M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Unang Sensus sa Israel
1 Noong(A) unang araw ng ikalawang buwan matapos umalis sa Egipto ang sambayanang Israel, si Yahweh ay nangusap kay Moises habang siya'y nasa loob ng Toldang Tipanan na noo'y nasa ilang ng Sinai. Ang sabi ni Yahweh, 2 “Magsagawa ka ng isang sensus. Bilangin at ilista ninyo ang pangalan ng buong sambayanan ng Israel ayon sa kani-kanilang angkan at lipi. Ilista ninyo ang lahat ng lalaki 3 mula sa gulang na dalawampu pataas, lahat ng maaari nang lumaban sa digmaan. Magpatulong ka kay Aaron 4 at sa pinuno ng bawat angkan.” 5-16 Ito ang mga pinuno ng bawat lipi na tutulong sa iyo:
Lipi | Pinuno |
---|---|
Ruben | Elizur na anak ni Sedeur |
Simeon | Selumiel na anak ni Zurisadai |
Juda | Naason na anak ni Aminadab |
Isacar | Nathanael na anak ni Zuar |
Zebulun | Eliab na anak ni Helon |
Efraim | Elisama na anak ni Amiud |
Manases | Gamaliel na anak ni Pedazur |
Benjamin | Abidan na anak ni Gideoni |
Dan | Ahiezer na anak ni Amisadai |
Asher | Pagiel na anak ni Ocran |
Gad | Eliasaf na anak ni Deuel |
Neftali | Ahira na anak ni Enan |
17 Ang mga taong nabanggit ay isinama nina Moises at Aaron, 18 at noong unang araw ng ikalawang buwan, tinipon nila ang lahat ng Israelita. Itinala nila ang lahat ng lalaki mula sa gulang na dalawampu pataas, ayon sa kani-kanilang lipi. 19 Ginawa nila ito sa ilang ng Sinai, ayon sa utos ni Yahweh.
20-43 Ito ang kanilang naitala:
Lipi | Bilang |
---|---|
Ruben | 46,500 |
Simeon | 59,300 |
Gad | 5,650 |
Juda | 74,600 |
Isacar | 54,400 |
Zebulun | 57,400 |
Efraim | 40,500 |
Manases | 32,200 |
Benjamin | 35,400 |
Dan | 62,700 |
Asher | 41,500 |
Neftali | 53,400 |
44-45 Lahat ng lalaki sa Israel mula sa dalawampung taon pataas at maaaring isama sa hukbo upang makidigma ay itinala nga nina Moises at Aaron. Sila ay tinulungan ng labindalawang pinuno na mula sa bawat lipi ng Israel. 46 Ang kabuuang bilang ay 603,550.
Ang Paghirang sa mga Levita
47 Ang mga Levita ay hindi kabilang sa sensus na ito 48 sapagkat ganito ang bilin ni Yahweh kay Moises: 49 “Huwag mong isasama sa sensus ng Israel ang mga Levita. 50 Sa kanila mo ibibigay ang tungkulin ng paglilingkod sa Toldang Tipanan. Itatayo nila ang kanilang mga tolda sa paligid ng Toldang Tipanan at sila ang bubuhat nito pati ang mga kasangkapan nito. 51 Kung kailangang tanggalin ang tabernakulo, sila ang magtatanggal at kung kailangang itayong muli, sila rin ang magtatayo. At sinumang lumapit sa tabernakulo liban sa kanila ay dapat patayin. 52 Ang mga lipi ng Israel ay magtatayo ng kanya-kanyang tolda sa ilalim ng kani-kanilang watawat. 53 Ang mga Levita naman ay magtatayo ng kanilang mga tolda sa paligid ng Toldang Tipanan para walang ibang makalapit dito, sapagkat kapag may ibang lumapit dito, tiyak na paparusahan ko ang buong Israel. Ang mga Levita nga ang mangangalaga sa Toldang Tipanan.” 54 Ang lahat ng mga utos na ito ni Yahweh ay sinunod ng mga Israelita.
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David.
35 Ang mga salungat at laban sa akin, O Yahweh, sila ay iyo ngang digmain!
2 Ang iyong kalasag at sandatang laan,
kunin mo at ako po ay iyong tulungan.
3 Dalhin mo ang iyong palakol at sibat,
at sila'y tugisin hanggang sa mautas.
Sabihin mong ikaw ang Tagapagligtas ng abang lingkod mo, O Diyos na marilag!
