M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pagtatalaga sa mga Pari(A)
8 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Isama mo sa harap ng Toldang Tipanan si Aaron at ang kanyang mga anak na lalaki. Dalhin mo ang kanilang kasuotan at ang langis na pantalaga. Dalhin na rin ninyo ang torong panghandog sa kasalanan, dalawang lalaking tupa at isang basket ng tinapay na walang pampaalsa 3 at tipunin mo roon ang buong bayan.”
4 Sinunod naman ni Moises ang utos sa kanya ni Yahweh. Nang ang buong kapulungan ay nagkatipon na, 5 sinabi ni Moises sa sambayanan na ang gagawin nila'y utos ni Yahweh.
6 Isinama muna ni Moises si Aaron at ang kanyang mga anak at sila'y pinaliguan ayon sa rituwal. 7 Pagkatapos, isinuot niya kay Aaron ang mahabang panloob na kasuotan at ang damit bago ang efod, at inilagay sa kanyang baywang ang pamigkis. Isinuot din niya sa kanya ang efod, at pinagkabit ito sa pamamagitan ng isa pang pamigkis sa kanyang baywang. 8 Pagkatapos, ipinatong ang pektoral na kinalalagyan ng Urim at Tumim. 9 Sinuotan ng turbante at sa noo nila ay ikinabit ang palamuting ginto na may tanda ng kabanalan, ayon sa iniutos ni Yahweh.
10 Pagkatapos nito, kinuha ni Moises ang langis na pantalaga, pinahiran ang Toldang Tipanan at lahat ng naroon, bilang tanda na ang mga ito'y nakalaan lamang kay Yahweh. 11 Gayundin ang ginawa niya sa altar at sa mga kagamitang naroon, pati na ang palangganang hugasan at ang patungan nito; pitong beses niyang winisikan ng langis ang mga ito. 12 Binuhusan niya ng langis ang ulo ni Aaron upang ilaan siya kay Yahweh. 13 Matapos italaga si Aaron, pinalapit naman ni Moises ang mga anak ni Aaron at sinuotan ng mahabang panloob na kasuotan, binigkisan sa baywang, at nilagyan ng turbante, gaya ng iniutos ni Yahweh.
14 Pagkatapos, ipinakuha ni Moises ang torong handog para sa kapatawaran ng kasalanan at ipinatong ni Aaron at ng kanyang mga anak na lalaki ang kanilang mga kamay sa ulo ng torong ihahandog. 15 Pinatay niya ito, kumuha ng kaunting dugo at sa pamamagitan ng kanyang daliri ay pinahiran ang mga sungay ng altar upang ito'y gawing malinis. Ang natirang dugo ay ibinuhos sa paanan ng altar bilang pagtatalaga at pagtubos. 16 Kinuha ni Moises ang taba ng laman-loob, ang ibabang bahagi ng atay, ang dalawang bato pati ang taba nito at kanyang sinunog sa altar. 17 Ang balat, laman at dumi nito ay sinunog naman niya sa labas ng kampo, gaya ng iniutos sa kanya ni Yahweh.
18 Pagkatapos, kinuha ni Moises ang lalaking tupa na iaalay bilang handog na susunugin. Ipinatong din ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo nito bago niya ito pinatay. 19 Ibinuhos ni Moises ang dugo nito sa palibot ng altar. 20 Kinatay niya ang tupa at sinunog ang ulo't mga pira-pirasong laman pati taba nito. 21 Hinugasan niya ang laman-loob at mga hita nito, at sinunog lahat sa altar bilang handog na susunugin, gaya ng utos sa kanya ni Yahweh. Ang usok nito'y naging mabangong samyo kay Yahweh.
