O Yahweh, ang buhay ng tao ay maikli lamang sa balat ng mundo;
papanaw na lahat silang nilikha mo.
48 Sino ba'ng may buhay na hindi papanaw?
Paano iiwas sa kanyang libingan tayong mga taong ngayo'y nabubuhay? (Selah)[e]
49 Nasaan ang alab ng dating pag-ibig at tapat na sumpang ginawa kay David?
Nasaan, O Diyos? Iyong ipabatid.
50 Iyong nalalaman ang mga pasakit ng abâ mong lingkod, na pawang tiniis;
ang mga pagkutya na kanyang sinapit sa kamay ng taong pawang malulupit.
51 Ganito tinuya ng iyong kaaway
ang piniling haring saan ma'y inuyam.
52 Si Yahweh ay ating purihin magpakailanman!
Amen! Amen!
Hahatulan ng Diyos ang mga Bansa
34 Lumapit kayo mga bansa, makinig kayo buong bayan!
Halikayo at pakinggan ang aking sasabihin,
kayong lahat na nasa ibabaw ng lupa.
2 Sapagkat si Yahweh ay napopoot sa lahat ng bansa,
matindi ang kanyang galit sa kanilang mga hukbo;
sila'y hinatulan na at itinakdang lipulin.
3 Ang kanilang mga bangkay ay ikakalat;
ito'y mabubulok at aalingasaw sa baho,
at ang mga bundok ay babaha sa dugo.
4 Ang(A) araw, buwan at mga bituin ay malalaglag at madudurog
at ang kalangita'y irorolyong
parang balumbon.
Ang mga bituin ay malalaglag
na parang mga tuyong dahon ng igos na nalalagas.
Ang Pagkawasak ng Edom
5 Si(B) Yahweh ay naghanda ng espada sa kalangitan
upang gamitin laban sa Edom,
sa bayang hinatulan niyang parusahan.
6 Ang espada ni Yahweh ay puno ng dugo at taba;
iyon ay dugo ng mga tupa at kambing,
at taba ng lalaking tupa.
Sapagkat siya'y maghahandog sa Bozra,
marami siyang pupuksain sa Edom.
7 Sila'y mabubuwal na parang maiilap na toro at barakong kalabaw,
matitigmak ng dugo
at mapupuno ng taba ang buong lupain.
8 Sapagkat si Yahweh ay may nakatakdang araw ng paghihiganti,
isang taon ng paghihiganti alang-alang sa Zion.
9 Ang mga batis ng Edom ay magiging alkitran,
at magiging asupre ang kanyang lupa,
ang buong bansa ay masusunog na parang aspalto.
10 Araw-gabi'y(C) hindi ito mamamatay,
at patuloy na papailanlang ang usok;
habang panaho'y hindi ito mapapakinabangan,
at wala nang daraan doon kahit kailan.
11 Ang mananahan dito'y mga kuwago at mga uwak.
Ang lupaing ito'y lubusang wawasakin ni Yahweh,
at iiwang nakatiwangwang magpakailanman.
12 Doo'y wala nang maghahari
at mawawala na rin ang mga pinuno.
13 Tutubuan ng damo ang mga palasyo
at ang mga napapaderang bayan,
ito ay titirhan ng mga asong-gubat
at pamumugaran ng mga ostrits.
14 Ang maiilap na hayop ay sasama sa mga asong-gubat,
tatawagin ng mga tikbalang ang kapwa nila maligno;
doon bababâ ang babaing halimaw upang magpahinga.
15 Ang mga kuwago, doon magpupugad,
mangingitlog, mamimisâ at magpapalaki ng kanilang inakay.
Doon din maninirahan ang mga grupo ng buwitre.
16 Sa aklat ni Yahweh ay hanapin ninyo at basahin:
“Isa man sa kanila'y hindi mawawala,
bawat isa'y mayroong kapareha.”
Sapagkat ito'y utos ni Yahweh,
at siya mismo ang kukupkop sa kanila.
17 Siya na rin ang nagtakda ng kanilang titirhan,
at nagbigay ng kani-kanilang lugar;
doon na sila titira magpakailanman.
Pananambahan sa Langit
4 Pagkatapos kong masaksihan ang mga bagay na ito, nakita ko sa langit ang isang bukás na pinto.
At narinig ko ang tinig na parang tunog ng isang trumpeta, na ang sabi sa akin, “Umakyat ka rito, at ipapakita ko sa iyo kung ano pang mga mangyayari pagkatapos nito.” 2 At(A) agad akong napuspos ng Espiritu, at nakita ko sa langit ang isang trono at ang isang nakaupo roon. 3 Ang anyo niya'y maningning na parang mahahalagang batong jasper at kornalina. May isang bahagharing nagniningning na parang esmeralda sa palibot ng trono. 4 Nakapaligid naman dito ang dalawampu't apat pang trono na sa bawat isa'y may nakaupong matanda na nakadamit ng puti at may koronang ginto sa ulo. 5 Mula(B) sa trono ay gumuguhit ang kidlat, kasabay ng mga ugong at mga kulog. Sa harap ng trono ay may pitong nagniningas na sulo; ito ang pitong espiritu ng Diyos. 6 Sa(C)(D) harap ng trono ay may tila dagat na salamin na sinlinaw ng kristal.
Sa apat na panig ng trono ay may apat na buháy na nilalang, na punung-puno ng mga mata sa kanilang harap at likod. 7 Ang unang buháy na nilalang ay katulad ng leon; katulad naman ng baka ang pangalawa; tulad sa mukha ng tao ang pangatlo; at katulad naman ng agilang lumilipad ang pang-apat. 8 Ang(E) bawat isa ay may tig-aanim na pakpak, at punung-puno ng mga mata sa harap at likod. Walang tigil ang kanilang pag-awit araw at gabi,
“Banal, banal, banal, ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
na siyang nakaraan, kasalukuyan, at darating.”
9 Tuwing umaawit ng pagluwalhati, parangal at pasasalamat ang apat na buháy na nilalang sa nakaupo sa trono, na nabubuhay magpakailanman, 10 ang dalawampu't apat (24) na matatandang pinuno naman ay nagpapatirapa sa harap ng trono at sinasamba ang nakaupo doon, ang nabubuhay magpakailanman. Inilalagay nila ang kanilang korona sa harap ng trono, at sinasabi,
11 “Aming Panginoon at Diyos!
Karapat-dapat kang tumanggap ng kaluwalhatian, karangalan, at kapangyarihan;
sapagkat ikaw ang lumalang sa lahat ng bagay,
at ayon sa iyong kagustuhan, sila'y nagkaroon ng buhay at nalikha.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.