Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Exodo 11:1-12:21

Ipinahayag ni Moises ang Pagkamatay ng mga Panganay

11 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Isa na lamang salot ang ipadadala ko sa Faraon at sa buong Egipto at papayagan na niya kayong umalis. Hindi lamang niya kayo papayagang umalis; ipagtatabuyan pa niya kayo. Sabihin mo sa mga Israelita, babae man o lalaki, na humingi sila ng mga alahas na pilak o ginto sa kanilang mga kapitbahay.” Niloob ni Yahweh na igalang ng mga Egipcio ang mga Israelita. Sa katunayan, si Moises ay dinakila sa buong Egipto, maging ng mga tauhan ng Faraon at ng buong bayan.

Sinabi ni Moises sa Faraon, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Pagdating ng hatinggabi, maglalakad ako sa buong Egipto, at mamamatay ang lahat ng panganay na lalaki, mula sa anak na magmamana ng trono ng Faraon, hanggang sa panganay na anak ng hamak na aliping babae na tagagiling ng trigo; pati panganay ng mga hayop ay mamamatay. Walang maririnig sa buong Egipto kundi ang malakas na panaghoy na hindi pa naririnig at hindi na maririnig kailanman. Ngunit ang mga Israelita, maging ang kanilang mga hayop, ay hindi man lamang tatahulan ng aso upang kilalanin mo na may pagkakaiba ang pagtingin ni Yahweh sa mga Israelita at sa mga Egipcio.’ Lahat ng tauhan mo'y luluhod sa akin at magsasabi: ‘Lumayas na kayo ng mga kababayan mo.’ Pagkatapos nito'y aalis ako.” Pagkasabi nito'y galit na galit na iniwan ni Moises ang Faraon.

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Hindi ka papakinggan ng Faraon kaya't gagawa pa ako ng mga kababalaghan sa Egipto.” 10 Ginawa nina Moises at Aaron ang lahat ng kababalaghang ito, ngunit hindi rin pumayag ang Faraon na umalis ang mga Israelita sa lupain ng Egipto.

Ang Pista ng Paskwa

12 Sinabi(A) ni Yahweh kina Moises at Aaron sa Egipto, “Mula ngayon, ang buwang ito ang siyang magiging unang buwan ng taon para sa inyo. At sabihin ninyo sa buong sambayanan ng Israel na sa ikasampung araw ng buwang ito, bawat pamilya ay pipili ng isang tupa o batang kambing para sa kanila. Kung maliit ang pamilya at hindi makakaubos ng isang buong tupa, magsasalo sila ng malapit na kapitbahay, na hindi rin makakaubos ng isang buo. Ang dami ng magsasalu-salo sa isang tupa ay ibabatay sa dami ng makakain ng bawat isa. Kailangang lalaki ang tupa o ang kambing, isang taóng gulang, walang kapintasan. Aalagaan ito hanggang sa ikalabing apat ng buwan at sa kinagabihan, sabay-sabay na papatayin ng buong bayan ang kani-kanilang inalagaang hayop. Kukuha sila ng dugo nito at ipapahid sa magkabilang poste at itaas ng pintuan ng bahay na kakainan ng kinatay na hayop. Sa gabi ring iyon, lilitsunin ito at kakaining kasama ng tinapay na walang pampaalsa at ng mapapait na gulay. Huwag ninyong kakainin nang hilaw o nilaga ang hayop; kundi lilitsunin ninyo ito nang buo, kasama ang ulo, ang mga pata at ang laman-loob. 10 Huwag kayong magtitira para sa kinabukasan. Kung may matira, kailangang sunugin kinaumagahan. 11 Kapag kakainin na ninyo ito, dapat nakabihis na kayo, nakasandalyas at may hawak na tungkod. Magmadali kayo sa pagkain nito. Ito ang Paskwa ni Yahweh.

