Add parallel Print Page Options

Paparusahan ng Diyos ang Babilonia

13 Narito(A) ang isang pahayag mula sa Diyos tungkol sa Babilonia, sa isang pangitain na nakita ni Isaias na anak ni Amoz:

Itayo mo ang isang bandila sa tuktok ng burol,
    isigaw sa mga kawal ang hudyat ng paglusob,
lusubin ang mga pintuan ng palalong lunsod.
Inutusan ko na ang aking mga piling kawal,
tinawagan ko na ang magigiting kong mandirigma. Malalakas sila at masisigla,
    upang ipalasap ang aking galit.

Pakinggan ninyo ang nagkakagulong ingay sa kabundukan
    dahil sa dami ng tao.
Pakinggan ninyo ang ugong ng mga kaharian,
    ng mga bansang nagkakatipon!
Inihahanda na ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
    ang kanyang mga hukbo para sa isang digmaan.
Dumarating sila buhat sa malayong lupain,
    buhat sa dulo ng daigdig.
Dumarating na si Yahweh,
    upang wasakin ang buong lupain dahil sa kanyang poot.

Manangis(B) kayo sapagkat malapit na ang araw ni Yahweh,
    darating na ang araw ng pangwawasak ng Diyos na Makapangyarihan.
Sa araw na iyon, manghihina ang lahat ng kamay.
    Manlulupaypay ang lahat ng tao,
    ang lahat ng tao'y masisindak,
at manginginig sa takot,
    makadarama sila ng paghihirap, tulad ng isang babaing manganganak.
Matatakot sila sa isa't isa;
    mamumula ang kanilang mukha dahil sa kahihiyan.
Dumarating na ang araw ni Yahweh,
    malupit ito at nag-aalab sa matinding poot,
upang wasakin ang lupain
    at ang masasama ay lipulin.
10 Hindi(C) na magniningning
    ang liwanag ng mga bituin sa kalangitan,
magiging madilim ang araw sa pagsikat,
    pati ang buwan ay hindi na magsasabog ng liwanag.

11 “Paparusahan ko ang daigdig dahil sa kasamaan nito,
    at ang masasama dahil sa kanilang kasalanan;
wawakasan ko na ang pagmamataas ng mga palalo,
    at puputulin ko na ang kayabangan ng mga walang awa.
12 Kaunti lamang ang ititira kong tao
    at magiging mahirap pa silang hanapin kaysa gintong lantay na galing sa Ofir.
13 Kaya nga yayanigin ko ang kalangitan,
    at ang lupa ay malilihis sa kinalalagyan nito,
sa araw na isinabog ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
    ang kanyang matinding poot.
14 Parang usang hinahabol,
    parang tupang walang pastol,
ang mga tao'y babalik sa kani-kanilang bayan,
    sila ay tatakas pabalik sa sariling lupain.
15 Ang bawat mahuli'y papatayin sa pamamagitan ng tabak.
16 Sa harapan nila'y
    luluray-lurayin ang kanilang mga sanggol,
lilimasin ang mga ari-arian sa kanilang mga tahanan,
    at ang kanilang mga asawa'y pagsasamantalahan.”
17 Sinabi pa ni Yahweh,
“Ipasasalakay ko sila sa mga taga-Media,
    mga taong walang pagpapahalaga sa pilak
    at di natutukso sa ginto.
18 Papatayin nila sa pamamagitan ng pana ang mga kabataang lalaki,
    hindi nila kahahabagan ang mga sanggol at mga bata.
19 Ang(D) Babilonia, na pinakamaganda sa mga kaharian,
    ang kayamanang ipinagmamalaki ng mga taga-Babilonia,
ay pababagsakin ng Diyos
    tulad sa Sodoma at Gomorra.
20 Wala nang taong maninirahan doon kahit kailan,
wala nang Arabong magtatayo ng tolda roon,
    wala nang pastol na mag-aalaga ng tupa doon.
21 Mga(E) hayop na maiilap ang mananahan doon,
    titirhan ng mga ostrits ang kanyang mga bahay,
pagtataguan ang mga iyon ng mga ostrits
    at maglulundagan doon ang mga maiilap na kambing.
22 Aatungal ang mga hiyena sa kanyang mga tore,
    aalulong ang mga asong-gubat sa kanyang mga palasyo.
Nalalapit na ang wakas ng Babilonia,
    hindi na siya magtatagal.”

