Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Bilang 4

Ang Tungkulin ng mga Levitang Mula sa Angkan ni Kohat

Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Bilangin at ilista ninyo ang angkan ni Kohat ayon sa kani-kanilang angkan at sambahayan. Ibukod ninyo ang lahat ng maaari nang maglingkod sa Toldang Tipanan, ang mga lalaking may edad na tatlumpu hanggang limampung taon. Sila ang maglilingkod sa mga bagay na ganap na sagrado sa loob ng Toldang Tipanan.

“Kung aalis na ang mga Israelita sa lugar na kanilang pinagkakampuhan, si Aaron at ang kanyang mga anak ang magtatanggal sa mga tabing ng Toldang Tipanan at ibabalot ito sa Kaban ng Tipan. Pagkatapos, papatungan ito ng balat ng kambing, at babalutin ng telang asul saka isusuot ang mga pasanan sa mga argolya nito.

“Ang mesang lalagyan ng handog na tinapay ay lalatagan naman ng asul na tela, saka ipapatong sa ibabaw nito ang mga plato, mga lalagyan ng insenso, mga mangkok at mga pitsel. Hindi na aalisin ang tinapay na handog na naroroon. Pagkatapos, tatakpan ang lahat ng ito ng pulang tela at ng balat ng kambing, saka isusuot sa mga argolya ang mga pasanan.

“Ang ilawan pati ang mga ilaw, pang-ipit, sisidlan ng abo at ang mga sisidlan ng langis ay babalutin din ng telang asul 10 at ng balat ng kambing, kasama ang lahat ng kagamitan at saka ilalagay sa sisidlan.

11 “Ang altar na ginto ay tatakpan din ng asul na tela, at babalutin ng balat ng kambing saka isusuot sa mga argolya ang mga pasanan nito. 12 Ang iba pang kagamitan sa Toldang Tipanan ay babalutin ng telang asul saka tatakpan ng balat ng kambing, at ilalagay sa sisidlan. 13 Ang abo sa altar ay aalisin bago ito takpan ng damit na pula. 14 Pagkatapos, ipapatong dito ang mga kagamitan sa altar tulad ng mga kawali, panusok, pala at palanggana. Tatakpan ito ng balat ng kambing saka isusuot sa argolya ang mga pasanan nito. 15 Kapag ang Toldang Tipanan at ang lahat ng kagamitan dito'y naibalot na nina Aaron at ng kanyang mga anak, ang lahat ng ito'y dadalhin ng mga anak ni Kohat. Ngunit huwag nilang hahawakan ang mga sagradong bagay sapagkat mamamatay ang sinumang humawak sa mga sagradong kagamitang ito.

“Ito ang mga tungkulin ng mga anak ni Kohat tuwing ililipat ang Toldang Tipanan.

16 “Si Eleazar na anak ni Aaron ang mangangalaga sa langis para sa ilawan, sa insenso, sa karaniwang handog na pagkaing butil at sa langis na pantalaga. Siya rin ang mamamahala sa buong Toldang Tipanan at sa lahat ng kagamitan dito.”

17 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, 18 “Huwag ninyong pababayaang mapahamak ang sambahayan ni Kohat 19 sa paglapit nila sa mga ganap na sagradong kasangkapan. Para hindi sila mamatay, ituturo sa kanila ni Aaron at ng mga anak nito kung ano ang dapat nilang dalhin at kung ano ang dapat nilang gawin. 20 Ngunit huwag na huwag silang papasok upang tingnan kahit sandali lang ang mga sagradong bagay doon sapagkat tiyak na mamamatay sila sa sandaling gawin nila iyon.”

Tungkulin ng mga Levitang Mula sa Lahi ni Gershon

21 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 22 “Bilangin at ilista mo rin ang mga anak ni Gershon ayon sa kani-kanilang angkan at sambahayan, 23 at ilista mo ang lahat ng lalaking maaaring maglingkod sa Toldang Tipanan, mula sa edad na tatlumpu hanggang limampu. 24 Ito ang tungkuling ibibigay mo sa kanila: 25 Dadalhin nila ang mga balat na asul at ang balat na yari sa balahibo ng kambing, at mga mainam na balat na itinatakip sa Toldang Tipanan, at ang tabing sa pintuan nito; 26 ang mga tali at balat na nakatabing sa bulwagan sa paligid ng tabernakulo at ng altar, ang tabing sa pasukan ng bulwagan, at ang lahat ng kagamitang kasama nito. Sila rin ang gaganap ng lahat ng gawaing kaugnay ng mga bagay na ito. 27 Ang lahat ng gagawin ng sambahayan ni Gershon ay pamamahalaan ni Aaron at ng kanyang mga anak. Ikaw ang magtatakda ng dapat nilang gawin. 28 Ito ang magiging gawain ng mga anak ni Gershon sa pangangasiwa ni Itamar na anak ni Aaron.

