M’Cheyne Bible Reading Plan
Paggalang sa mga Bagay na Inihandog
22 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 2 “Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak na dapat nilang igalang ang mga bagay na inilaan sa akin ng mga Israelita upang hindi malapastangan ang aking pangalan. Ako si Yahweh. 3 Sabihin mong hindi na makakapaglingkod pang muli sa aking harapan ang sinuman sa kanyang lahi na lalapit doon nang marumi ayon sa tuntunin. May bisa ang tuntuning ito sa buong panahon ng inyong lahi. Ako si Yahweh.
4 “Ang sinuman sa angkan ni Aaron na may sakit sa balat na parang ketong o kaya'y may tulo ay hindi dapat kumain ng anumang bagay na banal hanggang hindi siya gumagaling. Sinumang makahawak ng bagay na naging marumi dahil sa bangkay, o dahil sa lalaking nilabasan ng sariling binhi, 5 sa mga hayop o taong itinuturing na marumi, 6 ay ituturing na marumi hanggang kinagabihan. Hindi siya makakakain ng pagkaing banal hanggang hindi siya nakakapaligo. 7 Paglubog ng araw, ituturing na siyang malinis, at makakakain na ng pagkaing banal na inilaan sa kanya. 8 Ang mga pari ay hindi rin maaaring kumain ng karne ng hayop na namatay o pinatay ng kapwa hayop sapagkat iyon ang makapagpaparumi sa kanila. Ako si Yahweh.
9 “Dapat sundin ng mga pari ang mga tuntuning ito; kung hindi, magkakasala sila at mamamatay. Ako si Yahweh; inilaan ko sila para sa akin.
10 “Hindi makakakain ng anumang bagay na banal ang hindi ninyo kalahi. Hindi maaaring kumain nito ang mga nanunuluyan sa pari o bayarang manggagawa. 11 Ngunit ang aliping binili niya, o ipinanganak sa kanyang tahanan ay maaaring kumain niyon. 12 Hindi rin maaaring kumain nito ang babaing anak ng pari kung nag-asawa siya ng hindi pari. 13 Ngunit kung siya'y mabalo o hiwalayan ng asawa nang walang anak at umuwi sa kanyang ama, makakakain na siya ng pagkain ng kanyang ama. Hindi dapat kumain ng pagkaing banal ang hindi kabilang sa pamilya ng pari.
14 “Kung ang sinumang hindi pari ay makakain nito nang di sinasadya, babayaran niya at may patong pang ikalimang parte ng halaga ng kanyang kinain. 15 Dapat ingatang mabuti ng mga pari ang mga banal na bagay na inihandog ng mga Israelita para kay Yahweh. 16 Huwag nila itong ipapakain sa mga hindi kabilang sa kanilang angkan sapagkat kapag kumain sila nito, sila'y lumalabag sa tuntunin, at pananagutan nila iyon. Ako si Yahweh. Ginawa kong sagrado ang mga iyon.”
17 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 18 “Sabihin mo kay Aaron, sa kanyang mga anak, at sa lahat ng Israelita: Kung may Israelita o dayuhang magdadala ng handog na susunugin bilang pagtupad sa panata o kusang-loob na handog, 19 ang dadalhin niya ay toro, lalaking tupa o kambing na walang kapintasan upang ito'y maging kalugud-lugod. 20 Huwag(A) kayong maghahandog ng anumang bagay na may kapintasan, sapagkat hindi iyon kalugud-lugod. 21 Kailangan ding walang kapintasan ang baka, tupa o kambing na dadalhin bilang handog pangkapayapaan, ito man ay pagtupad sa panata o kusang-loob. 22 Huwag kayong magdadala sa altar ng baka, tupa o kambing na bulag, pilay, may galis at kati o may anumang kapansanan bilang handog na susunugin. 23 Ang alinmang toro o tupang tabingi ang katawan o bansot ay madadala bilang kusang-loob na handog ngunit hindi maihahandog bilang pagtupad sa panata. 24 Huwag kayong maghahandog ng hayop na kinapon o may kapansanan ang itlog. Hindi ito dapat pahintulutan sa inyong lupain.