12 “Sa gabing iyon, lilibutin ko ang buong Egipto at papatayin ang lahat ng panganay na lalaki, maging tao man o hayop. At paparusahan ko ang lahat ng diyus-diyosan sa Egipto. Ako si Yahweh. 13 Dugo ang magsisilbing palatandaan ng mga bahay na inyong tinitirhan. Lahat ng bahay na makita kong may pahid ng dugo ay lalampasan ko, at walang pinsalang mangyayari sa inyo habang pinaparusahan ko ang buong Egipto. 14 Ang(B) araw na ito'y ipagdiriwang ninyo sa lahat ng inyong salinlahi bilang pista ni Yahweh. Sa pamamagitan nito'y maaalala ninyo ang aking ginawa.

Ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa

15 “Pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw pa lamang, aalisin ninyo sa inyong tahanan ang lahat ng pampaalsa, sapagkat ititiwalag ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa sa loob ng pitong araw na iyon. 16 Sa una at ikapitong araw ay magtitipun-tipon kayo upang sumamba. Sa loob ng dalawang araw na ito ay walang gagawa ng anuman liban sa paghahanda ng pagkain. 17 Ang pagdiriwang ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa ay gaganapin ninyo taun-taon sapagkat sa araw na ito, inilabas ko sa Egipto ang inyong mga lipi. Ito'y gagawin ninyo sa habang panahon ng inyong mga salinlahi. 18 Tinapay na walang pampaalsa ang inyong kakainin simula sa gabi ng ikalabing apat na araw hanggang sa gabi ng ikadalawampu't isa ng unang buwan ng taon. 19 Sa loob ng pitong araw, hindi dapat magkaroon ng pampaalsa sa inyong mga bahay. Ititiwalag sa sambayanan ng Israel ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa, maging siya'y dayuhan o purong Israelita. 20 Saanman kayo naroroon, huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa tuwing ganitong panahon. Ang kakainin ninyo'y tinapay na walang pampaalsa.”

Ang Unang Paskwa

21 Tinawag nga ni Moises ang mga pinuno ng Israel at sinabi sa kanila, “Pumili kayo ng isang tupa para sa inyong sari-sariling pamilya at katayin ninyo ito para sa Paskwa.

Lucas 14

Pinagaling ni Jesus ang Lalaking may Manas

14 Isang Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay inanyayahang kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo, at binabantayan nilang mabuti ang kanyang mga kilos. Lumapit kay Jesus ang isang lalaking may manas. Kaya't tinanong niya ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa Kautusan, “Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling sa Araw ng Pamamahinga o hindi?”

Ngunit hindi sila umimik, kaya't hinawakan ni Jesus ang maysakit, pinagaling ito at saka pinauwi. Pagkatapos(A) ay sinabi niya sa kanila, “Kung ang inyong anak o ang inyong baka ang mahulog sa balon, hindi ba't iaahon ninyo ito kaagad kahit Araw ng Pamamahinga?”

Hindi sila nakasagot sa tanong na ito.

Pagmamataas at Pagpapakumbaba

Napansin ni Jesus na pinipili ng ilang mga panauhin ang mga upuang pandangal. Kaya't sinabi niya ang talinghagang ito sa kanila. “Kapag(B) inanyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang uupo agad sa upuang pandangal. Baka may inanyayahang mas kilala kaysa sa iyo. Baka lapitan ka ng nag-anyaya sa inyong dalawa at sabihin sa iyo, ‘Maaari bang ibigay mo ang upuang iyan sa taong ito?’ Sa gayon, mapapahiya ka at doon ka uupo sa pinakaabang upuan. 10 Mabuti pa, kapag naanyayahan ka, doon ka muna maupo sa pinakaabang upuan. Kapag lumapit sa iyo ang nag-anyaya at kanyang sinabi, ‘Kaibigan, dito ka sa kabisera,’ mapaparangalan ka sa harap ng lahat ng mga panauhin. 11 Sapagkat(C) ang nagmamataas ay ibababa, at ang nagpapakumbaba ay itataas.”