Tungkulin ng mga Levitang Mula sa Lahi ni Merari

29 “Bilangin at ilista mo rin ang mga anak ni Merari ayon sa kani-kanilang angkan at sambahayan, 30 at ilista mo ang mga lalaking maaari nang maglingkod sa Toldang Tipanan, ang mga may edad mula sa tatlumpu hanggang limampung taon. 31 Ito naman ang dadalhin nila bilang paglilingkod sa Toldang Tipanan: ang mga haliging pahalang at patayo, mga patungan ng haligi, 32 ang mga haligi ng tabing sa paligid ng bulwagan, pati mga patungan niyon, mga tulos, mga tali at ang lahat ng kagamitang kasama ng mga ito. Sasabihin mo sa kanila kung anu-ano ang kanilang dadalhin. 33 Ito ang tungkulin ng mga anak ni Merari patungkol sa Toldang Tipanan. Gagawin nila ito sa pangangasiwa ni Itamar.”

Ang Talaan ng mga Levita

34 Ang mga anak ni Kohat ay inilista nga nina Moises at Aaron sa tulong ng mga pinuno ng Israel. 35 Ang nailista nila na makakapaglingkod sa Toldang Tipanan, mula sa tatlumpu hanggang limampung taon, 36 ayon sa kani-kanilang sambahayan ay umabot sa 2,750. 37 Ito ang bilang ng mga anak ni Kohat na naitala nina Moises at Aaron bilang pagsunod sa utos ni Yahweh. Ang mga ito ay tumulong sa paglilingkod sa Toldang Tipanan.

38-40 Ang bilang ng mga anak ni Gershon, ayon sa kanilang sambahayan, mula sa tatlumpung taon hanggang limampu, samakatuwid ay lahat ng maaaring makatulong sa mga gawain sa Toldang Tipanan ay 2,630. 41 Ito ang bilang ng mga anak ni Gershon na naitala nina Moises at Aaron bilang pagsunod sa utos ni Yahweh. Ang mga ito ay tumulong sa paglilingkod sa Toldang Tipanan.

42-44 Ang bilang naman ng mga anak ni Merari, ayon sa kanilang angkan at sambahayan, mula sa tatlumpu hanggang limampung taon, lahat ng maaaring makatulong sa gawain sa Toldang Tipanan ay 3,200. 45 Ito ang bilang ng mga anak ni Merari na nailista nina Moises at Aaron ayon sa kani-kanilang sambahayan, bilang pagsunod sa utos ni Yahweh.

46 Inilista nga nina Moises at Aaron sa tulong ng mga pinuno ng Israel ang lahat ng Levitang 47 makatutulong sa mga gawain sa Toldang Tipanan, samakatuwid ay may edad na tatlumpu hanggang limampung taon. 48 Ang kabuuang bilang nila'y umabot sa 8,580. 49 Ginawa ito ni Moises ayon sa utos ni Yahweh at sila'y inatasan niya ng kani-kanilang gawain.

Mga Awit 38

Panalangin ng Taong Nagdaranas ng Hirap

Awit ni David; inaawit tuwing mag-aalay ng handog pang-alaala.

38 Yahweh, huwag mo po akong kagalitan!
    O kung galit ka ma'y huwag pong parusahan.
Ang iyong palaso'y tumama sa akin;
    at iyong mga kamay, hinampas sa akin.

Ako'y nilalagnat dahil sa iyong galit;
    dahil sa sala ko, ako'y nagkasakit.
Ako'y nalulunod sa taglay kong sala, sa dinami-rami ay para nang baha;
    mabigat na lubha itong aking dala.

