Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Levitico 6

Sinabi(A) pa ni Yahweh kay Moises, “Nagkakasala ang sinumang magkaila tungkol sa isang bagay na inihabilin sa kanya, ang sumira sa kasunduan, ang magnakaw o magsamantala sa kapwa at ang mag-angkin ng isang bagay na napulot at manumpang iyon ay wala sa kanya. Babayaran niya ang kanyang ninakaw, o anumang napulot o inihabilin na inangkin niya. Ibabalik niya ang alin man sa mga ito at daragdagan pa niya ito ng ikalimang bahagi ng halaga niyon sa araw na maghandog siya para sa kasalanan. Ang iaalay naman niya bilang handog na pambayad sa kasalanan ay isang lalaking tupa na walang kapintasan. Itatakda mo ang halaga nito ayon sa sukatang itinakda ng santuwaryo. Ihahandog iyon ng pari at siya'y patatawarin sa alinmang pagkakasala niya.”

Mga Handog na Sinusunog nang Buo

Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak, ‘Ito ang tuntunin tungkol sa handog na sinusunog. Kailangang ilagay sa altar ang handog na sinusunog at doo'y hayaang magdamag na may apoy na nagniningas. 10 Magsusuot ng damit na lino at salawal na lino ang pari, at aalisin niya ang abo ng sinunog na handog at ilalagay sa tabi ng altar. 11 Pagkatapos, magpapalit siya ng kasuotan at dadalhin niya ang abo sa isang malinis na lugar sa labas ng kampo. 12 Ang apoy sa altar ay dapat panatilihing nagniningas; ito'y dapat gatungan tuwing umaga. Ihahanay sa ibabaw ng gatong ang handog na susunugin at ang tabang kinuha sa handog pangkapayapaan. 13 Hayaang laging may apoy sa altar at hindi ito dapat pabayaang mamatay.’”

Handog na Pagkaing Butil

14 “Ito naman ang tuntunin tungkol sa mga handog na pagkaing butil. Mga pari lamang ang maghahandog nito sa altar. 15 Dadakot ang pari ng harinang binuhusan ng langis at binudburan ng insenso at ito'y susunugin sa altar bilang handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh. 16 Ang natira ay magiging pagkain ng mga pari. 17 Lulutuin ito nang walang pampaalsa at doon nila kakainin sa isang banal na lugar, sa patyo ng Toldang Tipanan. Inilaan ko iyon para sa kanila bilang kaparte ng pagkaing handog sa akin. Iyo'y ganap na sagrado tulad ng handog para sa kapatawaran ng kasalanan at handog na pambayad sa kasalanan. 18 Lahat ng lalaki mula sa lahi ni Aaron ay maaaring kumain nito. Ito ay bahagi nila magpakailanman sa mga pagkaing handog sa akin. Anumang madampian nito ay ituturing na banal.”

19 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 20 “Ito ang handog na dadalhin sa akin nina Aaron at ng mga paring mula sa kanyang angkan sa araw ng pagtatalaga sa kanila: kalahating salop ng mainam na harinang panghandog. Ang kalahati nito'y ihahandog sa umaga at ang kalahati nama'y sa gabi. 21 Ito'y mamasahing mabuti sa langis at ipiprito sa kawali at pagpipira-pirasuhin. Pagkatapos, susunugin sa altar bilang mabangong samyong handog sa akin, gaya ng handog na pagkaing butil. 22 Ang paring mula sa angkan ni Aaron ang maghahandog nito sa akin; ito'y batas na dapat sundin magpakailanman. Ang handog na ito ay susunugin para sa akin. 23 Ang lahat ng pagkaing butil na handog ng pari ay lubusang susunugin, at hindi ito maaaring kainin.”

