Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Levitico 16

Ang Araw ng Pagtubos sa Kasalanan

16 Pagkamatay ng dalawang anak ni Aaron dahil sa kanilang paglapit nang di nararapat sa harapan ni Yahweh, si(A) Moises ay kinausap ni Yahweh. Sabi niya, “Sabihin mo sa kapatid mong si Aaron na makakalapit lamang siya sa Dakong Kabanal-banalan sa loob ng tabing sa takdang panahon. Sapagkat magpapakita ako roon sa pamamagitan ng ulap sa ibabaw ng Luklukan ng Awa na nasa ibabaw ng Kaban ng Tipan. Mamamatay siya kapag siya'y sumuway. Makakapasok(B) lamang siya roon pagkatapos niyang magdala ng batang toro bilang handog para sa kasalanan at isang lalaking tupa bilang handog na susunugin. Siya'y maliligo; pagkatapos, magsusuot ng sagradong kasuotan—linong mahabang panloob na kasuotan, linong salawal, linong pamigkis, at linong turbante. Bibigyan siya ng mga Israelita ng dalawang lalaking kambing na ihahandog para sa kasalanan at isang lalaking tupa bilang handog na susunugin.

“Ihahandog niya ang toro para sa kasalanan niya at ng kanyang sambahayan. Pagkatapos, dadalhin niya ang dalawang kambing sa harapan ni Yahweh sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Sa pamamagitan ng palabunutan malalaman kung alin sa dalawa ang para kay Yahweh at alin ang para kay Azazel.[a] Ang para kay Yahweh ay papatayin at iaalay tulad ng karaniwang handog para sa kasalanan. 10 Ngunit ang para kay Azazel ay buháy na ihahandog sa akin bilang pantubos sa kasalanan, saka pakakawalan sa ilang para kay Azazel.

11 “Ang batang toro ay papatayin ni Aaron at ihahandog para sa kasalanan niya at ng kanyang pamilya. 12 Pagkatapos, kukunin niya ang lalagyan ng insenso at pupunuin ng baga buhat sa altar na sunugan ng handog. Kukuha rin siya ng dalawang dakot na pinulbos na insenso at dadalhin sa loob ng tabing. 13 Upang hindi siya mamatay, ibubuhos niya ang insenso sa apoy sa harapan ko upang ang usok nito ay tumakip sa harap ng Luklukan ng Awa na nasa ibabaw ng Kaban ng Tipan. 14 Kukuha siya ng dugo ng batang toro, at sa pamamagitan ng kanyang daliri ay iwiwisik ito nang minsan sa harap ng Luklukan ng Awa at pitong beses sa harap ng Kaban ng Tipan.

15 “Pagkatapos,(C) papatayin niya ang kambing bilang handog para sa kasalanan ng sambayanan. Magdadala siya ng dugo nito sa loob ng tabing at gaya ng ginawa niya sa dugo ng batang toro, iwiwisik din niya ito sa harap ng Luklukan ng Awa at sa harap ng Kaban ng Tipan. 16 Sa gayong paraan, lilinisin niya ang Dakong Kabanal-banalan sa mga karumihan at kasalanan ng bayang Israel. Gayon din ang gagawin niya sa Toldang Tipanan na nahawa sa kanilang karumihan. 17 Walang sinumang lalapit sa Toldang Tipanan sa sandaling pumasok doon si Aaron hanggang hindi siya lumalabas pagkatapos niyang maghandog para sa kasalanan niya, para sa kanyang pamilya at para sa kasalanan ng sambayanan. 18 Paglabas niya, pupunta siya sa altar na sunugan ng handog upang linisin din iyon. Kukuha siya ng dugo ng batang toro at ng kambing at papahiran niya ang mga sungay ng altar. 19 Sa pamamagitan ng kanyang daliri, pitong beses niyang wiwisikan ang altar upang ito'y pabanalin at linisin sa kasalanan ng mga Israelita.

Ang Kambing na Pakakawalan

20 “Pagkatapos magawâ ni Aaron ang paghahandog para sa Dakong Kabanal-banalan, sa Toldang Tipanan at sa altar na sunugan ng mga handog, kukunin niya ang pangalawang kambing. 21 Ipapatong(D) niya ang kanyang mga kamay sa ulo nito at ipahahayag ang lahat ng kasamaan, kasalanan at pagsuway ng sambayanang Israel, sa gayon, masasalin sa hayop ang lahat ng ito. Ibibigay niya ang kambing sa isang taong naghihintay doon upang dalhin iyon sa ilang. 22 Tataglayin ng kambing ang kasalanan ng buong bayan at pagdating sa ilang ito'y pakakawalan.