Pagbabalik mula sa Pagkabihag

14 Ngunit muling mahahabag si Yahweh sa sambahayan ni Jacob at muli niyang hihirangin ang bayang Israel. Papatirahin niya sila sa sarili nilang bayan at may mga dayuhan ring darating at maninirahang kasama ng sambahayan ni Jacob. Tutulungan ang Israel ng ibang mga bansa upang makabalik sa sariling lupain at paglilingkuran nila ang mga Israelita bilang mga alipin. Magiging bihag ng mga Israelita ang mga dating bumihag sa kanila at masasakop nila ang noo'y nagpapahirap sa kanila.

Sa araw na pagpahingahin kayo ni Yahweh sa inyong paghihirap, pagtitiis at pagkaalipin, hahamakin ninyo nang ganito ang hari ng Babilonia:

“Bumagsak na ang malupit na hari!
    Hindi na siya makapang-aaping muli.
Winakasan na ni Yahweh ang kapangyarihan ng masama,
    ang tagapamahala,
na walang awang nagpahirap sa mga tao,
buong lupit na naghari sa mga bansang kanilang sinakop.
Natahimik din sa wakas ang buong lupa,
    at ang mga tao'y nag-aawitan sa tuwa.
Tuwang-tuwa ang mga sipres
    at ang mga sedar ng Lebanon dahil sa nangyari sa hari.
Sinasabi nila: ‘Ngayong ikaw ay wala na,
    wala na ring puputol sa amin.’
Ang daigdig ng mga patay ay abala sa iyong pagdating;
    ito'y naghahanda upang ikaw ay salubungin;
ginising niya ang mga kaluluwa upang batiin ka,
    ng mga dating makapangyarihan sa daigdig.
Pinatayo niya mula sa kanilang trono
    ang hari ng mga bansa.
10 Lahat sila ay magsasabi sa iyo:
‘Ikaw pala'y naging mahina ring tulad namin!
    At sinapit mo rin ang aming sinapit!’
11 Noo'y pinaparangalan ka ng tugtog ng alpa,
    ngayo'y narito ka na sa daigdig ng mga patay.
Uod ang iyong hinihigan
    at uod rin ang iyong kinukumot.”

12 “O(F) Maningning na Bituin sa umaga,
    anak ng Bukang-liwayway!
Bumagsak ka rin sa lupa, at nahulog mula sa langit.
    Ikaw na nagpasuko sa mga bansa!
13 Hindi(G) ba't sinabi mo sa iyong sarili?
    ‘Aakyat ako sa langit;
at sa ibabaw ng mga bituin ng Diyos,
    ilalagay ko ang aking trono.
Uupo ako sa ibabaw ng bundok
    na tagpuan ng mga diyos sa malayong hilaga.
14 Aakyat ako sa ibabaw ng mga ulap,
    papantayan ko ang Kataas-taasan.’
15 Ngunit anong nangyari at nahulog ka sa daigdig ng mga patay?
    Sa kalalimang walang hanggan?
16 Pagmamasdan ka ng mga patay
    at magtatanong ang mga ito:
‘Hindi ba ang taong ito ang nagpayanig sa lupa,
    at nagpabagsak sa mga kaharian?
17 Hindi ba't winasak niya ang buong daigdig,
    at nilupig ang mga lunsod,
    ang taong ayaw palayain ang mga bilanggo?
18 Lahat ng hari ng mga bansa'y mahihimlay
    sa magagara nilang puntod.
19 Ngunit ikaw ay hindi ililibing sa iyong libingan,
    ang bangkay mo'y itatapon na parang sangang walang kabuluhan.
Tatabunan ka ng mga bangkay ng mga napatay sa digmaan.
    Ihuhulog kang kasama ng mga iyon sa mabatong hukay,
    matutulad ka sa bangkay na tinatapak-tapakan.
20 Hindi ka malilibing na tulad ng ibang hari,
    sapagkat winasak mo ang iyong sariling bayan
    at nilipol mo ang iyong sariling nasasakupan.
Walang makakaligtas sa iyong masamang sambahayang tulad mo.
21 Simulan na ang paglipol sa kanyang mga anak
    dahil sa kasalanan ng kanilang ama!
Hindi na sila muling maghahari sa mundo,
    o maninirahan sa mga lunsod sa lupa.’”

