Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Bilang 2

Ang Kampo at ang Pinuno ng Bawat Lipi

Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron: Ang mga Israelita'y magtatayo ng kanilang tolda sa paligid ng Toldang Tipanan sa labas ng hanay ng mga Levita, at bawat angkan ay sama-sama sa ilalim ng kanilang watawat.

3-8 Sa gawing silangan magkakampo ang pangkat ng mga lipi ni Juda, Isacar, at Zebulun:

LipiPinunoBilang
JudaNaason na anak ni Aminadab74,600
IsacarNathanael na anak ni Zuar54,400
ZebulunEliab na anak ni Helon57,400

Ang kabuuan ng pangkat na ito ay 186,400. Sila ang mauuna sa bawat paglakad.

10-15 Sa gawing timog naman magkakampo ang pangkat ng mga lipi nina Ruben, Simeon, at Gad:

LipiPinunoBilang
RubenElizur na anak ni Sedeur46,500
SimeonSelumiel na anak ni Zurisadai59,300
GadEliasaf na anak ni Deuel45,650

16 Ang kabuuan ng pangkat na ito ay 151,450. Ang pangkat na ito ang susunod sa pangkat na pangungunahan ng lipi ni Juda.

17 Maging sa paglilipat ng Toldang Tipanan, ang pangkat ng mga Levita ay mananatili sa gitna ng ibang mga pangkat. Sa pagpapatuloy ng paglalakbay, mananatili ang bawat pangkat sa dating ayos sa ilalim ng kani-kanilang watawat.

18-23 Sa gawing kanluran naman magkakampo ang pangkat ng mga lipi nina Efraim, Manases, at Benjamin:

LipiPinunoBilang
EfraimElisama na anak ni Amiud40,500
ManasesGamaliel na anak ni Pedazur32,200
BenjaminAbidan na anak ni Gideoni35,400

24 Ang kabuuan ng pangkat na ito ay 108,100. Sila ang pangatlo sa hanay.

25-30 At sa gawing hilaga naman magkakampo ang pangkat ng mga lipi nina Dan, Asher, at Neftali:

LipiPinunoBilang
DanAhiezer na anak ni Amisadai62,700
AsherPagiel na anak ni Ocran41,500
NeftaliAhira na anak ni Enan53,400

31 Ang pangkat na ito ay umaabot sa 157,600. Sila ang kahuli-hulihan sa hanay ng mga kawal. 32 Iyon ang bilang ng mga Israelita ayon sa kani-kanilang lipi. Lahat-lahat ay umabot sa 603,550. 33 Hindi kabilang dito ang mga Levita tulad ng ipinagbilin ni Yahweh kay Moises na huwag isasama sa sensus ang mga ito.

34 Ang lahat ay ginawa ng mga Israelita ayon sa utos ni Yahweh. Nagtayo sila ng tolda sa ilalim ng kani-kanilang watawat, at pangkat-pangkat na nagpatuloy sa paglalakbay.

Mga Awit 36

Ang Kasamaan ng Tao

Katha ni David, na lingkod ni Yahweh, upang awitin ng Punong Mang-aawit.

36 Kasalana'y(A) nangungusap sa puso ng masasama, sa kaibuturan ng puso doon ito nagwiwika;
    tumatanggi sa Diyos at ni takot ito'y wala.
Ang palagay sa sarili, siya'y isang dakila na;
    ang akala'y hindi batid ni Yahweh ang kanyang sala, kaya't kanyang iniisip, hindi siya magdurusa.
Kung mangusap ay masama at ubod nang sinungaling;
    dahop na ang karunungan sa paggawa ng magaling.
Masama ang binabalak samantalang nahihimlay,
    masama rin ang ugali,
    at isa pang kasamaa'y ang laging inaakap ay gawaing mahahalay.