22 Pagkatapos, kinuha niya ang isa pang lalaking tupa na handog naman para sa pagtatalaga. Ipinatong din ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo nito. 23 Pinatay ni Moises ang hayop at ang kaunting dugo nito'y ipinahid niya sa lambi ng kanang tainga ni Aaron at sa kanang hinlalaki ng kamay at paa nito. 24 Tinawag ni Moises ang mga anak ni Aaron at pinahiran din niya ng dugo ang lambi ng mga kanang tainga at ang hinlalaki ng mga kanang kamay at paa ng mga ito. Ibinuhos niya ang natirang dugo sa mga gilid ng altar. 25 Pagkatapos kinuha niya ang taba ng buntot, ang tabang bumabalot sa laman-loob, ang ibabang bahagi ng atay, ang dalawang bato pati taba nito at ang kanang hita ng tupa. 26 Sa basket na nasa altar ay dumampot siya ng isang tinapay, isang tinapay na hinaluan ng langis, isang tinapay na manipis, at ipinatong ang mga ito sa taba at kanang hita ng pinatay na tupa. Ang mga tinapay na ito'y walang pampaalsa. 27 Pinahawakan niya ito kina Aaron at sa kanyang mga anak at inialay nila ito bilang natatanging handog kay Yahweh. 28 Pagkatapos, ipinatong ito ni Moises sa handog na susunuging nasa altar, saka sinunog bilang handog para sa pagtatalaga. Ito'y handog na pagkain at ang halimuyak nito'y naging mabangong samyo kay Yahweh. 29 Kinuha ni Moises ang parteng dibdib ng tupa at inialay bilang natatanging handog kay Yahweh; ito ang kanyang bahagi sa tupang handog na pantalaga gaya ng iniutos sa kanya ni Yahweh.
30 Kumuha siya ng langis na pantalaga at kaunting dugong nasa altar at winisikan si Aaron at ang kanyang mga anak, pati ang mga kasuotan nila. Ganito sila itinalaga kay Yahweh pati ang kanilang mga kasuotan.
31 Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron at sa kanyang mga anak, “Dalhin ninyo ang laman ng karne sa may pintuan ng Toldang Tipanan, ilaga ninyo ito at kainin kasama ang tinapay na nasa basket na ginagamit sa mga handog sa pagtatalaga, gaya ng ipinag-uutos ni Yahweh. 32 Ang matira ay inyong susunugin. 33 Huwag kayong aalis doon sa loob ng pitong araw hangga't hindi natatapos ang pagtatalaga sa inyo. 34 Ito ang iniutos ni Yahweh para sa araw na ito upang kayo'y matubos sa inyong kasalanan. 35 Sa loob ng pitong araw, araw-gabi kayong magbabantay sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Ito ang utos ni Yahweh. Kailangang sundin ninyo ito upang hindi kayo mamatay.” 36 Sinunod nina Aaron at ng kanyang mga anak ang lahat ng iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.
Pasasalamat sa Diyos Dahil sa Kanyang Katarungan
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng Muth-labben.[a]
9 Pupurihin kita, Yahweh, nang buong puso ko,
mga kahanga-hangang ginawa mo'y ipahahayag ko.
2 Dahil sa iyo, ako ay aawit na may kagalakan,
pupurihin kita, O Diyos na Kataas-taasan.
3 Makita ka lang ay umuurong na ang aking mga kaaway,
sila'y nabubuwal at namamatay sa iyong harapan.
4 Patas at makatarungan ka sa iyong paghatol,
matuwid kong panig ay iyong ipinagtanggol.
5 Binalaan mo ang mga bansa, nilipol ang masasama;
binura mo silang lahat sa balat ng lupa.
6 Ang mga kalaban nami'y naglaho nang lubusan,
ang kanilang mga lunsod, iyo nang winakasan,
at sa aming alaala'y nalimot nang tuluyan.
7 Ngunit si Yahweh ay naghaharing walang putol,
itinatag niya ang kanyang trono para sa paghahatol.
8 Pinapamahalaan niya ang daigdig ayon sa katuwiran,
hinahatulan niya ang mga bansa ayon sa katarungan.
9 Si Yahweh ang takbuhan ng mga pinahihirapan,
matibay na kanlungan sa oras ng kaguluhan.
10 Nananalig sa iyo, Yahweh, ang kumikilala sa iyong pangalan,
dahil wala pang lumapit sa iyo na iyong tinanggihan.
11 Kay Yahweh na hari ng Zion ay umawit tayo ng papuri,
sa lahat ng bansa ang ginawa niya'y ipagbunyi!
12 Inaalala ng Diyos ang mga nahihirapan,
mga karaingan nila'y di niya nakakalimutan.
13 O(A) Yahweh, ako sana'y iyong kahabagan,
masdan ang pahirap na dinaranas ko mula sa kaaway!
Iligtas mo ako sa bingit ng kamatayan,
14 upang sa harapan ng Lunsod ng Zion, aking isalaysay.
Dahil sa iyong pagliligtas, papuri ko'y ibibigay.
15 Nahulog ang mga bansa, sa patibong na gawa nila;
sa bitag para sa akin, ang nahuli ay sila!