Wawasakin ng Diyos ang Babilonia

22 Sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Uusigin ko sila, at uubusin ko ang natitira sa kanilang lahi. Buburahin ko rin ang pangalan ng Babilonia. 23 Gagawin ko siyang isang latian, at tirahan ng mga kuwago. Wawalisin ko siya at pupuksain,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.

Ang Hatol sa Babilonia

50 Sa(A) pamamagitan ni Propeta Jeremias ay ipinahayag ni Yahweh ang mangyayari sa Babilonia at sa mga mamamayan nito:

“Ipahayag mo sa mga bansa,
    wala kang ililihim, ikalat mo ang balita:
Nasakop na ang Babilonia.
Nalagay na sa kahihiyan si Bel,
    nanlupaypay na si Merodac,
    mga diyus-diyosan sa Babilonia.

“Sapagkat isang bansang mula sa hilaga ang sumalakay sa kanya; gagawing isang disyerto ang kanyang lupain at walang tao o hayop na maninirahan doon.”

Ang Pagbabalik ng Israel

Sinabi ni Yahweh, “Pagdating ng panahong iyon, lumuluhang magsasama-sama ang mga taga-Israel at mga taga-Juda at hahanapin nila ako na kanilang Diyos. Ipagtatanong nila ang daan patungo sa Zion, pupunta sila roon upang makipagkaisa kay Yahweh sa isang kasunduang kanilang tutuparin habang panahon.

“Ang aking bayan ay parang mga tupang naligaw, sapagkat pinabayaan sila ng kanilang mga pastol. Kaya lumayo sila at tumakbong papunta sa kabundukan; tinahak nila ang bundok at burol at nakalimutang magbalik sa kulungan. Nilapa sila ng nakatagpo sa kanila. Ang sabi ng kanilang mga kaaway, ‘Wala kaming kasalanan, sapagkat nagkasala sila laban kay Yahweh, ang tunay na pastol at siyang pag-asa ng lahat ng kanilang mga ninuno.’

“Takasan(B) ninyo ang Babilonia, lisanin ninyo ang bansang iyan; kayo ang maunang umalis, gaya ng mga barakong kambing na nangunguna sa kawan. Sapagkat susulsulan ko ang malalakas na bansa upang salakayin ang Babilonia; magmumula sila sa hilaga, upang bihagin siya. Sila'y mga bihasang mandirigma at walang mintis kung pumana. 10 Sasamsaman ng mga gamit ang mga taga-Babilonia, at mananagana ang lahat ng makakakuha.” Ito ang sabi ni Yahweh.

Ang Pagbagsak ng Babilonia

11 “Bagama't kayo'y nagkakatuwaan at nagkakasayahan, kayong kumuha ng aking mana, bagama't nagwala kayong gaya ng babaing baka sa damuhan, at humalinghing na parang kabayong lalaki, 12 malalagay sa ganap na kahihiyan ang inyong ina na nagsilang sa inyo; siya ang magiging pinakahuli sa mga bansa, isang tigang na lupain na parang disyerto. 13 Wala nang maninirahan sa kanya dahil sa poot ni Yahweh, siya'y isang lunsod na wasak. Lahat ng magdaraan doon ay magtataka at mangingilabot sa nangyari sa kanya.

14 “Humanay kayo sa palibot ng Babilonia, humanda kayong mga manunudla; patamaan ninyo siya at huwag magsasayang ng palaso sapagkat siya'y nagkasala laban kay Yahweh. 15 Humiyaw kayo ng pagtatagumpay laban sa kanya; siya'y sumuko na. Bumagsak na ang kanyang mga pader at nadurog. Ito ang ganti ni Yahweh: maghiganti rin kayo sa kanya, gawin ninyo sa kanya ang tulad ng kanyang ginawa. 16 Pigilin ang bawat manghahasik sa Babilonia, gayon din ang bawat mang-aaning may dalang karit. Sa matinding takot sa tabak ng manlulupig, bawat isa'y tatakas at babalik sa sariling lupain.”