12 Sinabi naman ni Jesus sa nag-anyaya sa kanya, “Kapag naghahanda ka ng isang salu-salo, huwag ang iyong mga kaibigan, mga kapatid, mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang aanyayahan mo, dahil aanyayahan ka rin nila at sa gayon ay susuklian ang iyong ginawa. 13 Subalit kapag ikaw ay maghahanda, anyayahan mo ang mga mahihirap, mga lumpo, mga pilay, at mga bulag. 14 Kapag ganito ang ginawa mo, pagpapalain ka, dahil hindi man nila masuklian ang ginawa mo, ang Diyos ang magbibigay sa iyo ng gantimpala sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.”

Ang Talinghaga ng Malaking Handaan(D)

15 Narinig ito ng isa sa mga kasalo niya roon, at sinabi sa kanya, “Pinagpala ang makakasalo sa hapag sa kaharian ng Diyos!”

16 Sumagot si Jesus, “Isang lalaki ang naghanda ng isang malaking salu-salo, at marami siyang inanyayahan. 17 Nang dumating ang oras ng handaan, inutusan niya ang kanyang alipin at ipinasabi sa mga inanyayahan, ‘Halina kayo, handa na ang lahat!’ 18 Ngunit nagdahilan silang lahat. Ang sabi ng una, ‘Nakabili ako ng bukid at kailangan ko itong puntahan. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.’ 19 Sinabi naman ng isa, ‘Nakabili ako ng limang magkapares na baka at kailangang masubukan ko sa bukid ang mga iyon. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.’ 20 Sinabi naman ng isa, ‘Ako'y bagong kasal, kaya't hindi ako makakadalo.’

21 “Bumalik ang alipin at ibinalita ito sa kanyang panginoon. Nagalit ang panginoon at sinabi sa alipin, ‘Pumunta ka kaagad sa mga lansangan at sa makikipot na daan ng lungsod at isama mo rito ang mga mahihirap, mga lumpo, mga bulag, at mga pilay.’ 22 Pagkatapos sinabi ng alipin, ‘Panginoon, nagawa ko na po ang iniutos ninyo, ngunit marami pang bakanteng upuan.’ 23 Kaya't sinabi ng panginoon sa alipin, ‘Pumunta ka sa mga lansangan at sa mga daan, at pilitin mong pumarito ang sinumang makita mo upang mapuno ang aking bahay. 24 Sinasabi ko sa inyo, isa man sa mga unang inanyayahan ay hindi makakatikim ng aking handa!’”

Ang Pagiging Alagad(E)

25 Sumama kay Jesus ang napakaraming tao; humarap siya sa kanila at kanyang sinabi, 26 “Hindi(F) maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. 27 Ang(G) hindi magpasan ng sarili niyang krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko.

28 “Kung ang isa sa inyo'y nagbabalak na magtayo ng tore, hindi ba siya uupo muna upang magplano at kuwentahin kung magkano ang magagastos niya upang matiyak kung may sapat siyang pera para maipatapos ang kanyang ipapatayo? 29 Baka matapos mailagay ang mga pundasyon ay hindi naman mayari ang tore. Siya'y kukutyain lamang ng lahat ng makakakita niyon. 30 Sasabihin nila, ‘Ang taong ito'y nagsimulang magtayo ngunit hindi naman naipatapos.’

31 “O sinong hari na makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna mauupo upang pag-aralang mabuti kung kaya niya, gamit ang sampung libo niyang kawal, na sumagupa sa kalaban na may dalawampung libong kawal? 32 At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay magsusugo na siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo. 33 Gayundin naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman kung hindi niya tatalikuran ang lahat sa kanyang buhay.

Asin na Walang Alat(H)

34 “Mabuti ang asin, ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? 35 Wala itong kabutihang maibibigay sa lupa, o kahit sa tambakan man ng dumi, kaya't ito'y itinatapon na lamang. Makinig ang may pandinig!”

