Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 46

Nagpunta sa Egipto ang Sambahayan ni Jacob

46 Naglakbay nga si Israel, dala ang lahat niyang ari-arian. Pagdating sa Beer-seba, naghandog siya sa Diyos ng kanyang amang si Isaac. Pagsapit ng gabi, tinawag siya ng Diyos sa isang pangitain, “Jacob, Jacob!”

“Narito po ako,” sagot niya.

“Ako ang Diyos, ang Diyos ng iyong ama,” sabi sa kanya. “Huwag kang matakot na pumunta sa Egipto. Doon, ang lahi mo'y magiging isang malaking bansa. Sasamahan ko kayo roon at ibabalik muli rito. Nasa piling mo si Jose kapag ikaw ay namatay.”

Mula sa Beer-seba'y naglakbay si Jacob. Siya, at ang kanyang mga apo at mga manugang ay isinakay ng kanyang mga anak sa mga karwaheng ipinadala ng Faraon. Dinala(A) rin nila sa Egipto ang kanilang mga kawan at kagamitan mula sa Canaan. Kasama nga niya ang kanyang mga anak, mga manugang at mga apo.

Ito ang talaan ng lahi ni Israel na nagpunta sa Egipto—si Jacob at ang kanyang mga anak at mga apo: si Ruben na kanyang panganay at ang mga anak nitong sina Enoc, Fallu, Hezron at Carmi; 10 si Simeon at ang mga anak nitong sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jaquin, Zohar at si Saul na anak ng babaing taga-Canaan. 11 Si Levi at ang mga anak nitong sina Gershon, Coat at Merari; 12 si Juda at ang mga anak nitong sina Sela, Fares at Zara. Si Er at Onan ay namatay sa Canaan. Ang mga anak ni Fares na sina Hezron at Hamul. 13 Si Isacar at ang mga anak nitong sina Tola, Pua, Job at Simron. 14 Si Zebulun at ang mga anak nitong sina Sered, Elon at Jahleel. 15 Ito ang mga anak at apo ni Jacob kay Lea na pawang ipinanganak sa Mesopotamia. Kabilang dito si Dina, ang anak na dalaga ni Jacob. Tatlumpu't tatlo silang lahat.

16 Kasama rin dito si Gad at ang mga anak nito na sina Zifion, Hagui, Suni, Ezbon, Eri, Arodi at Areli; 17 si Asher at ang mga anak nitong sina Jimna, Isua, Isui, Beria at ang babaing kapatid nilang si Sera. Ang mga anak ni Beria ay sina Heber at Malquiel. 18 Ang mga anak at mga apo ni Jacob kay Zilpa, ang aliping ibinigay ni Laban kay Lea, ay labing-anim.

19 Kabilang din sa talaang ito ang mga anak at mga apo ni Jacob kay Raquel: sina Jose at Benjamin; 20 sina(B) Manases at Efraim, mga anak ni Jose kay Asenat na anak ni Potifera na pari sa Heliopolis. Ang dalawang ito'y sa Egipto isinilang. 21 Ang mga anak ni Benjamin ay sina Bela, Bequer, Asbel, Gera, Naaman, Ehi, Ros, Mupim, Hupim at Ard. 22 Labing-apat ang mga anak at mga apo ni Jacob kay Raquel.

23 Kabilang pa rin dito si Dan at ang bugtong niyang anak na si Husim; at 24 si Neftali at ang mga anak nitong sina Jahzeel, Guni, Jeser at Silem. 25 Pito ang mga anak at mga apo ni Jacob kay Bilha, ang aliping ibinigay ni Laban kay Raquel.

26 Animnapu't anim ang mga anak at mga apo ni Jacob na nagpunta sa Egipto. Hindi kabilang dito ang kanyang mga manugang. 27 Dalawa(C) ang naging anak ni Jose sa Egipto, kaya ang kabuuang bilang ng sambahayan ni Jacob na natipon doon ay pitumpu.

Si Jacob at ang Kanyang Sambahayan sa Egipto

28 Si Juda ang isinugo ni Israel kay Jose upang siya'y salubungin. 29 Dali-daling ipinahanda ni Jose ang sasakyan niya at sinalubong ang kanyang ama sa Goshen. Nang sila'y magkita, agad niyang niyakap ang kanyang ama, at matagal na umiyak. 30 Sinabi naman ni Israel, “Ngayo'y handa na akong mamatay sapagkat nakita na kitang buháy.”