17 Ang Israel ay parang kawan ng tupa, hinahanap at hinahabol ng mga leon. Ang hari ng Asiria ang unang lumapa sa kanya, at ngayon ang haring si Nebucadnezar ng Babilonia ang huling kumagat sa kanyang mga buto.

18 Kaya nga, ganito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Paparusahan ko si Nebucadnezar, ang hari ng Babilonia at ang kanyang bayan, tulad ng pagpaparusa ko sa hari ng Asiria. 19 Ibabalik ko ang Israel sa kanyang pastulan, at manginginain siya sa bundok ng Carmelo at sa kapatagan ng Bashan; sa kaburulan ng Efraim at Gilead ay mabubusog siya. 20 Darating ang araw na lubusang mapapawi ang kasamaan ng Israel at ng Juda, sapagkat patatawarin ko ang nalabi na aking iniligtas.”

Ang Hatol ng Diyos sa Babilonia

21 Ang sabi ni Yahweh, “Salakayin ninyo ang lupain ng Merataim; pati ang mga taga-Pekod, patayin at lipulin ninyo silang lahat; gawin ninyo ang lahat ng iniutos ko sa inyo. 22 Narinig sa buong lupain ang ingay ng digmaan at ang matinding pagwasak. 23 Ang Babilonia'y kinatakutan sapagkat pinukpok niya at dinurog ang mga bansa. Ngunit ngayon, ang pamukpok na iyon ay putol na at sira. Nagimbal ang mga bansa sa nangyari sa kanya. 24 Naghanda ka ng bitag para sa iyong sarili at ikaw ay nahulog, ngunit hindi mo alam. Natagpuan ka at nahuli, sapagkat lumaban ka kay Yahweh. 25 Binuksan ni Yahweh ang taguan ng mga sandata at inilabas ang mga sandata dahil sa kanyang poot; sapagkat may gagawin si Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon, sa lupain ng Babilonia. 26 Paligiran ninyo siya at salakayin! Buksan ninyo ang kanyang mga kamalig, ibunton ang mga nasamsam. Lipulin ninyo sila at huwag magtitira kahit isa.

27 “Patayin ninyo ang lahat ng kanyang mandirigma. Kahabag-habag sila, sapagkat dumating na ang araw, ang panahon ng pagpaparusa sa kanila.”

28 Naririnig ko ang yabag ng mga tumatakas mula sa lupain ng Babilonia upang ipahayag sa Zion ang paghihiganti ni Yahweh para sa kanyang templo. 29 Sabi(C) ni Yahweh, “Tawagin ninyo ang lahat ng mamamana upang salakayin ang Babilonia. Magkuta kayo sa palibot niya; huwag ninyong pabayaang may makatakas. Gantihan ninyo siya ayon sa kanyang ginawa, gawin sa kanya ang lahat ng kanyang ginawa; sapagkat buong pagmamalaki niyang sinuway si Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel. 30 Kaya nga, mabubuwal sa kanyang mga lansangan ang mga kabataang lalaki, lilipulin sa araw na iyon ang lahat ng kanyang mandirigma.”

31 Sabi ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon, “Ako'y laban sa iyo sapagkat ikaw ay palalo; dumating na ang araw ng pagpaparusa sa iyo. 32 Ang palalo'y madadapa at babagsak, at walang magbabangon sa kanya. Susunugin ko ang iyong mga lunsod, at tutupukin nito ang lahat ng nasa palibot mo.”

