Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Levitico 18

Mga Bawal na Pagtatalik

18 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Ito ang sabihin mo sa mga Israelita: ‘Ako si Yahweh ang inyong Diyos. Huwag ninyong gagayahin ang mga kaugalian sa Egipto na inyong pinanggalingan o ang mga kaugalian sa Canaan na pagdadalhan ko sa inyo. Ang sundin ninyo'y ang mga kautusan at tuntuning ibinigay ko sa inyo. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos. Ang(A) sinumang tutupad ng aking mga kautusan at tuntunin ay mabubuhay; ako si Yahweh.’

“Huwag kayong makipagtalik sa malapit na kamag-anak. Ako si Yahweh. Huwag kayong makipagtalik sa inyong ina, iyan ay kahihiyan sa inyong ama. Hindi ninyo dapat halayin ang inyong ina. Huwag(B) kayong makipagtalik sa ibang asawa ng inyong ama, inilalagay ninyo sa kahihiyan ang inyong sariling ama. Huwag(C) kayong makipagtalik sa inyong kapatid na babae, maging siya'y anak ng inyong ama o ng inyong ina, ipinanganak man siya sa inyong lupain o sa ibang bayan. 10 Huwag kayong makipagtalik sa inyong apo, maging sa anak ninyong lalaki o babae; iyan ay kahihiyan sa inyo. 11 Huwag kayong makipagtalik sa anak ng inyong ama sa ibang babae, sapagkat siya'y kapatid din ninyo. 12 Huwag(D) kayong makipagtalik sa kapatid na babae ng inyong ama, siya'y kadugo ng inyong ama. 13 Huwag kayong makipagtalik sa kapatid na babae ng inyong ina, siya'y kadugo ng inyong ina. 14 Huwag kayong makipagtalik sa asawa ng inyong tiyo, tiya mo na rin siya. 15 Huwag(E) kayong makipagtalik sa inyong manugang na babae; siya'y asawa ng inyong anak na lalaki. Hindi ninyo dapat ilagay sa kahihiyan ang inyong sariling anak. 16 Huwag(F) kayong makipagtalik sa inyong hipag; taglay niya ang kapurihan ng inyong kapatid. 17 Huwag(G) kayong makipagtalik sa anak o sa apong babae ng isang babaing nakatalik ninyo noon. Maaaring ang mga iyon ay kamag-anak ninyo, at iyan ay kahalayan. 18 Hindi ninyo maaaring maging asawa ang inyong hipag kung buháy pa ang inyong asawa. Inilalagay ninyo sa kahihiyan ang iyong asawa na kanyang kapatid.

19 “Huwag(H) kayong makipagtalik sa isang babae habang siya'y may regla sapagkat siya'y marumi. 20 Huwag(I) ninyong durungisan ang inyong sarili sa pakikiapid sa asawa ng iba. 21 Huwag(J) ninyong ibibigay ang alinman sa inyong mga anak upang sunugin bilang handog kay Molec sapagkat ito'y paglapastangan sa pangalan ng inyong Diyos. Ako si Yahweh. 22 Huwag(K) kayong makipagtalik sa kapwa ninyo lalaki; iyan ay karumal-dumal. 23 Huwag(L) kayong makipagtalik sa alinmang hayop sapagkat durungisan ninyo ang inyong sarili kung gagawin ninyo ito. Hindi rin dapat pasiping ang sinumang babae sa anumang hayop; ito ay kasuklam-suklam.

24 “Huwag ninyong durungisan ang inyong sarili sa alinman sa mga gawaing ito. Ganyan ang ginawa ng mga bansang nauna sa inyo, kaya ko sila sinumpa. 25 Pati ang lupain nila'y naging kasuklam-suklam, kaya pinarusahan ko at itinakwil ang mga mamamayan doon. 26 Kaya dapat ninyong sundin ang aking mga utos at tuntunin, at iwasan ninyo ang lahat ng gawaing ipinagbabawal ko, maging Israelita o dayuhan man kayo. 27 Ang mga taong nauna sa inyo rito ay namuhay sa ganoong karumal-dumal na gawain kaya naging kasumpa-sumpa ang kanilang lupain. 28 Kapag sila'y inyong tinularan, palalayasin din kayo sa lupaing ito, tulad ng nangyari sa kanila. 29 Sapagkat ang sinumang gumawa ng alinmang karumal-dumal na gawaing ito ay dapat itiwalag sa sambayanan.

30 “Sundin ninyo ang ipinag-uutos ko at huwag ninyong gagayahin ang mga kasuklam-suklam na kaugalian nila upang hindi kayo maging maruming tulad nila. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.”

Mga Awit 22

Panambitan at Awit ng Papuri

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Isang Usa sa Bukang-Liwayway”.