31 Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid at sa buong sambahayan ni Jacob, “Ibabalita ko sa Faraon na dumating na kayo buhat sa Canaan. 32 Sasabihin kong kayo'y mga pastol; dala ninyo ang inyong mga kawan, at lahat ninyong ari-arian. 33 Kung ipatawag kayo ng Faraon at tanungin kung ano ang inyong gawain, 34 sabihin ninyong kayo'y nag-aalaga na ng mga baka buhat sa pagkabata, tulad ng inyong mga ninuno. Sa gayon, maaari kayong manirahan sa lupaing ito.” Sinabi niya ito sapagkat ang mga taga-Egipto'y namumuhi sa mga pastol.

Marcos 16

Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus(A)

16 Pagkaraan ng Araw ng Pamamahinga, si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago at si Salome ay bumili ng pabango upang sila ay magpunta sa libingan at lagyan ng pabango ang bangkay ni Jesus. Kinaumagahan ng Linggo, sa pagsikat ng araw, sila'y nagpunta sa libingan. Ngunit sila ay nagtanong sa isa't isa, “Sino kaya ang maaari nating mapakiusapang maggulong ng batong nakatakip sa pintuan ng libingan?” Nasabi nila iyon dahil napakalaki ng bato. Ngunit nang matanaw nila ito, nakita nilang naigulong na ang bato. At pagpasok nila sa libingan, may nakita silang isang binatang nakasuot ng mahaba at maputing damit, at nakaupo sa gawing kanan. At sila'y natakot.

Ngunit sinabi nito sa kanila, “Huwag kayong matakot. Hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Wala na siya rito; siya'y binuhay ng Diyos! Tingnan ninyo ang pinaglagyan sa kanya. Bumalik(B) kayo at sabihin ninyo sa kanyang mga alagad at kay Pedro, ‘Mauuna siya sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon, gaya ng sinabi niya sa inyo.’”

Lumabas sila ng libingan at patakbong umalis na nanginginig at litung-lito. At dahil sa matinding takot, wala silang sinabi kaninuman.

ANG MAHABANG PAGWAWAKAS NG MAGANDANG BALITA AYON KAY MARCOS[a]

Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena(C)

[Maagang-maaga ng unang araw ng linggo, matapos na siya'y muling mabuhay, si Jesus ay unang nagpakita kay Maria Magdalena. Pitong demonyo ang pinalayas ni Jesus mula sa kanya. 10 Nagpunta si Maria Magdalena sa mga tagasunod ni Jesus upang ibalita sa mga ito ang kanyang nakita. Sila noon ay kasalukuyang nagluluksa at umiiyak. 11 Ngunit ayaw nilang maniwala nang sabihin ni Maria na si Jesus ay buháy at nakita niya.

Nagpakita si Jesus sa Dalawang Alagad(D)

12 Pagkatapos, nagpakita rin si Jesus sa dalawang alagad na naglalakad papuntang bukid, subalit iba ang kanyang anyo noon. 13 Bumalik agad sila at ibinalita sa kanilang mga kasamahan ang nangyari, ngunit ayaw din silang paniwalaan ng mga ito.

Pinagalitan ni Jesus ang Labing-isa(E)

14 Pagkatapos, nagpakita si Jesus sa labing-isang alagad habang kumakain ang mga ito. Sila ay pinagalitan niya dahil sa hindi nila pananalig sa kanya at dahil sa katigasan ng kanilang ulo, dahil ayaw nilang maniwala sa mga nakakita sa kanya pagkatapos na siya'y muling mabuhay.

15 At(F) sinabi ni Jesus sa kanila, “Humayo kayo sa buong mundo at ipangaral ang Magandang Balita sa lahat ng tao. 16 Ang sinumang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas, ngunit ang ayaw sumampalataya ay paparusahan. 17 Ang mga sumasampalataya ay bibigyan ng kapangyarihang gumawa ng mga himala: sa pangalan ko'y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng iba't ibang wika. 18 Hindi sila mapapahamak kahit dumampot sila ng ahas o makainom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na papatungan nila ng kamay.”

Ang Pag-akyat kay Jesus sa Langit(G)

19 Pagkatapos(H) niyang magsalita sa kanila, ang Panginoong Jesus ay iniakyat sa langit at umupo sa kanan ng Diyos. 20 Humayo nga at nangaral ang mga alagad sa lahat ng dako. Tinulungan sila ng Panginoon sa gawaing ito. Pinatunayan niyang totoo ang kanilang ipinapangaral sa pamamagitan ng mga himala na ipinagkaloob niya sa kanila.]