Ang Kabutihan ng Diyos

Ang wagas na pag-ibig mo, O Yahweh, ay walang hanggan,
    at ang iyong katapatan ay abot sa kalangitan.
Matuwid at matatag ka na tulad ng kabundukan;
    ang matuwid na hatol mo'y sinlalim ng karagatan;
ang lahat ng mga tao't mga hayop na nilalang, sa tuwina'y kinukupkop ng mapagpala mong kamay.

O Diyos, ang iyong pag-ibig mahalaga at matatag,
    ang kalinga'y nadarama sa lilim ng iyong pakpak.
Sa pagkain ay sagana sa sarili mong tahanan;
    doon sila umiinom sa batis ng kabutihan.
Sa iyo rin nagmumula silang lahat na may buhay,
    ang liwanag na taglay mo ang sa amin ay umaakay.

10 Patuloy mong kalingain ang sa iyo'y umiibig,
    patuloy mong pagpalain ang may buhay na matuwid.
11 Ang palalo'y huwag tulutan na ako ay salakayin,
    o ang mga masasamang gusto akong palayasin.

12 Lahat silang masasama'y masdan ninyo at nagupo!
    Sa kanilang binagsakan, hindi sila makatayo.

Mangangaral 12

12 Alalahanin mo ang iyong Manlilikha sa panahon ng iyong kabataan bago dumating ang mga araw at taon na puno ng kaguluhan, panahong hindi mo na madama ang tamis ng mabuhay. Alalahanin mo ang Diyos bago makubli ang sikat ng araw, bago magdilim ang buwan at mga bituin, bago ka matabunan ng makapal at madilim na ulap. Alalahanin mo siya bago humina ang iyong katawan, bago manghina ang iyong mga bisig, bago mawalan ng lakas ang iyong mga tuhod. Alalahanin mo siya bago mabungi ang iyong mga ngipin at bago lumabo ang iyong mga mata. Alalahanin mo nga siya bago dumating ang panahon na sarado na ang mga pintuan at tumigil na ang tunog ng gilingan; bago dumating ang panahon na madali kang magising sa himig ng mga ibon, o ang tunog ng awitin ay tuluyan ng tumigil.[a] Alalahanin mo siya bago dumating ang panahong katatakutan mong umakyat sa mataas na lugar, bago dumating ang panahong di ka na makalakad na mag-isa, bago pumuti ang iyong buhok, at lipasan ng pagnanasang sumiping sa minamahal.

Darating ang araw na tayo'y pupunta sa huli nating hantungan at marami ang tatangis sa lansangan. Darating ang araw na malalagot ang tanikalang pilak na nagdadala sa ilawang ginto; babagsak ito at madudurog. Darating din ang araw na malalagot ang tali ng timba at ito'y babagsak at masisira. Alalahanin mo siya bago manumbalik sa alabok ang ating katawang lupa at ang ating hininga ay magbalik sa Diyos na may bigay nito. “Napakawalang kabuluhan![b] Lahat ay napakawalang kabuluhan,” sabi ng Mangangaral.

Lahat ng nalalaman ng Mangangaral ay itinuro niya sa mga tao. Pinag-aralan niyang mabuti ang mga kasabihan at sinubok kung ito'y totoo. 10 Pinipili niya ang mga salitang magdudulot ng kasiyahan at isinusulat ang katotohanan.

11 Ang mga salita ng matalino ay matulis na tulad ng tungkod na pantaboy ng kawan, tulad ng matulis na pakong nakabaon pagkat buhat sa tanging pastol nating lahat. 12 Anak ko, mag-ingat ka sa mga bagay na wala rito. Hindi matitigil ang paggawa ng iba't ibang aklat, at ang labis na pag-aaral ay pahirap sa katawan.

13 Sa kabila ng lahat ng ito, isa lamang ang aking masasabi: Matakot ka sa Diyos at sundin mo ang kanyang mga utos sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao. 14 Lahat ng gawin natin, hayag man o lihim, mabuti o masama ay ipagsusulit natin sa Diyos.