22 O(A) Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan?
    Sumisigaw ako ng saklolo, ngunit bakit di mo ako tinutulungan?
Araw-gabi'y tumatawag ako sa iyo, O Diyos,
    di ako mapanatag, di ka man lang sumasagot.
Ngunit ikaw ang Banal na pinaparangalan,
    at sa Israel ikaw ay pinapupurihan.
Ang mga ninuno nami'y nagtiwala sa iyo,
    sa iyo umasa kaya sila'y iniligtas mo.
Tumawag sila sa iyo at sa panganib ay nakawala,
    nagtiwala sila sa iyo at di naman sila napahiya.

Ngunit ako'y parang uod at hindi na isang tao,
    hinahamak at pinagtatawanan ng kahit na sino!
Pinagtatawanan(B) ako ng bawat makakita sa akin,
    inilalabas ang kanilang dila at sila'y pailing-iling.
Sabi(C) nila, “Nagtiwala siya kay Yahweh; hayaang iligtas siya nito.
Kung talagang mahal siya nito,
    darating ang kanyang saklolo!”

Noong ako ay iluwal, ikaw, O Diyos, ang patnubay,
    magmula sa pagkabata, ako'y iyong iningatan.
10 Mula nang ako'y isilang, sa iyo na umaasa,
    mula nang ipanganak, ikaw lang ang Diyos na kilala.
11 Huwag mo akong lilisanin, huwag mo akong iiwanan,
    pagkat walang sasaklolo sa papalapit na kapahamakan.

12 Akala mo'y mga toro, ang nakapaligid na kalaban,
    mababangis na hayop na galing pa sa Bashan.
13 Bibig nila'y nakabuka, parang mga leong gutom,
    umuungal at sa aki'y nakahandang lumamon.

14 Parang natapong tubig, nawalan ako ng lakas,
    ang mga buto ko'y parang nagkalinsad-linsad;
pinagharian ang dibdib ko ng matinding takot,
    parang kandila ang puso ko, natutunaw, nauubos!
15 Itong aking lalamuna'y tuyong abo ang kagaya,
    ang dila ko'y dumidikit sa aking ngalangala,
sa alabok, iniwan mo ako na halos patay na.

16 Isang pangkat ng salarin, sa aki'y nakapaligid,
    para akong nasa gitna ng mga asong ganid;
    mga kamay at paa ko'y kanilang pinupunit.
17 Kitang-kita ang lahat ng aking mga buto,
    tinitingnan at nilalait ng mga kaaway ko.
18 Mga(D) damit ko'y kanilang pinagsugalan,
    at mga saplot ko'y pinaghati-hatian.

19 O Yahweh, huwag mo sana akong layuan!
    Ako ay tulungan at agad na saklolohan!
20 Iligtas mo ako sa talim ng tabak,
    at sa mga asong sa aki'y gustong kumagat.
21 Sa bibig ng mga leon ako'y iyong hanguin,
    sa sungay ng mga toro ako ay iyong sagipin.
    O Yahweh, panalangin ko sana'y dinggin.
22 Mga(E) ginawa mo'y ihahayag ko sa aking mga kababayan,
    sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.
23 Kayong lingkod ni Yahweh, siya'y inyong purihin!
    Kayong lahi ni Jacob, siya'y inyong dakilain,
    bayan ng Israel, luwalhatiin siya't sambahin!
24 Mga dukha'y di niya pinababayaan at hinahamak,
    hindi siya umiiwas sa humihingi ng paglingap;
    sinasagot niya agad ang mga kapus-palad.

25 Ginawa mo'y pupurihin sa dakilang kapulungan,
    sa harap ng masunurin, mga lingkod mong hinirang,
    ang panata kong handog ay doon ko iaalay.
26 Ang naghihikahos ay sasagana sa pagkain,
    mga lumalapit kay Yahweh, siya'y pupurihin.
Maging sagana nawa sila at laging pagpalain!

27 Mga bansa sa lupa'y kay Yahweh magsisibaling,
    lahat ng mga lahi'y maaalala siya't sasambahin.
28 Kay Yahweh nauukol ang pamamahala,
    naghahari siya sa lahat ng mga bansa.

29 Magsisiluhod lahat ang palalo't mayayabang,
    yuyuko sa harap niya, mga taong hahatulan.
30 Mga susunod na salinlahi'y maglilingkod sa kanya,
    ang tungkol sa Panginoon ay ipahahayag nila.
31 Maging ang mga di pa isinisilang ay babalitaan,
    “Iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan.”

Mangangaral 1

Walang Kabuluhan ang Lahat

Ito ang mga katuruan ng Mangangaral, ang anak ni David na hari ng Israel.

“Napakawalang kabuluhan![a] Napakawalang kabuluhan;[b] lahat ay walang kabuluhan,”[c] sabi ng Mangangaral. Nagpapakapagod ka nang husto sa pagtatrabaho sa mundong ito.