ANG MAIKLING PAGWAWAKAS NG MAGANDANG BALITA AYON KAY MARCOS[b]

[Pumunta ang mga babae kay Pedro at sa mga kasama niya, at isinalaysay ang lahat ng sinabi ng binatang nasa libingan. 10 Pagkatapos, isinugo ni Jesus ang kanyang mga alagad upang ipangaral sa lahat ng dako ng daigdig ang banal at di lilipas na balita ng walang hanggang kaligtasan.]

Job 12

Inilahad ni Job ang Kapangyarihan at ang Kaalaman ng Diyos

12 Ang sagot ni Job:

“Walang duda na ikaw ang tinig ng bayan;
    kapag ika'y namatay, karunungan ay kasama mong papanaw.
Kung may pang-unawa ka, ako'y mayroon din,
    di mo masasabing higit ka kaysa akin,
    lahat ng sinabi mo'y nalalaman ko rin.
Pinagtatawanan ako ngayon ng aking mga kaibigan,
    kahit ako ay matuwid at walang kasalanan,
    minsan din nama'y sinagot ng Diyos ang aking kahilingan.
Maginhawa ka ngayon, ngunit ako'y iyong kinukutya,
    hinahampas mo ang isang taong babagsak na sa hina.
Ang mga tulisan at masasamang tao'y panatag ang buhay,
    kahit ang dinidiyos nila ay ang lakas nilang taglay.

“Sa mga hayop at mga ibon ika'y may matututunan, magtanong ka sa kanila, at ikaw ay tuturuan.
    Kausapin mo ang lupa at ikaw ay tuturuan, magpapahayag sa iyo ang mga isda sa karagatan.
Silang lahat ay nakakaalam na ang Diyos ang sa kanila'y lumalang.
10 Ang Diyos ang nagpapagalaw sa lahat ng bagay,
    ang buhay ng bawat isa ay nasa kanyang mga kamay.
11 Nalalasahan ng dila ang mga pagkain,
    naririnig ng tainga ang salitang dumarating.

12 “Ang matatanda ay may taglay na karunungan,
    pinalawak ang unawa sa haba ng karanasan.
13 Ngunit likas sa Diyos ang kaalaman at kapangyarihan,
    taglay niya'y karunungan at katalinuhan.
14 Walang makakapagtayo muli ng kanyang giniba,
    sinumang ikulong niya'y walang makakapagpalaya.
15 Nagkakaroon ng tagtuyot kapag pinigilan niya ang ulan,
    dumarating ang baha kapag tubig ay kanyang pinakawalan.

16 “Makapangyarihan siya at laging nagtatagumpay,
    ang mandaraya at dinadaya ay nasa kanyang mga kamay.
17 Inaalis niya sa mga pinuno ang taglay nilang dunong,
    ginagawa niyang hangal ang mga hukom.
18 Inaalis niya sa mga hari ang pamamahala, at sila'y ginagapos niya ng mga tanikala.
19     Maging mga pari'y kanyang hinihiya, mga nasa kapangyarihan kanyang ibinababâ.
20 Mga pinagkakatiwalaang tao'y kanyang pinatatahimik,
    talino ng matatanda'y kanya ring inaalis.
21 Mga pinuno'y inilalagay niya sa kahihiyan,
    mga namamahala'y inaalisan niya ng kalakasan.
22 Pinakamalalim na hiwaga'y kanyang inihahayag,
    maitim na kadilima'y pinapalitan niya ng liwanag.
23 Mga bansa'y pinapalakas niya't pinapalawak,
    ngunit kanya ring ginagapi at tuloy winawasak.
24 Karunungan ng mga hari'y ginagawang kahangalan,
    sa pagpapasya'y nalilito, di alam ang pupuntahan.
25     Sa dilim sila'y nangangapa, sa paglakad ay naliligaw, animo'y mga lasing, sa daan ay sumusuray.

Roma 16

Mga Pangungumusta

16 Itinatagubilin ko sa inyo ang ating kapatid na si Febe, na isang tagapaglingkod ng iglesya sa Cencrea. Tanggapin ninyo siya alang-alang sa Panginoon, gaya ng nararapat gawin sa mga hinirang ng Diyos. Tulungan ninyo siya sa anumang pangangailangan niya sapagkat marami siyang natulungan, at ako'y isa sa mga iyon.

