Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Levitico 10

Ang Kasalanan nina Nadab at Abihu

10 Ang dalawang anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu ay kumuha ng sunugan ng insenso, nilagyan nila ito ng apoy at nagsunog ng insenso at humarap kay Yahweh. Ngunit gumamit sila ng apoy na hindi nararapat, sapagkat hindi ito iyong iniutos sa kanila ni Yahweh. Kaya't mula kay Yahweh ay lumabas ang apoy at tinupok sila. Sinabi ni Moises kay Aaron, “Ito ang kahulugan ng sinabi ni Yahweh: ‘Dapat akong kilalaning banal ng sinumang lumalapit sa akin at dapat akong parangalan sa harapan ng mga tao.’” Hindi nakaimik si Aaron.

Kaya't ipinatawag ni Moises sina Misael at Elzafan, mga anak ni Uziel na tiyo ni Aaron at sinabi sa kanila, “Alisin ninyo sa harap ng santuwaryo ang bangkay ng inyong mga pinsan at ilabas ninyo sa kampo.” Lumapit ang dalawa at inilabas nga nila ang mga bangkay na suot pa rin ang kanilang mahabang panloob na kasuotan.

Sinabi ni Moises kay Aaron at sa dalawang anak nitong sina Eleazar at Itamar, “Huwag ninyong guluhin ang inyong buhok ni punitin man ang inyong damit bilang pagluluksa dahil sa nangyari kung ayaw ninyong mamatay at magalit ang Diyos sa mga tao. Ngunit sila'y maaaring ipagluksa ng bayan dahil sa kanilang sinapit. Huwag kayong lalayo sa pintuan ng Toldang Tipanan sapagkat kayo ay itinalaga na ng langis ni Yahweh. Baka kayo ay mamatay kapag di kayo sumunod.” At sinunod naman nila ang iniutos ni Moises.

Mga Tuntunin tungkol sa Pagkain ng mga Pari

Sinabi ni Yahweh kay Aaron, “Kung ikaw at ang iyong mga anak ay pupunta sa Toldang Tipanan, huwag kayong iinom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Mamamatay kayo kapag ginawa ninyo iyon. Ito ay tuntunin na dapat tuparin ng lahat ng inyong salinlahi. 10 Dapat ninyong malaman kung alin ang sagrado o hindi at kung alin ang malinis o marumi. 11 Ang lahat ng iniuutos ko kay Moises ay dapat ninyong ituro sa sambayanang Israel.”

12 Sinabi(A) ni Moises kay Aaron at sa dalawa pang anak niyang natitira, sina Eleazar at Itamar, “Kunin ninyo ang natira sa handog na pagkaing butil kay Yahweh at gawing tinapay na walang pampaalsa. Kakainin ninyo ito sa tabi ng altar sapagkat ito'y ganap na sagrado. 13 Kakainin ninyo ito sa isang banal na lugar sapagkat ito ang bahaging para sa inyo at sa inyong mga anak na lalaki mula sa pagkaing inihandog kay Yahweh. Ito ang iniutos niya sa akin. 14 Ngunit(B) ang dibdib at hita ng handog na susunugin ay para sa iyo at sa iyong mga anak na lalaki at babae. Kakainin ninyo iyon sa isang sagradong lugar ayon sa tuntunin sapagkat iyo'y kaloob sa inyo bilang bahagi mula sa handog pangkapayapaan ng mga Israelita. 15 Ang dibdib at ang hitang binanggit ay dadalhin nila sa altar kasama ng mga tabang susunugin at iaalay bilang natatanging handog kay Yahweh. Pagkatapos, ito'y ibibigay sa inyo. Ang tuntunin na ito ay panghabang panahon, ayon sa utos ni Yahweh.”

16 Nang siyasatin ni Moises ang tungkol sa kambing na inihandog para sa kapatawaran ng kasalanan, natuklasan niyang iyo'y nasunog na. Nagalit siya kina Eleazar at Itamar at ang sabi, 17 “Bakit(C) hindi ninyo kinain sa banal na lugar ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan? Hindi ba ninyo alam na ganap na sagrado iyon at ibinigay sa inyo para kumatawan kayo sa buong bayan ng Israel sa harapan ni Yahweh upang sila'y patawarin niya sa kanilang kasalanan? 18 Sapagkat ang dugo niyon ay hindi dinala sa loob ng santuwaryo, dapat sana'y kinain ninyo roon ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan, gaya ng ipinag-utos ko.”

19 Ngunit sumagot si Aaron, “Sa araw na ito'y naghain sila ng handog para sa kapatawaran ng kasalanan at handog na susunugin, ngunit ito pa ang aking sinapit. Kung ako ba'y kumain ngayon ng handog para sa kasalanan, ako ba'y magiging karapat-dapat sa paningin ni Yahweh?” 20 Sumang-ayon si Moises sa mga sinabing ito ni Aaron.