Mga Tuntunin tungkol sa Handog para sa Kapatawaran ng Kasalanan

24 Sinabi rin ni Yahweh kay Moises, 25 “Sabihin mo kay Aaron at sa mga paring mula sa kanyang angkan, ‘Ito naman ang tuntunin tungkol sa handog pangkasalanan. Ang handog pangkasalanan ay papatayin sa pinagpapatayan ng handog na susunugin. Ito'y ganap na sagrado. 26 Ang natirang hindi sinunog ay maaaring kainin ng paring naghandog nito. Ngunit kakainin niya ito sa isang banal na lugar, sa patyo ng Toldang Tipanan. 27 Ang anumang madampi sa laman niyon ay ituturing na banal. Ang damit na malagyan ng dugo nito ay lalabhan sa isang banal na lugar. 28 Ang palayok na pinaglutuan ng handog ay babasagin; ngunit kung ang pinaglutuan ay sisidlang tanso, ito'y kukuskusin at huhugasang mabuti. 29 Ang sinumang lalaking kabilang sa sambahayan ng pari ay maaaring kumain ng handog na ito; iyon ay ganap na sagrado. 30 Ngunit hindi maaaring kainin ang handog para sa kasalanan kung ang dugo nito ay dinala sa Toldang Tipanan upang doo'y gawing pantubos sa kasalanan. Ito ay dapat sunugin na lamang.’”

Mga Awit 5-6

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng plauta.

Pakinggan mo, Yahweh, ang aking pagdaing,
    ang aking panaghoy, sana'y bigyang pansin.
Aking Diyos at hari, karaingan ko'y pakinggan,
    sapagkat sa iyo lang ako nananawagan.
Sa kinaumagahan, O Yahweh, tinig ko'y iyong dinggin,
    at sa pagsikat ng araw, tugon mo'y hihintayin.

Ikaw ay Diyos na di nalulugod sa kasamaan,
    mga maling gawain, di mo pinapayagan.
Ang mga palalo'y di makakatagal sa iyong harapan,
    mga gumagawa ng kasamaa'y iyong kinasusuklaman.
Pinupuksa mo, Yahweh, ang mga sinungaling,
    galit ka sa mamamatay-tao, at mga mapanlamang.

Ngunit dahil sa iyong dakilang pagmamahal,
    makakapasok ako sa iyong tahanan;
ika'y sambahin ko sa Templo mong banal,
    luluhod ako tanda ng aking paggalang.
Patnubayan mo ako, Yahweh, sa iyong katuwiran,
    dahil napakarami ng sa aki'y humahadlang,
    landas mong matuwid sa aki'y ipaalam, upang ito'y aking laging masundan.

Ang(A) mga sinasabi ng mga kaaway ko'y kasinungalingan;
    saloobin nila'y pawang kabulukan;
parang bukás na libingan ang kanilang lalamunan,
    pananalita nila'y pawang panlilinlang.
10 O Diyos, sila sana'y iyong panagutin,
    sa sariling pakana, sila'y iyong pabagsakin;
sa dami ng pagkakasala nila, sila'y iyong itakwil,
    sapagkat mapaghimagsik sila at mga suwail.

11 Ngunit ang humihingi ng tulong sa iyo ay masisiyahan,
    at lagi silang aawit nang may kagalakan.
Ingatan mo ang mga sa iyo'y nagmamahal,
    upang magpatuloy silang ika'y papurihan.
12 Pinagpapala mo, O Yahweh, ang mga taong matuwid,
    at gaya ng kalasag, protektado sila ng iyong pag-ibig.

Panalangin sa Panahon ng Bagabag

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng instrumentong may kuwerdas; ayon sa Sheminit.[a]

O(B) Yahweh, huwag mo akong sumbatan nang dahil lamang sa galit,
    o kaya'y parusahan kapag ika'y nag-iinit.
Ubos na ang lakas ko, ako'y iyong kahabagan,
    pagalingin mo ako, mga buto ko'y nangangatal.
Ang aking kaluluwa'y lubha nang nahihirapan,
    O Yahweh, ito kaya'y hanggang kailan magtatagal?

