Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Levitico 27

Mga Batas tungkol sa mga Kaloob kay Yahweh

27 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita: Kung may mamanata kay Yahweh na maghandog ng tao, iyon ay tutubusin nang ganito: Kung anak na lalaki, mula sa dalawampu hanggang animnapung taóng gulang, ito ay susuriin upang palitan o tubusin sa halagang limampung pirasong pilak ayon sa timbangan sa santuwaryo at tatlumpung pirasong pilak naman kung babae. Mula sa lima hanggang dalawampung taon, dalawampung pirasong pilak kung lalaki at sampung pirasong pilak naman kung babae. Kapag isang buwan hanggang limang taon, limang pirasong pilak kung lalaki at tatlong pirasong pilak naman kung babae. Kung mahigit nang animnapung taon, labinlimang pirasong pilak kung lalaki at sampung pirasong pilak naman kung babae.

“Kung walang maitutubos dahil sa kahirapan, ang taong iyo'y ihaharap sa pari at siya ang magpapasya kung magkano ang itutubos ayon sa kakayahan ng may panata.

“Kung ang panatang handog ay hayop, dapat itong ilaan kay Yahweh. 10 Hindi ito maaaring palitan. Kapag pilit na pinalitan, ang papalitan at ipapalit ay parehong ilalaan kay Yahweh. 11 Kung ang ipinangakong hayop ay hindi karapat-dapat ihandog kay Yahweh, dadalhin iyon sa pari. 12 Hahalagahan niya ito, anuman ang uri ng hayop at hindi matatawaran ang halagang ipinasya ng pari. 13 Kung tutubusin ang hayop, magdaragdag kayo ng halaga ng ikalimang bahagi ng halaga ng hayop.

14 “Kung bahay naman ang ipinangako, hahalagahan ito ng pari ayon sa uri at kayarian, at ang kanyang itinakdang halaga ay hindi matatawaran. 15 Kung ang bahay ay gustong tubusin ng naghandog, babayaran niya ito na may dagdag na ikalimang bahagi ng halaga niyon, at mababalik sa kanya ang bahay.

16 “Kung isang bahagi ng lupang minana ang ipinangako, ang itutubos ay batay sa dami ng maaani doon: limampung pirasong pilak sa bawat malaking sisidlan[a] ng sebada. 17 Kung ang paghahandog ay ginawa sa simula ng Taon ng Paglaya, babayaran ito nang buo upang matubos. 18 Ngunit kung ito'y ginawa matapos ang Taon ng Paglaya, ang itutubos ay ibabatay sa dami ng taon bago dumating ang susunod na pagdiriwang; babawasin ang halaga ng nakalipas na taon. 19 Kung ang lupa ay nais tubusin ng naghandog, babayaran niya ang takdang halaga maliban pa sa dagdag na ikalimang bahagi ng halagang iyon. 20 Kung hindi pa niya ito natutubos at ipinagbili sa iba, kailanma'y hindi na niya matutubos iyon. 21 Pagdating ng Taon ng Paglaya, ituturing na nakalaan kay Yahweh ang lupaing iyon at ito'y ibibigay sa pangangalaga ng mga pari.

22 “Kung ang ipinangako naman ay ang lupang binili at hindi minana, 23 hahalagahan iyon ng pari ayon sa dami ng taon bago dumating ang Taon ng Paglaya. Sa araw ring iyon, ibibigay ng nangako ang pantubos bilang handog kay Yahweh. 24 Pagdating ng Taon ng Paglaya, mababalik ang lupang ito sa dating may-ari o sa kanyang tagapagmana. 25 Ang halaga ng pantubos ay batay sa timbangan ng santuwaryo. Bawat pirasong pilak ay katumbas ng labindalawang gramo.

26 “Hindi maaaring maipanata kay Yahweh ang panganay na hayop, maging baka o tupa sapagkat iyon ay sadyang para kay Yahweh. 27 Ngunit kung iyon ay hayop na hindi karapat-dapat ihandog kay Yahweh, tutubusin ito ng may-ari sa takdang halaga maliban pa sa dagdag na ikalimang bahagi ng halaga niyon. Kung hindi matubos, ipagbibili ito sa takdang halaga.

28 “Lahat(A) ng lubos na naialay kay Yahweh, maging tao, hayop, o minanang lupa, ay hindi na maaaring tubusin o ipagbili sapagkat iyon ay ganap na sagrado sa kanya. 29 Hindi na maaaring tubusin ang mga taong lubos na naialay kay Yahweh. Kailangan silang patayin.