Mga Awit 11-12

Pagtitiwala kay Yahweh

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

11 Kay Yahweh ko isinalig ang aking kaligtasan,
    kaya't ang ganito'y huwag sabihin ninuman:
“Lumipad kang tulad ng ibon patungo sa kabundukan,
    sapagkat ang pana ng masasama ay laging nakaumang,
    upang tudlain ang taong matuwid mula sa kadiliman.
Ang mabuting tao'y mayroon bang magagawa,
    kapag ang mga pundasyon ng buhay ay nasira?”

Si Yahweh ay naroon sa kanyang banal na Templo,
    doon sa kalangitan, nakaupo sa kanyang trono,
at buhat doo'y pinagmamasdan ang lahat ng tao,
    walang maitatagong anuman sa gawa ng mga ito.
Ang mabuti at masama ay kanyang sinusuri;
    sa taong suwail siya'y lubos na namumuhi.
Pinauulanan niya ng apoy at asupre ang masasamang tao;
    at sa mainit na hangin sila'y kanyang pinapaso.
Si Yahweh ay matuwid at sa gawang mabuti'y nalulugod;
    sa piling niya'y mabubuhay ang sa kanya'y sumusunod.

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Sheminit.[a]

12 O Yahweh, kami sana'y iligtas mo! Pagkat wala na ngayong mabuting tao,
    wala nang taong tapat at totoo.
Nagsisinungaling silang lahat sa isa't isa,
    nagkukunwari at nagdadayaan sila.
Patigilin mo, Yahweh, ang madaldal na dila,
    at sarhan ang bibig ng hambog magsalita;
silang laging nagsasabi,
    “Kami'y magsasalita ng nais namin;
    at sa gusto nami'y walang makakapigil!”
“Darating na ako,” sabi ni Yahweh,
    “Upang saklolohan ang mga inaapi.
    Sa pinag-uusig na walang magkupkop,
hangad nilang tulong ay ipagkakaloob!”

Ang mga pangako ni Yahweh ay maaasahan,
    ang katulad nila'y pilak na lantay;
    tinunaw sa hurnong hinukay, pitong beses na pinadalisay.

Kami, Yahweh, ay lagi mong ingatan,
    sa ganitong mga tao ay huwag pabayaan;
Ang masasamang tao'y nasa lahat ng lugar,
    ang mga gawang liko ay ikinararangal!

Mga Kawikaan 25

Mga Karagdagang Kawikaan ni Solomon

25 Narito pa ang mga kawikaan ni Solomon; tinipon at kinopya ng mga tauhan ni Hezekias na hari ng Juda.

Kaluwalhatian ng Diyos na balutin ng hiwaga ang lahat ng bagay, at karangalan naman ng hari na ito'y saliksikin.

Isipan ng hari'y mahirap malaman, ito'y sintaas ng langit, sinlalim ng karagatan.

Kapag ang pilak ay dalisay, may magagawa na ang panday. Kapag ang masamang tagapayo'y naalis sa paligid ng hari, ang katarungan ang mamamalagi.

Huwag(A) kang magmamataas sa harap ng hari, ni ihanay ang sarili sa mga taong pili. Pagkat mas mabuting sabihin sa iyong, “Halika rito,” kaysa hamakin ka sa harap ng marami.

Ang nakita mo'y huwag agad dalhin sa hukuman, baka sa bandang huli'y lumabas ka pang may kasalanan.

Kung may alitan kayo ng iyong kapwa, ilihim at lutasin agad at baka lumala. 10 Baka ito ay malantad sa kaalaman ng madla at kayo'y malagay sa kahiya-hiya.

11 Kapag angkop sa panahon ang salitang binigkas, para itong ginto sa lalagyang pilak.

12 Ang magandang payo sa marunong makinig ay higit na di hamak sa ginto o mamahaling alahas.

13 Ang sugong tapat ay kasiyahan ng nagsugo sa kanya, tulad ng malamig na tubig sa panahon ng tag-araw.

14 Ang taong puro pangako lamang ay parang ulap at hanging walang dalang ulan.

15 Sa malumanay na pakiusap pusong bato'y nababagbag, sa pagtitiyaga pati hari ay nahihikayat.

16 Huwag kakain ng labis na pulot-pukyutan at baka ito'y isuka mo lang. 17 Huwag mong dadalasan ang dalaw sa kapwa, baka siya mabagot at sa iyo'y magsawa.