23 “Pupunta(E) naman si Aaron sa Toldang Tipanan at doo'y huhubarin ang damit na suot niya nang pumasok sa Dakong Kabanal-banalan at iiwan ito roon. 24 Maliligo siya sa isang banal na lugar at matapos magbihis ng sariling damit, ihahandog niya sa altar ang handog na susunugin para sa kanyang sarili at para sa buong bayan. 25 Susunugin din niya sa ibabaw ng altar ang taba ng mga handog para sa kasalanan. 26 Bago bumalik sa kampo ang taong nagdala ng kambing para kay Azazel, maliligo muna siya at maglalaba ng kanyang kasuotan. 27 Ilalabas(F) naman sa kampo ang toro at ang kambing na inihandog para sa kasalanan. Ang balat, ang laman at ang mga dumi nito ay susunugin sa labas ng kampo. 28 Maglalaba ng kasuotan at maliligo ang nagsunog nito bago siya makabalik sa kampo.

Ang Araw ng Pagdaraos Nito

29 “Ito(G) ay tuntuning susundin ninyo magpakailanman. Tuwing ikasampung araw ng ikapitong buwan, mag-aayuno kayo at huwag magtatrabaho. Dapat itong tuparin ng lahat, maging Israelita o dayuhan, 30 sapagkat sa araw na ito ay tutubusin kayo sa inyong mga kasalanan upang maging malinis kayo sa harapan ni Yahweh. 31 Ito'y araw ng ganap na pamamahinga. Mag-aayuno kayo at susundin ninyo ang tuntuning ito habang panahon. 32 Ang paghahandog para sa kasalanan ay gagampanan ng pinakapunong pari na nanunungkulan sa panahong iyon. Magsusuot siya ng mga sagradong kasuotang lino at 33 gagawin niya ang rituwal ng paglilinis ng Dakong Kabanal-banalan, ng Toldang Tipanan, ng altar, ng mga pari at ng buong bayan. 34 Ito'y batas na palaging tutuparin ng mga Israelita minsan isang taon upang mapatawad ang kanilang mga kasalanan.”

At ginawa nga ni Moises ang utos ni Yahweh.

Mga Awit 19

Ang Paglilikha at ang Kadakilaan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

19 Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan!
    Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!
Sa bawat araw at gabi, pahayag ay walang patlang,
    patuloy na nagbibigay ng dunong at kaalaman.
Wala silang tinig o salitang ginagamit,
    wala rin silang tunog na ating naririnig;
ngunit(A) abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig,
    balita ay umaabot hanggang sa dulo ng daigdig.
Gumawa ang Diyos sa langit ng tahanan para sa araw,
    tuwing umaga'y lumalabas ito na parang masayang kasintahan,
    tulad ng masiglang manlalaro na handang-handa sa takbuhan.
Sa silangan sumisikat, lumulubog sa kanluran,
    walang nakapagtatago sa init nitong taglay.

Ang Batas ni Yahweh

Ang batas ni Yahweh, walang labis walang kulang,
    ito'y nagbibigay sa tao ng panibagong kalakasan.
Ang mga tuntunin ni Yahweh'y mapagkakatiwalaan,
    nagbibigay ng talino sa payak na isipan.
Ang mga utos ni Yahweh ay makatuwiran,
    ito'y nagpapasaya ng puso at kalooban.
Ang mga tagubilin ni Yahweh ay tama,
    nagbibigay sa isipan ng hustong pang-unawa.
Paggalang at pagsunod kay Yahweh ay dalisay,
    magpapatuloy ito magpakailanman;
ang mga hatol ni Yahweh ay tunay na makatarungan,
    patas at walang kinikilingan.
10 Mas kanaisnais pa ito kaysa gintong lantay,
    mas matamis pa kaysa pulot ng pukyutan.
11 Ang mga utos mo, Yahweh, ay babala sa iyong lingkod,
    may malaking gantimpala kapag aking sinusunod.

12 Walang taong pumupuna sa sarili niyang kamalian,
    iligtas mo ako, Yahweh, sa lihim na kasalanan.
13 Ilayo mo ang iyong lingkod sa mapangahas na kasalanan,
    huwag mong itulot na maghari sa akin ang kasamaan.
Sa gayo'y mamumuhay akong walang kapintasan,
    at walang bahid ng masama ang aking mga kamay.