Ikumusta(A) ninyo ako kina Priscila at Aquila na mga kamanggagawa ko kay Cristo Jesus. Itinaya nila ang kanilang sarili sa panganib upang iligtas ang aking buhay, at hindi lamang ako ang nagpapasalamat sa kanila, pati na rin lahat ng iglesya ng mga Hentil. Ikumusta rin ninyo ako sa iglesyang nagtitipon sa kanilang bahay.

Ipaabot din ninyo ang aking pangungumusta sa mahal kong kaibigang si Epeneto na siyang unang sumampalataya kay Cristo doon sa Asia. Ikumusta ninyo ako kay Maria na matiyagang naglilingkod para sa inyo. Ikumusta ninyo ako sa mga kababayan kong sina Andronico at Junia,[a] na nakasama ko sa bilangguan; sila'y kilala ng mga apostol[b] at naunang naging Cristiano kaysa sa akin.

Ikumusta ninyo ako kay Ampliato na aking minamahal sa Panginoon, kay Urbano, na kamanggagawa natin kay Cristo, at sa mahal kong kaibigang si Estaquis. 10 Ikumusta din ninyo ako kay Apeles na subok ang katapatan kay Cristo, sa pamilya ni Aristobulo, 11 sa kababayan kong si Herodion, at sa mga kapatid sa Panginoon sa sambahayan ni Narciso.

12 Gayundin kina Trifena at Trifosa na mga lingkod ng Panginoon, at sa mahal kong kaibigang si Persida, na marami nang nagawa para sa Panginoon. 13 Binabati(B) ko rin si Rufo na magiting na lingkod ng Panginoon, at ang kanyang ina na para ko na ring ina; 14 gayundin sina Asincrito, Flegonte, Hermes, Patrobas, Hermas, at sa mga kapatid na kasama nila. 15 Binabati ko rin sina Filologo, Julia, Nereo at ang kanyang kapatid na babae; gayundin si Olimpas at ang lahat ng kapatid na kasama nila.

16 Magbatian kayo bilang magkakapatid na nagmamahalan.[c] Binabati kayo ng lahat ng mga iglesya ni Cristo.

Mga Dagdag na Tagubilin

17 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo: mag-ingat kayo sa mga pasimuno ng mga pagkakampi-kampi at sanhi ng pagtalikod dahil sa pagsalungat nila sa aral na tinanggap ninyo. Iwasan ninyo sila. 18 Ang mga taong gayon ay hindi naglilingkod kay Cristo na Panginoon natin, kundi sa pansariling hangarin. Inililigaw nila ang mga may mahinang pag-iisip sa pamamagitan ng kaakit-akit at matatamis na pangungusap. 19 Balitang-balita ang inyong pagkamasunurin kay Cristo, at ikinagagalak ko ito. Ngunit nais kong maging matalino kayo tungkol sa mga bagay na mabuti at walang muwang tungkol sa masama. 20 Ang Diyos ang bukal ng kapayapaan at malapit na niyang pasukuin sa inyo si Satanas.

Sumainyo nawa ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesus.

21 Binabati(C) kayo ni Timoteo na aking kamanggagawa, gayundin ng mga kababayan kong sina Lucio, Jason at Sosipatro.

22 Akong si Tercio, na tagasulat ng liham na ito, ay bumabati sa inyo sa pangalan ng Panginoon.

23 Kinukumusta(D) kayo ni Gaius na tinutuluyan ko; sa bahay niya nagtitipon ang buong iglesya. Kinukumusta rin kayo ni Erasto na ingat-yaman ng lungsod, at ng ating kapatid na si Cuarto. [24 Nawa'y pagpalain kayong lahat ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.][d]

Pangwakas na Pagpupuri

[25 Purihin ang Diyos na makapagpapalakas sa inyo sa pamamagitan ng Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo na ipinapangaral ko. Ang Magandang Balitang iyan ay isang hiwagang naitago sa loob ng mahabang panahon, 26 subalit sa utos ng walang-hanggang Diyos ay nahayag ngayon sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng mga isinulat ng mga propeta, upang ang lahat ay sumunod dahil sa kanilang pananampalataya sa kanya.

27 Sa iisang Diyos, na sa lahat ay ganap ang karunungan—sa kanya iukol ang karangalan magpakailanman sa pamamagitan ni Jesu-Cristo! Amen.][e]

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.