33 Ganito ang sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Magkasamang inapi ang mga taga-Israel at mga taga-Juda; hawak silang mahigpit ng mga bumihag sa kanila at ayaw silang palayain. 34 Ngunit makapangyarihan ang kanilang Manunubos; ang pangalan niya'y Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, siya ang makikipaglaban para sa kanila upang bigyan sila ng kapayapaan. Ngunit kaguluhan ang ipadadala niya sa mga mamamayan ng Babilonia.” 35 Sinasabi ni Yahweh, “Nakaamba ang isang tabak laban sa mga hukbo ng Babilonia, laban sa naninirahan sa Babilonia at sa kanyang mga pinuno at mga matatalino. 36 Ito'y nakaamba sa kanyang mga bulaang propeta, at naging mga mangmang sila. Ito'y nakaamba sa kanyang mga mandirigma, upang lipulin sila! 37 Nakaamba ang tabak laban sa kanyang mga kabayo at sa mga karwahe at sa lahat ng hukbo upang panghinaan sila ng loob. Ang lahat ng kanyang kayamanan ay sasamsamin! 38 Matutuyo ang lahat ng kanyang katubigan. Sapagkat ito'y lupain ng mga diyus-diyosan, na luminlang sa mga tao.

39 “Kaya(D) nga, ang maninirahan doon ay mababangis na hayop at mga asong-gubat, gayon din ang mga dambuhalang ibon. Wala nang taong maninirahan doon habang panahon, at hindi na ito pamamayanan ng alinmang lahi. 40 Kung(E) paanong winasak ng Diyos ang Sodoma at Gomorra, at ang mga lunsod na karatig nila, sinasabi ni Yahweh na wala nang maninirahan doon, o makikipamayan sa kanya.

41 “Masdan mo, may dumarating mula sa hilaga;
    isang bansang makapangyarihan.
    Maraming hari ang nagbabangon mula sa malayong panig ng daigdig.
42 May mga dala silang busog at sibat,
    sila'y malulupit at walang habag.
Nakasakay sila sa mga kabayo.
    Ang kanilang mga yabag ay parang ugong ng dagat.
Nakahanda sila laban sa Babilonia.
43 Nabalitaan na ng hari ng Babilonia ang tungkol sa kanila,
    at siya'y nanlupaypay;
    sinaklot siya ng pagkabalisa,
    at ng sakit na tulad ng nararamdaman ng isang babaing manganganak.

44 “Masdan mo, gaya ng isang leong lumalabas sa kagubatan ng Jordan upang sumalakay sa isang matibay na kulungan ng mga tupa, bigla ko silang itataboy. At pipili ako ng mangunguna sa bansa. Wala akong katulad. Wala akong kapantay. Walang haring makakalaban sa akin. 45 Kaya, pakinggan ninyo ang binabalak ni Yahweh laban sa Babilonia at sa mga mamamayan nito: Ang mga batang tupa sa kawan ay aagawin, masisindak sa mangyayari sa kanila ang kanilang mga pastol. 46 Mayayanig ang lupa sa ingay ng pagbihag sa Babilonia, at ang kanyang pagtangis ay maririnig ng mga bansa.”

Karagdagang Parusa sa Babilonia

51 Sinabi ni Yahweh, “Makinig kayo, magpapadala ako ng isang tagapagwasak ng Babilonia at ng mga hukbo nito. Magsusugo ako sa Babilonia ng mga dayuhang wawasak dito na tulad sa malakas na hanging tumatangay sa ipa. Sa araw na iyon ng kanyang kapahamakan, iiwan nilang walang laman ang lupain paglusob nila mula sa lahat ng panig. Huwag ninyong hayaang mahatak ng mamamana ang kanyang busog, o maisuot ang kanyang kasuotang pandigma. Huwag ninyong paliligtasin ang sinuman sa mga binata; lipulin ninyo ang lahat ng kawal. Bayaan ninyong mahandusay sila sa lansangan ng Babilonia; patay at mga sugatan sa gitna ng lansangan. Sapagkat ang Israel at ang Juda ay hindi pinabayaan ng kanilang Diyos na si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat; subalit ang lupain nila ay punô ng kasalanan laban sa Banal na Diyos ng Israel. Takasan ninyo ang Babilonia, iligtas ninyo ang inyong sarili, kung hindi'y makakasama kayo sa pagpaparusa sa kanyang kasalanan; sapagkat ito'y panahon ng paghihiganti ni Yahweh, at ipalalasap sa kanya ang ganap niyang kaparusahan. Ang(F) Babilonia ay isang gintong kopa sa kamay ni Yahweh, upang lasingin ang buong sanlibutan. Ininom ng mga bansa ang kanyang alak, kaya sila'y nalasing. Bigla ang pagbagsak at pagkasira ng Babilonia. Iyakan ninyo siya. Kumuha kayo ng panlunas para sa kanyang sugat; baka siya'y gumaling pa. Gagamutin(G) sana namin ang Babilonia, ngunit huli na ang lahat. Iwan na natin siya at magsiuwian na tayo sa ating mga bayan; sapagkat abot na hanggang langit ang kanyang kapahamakan.”