18 Ang taong sumasaksi laban sa kapwa nang walang katotohanan ay tulad ng tabak, pambambo o palasong pumapatay.

19 Ang taksil na pinagtiwalaan sa panahon ng pangangailangan ay tulad ng ngiping umuuga at mga paang pilay.

20 Hapdi ang dulot ng awit sa pusong may sugat, parang asing ikinuskos sa gasgas na balat, parang paghuhubad ng damit sa panahon ng taglamig.

21 Kapag(B) nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo at painumin kung siya'y nauuhaw. 22 Sa gayo'y mailalagay mo siya sa kahihiyan at tatanggap ka pa ng gantimpala mula kay Yahweh.

23 Kung paanong ang hanging timog ay nagdadala ng ulan, nagdadala naman ng galit ang paninira ng karangalan.

24 Masarap pa ang tumira sa bubungan ng bahay kaysa loob ng bahay na ang kasama'y asawang madaldal.

25 Kung paano ang malamig na tubig sa labing nauuhaw, gayon ang mabuting balita buhat sa malayong bayan.

26 Bukal na nilabo o balong nadumihan ang katulad ng matuwid na sa masama ay nakipagkaibigan.

27 Kung paanong masama ang labis na pulot-pukyutan, gayon din ang pagkagahaman sa karangalan.

28 Ang taong walang pagpipigil ay tulad ng lunsod na walang tanggulan, madaling masakop ng mga kaaway.

1 Tesalonica 4

Ang Buhay na Nakalulugod sa Diyos

Kaya nga, mga kapatid, isa pang bagay ang ipinapakiusap namin at ipinapayo sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesus. Sana'y lalo pa ninyong pagbutihin ang inyong pamumuhay ngayon, sang-ayon sa inyong natutunan sa amin, upang kayo'y maging kalugud-lugod sa Diyos. Alam naman ninyo kung ano ang mga katuruang ibinigay namin sa inyo buhat sa Panginoong Jesus. Kalooban ng Diyos na kayo'y maging banal at lumayo sa lahat ng uri ng kahalayan. Dapat maging banal at marangal ang pakikitungo ng bawat isa sa kanyang asawa,[a] at hindi upang masunod lamang ang pagnanasa ng laman tulad ng inaasal ng mga Hentil na hindi nakakakilala sa Diyos. Sa bagay na ito, huwag ninyong gawan ng masama at dayain ang inyong kapatid, sapagkat paparusahan ng Panginoon ang gumagawa ng ganitong kasamaan, tulad ng mahigpit naming babala sa inyo noon. Tayo'y tinawag ng Diyos upang mamuhay sa kabanalan, hindi sa kahalayan. Kaya, ang sinumang humamak sa aral na ito ay humahamak, hindi sa tao, kundi sa Diyos na siyang nagkakaloob sa atin ng kanyang Espiritu Santo.

Tungkol naman sa pag-ibig na dapat iukol sa mga kapatid, hindi na kailangang paalalahanan pa kayo dahil itinuro na sa inyo ng Diyos kung paano kayo magmahalan. 10 At ito na nga ang ginagawa ninyo sa mga kapatid sa buong Macedonia. Gayunman, ipinapakiusap pa rin namin sa inyo, mga kapatid, na pag-ibayuhin pa ninyo ang inyong pag-ibig. 11 Pagsikapan ninyong mamuhay nang tahimik, pag-ukulan ninyo ng pansin ang sariling gawain at hindi ang sa iba. Maghanapbuhay kayo tulad ng itinuro namin sa inyo. 12 Dahil dito, igagalang kayo ng mga hindi mananampalataya at hindi na ninyo kailangang umasa sa iba.

Ang Pagbalik ng Panginoon

13 Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang katotohanan tungkol sa mga namatay na upang hindi kayo magdalamhati tulad ng mga taong walang pag-asa. 14 Dahil naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay, naniniwala din tayong bubuhayin ng Diyos upang isama kay Jesus ang lahat ng mga namatay na sumasampalataya sa kanya.

15 Ito(A)(B) ang itinuturo ng Panginoon na sinasabi namin sa inyo: tayong mga nabubuhay pa at natitira pa hanggang sa pagparito ng Panginoon, ay hindi mauuna sa mga namatay na. 16 Sa araw na iyon ay maririnig ang tinig ng arkanghel at ang tunog ng trumpeta ng Diyos, at ang Panginoon mismo ay bababâ mula sa langit na sumisigaw. At ang mga namatay na sumasampalataya kay Cristo ay bubuhayin muna. 17 Pagkatapos, tayo namang mga buháy pa at natitira ay titipunin sa alapaap kasama ng mga binuhay upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Sa gayon, makakapiling natin siya magpakailanman. 18 Kaya nga, palakasin ninyo ang loob ng bawat isa sa pamamagitan ng mga salitang ito.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.