16 Sa matuwid niyang hatol si Yahweh ay nagpakilala,
at ang masasama'y nahuhuli sa mga bitag na gawa nila. (Higgaion,[b] Selah[c])
17 Sa daigdig ng mga patay doon sila matatapos,
pati ang lahat ng bansang nagtakwil sa Diyos.
18 Hindi habang panahong pababayaan ang dukha;
hindi na rin mawawala, pag-asa ng maralita.
19 Huwag mong tulutan, Yahweh, na labanan ka ng mga tao!
Tipunin mong lahat ang mga bansa at sila'y hatulan mo.
20 Takutin mo, O Yahweh, ang lahat ng bayan,
at iyong ipabatid na sila'y tao lamang. (Selah)[d]
-6-
23 Kung ikaw ay kasalo ng may mataas na katungkulan, huwag mong kalilimutan kung sino ang iyong kaharap. 2 Kung ikaw man ay matakaw, pigilan mo ang iyong sarili. 3 Huwag mong nasain ang pagkain ng hari, baka iyon ay pain lang sa iyo.
-7-
4 Huwag mong pagurin ang sarili sa pagpapayaman; pag-aralan mong umiwas doon. 5 Sapagkat madaling mawala ang kayamanan, ito'y simbilis ng agila sa paglipad sa kalawakan.
-8-
6 Huwag kang makikikain sa taong kuripot, ni nanasain man ang masasarap niyang pagkain. 7 Sapagkat iyon ay maninikit sa iyong lalamunan. Aanyayahan ka nga niyang kumain at uminom, ngunit hindi bukal sa kalooban. 8 Isusuka mo rin ang lahat ng iyong kinain at masasayang lang ang maganda mong sasabihin.
-9-
9 Ingatan mo ang iyong dila sa harap ng mga mangmang, hindi nila mauunawaan kahit gaano kaganda ang sabihin mo.
-10-
10 Huwag mong babaguhin ang hangganang matagal nang nakalagay, ni sasakupin ang lupa ng mga ulila. 11 Sapagkat ang Tagapagtanggol nila ay makapangyarihan, at siya ang iyong makakalaban.
-11-
12 Huwag kang hihiwalay sa mabubuting aral, at pakinggan mong mabuti ang salita ng karunungan.
-12-
13 Disiplinahin mo ang bata. Ang wastong pagpalo ay hindi niya ikamamatay. 14 Inililigtas mo pa siya mula sa daigdig ng mga patay.
-13-
15 Anak, matutuwa ako kung magiging matalino ka. 16 Makadarama ako ng pagmamalaki kung ang mga salita mo ay may karunungan.
-14-
17 Huwag kang maiinggit sa mga makasalanan, sa halip, si Yahweh ay laging igalang at sundin. 18 Kung magkagayon ay gaganda ang iyong kinabukasan.
-15-
19 Anak, maging matalino ka at pag-isipan mong mabuti ang iyong buhay. 20 Huwag kang makikisama sa mga lasenggo at sa masiba sa pagkain. 21 Pagkat sila'y masasadlak sa kahirapan, at darating ang panahong magdadamit ng basahan.
-16-
22 Pakinggan mo ang iyong ama na pinagkakautangan mo ng buhay, at huwag hahamakin ang iyong ina kapag siya'y matanda na.
23 Hanapin mo ang katotohanan, karunungan at unawa. Pahalagahan mo ang mga ito at huwag pababayaang mawala.
24 Ang ama ng taong matuwid ay puno ng kagalakan. Ipinagmamalaki ng ama ang anak na matalino.
25 Sikapin mong ikaw ay maging karapat-dapat ipagmalaki ng iyong mga magulang at madudulutan mo ng kaligayahan ang iyong ina.
-17-
26 Anak, makinig kang mabuti sa akin at tularan mo ang aking pamumuhay. 27 Ang masasamang babae at di-tapat na asawa ay mapanganib na patibong, tiyak na mamamatay ang mahulog doon. 28 Siya'y laging nakaabang tulad ng magnanakaw, at sinumang maakit niya ay natututong magtaksil.
-18-
29 Sino ang may kalungkutan at may malaking panghihinayang? Sino ang may kaaway at kabalisahan? Sino ang nasusugatan nang di nalalaman? At sino ang may matang pinamumulahan? 30 Sino pa kundi ang sugapa sa alak, at ang nagpapakalango sa masarap na inumin. 31 Huwag mong tutunggain ang matapang na alak kahit ito'y katakam-takam, 32 sapagkat kinaumagahan ay daig mo pa ang tinuklaw ng ahas na makamandag. 33 Kung anu-ano ang iyong sasabihin, at hindi ka makapag-isip nang mabuti. 34 Ang makakatulad mo'y nasa gitna ng dagat at hinahampas ng malalaking alon. Pasuray-suray kang maglalakad 35 at sasabihin mo, “Ano sa akin kung ako'y mahandusay? Mabulagta man ako, ayos lang iyan! Pagbangon ko, iinom muli ako.”