Magbalik ka, O Yahweh, at buhay ko'y iligtas,
    hanguin mo ako ng pag-ibig mong wagas.
Kapag ako ay namatay, di na kita maaalala,
    sa daigdig ng mga patay, sinong sa iyo'y sasamba?

Pinanghihina ako nitong aking karamdaman;
    gabi-gabi'y basa sa luha itong aking higaan,
    binabaha na sa kaiiyak itong aking tulugan.
Mata ko'y namamaga dahil sa aking pagluha,
    halos di na makakita, mga kaaway ko ang may gawa.

Kayong(C) masasama, ako'y inyong layuan,
    pagkat dininig ni Yahweh ang aking karaingan.
Dinirinig ni Yahweh ang aking pagdaing,
    at sasagutin niya ang aking panalangin.
10 Ang mga kaaway ko'y daranas ng matinding takot at kahihiyan;
    sila'y aatras at sa biglang pagkalito'y magtatakbuhan.

Mga Kawikaan 21

21 Hawak ni Yahweh ang isip ng isang hari
    at naibabaling niya ito kung saan igawi.
Ang akala ng tao lahat ng kilos niya'y wasto,
    ngunit si Yahweh lang ang nakakasaliksik ng puso.
Higit na kalugud-lugod kay Yahweh kaysa mga handog
    ang mga gawang makatuwiran at makatarungan.
Ugaling mapangmata at pusong mapagyabang,
    ito ang siyang gabay ng mga makasalanan.
Ang mabuting pagbabalak ay pinapakinabangan,
    ngunit ang dalus-dalos na paggawa'y walang kahihinatnan.
Ang pagkakamal ng salapi dahil sa kadayaan
    ay maghahatid sa maagang kamatayan.
Ang masama'y ipinapahamak ng sariling karahasan,
    pagkat ayaw gawin ang talagang katuwiran.
Ang landas ng may sala ay paliku-liko,
    ngunit ang lakad ng matuwid ay laging wasto.
Masarap(A) pa ang tumira sa bubungan ng bahay
    kaysa sa loob ng bahay na ang kasama'y asawang madaldal.
10 Ang isip ng masama'y lagi sa kalikuan,
    kahit na kanino'y walang pakundangan.
11 Parusahan mo ang mangungutya at matututo ang mangmang,
    pagsabihan mo ang matino, lalong lalawak ang kanyang kaalaman.
12 Alam ng Diyos ang nangyayari sa loob ng bahay ng masama,
    at siya'y gumagawa ng paraan upang sila'y mapariwara.
13 Ang hindi pumapansin sa daing ng mahirap,
    daraing din balang araw ngunit walang lilingap.
14 Kung ang kapwa mo ay may hinanakit,
    regaluhan mo nang palihim, mawawala ang galit.
15 Kapag umiiral ang katarungan, natutuwa ang matuwid,
    ngunit nalulungkot ang masama at may likong pag-iisip.
16 Ang lumilihis sa daan ng kaalaman
    ay hahantong sa kamatayan.
17 Ang taong maluho at mahilig sa alak ay di yayaman,
    bagkus sa hirap siya'y masasadlak.
18 Ang masamang balak sa taong matuwid
    ay babalik sa liko ang pag-iisip.
19 Mas mabuti ang mag-isang manirahan sa ilang
    kaysa makisama sa asawang madaldal at palaaway.
20 Ang bahay ng matalino'y napupuno ng kayamanan,
    ngunit lahat ay winawaldas ng taong mangmang.
21 Ang lumalakad sa daan ng katuwiran at katapatan
    ay nagkakamit ng buhay at karangalan.
22 Ang matalinong pinuno ay makakapasok sa lunsod na may mga bantay,
    at kanyang maiguguho ang inaasahan nilang muog na matibay.
23 Ang pumipigil sa kanyang dila
    ay umiiwas sa masama.
24 Ang taong makasarili ay palalo at mapang-api.
25 Gutom ang papatay sa taong batugan,
    pagkat ayaw niyang ikilos ang kanyang mga kamay.
26 Ang taong tamad ay nanghihingi araw-araw,
    ngunit ang matuwid ay di nagsasawa ng kabibigay.
27 Ang(B) handog ng masama ay kasuklam-suklam sa Diyos,
    lalo't ang layunin nito ay di kalugud-lugod.
28 Ang patotoo ng sinungaling ay di papakinggan,
    ngunit ang salita ng tapat ay pahahalagahan.
29 Alam ng matuwid ang kanyang hinaharap,
    di tulad ng masama, nagkukunwa, nagpapanggap.
30 Ang kaalaman ng tao, unawa o karunungan
    ay di makatutulong kung si Yahweh ay kalaban.
31 Ang kabayo'y naihahanda para sa digmaan,
    ngunit tanging si Yahweh ang nagbibigay ng tagumpay.