Malabis ang paglala nitong aking sugat,
    dahil ginawa ko ang hindi nararapat;
Wasak at kuba na ang aking katawan;
    sa buong maghapo'y puspos ng kalungkutan.
Dumapong lagnat ko'y apoy na sa init,
    lumulubhang lalo ang taglay kong sakit.
Ako'y nanghihina at nanlulupaypay,
    puso'y dumaraing sa sakit na taglay.

O Yahweh, hangad ko'y iyong nababatid;
    ang mga daing ko'y iyong dinirinig.
10 Ang aking puso ay mabilis ang tibok, ang taglay kong lakas, pumapanaw na halos;
    ningning ng mata ko'y pawa nang naubos.
11 Mga kaibiga't mga kapitbahay ay nagsisilayo, ayaw nang dumalaw
    dahil sa sugat ko sa aking katawan;
    lumalayo pati aking sambahayan.
12 Silang nagnanais na ako'y patayin, nag-umang ng bitag upang ako'y dakpin;
    ang may bantang ako'y saktan at wasakin,
    maghapon kung sila'y mag-abang sa akin.

13 Para akong bingi na di makarinig,
    at para ring pipi na di makaimik;
14 sa pagsasanggalang ay walang masabi,
    walang marinig katulad ng isang bingi.

15 Ngunit sa iyo, Yahweh, ako'y may tiwala,
    aking Diyos, ika'y tiyak na tutugon.
16 Aking panalangin, iyong pakinggan, itong mga hambog, huwag mong hayaan,
    sa aking kabiguan, sila'y magtawanan.
17 Sa pakiramdam ko, ako'y mabubuwal,
    mahapdi't makirot ang aking katawan.

18 Aking ihahayag ang kasalanan ko,
    mga kasalanang sa aki'y gumugulo.
19 Mga kaaway ko'y malakas, masigla;
    wala mang dahila'y namumuhi sila.
20 Ang ganting masama ang sukli sa akin,
    dahil sa hangad kong buhay ko'y tuwirin.

21 Yahweh, huwag akong iiwan;
    maawaing Diyos, huwag akong layuan;
22 aking Panginoon, aking kaligtasan, iyo ngang dalian, ako ay tulungan!

Awit ni Solomon 2

Isa lamang akong rosas na sa Saron ay naligaw
    sa libis nitong bundok, isang ligaw na halaman.

Mangingibig:

Katulad mo'y isang liryo sa gitna ng kasukalan,
    namumukod ka sa lahat, bukod-tangi, aking hirang.

Babae:

Sa gitna ng kagubatan katulad niya ay mansanas,
    sa lahat ng mga tao, siya'y walang makatulad;
ako'y laging nananabik sa lilim niya'y manatili,
    ang tamis ng bunga niya kung kanin ko'y anong sarap.
Nang ako ay kanyang dalhin sa sagana niyang hapag,
    sa piling niya'y nadama ko ang pag-ibig niyang tapat.
Ako'y kanyang pinakain ng sariwang mga ubas,
    at magiliw na binusog ng matamis na mansanas;
    dahil aking puso'y uhaw sa pagsinta mong wagas.
Ang kaliwa niyang bisig ang siya kong inuunan,
    habang ako'y hinahaplos ng kanan niyang kamay.
Ipangako n'yo sa akin, mga dalaga sa Jerusalem,
    sa ngalan ng mga usa't mga hayop na matutulin,
    ang aming paglalambingan ay di n'yo gagambalain.

Ang Ikalawang Awit

Babae:

Ang tinig ng aking mahal ay akin nang naririnig,
    mga gulod, tinatahak upang ako'y makaniig.
Itong aking mangingibig ay tulad ng isang usa,
    mabilis kung kumilos, ang katawan ay masigla.
Sa tabi ng aming pader, naroroon lagi siya,
    sumisilip sa bintana upang ako ay makita.
10 Ang mahal ko ay nangusap at ganito ang sinabi:

Mangingibig:

Sa akin ay sumama ka, halika na, aking mahal.
11 Lumipas na ang taglamig sa buong lupain
    at ang tag-ulan ay natapos na rin.
12 Bulaklak sa kaparangan tingna't namumukadkad,
    ito na nga ang panahon upang tayo ay magsaya,
    sa bukid, ang mga ibo'y masayang umaawit.
13 Ang mga puno ng igos, hinog na ang bunga,
    at ang mga punong ubas, sa bulaklak ay hitik na.
Tayo na nga aking mahal, sa akin ay sumama ka.
14 Ika'y parang kalapati, nagkukubli sa batuhan,
halika at ang ganda mo ay nais kong mapagmasdan,
    at nang akin ding marinig ang tinig mong ginintuan.