10 Tayo'y pinawalang-sala ni Yahweh; halikayo, ipahayag natin sa Zion ang ginawa ng ating Diyos.

11 Ihasa ang mga pana, ihanda ang mga kalasag.

Ginising ni Yahweh ang damdamin ng mga hari ng Media sapagkat balak niyang wasakin ang Babilonia, bilang paghihiganti ni Yahweh dahil sa pagwasak sa kanyang Templo. 12 Itaas ninyo ang watawat laban sa mga kuta ng Babilonia. Higpitan ninyo ang pagbabantay; magtakda kayo ng mga bantay. Humanda kayong sumalakay, sapagkat binalak at ginawa ni Yahweh ang sinabi niya tungkol sa Babilonia. 13 Kayong(H) naninirahan sa tabi ng maraming ilog, na sagana sa kayamanan, dumating na ang inyong wakas; tiyak na ang inyong kasasapitan. 14 Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay sumumpa; ang sabi niya: “Ang Babilonia ay ipasasalakay ko sa makapal na tao tulad ng mga umaatakeng balang; at isisigaw nila ang tagumpay laban sa iyo.”

Awit ng Pagpupuri

15 Ang Diyos ang lumikha ng sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
    Inayos niya ang daigdig ayon sa kanyang karunungan;
    iniladlad niya ang mga langit ayon sa kanyang kaunawaan.
16 Sa dagundong ng kanyang tinig, umuugong ang tubig sa kalangitan;
    pinaiilanlang niya ang mga hamog mula sa mga sulok ng sanlibutan.
Pinakikislap niya ang mga kidlat sa gitna ng ulan,
    at pinalalabas niya sa taguan ang mga hangin.
17 Sa ganitong kalagayan ay magiging mangmang at walang kaalaman ang lahat ng tao.
    Bawat panday ay inilalagay sa kahihiyan ng nililok niyang diyus-diyosan;
    sapagkat hindi tunay na diyos at walang buhay ang kanyang ginawa.
18 Walang kabuluhan ang mga iyon, at dapat sumpain
    malilipol sila pagdating ng araw ng pagpaparusa sa kanila.
19 Ang Diyos ni Jacob ay hindi gaya ng mga ito;
    sapagkat siya ang lumikha ng lahat,
    at ang Israel ang hinirang niya;
    Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang pangalan niya.

Ang Martilyo ni Yahweh

20 Ikaw ang aking martilyo at sandatang pandigma;
sa pamamagitan mo'y dudurugin ko ang mga bansa;
    sa pamamagitan mo'y ibabagsak ko ang mga kaharian.
21 Sa pamamagitan mo'y aking wawasakin ang mga hukbong nakakabayo,
    at ang mga hukbong nakakarwahe,
22     ang lalaki at ang babae,
    ang bata at ang matanda,
    ang binata at ang dalaga,
23     ang pastol at ang kawan,
    ang magsasaka at ang katulong na mga baka,
    ang mga tagapamahala at ang mga kinatawan.