25 “Huwag din kayong tatanggap mula sa mga dayuhan ng hayop upang ihandog kay Yahweh. Huwag ninyong tatanggapin ang mga iyon sapagkat ang mga ito'y may kapintasan.”
26 Sinabi rin ni Yahweh kay Moises, 27 “Ang bisirong baka, tupa o kambing ay dapat manatili nang pitong araw sa piling ng inahin. Mula sa ikawalong araw, maaari na itong ialay kay Yahweh bilang handog na susunugin. 28 Huwag ninyong papatayin ang inahin sa araw na patayin ninyo ang bisiro. 29 Ang paghahain ng handog ng pasasalamat ay gawin ninyo ayon sa tuntunin upang kayo'y maging kalugud-lugod. 30 Kakainin ninyo ito sa araw ring iyon. Huwag kayong magtitira para sa kinabukasan. Ako si Yahweh.
31 “Sundin ninyong mabuti ang mga tuntuning ibinigay ko sa inyo. Ako si Yahweh. 32 Huwag ninyong lalapastanganin ang aking pangalan. Sa halip, ako'y inyong dakilain sapagkat ako si Yahweh. Inilaan ko kayo para sa akin. 33 Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto upang maging inyong Diyos. Ako si Yahweh.”
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David.
28 Tagapagtanggol kong Yahweh, ako'y nananawagan,
sana'y iyong pakinggan itong aking karaingan.
Kung katugunan ay hindi mo ibibigay,
para na rin akong nasa daigdig ng mga patay.
2 Pakinggan mo sana ang paghingi ko ng saklolo,
kapag itinataas ang kamay ko sa iyong banal na Templo.
3 Huwag mo akong ibilang sa mga masasama,
na pawang kalikuan ang mga ginagawa;
kung magsalita'y parang mga kaibigan,
ngunit sa puso'y may pagkamuhing taglay.
4 Parusahan(A) mo sila sa kanilang ginagawa,
pagkat mga gawa nila'y pawang masasama.
Parusa sa kanila'y iyong igawad,
ibigay sa kanila ang hatol na dapat.
5 Mga gawa ni Yahweh ay di nila pinapansin,
mabubuti niyang gawa'y ayaw intindihin;
kaya't sila'y kanyang pupuksain,
at hindi na muling pababangunin.
6 Si Yahweh ay dapat purihin!
Dininig niya ang aking mga daing.
7 Si Yahweh ang lakas ko at kalasag,
tiwala ko'y sa kanya nakalagak.
Tinutulungan niya ako at pinasasaya,
sa awiti'y pinasasalamatan ko siya.
8 Iniingatan ni Yahweh ang kanyang sambayanan;
siya ang kanlungan ng kanyang haring hinirang.
9 Iligtas mo, Yahweh, ang iyong bayan,
ang mga sa iyo, ay iyong basbasan.
Alagaan mo sila magpakailanman,
tulad ng pastol sa kanyang kawan.
Ang Tinig ni Yahweh sa Gitna ng Unos
Awit ni David.
29 Purihin(B) ninyo si Yahweh, mga nilikha sa kalangitan,
kilalanin ang kanyang lakas at kanyang kaluwalhatian.
2 Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan,
sambahin si Yahweh sa banal na kaayusan.
3 Tinig ni Yahweh'y naririnig sa ibabaw ng dagat,
ang dakilang Diyos ay nagpapakidlat,
umaalingawngaw at naririnig ng lahat.
4 Tinig ni Yahweh'y makapangyarihan,
at punung-puno ng kadakilaan.
5 Maging mga punong sedar ng Lebanon,
sa tinig ni Yahweh, mawawasak ang mga iyon.
6 Parang guyang pinalulundag niya ang mga bundok ng Lebanon,
parang torong pinalulukso niya ang Bundok Hermon.