Job 29

Sinariwa ni Job ang Maliligaya Niyang Araw

29 Muling nagsalita si Job,
“Kung maibabalik ko lang ang mga unang araw
    noong ang Diyos sa akin ay palagi pang nagbabantay;
Nang ang liwanag niya sa akin ay gumagabay,
    sa paglakad ko sa dilim, siya ang aking tanglaw.
Noon, ako ay sagana, maluwag ang pamumuhay,
    kaibigang matalik ang Diyos na buháy, at sa buong pamilya ko, siya ang patnubay.
Noon ay malapit ang Makapangyarihang Diyos sa akin,
    at ang mga anak ko'y lagi sa aking piling.
Masagana ang gatas mula sa aking kawan,
    olibong nagbibigay ng langis, tumutubo kahit sa batuhan.
Kapag pumupunta ako noon sa mga kapulungan,
    at nauupong kasama ng mga pinuno ng bayan,
    kapag ako'y natanaw, mga kabataa'y nagbibigay-daan,
    mga matatanda nama'y tumatayo at nagbibigay-galang.
9-10 Ihihinto ng pinuno, kanilang usapan,
    at mga maharlika'y tatahimik na lamang.

11 “Kapag ako'y nakita at kanilang narinig,
    sila'y sumasang-ayon at sa aki'y pumapanig.
12 Sapagkat tinulungan ko ang dukha sa kanilang pangangailangan,
    dinamayan ko ang mga ulilang wala nang mapuntahan.
13 Pinupuri ako ng mga dumanas ng kasawian,
    natulungang mga biyuda sa tuwa'y nag-aawitan.
14 At ang lagi kong adhikain, katarungan at katuwiran ay siyang pairalin.
15 Para sa mga bulag, ako'y nagsilbing mata;
    at sa mga pilay, ako ang kanilang paa.
16 Nagsilbi akong ama ng mga mahihirap,
    kahit di ko kilala ay aking nililingap.
17 Ang lakas ng masasama, aking sinisira
    ang kanilang mga bihag, sinikap kong mapalaya.

18 “Umaasa ako noong hahaba ang aking buhay,
    at sa aking tahanan payapang mamamatay.
19 Tulad ko noo'y punongkahoy na sa tubig ay sagana,
    at ang mga sanga, sa hamog laging basa.
20 Pinupuri ako ng halos lahat,
    at di nauubos ang aking lakas.
21 Sa mga payo ko sila'y nananabik,
    sa sinasabi ko sila'y nakikinig.
22     Ang sinabi ko'y di na dapat ulitin,
pagkat sa isip agad itong naitatanim.
23     Sa mga sasabihin ko'y lagi silang naghihintay,
    salita ko'y parang ulan sa panahon ng tag-araw.
24 At ang aking mga ngiti sa kanila'y pampalakas-loob,
    sa saya ng aking mukha silang lahat ay nalulugod.
25 Para akong hari na sa hukbo'y nag-uutos,
    at nagbibigay ng aliw kapag sila'y nalulungkot.

1 Corinto 15

Ang Muling Pagkabuhay ni Cristo

15 Mga kapatid, ngayo'y ipinapaalala ko sa inyo ang Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo. Iyan ang Magandang Balitang inyong tinanggap at naging saligan ng inyong pananampalataya. Naliligtas kayo sa pamamagitan nito, kung matatag ninyong pinanghahawakan ang salitang ipinangaral ko sa inyo; maliban na lamang kung walang kabuluhan ang inyong pagsampalataya.

Sapagkat(A) ibinigay ko sa inyo bilang pinakamahalaga sa lahat ang tinanggap ko rin: na si Cristo'y namatay dahil sa ating mga kasalanan, tulad ng sinasabi sa Kasulatan; inilibing(B) siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, tulad din ng sinasabi sa Kasulatan; at(C) siya'y nagpakita kay Pedro, at saka sa Labindalawa. Pagkatapos, nagpakita siya sa mahigit na limandaang kapatid na nagkakatipon. Marami sa kanila'y buháy pa hanggang ngayon, subalit patay na ang ilan. At nagpakita rin siya kay Santiago at pagkatapos ay sa lahat ng mga apostol.