30 “Lahat(B) ng ikasampung bahagi, maging binhi o bunga ng pananim ay nakalaan kay Yahweh. 31 Kung may nais tumubos sa alinman sa kanyang ikasampung bahagi, babayaran niya ito ayon sa itinakdang halaga nito maliban pa sa dagdag na ikalimang bahagi ng halagang iyon. 32 Isa sa bawat sampung alagang hayop ay nakalaan para kay Yahweh. Ang bawat ikasampung tupa o baka na mabibilang ay para kay Yahweh. 33 Hindi iyon dapat suriin ng may-ari kung masama o hindi. Hindi rin iyon maaaring palitan, at kung ito'y mapalitan man, ang ipinalit at pinalitan ay parehong ilalaan kay Yahweh; hindi na matutubos ang mga ito.”

34 Ito ang mga tuntunin na ibinigay ni Yahweh kay Moises sa Bundok ng Sinai para sa sambayanang Israel.

Mga Awit 34

Pagpuri Dahil sa Kabutihan ng Diyos

Katha(A) ni David nang siya'y palayasin ni Abimelec matapos magkunwang nasisiraan siya ng bait.

34 Sa lahat ng pagkakataon si Yahweh ay aking pupurihin;
    pagpupuri ko sa kanya'y hindi ko papatigilin.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
    kayong naaapi, makinig, matuwa!
Ang kadakilaan niya ay ihayag,
    at ang ngalan niya'y purihin ng lahat!

Ang aking dalangi'y dininig ng Diyos,
    inalis niya sa akin ang lahat kong takot.
Nagalak ang aping umasa sa kanya,
    pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
    sila'y iniligtas sa hirap at dusa.
Anghel ang siyang bantay sa may takot sa Diyos,
    sa mga panganib, sila'y kinukupkop.

Tingnan(B) mo at lasapin ang kabutihan ni Yahweh;
    mapalad ang mga taong nananalig sa kanya.
Matakot kay Yahweh, kayo na kanyang bayan,
    nang makamtan ninyo ang lahat ng bagay.
10 Kahit mga leon ay nagugutom din, sila'y nagkukulang sa hustong pagkain;
    ngunit ang sinumang kay Yahweh ay sumunod, mabubuting bagay, sa kanya'y di mauudlot.
11 Lapit, ako'y dinggin mga kaibigan,
    at kayo ngayo'y aking tuturuan na si Yahweh ay dapat sundi't igalang.
12 Sinong(C) may gusto ng mahabang buhay;
    sinong may nais ng masaganang buhay?
13 Dila mo'y pigilan sa paghabi ng kasamaan.
14 Mabuti ang gawi't masama'y layuan
    pagsikapang kamtin ang kapayapaan.

15 Mga mata ni Yahweh, sa mat'wid nakatuon,
    sa kanilang pagdaing, lagi siyang tumutugon.
16 Sa mga masasama, siya'y tumatalikod,
    at sa alaala, sila'y mawawala.
17 Agad dinirinig daing ng matuwid;
    inililigtas sila sa mga panganib.
18 Tinutulungan niya, mga nagdurusa
    at di binibigo ang walang pag-asa.

19 Ang taong matuwid, may suliranin man,
    sa tulong ni Yahweh, agad maiibsan.
20 Kukupkupin(D) siya nang lubus-lubusan,
    kahit isang buto'y hindi mababali.
21 Ngunit ang masama, ay kasamaan din
    sa taglay na buhay ang siyang kikitil.

22 Mga lingkod niya'y kanyang ililigtas,
    sa nagpapasakop, siya ang mag-iingat!

Mangangaral 10

10 Ang isang boteng pabango ay mapababaho ng isang patay na langaw. Ang bahagyang kamangmangan ay nakakasira sa karunungan at karangalan.

Ang matalino'y inaakay ng kanyang isipan tungo sa kabutihan. Ngunit ang mangmang ay hinihila ng kanyang damdamin tungo sa kasamaan. Maging sa paglalakad ng mangmang ay nahahalata ang kanyang kahangalan. Nakikilala ng lahat na siya ay mangmang.

Kung ang pinuno mo'y magalit sa iyo, huwag kang magbibitiw sa iyong tungkulin, sapagkat maging ang malaking pagkakamali ay mapapatawad kung ikaw ay magiging mahinahon.

Ito pa ang isang di-makatuwirang nangyayari sa buong mundo, na may kinalaman sa pamumuno: Ang mga mangmang ay inilalagay sa matataas na tungkulin ngunit ang mayaman ay sa mababang uri ng gawain. Nakakita ako ng mga aliping nakasakay sa kabayo samantalang ang mga pinuno ay naglalakad.