7 Dahil sa tinig ni Yahweh, kidlat ay gumuguhit.
8 Kapag siya'y nagsalita, disyerto'y nayayanig;
inuuga niya pati ang ilang ng Kades.
9 Sa tinig ni Yahweh, mga usa'y napapaanak,
at nakakalbo pati ang mga gubat,
lahat ng nasa Templo'y sumisigaw, “Ang Diyos ay papurihan!”
10 Si Yahweh'y naghahari sa mga kalaliman,
nakaupo sa trono, bilang hari kailanman.
11 Si Yahweh ang nagbibigay-lakas sa kanyang bayan,
at pinagpapala sila ng mapayapang buhay.
Huwag Pabigla-bigla sa Pangako
5 Mag-ingat ka sa pagpasok sa bahay ng Diyos. Ang pagsunod ay mabuti kaysa handog ng isang mangmang sapagkat hindi alam ng mangmang kung ano ang mabuti't masama. 2 Huwag kang pabigla-bigla sa pananalangin. Isipin mo munang mabuti ang ipapangako mo sa kanya sapagkat nasa langit siya at ikaw ay nasa lupa. Mag-ingat ka sa pagsasalita. 3 Ang panaginip ay bunga ng maraming alalahanin. Habang dumarami ang iyong sinasabi, lalong nanganganib na makapagsabi ka ng kamangmangan. 4 Kung(A) mangangako ka sa Diyos, tuparin ito agad; hindi siya nalulugod sa taong mangmang. Kaya tuparin mo ang iyong pangako sa kanya. 5 Mabuti pang huwag ka nang mangako kaysa mangangako at hindi mo tutuparin. 6 Huwag mong pabayaang magkasala ka dahil sa iyong pananalita, mangangako ka at pagkatapos ay babawiin mo. Sa ganyan galit na galit ang Diyos. Kung magkagayon, hindi ka niya pagpapalain sa anumang iyong ginagawa. 7 Kaya, gaano man kadalas ang iyong panaginip, gaano man karami ang walang kabuluhan[a] mong salita at gawa, magkaroon ka ng takot sa Diyos.
Ang Buhay ay Walang Kabuluhan
8 Huwag kang magtataka kung makita mong ang mahihirap ay inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Alalahanin mong ganoon din ang ginagawa ng nakatataas sa kanila at bawat pinuno ay may nakasasakop ding mas mataas na pinuno. 9 Sa isang lupaing puno ng kasaganaan, ang hari ang may pinakamainam na kalagayan.
10 Ang gahaman sa salapi ay walang kasiyahan at ang sakim sa kayamanan ay hindi masisiyahan sa kaunting pakinabang. Ngunit ito man ay walang kabuluhan.[b] 11 Habang lumalaki ang kayamanan, dumarami ang pangangailangan at ang tanging kasiyahan ng may-ari ay ang isiping siya ay mayaman. 12 Mahimbing ang tulog ng isang manggagawa, marami man o kaunti ang kanyang pagkain. Ngunit ang mayaman ay hindi man lamang dalawin ng antok.
13 Ito ang isang nakakalungkot na pangyayari na nakita ko sa mundong ito: ang tao'y nag-iimpok para sa kinabukasan. 14 Ngunit nauubos din sa masamang paraan kaya wala rin siyang maiiwan sa kanyang sambahayan. 15 Kung(B) paanong tayo'y walang dala nang isilang dito sa daigdig, wala rin tayong madadala pagpanaw natin. Wala tayong madadalang anuman sa ating pinagpaguran. 16 Narito pa ang isang mahirap isipin: kung ano ang ayos nang tayo'y dumating, gayon din ang ayos sa ating pag-alis. Nagpapakapagod tayo ngunit wala ring napapala. 17 Bukod dito, ang buhay natin ay laging may alinlangan; puno ng pagkabalisa, hinagpis, galit at karamdaman.