14 Nawa'y ang mga salita ko at kaisipan,
    kaluguran mo, Yahweh, manunubos ko at kanlungan.

Mga Kawikaan 30

Ang mga Kawikaan ni Agur

30 Mga kawikaan ni Agur na anak ni Jakeh ng Massa. Ito ang sinabi niya kina Itiel at Ucal:

“Ang Diyos ay malayo sa akin, wala akong magagawa.
Ako ay mangmang, alangang maging tao.
    Wala akong karunungan, hindi ako matalino.
Di ako nakapag-aral, kaya ako ay mangmang,
    walang karunungan, walang alam sa Maykapal.
Sino ang dalubhasa tungkol sa kalangitan?
    Sino ang nakapigil ng hangin sa kanyang palad?
Sino ang nakapagbalot ng tubig sa isang damit?
    Sino ang naglagay ng mga hangganan sa daigdig?
Sino siya? Sino ang kanyang anak?

“Ang lahat ng salita ng Diyos ay mapananaligan at siya ang kanlungan ng mga nananalig sa kanya. Huwag mong daragdagan ang kanyang salita sapagkat pagsasabihan ka niya bilang isang sinungaling.”

Karagdagang Kawikaan

Diyos ko, may hihilingin akong dalawang bagay bago ako mamatay: Huwag akong hayaang maging sinungaling. Huwag mo akong payamanin o paghirapin. Sapat na pagkain lamang ang ibigay mo sa akin. Baka kung managana ako ay masabi kong hindi na kita kailangan. Baka naman kung maghirap ako'y matutong magnakaw, at pangalan mo'y malapastangan.

10 Ang alipin ay huwag mong sisiraan sa kanyang amo,
    baka isumpa ka niya't pagbayarin sa ginawa mo.
11 May mga taong naninira sa kanilang ama,
    masama ang sinasabi tungkol sa kanilang ina.
12 May mga taong nagmamalinis sa sarili,
    ngunit ang totoo'y walang kasindumi.
13 May mga taong masyadong palalo, ang akala nila'y kung sino na sila.
14 May mga tao namang masyadong masakim,
    pati mahihirap, kanilang sinisiil.

15 Ang linta ay may dalawang anak, “Bigyan mo ako, bigyan mo ako,” ang lagi nilang hiling.

May apat na bagay na kailanma'y di masiyahan:

16 Ang libingan,
ang babaing walang anak,
ang lupang tuyo na laging nais matigmak,
at ang apoy na naglalagablab.

17 Ang anak na kumukutya sa kanyang ama at laging sumusuway sa salita ng ina, tutukain ng uwak ang kanilang mata at kakainin ng buwitre ang kanilang bangkay.

18 May apat na bagay na di ko maunawaan:

19 Ang(A) paglipad ng agila sa kalangitan,

ang paggapang ng ahas sa ibabaw ng batuhan,
ang paglalayag ng barko sa karagatan,
at ang babae't lalaking nagmamahalan.

20 Ganito naman ang ginagawa ng asawang nagtataksil: makikipagtalik, pagkatapos ay magbibihis saka sasabihing wala siyang ginagawang masama.

21 May apat na bagay na yayanig sa daigdig:

22 Ang aliping naging hari,
ang isang mangmang na sagana sa pagkain,
23 ang babaing masungit na nagkaasawa,
at ang isang aliping babaing pumalit sa kanyang amo.

24 Sa daigdig ay may apat na maliliit na hayop ngunit may pambihirang kaisipan.

25 Ang mga langgam: sila ay mahina subalit nag-iipon
    ng pagkain kung tag-araw.
26 Ang mga kuneho: mahihina rin sila subalit nakagagawa
    ng kanilang tirahan sa batuhan.
27 Ang mga balang: bagama't walang haring sumusubaybay
    ay lumalakad nang maayos at buong inam.
28 Ang mga butiki:[a] maaaring hawakan sa iyong palad dahil sa kaliitan,
    subalit nasa palasyo ng hari at doon naninirahan.

29 May apat na bagay na kasiya-siyang pagmasdan sa kanilang paglakad:

30 Ang leon, pinakamatapang na hayop at kahit kanino ay di natatakot.
31 Ang tandang na magilas, ang kambing na mabulas,
    at ang hari sa harap ng bayan.