Ang(A) nag-uumang ng bitag ay siya ring mahuhuli roon; ang lumulusot sa mga pader ay matutuklaw ng ahas. Ang nagtitibag ng bato ay malamang na mabagsakan nito. Ang nagpuputol ng troso ay nanganganib na madaganan niyon. 10 Ang palakol ay pumupurol kapag hindi hinahasa. Ang mahusay na plano ay nakakatulong nang malaki sa pagtatagumpay. 11 Walang kabuluhan ang kapangyarihan ng nagpapaamo ng ahas kung hindi gagamitin sa pagsaway nito. 12 Ang mga salita ng matalino ay nag-aani ng karangalan, ngunit napapahamak ang mangmang dahil sa kanyang mga salita. 13 Ang pangungusap ng mangmang ay nag-uumpisa sa kamangmangan, hanggang matapos, ito pa ri'y kamangmangan. 14 Ang mangmang ay walang tigil sa pagyayabang. Ngunit sinong makakapagsabi ng susunod na pangyayari at ng magaganap kapag siya ay patay na?

15 Ang pagpapagod ng mangmang ang nagpapahina sa kanya, at hindi man lamang niya alam ang daan papunta sa bayan niya.

16 Kawawa ang lupain na ang hari'y isip bata, at ang mga pinuno'y mahilig sa handaan. 17 Ngunit mapalad ang lupain na may haring matino at may mga pinunong nakakaalam kung kailan dapat magdiwang.

18 Kung pabaya ang may-ari, ang bubong ay masisira; kung siya ay tamad, mawawasak ang buong bahay.

19 Ang pagkain ay nagdudulot ng kasiyahan, at nagpapasaya sa buhay ang inumin. Ito'y mabibiling lahat ng salapi.

20 Ni sa isip ay huwag susumpain ang inyong hari, ni sa pag-iisa'y huwag hamakin ang mayayaman pagkat may pakpak ang balita at may tainga ang lupa.

Tito 2

Ang Wastong Pamumuhay

Kaya naman ituro mo ang mga bagay na angkop sa wastong aral. Sabihin mo sa mga nakatatandang lalaki na sila'y maging mapagpigil sa sarili, marangal, makatuwiran, at matatag sa pananampalataya, sa pag-ibig at pagtitiis. Sabihin mo sa mga nakatatandang babae na sila'y mamuhay nang may kabanalan, huwag maninirang-puri, at huwag malululong sa alak, kundi magturo ng mabuti, upang maakay nila ang mga kabataang babae na mahalin ang kanilang mga asawa at mga anak. Ang mga kabataang ito'y kailangan ding turuan na maging makatuwiran, malinis ang isipan, masipag sa gawaing bahay, mabait, at masunurin sa kanilang asawa upang walang masabi ang sinuman laban sa salita ng Diyos nang dahil sa kanila.

Turuan mo rin ang mga kabataang lalaki na maging mapagpigil sa sarili. Sa lahat ng paraan, maging halimbawa ka ng mabuting ugali at maging tapat ka at kagalang-galang sa iyong pagtuturo. Nararapat na pananalita ang lagi mong gamitin upang hindi mapintasan ninuman ang mga sinasabi mo. Sa gayon, mapapahiya ang ating mga kalaban sapagkat wala silang masasabing masama laban sa atin.

Turuan mo ang mga alipin na maging masunurin at kalugud-lugod sa kanilang mga amo. Hindi nila dapat sagut-sagutin ang mga ito, 10 ni kupitan man. Dapat silang maging tapat sa lahat ng pagkakataon, upang maipakita nila sa lahat nilang ginagawa ang kagandahan ng katuruan ng Diyos na ating Tagapagligtas.

11 Sapagkat nahayag na ang kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. 12 Ito ang nagtuturo sa atin na talikuran ang makamundong pamumuhay at damdaming makalaman, at mamuhay tayo sa daigdig na ito nang may pagpipigil sa sarili, matuwid at karapat-dapat sa Diyos 13 habang hinihintay natin ang pinagpalang araw na ating inaasahan. Ito ang araw na mahahayag ang kaluwalhatian ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, 14 na naghandog(A) ng kanyang sarili upang palayain tayo sa lahat ng kasamaan at linisin tayo upang maging kanyang sariling bayan na masigasig sa paggawa ng mabuti.

15 Ipahayag mo ang lahat ng ito, at gamitin mo ang iyong buong kapangyarihan sa pagpapalakas ng loob at pagsaway sa iyong mga tagapakinig. Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.