Ang Parusa sa Babilonia

24 “Paparusahan ko sa harap ninyo ang Babilonia at ang mga mamamayan nito dahil sa mga kasamaang ginawa niya sa Zion,” sabi ni Yahweh. 25 “Ako'y galit sa iyo, ikaw na mapangwasak na bundok. Winasak mo ang buong sanlibutan. Paparusahan kita. Gugulong kang pababa mula sa kabatuhan, at gagawin kitang bundok na tinupok. 26 Walang batong makukuha sa iyo upang gawing panulok, o kaya'y pundasyon. Sa halip, mananatili kang wasak habang panahon. 27 Itaas ninyo sa lupain ang isang bandila, iparinig ninyo sa mga bansa ang pag-ihip ng trumpeta. Pahandain ang mga bansa para digmain siya; tawagin ang mga kahariang laban sa kanya—ang Ararat, ang Mini at ang Askenaz. Pumili kayo ng pinuno laban sa kanya, magpadala kayo ng mga kabayo na kasindami ng mga uod na nagiging balang. 28 Humanda sa paglaban sa kanya ang mga bansa, ang mga hari sa Medo, kasama ang kanilang mga pinuno't kinatawan, at ang bawat lupaing nasasakupan nila. 29 Nanginginig at namimilipit sa sakit ang lupain, sapagkat hindi nagbabago ang pasya ni Yahweh laban sa Babilonia. Sisirain niya ang lupaing ito; wala nang maninirahan dito. 30 Tumigil na sa pakikipaglaban ang mga mandirigma ng Babilonia, at nanatili sa kanilang kuta. Sila'y pinanghinaan na ng loob na parang mga babae. Sinunog na ang kanilang mga tahanan, nawasak na ang kanilang mga pintuan. 31 Nagkakasalubong sa pagtakbo ang mga inutusan. Sinasalubong ng isang sugo ang kanyang kapwa sugo. Sasabihin nila sa hari ng Babilonia na nasakop na ang lahat ng panig ng kanyang lunsod. 32 Naagaw ang mga tawiran. Sinunog ang mga kuta. Sindak na sindak ang mga kawal. 33 Ang Babilonia ay parang giikang niyayapakan. Sandali na lamang at darating na ang panahon ng pag-ani sa kanya.”

34 Ang Jerusalem ay kinatay at nilamon ng Babilonia. Ginawa niya itong parang sisidlang walang laman. Para siyang dambuhala at ako'y nilulon. Kinuha ang magustuhan at itinapon ang iba. 35 Sabihin ninyong mga taga-Zion, “Mangyari sa Babilonia ang karahasang ginawa niya sa amin.” Sabihin naman ninyong mga taga-Jerusalem, “Pananagutan niya ang paghihirap na tiniis namin.”

Tutulungan ni Yahweh ang Israel

36 Kaya sinabi ni Yahweh sa Jerusalem, “Ipagtatanggol kita at ipaghihiganti. Tutuyuin ko ang kanyang dagat at bukal. 37 Wawasakin ko ang Babilonia. Ito'y gagawing tirahan na lang ng mga asong-gubat, magiging isang katatakutan at tampulan ng paghamak. Wala na ring maninirahan doon. 38 Sila'y uungal na parang mga leon. 39 At dahil sila'y mga ganid, ipaghahanda ko sila ng isang handaan, at lalasingin ko, hanggang mawalan sila ng malay; mahimbing sa pagtulog habang panahon, at hindi na magising.” 40 Dadalhin ko silang gaya ng mga tupang patungo sa katayan, at gaya rin ng mga lalaking tupa at barakong kambing.

Ang Pagkawasak ng Babilonia

41 “Nasakop ang Babilonia, naagaw ang lupaing hinahangaan ng buong sanlibutan. Nakakapangilabot tingnan ang kinasapitan niya! 42 Tumaas ang tubig ng dagat at natabunan ng nagngangalit na alon ang Babilonia. 43 Kinatakutan ang kanyang mga lunsod. Natuyo ang kanyang lupain na parang disyerto; ayaw panirahan, o daanan man ng sinumang tao. 44 Paparusahan ko si Bel, ang diyos ng Babilonia, at dudukutin sa kanyang bibig ang mga nalulon niya. Hindi na siya pupuntahan ng mga bansa. Bumagsak na ang pader ng Babilonia. 45 Bayan ko, lisanin ninyo siya! Iligtas ng bawat isa ang kanyang sarili mula sa matinding galit ni Yahweh! 46 Huwag manghina ang inyong loob, at huwag kayong matakot sa balitang kumakalat sa lupain; may mapapabalita sa loob ng isang taon, iba't iba bawat taon. Balita tungkol sa karahasan o mga pinuno laban sa pinuno. 47 Kaya darating ang panahon na paparusahan ko ang mga diyus-diyosan ng Babilonia. Mapapahiya ang buong lupaing ito, at mapapatay ang lahat ng mamamayan niya. 48 Kung(I) magkagayon, ang langit at ang lupa at lahat ng naroroon ay aawit sa kagalakan dahil sa Babilonia; sapagkat sasalakayin siya ng mga tagawasak mula sa hilaga,” sabi ni Yahweh. 49 “Dapat(J) ibagsak ang Babilonia bilang kapalit ng mga napatay sa Israel; sapagkat ang Babilonia ang dahilan ng mga napatay sa buong sanlibutan.”