15 Asong-gubat ay hulihin, maninira ng ubasan,
    baka pumasok sa ating namumulaklak na ubasan.

Babae:

16 Mangingibig ko ay akin at ako nama'y kanya,
    sa gitna ng mga liryo, kumakain ang kawan niya.
17 Hanggang dilim ay maparam, ganito ang ginagawa,
    sa pag-ihip ng amihang umaga ang siyang badya.
Magbalik ka, aking sinta magmadali ka, aking mahal
    tulad ng pagtakbo ng usa sa kaburulan.[a]

Mga Hebreo 2

Ang Dakilang Kaligtasan

Kaya nga, dapat lalo nating panghawakang mabuti ang mga narinig natin upang hindi tayo maligaw. Ang mensaheng ipinahayag sa pamamagitan

ng mga anghel ay napatunayang totoo, at sinumang lumabag o hindi sumunod dito ay tumanggap ng kaukulang parusa. Gayundin naman, paano tayo makakaiwas sa parusa kung hindi natin pahahalagahan ang napakadakilang kaligtasang ito? Ang Panginoon ang unang nagpahayag ng kaligtasang ito, at ang mga nakarinig sa kanya ang nagpatunay sa atin na ito'y totoo. Pinatunayan din ito ng Diyos sa pamamagitan ng mga kahanga-hangang tanda at ng iba't ibang himala, at sa pamamagitan ng mga kaloob ng Espiritu Santo na ipinamahagi niya ayon sa kanyang sariling kalooban.

Ang Nagsagawa ng Pagliligtas sa Atin

Hindi sa mga anghel ipinamahala ng Diyos ang daigdig na kanyang lilikhain—ang daigdig na aming tinutukoy. Sa(A) halip ay ganito ang sinasabi ayon sa isang bahagi ng Kasulatan:

“Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan,
    o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?
Sandaling panahong siya'y ginawa mong mas mababa kaysa mga anghel,
    pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati, [ginawa mo siyang tagapamahala ng lahat ng iyong nilikha][a]
    at ipinasakop mo sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.”

Nang ipinasakop ng Diyos ang lahat ng bagay sa kapangyarihan ng tao,[b] walang bagay na di ipinailalim sa kanya. Sa kasalukuyan, hindi pa natin nakikitang napapailalim sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay. Subalit alam nating si Jesus, kahit na sa kaunting panaho'y ginawang mas mababa kaysa mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kaluwalhatian dahil sa pagdurusa niya sa kamatayan. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa atin, niloob niyang si Jesus ay makaranas ng kamatayan para sa lahat. 10 Sa pamamagitan ng kanyang pagdurusa, siya'y ginawang ganap ng Diyos at nang sa gayon ay makapagdala siya ng maraming anak patungo sa kaluwalhatian. Ito'y dapat lamang gawin ng Diyos na lumikha at nangangalaga sa lahat ng bagay, sapagkat si Jesus ang tagapanguna ng kanilang kaligtasan.

11 Si Jesus ang nagpapabanal sa mga tao. Ang kanyang Ama at ang Ama ng mga taong ito ay iisa, kaya't hindi niya ikinahihiyang tawagin silang mga kapatid. 12 Sinabi(B) niya sa Diyos,

“Ipapahayag ko sa aking mga kapatid ang iyong pangalan,
    sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.”

13 Sinabi(C) rin niya,

“Ako'y mananalig sa Diyos.”

At dugtong pa niya,

“Narito ako, at ang mga anak na kaloob sa akin ng Diyos.”

14 Dahil sa ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus at tulad nila'y may laman at dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay mawasak niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. 15 Sa pamamagitan din ng kanyang kamatayan ay pinalaya niya ang lahat ng tao na buong buhay nila'y inalipin ng takot sa kamatayan. 16 Hindi(D) ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, sa halip ay ang mga anak ni Abraham. 17 Kaya't kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Upang siya'y maging isang Pinakapunong Pari na mahabagin at tapat na naglilingkod sa Diyos at nag-aalay ng handog para mapatawad ang mga kasalanan ng tao. 18 At ngayo'y matutulungan niya ang mga tinutukso, sapagkat siya man ay tinukso at nagdusa.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.