Colosas 4

Mga(A) amo, maging mabuti kayo at makatarungan sa mga naglilingkod sa inyo. Alalahanin ninyong kayo man ay may Panginoon sa langit.

Mga Tagubilin

Maging matiyaga kayo sa pananalangin, laging handa at nagpapasalamat sa Diyos. Idalangin ninyo sa Diyos na bigyan kami ng pagkakataon na maipangaral ang kanyang salita at maipahayag ang hiwaga ni Cristo, ang sanhi ng pagkabilanggo ko ngayon. Ipanalangin din ninyong maipahayag ko ito nang buong linaw, gaya ng nararapat.

Maging(B) matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi nananampalataya at samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon. Sikapin(C) ninyong laging maging kaaya-aya at kapaki-pakinabang ang inyong pananalita sa kanila, at matuto kayong sumagot nang tama sa lahat ng tao.

Pangwakas na Pagbati

Si(D)(E) Tiquico ang magbabalita sa inyo tungkol sa kalagayan ko rito. Siya ay minamahal naming kapatid, tapat na lingkod at kamanggagawa sa Panginoon. Pinapunta ko siya riyan para malaman ninyo ang aming kalagayan, nang sa gayon ay lumakas ang inyong loob. Kasama(F) niya ang tapat at minamahal nating kapatid na si Onesimo, na kasamahan ninyo. Sila ang magbabalita sa inyo ng lahat ng nangyari dito.

10 Kinukumusta(G) kayo ni Aristarco, na bilanggo ring kasama ko, at ni Marcos na pinsan ni Bernabe. Tungkol naman kay Marcos, mayroon nang bilin sa inyo na malugod ninyo siyang tanggapin pagdating niya riyan. 11 Kinukumusta rin kayo ni Jesus na kilala rin sa pangalang Justo. Silang tatlo lamang ang mga mananampalatayang Judio na kasama ko rito sa pangangaral tungkol sa kaharian ng Diyos, at sila'y malaking tulong sa akin.

12 Kinukumusta(H) rin kayo ng kasamahan ninyong si Epafras, na lingkod ni Cristo Jesus. Lagi niyang idinadalangin nang buong taimtim na kayo'y maging matatag, ganap, at lubos na panatag sa kalooban ng Diyos. 13 Saksi ako sa pagsisikap niya para sa inyo at sa mga nasa Laodicea at Hierapolis. 14 Nangungumusta(I) rin sa inyo si Demas at ang minamahal nating manggagamot na si Lucas.

15 Ikumusta ninyo ako sa mga kapatid sa Laodicea, gayundin kay Nimfa at sa iglesyang nagtitipon sa kanyang bahay. 16 Pagkabasa ninyo ng sulat na ito, ipabasa rin ninyo ito sa iglesya sa Laodicea. Basahin din ninyo ang sulat kong manggagaling doon. 17 At(J) pakisabi ninyo kay Arquipo na tapusin ang gawaing tinanggap niya sa Panginoon.

18 Ako mismong si Pablo ang sumusulat ng pagbating ito. Huwag ninyong kalimutan na ako'y nakabilanggo.

Sumainyo nawa ang kagandahang-loob ng Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.