Ang Paglilingkod ni Pablo sa Tesalonica
2 Mga kapatid, kayo na rin ang nakakaalam na hindi nawalan ng kabuluhan ang pagpunta namin sa inyo. 2 Alam(A) ninyong hinamak kami't inalipusta sa Filipos, ngunit sa kabila ng maraming hadlang, binigyan kami ng Diyos ng lakas ng loob na ipahayag sa inyo ang Magandang Balita. 3 Ang pangangaral namin ay hindi batay sa kamalian, o sa masamang layunin, o sa hangad na manlinlang. 4 Sapagkat minarapat ng Diyos na ipagkatiwala sa amin ang Magandang Balita, nangangaral kami, hindi upang bigyang-kasiyahan ang tao, kundi ang Diyos na sumisiyasat ng ating puso. 5 Alam ninyo na ang aming pangangaral ay hindi sa pamamagitan ng matatamis na pangungusap, o ng mga salitang nagkukubli ng kasakiman. Saksi namin ang Diyos. 6 Hindi kami naghangad ng papuri ninyo o ninuman 7 kahit bilang mga apostol ni Cristo ay may karapatan kaming humingi ng anuman mula sa inyo. Sa halip ay naging magiliw kami sa inyo, tulad ng inang mapagkalinga sa kanyang mga anak. 8 Dahil sa laki ng aming pagmamahal sa inyo, hindi lamang kami handang ibahagi sa inyo ang Magandang Balita, kundi maging ang aming buhay. 9 Mga kapatid, tiyak na natatandaan pa ninyo kung paano kami nagtrabaho at nagsikap araw-gabi para hindi kami makabigat kaninuman habang ipinapahayag namin sa inyo ang Magandang Balitang mula sa Diyos.
10 Saksi ang Diyos at saksi rin namin kayo, kung paanong naging dalisay, matuwid, at walang kapintasan ang aming pakikitungo sa inyo na mga sumasampalataya. 11 Tulad ng alam ninyo, kami'y naging parang ama sa bawat isa sa inyo. 12 Pinayuhan namin kayo, pinalakas namin ang inyong loob, at inatasan na mamuhay nang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos na tumawag sa inyo upang mapabilang sa kanyang kaharian at kaluwalhatian.
13 Kaya nga, palagi kaming nagpapasalamat sa Diyos, sapagkat nang ipangaral namin sa inyo ang kanyang salita, hindi ninyo ito tinanggap bilang salita ng tao, kundi bilang tunay na salita ng Diyos, at ang bisa nito'y nakikita sa buhay ninyo na mga sumasampalataya. 14 Mga(B) kapatid, ang nangyari sa inyo ay tulad ng nangyari sa mga iglesya ng Diyos sa Judea, sa mga nananalig kay Cristo Jesus. Inuusig kayo ng inyong mga kababayan, tulad din ng mga taga-Judea na inusig ng kapwa nila Judio. 15 Ang(C) mga Judiong ito ang pumatay sa Panginoong Jesus at sa mga propeta. Sila rin ang umuusig sa amin. Nagagalit sa kanila ang Diyos at kaaway sila ng lahat ng tao! 16 Ang aming pangangaral sa mga Hentil upang ang mga ito'y maligtas ay kanilang hinahadlangan. Umabot na sa sukdulan ang kanilang kasamaan, kaya't ngayon ay bumagsak na ang poot ng Diyos sa kanila.
Ang Hangad ni Pablo na Dalawin Silang Muli
17 At ngayon, mga kapatid, nang kami'y sandaling napahiwalay sa inyo, hindi sa alaala kundi sa paningin, labis kaming nangulila. Kaya't sabik na sabik na kaming makita kayong muli 18 at nais naming makabalik diyan. Ako mismong si Pablo ay makailang ulit na nagbalak dumalaw sa inyo, ngunit lagi kaming hinahadlangan ni Satanas. 19 Hindi ba't kayo ang aming pag-asa, kaligayahan, at ang koronang maipagmamalaki namin sa harap ng Panginoong Jesus pagparito niya? 20 Oo, kayo ang aming karangalan at kaligayahan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.