Filemon

Mula kay Pablo, isang bilanggo dahil kay Cristo Jesus, at mula kay Timoteo na ating kapatid—

Para kay Filemon, ang minamahal naming kamanggagawa, at(A) para sa iglesyang nagtitipon sa iyong bahay; kay Apia na aming[a] kapatid na babae at kay Arquipo na kapwa naming[b] kawal sa Panginoon.

Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Pag-ibig at Pananampalataya ni Filemon

Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos tuwing isinasama kita sa aking pananalangin sapagkat nababalitaan ko ang pag-ibig na ipinapakita mo sa lahat ng hinirang ng Diyos, at gayundin ang iyong pananampalataya sa Panginoong Jesus. Idinadalangin kong ang pagkakabuklod natin sa isang pananampalataya ay magbunga ng mas malalim na pagkaunawa sa mga kabutihang dulot ng ating pakikipag-isa kay Cristo. Kapatid, ang pagmamahal mo ay nagdulot sa akin ng malaking katuwaan at kaaliwan sapagkat dahil sa iyo ay sumigla ang kalooban ng mga hinirang ng Diyos.

Kahilingan para kay Onesimo

Kaya nga, bagaman bilang kapatid mo kay Cristo ay malakas ang loob kong iutos sana sa iyo ang nararapat gawin, mas minabuti kong makiusap sa iyo sa ngalan ng pag-ibig. Akong si Pablo, na sugo ni Cristo Jesus at ngayo'y nakabilanggo dahil sa kanya,[c] 10 ay(B) nakikiusap sa iyo para kay Onesimo na aking anak sa pananampalataya. Ako'y naging isang ama sa kanya habang ako'y nakabilanggo. 11 Dati, hindi mo mapakinabangan si Onesimo,[d] ngunit ngayo'y kapaki-pakinabang siya sa ating dalawa.

12 Pinababalik ko na siya sa iyo, kasama ang aking puso. 13 Nais ko sanang manatili siya sa aking piling upang siya ang maglingkod sa akin habang ako'y nakabilanggo dahil sa Magandang Balita, at sa gayon ay para na ring ikaw ang kasama ko rito. 14 Ngunit ayokong gawin iyon nang wala kang pahintulot upang maging kusa ang iyong pagtulong sa akin, at hindi sapilitan.

15 Marahil, nalayo sa iyo si Onesimo nang kaunting panahon upang sa pagbabalik niya'y makasama mo siya habang panahon, 16 hindi lamang bilang isang alipin kundi bilang isang minamahal na kapatid. Napamahal na siya sa akin, at lalo siyang mapapamahal sa iyo, ngayong hindi mo lamang siya alipin, kundi isa nang kapatid sa Panginoon!

17 Kaya't kung kinikilala mo akong tunay na kasama, tanggapin mo siya tulad ng pagtanggap mo sa akin. 18 Kung siya ma'y nagkasala o nagkautang sa iyo, sa akin mo na ito singilin. 19 Akong si Pablo ang siyang sumusulat nito: AKO ANG MAGBABAYAD SA IYO. Hindi ko na dapat banggitin pa na utang mo sa akin ang iyong sarili. 20 Ipinapakiusap ko lamang sa iyo, alang-alang sa Panginoon, ipagkaloob mo na sa akin ito. Pasayahin mo ako bilang kapatid kay Cristo.

21 Lubos akong naniniwala na gagawin mo ang hinihiling ko sa sulat na ito, at maaaring higit pa rito. 22 Ipaghanda mo rin ako ng matutuluyan sapagkat umaasa akong loloobin ng Diyos na ako'y makabalik diyan, gaya ng inyong idinadalangin.

Pangwakas na Pagbati

23 Kinukumusta(C) ka ni Epafras na kasama kong nakabilanggo dahil kay Cristo Jesus. 24 Kinukumusta(D) ka rin nina Marcos, Aristarco, Demas, at Lucas, na mga kasama ko sa gawain.

25 Nawa'y sumainyo ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.