Ang Mensahe ng Diyos para sa mga Israelita sa Babilonia

Sinabi ni Yahweh sa mga Israelita na bihag sa Babilonia, 50 “Kayong nakaligtas sa kamatayan, magpatuloy kayo at huwag kayong titigil! Alalahanin ninyo si Yahweh kung kayo'y nasa malayong lugar na, gayundin ang Jerusalem. 51 Kami'y napahiya dahil nakarinig kami ng paghamak. Nalagay kami sa kahiya-hiyang katayuan sapagkat dumating ang mga dayuhan at pumasok sa banal na dako sa bahay ni Yahweh. 52 Makikita ninyo, darating ang panahong paparusahan ko ang kanyang mga diyus-diyosan; maririnig ang daing ng mga sugatan sa buong lupain. 53 Kahit na maabot ng Babilonia ang langit, kahit tibayan niya ang kanyang kuta, darating pa rin ang wawasak sa kanya.”

Iba pang Kapahamakang Sinapit ng Babilonia

54 Sinabi pa ni Yahweh,
“Pakinggan ninyo ang iyakan mula sa Babilonia,
    ang panaghoy dahil sa kanyang pagkawasak.
55 Sapagkat ginigiba ni Yahweh ang Babilonia,
    at pinatatahimik ang kanyang malakas na sigaw.
Ang kanyang mga alon ay parang ugong ng malakas na tubig,
    matining ang alingawngaw ng kanilang tinig.
56 Sumalakay na sa Babilonia ang tagawasak.
    Binihag ang kanyang mga mandirigma.
    Pinagbabali ang kanilang mga pana
sapagkat si Yahweh ay Diyos na gumaganti,
    magbabayad siya nang buo.
57 Lalasingin ko ang kanyang mga pinuno at mga matatalino,
    ang kanyang mga tagapamahala, tagapag-utos at mandirigma.
Mahihimbing sila habang panahon at hindi na magigising.”
    Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
58 Sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:
“Ang malawak na pader ng Babilonia ay mawawasak
    at masusunog ang matataas niyang pintuang-bayan.
Nagpapakahirap sa walang kabuluhan ang mga tao.
    Pinapagod nila ang kanilang sarili para mauwi lamang sa apoy.”

Ang Mensahe ni Jeremias para sa Babilonia

59 Ito naman ang iniutos ng Propeta Jeremias sa punong eunuko na si Seraias, ang anak ni Nerias at apo ni Maasias, nang siya'y magpunta sa Babilonia, kasama ni Haring Zedekias ng Juda, noong ikaapat na taon ng paghahari nito. 60 Itinala ni Jeremias sa isang kasulatan ang lahat ng kapahamakang darating sa Babilonia, at lahat ng bagay na nasulat tungkol dito. 61 Ang sabi ni Jeremias kay Seraias: “Basahin mong lahat ang nakasulat dito pagdating mo sa Babilonia. 62 Pagkatapos ay sabihin mo, ‘Yahweh, sinabi mong ang lupaing ito'y iyong wawasakin. Wala nang maninirahan dito, maging tao o hayop, at mananatili itong wasak habang panahon.’ 63 Pagkabasa(K) mo sa kasulatang ito, itali mo sa isang bato at ihagis sa gitna ng Ilog Eufrates, 64 sabay ang pagsasabing, ‘Gayon lulubog ang Babilonia, at hindi na lilitaw, dahil sa parusang ipadadala ko sa kanya.’” Hanggang dito ang mga pahayag na natipon ni Jeremias.