4 Silang nagnanasang ako ay patayin
ay iyong igupo at iyong hiyain;
at ang nagtatangkang lumaban sa akin,
hadlangan mo sila at iyong lituhin.
5 Gawing parang ipa na tangay ng hangin,
habang tinutugis ng sinugong anghel.
6 Hayaang magdilim, dumulas ang landas,
ang anghel ni Yahweh, sa kanila'y wawasak.
7 Ni walang dahilan, ang hangad sa akin
ako ay ihulog sa balong malalim, na ginawa nila upang ako'y dakpin.
8 Hindi nila alam sila'y mawawasak,
sila'y mahuhulog sa sariling bitag;
sa hinukay nilang balon, sila'y lalagpak.
9 Dahilan kay Yahweh, ako'y magagalak;
sa habag sa akin ako'y iniligtas.
10 Buhat sa puso ko'y aking ihahayag,
“Tunay ikaw, Yahweh, ay walang katulad!
Iniingatan mo laban sa malakas, ang mga mahihina't taong mahihirap,
at sa nang-aapi, sila'y ililigtas.”
11 Ang mga masama'y nagpapatotoo,
at nagpaparatang ng hindi totoo, sa pagkakasalang walang malay ako.
12 Sa gawang mabuti, ganti ay masama;
nag-aabang sa akin at nagbabanta.
13 Kapag sila'y may sakit, ang ginagawa ko,
nagdaramit-luksa at nag-aayuno;
at nananalangin na yuko ang ulo.
14 Para bang ang aking idinadalangin ay isang kapatid na mahal sa akin;
Lumalakad ako na ang pakiramdam,
wari'y inulila ng ina kong mahal.
15 Nagagalak sila kapag ako'y may dusa;
sa aking paligid nagtatawanan pa.
Binubugbog ako ng di kakilala,
halos walang tigil na pagpaparusa.
16 Natutuwa silang ako'y maghinagpis;
sa galit sa akin, ngipi'y nagngangalit.
17 Hanggang kailan pa kaya, O Yahweh, maghihintay ako sa mahal mong tulong?
Iligtas mo ako sa ganid na leon;
sa paglusob nila't mga pagdaluhong.
18 At sa gitna niyong mga kapulungan, ikaw, O Yahweh, pasasalamatan;
pupurihin kita sa harap ng bayan.
19 Huwag(A) mong tutulutang ang mga kaaway,
magtawanan sa aking mga kabiguan;
gayon din ang may poot nang walang dahilan,
magalak sa aking mga kalumbayan.
20 Sila, kung magwika'y totoong mabagsik,
kasinungalingan ang bigkas ng bibig,
at ang ginigipit, taong matahimik.
21 Ang paratang nila na isinisigaw:
“Ang iyong ginawa ay aming namasdan!”
22 Ngunit ikaw, Yahweh, ang nakababatid,
kaya, Panginoon, huwag kang manahimik;
ako'y huwag mong iiwan sa paghihinagpis!
23 Ikaw ay gumising, ako'y ipagtanggol,
iyong ipaglaban ako, Panginoon.
24 O Yahweh, aking Diyos, sadyang matuwid ka, kaya ihayag mong ako'y walang sala;
huwag mong ipahintulot sa mga kaaway, na sila'y magtawa kung ako'y mamasdan.
25 Huwag mong pabayaang mag-usap-usapan,
at sabihing: “Aba! Gusto nami'y ganyan!”
Huwag mong itutulot na sabihin nilang:
“Siya ay nagapi namin sa labanan!”
26 Silang nagagalak sa paghihirap ko,
lubos mong gapii't bayaang malito;
silang nagpapanggap namang mas mabuti,
hiyain mo sila't siraan ng puri.
27 Ang nangagsasaya, sa aking paglaya
bayaang palaging sumigaw sa tuwa;
“Dakila si Yahweh, tunay na dakila;
sa aking tagumpay, siya'y natutuwa.”
28 Aking ihahayag ang iyong katuwiran,
sa buong maghapon ay papupurihan!
Ang mga Gawain ng Marunong
11 Maghagis ka ng tinapay sa gitna ng karagatan at may mapapakinabangan ka pagdating ng araw. 2 Hatiin sa pito, sa walo ang kalakal mo pagkat di mo masisiguro kung ano ang kasamaang mangyayari sa mundo.