Ngunit para saan ba ang mga pagpapagod na ito? Patuloy(A) ang pagpapalit-palit ng mga lahi ngunit hindi nagbabago ang daigdig. Ang araw ay patuloy sa pagsikat at patuloy sa paglubog; pabalik-balik lang sa pinanggalingan. Ang hangin ay umiihip patungong timog, papuntang hilaga, buong araw na paikut-ikot. Lahat ng tubig ay umuuwi sa dagat ngunit hindi ito napupuno. Ang tubig ay bumabalik sa batis na pinagmulan upang muling umagos patungong karagatan. Ang lahat ng bagay ay nakababagot, hindi makayanang ipaliwanag. Walang sawa ang paningin ng tao; walang tigil ang kanyang pakinig. Ang naganap noon ay nangyayari rin ngayon. Ang mga nagawa noon ay nagagawa rin ngayon; walang bagong pangyayari sa mundong ito. 10 Ang sabi ng iba, “Halikayo! Ito'y bago.” Ngunit naganap na iyon noong di pa tayo tao. 11 Hindi na maalala ang mga nauna. At ang nangyayari ngayon ay malilimutan din sa hinaharap.

Ang Karanasan ng Mangangaral

12 Ako, ang Mangangaral, ay naging hari ng Israel. 13 Siniyasat ko at pinag-aralang mabuti ang lahat ng bagay sa buong mundo. At nakita kong ang tao'y itinalaga ng Diyos sa matinding paghihirap. 14 Nakita kong ang lahat ng gawa ng tao sa mundong ito ay walang kabuluhan;[d] ito'y tulad lang ng paghahabol sa hangin. 15 Hindi na maitutuwid ang baluktot at hindi na maibibilang ang wala.

16 Sinabi(B) ko sa aking sarili, “Ang karunungan ko'y higit sa sinundan kong mga hari ng Jerusalem. Alam ko kung ano ang tunay na karunungan at kaalaman.” 17 Pinag-aralan kong mabuti ang pagkakaiba ng karunungan at ng kamangmangan, ng katalinuhan at ng kabaliwan. Ngunit napatunayan kong ito rin ay tulad lang ng paghahabol sa hangin. 18 Habang lumalawak ang karunungan ay dumarami ang alalahanin, at habang dumarami ang nalalaman ay lalong tumitindi ang kapighatian.

1 Timoteo 3

Ang mga Tagapangasiwa sa Iglesya

Totoo ang pahayag na ito: Ang sinumang nagnanais na maging tagapangasiwa[a] sa iglesya ay naghahangad ng mabuting gawain. Kaya(A) nga, ang isang tagapangasiwa ay kailangang walang kapintasan; isa lamang ang asawa,[b] matino ang pag-iisip, marunong magpigil sa sarili, kagalang-galang, bukás ang tahanan sa iba, at may kakayahang magturo. Dapat hindi siya lasenggo, hindi marahas kundi mahinahon; hindi mahilig makipag-away at hindi maibigin sa salapi. Dapat mahusay siyang mamahala sa sariling pamilya, iginagalang at sinusunod ng kanyang mga anak. Sapagkat paano siyang makakapangasiwa nang maayos sa iglesya ng Diyos kung hindi niya mapamahalaan ang sarili niyang pamilya? Hindi siya dapat isang baguhang mananampalataya; baka siya'y maging palalo at mahatulan na gaya ng diyablo. Bukod dito, kailangang mabuti ang pagkakilala sa kanya ng mga hindi sumasampalataya upang hindi siya mapintasan at hindi mahulog sa bitag ng diyablo.

Ang mga Tagapaglingkod sa Iglesya

Ang mga tagapaglingkod[c] naman ay dapat ding maging kagalang-galang, tapat mangusap, hindi lasenggo at hindi sakim sa salapi. Kailangang sila'y tapat sa pananampalataya na ating ipinapahayag, at may malinis na budhi. 10 Kailangang subukin muna sila, at kung mapatunayang sila'y karapat-dapat, saka sila gawing mga tagapaglingkod.

11 Gayundin naman, ang kanilang mga asawa[d] ay dapat maging kagalang-galang, hindi mapanirang-puri, mapagtimpi at tapat sa lahat ng mga bagay.

12 Ang mga tagapaglingkod sa iglesya ay dapat isa lamang ang asawa[e] at maayos mangasiwa sa kanilang mga anak at sambahayan. 13 Ang mga tagapaglingkod na tapat sa tungkulin ay nagkakamit ng paggalang ng mga tao at nagkakaroon ng malaking tiwala dahil sa pananampalataya kay Cristo Jesus.

Ang Hiwaga ng Ating Relihiyon

14 Umaasa akong magkikita tayo sa lalong madaling panahon, ngunit isinulat ko ang mga ito 15 upang kung hindi man ako makarating agad ay malaman mo kung ano ang dapat na maging ugali ng mga tao sa sambahayan ng Diyos na buháy, sa iglesya na haligi at saligan ng katotohanan. 16 Hindi maikakaila na napakadakila ng hiwaga ng ating relihiyon:

Siya'y[f] nahayag sa anyong tao,
    pinatunayang matuwid ng Espiritu,[g] at nakita ng mga anghel.
Ipinangaral sa mga bansa,
    pinaniwalaan sa sanlibutan, at itinaas sa kaluwalhatian.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.