Sa(D) kahuli-huliha'y nagpakita rin siya sa akin, kahit na ako'y tulad ng isang batang ipinanganak nang wala sa panahon. Sapagkat(E) ako ang pinakahamak sa mga apostol; ni hindi nga ako karapat-dapat tawaging isang apostol, sapagkat inusig ko ang iglesya ng Diyos. 10 Ngunit dahil sa kagandahang-loob niya, ako'y naging isang apostol, at hindi naman nawalan ng kabuluhan ang kaloob niyang ito sa akin. Katunayan, nagpagal ako nang higit kaysa sinuman sa kanila, subalit hindi ito dahil sa sarili kong kakayahan kundi dahil sa kagandahang-loob ng Diyos na nasa akin. 11 Kaya't maging ako o sila, ito ang ipinapangaral namin, at ito ang pinaniwalaan ninyo.

Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay

12 Ngayon, kung ipinapangaral naming si Cristo'y muling nabuhay, bakit sinasabi ng ilan sa inyo na hindi bubuhaying muli ang mga patay? 13 Kung totoo iyan, lilitaw na hindi muling binuhay si Cristo. 14 At kung si Cristo'y hindi muling binuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral at walang katuturan ang inyong pananampalataya. 15 Kung ganoon, lilitaw na kami'y mga sinungaling na saksi ng Diyos dahil pinatotohanan namin na muling binuhay ng Diyos si Cristo ngunit hindi naman pala, kung talagang walang muling pagkabuhay ng mga patay. 16 Kung hindi muling binubuhay ang mga patay, hindi rin muling binuhay si Cristo. 17 At kung hindi muling binuhay si Cristo, kayo'y nananatili pa sa inyong mga kasalanan at walang katuturan ang inyong pananampalataya. 18 Hindi lamang iyan, lilitaw pa na ang lahat ng mga namatay na sumampalataya kay Cristo ay napahamak. 19 Kung ang pag-asa natin kay Cristo ay para lamang sa buhay na ito,[a] tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng tao.

20 Ngunit sa katunayan si Cristo'y muling binuhay at ito'y katibayan na muli ngang bubuhayin ang mga patay. 21 Kung paanong dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, gayundin naman, dumating ang muling pagkabuhay sa pamamagitan din ng isang tao. 22 Sapagkat kung paanong namamatay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Adan, gayundin naman, mabubuhay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Cristo. 23 Ngunit ang bawat isa'y may kanya-kanyang takdang panahon. Si Cristo ang pinakauna sa lahat; pagkatapos, ang mga kay Cristo sa panahon ng pagparito niya. 24 At darating ang wakas, kapag naibigay na ni Cristo ang kaharian sa Diyos Ama, pagkatapos niyang malupig ang lahat ng paghahari, pamahalaan at kapangyarihan. 25 Sapagkat(F) si Cristo'y dapat maghari hanggang sa malupig niya at lubusang mapasuko ang kanyang mga kaaway. 26 Ang kahuli-hulihang kaaway na kanyang lulupigin ay ang kamatayan. 27 Ganito(G) ang sinasabi ng kasulatan, “Ang lahat ng bagay ay lubusang ipinailalim ng Diyos sa kanyang kapangyarihan.” Ngunit sa salitang “lahat ng bagay,” maliwanag na hindi kasama rito ang Diyos na siyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo. 28 At kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ng Anak, ipapailalim naman siya sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya. Sa gayon, ang Diyos ay mangingibabaw sa lahat.

29 Kung(H) hindi gayon, ano ang halaga ng pagpapabautismo ng mga tao para sa mga patay? Kung talagang hindi bubuhaying muli ang mga patay, bakit pa nagpapabautismo ang mga tao alang-alang sa kanila? 30 At bakit pa kami nalalagay sa panganib sa lahat ng oras? 31 Walang araw na di ako nabibingit sa kamatayan, [mga kapatid!][b] Sinasabi ko ito sapagkat ikinararangal ko kayo alang-alang kay Cristo Jesus na ating Panginoon! 32 Kung(I) ang pakikipaglaban ko sa mababangis na kaaway[c] sa Efeso ay para sa tao lamang, ano ang mapapala ko? Kung hindi rin lamang bubuhaying muli ang mga patay, mabuti pa'y sundin na lamang natin ang kasabihang ito, “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas tayo'y mamamatay.”