3 Kapag ang ulap ay maitim na't di makaya ang hangin, nagiging ulan itong bumubuhos sa daigdig. Kung saan nakahapay ang punongkahoy ay doon ito mabubuwal. 4 Ang naghihintay sa pagtigil ng hangin ay di-kailanman makapaghahasik ng kanyang binhi. At ang nag-aalala sa patak ng ulan ay di makapag-aani. 5 Kung hindi mo maaaring malaman kung paanong ang hininga ay pumapasok sa katawan ng isang sanggol na nasa sinapupunan ng kanyang ina, lalong hindi maaabot ng isip mo kung paano ginagawa ng Diyos ang lahat ng bagay. 6 Sa umaga, inihahasik mo ang iyong binhi. Hindi ka tumitigil sa paggawa hanggang gabi sapagkat di mo tiyak kung alin ang magbibigay sa iyo ng tagumpay. O kaya'y umaasa kang lahat ay iyong papakinabangan.
7 Masarap ang nasa liwanag at kay gandang pagmasdan ang araw. 8 Kung ang tao'y mabubuhay nang matagal, dapat niyang ikagalak iyon. Ngunit alalahanin niyang ang darating na panahon ng kadiliman ay mas mahaba. Lahat ng mangyayari ay walang kabuluhan.[a]
9 Magalak ka binata sa panahon ng iyong kabataan. Gawin mo ang gusto mo at lahat ng kaakit-akit sa paningin mo. Ngunit tandaan mong ang lahat ng ito'y iyong ipagsusulit sa Diyos.
10 Iwaksi mo ang alalahanin at mga kabalisahan; ang kabataan at kasibulan ay pawang walang kabuluhan.[b]
Ang Dapat na Maging Ugali ng mga Cristiano
3 Paalalahanan mo ang mga kapatid na magpasakop sa mga pinuno at maykapangyarihan; sundin ang mga ito at laging maging handa sa paggawa ng mabuti. 2 Sabihan mo silang huwag magsalita ng masama laban kaninuman, umiwas sa pakikipag-away, at maging mahinahon at magalang sa lahat ng tao. 3 Noong una, tayo rin mismo ay mga hangal, hindi masunurin, naliligaw at naging alipin ng mga makamundong damdamin at lahat ng uri ng kalayawan. Naghari sa atin ang masamang isipan at pagkainggit. Tayo'y kinapootan ng iba at sila'y kinapootan din natin. 4 Ngunit nang mahayag ang kabutihan at pag-ibig ng Diyos na ating Tagapagligtas, 5 iniligtas niya tayo, hindi dahil sa ating mabubuting gawa kundi dahil sa kanyang habag sa atin. Tayo'y iniligtas niya sa pamamagitan ng Espiritu Santo na naghugas sa atin upang tayo'y ipanganak na muli at magkaroon ng bagong buhay. 6 Masaganang ipinagkaloob ng Diyos sa atin ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, 7 upang tayo'y gawing matuwid sa pamamagitan ng kanyang kagandahang-loob, at tayo'y maging tagapagmana ng inaasahan nating buhay na walang hanggan.
8 Mapagkakatiwalaan ang aral na ito. Kaya't ang nais ko'y buong tiyaga mong ituro ito sa mga nananalig sa Diyos upang ilaan nila ang kanilang sarili sa paggawa ng mabuti, na siyang karapat-dapat at kapaki-pakinabang sa mga tao. 9 Iwasan mo ang mga walang kabuluhang pagtatalo, ang di matapus-tapos na talaan ng mga ninuno, at ang mga away at alitan tungkol sa Kautusan. Ang mga ito ay walang pakinabang
at walang halaga. 10 Pagkatapos mong sawaying minsan o makalawa, iwasan mo na ang taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, 11 dahil alam mong ang ganyang tao ay masama at ang kanyang sariling mga kasalanan ang nagpapakilalang siya'y mali.
Pangwakas na Paalala
12 Papupuntahin(A) ko riyan si Artemas o si Tiquico. Pagdating nila diyan, pilitin mong makapunta sa Nicopolis. Doon ako magpapalipas ng taglamig. 13 Sikapin(B) mong mapadali ang paglalakbay ni Apolos at ng abogadong si Zenas. Tiyakin mong hindi sila magkukulang sa anumang pangangailangan. 14 Turuan mo ang ating mga kapatid sa pananampalataya na ilaan ang kanilang sarili sa paggawa ng mabuti upang makatulong sila sa mga nangangailangan, at maging kapaki-pakinabang.
15 Kinukumusta ka ng mga kasama ko rito. Ikumusta mo rin kami sa lahat ng kapatid sa pananampalataya na nagmamahal sa atin.
Nawa'y sumainyong lahat ang kagandahang-loob ng Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.