18 Ito ang isang mabuting bagay na aking nakita: nararapat lamang na kumain, uminom, at pakinabangan ng isang tao ang bunga ng kanyang pinagpaguran sa mundong ito, sa maikling panahong ibinigay sa kanya ng Diyos; ito ang ating bahagi. 19 Ganoon din ang dapat gawin ng lahat ng niloob ng Diyos na yumaman: tanggapin ang kanilang bahagi at pakinabangan ang bunga ng kanyang pinagpaguran sapagkat ito ay kaloob ng Diyos. 20 Sa gayon, hindi siya malulungkot kahit na maikli ang buhay niya sa daigdig sapagkat puno naman ito ng kasiyahan.
1 Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos upang ipangaral ang tungkol sa buhay na ipinangakong makakamtan natin sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo Jesus—
2 Kay(A) Timoteo na minamahal kong anak.
Sumaiyo nawa ang kagandahang-loob, kahabagan, at kapayapaang mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
Pasasalamat at Paalala
3 Tuwing inaalala kita sa aking panalangin araw at gabi, nagpapasalamat ako sa Diyos na aking pinaglilingkuran nang may malinis na budhi gaya ng ginawa ng aking mga ninuno. 4 Kapag naaalala ko ang iyong pagluha, nananabik akong makita ka upang malubos ang aking kagalakan. 5 Hindi(B) ko nalilimutan ang tapat mong pananampalataya, na naunang tinaglay ng iyong lolang si Loida at ni Eunice na iyong ina. Natitiyak kong nasa iyo rin ang pananampalatayang ito. 6 Dahil dito, ipinapaalala ko sa iyo na pag-alabin mong muli ang kaloob na ibinigay sa iyo ng Diyos nang ipatong ko sa iyo ang aking mga kamay. 7 Sapagkat ang espiritung ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig at pagpipigil sa sarili.
8 Kaya't huwag kang mahihiyang magpatotoo para sa ating Panginoon, at huwag mo rin akong ikakahiya, na isang bilanggo alang-alang sa kanya. Sa halip, makihati ka sa pagtitiis para sa Magandang Balita. Umasa ka sa kapangyarihan ng Diyos 9 na nagligtas at tumawag sa atin para sa isang banal na gawain. Ginawa niya ito, hindi dahil sa anumang nagawa natin, kundi ayon sa kanyang layunin at kagandahang-loob. Sa simula pa, ito ay ibinigay na niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus, 10 ngunit ito'y nahayag na ngayon, nang dumating si Cristo Jesus na ating Tagapagligtas. Winakasan niya ang kapangyarihan ng kamatayan at inihayag ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Magandang Balita.
11 Para(C) sa Magandang Balitang ito, ako'y itinalagang mangangaral, apostol at guro, 12 at iyan ang dahilan kaya ako nagdurusa nang ganito. Ngunit hindi ako nahihiya, sapagkat kilala ko ang aking sinasampalatayanan at natitiyak kong maiingatan niya hanggang sa huling araw ang ipinagkatiwala ko sa kanya.[a] 13 Gawin mong batayan ang mabubuting aral na itinuro ko sa iyo, at manatili ka sa pananampalataya at sa pag-ibig na tinanggap natin sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 14 Sa tulong ng Espiritu Santo na nananatili sa atin, ingatan mo ang mabuting bagay na ipinagkatiwala sa iyo.
15 Alam mong ako'y iniwan ng lahat ng mga nasa Asia, kabilang sina Figelo at Hermogenes. 16 Kahabagan nawa ng Panginoon ang sambahayan ni Onesiforo sapagkat sa maraming pagkakataon ay pinasigla niya ako at hindi niya ako ikinahiya kahit ako'y isang bilanggo. 17 Sa katunayan, pagdating niya sa Roma, pilit niya akong hinanap hanggang sa ako'y kanyang matagpuan. 18 Kahabagan nawa siya ng Panginoon sa Araw na iyon. Alam mo naman kung paano niya ako pinaglingkuran sa Efeso.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.