33 Huwag kayong paloloko. “Ang masasamang kasama ay nakakasira ng mabuting pagkatao.” 34 Magpakatino kayo at talikuran ang pagkakasala. Ang iba sa inyo'y hindi kilala ang Diyos. Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo.

Ang Uri ng Katawan sa Muling Pagkabuhay

35 Subalit may magtatanong, “Paano bubuhaying muli ang mga patay? Ano ang magiging uri ng katawan nila?”

36 Hangal! Hindi mabubuhay ang binhing itinatanim hangga't hindi iyon namamatay. 37 At ang itinatanim ay hindi halamang malaki na, kundi binhi, tulad ng butil ng trigo, o ng ibang binhi. 38 Ang Diyos ang nagbibigay ng katawan sa binhing iyon, ayon sa kanyang kagustuhan; bawat binhi'y binigyan niya ng angkop na katawan.

39 At hindi pare-pareho ang laman ng mga nilikhang may buhay; iba ang laman ng tao, iba ang laman ng hayop, iba ang sa mga ibon, at iba ang sa mga isda.

40 May mga katawang panlangit at mayroon namang panlupa; iba ang kagandahang panlupa at iba ang kagandahang panlangit. 41 Iba ang liwanag ng araw, iba naman ang liwanag ng buwan, at iba rin ang ningning ng mga bituin, at maging ang mga bituin ay magkakaiba ang ningning.

42 Ganyan din sa muling pagkabuhay ng mga patay. Ang inilibing ay mabubulok, ngunit hindi mabubulok kailanman ang muling binuhay; 43 walang karangalan at mahina nang ilibing, marangal at malakas sa muling pagkabuhay; 44 inilibing na katawang pisikal, muling mabubuhay bilang katawang espirituwal. Kung may katawang pisikal, mayroon ding katawang espirituwal. 45 Ganito(J) ang sinasabi sa kasulatan, “Ang unang tao, si Adan, ay nilikhang binigyan ng buhay”; ang huling Adan ay espiritung nagbibigay-buhay. 46 Ngunit hindi nauna ang espirituwal; ang pisikal muna bago ang espirituwal. 47 Ang unang Adan ay mula sa lupa, sapagkat nilikha siya mula sa alabok; ang pangalawang Adan ay mula sa langit. 48 Ang katawang panlupa ay katulad ng nagmula sa lupa; ang katawang panlangit ay katulad ng nagmula sa langit. 49 Kung paanong tayo'y naging katulad ng taong nagmula sa lupa, matutulad din tayo sa taong nanggaling sa langit.

50 Ito ang ibig kong sabihin, mga kapatid: ang binubuo ng laman at dugo ay hindi maaaring makabahagi sa kaharian ng Diyos, at ang katawang nasisira ay hindi maaaring magmana ng hindi nasisira.

51 Isang(K) hiwaga ang sinasabi ko sa inyo, hindi lahat tayo'y mamamatay ngunit lahat tayo'y babaguhin, 52 sa isang sandali, sa isang kisap-mata, kasabay ng huling pag-ihip ng trumpeta. Sapagkat sa pagtunog ng trumpeta, ang mga patay ay muling bubuhayin at di na muling mamamatay. Babaguhin tayong lahat. 53 Ang ating katawang nabubulok ay mapapalitan ng hindi nabubulok, at ang katawang namamatay ay mapapalitan ng katawang hindi namamatay. 54 Kapag(L) ang nabubulok ay napalitan na ng di nabubulok, at ang may kamatayan ay napalitan na ng walang kamatayan, matutupad na ang sinasabi sa kasulatan: “Nalupig na ang kamatayan; lubos na ang tagumpay!”

55 “Nasaan,(M) O kamatayan, ang iyong tagumpay?
    Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?”

56 Ang kamandag ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang kapangyarihan ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan.

57 Magpasalamat tayo sa Diyos na nagbibigay sa atin ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo!

58 Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, magpakatatag kayo at huwag matinag. Maging masipag kayo palagi sa paglilingkod sa Panginoon, dahil alam ninyong hindi masasayang ang inyong pagpapagal para sa kanya.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.