32 Kung sa kahangalan mo'y naging palalo ka at nagbalak ng masama, mag-isip-isip ka. 33 Batihin mo ang gatas at may mantekilya ka; suntukin mo ang ilong ng iyong kapwa at dudugo nang sagana; guluhin mo ang iba at mapapaaway ka.

1 Timoteo 1

Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas at ni Cristo Jesus na ating pag-asa—

Kay(A) Timoteo na tunay kong anak sa pananampalataya.

Sumaiyo nawa ang kagandahang-loob, habag at kapayapaang buhat sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Babala tungkol sa Maling Katuruan

Gaya ng ipinakiusap ko sa iyo bago ako pumunta sa Macedonia, nais kong manatili ka sa Efeso upang utusan mo ang ilang tao diyan na huwag magturo ng maling aral, at huwag nilang pag-aksayahan ng panahon ang mga alamat at mahahabang talaan ng mga angkan. Iyan ay pinagmumulan lamang ng mga pagtatalo at hindi nakakatulong sa tao upang matupad ang plano ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang layunin ng tagubiling ito ay upang magkaroon kayo ng pag-ibig na nagmumula sa pusong dalisay, malinis na budhi at tapat na pananampalataya. May ilang tumalikod sa mga bagay na ito at nalulong sa walang kabuluhang talakayan. Nais nilang maging tagapagturo ng kautusan gayong hindi naman nila nauunawaan ang kanilang sinasabi at ang kanilang mga itinuturo nang may buong tiwala sa sarili.

Alam naman nating ang Kautusan ay mabuti kung ginagamit sa tamang paraan. Alalahanin nating ang Kautusan ay hindi ginawa para sa mabubuting tao, kundi para sa mga walang kinikilalang batas at mga kriminal, para sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga makasalanan, para sa mga lapastangan sa Diyos at walang hilig sa kabanalan, para sa mga mamamatay-tao at pumapatay ng sariling ama o ina. 10 Ibinigay rin ang Kautusan para sa mga mahihilig sa kahalayan at nakikipagtalik sa kapwa lalaki, para sa mga kidnaper, para sa mga sinungaling at sa mga bulaang saksi. Ang Kautusan ay ibinigay para sa lahat ng mga sumasalungat sa mabuting aral. 11 Ang aral na ito'y ayon sa Magandang Balita na ipinagkatiwala sa akin ng maluwalhati

at mapagpalang Diyos.

Pagkilala sa Habag ng Diyos

12 Nagpapasalamat ako sa ating Panginoong Jesu-Cristo na nagbibigay sa akin ng lakas, dahil itinuring niya akong karapat-dapat na maglingkod sa kanya, 13 kahit(B) na noong una'y nilapastangan, inusig at nilait ko siya. Sa kabila nito'y nahabag sa akin ang Diyos sapagkat hindi ko nalalaman ang aking ginagawa noong ako'y hindi pa sumasampalataya. 14 Pinasagana sa akin ang kagandahang-loob ng ating Panginoon at ipinagkaloob niya sa akin ang pananampalataya at pag-ibig na natatagpuan sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 15 Totoo ang pahayag na ito at dapat paniwalaan ng lahat: Si Cristo Jesus ay dumating sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamasama sa kanila. 16 Ngunit akong pinakamasama ay kinahabagan, upang ipakita ni Cristo Jesus sa pamamagitan ko, ang kanyang lubos na pagtitiyaga, at upang ito'y maging halimbawa sa mga sasampalataya at bibigyan ng buhay na walang hanggan.

17 Purihin natin at luwalhatiin magpakailanman ang iisang Diyos, Haring walang hanggan, walang kamatayan at di-nakikita! Amen.

18 Timoteo, anak ko, ang mga bagay na ito'y itinatagubilin ko sa iyo ayon sa mga pahayag na sinabi tungkol sa iyo upang sa pamamagitan ng mga ito ay makipaglaban kang mabuti, 19 taglay ang matibay na pananampalataya at malinis na budhi. May mga taong hindi sumunod sa kanilang budhi, at dahil dito, ang pananampalataya nila ay natulad sa isang barkong nawasak. 20 Kabilang sa mga iyon sina Himeneo at Alejandro, na ipinaubaya ko na sa kapangyarihan ni Satanas upang turuan silang huwag lumapastangan sa Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.